Tradisyon
Mga impormasyon, doktrina, o kaugalian na nagpasalin-salin mula sa mga magulang tungo sa mga anak o naging kinagawiang paraan ng pag-iisip o pagkilos. Ang salitang Griego na pa·raʹdo·sis ay literal na nangangahulugang “isang bagay na ibinigay bilang karagdagan,” samakatuwid ay “yaong itinawid nang bibigan o sa pamamagitan ng pagsulat.” (1Co 11:2, Int) Ayon sa pagkakagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang ito ay tumutukoy sa mga tradisyon na wasto o katanggap-tanggap na pitak ng tunay na pagsamba, gayundin sa mga tradisyon na mali o kaya’y sinusunod o minamalas sa paraang nagiging nakapipinsala at di-katanggap-tanggap ang mga iyon.
Sa loob ng maraming siglo, maraming tradisyon ang natipon ng mga Judio. Kabilang sa mga ito ang paraan ng pananamit at pagsasagawa ng mga gawaing gaya ng kasal at libing. (Ju 2:1, 2; 19:40) May ilang pitak din ng pagsamba ng mga Judio noong unang siglo C.E. na batay sa kaugalian o tradisyon, tulad ng paggamit ng alak sa hapunan ng Paskuwa at pagdiriwang ng muling pag-aalay ng templo. (Luc 22:14-18; Ju 10:22) Hindi tinutulan ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang mga bagay na iyon, bagaman alam nila na hindi hinihiling ng Kautusan ang mga iyon. Nang ang sinagoga ay maging karaniwang dako ng pagsamba ng mga Judio, naging kaugalian o tradisyon ang sumamba roon tuwing Sabbath. Sinabi ni Lucas na si Jesus ay dumalo rin doon, “ayon sa kaniyang kaugalian.”—Luc 4:16.
Mga Tradisyong Di-sinasang-ayunan. Gayunman, maraming bibigang tradisyon ang idinagdag ng mga Judiong lider ng relihiyon sa nasusulat na Salita at itinuring nilang napakahalaga ng mga ito sa tunay na pagsamba. Noong si Pablo (Saul) ay isang Pariseo at hindi pa nakukumberte sa Kristiyanismo, labis-labis ang sigasig niya sa pagsunod sa mga tradisyon ng Judaismo. Sabihin pa, kasama sa mga ito ang katanggap-tanggap na mga tradisyon, pati na ang maling mga tradisyon. Ngunit dahil sa pagsunod niya sa “mga utos ng mga tao bilang mga doktrina,” naging mang-uusig siya ng mga Kristiyano. (Mat 15:9) Halimbawa, “hindi [sila] kumakain malibang maghugas sila ng kanilang mga kamay hanggang sa siko, na nanghahawakang mahigpit sa tradisyon ng sinaunang mga tao.” (Mar 7:3) Sa pangmalas ng mga taong iyon, ang kaugaliang ito’y hindi para sa kalinisan kundi isang maseremonyang ritwal na diumano’y may relihiyosong kahalagahan. (Tingnan ang PAGHUHUGAS NG MGA KAMAY.) Ipinakita ni Kristo na wala silang saligan upang punahin ang kaniyang mga alagad sa hindi pagsunod sa kaugaliang iyon at sa iba pang di-kinakailangang “mga utos ng mga tao.” (Mat 15:1, 2, 7-11; Mar 7:4-8; Isa 29:13) Karagdagan pa, sa pamamagitan ng kanilang tradisyon hinggil sa “korban” (isang kaloob na inialay sa Diyos), pinawalang-bisa ng relihiyosong mga lider na iyon ang Salita ng Diyos at nilabag ang kaniyang utos.—Exo 20:12; 21:17; Mat 15:3-6; Mar 7:9-15; tingnan ang KORBAN.
Hindi kailanman sumipi si Jesus at ang kaniyang mga alagad mula sa bibigang tradisyong Judio para suportahan ang kanilang mga turo. Sa halip, ginamit nila ang nasusulat na Salita ng Diyos. (Mat 4:4-10; Ro 15:4; 2Ti 3:15-17) Nang maitatag ang kongregasyong Kristiyano, ang pagtupad sa di-makakasulatang mga tradisyong Judio ay katumbas ng “walang-bungang anyo ng paggawi” na ‘tinanggap ng mga Judio sa pamamagitan ng tradisyon mula sa kanilang mga ninuno [sa Gr., pa·tro·pa·ra·doʹtou, “ibinigay bilang karagdagan mula sa mga ama”].’ (1Pe 1:18) Nang maging mga Kristiyano ang mga Judiong iyon, iniwan nila ang gayong mga tradisyon. Nang himukin ng ilang bulaang guro sa Colosas ang iba na magsagawa ng gayong anyo ng pagsamba, nagbabala si Pablo laban sa “pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao.” Maliwanag na mga tradisyon ng Judaismo ang partikular na tinutukoy niya.—Col 2:8, 13-17.
Mga Tradisyong Kristiyano. Yamang matatawag na tradisyon ang mga panuntunang ibinigay nang bibigan o sa pamamagitan ng halimbawa, ang impormasyon na tuwirang tinanggap ng apostol na si Pablo mula kay Jesus ay wastong maipapasa sa mga kongregasyong Kristiyano bilang katanggap-tanggap na tradisyong Kristiyano. Ang isang halimbawa nito ay ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. (1Co 11:2, 23) Ang mga turo at halimbawa ng mga apostol ay maituturing na mabuting tradisyon. Kaya, yamang si Pablo ay nagpagal sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay upang hindi siya maging pinansiyal na pasanin sa kaniyang mga kapatid (Gaw 18:3; 20:34; 1Co 9:15; 1Te 2:9), maaari niyang himukin ang mga Kristiyanong taga-Tesalonica na “lumayo sa bawat kapatid na lumalakad nang walang kaayusan at hindi ayon sa tradisyon [pa·raʹdo·sin]” na tinanggap nila. Maliwanag na ang sinumang ayaw magtrabaho ay hindi sumusunod sa mainam na halimbawa o tradisyon ng mga apostol.—2Te 3:6-11.
Nang maglaon, ang “mga tradisyon” na kailangan para sa malinis at walang-dungis na pagsamba sa Diyos ay inilakip sa kinasihang Kasulatan. Sa gayon, ang mga tradisyon o mga panuntunan na ibinigay Ju 20:30, 31; Apo 22:18.
ni Jesus at ng mga apostol at mahalaga sa pagtatamo ng buhay ay hindi hinayaang manatili sa anyong bibigan na baka pilipitin sa paglipas ng panahon. Sa halip, ang mga ito’y may-katumpakang itinala sa Bibliya para sa kapakinabangan ng mga Kristiyanong mabubuhay sa hinaharap.—