Aklat ng Bibliya Bilang 15—Ezra
Aklat ng Bibliya Bilang 15—Ezra
Manunulat: Si Ezra
Saan Isinulat: Sa Jerusalem
Natapos Isulat: c. 460 B.C.E.
Panahong Saklaw: 537-c. 467 B.C.E.
1. Anong mga hula ang tumiyak sa pagsasauli ng Jerusalem?
MATATAPOS na ang inihulang 70 taóng pagkagiba ng Jerusalem sa ilalim ng Babilonya. Napabantog ang Babilonya sa hindi pagpapalaya ng mga bihag nito, ngunit mas makapangyarihan ang salita ni Jehova kaysa Babilonya. Napipinto nang lumaya ang bayan ni Jehova. Muling itatayo ang nagibang templo, at ang dambana ni Jehova ay muling tatanggap ng mga hain ng katubusan. Maririnig uli ng Jerusalem ang sigaw at papuri ng tunay na mga mananamba ni Jehova. Inihula ni Jeremias ang haba ng pagkagiba, at inihula ni Isaias kung papaano palalayain ang mga bihag. Tinukoy pa ni Isaias si Ciro ng Persya bilang ‘pastol ni Jehova,’ na magbabagsak sa palalong Babilonya bilang ikatlong kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya.—Isa. 44:28; 45:1, 2; Jer. 25:12.
2. Kailan at sa ilalim ng anong mga kalagayan bumagsak ang Babilonya?
2 Bumagsak ang Babilonya noong Oktubre 5, 539 B.C.E. (kalendaryong Gregorian), nang si Haring Belsassar at ang mga mahal na tao ay nag-iinuman bilang parangal sa kanilang mga demonyong diyos. Bukod sa kanilang kahalayan, ginamit pa nila ang banal na mga sisidlan ng templo ni Jehova sa paglalasing! Nagkataon na sa gabing yaon si Ciro’y nasa labas ng mga pader ng Babilonya upang tuparin ang hula.
3. Anong utos ni Ciro ang nagpangyari na maisauli ang pagsamba ni Jehova nang eksaktong 70 taon mula nang magiba ang Jerusalem?
3 Ang 539 B.C.E. ay mahalagang petsa, at maaari itong itugma kapuwa sa sekular at maka-Biblikong kasaysayan. Sa unang taon ng pamamahala sa Babilonya, si Ciro “ay nagpalabas ng utos sa buong kaharian,” na nagpahintulot sa mga Judio na itayong-muli ang bahay ni Jehova sa Jerusalem. Ang utos ay ibinigay sa dakong huli ng 538 B.C.E. o maaga sa 537 B.C.E. a Isang tapat na nalabi ang nagbalik sa Jerusalem upang itayo ang dambana at ihandog ang unang mga hain “sa ikapitong buwan” (Tishri, katumbas ng Setyembre-Oktubre) ng 537 B.C.E.—70 taon na eksakto sa buwan mula nang ang Juda at Jerusalem ay gibain ni Nabukodonosor.—Ezra 1:1-3; 3:1-6.
4. (a) Ano ang tagpo ng aklat ng Ezra, at sino ang sumulat nito? (b) Kailan isinulat ang Ezra, at anong yugto ang saklaw nito?
4 Pagsasauli! Ito ang tagpo ng aklat ni Ezra. Ang paggamit ng unang panauhan sa kabanata 7 talata 27 hanggang kabanata 9 talata 15 ay patotoo na ang manunulat ay si Ezra. Bilang “bihasang kalihim sa kautusan ni Moises” at may-pananampalatayang “naglagak ng puso sa pagsangguni sa kautusan ni Jehova upang gawin at ituro” ito, kuwalipikado si Ezra sa pag-uulat ng kasaysayan, gaya ng ginawa niya sa Mga Cronica. (Ezra 7:6, 10) Yamang ang aklat ni Ezra ay karugtong ng Mga Cronica, karamihan ay naniniwala na ito ay nasulat nang panahong yaon, 460 B.C.E. Sumasaklaw ito ng 70 taon, mula nang magiba at magkawatak-watak ang mga Judio at tawaging “mga anak ng kamatayan,” hanggang sa matapos ang ikalawang templo at linisin ang pagkasaserdote pagkabalik ni Ezra sa Jerusalem.—Ezra 1:1; 7:7; 10:17; Awit 102:20, talababa.
5. Ano ang kaugnayan ng aklat ni Ezra sa aklat ni Nehemias, at sa anong mga wika ito nasulat?
5 Ang pangalang Hebreo na Ezra ay nangangahulugang “Saklolo.” Sa pasimula ang Ezra at Nehemias ay iisang balumbon. (Neh. 3:32, talababa) Hinati ito ng mga Judio at tinawag na Una at Ikalawang Ezra. Sa makabagong mga Bibliyang Hebreo ito ay tinatawag na Ezra at Nehemias, gaya rin ng ibang makabagong Bibliya. Ang isang bahagi (4:8 hanggang 6:18 at 7:12-26) ay isinulat sa Aramaiko at ang natira ay sa Hebreo, pagkat sanay si Ezra sa mga wikang ito.
6. Ano ang patotoo na wasto ang aklat ni Ezra?
6 Karamihan ng iskolar ay tumatanggap sa kawastuan ng Ezra. Hinggil sa pagiging-kanonikal ng Ezra, ganito ang isinulat ni W. F. Albright sa kaniyang artikulong The Bible After Twenty Years of Archaeology: “Ang pagka-orihinal ng mga Aklat nina Jeremias at Ezekiel, nina Ezra at Nehemias ay naipamalas ng arkeolohikal na impormasyon at di-mapag-aalinlanganan; napatunayan ang tradisyonal na larawan ng mga pangyayari, maging ang pagkasunud-sunod nito.”
7. Papaano ipinakikita na ang aklat ni Ezra ay tunay na bahagi ng banal na ulat?
7 Bagaman ang aklat ni Ezra ay hindi sinisipi o tuwirang tinutukoy sa Kristiyanong Kasulatang Griyego, walang alinlangan ang dako nito sa kanon ng Bibliya. Inihaharap nito ang pakikitungo ni Jehova sa mga Judio hanggang sa panahong tipunin ang katalogong Hebreo, isang gawain na halos si Ezra ang gumanap, ayon sa tradisyong Judio. Bukod dito, ipinagbabangong-puri ng Ezra ang lahat ng mga hula hinggil sa pagsasauli, at pinatutunayan na ito nga’y mahalagang bahagi ng banal na ulat, na lubos din nitong nakakasuwato. Isa pa, nagpaparangal ito sa dalisay na pagsamba at pinagiging-banal ang dakilang pangalan ng Diyos na Jehova.
NILALAMAN NG EZRA
8. Ilarawan ang sunud-sunod na pangyayari na umakay sa pagtatapos ng 70 taon ng kagibaan.
8 Nagbalik ang isang nalabi (1:1–3:6). Nang pukawin ni Jehova ang diwa ni haring Ciro ng Persya, iniutos nito sa mga Judio na bumalik at itayo ang bahay ni Jehova sa Jerusalem. Hinimok niya ang mga magpapaiwan na mag-abuloy sa proyekto, at sa mga aalis ay ipinadala niya ang mga kagamitan ng orihinal na templo. Si Zorobabel (Shesbassar), pinunó mula sa maharlikang tribo ng Juda at inapo ni Haring David ay inatasang gobernador na mangunguna sa mga napalaya, at si Jeshua (Josue) naman ang mataas na saserdote. (Ezra 1:8; 5:2; Zac. 3:1) Naglakbay ang isang nalabi na marahil ay 200,000 tapat na lingkod ni Jehova, mga lalaki, babae, at bata. Sa ikapitong buwan, ayon sa kalendaryong Judio, nakapirme na sila sa kanilang mga lungsod, at nagtipon sila sa Jerusalem upang maghandog ng mga hain sa dating kinaroroonan ng dambana at upang ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Kubol sa taglagas ng 537 B.C.E. Kaya ang 70 taon ng kagibaan ay natapos nang eksakto sa panahon! b
9. Papaano nagsimula ang gawain sa templo, ngunit ano ang nangyari nang sumunod na mga taon?
9 Pagtatayong-muli ng templo (3:7–6:22). Tinipon ang mga materyales, at sa ikalawang taon ng pagbabalik, ang pundasyon ng templo ni Jehova ay inilatag sa gitna ng mga hiyaw ng kagalakan at ng pagtangis ng matatandang lalaki na nakakita sa dating templo. Ang kalapit na mga bayan, mga kaaway, ay nag-alok na tumulong at sinabing hinahanap din nila ang Diyos, subalit tahasang tumanggi ang mga nalabing Judio na makipag-alyansa. Sinikap ng mga kaaway na pahinain ang loob ng mga Judio at hadlangan ang gawain, mula nang maghari si Ciro hanggang kay Dario. Sa wakas, noong panahon ni “Artajerjes” (si Bardiya o marahil ay isang Mago na kilala bilang Gaumata, 522 B.C.E.), sapilitan nilang napatigil ang gawain sa utos ng hari. Ang pagbabawal ay nagpatuloy “hanggang sa ikalawang taon ni Dario na hari ng Persya” (520 B.C.E.), mahigit na 15 taon mula nang ilatag ang pundasyon.—4:4-7, 24.
10. (a) Papaano nakatulong ang pampasigla ng mga propeta ng Diyos at ang utos ng hari upang matapos ang gawain? (b) Anong kagalakan ang naghari sa pag-aalay ng ikalawang templo?
10 Isinugo ni Jehova sina propeta Hagai at Zacarias upang pukawin sina Zorobabel at Jeshua, at ang pagtatayo ay nagpatuloy nang may ibayong sigla. Muling nagreklamo sa hari ang mga kaaway, subalit ang gawain ay nagpatuloy nang walang-humpay. Sinabi ni Dario I (Hystaspis), matapos sumangguni sa orihinal na utos ni Ciro, na hindi dapat hadlangan ang gawain at inutusan pa man din ang mga sumasalansang na maglaan ng materyales upang bumilis ang pagtatayo. Sa patuloy na pagpapasigla ng mga propeta ni Jehova, natapos ang templo nang wala pang limang taon. Ito’y noong buwan ng Adar sa ikaanim na taon ni Dario, o malapit sa tagsibol ng 515 B.C.E., at ang buong proyekto ay gumugol lamang ng mga 20 taon. (6:14, 15) Pinasinayaan ang bahay ng Diyos sa gitna ng malaking pagsasaya at paghahain. Ipinagdiwang din ang Paskuwa at nagpatuloy sa “pitong araw na pagsasaya sa kapistahan ng mga tinapay na walang lebadura.” (6:22) Oo, kagalakan at pagbubunyi ang naghari sa pag-aalay ng ikalawang templo sa kapurihan ni Jehova.
11. Papaano ipinagkaloob ng hari kay Ezra ang “lahat niyang kahilingan,” at ano ang tugon ni Ezra?
11 Nagbalik si Ezra sa Jerusalem (7:1–8:36). Nagdaan ang halos 50 taon, at noong 468 B.C.E. ay ikapitong taon ni Haring Artajerjes ng Persya (tinawag na Longimanus sapagkat ang kanang kamay niya ay mas mahaba). Ipinagkaloob ng hari sa bihasang kalihim na si Ezra “ang lahat niyang kahilingan” sa paglalakbay sa Jerusalem upang ilaan ang lubhang kailangang tulong doon. (7:6) Sa pag-aatas sa kaniya, hinimok ng hari ang mga Judio na sumama at binigyan niya si Ezra ng mga pilak at gintong sisidlan para sa templo, pati na ang trigo, alak, langis, at asin. Ang mga saserdote at manggagawa sa templo ay inilibre na niya sa buwis. Iniatang kay Ezra ang pananagutan na magturo sa bayan at hinatulan ng kamatayan ang sinomang lalabag sa kautusan ni Jehova at sa batas ng hari. Nagpapasalamat kay Jehova sa kagandahang-loob na ipinahayag niya sa pamamagitan ng hari, agad tinupad ni Ezra ang kaniyang atas.
12. Papaano pinatnubayan ni Jehova ang grupo ni Ezra sa paglalakbay?
12 Mula rito ay iniuulat ni Ezra ang sarili niyang karanasan, na sumusulat sa unang panauhan. Tinipon niya sa ilog Ahava ang pabalik na mga Judio at nagbigay ng huling tagubilin, at isinama niya ang ilang Levita sa grupo ng mga 1,500 lalaking naroon na. Batid ni Ezra ang panganib ng rutang tatahakin subalit hindi siya humingi sa hari ng mga kawal na maghahatid, baka ituring ito na kawalan ng pananampalataya kay Jehova. Sa halip, iniutos niya ang pag-aayuno at nanguna siya sa pagsusumamo sa Diyos. Sinagot ang panalangin, at ang kamay ni Jehova ay napasa-kanila sa buong panahon ng mahaba nilang paglalakbay. Kaya ligtas nilang nadala ang kanilang kayamanan (na mahigit na $43,000,000 sa makabagong halaga) pabalik sa bahay ni Jehova sa Jerusalem.—8:26, 27, at mga talababa.
13. Papaano inalis ni Ezra ang karumihan sa gitna ng mga Judio?
13 Nilinis ang pagkasaserdote (9:1–10:44). Hindi naging maganda ang lahat sa 69 na taóng paninirahan sa naisauling lupain. Nabalitaan ni Ezra ang di-kanaisnais na mga kalagayan, sapagkat ang bayan, ang mga saserdote, at ang mga Levita ay nag-asawa ng mga paganong Cananeo. Nabigla ang tapat na si Ezra. Iniharap niya ito sa panalangin kay Jehova. Nagsisi ang bayan at hiniling kay Ezra na “kumilos at magpakatapang.” (10:4) Ipinahiwalay niya sa mga Judio ang mga dayuhang pinakasalan nila bilang paglabag sa utos ng Diyos, at ang karumihan ay nalinis pagkaraan ng mga tatlong buwan.—10:10-12, 16, 17.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
14. Ano ang ipinakikita ng aklat ng Ezra tungkol sa mga hula ni Jehova?
14 Kapaki-pakinabang ang aklat ni Ezra, una sa lahat, sa pagpapakita ng walang-mintis na katuparan ng mga hula ni Jehova. Si Jeremias, na wastong humula sa pagkagiba ng Jerusalem, ay humula rin sa pagsasauli nito pagkaraan ng 70 taon. (Jer. 29:10) Tamang-tama sa panahon, nagpakita si Jehova ng kagandahang-loob nang ibalik niya ang isang tapat na nalabi sa Lupang Pangako, upang ipagpatuloy ang tunay na pagsamba.
15. (a) Papaano tinupad ng naitayo-muling templo ang layunin ni Jehova? (b) Sa anong diwa wala dito ang kaluwalhatian ng unang templo?
15 Ang pagsamba ni Jehova ay muling itinanghal sa pamamagitan ng isinauling templo, at naging patotoo ito ng kagila-gilalas at maawain niyang pagpapala sa mga tunay na mananamba niya. Bagaman wala ang dating kaluwalhatian ng templo ni Solomon, gumanap ito ng isang layunin na kasuwato ng banal na kalooban. Wala na ang materyal na karilagan. Kulang din ito sa espirituwal na kayamanan pagkat wala ang kaban ng tipan. c At ang pasinaya ng templo ni Zorobabel ay hindi maihahambing sa pasinaya ng templo ni Solomon. Ang mga handog na baka at tupa ay wala pang isang porsiyento ng mga hain sa templo ni Solomon. Walang ulap ng kaluwalhatian na gaya niyaong pumunô sa unang templo at walang apoy mula kay Jehova upang sunugin ang mga handog. Ngunit ang dalawang templo ay gumanap ng mahalagang layunin sa pagdakila ng pagsamba kay Jehova, ang tunay na Diyos.
16. Ngunit anong naiibang templo ang nakahihigit sa kaluwalhatian ng makalupang mga templo?
16 Ang templo ni Zorobabel, ang tabernakulo ni Moises, ang mga templo nina Solomon at Herodes, sampu ng mga bahagi nito, ay makasagisag, o makalarawan. Kumatawan ang mga ito sa “tunay na tolda na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.” (Heb. 8:2) Ang espirituwal na templo ay ang kaayusan ng paglapit kay Jehova sa pagsamba salig sa pampalubag-loob na hain ni Kristo. (Heb. 9:2-10, 23) Ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova ay mas maluwalhati at walang kapantay sa ganda at pagiging-kanaisnais; ang karilagan nito ay hindi kumukupas at nakahihigit sa alinmang materyal na gusali.
17. Anong mahahalagang aral ang masusumpungan sa aklat ni Ezra?
17 Ang aklat ni Ezra ay may napakahalagang aral para sa mga Kristiyano ngayon. Dito’y mababasa ang kusang paghahandog ng bayan ni Jehova sa kaniyang gawain. (Ezra 2:68; 2 Cor. 9:7) Pinasisigla tayo ng tiyak na paglalaan at pagpapala ni Jehova sa mga asambleya sa kaniyang ikapupuri. (Ezra 6:16, 22) Nariyan din ang mahusay na halimbawa ng mga Nethinim at iba pang dayuhan na nakiisa sa nalabi sa buong-pusong pagtangkilik sa pagsamba kay Jehova. (2:43, 55) Isaalang-alang din ang mapagpakumbabang pagsisisi ng bayan nang ipakilala sa kanila ang kamalian ng pag-aasawa sa mga paganong kalapit-bayan. (10:2-4) Ang masasamang kasama ay umaakay sa paghatol ng Diyos. (9:14, 15) Ang pagiging masigasig sa gawain ay nagdudulot ng kaniyang pagsang-ayon at pagpapala.—6:14, 21, 22.
18. Bakit ang pagsasauli ng bayan ni Jehova ay mahalagang hakbang na aakay sa paglitaw ng Mesiyas, ang Hari?
18 Bagaman wala nang hari sa trono ni Jehova sa Jerusalem, ang pagsasauli ay nagpasigla sa pag-asa na balang araw ay iluluwal ni Jehova ang ipinangakong Hari sa hanay ni David. Ang banal na mga kapahayagan at pagsamba sa Diyos ay maiingatan na ng naisauling bansa hanggang sa paglitaw ng Mesiyas. Kung ang nalabing ito ay hindi nagpamalas ng pananampalataya at nagbalik sa kanilang lupain, kanino paroroon ang Mesiyas? Tunay na ang mga kaganapan sa aklat ni Ezra ay mahalagang bahagi ng kasaysayan na umaakay sa paglitaw ng Mesiyas at Hari! Kapaki-pakinabang na pag-aralan ito ngayon.
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 452-4, 458.
b Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 332.
c Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 1079.
[Mga Tanong sa Aralin]