Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tagapaghiganti ng Dugo

Tagapaghiganti ng Dugo

Sa Hebreo, ang pananalitang ito ay go·ʼelʹ had·damʹ. Ang salitang Hebreo na go·ʼelʹ (na ikinakapit sa isang tagapaghiganti ng dugo) ay isang pandiwari ng ga·ʼalʹ, nangangahulugang “tubusin; bawiin.” (Exo 15:13; Aw 69:18; Lev 25:25; Isa 43:1; Aw 72:14) Sa kautusang Hebreo, ang terminong ito ay tumutukoy sa pinakamalapit na kamag-anak na lalaki na may pananagutang ipaghiganti ang dugo niyaong napatay. (Bil 35:19) Ang terminong go·ʼelʹ ay tumutukoy rin sa isang kamag-anak na may karapatang tumubos.​—Lev 25:48, 49; Ru 2:20, tlb sa Rbi8; tingnan ang PAGTUBOS, MANUNUBOS.

Ang paghihiganti para sa dugo ng napatay ay salig sa utos may kinalaman sa kabanalan ng dugo at ng buhay ng tao. Ibinigay ang utos na ito kay Noe at dito’y ipinahayag ni Jehova: “Ang inyong dugo ng inyong mga kaluluwa ay sisingilin ko . . . mula sa kamay ng bawat isa na kaniyang kapatid, ay sisingilin ko ang kaluluwa ng tao. Sinumang magbububo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay ibububo ang kaniyang sariling dugo, sapagkat ayon sa larawan ng Diyos ay ginawa niya ang tao.” (Gen 9:5, 6) Ang isang tahasang mamamaslang ay papatayin ng “tagapaghiganti ng dugo,” at hindi dapat tumanggap ng pantubos para sa gayong mamamaslang.​—Bil 35:19-21, 31.

Sa takdang panahon, titiyakin ni Jehova na ang walang-salang dugo ng lahat ng kaniyang tapat na mga lingkod ay maipaghihiganti.​—Deu 32:43; Apo 6:9-11.

Nililinaw ng matuwid na mga kautusan ni Jehova ang pagkakaiba ng sinadya at ng di-sinasadyang pagpatay. Para sa di-sinasadyang pagpatay, maibiging inilaan ang mga kanlungang lunsod upang ang mga nakapatay nang di-sinasadya ay maipagsanggalang mula sa mga tagapaghiganti ng dugo. (Bil 35:6-29; Deu 19:2-13; Jos 20:2-9) Gayundin, may itinatag na mga legal na hukuman na didinig sa mga kasong may kinalaman sa pagkakasala sa dugo.​—Deu 17:8, 9; 2Cr 19:10.