Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pintuang-daan

Pintuang-daan

Ang Bibliya ay bumabanggit ng iba’t ibang uri ng pintuang-daan: (1) mga pintuang-daan ng kampo (Exo 32:26, 27), (2) mga pintuang-daan ng lunsod (Jer 37:13), (3) pintuang-daan ng looban ng tabernakulo (Exo 38:18), (4) “mga pintuang-daan ng Kastilyo na bahagi ng bahay” (Ne 2:8), (5) mga pintuang-daan ng templo (Gaw 3:10), at (6) pintuang-daan ng isang bahay (Gaw 12:13, 14).

Pagtatayo. Ang mga lunsod noon ay kadalasang may iilang pintuang-daan lamang hangga’t maaari; ang ilang lunsod ay may isang pintuang-daan lamang, yamang ang mga ito ang mga dako na pinakamadaling mapasok sa kanilang mga kuta. Kung saan may panloob at panlabas na mga pader, siyempre pa, may mga pintuang-daan din sa bawat pader. Ang sinaunang mga pintuang-daan ay hugis-L upang hadlangan ang pagpasok ng kaaway. Nang maglaon, noong pasimulang gamitin ang mga karo (mga ika-18 siglo B.C.E.), ang mga pintuang-daan ng lunsod ay nagkaroon ng deretsong pasukan. Sa ilang mga guho na natuklasan, ang pintuang-daan ng lunsod ay binubuo ng isang pasukan na may parisukat na mga tore sa magkabila at patungo ito sa isang portiko na mga 15 hanggang 20 m (49 hanggang 66 na piye) ang haba. Ang daanan sa portiko ay may sindami ng anim na haligi sa magkabila, anupat nagiging makipot ang pasilyo sa tatlong lugar. Sa ilang kalagayan naman ay maaaring may dalawa o tatlong set ng mga pinto para sa mga pintuang-daang ito na may pasilyo. Ang maliliit na silid sa pader ng portiko ay ginamit bilang mga silid ng bantay. Sa templo sa pangitain ni Ezekiel, ang mga pintuang-daan ay may mga silid ng bantay. (Eze 40:6, 7, 10, 20, 21, 28, 29, 32-36) Ang ilang pintuang-daan ay may bubong sa ibabaw ng portiko, at ang ilan ay may maraming palapag, gaya ng pinatutunayan ng mga hagdan na masusumpungan sa loob.​—Ihambing ang 2Sa 18:24, 33.

May natuklasang sinaunang mga tanggulang lunsod na may maliliit na pintuang-daan sa tagiliran. Kung minsan, ang mga ito ay nasa ibaba ng muralya at naglaan ng madaling daanan para sa mga tumatahan sa lunsod sa panahon ng kapayapaan. Sa panahon ng pagkubkob, lumilitaw na ginamit ito bilang mga pintuang-daan kung saan maaaring lumabas ang mga tagapagtanggol upang sumalakay sa mga mangungubkob at kasabay nito ay tumanggap ng proteksiyon mula sa mga sandata ng kanilang mga kasamahan na nasa ibabaw naman ng mga pader.

Kadalasan, ang mga pinto ng mga pintuang-daan ng isang lunsod ay yari sa kahoy na binalutan ng metal; kung hindi ay madali itong masusunog ng kaaway. Ang ilan ay maaaring yari sa bakal, gaya ng mga pintuang-daan noong mga araw ng mga apostol. (Gaw 12:10) Ang mga pintuang-daan ng Babilonya ay sinasabing may mga pintong tanso at mga halang na bakal. (Isa 45:2; ihambing ang Aw 107:2, 16.) Waring ang ilang pintuang-daan noon ay tinatrangkahan ng mga halang na kahoy. (Na 3:13) Noong mga araw ni Solomon, sa pook ng Argob, sa Basan, ay may “animnapung malalaking lunsod na may pader at halang na tanso.” (1Ha 4:13) Ang ilang bayan sa Sirya ay nasumpungang may pagkalaki-laking mga pintong bato na yari sa isang malapad at makapal na tipak na mga 3 m (10 piye) ang taas, anupat umiikot sa mga paikutan na nasa itaas at ibaba. Ang ginawa ni Samson na pagbuhat sa mga pinto ng pintuang-daan ng Gaza kasama ang dalawang posteng panggilid at halang ng mga iyon at pagdadala sa mga iyon sa taluktok ng “bundok na nasa tapat ng Hebron,” kung isasaalang-alang ang mga salik na ito, ay hindi isang madaling bagay. Sabihin pa, nagawa iyon sa pamamagitan ng nagpapalakas na kapangyarihan ng espiritu ni Jehova.​—Huk 16:3.

Layunin. Ang “mga pintuang-daan” ng isang lunsod ay maaaring tumukoy sa lunsod mismo, yamang ang karamihan sa opisyal na mga gawain ay ginaganap sa mga pintuang-daan at ang mga transaksiyon ay itinatala roon (Deu 16:11, 14, tlb sa Rbi8; Ru 4:10; Aw 87:2; 122:2); at sa kabisera, ang mga aktibidad ay kadalasang isinasagawa sa pintuang-daan ng bakuran ng palasyo. (Es 3:2, 3; 5:9, 13; 6:10, 12) Kapag ang mga pintuang-daan, mga pasukan, ng lunsod ay naging tiwangwang, ang kaluwalhatian ay naglalaho rin. (Isa 3:26; 14:31; Jer 14:2; Pan 1:4) Sa mga pintuang-daan nagbubuhos ng lakas ang mga mangungubkob upang makapasok. Kapag nasa kontrol na nila ang mga ito, mapapasok na nila ang lunsod. Kaya, ang ‘pag-ari sa mga pintuang-daan’ ng lunsod ay nangangahulugan ng pagkuha sa lunsod. (Gen 22:17; 24:60) Nang mapasok ang pader ng Jerusalem, pinangasiwaan ng mga prinsipe ng Babilonyong hari ang higit pa nilang pagsakop sa lunsod mula sa isang posisyon sa isa sa mga pintuang-daan ng lunsod.​—Jer 39:2, 3.

Ang mga pintuang-daan noon ang sentro ng pagtitipon ng publiko at buhay-publiko. Kadalasang naglalaan noon ng malalawak na lugar, gaya ng liwasan sa harap ng Pintuang-daan ng Tubig sa Jerusalem, malapit sa mga pintuang-daan. (Ne 8:1) Ang mga pintuang-daan ang mga sentro ng balitaan ng lunsod hindi lamang dahil sa pagdating ng mga manlalakbay at mga mangangalakal kundi dahil din sa halos lahat ng mga manggagawa, lalo na yaong mga nagtatrabaho sa bukirin, ay labas-pasok sa pintuang-daan araw-araw. Kaya ang pintuang-daan ang lugar upang makipagtagpo sa iba. (Ru 4:1; 2Sa 15:2) Naroon din ang mga pamilihan, anupat ang ilan sa mga pintuang-daan ng Jerusalem ay maliwanag na ipinangalan sa mga ipinagbibili roon (halimbawa, ang Pintuang-daan ng mga Isda).​—Ne 3:3.

Sa mga pintuang-daan ng mga lunsod nauupo ang matatandang lalaki upang humatol. (Deu 16:18; 21:18-20; 22:15; 25:7) Kung minsan, maging ang mga hari ay dumirinig sa mga tao o umuupo roon upang humatol. (2Sa 19:8; 1Ha 22:10; Jer 38:7) Dahil ang mga hukom, ang mga prominenteng lalaki ng lunsod, ang mga mangangalakal, ang mga negosyante, at ang maraming tao ay kadalasang nasa pintuang-daan, malimit na pumaroon ang mga propeta upang gumawa ng mga paghahayag. Ang mga mensaheng sinasalita nila roon ay mas mabilis na lalaganap. (1Ha 22:10; Jer 17:19) Doon din ginagawa ang iba pang mahahalagang patalastas at opisyal na mga paghahayag. (2Cr 32:6-8) Sa liwasan na nasa harap ng Pintuang-daan ng Tubig binasa ni Ezra ang Kautusan. (Ne 8:1-3) Ang karunungan ay inilarawang sumisigaw sa mga pasukan ng mga pintuang-daan upang malaman ng lahat ng nasa lunsod ang payo nito. (Kaw 1:20, 21; 8:1-3) Yamang ang pintuang-daan noon ay isang sentro ng balitaan, ang mabuti o masamang gawa ng mga tumatahan sa lunsod ay magiging hayag doon.​—Kaw 31:31.

Waring isang gawain ng mga pagano ang maghain sa mga pintuang-daan ng lunsod. (Gaw 14:13) Lumaganap sa Juda ang masamang gawaing ito ngunit itinuwid ito ni Haring Josias.​—2Ha 23:8.

Yaong mga nasumpungan ng mga hukom na karapat-dapat sa kamatayan ay dinadala sa labas ng mga pintuang-daan ng lunsod upang patayin. (1Ha 21:10-13; Gaw 7:58) Ang mga bangkay ng mga haing hayop na inihandog para sa pagbabayad-sala sa kasalanan kapag Araw ng Pagbabayad-Sala ay dinadala sa labas ng lunsod at sinusunog. (Lev 16:27, 28) Kaya naman, si Jesu-Kristo, ang handog ukol sa kasalanan para sa pagbabayad-sala ng sangkatauhan, ay pinatay sa labas ng pintuang-daan ng Jerusalem.​—Heb 13:11, 12.

Dahil sa kahalagahan ng pintuang-daan ng lunsod, isang mataas na karangalan ang maupo sa mga pintuang-daan kasama ng matatandang lalaki sa lupain. (Job 29:7; Kaw 31:23) Ang gayong puwesto ay hindi para sa mangmang. (Kaw 24:7) Noong pinag-uusig si David, itinuring niya na isang seryosong bagay ang magtuon ng pansin sa kaniya yaong mga nakaupo sa mga pintuang-daan, lalo na sa isang di-kaayaayang paraan. (Aw 69:12) Ang ‘paniniil sa pintuang-daan sa isang napipighati’ ay tumutukoy sa katiwalian sa paghatol, yamang doon inaasikaso ang mga usapin sa batas. (Job 5:4; Kaw 22:22; Am 5:12) Ang ‘mapoot sa sumasaway sa pintuang-daan’ ay nangangahulugan na kapootan ang hukom na nagtuwid o humatol sa isa. (Am 5:10) Ang mga “nag-uumang ng pain para sa isa na sumasaway sa pintuang-daan” ay yaong mga tao na sa pamamagitan ng panunuhol o ng iba pang panggigipit ay nagpapangyari sa mga hukom na baluktutin ang kahatulan o yaong nagsisikap na sumilo ng isang propeta na maaaring tatayo sa pintuang-daan upang sawayin sila.​—Isa 29:19-21.

Mga Pintuang-daan ng Kampo sa Ilang. Ang ‘mga pintuang-daan’ ng kampo ng Israel ay ang mga daang mapapasukan. Walang alinlangang nababantayang mabuti ang mga iyon. Ang tabernakulo ay nasa gitna ng kampo, anupat ang mga Levita ay nagkakampo malapit dito; at ang 12 tribo, tatlo sa bawat panig, ay mas malayo naman dito. Ang kaayusang ito ay naglaan ng sapat na proteksiyon para sa kampo.​—Exo 32:26, 27; Bil 3; tingnan ang BANTAY NG PINTUANG-DAAN.

Mga Pintuang-daan ng Jerusalem. Kung tungkol sa mga pintuang-daan ng Jerusalem, makabubuting alalahanin na, mula nang ito ay mabihag ni David, ang lunsod ay sumulong at lumawak, anupat may ilang pader o karagdagang mga bahagi ng pader ang itinayo. Pagtuunan natin ng pansin ang mga pintuang-daan na binanggit sa aklat ni Nehemias, na nagbibigay ng pinakakumpletong paglalarawan o talaan. Ang mga pintuang-daan na binanggit sa rekord ni Nehemias ay mga pintuang-daan na dati nang nasa pader na itinayo bago pa ang ikawalong siglo B.C.E. at nasa pader na nakapalibot sa “ikalawang purok.” (2Ha 22:14; 2Cr 34:22; Zef 1:10) Ang “ikalawang purok” ay isang hilagaang bahagi ng lunsod na kahangga ng pader ni Hezekias sa K at ng bahagi ng H (2Cr 32:5) at karugtong ng pader ni Manases, na tuluy-tuloy hanggang sa HS at S. (2Cr 33:14) Ito ay nasa H ng mas naunang lunsod at pader, ngunit lumilitaw na hindi ito sumaklaw hanggang sa K gaya ng naunang pader.

Pader ni Nehemias. Sa ulat ni Nehemias tungkol sa muling pagtatayo ng pader ng lunsod (Ne 3), nagsimula siya sa Pintuang-daan ng mga Tupa at nagpatuloy nang pakaliwa. Susundan natin ang pamamaraang ito sa talaan natin sa ibaba, anupat isisingit natin ang mga pintuang-daan na hindi binanggit sa ulat ng muling pagtatayo ngunit binanggit sa paglalarawan ng prusisyon ng pagpapasinaya (Ne 12), pati ang mga pintuang-daan na binanggit sa ibang teksto, ang ilan sa mga iyon ay ibang pangalan lamang ng mga pintuang-daan na nasa rekord ni Nehemias.

Pintuang-daan ng mga Tupa. Ang Pintuang-daan ng mga Tupa ay muling itinayo ni Eliasib na mataas na saserdote at ng mga kasamang saserdote. (Ne 3:1, 32; 12:39) Ipinahihiwatig nito na malapit ito sa lugar ng templo. Malamang na ito ay nasa pader ng ikalawang purok, ang bahaging itinayo ni Manases (tingnan ang “Pintuang-daan ng mga Isda”), sa HS sulok ng lunsod o malapit doon. Maaaring ganito ang ipinangalan sa pintuang-daang ito dahil dito idinaraan ang mga tupa at mga kambing para sa paghahain o marahil ay ipinangalan ito sa isang kalapit na pamilihan. Malamang na ang “pintuang-daan ng mga tupa” na binanggit sa Juan 5:2 ay ang Pintuang-daan ng mga Tupa na ito o isang pintuang-daan noong dakong huli na katumbas nito, sapagkat iyon ay nasa kapaligiran ding ito, malapit sa tipunang-tubig ng Betzata.

Pintuang-daan ng mga Isda. Lumilitaw na nagtayo si Hezekias ng isang bahagi ng pader sa palibot ng ikalawang purok hanggang sa Pintuang-daan ng mga Isda. (2Cr 32:5; 33:14) Sa mga ulat ni Nehemias tungkol sa muling pagtatayo at sa prusisyon, ang Pintuang-daan ng mga Isda ay nasa K ng Pintuang-daan ng mga Tupa, marahil ay malapit sa H dulo ng Libis Tyropoeon. (Ne 3:3; 12:39) Binabanggit ito kasama ng ikalawang purok sa Zefanias 1:10. Maaaring ito ang ipinangalan sa pintuang-daang ito dahil malapit ito sa pamilihan ng mga isda kung saan nagbibili ng mga isda ang mga taga-Tiro.​—Ne 13:16.

Pintuang-daan ng Matandang Lunsod. Ang Pintuang-daan ng Matandang Lunsod ay nasa HK panig ng lunsod sa pagitan ng Pintuang-daan ng mga Isda at ng Pintuang-daan ng Efraim. (Ne 3:6; 12:39) Sa Hebreo, ang pintuang-daang ito ay tinatawag lamang na “Pintuang-daan ng Matanda,” anupat ang salitang “lunsod” ay idinagdag lamang ng ilang tagapagsalin. Iminumungkahi na ang pangalang ito ay hinalaw sa pagiging pangunahing H pasukan nito patungo sa matandang lunsod. Maaaring ito ay nasa pinagsasalubungan ng Malapad na Pader (na naging H hangganan ng matandang lunsod) at ng T na dulo ng K pader ng ikalawang purok. Iniisip ng ilan na ito rin ang “Unang Pintuang-daan” na binanggit ni Zacarias. Waring ang tinutukoy niya ay ang S-K hanggahan ng lunsod nang sabihin niyang “mula sa [1] Pintuang-daan ng Benjamin hanggang sa dako ng [2] Unang Pintuang-daan, hanggang sa [3] Panulukang Pintuang-daan,” at ang H-T na hanggahan naman nang sabihin niyang “mula sa Tore ng Hananel hanggang sa mga pisaang tangke ng hari.” (Zac 14:10) Iniuugnay naman ng iba ang Pintuang-daan ng Matandang Lunsod sa “Gitnang Pintuang-daan” na binanggit sa Jeremias 39:3. Tinatawag naman ng iba ang Pintuang-daan ng Matandang Lunsod na ito na “Pintuang-daan ng Mishneh” at ipinapalagay na ito ay nasa K pader ng ikalawang purok.

Pintuang-daan ng Efraim. Ang Pintuang-daan ng Efraim ay nasa Malapad na Pader na 400 siko (178 m; 583 piye) sa S ng Panulukang Pintuang-daan. (2Ha 14:13; 2Cr 25:23) Ito ay isang labasan sa H sa direksiyon ng teritoryo ng Efraim. Ito rin ay iniuugnay ng ilang mananaliksik sa Gitnang Pintuang-daan (Jer 39:3), ang iba naman ay sa Unang Pintuang-daan. (Zac 14:10) Ipinapalagay na ito ang (o katumbas ng) Gennath o Pintuang-daan ng Hardin na binanggit ng Judiong istoryador na si Josephus. (The Jewish War, V, 146 [iv, 2]) Malapit sa Pintuang-daan ng Efraim ay may liwasan kung saan gumawa ng mga kubol ang bayan upang ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol noong panahon ni Nehemias. (Ne 8:16) Ang pintuang-daang ito ay hindi binanggit sa teksto ni Nehemias tungkol sa muling pagtatayo, maliwanag na dahil hindi ito nangailangan ng malaking pagkukumpuni.

Panulukang Pintuang-daan. Maliwanag na ang pader na ito ay nasa HK sulok ng pader ng lunsod, sa K ng Pintuang-daan ng Efraim. (2Ha 14:13; 2Cr 25:23) Ito ay nasa S panig ng Libis ng Hinom, lumilitaw na nasa K pader ng matandang lunsod sa dako kung saan dumurugtong ito sa Malapad na Pader. Nagtayo si Uzias ng isang tore sa tabi ng pintuang-daang ito; hindi sinasabi kung ito rin ang Tore ng mga Lutuang Pugon. (2Cr 26:9) Waring kapuwa tinutukoy ni Jeremias at ni Zacarias ang Panulukang Pintuang-daan bilang nasa kanluraning gilid ng lunsod.​—Jer 31:38; Zac 14:10.

Wala nang iba pang pintuang-daan ang inilarawan na nasa K pader mula sa Panulukang Pintuang-daan hanggang sa Pintuang-daan ng Libis sa TK pader, walang alinlangang ito ay dahil sa matarik na dalisdis ng Libis ng Hinom, anupat di-praktikal na maglagay ng iba pang pintuang-daan doon. Ang Panulukang Pintuang-daan ay hindi lumilitaw sa mga ulat ni Nehemias; maaaring ang dahilan din ay sapagkat hindi ito nangailangan ng malaking pagkukumpuni. Binabanggit ng ulat ang tungkol sa pagkukumpuni ng Tore ng mga Lutuang Pugon, na waring isang bahagi ng Panulukang Pintuang-daan o malapit doon.​—Ne 3:11.

Pintuang-daan ng Libis. Sa TK bahagi ng pader ng lunsod, ang Pintuang-daan ng Libis ay patungo sa Libis ng Hinom. Ang “pintuang-daan ng mga Essene” na binanggit ni Josephus ay maaaring narito o kalapit nito. (The Jewish War, V, 145 [iv, 2]) Sa programa ni Uzias ng pagpapatibay ng lunsod, nagtayo siya ng isang tore sa tabi ng pintuang-daang ito. (2Cr 26:9) Lumabas si Nehemias mula sa Pintuang-daan ng Libis nang siyasatin niya ang sirang pader, anupat pasilangan siyang tumungo sa Libis ng Hinom sakay ng alagang hayop at pagkatapos ay umahon patungong Libis ng Kidron, nang bandang huli ay muli siyang pumasok sa lunsod na dumaraan sa pintuang-daan ding iyon. (Ne 2:13-15) Bagaman hindi binanggit, lumilitaw na ang Pintuang-daan ng Libis ang dako kung saan nagsimula ang prusisyon ng pagpapasinaya, anupat isang grupo ang nagmartsa pakaliwa sa palibot ng mga pader na dumaraan sa Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo at ang isa naman ay pakanan na dumaraan sa Panulukang Pintuang-daan at sa Tore ng mga Lutuang Pugon.​—Ne 12:31-40.

Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo. Ang pintuang-daang ito ay kilala rin bilang ang Pintuang-daan ng mga Basag na Palayok at tinatawag na Pintuang-daan ng Dumi sa maraming Bibliya, batay sa Griegong Septuagint at Latin na Vulgate. (Ne 2:13; 12:31; Jer 19:2) Waring ipinahihiwatig ng paglalarawan ni Nehemias na ito ay 1,000 siko (445 m; 1,458 piye) sa S ng Pintuang-daan ng Libis. (Ne 3:13, 14) Ito ay nasa TS panulukan ng pader ng lunsod at patungo sa Libis ng Hinom malapit sa kung saan ito sumasanib sa Libis ng Tyropoeon. Mula sa pintuang-daang ito ay narating ang Topet sa Libis ng Hinom niyaong mga idolatrosong nagsusunog ng kanilang mga anak sa apoy kay Baal. (Jer 19:1-6) Ito rin ang pintuang-daan kung saan dumaan si Jeremias at ang ilan sa matatandang lalaki at mga saserdote ng Israel at naghayag siya ng kapahamakan sa Jerusalem, anupat binasag niya ang isang luwad na prasko upang ilarawan ang pagbasag ng Diyos sa bayan dahil sa kanilang paglilingkod sa ibang mga diyos.​—Jer 19:1-3, 10, 11.

Ang pangalang “Pintuang-daan ng mga Basag na Palayok” ay maaaring ibinigay dahil sa mga bibinga ng mga kagamitang luwad na itinatapon malapit doon bilang basura, o dahil dinudurog doon ang mga bibinga ng mga kagamitang luwad, anupat ang pulbos mula roon ay ginagamit upang gumawa ng semento para sa pagpapalitada ng mga imbakang-tubig (gaya ng ginawa nitong kalilipas na mga panahon lamang malapit sa isang tipunang-tubig sa TK panulukan ng lunsod). Gayundin, maaaring nagkaroon ng industriya ng pagpapalayok malapit sa pintuang-daang ito, sapagkat noon ay may luwad sa kalapit na Libis ng Hinom at may suplay rin ng tubig sa bukana ng Libis ng Tyropoeon at sa bukal na tinatawag na En-rogel. (Ihambing ang Jer 18:2; 19:1, 2.) Mula noong ikaapat na siglo C.E., ang “parang ng magpapalayok” (Mat 27:7, 8) ay karaniwan nang itinuturing na nasa T na panig ng Libis ng Hinom.

Pintuang-daan ng Bukal. Ang pintuang-daang ito ay tinawag nang gayon sapagkat ito ay isang daan na patungo sa isang kalapit na bukal, marahil ang En-rogel, na nasa ibaba ng pinagsasalubungan ng Libis ng Kidron at ng Libis ng Hinom. Malamang na ang pintuang-daang ito ay nasa T na dulo ng S burol ng lunsod (samakatuwid nga, sa timugang dulo ng “Lunsod ni David”). (Ne 2:14; 3:15; 12:37) Ang Pintuang-daan ng Bukal ay isang kumbinyenteng labasan patungong En-rogel para sa mga naninirahan sa Lunsod ni David, samantalang ang Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo, di-kalayuan sa dakong TK, ay palabas din tungo sa En-rogel at malamang na mas mabuting labasan para sa mga tumatahan sa Libis ng Tyropoeon at sa TK burol ng lunsod.

Pintuang-daan ng Tubig. Maaaring ang pangalan ng pintuang-daang ito ay hinalaw sa pagiging malapit nito sa o dahil ito ang daanan patungo sa bukal ng Gihon na nasa kalagitnaan paahon sa S panig ng lunsod. Ang pintuang-daang ito ay malapit sa Opel, di-kalayuan sa lugar ng templo. (Ne 3:26) Sa Pintuang-daan ng Tubig lumisan mula sa pader ang isa sa mga grupo ng prusisyon ng pagpapasinaya, anupat mula roon ay tumungo sila sa templo, kung saan sila nagtipon kasama ng isa pang grupo, lumilitaw na hindi nila binagtas ang bahagi ng pader ng lunsod sa dakong S ng templo. (Ne 12:37-40) May liwasan sa harap ng pintuang-daang ito kung saan nagtipon ang buong bayan upang pakinggan ang pagbasa ni Ezra ng Kautusan at kung saan sila nagtayo ng mga kubol pagkatapos nito upang ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol.​—Ne 8:1-3, 16.

Pintuang-daan ng mga Kabayo. Ang pagkukumpuni sa ibabaw ng Pintuang-daan ng mga Kabayo ay ginawa ng mga saserdote, na nagpapahiwatig na ang lokasyon nito ay malapit sa templo. (Ne 3:28) Ipinapalagay ng ilan na ang Pintuang-daan ng mga Kabayo ang naglalaan ng komunikasyon sa pagitan ng dalawang bahagi ng purok ng templo at palasyo. Ito ang naging konklusyon nila mula sa ulat ng pagpatay kay Athalia, na nagsasabi na, nang dalhin siya ng mga kawal sa labas ng templo, “dumating siya sa pasukan ng pintuang-daan ng kabayo sa bahay ng hari.” (2Cr 23:15; 2Ha 11:16) Gayunman, malamang na ito ay isang pasukan na patungo lamang sa bakuran ng maharlikang palasyo at hindi ang Pintuang-daan ng mga Kabayo kung saan labas-pasok sa lunsod ang mga kabayo. Tiyakang isinama ni Nehemias ang Pintuang-daan ng mga Kabayo sa kaniyang paglalarawan sa muling pagtatayo, anupat ipinahihiwatig na ito ay isang pintuang-daan sa pader ng lunsod. Malamang na ito ay nasa TS ng lugar ng templo. (Ne 3:28; Jer 31:40) Ang Pintuang-daan ng mga Kabayo ay hindi isinama sa ulat ng prusisyon ng pagpapasinaya, maliwanag na dahil ang isang grupo ng prusisyon ay lumisan mula sa Pintuang-daan ng Tubig at ang isa naman ay mula sa Pintuang-daan ng Bantay at hindi lumakad sa ibabaw ng seksiyon ng pader sa S ng templo, kung saan naroroon ang Pintuang-daan ng mga Kabayo at ang Pintuang-daan ng Pagsisiyasat.​—Ne 12:37-40.

Pintuang-daan ng Pagsisiyasat. Tinatawag ng ilan ang Pintuang-daan ng Pagsisiyasat (sa Heb., ham·miph·qadhʹ) na Pintuang-daan ng Pagpipisan. (Ne 3:31, RS; Ro) Sa Ezekiel 43:21, ang miph·qadhʹ (ang salitang Hebreo ring ito na walang pantukoy na ha) ay isinasaling “takdang dako.” Ipinapalagay ng ilan na ito rin ang Pintuang-daan ng Bantay. Waring ang pagkakabanggit nito ni Nehemias sa kaniyang ulat ng muling pagtatayo ay sumusuporta sa ideya na ito ay isang pintuang-daan sa S pader ng lunsod sa harap ng lugar ng templo at nasa H ng Pintuang-daan ng mga Kabayo. (Ne 3:27-31) Ang pananalita ni Nehemias na may isang panulukan sa pader lampas pa sa Pintuang-daan ng Pagsisiyasat ay mangangahulugan na ang pintuang-daang ito ay nasa S pader, sa T kung saan nakaharap ang pader (malamang na sa direksiyon ng hilagang-kanluran).

Binabanggit ng ulat na ang gawaing pagkukumpuni ay ginawa “sa harap ng Pintuang-daan ng Pagsisiyasat.” Ipinapalagay ng ilan na ito ay tumutukoy sa gawaing pagkukumpuni sa pader ng templo sa harap ng pintuang-daan ng templo na may ganitong pangalan. Waring hindi ito ang tamang pangmalas, yamang ang gayunding pananalita ay ginagamit may kinalaman sa Pintuang-daan ng Tubig, na kinikilalang isang pintuang-daan na nasa pader ng templo. (Ne 3:26, 31) Ang Pintuang-daan ng Pagsisiyasat ay hindi binanggit sa ulat ng prusisyon, maliwanag na dahil hindi binagtas ng mga nagmamartsa ang pader na nasa S ng templo.

Pintuang-daan ng Bantay. Mula sa pintuang-daang ito (tinatawag na “pintuang-daan ng bilangguan,” KJ) ay lumisan sa pader ang isang bahagi ng prusisyon ng pagpapasinaya at tumuloy sa templo.​—Ne 12:39, 40.

Gitnang Pintuang-daan. Nang mabutasan ng mga Babilonyo ang pader ng Jerusalem, ang kanilang mga opisyal ng militar ay umupo sa Gitnang Pintuang-daan. (Jer 39:3) Malamang na ito rin ang Pintuang-daan ng Matandang Lunsod, yamang ang pintuang-daang ito, nasa pinagsasalubungan ng Malapad na Pader, ng H pader ng matandang lunsod, at ng K pader ng ikalawang purok, ay nasa gitna o mataas na posisyon. Gayunman, nagkakaiba-iba ang mga opinyon, at ang ilan ay pumapabor na iugnay ito sa Pintuang-daan ng Efraim o sa Pintuang-daan ng mga Isda.

Pintuang-daan ng Benjamin. Iniuugnay ng ilan ang Pintuang-daan ng Benjamin sa Pintuang-daan ng mga Tupa. Ang lokasyong ito ay tutugma sa mga kalagayan nang tangkain ni Jeremias na lumabas patungo sa teritoryo ng Benjamin, maliwanag na patungong Anatot, na nasa HS ng Jerusalem. (Jer 37:11-13) Nakaupo si Zedekias sa Pintuang-daan ng Benjamin nang lapitan siya ni Ebed-melec at nakiusap alang-alang kay Jeremias. (Jer 38:7, 8) Makatuwiran lamang na ang hari ay naroon malapit sa dako na lubhang nanganganib noong panahon ng pagkubkob ng Babilonya. Ang Pintuang-daan ng mga Tupa sa H ng lunsod ang magiging pinakananganganib sa pagsalakay ng mga Babilonyo. Gayunman, naniniwala ang ilan na ang Pintuang-daan ng Benjamin ay ang Pintuang-daan ng Pagsisiyasat.

Iba pang mga pintuang-daan na binanggit. Nang tumakas si Haring Zedekias mula sa mga Babilonyo, lumabas siya “sa daan ng pintuang-daan sa pagitan ng doblihang pader na nasa tabi ng hardin ng hari.” (Jer 52:7, 8; 39:4) Talagang hindi matiyak ang pagkakakilanlan ng “doblihang pader.” Gayunman, ayon sa nalalaman sa kasalukuyan, alinman sa Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo o sa Pintuang-daan ng Bukal ay maaaring tumugma sa mga kalagayang inilarawan sa Kasulatan, yamang ang dalawang ito ay malapit sa hardin ng hari.​—2Ha 25:4, 5.

Tinukoy sa 2 Hari 23:8 ang “matataas na dako ng mga pintuang-daan na nasa pasukan ng pintuang-daan ni Josue, ang pinuno ng lunsod, na nasa kaliwa kapag ang isang tao ay pumapasok sa pintuang-daan ng lunsod.” Dito, ang “pintuang-daan ni Josue” ay hindi pangalan ng isang pintuang-daan ng lunsod kundi maliwanag na isang pintuang-daan na nasa loob ng mga pader ng lunsod at patungo sa tahanan ng gobernador, anupat nasa kaliwa kapag ang isang tao ay pumapasok sa pintuang-daan ng lunsod.

Mga Pintuang-daan ng Templo. Silangang Pintuang-daan. Binabanggit sa atin ng ulat ni Nehemias tungkol sa muling pagtatayo na ang tagapag-ingat ng Silangang Pintuang-daan ay nakibahagi sa gawaing pagkukumpuni. (Ne 3:29) Kaya ang Silangang Pintuang-daan ay hindi tinutukoy bilang isang pintuang-daan sa pader ng Jerusalem, gaya ng iniisip ng ilan. Maaaring ang Silangang Pintuang-daan ay humigit-kumulang kahanay ng Pintuang-daan ng Pagsisiyasat sa pader ng lunsod. Maliwanag na ang pintuang-daang ito ang binabanggit sa 1 Cronica 9:18 bilang ‘pintuang-daan ng hari sa dakong silangan,’ yamang ito ang pintuang-daan kung saan pumapasok o lumalabas ang hari mula sa templo.

Pintuang-daan ng Pundasyon. Isang pintuang-daan ng templo, hindi tiyak kung saan ang lokasyon nito.​—2Ha 11:6; 2Cr 23:5.

“Mataas na pintuang-daan ng bahay ni Jehova.” Maaaring ito ay isang pintuang-daan na patungo sa pinakaloob na looban, posibleng ang “bagong pintuang-daan ni Jehova,” kung saan nilitis si Jeremias; gayundin kung saan binasa ng kalihim ni Jeremias na si Baruc ang balumbon sa harap ng bayan. (Jer 26:10; 36:10) Maaaring tinawag ito ni Jeremias na “bagong pintuang-daan” dahil hindi pa ito kasintanda ng iba; posibleng ito ang “mataas na pintuang-daan ng bahay ni Jehova” na itinayo ni Haring Jotam.​—2Ha 15:32, 35; 2Cr 27:3.

“Mataas na Pintuang-daan ng Benjamin, na nasa bahay ni Jehova.” Malamang na isang pintuang-daan na patungo sa pinakaloob na looban, sa H panig ng templo.​—Jer 20:2; ihambing ang Eze 8:3; 9:2.

Magandang Pintuang-daan. Isang pintuan ng templo na muling itinayo ni Herodes na Dakila, dito pinagaling ni Pedro ang isang lalaking pilay mula pa sa bahay-bata ng kaniyang ina. (Gaw 3:1-10) Iniuugnay ng isang tradisyon ang pintuang-daang ito sa umiiral na Ginintuang Pintuang-daan sa pader ng lunsod, ngunit maaaring ang Magandang Pintuang-daan ay isang pinakaloob na pintuang-daan ng lugar ng templo, posibleng katumbas ng sinaunang “Silangang Pintuang-daan.” Sinasabi ng ilan na maaaring ito ay isa sa mga pintuang-daan sa S ng gusali mismo ng templo, anupat patungo sa Looban ng mga Babae, isang pintuang-daan na inilarawan ni Josephus bilang 50 siko (22 m; 73 piye) ang taas at may mga pinto na yari sa tanso ng Corinto.

Ang iba pang mga pintuang-daan na binanggit ay ang “pintuang-daan sa likuran ng mga mananakbo” at ang “pintuang-daan ng mga mananakbo.” Ang mga ito ay mga pintuang-daan ng templo, hindi tiyak kung saan ang lokasyon ng mga ito.​—2Ha 11:6, 19.

Nang tinutukoy ang templo na muling itinayo ni Haring Herodes na Dakila, ang Judiong Mishnah (Middot 1:3) ay bumabanggit lamang ng limang pintuang-daan patungo sa Temple Mount, samakatuwid nga, sa pader na nakapalibot sa buong liwasan ng lugar ng templo. Ang mga ito ay: ang dalawang Pintuang-daan ng Hulda sa T, ang Pintuang-daan ng Kiponus sa K, ang Pintuang-daan ng Tadi (Todi) sa H, at ang Silanganing Pintuang-daan, na dito ay nakalarawan ang Palasyo ng Susan. Sa kabilang dako, si Josephus ay bumabanggit ng apat na pintuang-daan sa K. (Jewish Antiquities, XV, 410 [xi, 5]) Sa ngayon, ang apat na pintuang-daang ito ay natukoy na ng arkeolohikal na pagsusuri. Mula sa T hanggang sa H, ang mga ito ay: ang pintuang-daan na patungo sa ibabaw ng Robinson’s Arch hanggang sa mga hagdan na pababa sa Libis ng Tyropoeon; ang Barclay Gate na kapantay ng lansangan; ang pintuang-daan na patungo sa ibabaw ng Wilson’s Arch, sumusuhay sa isang tulay sa ibabaw ng Libis ng Tyropoeon; at ang Warren Gate, kapantay rin ng lansangan. Maiuugnay ang Pintuang-daan ng Kiponus alinman sa Barclay Gate o sa pintuang-daan sa ibabaw ng Wilson’s Arch.

Isinasaad pa ng Mishnah na may pitong pintuang-daan noon patungo sa looban na nakapalibot sa templo.​—Middot 1:4; tingnan ang TEMPLO.

Makasagisag na mga Paggamit. Ang “mga pintuang-daan ng katuwiran” at ang “pintuang-daan ni Jehova,” kung saan pumapasok ang mga matuwid, ay binabanggit sa Awit 118:19, 20.​—Ihambing ang Mat 7:13, 14.

Kapag namatay ang isang tao, sinasabing siya ay pumasok sa “mga pintuang-daan ng kamatayan.” (Aw 9:13; 107:18) Siya ay napasa karaniwang libingan ng sangkatauhan kung kaya masasabing pumasok siya sa mga pintuang-daan ng Sheol-Hades. (Isa 38:10; Mat 16:18) Yamang nasa kay Jesu-Kristo ang mga susi ng kamatayan at ng Hades (Apo 1:18), taglay ng kaniyang kongregasyon ang katiyakan na hindi sila aalipinin ng kamatayan at Hades magpakailanman. Ipinakita ng apostol na si Pablo na ang lahat ng mga ito ay mamamatay, paroroon sa kamatayan at Hades, gaya ni Kristo na kinalagan ng Diyos mula sa mga hapdi ng kamatayan at hindi iniwan sa Hades. (Gaw 2:24, 31) Dahil sa pagkabuhay-muli, ang kamatayan at Hades ay hindi lubusang magtatagumpay laban sa kongregasyon ni Kristo.​—1Co 15:29, 36-38, 54-57.

Dahil muling itatatag ng bayan ng Diyos ang dalisay na pagsamba sa Sion kapag isinauli sila roon, ang kaniyang mga pintuang-daan ay tatawaging Kapurihan. Ang mga pintuang-daan ng Sion ay pananatilihing bukás upang ipasok ang yaman ng mga bansa, anupat hindi natatakot na mapapasailalim ng kontrol ng kaaway.​—Isa 60:11, 18.

Si Ezekiel ay binigyan ng isang pangitain ng isang lunsod na tatawaging “Si Jehova Mismo ay Naroroon,” anupat may 12 pintuang-daan na pinangalanan ayon sa 12 tribo ng Israel. (Eze 48:30-35) Nag-uulat din siya ng isang detalyadong pangitain ng isang templo pati ang iba’t ibang pintuang-daan nito.​—Eze 40-44.

Ang banal na lunsod na “Bagong Jerusalem” ay inilalarawan na may 12 pintuang-daan na perlas, anupat may isang anghel na nakatalaga sa bawat pintuang-daan, maliwanag na bilang bantay. Ang mga pintuang-daang ito ay nananatiling bukás, sapagkat hindi umiiral ang gabi upang kailanganing isara ang mga ito. Ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa ay dadalhin sa loob na idinaraan sa mga pintuang-daan ng lunsod. Bagaman bukás, hindi makapapasok dito ang sinumang nagsasagawa ng kabalakyutan, karumihan, o kasuklam-suklam na mga bagay. Yaon lamang nananatiling malinis bilang mga nananaig, yaong magiging mga hari at mga saserdote kasama ni Kristo, ang makapapasok at makadaraan sa tagapaglingkod na mga anghel. (Apo 21:2, 12, 21-27; 22:14, 15; 2:7; 20:4, 6) Ang mga tao ng mga bansa sa lupa na lumalakad sa liwanag ng lunsod ay pagpapalain.

[Mapa sa pahina 927]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MGA PINTUANG-DAAN ng JERUSALEM

Ang mga numero ay tumutukoy sa kasalukuyang taas ayon sa metro

Pader ni Hezekias

PINTUANG-DAAN NG MGA ISDA 740

IKALAWANG PUROK

PINTUANG-DAAN NG MATANDANG LUNSOD

Naunang Pader sa Hilaga

Pader ni Manases

Tore ng Hananel

Kastilyo

Tore ng Mea

PINTUANG-DAAN NG MGA TUPA

PINTUANG-DAAN NG BANTAY

PINTUANG-DAAN NG PAGSISIYASAT

Lugar ng Templo

PINTUANG-DAAN NG MGA KABAYO 730

OPEL

Liwasan

PINTUANG-DAAN NG TUBIG

Bukal ng Gihon

Libis ng Tyropoeon (Gitnang Libis)

LUNSOD NI DAVID 750, 730, 710, 690, 670

PINTUANG-DAAN NG BUKAL

Hardin ng Hari

Agusang Libis ng Kidron

En-rogel

PINTUANG-DAAN NG MGA BUNTON NG ABO

Libis ng Hinom 730, 710, 690, 670

PINTUANG-DAAN NG LIBIS 730, 750, 770, 770

PANULUKANG PINTUANG-DAAN

Tore ng mga Lutuang Pugon

PINTUANG-DAAN NG EFRAIM

Malapad na Pader

Liwasan