Parke
Ang salitang par·desʹ ay tatlong ulit lamang lumilitaw sa Hebreong Kasulatan at itinuturing ng ilan na hinalaw sa salitang Persiano na pairidaeza. (Gayunman, tingnan ang PARAISO.) Ayon sa Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1894, Tomo VII, p. 652), ginamit ni Xenophon ang terminong Persiano upang ipangahulugan ang “isang malawak na lote ng lupa, nakukulong ng matibay na bakod o pader, sagana sa mga punungkahoy, mga palumpong, mga halaman, at magagandang hardin, at kung saan ang piling mga hayop ay inaalagaan nang may iba’t ibang antas ng pagsupil o kalayaan, depende sa kanilang kabangisan o kaamuan.” Ang anyong Griego ng salitang ito (pa·raʹdei·sos) ay ginamit ng mga tagapagsalin ng Septuagint sa lahat ng mga pagtukoy sa hardin ng Eden.
Kabilang sa bantog na mga gawa ni Solomon, gumawa siya kapuwa ng “mga hardin at mga parke [“mga taniman,” KJ; sa Heb., phar·de·simʹ]” na tinamnan niya ng lahat ng uri ng namumungang punungkahoy. (Ec 2:5) Ginagamit niya ang termino ring ito sa kaniyang “kagaling-galingang awit” nang ipalarawan niya sa pastol na mangingibig ang balat ng dalagang Shulamita bilang “isang paraiso ng mga granada, na may pinakapiling mga bunga.” (Sol 1:1; 4:12, 13) Noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, ipinakikita ng Nehemias 2:7, 8 na inatasan ng Persianong hari si Asap bilang “tagapag-ingat ng parke na pag-aari ng hari” at na kinailangang humingi ng pahintulot na pumutol ng mga punungkahoy mula sa parkeng ito para sa gawaing muling pagtatayo sa Jerusalem.—Tingnan ang KAGUBATAN; HARDIN.