Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Timoteo

Timoteo

[Isa na Nagpaparangal sa Diyos].

Anak ng isang babaing Judio, si Eunice, at ng isang amang Griego (hindi binanggit ang pangalan sa Kasulatan). Habang napakabata pa, itinuro kay Timoteo ng kaniyang ina at malamang na pati ng kaniyang lola na si Loida “ang banal na mga kasulatan.” (Gaw 16:1; 2Ti 1:5; 3:15) Hindi alam ang eksaktong panahon kung kailan tinanggap ni Timoteo ang Kristiyanismo. Gayunman, marahil noong pagtatapos ng 49 o noong pasimula ng 50 C.E., nang dumating ang apostol na si Pablo sa Listra (maliwanag na ang lugar na pinagmulan ni Timoteo) sa pagpapatuloy ng kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, ang alagad na si Timoteo (marahil ay nasa mga huling taon ng kaniyang pagkatin-edyer o mga unang taon ng edad 20) mayroon nang “mabuting ulat mula sa mga kapatid sa Listra at Iconio.”​—Gaw 16:2.

Maaaring noong panahong iyon, bilang resulta ng pagkilos ng espiritu ng Diyos, ipinahayag ang ilang hula o prediksiyon may kinalaman kay Timoteo. Pagkatapos na ipahiwatig ng banal na espiritu sa ganitong paraan ang magiging kinabukasan ni Timoteo, ang matatandang lalaki ng kongregasyon ay nakisama sa apostol na si Pablo sa pagpapatong ng kanilang mga kamay kay Timoteo, sa gayon ay itinatalaga ito para sa isang partikular na paglilingkod may kaugnayan sa kongregasyong Kristiyano. (1Ti 1:18; 4:14; 2Ti 1:6; ihambing ang Gaw 13:3.) Pinili ni Pablo si Timoteo bilang kasamahan sa paglalakbay at, upang maiwasang magbigay sa mga Judio ng dahilang ikatitisod, tinuli niya ito.​—Gaw 16:3.

Naglakbay Kasama ni Pablo. Habang kasama ni Pablo, nakibahagi si Timoteo sa mga gawaing Kristiyano sa Filipos, Tesalonica, at Berea. (Gaw 16:11–17:10) Nang kailanganing lisanin ni Pablo ang Berea dahil sa pagsalansang na sulsol ng mga panatikong Judio, iniwan ng apostol sina Silas at Timoteo upang mangalaga sa bagong grupo ng mga mananampalataya roon. (Gaw 17:13-15) Lumilitaw na pagkatapos nito ay nagpadala ng mensahe si Pablo sa Berea, anupat sinabihan si Timoteo na dalawin ang mga kapatid sa Tesalonica, sa gayon ay patibaying-loob sila na manatiling tapat sa kabila ng kapighatian. (1Te 3:1-3; tingnan ang ATENAS [Ang Gawain ni Pablo sa Atenas].) Lumilitaw na si Timoteo ay muling nakasama ni Pablo sa Corinto at naghatid ng mabuting balita tungkol sa katapatan at pag-ibig ng mga Kristiyanong taga-Tesalonica. (Gaw 18:5; 1Te 3:6) Sa liham na ipinadala ni Pablo sa mga taga-Tesalonica pagkatapos nito, binanggit niya ang mga pangalan nina Silvano (Silas) at Timoteo sa bating pambungad, gaya rin ng ginawa niya sa kaniyang ikalawang liham sa kanila.​—1Te 1:1; 2Te 1:1.

Noong ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero (mga 52-56 C.E.), muli siyang sinamahan ni Timoteo. (Ihambing ang Gaw 20:4.) Habang nasa Efeso si Pablo (1Co 16:8), sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto ay sinabi niya: “Isinusugo [ko] sa inyo si Timoteo, yamang siya ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon; at ipaaalaala niya sa inyo ang aking mga pamamaraan may kaugnayan kay Kristo Jesus, gaya ng itinuturo ko sa lahat ng dako sa bawat kongregasyon.” (1Co 4:17) Ngunit sa pagtatapos ng liham na ito, ipinahiwatig ni Pablo na maaaring hindi makarating si Timoteo sa Corinto: “Kung darating si Timoteo, tiyakin ninyo na wala siyang anumang ikatatakot sa gitna ninyo, sapagkat nagsasagawa siya ng gawain ni Jehova, gaya ko rin naman.” (1Co 16:10) Kung talagang nakadalaw si Timoteo sa Corinto, malamang na ito ay noong bago lumisan sina Timoteo at Erasto sa Efeso patungong Macedonia, yamang magkasama sina Timoteo at Pablo sa Macedonia nang isulat ang ikalawang liham sa mga taga-Corinto (batay sa ulat ni Tito, hindi ni Timoteo). (Gaw 19:22; 2Co 1:1; 2:13; 7:5-7) Marahil ay hindi natuloy si Timoteo sa kaniyang binalak na pagdalaw. Mahihiwatigan ito sa ikalawang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, kung saan wala siyang sinabi na naroon si Timoteo kundi binanggit lamang na naging kasamahan niya ito. (2Co 1:19) Nang maglaon, noong panahong sumulat si Pablo sa mga taga-Roma, lumilitaw na mula sa Corinto (ang lugar na pinagmulan ni Gayo), si Timoteo ay kasama niya.​—Ihambing ang Ro 16:21, 23; 1Co 1:14.

Ang pangalan ni Timoteo ay binanggit sa bating pambungad ng mga liham na isinulat ni Pablo sa mga taga-Filipos (1:1), mga taga-Colosas (1:1), at kay Filemon (tal 1) noong panahon ng unang pagkabilanggo ng apostol sa Roma. Lumilitaw na si Timoteo mismo ay dumanas ng pagkabilanggo sa Roma sa loob ng panahon sa pagitan ng pagsulat ng liham sa mga taga-Filipos at ng liham sa mga Hebreo.​—Fil 2:19; Heb 13:23.

Mga Pananagutan at mga Kuwalipikasyon. Nang makalaya na si Pablo sa bilangguan, si Timoteo ay muling nakibahagi sa ministeryo kasama ng apostol, anupat nanatili sa Efeso sa tagubilin nito. (1Ti 1:1-3) Noong panahong iyon (mga 61-64 C.E.), si Timoteo ay maaaring mahigit na sa 30 taóng gulang at mayroon nang awtoridad na mag-atas ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod sa kongregasyon. (1Ti 5:22) Lubusan na siyang may kakayahang gampanan ang mabibigat na pananagutang ito, anupat napatunayan ang pagiging kuwalipikado niya sa pamamagitan ng pagpapagal bilang malapít na kasamahan ng apostol na si Pablo sa loob ng 11 taon o mahigit pa. Masasabi ni Pablo tungkol sa kaniya: “Wala na akong iba pa na may saloobing katulad ng sa kaniya na tunay na magmamalasakit sa mga bagay na may kinalaman sa inyo. . . . Alam ninyo ang katunayan na ipinakita niya tungkol sa kaniyang sarili, na tulad ng isang anak sa ama ay nagpaalipin siyang kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita.” (Fil 2:20-22) At isinulat niya kay Timoteo: “Hindi ko kailanman tinitigilan ang pag-alaala sa iyo sa aking mga pagsusumamo, gabi at araw na nananabik na makita ka, habang inaalaala ko ang iyong mga luha, upang mapuspos ako ng kagalakan. Sapagkat ginugunita ko ang pananampalatayang nasa iyo na walang anumang pagpapaimbabaw.”​—2Ti 1:3-5.

Bagaman nagtiis siya ng malimit na pagkakasakit dahil sa problema sa sikmura (1Ti 5:23), naging handa si Timoteo na magpagal alang-alang sa kapakanan ng ibang tao. Dahil sa kaniyang maiinam na katangian, napamahal siya sa apostol na si Pablo, na gustung-gustong makapiling si Timoteo noong malapit na itong mamatay. (2Ti 4:6-9) Palibhasa’y masasabing bata pa, si Timoteo ay maaaring dating mahiyain at atubiling gamitin ang kaniyang awtoridad. (Ihambing ang 1Ti 4:11-14; 2Ti 1:6, 7; 2:1.) Ipinakikita nito na si Timoteo ay hindi isang taong mapagmapuri kundi kinilala niya ang kaniyang mga limitasyon.