Tainga, Pandinig
Ang tainga ay ang sangkap para sa pagdinig na dinisenyo at nilalang ng Diyos na Jehova. (Aw 94:9; Kaw 20:12) Ang tainga ay binubuo ng tatlong bahagi: ang panlabas na tainga, ang panggitnang tainga, at ang panloob na tainga. Ang panggitnang tainga ay isang maliit na butas na kinaroroonan ng salamin ng tainga (eardrum) at papasók sa masalimuot na mga daanan na siyang panloob na tainga. Bukod sa ginagamit ito may kaugnayan sa pagdinig, may mga sangkap din sa panloob na tainga na nauugnay sa panimbang at paggalaw. Malaki ang naitutulong ng pagkakaroon ng dalawang tainga upang matukoy ng isa ang pinanggagalingan at direksiyon ng mga tunog.
Naririnig ng tainga ng tao ang mga tunog na nasa pagitan ng mga 20 hanggang 20,000 siklo bawat segundo. Ang mga tainga naman ng maraming hayop ay sensitibo sa mas matataas na tono na hindi na marinig ng tainga ng tao. Kahanga-hanga ang kakayahan ng tainga ng tao na makarinig ng iba’t ibang antas ng lakas ng tunog. Ang pinakamalakas na tunog na makakayanan ng tainga nang hindi ito napipinsala ay dalawang milyong milyong ulit ng pinakamahinang tunog na posibleng marinig. Praktikal ang antas ng pagiging sensitibo ng tainga ng tao, sapagkat kung mas matalas pa ang pandinig nito, maririnig na nito pati ang walang-tigil na galaw ng mga molekula ng mga partikula sa hangin.
Yamang ang Maylikha ng tainga ay nakaririnig, tinutukoy siya ng Bibliya sa makasagisag na paraan bilang may mga tainga o pandinig. (Ne 1:6; Aw 116:1, 2) Sa pamamagitan ng sagisag na ito, inilalarawan ni Jehova ang kaniyang sarili bilang may mga taingang handang makinig sa mga panalangin, pakiusap, at kahilingan ng mga matuwid. (Aw 10:17; 18:6; 34:15; 130:2; Isa 59:1; 1Pe 3:12) Kahit naririnig niya ang mga bulung-bulungan ng mga reklamador at ang balakyot na pananalita ng kaniyang mga kaaway (Bil 11:1; 2Ha 19:28), hindi niya dinirinig ang kanilang paghingi ng tulong kapag inabutan sila ng paglalapat ng kahatulan. (Eze 8:18) Bagaman may mga taingang nakalilok o nakaukit sa mga imaheng idolo, hindi sila makarinig at wala silang kapangyarihang tumanggap o sumagot sa mga panalangin ng kanilang mga mananamba.—Aw 115:6.
Makasagisag na Paggamit. Sa Bibliya, ang salitang “tainga” o “pandinig” ay mariing ginagamit sa makasagisag na diwa upang kumatawan sa kumpletong proseso ng pakikinig. Ang “tainga” ay ginagamit may kinalaman sa kakayahang makarinig at pagkatapos ay pagtimbang-timbangin ang katotohanan at kahalagahan niyaong sinabi. (Job 12:11; 34:3) Ang pagkakagamit ng pananalitang “makinig” o ‘ikiling ang pandinig ng isa’ ay nagpapahiwatig ng pagbibigay-pansin upang kumilos kaayon ng bagay na narinig. (Aw 78:1; 86:6; Isa 51:4) Ang ‘pagbubukas ng pandinig’ ng isa ay nangangahulugan ng pagtanggap niya ng unawa o kaliwanagan hinggil sa isang bagay. (Isa 50:5) Ang pananalitang ‘buksan ang pandinig’ ay maaaring nagmula sa kaugalian sa mga lupain sa Silangan na bahagyang alisin ng isang tao ang kaniyang putong upang makarinig siya nang mas maliwanag. Ang pananalitang ito, gayundin ang pariralang ‘ibunyag sa pandinig,’ ay tumutukoy sa pagbibigay ng impormasyon nang sarilinan o sa pagsisiwalat ng isang lihim o ng isang bagay na hindi pa nalalaman.—1Sa 9:15; 20:2, 12, 13; 2Sa 7:27.
Ang ‘ginising na pandinig’ ay isa na ginawang atentibo. (Isa 50:4) Maaaring ang pandinig na iyon ay sa isang tao na dating kabilang sa mga “bingi [sa espirituwal] bagaman mayroon silang [literal na] mga tainga.” (Isa 43:8) Sa Bibliya, ang taong matuwid ay inilalarawang nakikinig sa Diyos ngunit nagtatakip ng kaniyang tainga upang hindi makarinig ng kabalakyutan. (Isa 33:15) Sa katulad na paraan, ang salitang Griego para sa “makinig” ay maaaring mangahulugan ng ‘pagbibigay-pansin, pagkaunawa, at pagkilos ayon sa narinig,’ gaya noong sabihin ni Jesu-Kristo: “Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig,” at, “ang ibang tao ay hindi nga nila susundan kundi tatakas mula sa kaniya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng ibang mga tao.”—Ju 10:27, 5.
Sa kabilang dako naman, sinasabing ang mga tainga ng mga mapaghimagsik ay “mabigat” (KJ) o “bingi.” (Isa 6:10; Gaw 28:27) Ang gayong mga balakyot ay inihahalintulad sa kobra na nagtatakip ng mga tainga nito, anupat tumatangging makinig sa tinig ng engkantador.—Aw 58:4.
Sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod, tinukoy ni Jehova ang sutil at masuwaying mga Israelita bilang may ‘di-tuling mga tainga.’ (Jer 6:10; Gaw 7:51) Ang mga ito ay waring natatakpan ng isang bagay na nakahahadlang sa pagdinig. Ang mga ito ay mga tainga na hindi binuksan ni Jehova, na nagbibigay ng mga taingang nakauunawa at masunurin doon sa mga humahanap sa kaniya ngunit nagpapahintulot naman na pumurol ang espirituwal na pandinig ng mga masuwayin. (Deu 29:4; Ro 11:8) Inihula ng apostol na si Pablo ang isang panahon kung kailan mag-aapostata mula sa tunay na pananampalataya ang ilan na nag-aangking Kristiyano, anupat ayaw nilang marinig ang katotohanan ng Salita ng Diyos kundi nais nilang ‘makiliti’ ang kanilang mga tainga ng mga bagay na kalugud-lugod sa kanila, at sa gayon ay makikinig sa mga bulaang guro. (2Ti 4:3, 4; 1Ti 4:1) Gayundin, maaaring ‘mangilabot’ ang mga tainga ng isa kapag nakarinig siya ng nakatatakot na balita, lalo na ng balita tungkol sa kapahamakan.—1Sa 3:11; 2Ha 21:12; Jer 19:3.
Nang mabulag si Saul ng Tarso dahil sa isang kahima-himalang liwanag, narinig ba ng mga lalaking kasama niya ang tinig na narinig ni Saul?
Ang isang halimbawa kung saan makikita ang kaibahan ng literal na pagkarinig sa isang tunog at ng pagkarinig nang may unawa ay matatagpuan sa ulat hinggil sa pagkakumberte ni Saul ng Tarso at sa sarili niyang salaysay tungkol dito. (Gaw 9:3-8; 22:6-11) Sinasabi ng ulat sa Gawa 9:7 na ang mga lalaking kasama ni Saul ay nakarinig ng “tinig” (AS-Tg, BSP, MB, NPV) o ng “tunog ng isang tinig.” (NW) Gayunman, gaya ng nakaulat sa Gawa 22:9, sinabi ni Pablo (Saul) na hindi narinig ng mga lalaking kasama niya ang tinig. Kapag uunawain nang wasto, ang sinabi sa dalawang talata ay walang pagkakasalungatan. Ang salitang Griego para sa “tinig” (pho·neʹ) sa Gawa 9:7 ay nasa kaukulang genitive (pho·nesʹ) anupat sa talatang ito ay nangangahulugan ng pagkarinig ng isang tinig—narinig ang tunog ngunit hindi ito naunawaan. Sa Gawa 22:9, ang pho·neʹ ay nasa kaukulang accusative (pho·nenʹ): “hindi narinig [ng mga lalaki] ang tinig”—narinig nila ang tunog ng isang tinig ngunit hindi nila naintindihan ang mga salita o ang kahulugan nito; hindi nila naunawaan ang sinabi ni Jesus kay Saul. (Gaw 9:4) Ang pagkaalam na ginagamit ng Bibliya ang ‘pagkarinig’ ayon sa nabanggit na dalawang diwa ay tumutulong upang malinawan ang waring mga pagkakasalungatan.
Noong italaga sa Israel ang pagkasaserdote, inutusan si Moises na kumuha ng dugo ng barakong tupa ng pagtatalaga at ilagay iyon sa pingol ng kanang tainga ni Aaron at ng bawat isa sa kaniyang mga anak, gayundin sa kanang kamay at kanang paa, anupat ipinahihiwatig na ang kanilang pinakikinggan, ang kanilang ginagawa, at ang paraan ng kanilang paglakad ay dapat na tuwirang maapektuhan ng nagaganap doon. (Lev 8:22-24) Sa katulad na paraan, hinggil sa nilinis na ketongin, sinabi ng Kautusan na ang saserdote ay dapat maglagay ng dugo ng barakong tupa na inihandog bilang handog ukol sa pagkakasala, gayundin ng langis na inihandog, sa pingol ng kanang tainga ng ketongin. (Lev 14:14, 17, 25, 28) Kahawig ng kaayusang ito ang probisyon para sa taong nais na manatiling alipin ng kaniyang panginoon hanggang sa panahong walang takda. Sa gayong kaso, ang alipin ay dadalhin sa poste ng pinto at ang tainga niya ay bubutasan ng kaniyang panginoon sa pamamagitan ng balibol. Maliwanag na ang nakalantad na markang ito, na inilagay sa sangkap para sa pagdinig, ay sumasagisag sa pagnanais ng alipin na patuloy na makinig at sumunod sa kaniyang panginoon.—Exo 21:5, 6.
Hinggil sa malaking pangangailangan ng tao na makinig sa Diyos, sa diwa ng maingat na pagbibigay-pansin at pagsunod sa kaniyang mga salita gaya ng iniuutos sa Bibliya, sa halip na makita ang Diyos gaya ng iginigiit ng ilan, si R. C. Dentan ay nagkomento: “Sa Bibliya, ang susing salita sa pagtugon ng tao sa Diyos ay ‘pagdinig’ sa halip na ‘pagkakita’ . . . Para sa mahiwagang mga relihiyon, ang pinakasukdulang relihiyosong karanasan ay ang ‘makita’ ang diyos; ngunit para sa Bibliya, kung saan ang pangunahing relihiyosong saloobin ay pagsunod sa salita ng Diyos, ang idiniriin ay ang ‘pagdinig’ sa kaniyang tinig. Kaya naman ang pinakamahalagang pormula ng relihiyon ng Israel ay nagsisimula sa: ‘Dinggin mo, O Israel.’ ‘Siya na nasa panig ng Diyos’ ay hindi ang mistiko na nakakita ng pangitain, kundi ang isa na ‘dumirinig sa mga salita ng Diyos’ (Juan 8:47).”—The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 1; tingnan ang PAGKABINGI.