Sodoma
Isang lunsod na nasa kahabaan ng TS hangganan ng Canaan. (Gen 10:19; 13:12) Ang Sodoma ay kadalasang binabanggit kasama ng Gomorra. Waring ito ang pinakaprominente sa limang lunsod, na lumilitaw na nasa Mababang Kapatagan ng Sidim. (Gen 14:2, 3) Sa ngayon, naniniwala ang maraming iskolar na ang orihinal na mga lugar ng Sodoma at ng iba pang “mga lunsod ng Distrito” ay nasa ilalim ng Dagat na Patay, bagaman kamakailan, may mga nagsasabi na ang mga guho ng mga lunsod na ito ay maiuugnay sa mga lugar na nasa kahabaan ng mga wadi sa dakong S at TS ng Dagat na Patay.—Gen 13:12; tingnan ang DAGAT ASIN.
Nang magpasiya sina Abraham at Lot na maghiwalay upang maiwasan ang pagtatalo ng kanilang mga tagapag-alaga ng kawan, si Lot ay pumaroon sa gawing silangan tungo sa Distrito ng Jordan na natutubigang mainam. Itinayo niya ang kaniyang tolda malapit sa Sodoma. Doon ay nasumpungan niya na “ang mga lalaki ng Sodoma ay masasama at talamak na mga makasalanan laban kay Jehova,” at lubha itong ikinabagabag ni Lot. (Gen 13:5-13; 2Pe 2:7, 8) Pagkalipas ng ilang panahon, pagkatapos ng kanilang 12-taóng pagpapasakop kay Kedorlaomer na hari ng Elam, ang mga tumatahan sa Sodoma at sa apat na iba pang lunsod ay naghimagsik. Nang sumunod na taon, tinalo ni Kedorlaomer at ng kaniyang mga kaalyado si Bera, na hari ng Sodoma, at ang mga kakampi nito. Pagkatapos nilang kunin ang mga pag-aari at pagkain ng mga ito, binihag ng mga nagtagumpay si Lot at ang iba pa.—Gen 14:1-12.
Nang matalo ng mga hukbo ni Abraham si Kedorlaomer, binawi niya ang mga bihag at samsam, pati na si Lot at ang sambahayan nito. Pinilit ng hari ng Sodoma si Abraham na kunin ang nabawing mga pag-aari, ngunit tumanggi si Abraham, upang hindi sabihin ni Bera, “Ako ang nagpayaman kay Abram.”—Gen 14:13-24.
Walang-hanggang Pagkapuksa. Gayunman, nagpatuloy ang Sodoma sa landasin na salansang kay Jehova. Nakilala ito sa imoral na mga gawaing gaya ng homoseksuwalidad. Sinabi ni Jehova: “Ang sigaw ng pagdaing tungkol sa Sodoma at Gomorra, oo, iyon ay malakas, at ang kanilang kasalanan, oo, iyon ay napakabigat.” Kaya naman, isinugo ng Diyos ang kaniyang mga anghel upang puksain ang Sodoma. Ngunit tiniyak niya kay Abraham na kung may sampung taong matuwid na masusumpungan sa lugar na iyon, ang buong lunsod ay paliligtasin.—Gen 18:16, 20-33.
Ipinakita ng lunsod na nararapat itong puksain. Isang mahalay na pangkat ng mga taga-Sodoma, na kinabibilangan ng mga batang lalaki at matatandang lalaki, ang pumalibot sa bahay ni Lot, at tinangka nilang gahasain ang kaniyang mga panauhing anghel. Kinabukasan, nang si Lot at ang kaniyang asawa at dalawang anak na babae ay makaalis na sa lunsod, ang Sodoma at Gomorra ay pinuksa sa pamamagitan ng asupre at apoy. (Gen 19:1-29; Luc 17:28, 29) Nang maglaon, ang Sodoma at Gomorra ay naging isang kasabihan na naglalarawan ng lubos na pagpuksa ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat (Deu 29:23; Isa 1:9; 13:19; Jer 49:18; 50:40; Pan 4:6; Am 4:11; Zef 2:9; Ro 9:29) at sukdulang kabalakyutan.—Deu 32:32; Isa 1:10; 3:9; Jer 23:14; Eze 16:46-56; tingnan ang GOMORRA.
Hinggil sa Judiong lunsod na magtatakwil sa mabuting balita, sinabi ni Jesus: “Higit na mababata ng lupain ng Sodoma at Gomorra ang Araw ng Paghuhukom kaysa ng lunsod na iyon.” (Mat 10:15; 11:23, 24) Sinasabi ng Judas 7 na ang Sodoma at Gomorra “ay nakalagay sa harap natin bilang isang babalang halimbawa sa pagdanas ng parusang hatol na walang-hanggang apoy.” Kaya, maliwanag na ang pananalita ni Jesus ay gumagamit lamang ng hyperbole upang idiin na malayong mangyari na ang mga tao sa ilang partikular na unang-siglong Judiong lunsod ay magsisisi kahit pa sa Araw ng Paghuhukom.
“Sa Espirituwal na Diwa.” Sinasabi ng Apocalipsis 11:3, 8 na ang mga bangkay ng “dalawang saksi” ng Diyos ay nakahiga sa malapad na daan ng dakilang lunsod na “sa espirituwal na diwa ay tinatawag na Sodoma at Ehipto.” Sa hula ni Isaias (1:8-10), ang Sion o Jerusalem ay itinutulad sa Sodoma at ang mga tagapamahala nito ay tinatawag na “mga diktador ng Sodoma.” Gayunman, noong mga 96 C.E. nang ibigay kay Juan ang pangitain sa Apocalipsis hinggil sa mga pangyayaring magaganap sa hinaharap, ang lunsod ng Jerusalem ay matagal nang nawasak, noon pang 70 C.E. Kaya, tiyak na ang tinutukoy sa pangitain ay isang “dakilang lunsod” o organisasyon, isang antitipikong Jerusalem, na inilalarawan ng di-tapat na sinaunang Jerusalem.