Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tabernakulo

Tabernakulo

Isang naililipat-lipat na tolda ng pagsamba na ginagamit noon ng Israel; kung minsan ay tinatawag ding “tolda ng kapisanan.” (Exo 39:32, 40; tingnan ang TOLDA NG KAPISANAN.) Sa Hebreo, ito’y tinatawag na mish·kanʹ (tahanan; tirahan; tabernakulo), ’oʹhel (tolda), at miq·dashʹ (santuwaryo). Sa Griego, tinutukoy naman ito bilang ske·neʹ, na nangangahulugang “tolda; kubol; tirahan; tahanang dako.”​—Tingnan ang DAKONG BANAL.

Ang tabernakulo ay nagsilbing pangunahing bahagi ng kaayusan ni Jehova para sa paglapit sa kaniya ng bansang Israel. Binubuo ito ng dalawang silid. (LARAWAN, Tomo 1, p. 538) Matatagpuan sa unang silid, na dakong Banal, ang isang ginintuang kandelero, ang ginintuang altar ng insenso, ang mesa ng tinapay na pantanghal, at mga ginintuang kagamitan; matatagpuan naman sa kaloob-loobang silid, na Kabanal-banalan, ang kaban ng tipan, na may dalawang ginintuang kerubin sa ibabaw.​—Tingnan ang KABANAL-BANALAN; KABAN NG TIPAN.

Kung Kailan Pinasinayaan. Ang tabernakulo, o “tolda ng kapisanan” (tinatawag na “templo ni Jehova” sa 1Sa 1:9 at “bahay ni Jehova” sa 1Sa 1:24), ay itinayo sa ilang sa Bundok Sinai noong 1512 B.C.E. Natapos itong itayo, anupat naitalaga ang mga muwebles at ang mga kagamitan nito, noong unang araw ng unang buwan ng Abib o Nisan. (Exo 40) Nang araw na iyon, ang pagkasaserdote ay itinalaga ng tagapamagitang si Moises ayon sa utos ni Jehova, at ang buong serbisyo ng pagtatalaga ay sumaklaw nang pitong araw. Noong ikawalong araw, ang mga saserdote ay nagsimulang gumanap ng kanilang opisyal na mga tungkulin.​—Lev kab 8, 9; tingnan ang PAGTATALAGA.

Disenyo. Nagsalita si Jehova kay Moises sa bundok, anupat ibinigay Niya kay Moises ang kumpletong parisan para sa tabernakulo, at iniutos Niya: “Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ng bagay ayon sa parisan ng mga iyon na ipinakita sa iyo sa bundok.” Ang parisang ito ay nagsilbing “isang anino ng makalangit na mga bagay,” kaya naman kailangang tama ito hanggang sa kaliit-liitang detalye. (Heb 8:5) Kinasihan ni Jehova sina Bezalel at Oholiab, upang ang gawain, na doo’y tumulong ang iba pang mga lalaki at mga babae, ay magawa nang eksaktung-eksakto, ayon sa mga tagubiling ibinigay ni Moises. Ang resulta: “Ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises, gayon ginawa ng mga anak ni Israel ang lahat ng paglilingkod.” (Exo 39:42; 35:25, 26; 36:1, 4) Ang mga materyales para sa tabernakulo ay nagmula sa kusang-loob na mga abuloy ng bayan. (Exo 36:3, 6, 7) Walang alinlangan na ang karamihan sa mga abuloy na ginto, pilak, at tanso, gayundin ang mga estambre, kayo, at balat, ay galing sa mga bagay na nakuha ng mga Israelita mula sa Ehipto. (Exo 12:34-36; tingnan ang POKA, BALAT NG.) Makukuha naman sa ilang ang kahoy ng akasya.​—Tingnan ang AKASYA.

Ang mga kalkulasyon sa artikulong ito ay batay sa isang siko na 44.5 sentimetro (17.5 pulgada). Gayunman, maaaring ginamit noon ang mahabang siko na mga 51.8 sentimetro (20.4 pulgada).​—Ihambing ang 2Cr 3:3; Eze 40:5.

Mga pantakip at mga pantabing. Una, ang buong balangkas ng istraktura ay tinakpan ng isang pantakip na lino na may burdang makukulay na pigurang kerubin. Ang pantakip na ito ay nahahati sa dalawang malalaking seksiyon na may tiglilimang tela, at ang mga seksiyon ay pinagdurugtong ng mga silo na yari sa sinulid na asul na nakakabit sa mga pangawit na ginto. Bawat tela ay may haba lamang na 28 siko (12.5 m; 40.8 piye), sa gayon ang laylayan nito ay nakaangat nang di-hihigit sa isang siko (44.5 sentimetro; 17.5 pulgada) mula sa lupa sa lahat ng panig ng istraktura.​—Exo 26:1-6.

Sumunod, ang pantakip na lino ay pinatungan ng isang pantakip na yari sa balahibo ng kambing. Nahahati rin ito sa dalawang seksiyon, anupat ang isang seksiyon ay may anim na tela at ang isa naman ay lima. Bawat isa sa 11 tela ay may haba na 30 siko (13.4 m; 43.7 piye). Sa ibabaw ng pantakip na ito ay ipinatong naman ang pantakip na yari sa balat ng barakong tupa na tinina sa pula. Bilang panghuli, ipinatong ang isa pang pantakip na yari sa balat ng poka, anupat lumilitaw na nakasayad iyon sa lupa at maliwanag na may mga lubid upang maitali iyon sa mga pantoldang tulos na nakabaon sa lupa.​—Exo 26:7-14.

Ang kurtina naman na inilagay sa loob sa pagitan ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan ay may burdang mga kerubin (Exo 36:35), at ang pantabing sa pasukan sa dakong S ay yari sa makulay na lana at lino.​—Exo 36:37.

Mga dimensiyon. Ayon sa paglalarawan ng Bibliya, ang tabernakulo (maliwanag na ang mga sukat sa loob nito) ay may haba na 30 siko (13.4 m; 43.7 piye) at taas na 10 siko (4.5 m; 14.6 piye). (Ihambing ang Exo 26:16-18.) Maliwanag na 10 siko rin ang lapad nito. (Ihambing ang Exo 26:22-24.) Ang lapad ay makukuwenta sa ganitong paraan: Ang hulihan o K dingding ay binubuo ng anim na hamba na tig-iisa’t kalahating siko ang lapad (9 na siko sa kabuuan) at ng dalawang hamba na tinatawag na mga panulok na poste, na maliwanag na ipinuwesto upang magdagdag ng tig-kalahating siko sa panloob na dimensiyon. Sa pagkokomento sa Exodo 26:23, ganito ang sinabi ng Judiong iskolar na si Rashi (1040-1105 C.E.): “Ang lahat ng walong tabla ay magkakahilera, ngunit ang buong lapad ng dalawang ito [ang mga panulok na poste] ay hindi makikita sa loob ng Tabernakulo, kundi kalahating siko lamang sa isang dulo at kalahating siko sa kabilang dulo ang makikita sa loob, sa gayon ang kabuuang lapad ay nagiging sampung siko. Ang natitirang isang siko ng isang tabla at ang natitirang isang siko ng isa pang tabla ay kahangga naman ng isang sikong kapal ng mga tabla ng Tabernakulo sa dakong hilaga at dakong timog, upang magpantay ang labas.”​—Pentateuch With Targum Onkelos, Haphtaroth and Rashi’s Commentary, Exodus, isinalin nina M. Rosenbaum at A. M. Silbermann, p. 144; ang mga italiko ay sa mga tagapagsalin.

Lumilitaw na ang Kabanal-banalang silid ay hugis-kubiko anupat 10 siko ang bawat panig nito​—kung paanong hugis-kubiko rin ang Kabanal-banalan ng templo ni Solomon na itinayo nang maglaon, anupat 20 siko (8.9 m; 29.2 piye) ang bawat dimensiyon niyaon. (1Ha 6:20) Ang Banal na silid naman ay may haba na doble ng lapad nito. Tungkol sa haba ng dakong Banal ng tabernakulo, mahalagang tandaan ang mga bagay na ito: Bawat isa sa dalawang seksiyon ng pantakip na lino ay may lapad na 20 siko. (Exo 26:1-5) Kaya naman, ang matatakpan ng isang seksiyon (20 siko) ay mula sa pasukan hanggang sa dako kung saan nagdurugtong ang seksiyong ito at yaong nasa kabila sa pamamagitan ng mga pangawit. Lumilitaw na ang hugpungan ay nasa ibabaw ng mga haliging sumusuporta sa kurtinang patungo sa Kabanal-banalan. Ang matatakpan naman ng isa pang seksiyon ng pantakip (20 siko) ay ang Kabanal-banalan (10 siko) at ang hulihan o K tagiliran ng tabernakulo (10 siko).

Mga hamba. Ang mga dingding ng tabernakulo ay yari sa kahoy ng akasya na kinalupkupan ng ginto, anupat maliwanag na ang mga ito ay mga hamba (katulad ng hamba ng bintana), sa halip na buong mga tabla. (Exo 26:15-18) Waring makatuwiran naman ang pangmalas na ito, sa dalawang dahilan: (1) Masyadong magiging mabigat ang buong mga tablang akasya kung ang sukat ng mga iyon ay gaya ng inilarawan, at (2) matatakpan ang mga kerubing ibinurda sa pantakip na lino na nakapalibot sa mga tabla, maliban doon sa mga nasa kisame ng istraktura, sa loob. (Exo 26:1) Kaya lumilitaw na ang mga hamba ay ginawa sa paraang makikita ng mga saserdoteng nasa loob ng tabernakulo ang mga kerubing ibinurda sa pantakip na lino. Naniniwala rin ang ilang makabagong iskolar na mga hamba lamang ang ginamit sa halip na buong mga tabla. Kaya naman, bagaman ang salitang Hebreo na qeʹresh ay isinalin bilang “tabla” sa mas matatandang bersiyon, isinasalin naman ng ilang makabagong bersiyon ang salitang ito bilang “hamba.”​—Exo 26:15-29, AT, JB, Mo, NW, RS.

May 20 hamba sa H tagiliran at 20 sa T na tagiliran. (Exo 26:18, 20) Bawat hamba ay may taas na 10 siko (4.5 m; 14.6 piye) at lapad na isa’t kalahating siko (67 sentimetro; 26 na pulgada) ngunit hindi binanggit ang kapal nito. Sa hulihan o K panig ay may anim na hamba at sa likurang mga panulukan ay may dalawang hamba na tinatawag na “mga panulok na poste.”​—Exo 26:22-24.

May kaugnayan sa mga hamba, ang Bibliya ay may binabanggit na “mga argolya.” Walang alinlangan na ang mga argolyang ito ay ikinabit sa mga hamba upang pagsuksukan ng mga barakilan. Tatlong hilera ng barakilan ang isinusuksok sa mga argolya upang pagdugtung-dugtungin ang mga bahagi ng istraktura. Maliwanag na may tigdalawang barakilan sa itaas at ibabang hilera, dahil tanging ang barakilan sa gitna ang inilalarawan na ‘dumaraan mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo.’ Yari sa kahoy ang mga barakilang ito at kinalupkupan ng ginto.​—Exo 26:26-29.

Mga haligi at pundasyon. Sa harapan o pasukan ng tabernakulo ay may limang haligi na kinalupkupan ng ginto, at apat na haliging katulad ng mga iyon ang sumusuporta naman sa kurtinang partisyon ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan. (Exo 26:32, 37) Ang pundasyon ng buong istraktura ay binubuo ng 100 tuntungan na may mga ukit para pagsuksukan ng mga mitsa na nasa ibaba ng 48 hamba (dalawang tuntungan para sa bawat hamba; apat naman ang tuntungan ng apat na haliging partisyon ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan). Yari sa pilak ang lahat ng mga tuntungang ito (Exo 26:19-25, 32), at bawat tuntungan ay tumitimbang nang isang talento (mga 34 na kg; 92 lb t). (Exo 38:27) Bukod dito, mayroon pang limang tuntungang tanso na para naman sa mga haliging nasa pasukan. (Exo 26:37) Kung isasaalang-alang ang timbang ng pilak, maliwanag na hindi naman gaanong makakapal ang mga tuntungang ito, kundi mas malamang na ang mga ito’y mabibigat na lamina lamang.

Ang looban. Ang loobang nakapalibot sa tabernakulo ay may sukat na 100 por 50 siko (44.5 por 22.2 m; 146 por 73 piye). Ang tulad-bakod na kurtina naman sa palibot niyaon ay may taas na 5 siko (2.2 m; 7.3 piye). Dalawampung haliging tanso ang sumusuhay sa magkabilang tagiliran ng looban, at sampu naman sa magkabilang dulo. Ang pantabing sa pasukang-daan sa S ay gawa sa lino at mga materyales na may-kulay anupat may lapad na 20 siko (8.9 m; 29 na piye).​—Exo 38:9-20.

Tinatayang halaga. Ang halaga ng ginto at pilak na ginamit sa tabernakulo ay mga $12,000,000, at posibleng ang halaga ng buong tabernakulo ay mahigit na $13,000,000, salig sa makabagong-panahong halaga.​—Exo 38:24-29.

Mga posibleng idinagdag. Lumilitaw na nang maglaon, may mga silid na itinayo para sa mga saserdote sa looban ng tabernakulo, malamang na sa mga tagiliran ng istraktura. (1Sa 3:3) Gayundin, maaaring may mga kubol na itinayo sa looban, upang ang ilan sa naghahandog ng mga handog na pansalu-salo ay makakain doon ng mga hain kasama ng kanilang pamilya.

Ang Lokasyon Nito sa Kampo ng Israel. (DAYAGRAM, Tomo 1, p. 538) Ang tabernakulo ang siyang sentro ng kampo ng Israel. Nakakampo pinakamalapit dito ang mga pamilya ng tribo ni Levi, na siyang nangangalaga sa istraktura. Nasa dakong S ang makasaserdoteng pamilya ni Aaron, nasa dakong T ang mga Kohatita (na pinagkunan sa pamilya ni Aaron para sa pagkasaserdote [Exo 6:18-20]), nasa dakong K ang mga Gersonita, at nasa dakong H ang mga Merarita. (Bil 3:23, 29, 35, 38) Mas malayo naman sa mga ito ang mga kampo ng 12 tribo: ang Juda, Isacar, at Zebulon sa dakong S; Ruben, Simeon, at Gad sa dakong T; Efraim, Manases, at Benjamin sa dakong K; at Dan, Aser, at Neptali sa dakong H. (Bil 2:1-31) Madaling matutunton ang tabernakulo mula sa alinmang panig ng kampo, dahil sa ulap kung araw at sa apoy kung gabi, na nananatili sa ibabaw ng Kabanal-banalan na kinaroroonan ng kaban ng tipan.​—Exo 40:36-38.

Kung Paano Inililipat. Kapag inililipat ang tabernakulo at ang mga muwebles at mga kagamitan nito, tinatakpan ng mga saserdote ang mga kagamitan ng dakong banal; pagkatapos, binubuhat ng mga Kohatita ang natatakpang kaban ng tipan, mesa ng tinapay na pantanghal, kandelero, at mga altar. Pinapasan nila ang mga bagay na ito sa kanilang mga balikat habang sila’y naglalakad. (Bil 4:4-15; 7:9) Ang mga Gersonita, na may dalawang karwahe, ang nagdadala sa mga telang pantolda (maliban sa kurtina ng Kabanal-banalan, na ipinantatakip sa Kaban [Bil 4:5]); dinadala rin nila ang mga pantakip ng tabernakulo, mga tabing ng looban, mga pantabing, mga pantoldang panali, at ilang kagamitan sa paglilingkod. (Bil 4:24-26; 7:7) Ang mga Merarita naman, na may apat na karwahe, ang nag-aasikaso sa pinakamabibigat na bagay, kabilang na rito ang mga hamba at ang mga haligi, ang may-ukit na mga tuntungan at ang mga pantoldang tulos, at mga panali.​—Bil 4:29-32; 7:8.

Kasaysayan. Pagkatawid ng Israel sa Ilog Jordan patungo sa Lupang Pangako, ang tabernakulo ay itinayo sa Gilgal. (Jos 4:19) Inilipat ito sa Shilo noong panahong hati-hatiin ang lupain (Jos 18:1), at nanatili ito roon nang maraming taon (1Sa 1:3, 24) bago inilipat sa Nob. (1Sa 21:1-6) Nang maglaon ay napasa Gibeon ito. (1Cr 21:29) Nang ilipat ni David sa Sion ang kaban ng tipan, nawala iyon sa tabernakulo nang maraming taon. Ngunit habang hindi pa naitatayo ni Solomon ang templo, ang mga hain ay doon pa rin inihahandog sa tabernakulo sa Gibeon, anupat tinawag itong “ang bantog na mataas na dako.” (1Ha 3:4) Pagkatapos maitayo ang templo, ipinaahon ni Solomon sa Jerusalem ang tabernakulo at lumilitaw na itinago iyon doon.​—1Ha 8:4; 2Cr 5:5.

Makasagisag na Paggamit. Binibigyang-linaw ng apostol na si Pablo ang makalarawang kahulugan ng tabernakulo. Nang talakayin niya ang parisang inilalarawan ng tabernakulo at ng mga paglilingkod na isinagawa sa loob nito, tinukoy niya si Jesu-Kristo bilang “isang pangmadlang lingkod sa dakong banal at sa tunay na tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.” (Heb 8:2) Karagdagan pa, sinabi niya: “Si Kristo ay dumating bilang isang mataas na saserdote ng mabubuting bagay na naganap na, sa pamamagitan ng mas dakila at lalong sakdal na tolda na hindi ginawa ng mga kamay, samakatuwid nga, hindi sa paglalang na ito.” (Heb 9:11) Ang tolda sa ilang ay isang kaayusan na iniutos ng Diyos para sa paglapit sa kaniya sa tunay na pagsamba, isang kaayusan para sa makasagisag na pag-aalis ng mga kasalanan. Yamang ito’y isang ilustrasyon (Heb 9:9), lumalarawan ito sa kaayusang itinatag ng Diyos na doo’y makapaglilingkod ang dakilang Mataas na Saserdote na si Jesu-Kristo, anupat haharap siya sa kaniyang Ama sa langit taglay ang halaga ng kaniyang hain, na aktuwal na makapag-aalis ng mga kasalanan. (Heb 9:24-26; tingnan ang TEMPLO.) Sa pamamagitan ng kaayusang ito, ang mga taong tapat ay makagagawa ng tunay na paglapit sa Diyos. (Heb 4:16) Sa pangitain, nakita ng apostol na si Juan ang makalangit na “santuwaryo ng tolda ng patotoo” o ang tabernakulo.​—Apo 15:5.

Yamang ang apostol na si Pedro ay isang inianak-sa-espiritung anak ng Diyos at may pag-asang mabuhay sa langit kasama ni Kristo Jesus, tinukoy niya ang kaniyang katawang laman bilang isang “tabernakulo.” Iyon ay isang ‘tirahang dako,’ ngunit pansamantala lamang, yamang batid ni Pedro na malapit na siyang mamatay at ang kaniyang pagkabuhay-muli ay hindi sa laman kundi sa espiritu.​—2Pe 1:13-15; 1Ju 3:2; 1Co 15:35-38, 42-44.

Para sa iba’t ibang artikulo tungkol sa mga muwebles at kagamitang ginamit sa tabernakulo, tingnan ang mga artikulo sa ilalim ng indibiduwal na mga pangalan.