Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ramot-gilead

Ramot-gilead

[malamang, Matatayog na Dako ng Gilead].

Isang estratehikong lunsod sa teritoryo ng Gad sa S ng Jordan. Ang lunsod na ito’y tinawag din sa pinaikling pangalan na Rama. (2Ha 8:28, 29; 2Cr 22:5, 6) Isa ito sa mga Levitang lunsod sa S panig na iyon ng ilog (1Cr 6:80), at pinili ito bilang isa sa mga kanlungang lunsod. (Deu 4:43; Jos 20:8; 21:38) Nag-atas si Solomon ng isang kinatawan sa Ramot-gilead upang mag-asikaso sa paglalaan ng pagkain para sa hari mula sa mga lunsod sa Gilead at Basan.​—1Ha 4:7, 13.

Nang magsagawa ang Sirya ng mga pagsalakay sa Israel, pagkatapos na mahati ang kaharian, ang Ramot-gilead ay gumanap ng mahalagang papel sa kasaysayan ng Israel, anupat maliwanag na nagsilbing isang susi sa teritoryo sa S ng Jordan. May panahong nakuha ng mga Siryano ang lunsod na ito. Bagaman nangako si Ben-hadad II na ibabalik niya ang mga Israelitang lunsod na kinuha bago pa nito, lumilitaw na ang Ramot-gilead ay hindi ibinalik. (1Ha 20:34) Kaya naman, tinangka ni Ahab ng Israel na bawiin ito, sa tulong ni Haring Jehosapat ng Juda. Ang pagkilos na ito, na tinutulan ni Micaias, ay naging dahilan ng kamatayan ni Ahab.​—1Ha 22:13-38.

Ang anak ni Ahab na si Jehoram, kasama si Ahazias ng Juda, ay nakipaglaban din sa mga Siryano sa Ramot-gilead. Sinasabi ng 2 Hari 9:14: “Si Jehoram ay nagbabantay noon sa Ramot-gilead . . . dahil kay Hazael na hari ng Sirya.” Kaya maaaring nakuha ni Jehoram ang lunsod bago pa nito at ipinagtatanggol niya ito (hindi sinasalakay) nang samahan siya ni Ahazias sa pakikipaglaban kay Hazael. Sa labanan, nasugatan si Jehoram at bumalik siya sa Jezreel upang magpagaling.​—2Ha 8:25-29; 9:14, 15; 2Cr 22:5-8.

Sa Ramot-gilead, pinahiran ng tagapaglingkod ni Eliseo si Jehu, na pinuno ng militar, upang maging susunod na hari.​—2Ha 9:1-14.

Hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon ng Ramot-gilead. Isa sa maraming iminumungkahing lokasyon ay ang Tell Ramith, na mga 45 km (28 mi) sa TS ng timugang dulo ng Dagat ng Galilea. Maaaring hinalaw sa pangalang Ramot-gilead ang pangalan ng gulod na ito. Ito’y nasa isang burol kung saan matatanaw ang isang kapatagan, anupat tumutugma sa malamang na kahulugan ng Ramot (Matatayog na Dako; mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “pumaitaas”). Ang lokasyong ito ay tamang-tama para sa isang kinatawan na nangangasiwa sa Gilead at Basan.​—1Ha 4:13.