Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Timoteo, Mga Liham kay

Timoteo, Mga Liham kay

Dalawang kinasihang liham ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na ipinatungkol kay Timoteo ng apostol na si Pablo, na nagpakilala bilang ang manunulat sa pambungad na mga salita ng bawat liham. (1Ti 1:1; 2Ti 1:1) Maliwanag na ang unang liham ay isinulat mula sa Macedonia. Ang isang saligan upang matantiya kung kailan isinulat ang liham na ito ay masusumpungan sa unang kabanata, talata 3, na kababasahan: “Kung paanong pinatibay-loob kitang manatili sa Efeso nang ako ay patungo na sa Macedonia, gayundin ang ginagawa ko ngayon.” Hindi ito binabanggit sa aklat ng Mga Gawa, na sumasaklaw sa yugto mula sa panahon ng pag-akyat ni Jesus sa langit noong 33 C.E. hanggang sa ikalawang taon ng pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma, noong mga 61 C.E. Kaya naman waring pinatibay-loob ni Pablo si Timoteo na manatili sa Efeso pagkaraang mapalaya siya, at lumilitaw na pagkatapos ay lumisan si Pablo patungong Macedonia. Ilalagay nito ang panahon ng pagsulat ng Unang Timoteo sa pagitan ng petsa ng pagpapalaya sa apostol mula sa kaniyang unang pagkakabilanggo sa Roma at ng kaniyang huling pagkakabilanggo roon, o noong mga 61-64 C.E. Ang ikalawang liham ay isinulat sa Roma sa panahon ng huling pagkakabilanggo ni Pablo (malamang ay mga 65 C.E.) at di-nagtagal bago siya mamatay.​—2Ti 1:8, 17; 4:6-9.

Autentisidad. Ang autentisidad ng Una at Ikalawang Timoteo ay lubusan nang napagtibay. Itinatala ng lahat ng namumukod-tanging sinaunang mga katalogo, pasimula sa Muratorian Fragment ng ikalawang siglo C.E., ang dalawang liham bilang kanonikal. Pinakamahalaga sa lahat, ang mga liham na ito ay lubusang kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan at sumipi mula sa mga iyon. Naglalaman ang mga ito ng mga pagsipi o mga pagtukoy mula sa Mga Bilang (16:5; 2Ti 2:19), Deuteronomio (19:15; 25:4; 1Ti 5:18, 19), Isaias (26:13; 2Ti 2:19), at sa mga salita ni Jesu-Kristo (Mat 10:10; Luc 10:7; 1Ti 5:18). Kapansin-pansin ang malimit na mga pagbanggit sa pananampalataya (1Ti 1:2, 4, 5, 14, 19; 2:7, 15; 3:9, 13; 4:1, 6, 12; 5:8, 12; 6:10-12, 21; 2Ti 1:5, 13; 2:18, 22; 3:8, 10, 15; 4:7), at gayundin ang pagdiriin sa tamang doktrina (1Ti 1:3, 4; 4:1-3, 6, 7; 6:3, 4, 20, 21; 2Ti 1:13; 3:14, 15; 4:3, 5), paggawi (1Ti 2:8-11, 15; 3:2-13; 4:12; 5:1-21; 6:1, 2, 11-14; 2Ti 2:22), panalangin (1Ti 2:1, 2, 8; 4:5; 5:5; 2Ti 1:3), at tapat na pagbabata sa ilalim ng pagdurusa (2Ti 1:8, 12; 2:3, 8-13).

Mga Kalagayan Nang Isulat ang Unang Timoteo. Noong mga 56 C.E., nang pulungin ng apostol na si Pablo sa Mileto ang matatandang lalaki ng kongregasyon ng Efeso, sinabi niya sa kanila: “Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang mapaniil na mga lobo at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, at mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gaw 20:29, 30) Sa loob lamang ng ilang taon, ang situwasyon may kinalaman sa pagtuturo ng huwad na mga doktrina ay naging napakalubha anupat pinatibay-loob ni Pablo si Timoteo na manatili sa Efeso, upang “mautusan [nito] ang ilan na huwag magturo ng kakaibang doktrina, ni magbigay-pansin man sa mga kuwentong di-totoo at sa mga talaangkanan.” (1Ti 1:3, 4) Kaya naman kinailangan ni Timoteo na makipagbaka ukol sa espirituwal na pakikipagdigma sa loob ng kongregasyong Kristiyano upang maingatan ang kadalisayan nito at upang matulungan ang mga miyembro nito na manatili sa pananampalataya. (1:18, 19) Ang pagkakapit niya ng mga bagay na binanggit sa liham ng apostol ay magsisilbing pananggalang upang hindi mapahiwalay ang mga miyembro ng kongregasyon.

Para umunlad ang kongregasyon, ang panalangin ay hindi dapat kaligtaan. Upang ang mga Kristiyano ay makapagpatuloy na mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay nang walang hadlang, angkop na manalangin sila may kinalaman sa mga hari at mga taong may mataas na katayuan sa pamahalaan. Hinggil sa mga kumakatawan sa kongregasyon sa panalangin, sumulat si Pablo: “Nais ko na sa bawat dako ay magpatuloy sa pananalangin ang mga lalaki, na itinataas ang matatapat na kamay, hiwalay sa poot at mga debate.” Nangangahulugan ito ng paglapit sa Diyos sa dalisay na paraan, nang walang anumang damdamin ng poot o galit sa iba.​—1Ti 2:1-8.

Dapat ding maging mapagbantay si Timoteo na ang mga babae ay manatili sa dakong itinalaga sa kanila ng Diyos (1Ti 2:9-15), na mga kuwalipikadong lalaki lamang ang maglingkod bilang mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod sapagkat sila’y magsisilbing matibay na balwarte laban sa apostasya (3:1-13; 5:22), na karapat-dapat na mga babaing balo ang tumanggap ng tulong mula sa kongregasyon (5:3-16), na mabigyan ng kaukulang konsiderasyon ang matatandang lalaki na nangangasiwa sa mahusay na paraan (5:17-19), na ang mga alipin ay gumawi nang wasto may kaugnayan sa mga may-ari sa kanila (6:1, 2), na ang lahat ay makontento sa tinataglay nila sa halip na maghangad na yumaman (6:6-10), at na ang mayayaman ay huwag maglagak ng kanilang pag-asa sa materyal na mga bagay, kundi sa halip ay maging mayaman sa maiinam na gawa at magpakita ng pagkabukas-palad (6:17-19). Si Timoteo mismo ay kailangang maging ‘halimbawa sa mga tapat sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan’ at kailangan din siyang patuloy na sumulong.​—4:12, 15, 16; 6:11-14.

Mga Kalagayan Nang Isulat ang Ikalawang Timoteo. Noong 64 C.E. sinalanta ng isang malaking sunog ang Roma, anupat nasira ang mga isang kapat ng lunsod. Naging usap-usapan na kagagawan iyon ni Cesar Nero. Upang ipagsanggalang ang kaniyang sarili, ibinintang iyon ni Nero sa mga Kristiyano. Waring ito ang naging dahilan ng isang bugso ng marahas na pag-uusig mula sa pamahalaan. Malamang na noong mga panahong iyon (mga 65 C.E.) muling nabilanggo sa Roma ang apostol na si Pablo. Bagaman pinabayaan ng marami, nagdurusa sa kaniyang mga tanikala, at napapaharap sa napipintong kamatayan (2Ti 1:15, 16; 4:6-8), ang apostol ay sumulat ng nakapagpapatibay-loob na liham kay Timoteo, isang liham na naghanda sa kaniyang nakababatang kamanggagawa upang malabanan ang apostatang mga elemento sa loob ng kongregasyon at makatayong matatag sa harap ng pag-uusig. (2:3-7, 14-26; 3:14–4:5) Sa pagkaalam ng tungkol sa mga kalagayan ni Pablo, si Timoteo ay makakakuha ng pampatibay-loob mula sa mabuting halimbawa ng apostol sa tapat na pagbabata nito sa ilalim ng matinding kapighatian.​—2:8-13.

Palibhasa’y walang takot dahil sa lakas na mula kay Jehova, pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Paningasing tulad ng apoy ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay sa iyo. Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip. Kaya nga huwag mong ikahiya ang patotoo tungkol sa ating Panginoon, ni ako man na isang bilanggo alang-alang sa kaniya, kundi makibahagi ka sa pagtitiis ng kasamaan para sa mabuting balita ayon sa kapangyarihan ng Diyos.”​—2Ti 1:6-8.

[Kahon sa pahina 1311]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG UNANG TIMOTEO

Payo sa isang Kristiyanong matanda may kinalaman sa kaniyang mga pananagutan

Isinulat ng apostol na si Pablo, maliwanag na pagkaraang mapalaya siya mula sa kaniyang unang pagkakabilanggo sa Roma

Payo para sa sariling espirituwal na kapakanan ni Timoteo

Makipagbaka ukol sa espirituwal na pakikipagdigma, anupat pinananatili ang pananampalataya at ang isang mabuting budhi (1:18, 19)

Dapat mong pagtuunan ng pansin, hindi ang pagsasanay sa katawan, kundi ang makadiyos na debosyon; huwag hayaang hamakin ng iba ang iyong kabataan kundi sa halip ay maging mabuting halimbawa ka at gumawa ka ng pagsulong (4:7b-16)

Huwag atasan nang madalian sa isang posisyon ang isang tao, upang hindi ka maging kabahagi sa mga kasalanan ng iba (5:22)

Mga babala laban sa nakapagpapasamang mga impluwensiya sa kongregasyon

Utusan ang ilan na huwag magturo ng kakaibang mga doktrina, ni magbigay-pansin man sa mga kuwentong di-totoo at mga talaangkanan (1:3, 4)

Ang ilan ay lumihis mula sa pag-ibig at sa walang-pagpapaimbabaw na pananampalataya; nais nilang maging mga guro ng kautusan ngunit kulang sila ng unawa tungkol sa layon nito (1:5-11)

Sa mga huling yugto ng panahon ay may magaganap na paghiwalay mula sa pananampalataya (4:1-5)

Hadlangan ang maling mga impluwensiya; maging isa na natustusan ng mga salita ng pananampalataya; tanggihan ang mga kuwentong di-totoo (4:6, 7a)

Ang bulaang turo ay sanhi ng inggit, hidwaan, mga mapang-abusong pananalita, mga paghihinala, mararahas na pagtatalo, at ng paggamit ng mga bagay na makadiyos ukol sa makasariling pakinabang (6:3-5)

Tumakas mula sa masasamang bunga ng pag-ibig sa salapi; ipakipaglaban ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya at salansangin ang huwad na doktrina (6:11, 12, 20, 21)

Mga kuwalipikasyon para sa mga aatasang maglingkod bilang mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod

Kabilang sa mga kuwalipikasyon ng tagapangasiwa ang pagiging di-mapupulaan; pagkakaroon ng isang asawa lamang; pagiging matino ang pag-iisip, maayos, mapagpatuloy, kuwalipikadong magturo, mapagpigil sa sarili may kaugnayan sa pag-inom at galit, makatuwiran; hindi maibigin sa salapi; namumuno nang mahusay sa kaniyang sambahayan; hindi bagong kumberte; at may mabuting reputasyon sa labas ng kongregasyon (3:1-7)

Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat na maging seryoso, hindi dalawang-dila, hindi labis uminom, ni sakim sa di-tapat na pakinabang, sinubok muna kung karapat-dapat, malaya sa akusasyon, namumuno nang mahusay sa kani-kanilang sambahayan (3:8-10, 12, 13)

Mga tagubilin may kinalaman sa iba’t ibang pangangailangan ng kongregasyon

Dapat maghandog ng mga panalangin para sa lahat ng uri ng mga tao​—kabilang na rito ang mga tagapamahala, upang ang mga Kristiyano ay makapamuhay nang payapa na may makadiyos na debosyon; kalooban ng Diyos na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas (2:1-4)

May isang Diyos lamang at isang tagapamagitan, si Jesu-Kristo, kaya ang mga taong naghahandog ng mga panalangin ay dapat magtaas ng “matatapat na kamay, hiwalay sa poot at mga debate” (2:5-8)

Ang mga babae ay dapat manamit sa paraang mahinhin at angkop, anupat nagpapaaninag ng pagpipitagan sa Diyos; hindi sila maaaring magturo sa kongregasyon o magkaroon ng awtoridad sa lalaki (2:9-15)

Mga babaing balo lamang na may edad na 60 o mahigit pa, na may mainam na reputasyon at walang nabubuhay na mga anak o mga apo ang dapat isama sa talaan niyaong mga tatanggap ng materyal na tulong mula sa kongregasyon (5:3-16)

Ang mga matatanda na nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo ay dapat ituring na karapat-dapat sa “dobleng karangalan” (5:17, 18)

Huwag tatanggap ng akusasyon laban sa isang matandang lalaki malibang may dalawa o tatlong saksi; ang mga namimihasa sa kasalanan ay dapat sawayin sa harap ng lahat ng mga nagmamasid (5:19-21)

Ang mga alipin ay dapat maging uliran sa pagpapasakop sa mga may-ari sa kanila, lalo na kung kapananampalataya nila ang kanilang mga amo (6:1, 2)

Ang lahat ay dapat maging kontento kung mayroon na silang pagkain at pananamit; ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng nakapipinsalang mga bagay, at yaong mga determinadong maging mayaman ay dumaranas ng espirituwal na pinsala (6:6-10)

Ang mga mayayaman ay huwag maging palalo, anupat nagtitiwala sa kayamanan; sa halip, dapat silang maging handang mamahagi nang bukas-palad sa mga nagdarahop (6:17-19)

[Kahon sa pahina 1312]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG IKALAWANG TIMOTEO

Pampatibay-loob at payo upang tulungan si Timoteo na manatiling matatag sa mahihirap na panahong darating

Ang huling kinasihang liham na isinulat ni Pablo, noong panahon ng kaniyang ikalawang pagkakabilanggo sa Roma

Pampatibay-loob kay Timoteo na patuloy na sumulong

“Paningasing tulad ng apoy ang kaloob ng Diyos” na tinanggap mo; huwag ikahiya ang patotoo tungkol kay Kristo o si Pablo na isang bilanggo; makibahagi ka sa pagtitiis para sa mabuting balita (1:6-8)

Bantayan ang parisan ng nakapagpapalusog na mga salita (1:13, 14)

Tulad ng isang kawal, ituon ang iyong pansin sa gawain; tulad ng isang atleta sa mga palaro, makipaglaban ayon sa mga alituntunin; maging tulad ng masikap na magsasaka; magbata nang may katapatan (2:3-13)

Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan (2:15)

Tumakas ka mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan, ngunit itaguyod ang makadiyos na mga katangian kasama niyaong mga tumatawag sa Panginoon mula sa isang malinis na puso (2:22)

Payo na tutulong kay Timoteo na tumayong matatag laban sa mga bulaang guro

Iwasan ang pakikipag-away tungkol sa mga salita at ang usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal; taglay ang kahinahunan, sikaping mabawi yaong mga nasilo ng Diyablo (2:14, 16-26)

Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan dahil sa balakyot na mga saloobin ng mga tao; sila ay magiging maibigin sa salapi at sa mga kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos; iwasan ang gayong mga tao (3:1–7)

Ang masasamang taong iyon ay patuloy na sasalansang sa katotohanan; ngunit mangunyapit ka sa kung ano ang tinanggap mo bilang totoo sapagkat natutuhan mo iyon mula sa mga taong kilalang-kilala mo at mula sa kinasihang Kasulatan (3:8-17)

Magmatiyaga sa pangangaral ng salita, mag-ebanghelyo, lubusang ganapin ang iyong ministeryo​—bagaman darating ang mga panahon na hindi nanaisin ng mga tao na makinig sa nakapagpapalusog na doktrina kundi mas gugustuhin pa nilang kilitiin ng pinili nilang mga guro ang kanilang mga tainga (4:1-5)

Mga kalagayan ni Pablo bilang isang bilanggo

Inatasan si Pablo bilang isang apostol ni Jesu-Kristo; nagdurusa siya dahil dito ngunit hindi siya nahihiya (1:11, 12)

Bilang isang bilanggo na nakatanikala, halos pinabayaan na siya ng lahat niyaong mula sa distrito ng Asia, ngunit masikap siyang hinanap ni Onesiforo at dinulutan siya ng kaginhawahan (1:15-18)

Sa pagkaalam na napipinto na ang kaniyang kamatayan, may-pagtitiwalang inaasam ni Pablo ang araw kapag ang korona ng katuwiran ay ibibigay na ni Jesu-Kristo sa kaniya at gayundin sa lahat ng iba pa na umiibig sa Kaniyang pagkakahayag (4:6-8)

Walang sinumang pumanig sa kaniya sa una niyang pagtatanggol; gayunpaman, si Pablo ay pinalakas ng Panginoong Jesu-Kristo; nagtitiwala siyang ililigtas siya ng Panginoon para sa Kaniyang makalangit na Kaharian (4:16-18)