Sagradong Lihim
Isang bagay na nagmula sa Diyos, inilihim hanggang sa kaniyang takdang panahon, at isiniwalat tanging sa mga pinili niyang makaalam nito.
Ang salitang Griego na my·steʹri·on, na isinalin bilang “sagradong lihim,” ay pangunahing tumutukoy sa isang bagay na nalalaman lamang ng mga sumailalim sa inisyasyon. Sa sinaunang mahiwagang mga relihiyon na laganap noong panahon ng sinaunang kongregasyong Kristiyano, ang mga nagnanais sumali sa mahiwagang mga selebrasyon ay kailangang sumailalim sa inisyasyon. Ang mga hindi sumailalim dito ay hindi pinahihintulutang makibahagi sa diumano’y sagradong mga gawain, ni malaman ang tungkol sa mga iyon. Ang mga bagong kasapi ay nananatang hindi nila isisiwalat ang mga lihim. Gayunman, ginamit din ang salitang ito sa sekular at karaniwang diwa, gaya halimbawa ng isang pribadong lihim, isang lihim ng magkaibigan, at mga lihim ng pamilya. Ginamit ng apostol na si Pablo ang balintiyak na anyo ng my·eʹo sa gayong diwa nang sabihin niya: “Natutuhan ko ang lihim [sa literal, ipinaalam sa akin ang mga lihim] kapuwa kung paano mabusog at kung paano magutom, kapuwa kung paano magkaroon ng kasaganaan at kung paano magtiis ng kakapusan.”—Fil 4:12.
Naiiba sa Mahiwagang mga Relihiyon. Tungkol sa Griegong my·steʹri·on, ganito ang paliwanag ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words: “Sa [Bagong Tipan], tumutukoy ito, hindi sa bagay na mahiwaga . . . , kundi sa bagay na hindi kayang arukin ng likas na pang-unawa at sa gayo’y maipaaalam tanging sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng Diyos, at ipinaaalam sa paraan at sa panahong itinakda ng Diyos, at doon lamang sa mga naliliwanagan ng Kaniyang Espiritu. Sa pangkaraniwang diwa, ang hiwaga ay nagpapahiwatig ng ikinubling kaalaman; sa Kasulatan, nangangahulugan ito ng isiniwalat na katotohanan. Kaya ang mga termino na pantanging iniuugnay sa paksang ito ay ‘ipinaalam,’ ‘inihayag,’ ‘isiniwalat,’ ‘ipinangaral,’ ‘maunawaan,’ ‘pamamahagi.’”—1981, Tomo 3, p. 97.
Samakatuwid, ang mga sagradong lihim ng Diyos at ang iba pang “mga hiwaga” sa Bibliya, gaya niyaong sa Babilonyang Dakila, ay hindi iingatang lihim magpakailanman, kundi isisiwalat ng Diyos na Jehova sa kaniyang takdang panahon doon sa mga umaasa sa kaniya at pinili niyang makaalam sa mga iyon. Tinalakay ng apostol na si Pablo ang bagay na ito sa 1 Corinto 2:6-16. Doon ay tinukoy niya ang “sagradong lihim” ng Diyos bilang “nakatagong karunungan,” na isinisiwalat sa mga Kristiyanong lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang espiritu. Isa itong bagay na hindi maaarok ng espiritu ng sanlibutan o ng karunungan ng mga taong pisikal ngunit sinasalita at nauunawaan niyaong mga nagsisikap na ‘pagsamahin ang espirituwal na mga bagay at ang espirituwal na mga salita.’ Noon pa ma’y itinawag-pansin na ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Sa inyo ay ibinigay ang sagradong lihim [sa Gr., my·steʹri·on] ng kaharian ng Diyos, ngunit sa mga nasa labas ang lahat ng mga bagay ay nangyayari sa mga ilustrasyon, upang, bagaman tumitingin, sila ay makatingin gayunma’y hindi makakita, at, bagaman nakaririnig, sila ay makarinig gayunma’y hindi makuha ang diwa nito, ni manumbalik pa man at mabigyan sila ng kapatawaran.”—Mar 4:11, 12; Mat 13:11-13; Luc 8:10.
Magkaibang-magkaiba ang sagradong lihim ng Diyos at ang mga lihim ng mahiwagang mga relihiyon. Una ay sa nilalaman: Ang lihim ng Diyos ay mabuting balita at hindi kasinungalingan o gawang-taong panlilinlang. (Ju 8:31, 32, 44; Col 1:5; 1Ju 2:27) Ikalawa, ang mga piniling makaunawa sa sagradong lihim ng Diyos ay hindi obligadong ilihim ito, sa halip ay dapat nila itong ipahayag sa pinakamalawak na antas. Gaya ng nabanggit na, ipinakikita ito ng Bibliya sa pamamagitan ng paggamit sa mga terminong “ipinangaral,” “ipinaalam,” at “inihayag,” gayundin ng “ipinahahayag” at ‘nagsasalita,’ may kaugnayan sa “sagradong lihim ng mabuting balita.” Ang mabuting balitang ito, pati na ang pagkaunawa sa sagradong lihim, ay puspusang inihahayag ng mga tunay na Kristiyano sa “lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (1Co 2:1; Efe 6:19; Col 1:23; 4:3, 4) Ang Diyos ang nagpapasiya kung sinu-sino ang hindi karapat-dapat at ipinagkakait niya sa mga iyon ang gayong pagkaunawa. Hindi nagtatangi ang Diyos sa paggawa nito, sapagkat dahil sa “pagkamanhid ng kanilang mga puso” kung bakit hindi niya binubuksan sa kanila ang pagkaunawa sa kaniyang sagradong lihim.—Efe 4:17, 18.
Nakasentro kay Kristo. Yamang “ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula,” tiyak na nakasentro kay Kristo ang “sagradong lihim ng Diyos.” (Apo 19:10; Col 2:2) Ang lahat ng “mga sagradong lihim” ng Diyos ay nauugnay sa kaniyang Mesiyanikong Kaharian. (Mat 13:11) Sumulat ang apostol na si Pablo sa mga kapuwa Kristiyano: “Maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman,” at “sa kaniya tumatahan sa katawan ang buong kalubusan ng tulad-Diyos na katangian.”—Col 2:2, 3, 9.
Sinabi ni Pablo na siya’y pinagkatiwalaan ng “mga sagradong lihim ng Diyos.” (1Co 4:1) Binanggit niya ang taglay niyang pagkaunawa “sa sagradong lihim ng Kristo.” (Efe 3:1-4) Ipinaliwanag niya na ang sagradong lihim na ito ay ang nakatagong karunungan na patiunang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga sistema ng mga bagay. (1Co 2:7) Sinimulang ipahayag ang hiwaga, o “sagradong lihim ng Diyos,” sa hula ni Jehova mismo sa Genesis 3:15. Sa loob ng maraming siglo, hinintay ng mga taong may pananampalataya ang ipinangakong “binhi” na magliligtas sa sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan, ngunit hindi nauunawaan noon kung sino talaga ang magiging “binhi” at kung paano darating at magdadala ng kaligtasan ang ‘binhing’ ito. Naging malinaw lamang iyon nang si Kristo ay dumating at ‘magpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.’ (2Ti 1:10) Sa gayo’y nagsimulang maunawaan ang kaalaman tungkol sa hiwaga ng ‘binhi ng babae.’
Ang Mesiyanikong Kaharian. Sa mga isinulat ni Pablo, nagbigay siya ng maraming detalye tungkol sa pagsisiwalat ng sagradong lihim ng Kristo. Sa Efeso 1:9-11, binanggit niya na ipinaalam ng Diyos “ang sagradong lihim” ng Kaniyang kalooban, at pagkatapos ay sinabi niya: “Ito ay ayon sa kaniyang ikinalulugod na nilayon niya sa kaniyang sarili ukol sa isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa. Oo, sa kaniya, na kaisa niya ay itinakda rin tayo bilang mga tagapagmana, yamang patiuna tayong itinalaga ayon sa layunin niya na nagpapakilos ng lahat ng mga bagay ayon sa ipinapasiya ng kaniyang kalooban.” Ang “sagradong lihim” na ito ay may kaugnayan sa isang pamahalaan, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. “Ang mga bagay na nasa langit,” na binanggit ni Pablo, ay tumutukoy sa magiging mga tagapagmana ng makalangit na Kahariang iyon kasama ni Kristo. “Ang mga bagay na nasa lupa” naman ay ang makalupang mga sakop niyaon. Ipinakita ni Jesus na ang sagradong lihim ay nauugnay sa Kaharian nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Sa inyo ay ibinigay ang sagradong lihim ng kaharian ng Diyos.”—Mar 4:11.
Kalakip ang Kongregasyon. Maraming aspekto ang kaalaman sa sagradong lihim. Nagbigay ng karagdagang detalye ang apostol nang ipaliwanag niya na kalakip sa sagradong lihim ang kongregasyon, kung saan si Kristo ang Ulo. (Efe 5:32; Col 1:18; Apo 1:20) Sila ang mga kasamang tagapagmana ni Kristo, mga kabahagi niya sa Kaharian. (Luc 22:29, 30) Kukunin sila kapuwa mula sa mga Judio at mga Gentil. (Ro 11:25; Efe 3:3-6; Col 1:26, 27) Naipabatid lamang ang aspektong ito ng “sagradong lihim” noong 36 C.E., nang utusan si Pedro na dalawin ang Gentil na si Cornelio at makita niyang tumanggap ng mga kaloob ng banal na espiritu ang sambahayang Gentil na iyon. (Gaw 10:34, 44-48) Ganito ang sinabi ni Pablo nang sumulat siya sa mga Kristiyanong Gentil: “Kayo nang mismong panahong iyon ay walang Kristo, . . . mga taga-ibang bayan sa mga tipan ng pangako, at kayo ay walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan. Ngunit ngayon sa pagiging kaisa ni Kristo Jesus kayo na dating malayo ay naging malapit sa pamamagitan ng dugo ng Kristo.” (Efe 2:11-13) Sa pamamagitan ng mga pakikitungo ng Diyos sa kongregasyon, malalaman ng “mga pamahalaan at . . . mga awtoridad sa makalangit na mga dako ang malawak na pagkakasari-sari ng karunungan ng Diyos.”—Efe 3:10.
Sa Apocalipsis kay Juan, ipinakita sa pangitain na ang kongregasyong ito’y binubuo ng 144,000 na “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” Nakatayo silang kasama ng Korderong si Jesu-Kristo sa Bundok Sion, na kinaroroonan ng “lunsod ng Diyos na buháy, makalangit na Jerusalem.” Noon, ang “trono ni Jehova,” kung saan umupo ang mga hari sa linya ni David, ay nasa Apo 14:1, 4; Heb 12:22; 1Cr 29:23; 1Pe 2:4-6) Ang pagkabuhay-muli ng mga ito tungo sa imortalidad at kawalang-kasiraan sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo ay isa sa mga aspekto ng mga pakikitungo ng Diyos sa kongregasyon, anupat “isang sagradong lihim” din.—1Co 15:51-54.
sinaunang makalupang Jerusalem. Naroon din ang templo ni Jehova. Iniluklok naman si Jesu-Kristo sa makalangit na Jerusalem, at makikibahagi sa kaniyang pamamahala sa Kaharian ang kaniyang matapat at pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod. (Ang Sagradong Lihim ng Makadiyos na Debosyon. Sumulat si Pablo kay Timoteo: “Isinusulat ko sa iyo ang mga bagay na ito, . . . upang malaman mo kung paano ka dapat gumawi sa sambahayan ng Diyos, na siyang kongregasyon ng Diyos na buháy, isang haligi at suhay ng katotohanan. Tunay nga, ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyong ito ay kinikilalang dakila: ‘Siya [si Jesu-Kristo] ay nahayag sa laman, ipinahayag na matuwid sa espiritu, nagpakita sa mga anghel, ipinangaral sa gitna ng mga bansa, pinaniwalaan sa sanlibutan, tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.’”—1Ti 3:14-16.
Taglay ng “kongregasyon ng Diyos na buháy” ang katotohanan, at nalalaman nito ang hiwaga, o “ang sagradong lihim,” ng tunay na makadiyos na debosyon. Taglay rin ng kongregasyon hindi lamang ang anyo kundi pati ang kapangyarihan ng gayong makadiyos na debosyon. (Ihambing ang pagkakaiba sa 2Ti 3:5.) Kaya naman maaari itong maging “haligi at suhay ng katotohanan” sa gitna ng sanlibutang punô ng kamalian at huwad na relihiyon, ‘mga hiwaga’ na sagrado kay Satanas at sa mga binulag niya. (2Co 4:4) Inihula at inilarawan sa kinasihang Hebreong Kasulatan ang makadiyos na debosyon ni Jesu-Kristo. Sa loob ng maraming siglo mula nang hamunin ang soberanya ng Diyos at kuwestiyunin din ang katapatan ng tao, naging isang hiwaga, o “sagradong lihim,” kung mayroon bang makapag-iingat ng ganap, di-nagbabago, at walang-dungis na makadiyos na debosyon sa kabila ng panggigipit ng Diyablo. Sino, kung mayroon man, ang makatatagal sa ilalim ng pagsubok at makapananatiling lubusang malinis, walang kasalanan, at walang kapintasan sa kaniyang bukod-tanging debosyon kay Jehova? Kaugnay rin nito ang tanong na, Sino ang magiging ‘binhi ng babae’ na susugat sa ulo ng Serpiyente? Lubusan itong naisiwalat nang si Kristo ay ‘mahayag sa laman, ipahayag na matuwid sa espiritu, magpakita sa mga anghel, ipangaral sa gitna ng mga bansa, paniwalaan sa sanlibutan, tanggapin sa itaas sa kaluwalhatian.’ (1Ti 3:16; 6:16) Walang alinlangan na isa itong dakilang bagay. Ang napakahalagang tanong tungkol sa makadiyos na debosyon ay nakasentro sa iisang persona, si Jesu-Kristo. Napakadakila nga ng landasin ng makadiyos na debosyong tinahak ni Kristo! Kaylaking pakinabang ang dulot nito sa sangkatauhan at dinadakila nito ang pangalan ni Jehova!—Tingnan ang MAKADIYOS NA DEBOSYON.
Sumapit sa Katapusan. Sinabihan ang apostol na si Juan sa kaniyang pangitain: “Sa mga araw ng pagpapatunog ng ikapitong anghel, kapag malapit na niyang hipan ang kaniyang trumpeta, ang sagradong lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita na ipinahayag niya sa kaniyang sariling mga alipin na mga propeta ay tunay ngang sumapit na sa katapusan.” (Apo 10:7) Ang pagtatapos na ito ng sagradong lihim ay may malapit na kaugnayan sa paghihip ng ikapitong anghel sa kaniyang trumpeta, anupat nang hipan niya ito ay ganito ang ipinatalastas sa langit: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at mamamahala siya bilang hari magpakailan-kailanman.” (Apo 11:15) Kaya naman, nagtatapos ang sagradong lihim ng Diyos sa panahong pasimulan ni Jehova ang kaniyang Kaharian sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyas, o Kristo. Maraming ipinakipag-usap si Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad, ang “mga alipin” ng Diyos, tungkol sa Kaharian ng Diyos at sinabi niya na ang “mabuting balita ng kaharian” ay patuloy na ipangangaral hanggang sa wakas (sa Gr., teʹlos) ng “sistema ng mga bagay.” Samakatuwid, kapag ‘sumapit sa katapusan ang sagradong lihim ng Diyos,’ magiging bahagi ng “mabuting balita” na ipangangaral ang mensaheng ipinatalastas ng mga tinig sa langit: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo.”—Mat 24:3, 14.
Hinggil sa ‘hiwaga ng katampalasanan’ (2Te 2:7), tingnan ang TAONG TAMPALASAN. Hinggil sa “Hiwaga: ‘Babilonyang Dakila’” (Apo 17:5), tingnan ang BABILONYANG DAKILA.