Pugon
Kulob na dakong pinaiinit upang doon magluto o mag-ihaw ng pagkain. Iba’t ibang uri ng pugon ang ginamit ng mga Hebreo at ng ibang mga tao.—LARAWAN, Tomo 2, p. 952.
Hanggang nitong makabagong panahon, malalaking pugon, na gawa sa pabilog na hukay sa lupa, ang ginagamit sa Gitnang Silangan, anupat ang ilan ay sinlalim ng 1.5 o 1.8 m (5 o 6 na piye) at halos 1 m (3 piye) ang diyametro. Sa ganito kalaking pugon, maaaring mag-ihaw ng isang buong tupa sa pamamagitan ng pagbibitin nito sa ibabaw ng maiinit na bato o baga.
Ginamit ang bowl oven noong panahon ng Bibliya at malamang na katulad ito ng pugon na ginagamit ng mga magbubukid na Palestino ng makabagong panahon. Isang malaking luwad na mangkok ang itinataklob sa maliliit na batong kinapapatungan ng tinapay. Pinaiinit ang mangkok sa pamamagitan ng pagpapaningas sa panggatong na ibinunton sa ibabaw at sa palibot nito, at sa ganito’y naluluto ang tinapay.
Malamang na bawat tahanang Hebreo noon ay may nabibitbit na jar oven, isang pugon na ginagamit pa rin sa Palestina. Ito ay isang malaking luwad na banga, mga 0.9 m (3 piye) ang taas, may butas sa ibabaw at papaluwang sa ibaba. Upang mapainit ito, nagsusunog sa loob nito ng panggatong na gaya ng kahoy o damo, at ang abo naman ay inaalis sa pamamagitan ng isang butas na dinisenyo para rito. Tinatakpan ang ibabaw nito, at kapag mainit na ang banga, ang masa ay ipinapahid sa paligid ng banga sa loob o sa labas nito. Napakanipis ng tinapay na niluto sa ganitong pamamaraan.
Napakaraming pit oven ang nahukay ng mga arkeologo. Maliwanag na ang mga ito’y mga pagpapahusay ng jar oven. Ang pit oven, bahagyang nasa ilalim ng lupa at bahagyang nasa ibabaw ng lupa, ay gawa sa luwad at pinalitadahan sa buong palibot. Papakitid ito sa ibabaw, at sa loob nito sinusunog ang panggatong. Sa mga bantayog at mga ipinintang larawan, makikita na inilalagay ng mga Ehipsiyo ang kanilang masa sa labas ng mga pugon na ito. Ang mga Hebreong nagluluto sa ganitong pugon ay maaaring gumamit ng mga tuyong sanga o damo bilang panggatong. (Ihambing ang Mat 6:30.) Maaari ring mag-ihaw ng karne sa ganitong pugon.
Kapansin-pansin na ang mga pugon na pinaglulutuan ng mga magbubukid ngayon sa Palestina ay walang gaanong ipinagkaiba sa mga pugon na natagpuan sa sinaunang mga guho o sa mga pugon na makikita sa mga relyebe at ipinintang larawan ng Asirya at ng Ehipto. Sa sinaunang Caldea, ang mga pugon ay nasa looban ng mga tahanan, at sa ngayon, matatagpuan ang mga ito sa maliliit na panaderya sa mga bakuran ng pribadong mga tahanan, bagaman maaari ring magkakatabi ang mga pugon sa isang bahagi ng nayon. Ginagamit pa rin ang malalaking pugon na pampubliko.
Sa lupain ng Ehipto, pangkaraniwan noon sa mga Israelita at mga Ehipsiyo ang magkaroon ng pugon sa kanilang sambahayan. Kaya naman, noong ikalawang salot, umahon ang mga palaka maging sa kanilang mga pugon at sa kanilang mga masahan.—Exo 8:3.
Ang “Tore ng mga Lutuang Pugon” sa Jerusalem ay kinumpuni sa ilalim ng pangangasiwa ni Nehemias noong muling itayo ang mga pader ng lunsod. (Ne 3:11; 12:38) Hindi tiyak kung saan nagmula ang pangalang ito, ngunit iminumungkahi na gayon ang ipinangalan sa tore dahil nasa kapaligiran niyaon ang mga pugon ng mga komersiyanteng magtitinapay.
Makatalinghagang Paggamit. Sa Levitico 26:26, ginagamit ang pugon sa isang pananalita na nagpapahiwatig ng kakapusan, anupat kababasahan: “Kapag binali ko na [ni Jehova] para sa inyo ang mga tungkod na kinabibitinan ng hugis-singsing na mga tinapay, sampung babae ang magluluto nga ng inyong tinapay sa iisang pugon at isasauli ang inyong tinapay ayon sa timbang; at kakain kayo ngunit hindi kayo mabubusog.” Sa normal na mga kalagayan, bawat babae ay mangangailangan ng isang pugon para sa kaniyang pang-araw-araw na pagluluto ng tinapay. Gayunman, tinutukoy ng Levitico 26:26 ang panahon kapag kaunting-kaunti na lamang ang pagkain anupat sapat na ang isang pugon para sa pagluluto ng tinapay ng sampung babae. Inihahambing naman ng Oseas 7:4-7 ang mapangalunyang mga Israelita sa hurno ng isang magtitinapay, maliwanag na dahil sa balakyot na mga pagnanasang nag-aalab sa kanila.