Yaya, Tagapag-alaga
[sa Ingles, nurse].
May dalawang uri ng yaya o tagapag-alaga noong sinaunang mga panahon. Ang “yayang babae” (sa Heb., meh·neʹqeth; sa Ingles, nursing woman; Gen 24:59; 35:8; Exo 2:7; 2Ha 11:2; 2Cr 22:11; Isa 49:23) ay nagsilbing kahalili ng ina sa pagpapasuso sa sanggol. Si Debora ay naging ganitong uri ng yaya kay Rebeka at nang maglaon ay naglingkod siya bilang kaniyang utusang babae o tagapag-alaga, anupat nanatili siyang isang alila ng pamilya kahit noong namatay na ang kaniyang among babae. (Gen 24:59, 67; 35:8) Ang isa pang uri ng yaya ay maaaring isang lalaki (sa Heb., ʼo·menʹ; Bil 11:12; Isa 49:23 [“tagapag-alaga”]) o isang babae (sa Heb., ʼo·meʹneth; 2Sa 4:4). Babae man o lalaki ay maaaring mag-alaga ng mga bata, ng mga maysakit, o ng matatanda na. Ang matanda nang si Noemi ay naging yaya o tagapag-alaga ng kaniyang apo na si Obed gayundin ang magandang dalaga na si Abisag para naman kay Haring David.—Ru 4:13, 16, 17; 1Ha 1:1-4.
Sa 1 Tesalonica 2:7, inihahalintulad ni Pablo ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga kasamahan sa “isang nagpapasusong ina” (sa Gr., tro·phosʹ; sa Ingles, nursing mother), sa gayon ay idiniin niya na sila ay naging banayad sa mga mananampalatayang taga-Macedonia.