Turo, Tagubilin
[sa Ingles, instruction].
Patnubay na kailangang sundin. Ang pandiwang Hebreo na ya·rahʹ ay nangangahulugang “turuan.” Ang terminong Hebreo na leʹqach (turo) ay may saligang kahulugan na “pagkuha; pagtanggap.” (Deu 32:2; ihambing ang Jer 9:20, kung saan ang kaugnay na pandiwa ay lumilitaw sa pananalitang “tanggapin nawa ng inyong pandinig ang salita ng kaniyang bibig.”) Sa Kawikaan 16:21, ang termino ring ito ay isinasalin bilang “panghikayat.” Ang Griegong pai·deuʹo naman ay nangangahulugang “turuan; parusahan; disiplinahin,” at ang Griegong ka·te·kheʹo ay nangangahulugang “turuan nang bibigan; turuan.”
Si Jehova ang “Dakilang Tagapagturo” ng kaniyang bayan (Isa 30:20), at yaong mga tumatanggap ng kaniyang turo, o tagubilin, ay may pananagutang kumilos na kasuwato nito—‘lalakad sila sa kaniyang mga landas’ at “pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.” (Isa 2:3, 4; Mik 4:2, 3) Palibhasa’y kinikilala nila ang kahalagahan ng turo ni Jehova at nais nila itong sundin, ang kaniyang mga lingkod ay nananalangin: “Turuan mo ako, O Jehova, ng tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.”—Aw 86:11; 27:11; 119:33.
Sa sinaunang Israel, inatasan ni Jehova ang mga saserdote bilang mga tagapagturo ng kaniyang bayan. Bilang pagdiriin sa kahalagahan ng pagsunod sa turong tatanggapin sa pamamagitan ng alulod na ito, sinabi ni Moises: “Gawin mo ang ayon sa salita na ibibigay nila sa iyo mula sa dakong iyon na pipiliin ni Jehova; at maingat mong isagawa ang ayon sa lahat ng ituturo nila sa iyo. Gawin mo ang ayon sa kautusan na itatagubilin nila sa iyo, at ang ayon sa hudisyal na pasiya na sasabihin nila sa iyo. Huwag kang lumihis mula sa salita na ibibigay nila sa iyo, sa kanan o sa kaliwa.” (Deu 17:10, 11; 24:8) Sa mga kabilang sa kongregasyong Kristiyano, sumulat ang apostol na si Pablo: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Ro 15:4) Samakatuwid, dapat nating saliksikin ang mga utos, bigyang-pansin ang mga simulaing nakapaloob sa mga ito, at matutuhang mabuti ang mga aral na nakasaad sa buong kinasihang Salita ng Diyos at pagkatapos ay ikapit ang mga ito sa ating buhay.—Tingnan ang PANGMADLANG TAGAPAGTURO.
Kahit ang maaamong hayop at ang planetang Lupa ay maaaring panggalingan ng turo, gaya ng sinasabi sa Job 12:7-10. (Kaw 6:6) Sa mga ito ay makakakita ang mga taong marurunong ng katibayan ng mga gawang-kamay ng Diyos at ng patotoo na ang lahat ng buhay ay dumedepende sa Diyos. Ang mga taong hindi kumikilos kasuwato ng saganang katibayang ito ay ‘walang maidadahilan,’ gaya ng isinulat ng apostol na si Pablo.—Ro 1:20.
Si Jesu-Kristo ay tinawag niyaong mga naging alagad niya bilang Tagapagturo, o Instruktor, sa gayon ay kinikilala ang kaniyang awtoridad at ang pananagutan nilang sundin ang kaniyang mga tagubilin. (Luc 5:5; 9:33) Ganito rin ang itinawag kay Jesus ng isang grupo ng sampung ketongin na nagmakaawa sa kaniya.—Luc 17:13.
Bagaman ang pagtanggap ng turo ay humihiling ng pagsunod at hindi ito inilalaan bilang pampalipas lamang ng oras, maitatawid din naman ito sa nakagiginhawang paraan. Inutusan ni Jehova si Moises na turuan ang Israel ng isang awit na doon ay sinabi niya: “Ang aking turo ay papatak na gaya ng ulan, ang aking pananalita ay tutulo na gaya ng hamog, gaya ng ambon sa damo.” (Deu 32:2) Sumulat si Pablo sa Kristiyanong tagapangasiwa na si Timoteo tungkol sa ‘pagtuturo nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa mabuti; baka sakaling bigyan sila ng Diyos ng pagsisisi na umaakay sa isang tumpak na kaalaman sa katotohanan.’ (2Ti 2:25) Gayunman, ang turo ay maaaring magsangkot ng disiplina sa pamamagitan ng pagpaparusa. Hindi laging madaling tanggapin ang gayong disiplina, ngunit kapag ang isa ay tumugon dito, magluluwal ito ng “mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.”—Heb 12:7-11.
Hindi lahat ng turo ay nanggagaling sa isa na may wastong motibo, anupat ang layunin niyaon ay hindi rin laging kapaki-pakinabang sa tumatanggap. “Tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo,” ngunit sa edad na 40, hayagan niyang iniugnay ang kaniyang sarili sa mga Hebreo at iniwan ang mana na maaari sanang napasakaniya sa maharlikang mga korte ng Ehipto. (Gaw 7:22) May binanggit si Isaias na mga propeta sa Israel na nagbibigay ng bulaang tagubilin, at sumulat si Mikas tungkol sa mga saserdoteng nagtuturo “kapalit lamang ng isang halaga.” (Mik 3:11; Isa 9:15) Ang ilang tao ay may-kamangmangang bumaling sa mga binubong estatuwa upang tumanggap ng turo. (Hab 2:18) Matapos suhulan ang mga kawal na nagbabantay sa libingan ni Jesus, sinunod nila ang tagubiling ibinigay sa kanila na magsinungaling tungkol sa tunay na nangyari sa katawan ni Jesus.—Mat 28:12-15.