Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Punungkahoy

Punungkahoy

[sa Heb., ʽets; sa Gr., denʹdron].

Dahil sa iba’t ibang klima ng Palestina at ng kalapit na mga lupain, tumutubo ang napakarami at sari-saring uri ng punungkahoy, mula sa mga sedro ng Lebanon hanggang sa mga palmang datiles ng Jerico at mga punong retama ng disyerto. Mga 30 iba’t ibang uri ng punungkahoy ang binabanggit sa Bibliya, at ang mga ito ay tinatalakay sa publikasyong ito sa ilalim ng partikular na pangalan ng punungkahoy.

Kadalasan ay mahirap kilalanin ang partikular na punungkahoy na tinutukoy ng orihinal na salitang Hebreo o Griego, at sa maraming kaso ay walang katiyakan ang ginawang pagkilala. Ang gayong pagkilala ay depende sa kung gaano kalawak ang paglalarawang nasa aktuwal na rekord ng Bibliya hinggil sa mga katangian ng punungkahoy (kung minsan ay ipinahihiwatig ito ng kahulugan ng salitang-ugat na pinagkunan ng pangalan) at sa paghahambing ng paglalarawang iyon sa mga punungkahoy na kilalang tumutubo ngayon sa mga lupain sa Bibliya, partikular na sa mga rehiyong ipinahihiwatig sa teksto ng Bibliya, kung binanggit ang mga iyon. Nakatutulong din ang pag-aaral ng nauugnay na mga salita (samakatuwid nga, mga salita na batay sa kanilang anyo ay nagpapahiwatig na sila ay nauugnay at nanggaling sa kaparehong orihinal na salitang-ugat o pinagmulan) sa ibang mga wika, gaya ng Arabe at Aramaiko. Sa ilang kaso, waring mas mabuting tumbasan na lamang ng transliterasyon ang pangalan, halimbawa ay sa kaso ng puno ng algum.

Gaya ng itinawag-pansin nina Harold at Alma Moldenke sa kanilang aklat na Plants of the Bible (1952, p. 5, 6), maaaring marami sa mga punungkahoy na matatagpuan ngayon sa Palestina ay hindi naman tumutubo roon noong panahon ng Bibliya, yamang, gaya ng sinabi nila, “ang mga halaman ay nagbabago, lalo na sa mga rehiyong tulad ng Palestina at Ehipto kung saan ang tao, na kilalang mahilig sumira sa maseselan na pagkakatimbang sa kalikasan, ay aktibung-aktibo” sa nagdaang libu-libong taon. Sinabi pa nila: “Maraming halaman na dati ay saganang tumutubo sa Banal na Lupain o sa nakapalibot na mga lupain noong panahon ng Bibliya ang hindi na matatagpuan doon ngayon o kaya naman ay tumutubo roon nang mangilan-ngilan na lamang.” May ilang uri na nalipol na o lubhang kumaunti na dahil sa labis-labis na paglinang sa lupain o dahil sa pagkasalanta ng mga kakahuyan bilang resulta ng pagsalakay ng mga hukbo ng Asirya, Babilonya, patuloy hanggang sa Roma. (Jer 6:6; Luc 19:43) Dahil sa pagkasira ng mga punungkahoy at mga kagubatan, naaagnas ang pang-ibabaw na lupa at nagiging sanhi ito ng pagkatigang at pagkatiwangwang sa maraming lugar.

Noon pa mang mga araw ni Abraham, ang mga punungkahoy ay itinatala na sa isang kontrata sa paglilipat ng ari-arian.​—Gen 23:15-18.

Sa Kautusan. Nang maglaon, dinala ng Diyos na Jehova ang Israel sa Canaan, isang lupaing may “mga punungkahoy bilang pagkaing sagana.” Nangako siyang ilalaan niya ang kinakailangang ulan kung susundin siya ng Israel, at hiniling niya na ang ikasampu ng mga bunga ay ibukod para sa santuwaryo at mga saserdote. (Ne 9:25; Lev 26:3, 4; 27:30) Nang lusubin ng mga Israelita ang lupain, tinagubilinan sila na huwag sirain ang mga namumungang punungkahoy kapag sumasalakay sa mga lunsod, bagaman pagkaraan ng ilang siglo ay pinahintulutan ng Diyos ang mga hari ng Juda at ng Israel na salantain ang ‘mabubuting punungkahoy’ ng kaharian ng Moab. Waring ang dahilan ay sapagkat nasa labas ng Lupang Pangako ang Moab. Iyon ay pakikipagdigma laban sa Moab bilang parusa rito, at ang pagkilos na iyon ng mga Israelita ay isang proteksiyon laban sa paghihimagsik o paghihiganti ng mga Moabita. (Deu 20:19, 20; 2Ha 3:19, 25; ihambing ang Jer 6:6.) Kapag nagtanim ng isang punungkahoy, ang may-ari ay hindi kakain ng bunga nito sa unang tatlong taon, at sa ikaapat na taon ay itatalaga ang bunga nito para sa santuwaryo. (Lev 19:23-25; ihambing ang Deu 26:2.) Pagkatapos nito, ang mga unang hinog na bunga ng bawat taon ay inialay rin sa gayong paraan.​—Ne 10:35-37.

Makasagisag na Paggamit. Sa hardin ng Eden, dalawang punungkahoy ang ginamit ng Diyos upang maging mga sagisag: ang “punungkahoy ng buhay” at ang “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Ang hindi paggalang sa batas ng Diyos may kinalaman sa huling nabanggit ang naging sanhi ng pagkapahamak ng tao.​—Gen 2:9, 16, 17; 3:1-24.

Ang kahulugan ng “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” at ng pagbabawal na kainin ang bunga nito ay kadalasang minamalas nang may kamalian bilang kaugnay ng seksuwal na pagtatalik ng unang mag-asawang tao. Ang pangmalas na ito ay sinasalungat ng malinaw na utos ng Diyos sa kanila bilang lalaki at babae na ‘magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa.’ (Gen 1:28) Sa halip, dahil kumakatawan ito sa “pagkakilala ng mabuti at masama” at dahil ipinahayag ng Diyos na hindi ito dapat pakialaman ng mag-asawang tao, ang punungkahoy na iyon ay naging sagisag ng karapatan ng Diyos na magtakda o magbigay ng mga pamantayan para sa tao hinggil sa kung ano ang “mabuti” (sinasang-ayunan ng Diyos) at kung ano ang “masama” (hinahatulan ng Diyos). Sa gayon ay naging pagsubok ito sa paggalang ng tao sa posisyon ng kaniyang Maylalang at sa kaniyang pagnanais na manatili sa dakong saklaw ng kalayaang itinalaga ng Diyos, isang dako na hindi naman masikip at nagpapahintulot na maging lubusang kasiya-siya ang buhay bilang tao. Samakatuwid, ang paglampas sa mga hangganan ng dakong ipinagbabawal sa pamamagitan ng pagkain mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” ay isang pagsalakay o paghihimagsik laban sa nasasakupan at awtoridad ng Diyos.​—Tingnan ang SOBERANYA.

Ang mga punungkahoy ay ginamit din upang sumagisag sa mga indibiduwal, mga tagapamahala, at mga kaharian, gaya sa hula kung saan inihahalintulad ang pagbagsak ni Paraon at ng kaniyang pulutong sa pagputol sa isang matayog na sedro (Eze 31), gayundin sa hula ni Daniel may kinalaman sa matibay na punungkahoy na lumalarawan sa pamumuno “sa kaharian ng mga tao.” (Dan 4:10-26) Ang taong matuwid ay inihahalintulad sa isang punungkahoy na itinanim sa tabi ng mga daloy ng tubig (Aw 1:3), na mayabong ang mga dahon at patuloy na nagluluwal ng bunga maging sa tagtuyot.​—Jer 17:8.

Ang pangako na ang mga araw ng isinauling bayan ng Diyos ay magiging tulad niyaong sa punungkahoy (Isa 65:22) ay nagiging higit na makahulugan dahil may ilang punungkahoy sa Palestina na nabubuhay nang ilang siglo, anupat umaabot pa nga ng isang libong taon o mahigit pa. Sa pangitain ni Ezekiel, nakahilera sa magkabilang panig ng ilog na umaagos mula sa templo ang mabungang mga punungkahoy na may mga dahong nakapagpapagaling, at isang katulad na pangitain ang inihaharap sa aklat ng Apocalipsis. (Eze 47:7, 12; Apo 22:2, 14) Ang pananalitang “punungkahoy ng buhay” ay ginagamit may kinalaman sa tunay na karunungan, sa bunga ng matuwid, sa katuparan ng isang bagay na ninanasa, at sa kahinahunan ng dila; iniuugnay rin ito sa korona ng buhay. (Kaw 3:18; 11:30; 13:12; 15:4; Apo 2:7, 10) Ang mga punungkahoy ay binabanggit may kaugnayan sa mabunga, mapayapa, at nakagagalak na mga kalagayang resulta ng paghahari ni Jehova at ng pagsasauli ng kaniyang bayan.​—1Cr 16:33; Aw 96:12; 148:9; Isa 55:12; Eze 34:27; 36:30.

Gumamit si Jesus ng mga punungkahoy sa ilan sa kaniyang mga ilustrasyon upang idiin ang pangangailangang maging mabunga sa tunay na katuwiran, gaya ng ginawa ni Juan na Tagapagbautismo na nauna sa kaniya. (Mat 3:10; 7:15-20) Yamang ang mga namumungang punungkahoy ay ipinagbabayad ng buwis sa Palestina noong panahong iyon, ang di-mabungang punungkahoy (na para na ring patay) ay isang di-kanais-nais na pasanin ng may-ari nito at sa gayon ay isang punungkahoy na marapat putulin at sirain. (Luc 13:6-9) Sa Judas 12, ang mga taong imoral na nakapasok sa kongregasyong Kristiyano ay inihahalintulad sa mga punungkahoy na walang bunga kapag panahon ng taglagas at makalawang ulit na namatay. Maaaring ang paglalarawan sa kanila bilang ‘makalawang ulit na patay’ ay isang mariing paraan ng pagsasabi na lubusan na silang patay. O kaya, maaaring nangangahulugan ito na sila ay patay mula sa dalawang punto de vista. Sila ay (1) baog o walang bunga at (2) literal na patay, anupat walang palatandaan ng pagiging buháy.

Ang salitang Hebreo para sa punungkahoy ay ginagamit din may kinalaman sa tulos o poste kung saan ibinibitin ang isang katawan. (Gen 40:19; Deu 21:22, 23; Jos 8:29; Es 2:23) Nang ikinakapit niya ang Deuteronomio 21:23, ginamit ng apostol na si Pablo ang salitang Griego na xyʹlon (kahoy).​—Gal 3:13; tingnan ang PAHIRAPANG TULOS; indibiduwal na mga punungkahoy ayon sa pangalan.