Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tartaro

Tartaro

Isang tulad-bilangguan at ibinabang kalagayan kung saan inihagis ng Diyos ang masuwaying mga anghel noong mga araw ni Noe.

Ang salitang ito ay minsan lamang matatagpuan sa kinasihang Kasulatan, sa 2 Pedro 2:4. Sumulat ang apostol: “Ang Diyos nga ay hindi nagpigil sa pagpaparusa sa mga anghel na nagkasala, kundi, sa pamamagitan ng paghahagis sa kanila sa Tartaro, inihagis sila sa mga hukay ng pusikit na kadiliman upang itaan sa paghuhukom.” Ang pananalitang “paghahagis sa kanila sa Tartaro” ay mula sa pandiwang Griego na tar·ta·roʹo anupat nakapaloob dito mismo ang salitang “Tartaro.”

Ang isang katulad na teksto ay matatagpuan sa Judas 6: “At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako ay kaniyang itinaan sa mga gapos na walang hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.” Upang ipakita kung kailan ‘iniwan ng mga anghel na ito ang kanilang sariling wastong tahanang dako,’ binanggit ni Pedro ang “mga espiritung nasa bilangguan, na naging masuwayin noon nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe, habang itinatayo ang arka.” (1Pe 3:19, 20) Tuwirang pinag-uugnay nito ang pangyayaring iyon at ang ulat sa Genesis 6:1-4 may kinalaman sa “mga anak ng tunay na Diyos” na umiwan sa kanilang makalangit na tirahan upang sumiping sa mga babae noong mga panahon bago ang Baha at nagkaroon ng mga anak sa mga ito, anupat ang mga supling na iyon ay tinawag na mga Nefilim.​—Tingnan ang ANAK NG DIYOS, (MGA); NEFILIM.

Mula sa mga tekstong ito, maliwanag na ang Tartaro ay isang kalagayan sa halip na isang partikular na lokasyon, yamang sa isang talata ay tinutukoy ni Pedro ang masuwaying mga espiritung ito bilang nasa “mga hukay ng pusikit na kadiliman,” samantalang tinutukoy naman sila ni Pablo bilang nasa “makalangit na mga dako” na mula roon ay namamahala sila sa kadiliman bilang balakyot na mga puwersang espiritu. (2Pe 2:4; Efe 6:10-12) Sa katulad na paraan, ang pusikit na kadiliman ay hindi literal na kawalan ng liwanag kundi resulta ng paghihiwalay sa kanila mula sa kaliwanagang nanggagaling sa Diyos bilang mga suwail na pinalayas mula sa kaniyang pamilya, anupat isang madilim na kinabukasan lamang ang magiging walang-hanggang kahihinatnan nila.

Samakatuwid, ang Tartaro ay hindi kapareho ng Sheol sa Hebreo at ng Hades sa Griego, na kapuwa tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan sa lupa. Malinaw itong mauunawaan sapagkat, bagaman ipinakikita ng apostol na si Pedro na nangaral si Jesu-Kristo sa ‘mga espiritung iyon na nasa bilangguan,’ ipinakikita rin niya na ginawa ito ni Jesus, hindi noong tatlong araw siyang nakalibing sa Hades (Sheol), kundi matapos siyang buhaying-muli mula sa Hades.​—1Pe 3:18-20.

Gayundin, ang ibinabang kalagayan na isinasagisag ng Tartaro ay hindi dapat ipagkamali sa “kalaliman” kung saan ihahagis sa kalaunan si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa loob ng isang libong taóng pamamahala ni Kristo. (Apo 20:1-3) Lumilitaw na inihagis sa Tartaro ang masuwaying mga anghel noong “mga araw ni Noe” (1Pe 3:20), ngunit pagkaraan ng mga 2,000 taon ay masusumpungan nating namamanhik sila kay Jesus na “huwag silang utusang pumaroon sa kalaliman.”​—Luc 8:26-31; tingnan ang KALALIMAN.

Ang salitang “Tartaro” ay ginagamit din sa mga paganong mitolohiya bago ang panahong Kristiyano. Sa Iliad ni Homer, inilalarawan ang mitolohikal na Tartaro bilang isang bilangguan sa ilalim ng lupa na ‘mas mababa kaysa sa Hades kung paanong ang lupa ay mas mababa kaysa sa langit.’ Doon nakabilanggo ang nakabababang mga diyos, si Cronus at ang iba pang mga espiritung Titan. Subalit gaya ng nakita na natin, ang Tartaro ng Bibliya ay hindi isang lugar kundi isang kalagayan at, samakatuwid, hindi iyon kapareho ng Tartarong ito ng Griegong mitolohiya. Gayunman, mahalagang pansinin na ang mitolohikal na Tartaro ay iniharap hindi bilang isang lugar para sa mga tao kundi bilang isang lugar para sa mga nilalang na nakahihigit sa tao. Kaya naman sa puntong iyan ay may pagkakatulad ang dalawang ito, yamang malinaw na ang maka-Kasulatang Tartaro ay hindi kulungan para sa mga kaluluwa ng mga tao (ihambing ang Mat 11:23) kundi para lamang sa balakyot na mga espiritung nakahihigit sa tao na naghimagsik laban sa Diyos.

Ang kalagayan ng lubos na pagkakababa na isinasagisag ng Tartaro ay pasimula ng pagbubulid sa kalaliman na mararanasan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo bago magsimula ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Susundan naman ito, pagkatapos ng isang libong taon, ng kanilang lubos na pagkapuksa sa “ikalawang kamatayan.”​—Mat 25:41; Apo 20:1-3, 7-10, 14.