Upahang Trabahador
Isang tao na, di-gaya ng isang alipin, tumatanggap ng kabayaran para sa kaniyang paggawa.
Lev 19:13; Deu 24:14, 15) Noong unang siglo C.E. o bago pa nito, lumilitaw na pinagkakasunduan muna ang magiging kabayaran bago pasimulan ng mga trabahador ang kanilang paggawa, na ang haba ng isang araw ng trabaho ay 12 oras, mula sa mga ikaanim ng umaga hanggang sa ikaanim ng gabi, at na maliwanag na isang denario (74 na sentimo [U.S.]) ang karaniwang maghapong kabayaran ng mga manggagawa sa ubasan. (Mat 20:1-13) Waring ipinahihiwatig ng pagbanggit ng Kasulatan sa “mga taon ng upahang trabahador” na itinatakda rin ang haba ng kasunduan, o kontrata, ng pagtatrabaho.—Isa 16:14; 21:16.
Kahilingan sa Kautusan na mabayaran ang gayong mga trabahador sa pagtatapos ng araw ng trabaho. (Noon, maliwanag na di-tuli ang marami sa mga upahang trabahador sa Israel, sapagkat itinakda ng Kautusan na huwag silang makikibahagi sa Paskuwa, bagaman maaaring makibahagi ang mga aliping tuli, palibhasa’y minamalas ang mga ito bilang mga miyembro ng isang pamilyang Israelita. Sa gayunding paraan, bagaman hindi maaaring kumain mula sa mga banal na bagay ang mga upahang trabahador ng isang saserdote, walang gayong pagbabawal sa mga aliping tuli, yamang ang mga ito ay aktuwal na mga miyembro ng sambahayan ng saserdoteng iyon.—Exo 12:43-45; Lev 22:10, 11.
Dahil sa pagbagsak ng kabuhayan, maaaring ipagbili ng isang Israelita ang kaniyang sarili sa pagkaalipin sa isang kapuwa Israelita, o sa isang naninirahang dayuhan, isang nakikipamayan, o isang miyembro ng pamilya ng naninirahang dayuhan. Gayunman, hindi siya dapat pakitunguhan nang may paniniil, kundi dapat siyang tratuhin nang may kaukulang konsiderasyon tulad ng isang upahang trabahador. Pagkatapos, kung sa kaso niya ay hindi naging posible na samantalahin ang karapatang tumubos, palalayain siya mula sa pagkaalipin alinman sa ikapitong taon ng kaniyang pagkaalipin o sa taon ng Jubileo, alinman ang mauna.—Exo 21:2; Lev 25:39, 40, 47-49, 53; Deu 15:12; tingnan ang ALIPIN.
Kung minsan, ang mga upahang trabahador ay inaabuso ng kanilang mga amo. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias, nagbabala si Jehova na Siya ay magiging mabilis na saksi laban sa mga gumagawi nang may pandaraya sa kabayaran ng bayarang manggagawa.—Mal 3:5; tingnan din ang San 5:4; UPA, KABAYARAN.
Karaniwan na, sabik ang upahang trabahador na matapos na ang araw ng pagtatrabaho at matanggap ang kaniyang kabayaran. (Job 7:1, 2) Kadalasa’y hindi siya lubusang nagmamalasakit sa kapakanan ng kaniyang amo, gaya ng ipinakikita ng pananalita ni Jesu-Kristo na, di-tulad ng taong upahan na tumatakas kapag may panganib, siya, bilang Mabuting Pastol, ay handang magbigay ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.—Ju 10:11-15; tingnan din ang Jer 46:21.