Talento
Ang pinakamalaking Hebreong yunit ng timbang at ng halaga ng salapi. (Exo 38:29; 2Sa 12:30; 1Ha 10:10; 2Ha 23:33; 1Cr 29:7; 2Cr 36:3; Ezr 8:26) Katumbas ito ng 60 mina o 3,000 siklo, at kung kakalkulahin batay rito (Exo 38:25, 26; tingnan ang MINA), ang isang talento ay tumitimbang nang 34.2 kg (75.5 lb avdp; 91.75 lb t; 1101 onsa t). Sa makabagong mga halaga, ang isang talento na pilak ay maaaring tuusin na $6,606.00 at ang isang talento na ginto, $385,350.00.
Yamang ang isang mina ay katumbas ng 100 drakmang Griego noong unang siglo C.E., ang isang talento na katumbas ng 60 mina ay tumitimbang noon nang 20.4 kg (44.8 lb avdp; 54.5 lb t; 654 onsa t), anupat mas magaan kaysa noong mga panahon ng Hebreong Kasulatan. Alinsunod dito, sa makabagong mga halaga, ang isang unang-siglong talentong pilak ay magkakahalaga ng $3,924.00, at ang isang talentong ginto, $228,900.00.
Kung tutuusin alinsunod sa pamantayang Griego, ang makasagisag na mga batong graniso na tumitimbang nang mga isang talento (20.4 kg; 44.8 lb), gaya ng binabanggit sa Apocalipsis 16:21, ay magiging isang mapangwasak na salot.