Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Rabbi

Rabbi

Ang katawagang “Rabbi” ay ginamit sa tunay na diwa bilang “guro.” (Ju 1:38) Ngunit sa gitna ng mga Judio, nang malapit nang ipanganak si Jesus, ginamit din ito bilang isang anyo ng pagtawag at bilang isang titulo ng paggalang at karangalan na nangangahulugang “aking kadakilaan; aking kamahalan.” Iginiit ng ilang may-pinag-aralang mga lalaki, mga eskriba, at mga guro ng Kautusan na tawagin sila sa titulong ito. Nalulugod silang matawag na “Rabbi” bilang isang titulong pandangal. Hinatulan ni Jesu-Kristo ang gayong paghahangad ng mga titulo at iniutos niya sa kaniyang mga tagasunod na huwag silang patawag na “Rabbi,” yamang siya ang kanilang guro.​—Mat 23:6-8.

Sa Bibliya, ang terminong “Rabbi” ay ginamit lamang sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Labindalawang ulit itong ginamit may kaugnayan kay Jesus, sa tunay na diwa ng isang “Guro”: ginamit ito nang makalawang ulit ni Pedro (Mar 9:5; 11:21), nang minsan ng dalawang alagad ni Juan (Ju 1:38), nang minsan ni Natanael (Ju 1:49), nang minsan ni Nicodemo (Ju 3:2), nang tatlong ulit ng mga alagad ni Jesus na hindi binabanggit ang mga pangalan (Ju 4:31; 9:2; 11:8), nang minsan ng mga pulutong (Ju 6:25), at nang dalawang ulit ni Hudas (inulit ang isang pangyayari) (Mat 26:25, 49; Mar 14:45). Tinawag ni Maria Magdalena si Jesus bilang “Rabboni” (Aking Guro), gayundin ng isang lalaking bulag na pinagaling niya. Ang panghalip panao na “aking” ay isang hulapi rito, ngunit dahil sa paggamit ay waring nawala na ang kahulugan nito, gaya sa Monsieur, na orihinal na nangangahulugang “aking panginoon.” (Ju 20:16; Mar 10:51) Si Juan na Tagapagbautismo ay minsang tinawag na Rabbi.​—Ju 3:26.