Tagapagturo
[sa Ingles, tutor].
Karaniwan na, ang tagapagturo noong panahon ng Bibliya ay hindi ang aktuwal na guro, kundi isa na naghahatid at sumusundo sa bata sa paaralan at, posible rin, sa iba pang mga gawain. Iniiwan niya ang bata sa pangangasiwa ng instruktor nito. Nagpapatuloy ito mula sa pagkabata at marahil hanggang sa pagbibinata o mas matagal pa. Pananagutan niyang ingatan ang bata mula sa pisikal o moral na kapahamakan. (Sa katulad na paraan, ang matandang Pranses na tuteur at Latin na tutor ay literal na nangangahulugang “tagapagsanggalang o tagapag-alaga.”) Gayunman, kasama rin sa mga tungkulin ng tagapagturo ang paglalaan ng disiplina, at maaaring
ipaubaya sa kaniya ang pagtuturo sa bata ng tamang paggawi. Kung minsan ay mahigpit magdisiplina ang mga tagapagturo, sila man ay mga alipin o mga binabayarang tagapagturo.Alinsunod dito, itinawag-pansin ng Galacia 3:24, 25 na “ang Kautusan ay naging tagapagturo [sa Gr., pai·da·go·gosʹ, sa literal, “tagaakay ng bata”] natin na umaakay tungo kay Kristo, upang tayo ay maipahayag na matuwid dahil sa pananampalataya. Ngunit ngayong dumating na ang pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng isang tagapagturo.” Mahigpit ang Kautusan. Isiniwalat nito na ang mga Judio ay mga mananalansang at hinatulan sila nito. (Gal 3:10, 11, 19) Sa diwa, ang mga Judio na wastong nadisiplina ay ibinigay nito sa kanilang Instruktor, si Jesu-Kristo. Sinabi ng apostol na si Pablo: “Bago dumating ang pananampalataya, tayo ay nababantayan sa ilalim ng kautusan, na sama-samang dinadala sa pagkabihag, na nakatingin sa pananampalatayang nakatalagang isiwalat.”—Gal 3:23.
Sinabi ng apostol na si Pablo sa mga taga-Corinto: “Sapagkat mayroon man kayong sampung libong tagapagturo kay Kristo, tiyak na wala kayong maraming ama; sapagkat kay Kristo Jesus ay ako ang naging inyong ama sa pamamagitan ng mabuting balita.” (1Co 4:14, 15) Si Pablo ang unang nagdala ng mensahe ng buhay sa Corinto anupat siya ay naging gaya ng isang ama para sa kongregasyon ng mga mananampalatayang Kristiyano roon. Bagaman sa kalaunan ay maaaring iba naman ang nangalaga sa kapakanan nila, tulad ng mga tagapagturo na sa kanila ipinagkatiwala ang mga bata, hindi naging dahilan iyon upang magbago ang kaugnayan ni Pablo sa mga taga-Corinto. Ang ‘mga tagapagturo,’ gaya ni Apolos, ay maaaring may taimtim na interes sa kongregasyon, ngunit nakahihigit ang interes ni Pablo sapagkat naranasan niya sa piling nila ang pagpapagal ng isang espirituwal na magulang.—Ihambing ang Gal 4:11, 19, 20; tingnan ang EDUKASYON; TURO, TAGUBILIN.