Supot ng Pagkain
Isang supot, kadalasa’y yari sa katad, na pinapasan ng mga manlalakbay, pastol, magsasaka, at iba pa, sa kanilang balikat. Ginagamit ito noon upang paglagyan ng pagkain, damit, at iba pang mga panustos, ngunit naiiba ito sa mas maliit na pamigkis na supot na ginagamit naman para sa mga baryang ginto, pilak, at tanso. (Mat 10:9; Mar 6:8) Walang alinlangan na ang “supot sa pagpapastol” ni David ay gayong uri ng supot ng pagkain. (1Sa 17:40) Noong isinusugo ni Jesu-Kristo ang 12 apostol at pagkatapos ay ang 70 alagad upang mangaral sa Israel, sinabihan niya sila na huwag magdala ng mga supot ng pagkain. (Mat 10:5, 9, 10; Luc 9:3; 10:1, 4) Ilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan nila sa pamamagitan ng mga kamay ng kanilang mga kapuwa Israelita, yamang kaugalian ng mga ito ang maging mapagpatuloy. Nang malapit nang mamatay si Jesus, ipinahiwatig niya na magbabago ang mga kalagayan dahilan sa pagsalansang ng mga may kapangyarihan, kaya sinabihan niya ang kaniyang mga alagad na magdala kapuwa ng supot ng salapi at ng supot ng pagkain. Gayunpaman, dapat nilang hanapin muna ang Kaharian ng Diyos sa halip na mabalisa tungkol sa kanilang materyal na mga pangangailangan; sa gayo’y mapatutunayan nilang umaasa sila na pangangalagaan sila ng Diyos na Jehova sa kanilang ministeryo.—Luc 22:35, 36; Mat 6:25-34.