Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Raamses, Rameses

Raamses, Rameses

[mula sa Ehipsiyo, nangangahulugang “Inianak Siya ni Ra [ang diyos-araw]”].

Nang lumipat ang pamilya ni Jacob sa Ehipto, inatasan silang manirahan “sa lupain ng Rameses.” (Gen 47:11) Yamang sa ibang bahagi ng Kasulatan ay tinutukoy na naninirahan sila sa lupain ng Gosen, lumilitaw na ang Rameses ay alinman sa isang distrito sa loob ng Gosen o isa pang pangalan ng Gosen. (Gen 47:6) Nang maglaon, ang mga Israelita ay inalipin at ginamit sa pagtatayo ng mga lunsod “bilang mga imbakang dako para kay Paraon, samakatuwid ay ang Pitom at ang Raamses [ang paglalagay ng tuldok-patinig dito ay bahagyang naiiba sa “Rameses”].” (Exo 1:11) Iminumungkahi ng maraming iskolar na ang Raamses ay ipinangalan sa distrito ng Rameses na ipinapalagay nilang kinaroroonan nito.

Nang magsimula ang Pag-alis mula sa Ehipto, itinatala ang Rameses bilang ang pinagmulang dako. Ipinapalagay ng karamihan sa mga iskolar na ang tinutukoy rito ay ang lunsod, marahil ang kanilang tagpuan kung saan nagtipon ang mga Israelita mula sa iba’t ibang bahagi ng Gosen. Ngunit ang Rameses ay maaaring tumutukoy rito sa isang distrito, at maaaring ang mga Israelita ay lumisan mula sa lahat ng bahagi ng distrito at nagtipon sa Sucot bilang ang dakong tagpuan.​—Exo 12:37; Bil 33:3-5.

Ang eksaktong lokasyon ng pinagmulang dakong ito, kung isang lunsod ang tinutukoy sa halip na isang distrito, ay napakahirap matiyak. Iniuugnay ng makabagong mga iskolar ang Rameses sa lunsod na tinatawag na Per-Ramses (Bahay ni Ramses) sa mga rekord ng Ehipto, anupat sinasabi ng ilan na nasa San el-Hagar sa HS sulok ng Delta, at sinasabi naman ng iba na nasa Qantir, mga 20 km (12 mi) sa gawing timog. Ngunit ang pagtukoy na ito ay batay sa teoriya na si Ramses II ang Paraon noong panahon ng Pag-alis. Ang teoriyang ito ay nakasalig naman sa mga inskripsiyon ni Ramses II na nagsasaad na inaangkin niyang itinayo niya ang lunsod na nagtataglay ng kaniyang pangalan (Per-Ramses), anupat gumamit ng mga alipin para sa pagtatrabaho. Gayunman, walang gaanong saligan upang maniwalang si Ramses II ang tagapamahala noong panahon ng Pag-alis, yamang mahirap mangyari na mas maaga pa ang kaniyang pamamahala kaysa sa ika-13 siglo B.C.E., o sa pagitan ng 200 at ng 300 taon pagkaraan ng Pag-alis (1513 B.C.E.). Ang Raamses sa Bibliya ay sinimulang itayo bago ipanganak si Moises, samakatuwid ay mahigit na 80 taon bago ang Pag-alis. (Exo 1:11, 15, 16, 22; 2:1-3) Karagdagan pa, pinaniniwalaan na ang Per-Ramses ang kabiserang lunsod noong panahon ni Ramses II, samantalang ang Raamses sa Bibliya ay isang “imbakang dako” lamang. Karaniwang tinatanggap na si Ramses II ay talagang nang-angkin ng ilang naisagawa ng kaniyang mga hinalinhan, at dahil dito ay posible na ang pinakamalaki nang nagawa niya ay ang muling pagtatayo o pagpapalaki ng Per-Ramses. Sa katapus-tapusan, ang pangalang Rameses ay maliwanag na ginagamit na noon pa mang panahon ni Jose (noong ika-18 siglo B.C.E.); kaya walang dahilan upang ipalagay na ang paggamit dito (sa anyong Raamses) bilang pangalan ng isang lunsod ay noon lamang panahon ni Ramses II. (Gen 47:11) Dahil din sa mismong kahulugan nito, malamang na ito ay popular sa mga Ehipsiyo mula pa noong unang mga panahon. Nang maghari si Ramses II ay marami nang bayan ang may gayong pangalan. Sinabi ni D. B. Redford: “Ang Raamses sa Bibliya at ang kabiserang Pr Rʽ-mś-św [Per-Ramses], maliban sa personal na pangalan, ay waring walang anumang pagkakatulad. Dahil sa lubusang kawalan ng nagpapatunay na katibayan, talagang kinakailangang mag-ingat sa pag-uugnay sa dalawang iyon.”​—Vetus Testamentum, Leiden, 1963, p. 410.

Dahil sa kawalan ng mapananaligang impormasyon, masasabi lamang na ang Rameses ay malamang na di-kalayuan sa kabisera ng Ehipto noong panahon ng Pag-alis. Kasuwato nito magiging posible na si Moises ay nasa palasyo ni Paraon noong gabi ng ikasampung salot at bago nagwakas ang sumunod na araw ay nasimulan niyang akayin ang bayan ng Israel sa kanilang paghayo mula sa Ehipto. (Exo 12:31-42; Bil 33:1-5) Kung ang kabisera noon ay nasa Memfis, isang lunsod na may gayong katayuan sa loob ng maraming siglo, ipaliliwanag nito ang tradisyong Judio na ang paghayo noong panahon ng Pag-alis (na sa Rameses ang pasimula) ay nagsimula sa kapaligiran ng Memfis.​—Ihambing ang Jewish Antiquities, II, 315 (xv, 1), na tumutukoy sa Letopolis, isang lokasyon na malapit sa Memfis.