Aklat ng Bibliya Bilang 18—Job
Aklat ng Bibliya Bilang 18—Job
Manunulat: Si Moises
Saan Isinulat: Sa Ilang
Natapos Isulat: c. 1473 B.C.E.
Panahong Saklaw: Mahigit na 140 taon sa pagitan ng 1657 at 1473 B.C.E.
1. Ano ang kahulugan ng pangalan ni Job, at anong mga tanong ang sinasagot ng aklat?
ISA sa pinakamatandang aklat ng kinasihang Kasulatan! Isang aklat na lubhang iginagalang at malimit sipiin, gayunma’y hindi gaanong nauunawaan. Bakit isinulat ang aklat na ito, at ano ang halaga nito para sa atin ngayon? Ang sagot ay ipinahihiwatig ng kahulugan ng pangalan ni Job: “Tudlaan ng Pagsalakay.” Oo, sinasagot ng aklat ang dalawang mahalagang tanong: Bakit nagdurusa ang mga walang-sala? Bakit pinapayagan ng Diyos ang kabalakyutan sa lupa? Upang masagot ito dapat isaalang-alang ang ulat ng paghihirap ni Job at ang kaniyang dakilang pagtitiis. Lahat ng ito ay pawang nasulat, gaya ng hiniling ni Job.—Job 19:23, 24.
2. Ano ang nagpapatunay na si Job ay isang persona?
2 Si Job ay larawan ng pagtitiis at pagtitiyaga. Ngunit talaga bang may taong gaya ni Job? Sa kabila ng pagsisikap ng Diyablo na burahin sa kasaysayan ang kaniyang napakahusay na halimbawa ng katapatan, maliwanag ang sagot. Si Job ay aktuwal na persona! Binabanggit siya ni Jehova kasama nina Noe at Daniel, na kapuwa kinilala ni Jesu-Kristo. (Ezek. 14:14, 20; ihambing ang Mateo 24:15, 37.) Para sa sinaunang bansang Hebreo si Job ay tunay na persona. Binabanggit ng Kristiyanong manunulat na si Santiago ang pagtitiis ni Job. (Sant. 5:11) Isang tunay-sa-buhay na halimbawa lamang, at hindi isang kathang-isip, ang may puwersa sa pagkumbinse sa mga mananamba ng Diyos na ang katapatan ay maiingatan sa ilalim ng anomang kalagayan. Isa pa, ang init at damdamin ng mga pahayag na iniuulat sa Job ay nagpapatotoo sa pagiging-tunay ng situwasyon.
3. Ano ang patotoo sa pagiging-kinasihan ng aklat ng Job?
3 Na ang aklat ng Job ay totoo at kinasihan ay makikita sa pagkalakip nito sa kanon ng Bibliya ng sinaunang mga Hebreo, bagay na kapansin-pansin palibhasa si Job ay hindi Israelita. Bukod sa pagtukoy nina Ezekiel at Santiago, ang aklat ay sinisipi ni apostol Pablo. (Job 5:13; 1 Cor. 3:19) Ang mariing patotoo ng pagiging-kinasihan ng aklat ay ang kahanga-hangang pagkakasuwato nito sa siyensiya. Papaano nalaman na “ang lupa ay ibinibitin [ni Jehova] sa wala,” gayong kakatwa ang pala-palagay ng mga sinauna tungkol sa kinasasaligan ng lupa? (Job 26:7) Ipinalalagay noon na ang lupa ay pasan ng mga elepanteng nakatayo sa isang malaking pagong sa dagat. Bakit wala sa Job ang ganitong kabalbalan? Sapagkat ang katotohanan ay inilaan ni Jehovang Maylikha sa ilalim ng pagkasi. Wastung-wasto ang mga paglalarawan sa lupa at sa mga kababalaghan nito at sa maiilap na hayop at ibon sa likas na kapaligiran anupat Diyos na Jehova lamang ang dapat kilalaning May-akda at Maykasi ng aklat. a
4. Saan at papaano naganap ang dula, at kailan natapos ang pagsulat sa aklat ng Job?
4 Si Job ay nanirahan sa Uz, na ayon sa ilang heograpo, ay nasa hilagang Arabya malapit sa Edom at sa silangan ng lupang ipinangako sa binhi ni Abraham. Ang mga Sabeano ay nasa timog, ang mga Caldeo sa silangan. (1:1, 3, 15, 17) Matagal nang patay si Abraham nang maganap ang pagsubok kay Job. Noon ay “walang gaya [ni Job] sa lupa, isang taong walang-kapintasan at matuwid.” (1:8) Waring ito ay sa pagitan ng pagkamatay ni Jose (1657 B.C.E.), isang taong may bukod-tanging pananampalataya, at nang simulan ni Moises ang kaniyang landasin ng katapatan. Si Job ang nangunguna sa dalisay na pagsamba noong ang Israel ay madumhan ng pagsamba ng Ehipto sa demonyo. Isa pa, ang mga kaugaliang iniuulat sa Job unang kabanata, at ang pagtanggap ng Diyos sa kaniyang pagsamba, ay nagpapahiwatig ng panahong patriarkal sa halip ng mas huling yugto mula 1513 B.C.E. patuloy, nang makitungo ang Diyos sa Israel sa ilalim ng Kautusan. (Amos 3:2; Efe. 2:12) Kaya, kung rerepasuhin ang mahabang buhay ni Job, lumilitaw na ang aklat ay sumasaklaw sa yugtong nasa pagitan ng 1657 B.C.E. at ng 1473 B.C.E., ang taon ng pagkamatay ni Moises; ang aklat ay tinapos ni Moises pagkamatay ni Job at nang ang mga Israelita ay nasa ilang.—Job 1:8; 42:16, 17.
5. Ano ang nagpapahiwatig na si Moises ang sumulat ng Job?
5 Bakit natin sinasabi na si Moises ang sumulat? Naaayon ito sa pinakamatandang tradisyon ng mga iskolar na Judio at sinaunang Kristiyano. Ang masiglang estilo ng tulaing Hebreo na ginamit sa aklat ay patotoo na ito ay orihinal na komposisyon sa Hebreo, wika ni Moises. Hindi ito salin mula sa ibang wika na gaya ng Arabiko. Isa pa, ang mga bahaging prosa (prose) ay mas hawig sa Pentateuko kaysa alinmang bahagi ng Bibliya. Ang manunulat ay tiyak na Israelita, gaya ni Moises, pagkat mga Judio ang “pinagkatiwalaan ng banal na mga kapahayagan ng Diyos.” (Roma 3:1, 2) Pagsapit sa hustong gulang, si Moises ay gumugol ng 40 taon sa Midian, hindi kalayuan sa Uz, at doo’y maaaring nakamit niya ang detalyadong impormasyon para sa Job. Nang maglaon, sa pagdaraan malapit sa lupain ni Job sa 40-taóng paglalakbay ng Israel sa ilang, maaaring natutuhan at naiulat ni Moises ang huling mga detalye ng aklat.
6. Sa anong mga paraan higit pa kaysa obra-maestra lamang ng panitikan ang aklat ng Job?
6 Ayon sa The New Encyclopædia Britannica, ang Job ay malimit “ibilang sa mga obra-maestra ng pandaigdig na panitikan.” b Ngunit higit pa ito kaysa obra-maestra lamang ng panitikan. Namumukod- tangi ang Job sa mga aklat ng Bibliya sa pagtatanghal ng pag-ibig, kapangyarihan, katarungan, at karunungan ni Jehova. Buong-linaw nitong ipinapahayag ang pangunahing isyu sa sansinukob. Nililiwanag nito ang karamihan ng binabanggit sa ibang aklat ng Bibliya, lalo na sa Genesis, Exodo, Eclesiastes, Lucas, Roma, at Apocalipsis. (Ihambing ang Job 1:6-12; 2:1-7 sa Genesis 3:15; Exodo 9:16; Lucas 22:31, 32; Roma 9:16-19 at Apocalipsis 12:9; gayundin ang Job 1:21; 24:15; 21:23-26; 28:28 at ang Eclesiastes 5:15; 8:1; 9:2, 3; 12:13, ayon sa pagkakasunudsunod.) Sumasagot ito sa maraming katanungan sa buhay. Tiyak na mahalagang bahagi ito ng kinasihang Salita ng Diyos, at tumutulong sa paglalaan ng kapaki-pakinabang na unawa.
NILALAMAN NG JOB
7. Sa pagbubukas ng aklat, sa anong sitwasyon masusumpungan si Job?
7 Paunang salita sa aklat ng Job (1:1-5). Ipinakikilala si Job, taong “walang-kapintasan at matuwid, natatakot sa Diyos at humihiwalay sa masama.” Maligaya siya sa piling ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Siya’y mayamang propyetaryo na may napakaraming kawan. Marami siyang alipin at siya “ang pinakadakila sa mga taga-Silangan.” (1:1, 3) Ngunit hindi siya materyalistiko o nagtitiwala sa materyal na ari-arian. Mayaman siya sa espirituwal, sa mabubuting gawa, laging handang tumulong sa maysakit o naghihirap, at dinaramtan ang nangangailangan. (29:12-16; 31:19, 20) Lahat ay nagbibigay-galang sa kaniya. Si Job ay sumamba sa tunay na Diyos na si Jehova. Hindi siya yumuko sa araw, buwan, at bituin na gaya ng mga bansang pagano, kundi nagtapat siya kay Jehova, nag-ingat ng integridad at nagtamasa ng matalik na kaugnayan sa Diyos. (29:7, 21-25; 31:26, 27; 29:4) Naging saserdote siya ng pamilya at laging naghahain, sakaling nagkasala sila.
8. (a) Papaano hinamon ni Satanas ang katapatan ni Job? (b) Papaano tinanggap ni Jehova ang hamon?
8 Hinamon ni Satanas ang Diyos (1:6–2:13). Ang tabing ay kamangha-manghang nahahawi upang matanaw ang makalangit na mga bagay. Makikita si Jehova na nangangasiwa sa isang pagtitipon ng mga anak ng Diyos. Naroon din si Satanas. Itinawag-pansin ni Jehova ang tapat niyang lingkod na si Job, ngunit kinuwestiyon ni Satanas ang katapatan ni Job, at nagparatang na naglilingkod lamang ito sa Diyos dahil sa materyal na pakinabang. Kung papayag ang Diyos na alisin ni Satanas ang mga ito, tiyak na tatalikod si Job. Tinanggap ni Jehova ang hamon, huwag lamang sasaktan ni Satanas si Job.
9. (a) Anong mahihigpit na pagsubok ang sumapit kay Job? (b) Ano ang patotoo na nanatili siyang tapat?
9 Dumating ang mga sakuna sa walang kamalay-malay na si Job. Inagaw ng mga Sabeano at Caldeo ang kaniyang kayamanan. Namatay sa bagyo ang mga anak niya. Sa kabila nito hindi isinumpa o tinalikuran ni Job ang Diyos. Kundi sinabi niya, “Purihin ang pangalan ni Jehova.” (1:21) Talo at napatunayang sinungaling, si Satanas ay muling nagparatang: “Balat kung balat, lahat ng tinatangkilik ng tao ay ibibigay alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (2:4) Inangkin ni Satanas na kung papayagan siyang galawin ang katawan ni Job, matutukso niya ito na sumpain ang Diyos. Nang payagan siya na gawin ang lahat huwag lamang kitlin ang buhay ni Job, si Job ay hinampas ni Satanas ng nakapandidiring sakit. Ang kaniyang laman ay “nabalot ng uod at ng buo-buong alabok,” at ang bahò ng katawan niya’t hininga ay hindi matiis ng kaniyang asawa at kaanak. (7:5; 19:13-20) Nang magtapat pa rin si Job, hinimok siya ng asawa: “Nanghahawakan ka pa ba sa iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos at mamatay!” Sinaway siya ni Job at hindi “nagkasala ang kaniyang mga labi.”—2:9, 10.
10. Anong tahimik na “kaaliwan” ang inilaan ni Satanas?
10 Nagdala si Satanas ng tatlong kaibigan upang “aliwin” si Job. Sila’y sina Eliphaz, Bildad, at Zophar. Hindi nila nakilala si Job, ngunit sumigaw sila at umiyak at naghagis ng alabok sa ulo. Pagkatapos ay walang imik silang naupo sa lupa sa tabi niya. Pagkaraan ng pitong araw at pitong gabi ng tahimik na “pag-aliw,” binasag ni Job ang katahimikan at sinimulan ang isang mahabang pakikipag-debate sa di-umano’y mga nakikiramay sa kaniya.—2:11.
11-13. Papaano binuksan ni Job ang debate, anong paratang ang iniharap ni Eliphaz, at ano ang masiglang tugon ni Job?
11 Ang debate: unang round (3:1–14:22). Mula rito, ang dula ay inihaharap sa napakagandang tulaing Hebreo. Sinumpa ni Job ang araw ng kaniyang pagsilang at nagtaka kung bakit pinanatili pa siyang buháy ng Diyos.
12 Tumugon si Eliphaz at pinaratangan si Job ng di-pagtatapat. Hindi pumapanaw ang matuwid, aniya. Naalaala niya ang pangitain sa gabi na doo’y sinabi sa kaniya na ang Diyos ay walang tiwala sa mga lingkod niya, na putik lamang at alabok sa lupa. Parusa ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang paghihirap ni Job.
13 Masiglang sinagot ni Job si Eliphaz. Dumaing siyang gaya ng sinomang dumaranas ng pag-uusig at kapighatian. Ang kamatayan ay magiging ginhawa. Pinagwikaan niya ang tatlong kaibigan sa pakana nila laban sa kaniya: “Turuan mo ako, at ako ay tatahimik; ipaunawa mo kung saan ako nagkamali.” (6:24) Ipinagtanggol ni Job ang sariling katuwiran sa harap ng Diyos, “Ang Tagamasid sa tao.”—7:20.
14, 15. Ano ang pangangatuwiran ni Bildad, at bakit nangamba si Job na hindi siya magwawagi sa Diyos?
14 Nangatuwiran si Bildad at ipinalagay na nagkasala ang mga anak ni Job at na siya mismo ay hindi matuwid, disi’y nakinig sana sa kaniya ang Diyos. Sinabi niya kay Job na gawing patnubay ang nakalipas na mga lahi at ang pagsasaliksik ng mga ninuno.
15 Iginiit ni Job na ang Diyos ay di-liko. Ni magsusulit ang Diyos sa tao pagkat Siya ay “gumagawa ng dakilang mga bagay na di-masayod, ng kamangha-manghang mga bagay na walang bilang,” (9:10) Hindi mananalo si Job sa pakikipagtalo kay Jehova. Wala siyang magagawa kundi hingin ang lingap ng Diyos. Ngunit may pakinabang ba sa paggawa ng mabuti? “Ang walang kapintasan at ang balakyot ay kapuwa pinarurusahan.” (9:22) Walang matuwid na paghatol. Nag-aalala si Job na hindi makasulit sa Diyos. Kailangan ang tagapamagitan. Itinanong niya kung bakit siya sinusubok ng Diyos at nagsumamo na alalahaning siya ay yari “sa putik.” (10:9) Nagpapahalaga siya sa nakalipas na kagandahang-loob ng Diyos at sinabing lalong magagalit ang Diyos kung mangangatuwiran pa siya, bagaman nasa panig siya ng katotohanan. Sana’y mamatay na siya!
16, 17. (a) Anong palalong payo ang ibinigay ni Zophar? (b) Papaano hinatulan ni Job ang kaniyang “mga mang-aaliw,” at anong matibay na pagtitiwala ang ipinahayag niya?
16 Sumabad si Zophar. Wari’y sinasabi niya: Kami ba’y mga bata na nakikinig sa mga salitang walang kabuluhan? Sinasabi mong malinis ka, pero kung makapagsasalita lamang ang Diyos, ibubunyag niya ang iyong pagkakasala. Tinanong niya si Job: “Matatarok mo ba ang malalalim na bagay ng Diyos?” (11:7) Pinayuhan niya si Job na iwaksi ang masama pagkat pinagpapala ang gumagawa nito, samantalang “ang mga mata ng masama ay manlalabo.”—11:20.
17 Patuyang sumigaw si Job: “Totoo ngang kayo ang bayan, at ang karunungan ay mamamatay na kasama ninyo!” (12:2) Naging katawa-tawa siya, ngunit hindi siya mahina. Kung mamasdan lamang nila ang lalang ng Diyos, matututo sila rito. Ang kalakasan at karunungan ay nauukol sa Diyos na sumusupil sa lahat, sukdulang “palakihin ang mga bansa, upang malipol niya sila.” (12:23) Nasisiyahan si Job na makipagkatuwiranan sa Diyos, ngunit para sa tatlong “mang-aaliw”—“kayo’y mangangatha ng kasinungalingan; kayo’y manggagamot na walang kabuluhan.” (13:4) Karunungan para sa kanila na manahimik! Nagtitiwala siya na makatarungan ang kaniyang panig at nanawagan siya sa Diyos. Napag-isip niya na ang “taong isinilang ng babae ay may maikling buhay at batbat ng kahirapan.” (14:1) Madaling pumapanaw ang tao gaya ng bulaklak o anino. Hindi mailuluwal ang malinis mula sa marumi. Nang nananalangin na nawa’y ikubli siya sa Sheol hanggang sa lumipas ang galit ng Diyos, si Job ay nagtanong: “Kung mamamatay ang tao siya ba’y muling mabubuhay?” Bilang sagot ay nagpahayag siya ng matatag na pag-asa: “Maghihintay ako, hanggang dumating ang aking kapahingahan.”—14:13, 14.
18, 19. (a) Sa anong panunuya sinimulan ni Eliphaz ang ikalawang round ng debate? (b) Papaano minalas ni Job ang “pag-aliw” ng kaniyang mga kaibigan, at ano ang inasahan niya kay Jehova?
18 Ang debate: ikalawang round (15:1–21:34). Sa ikalawang round, tinuya ni Eliphaz ang kaalaman ni Job, at sinabi na ‘pinunô [nito] ang kaniyang tiyan ng hanging amihan.’ (15:2) Muli niyang hinamak ang pag-aangkin ni Job sa katapatan, yamang ang taong mortal, ni ang mga banal sa langit ay hindi pinagtitiwalaan ng Diyos. Pinasaringan niya si Job sa pag-aangking siya’y mataas pa sa Diyos at sa paggawa ng apostasya, panunuhol, at pandaraya.
19 Sinabi ni Job na sila’y ‘maliligalig na mang-aaliw na puro salita.’ (16:2, 3) Kung nasa lugar niya sila, hindi niya sila lilibakin. Hangad niyang magmatuwid sa sarili at umaasa siya kay Jehova na nakakaalam ng kaniyang ulat at hahatol sa kaniya. Walang makitang karunungan si Job sa mga kaibigan niya. Nagpapahina sila ng loob. Ang kanilang “pag-aliw” ay gaya ng pagsasabing ang gabi ay araw. Wala nang pag-asa kundi ‘manaog sa Sheol.’—17:15, 16.
20, 21. Anong kapaitan ang ipinahayag ni Bildad, ano ang ginawang pagtutol ni Job, at sa ano siya nagtiwala?
20 Umiinit ang debate. Galít na si Bildad, sapagkat ang mga kaibigan niya ay itinulad ni Job sa mga hayop na walang talino. Tinanong niya si Job: ‘Pababayaan ba ang lupa alang-alang sa iyo?’ (18:4) Nagbabala siya na si Job ay mahuhulog sa kakila-kilabot na silo, bilang halimbawa sa iba. Siya ay hindi magkakasupling.
21 Sumagot si Job: “Hanggang kailan ninyo pahihirapan ang aking kaluluwa at pabibigatan ako ng mga salita?” (19:2) Nawalan na ng pamilya at mga kaibigan, iniwan siya ng asawa at kasambahay, at nakatakas lamang siya ‘sa balat ng kaniyang ngipin.’ (19:20) Umaasa siya sa tagatubos na magtatanggol sa kaniya, upang sa wakas ay kaniyang “makita ang Diyos.”—19:25, 26.
22, 23. (a) Bakit nasaktan si Zophar, at ano ang sinabi niya tungkol sa di-umano’y mga pagkakasala ni Job? (b) Anong mapanirang pangangatuwiran ang itinugon ni Job?
22 Gaya ni Bildad, nasaktan si Zophar sa “mapanuyang pagsaway” ni Job. (20:3) Inulit niya na si Job ay naabutan ng mga kasalanan niya. Ang masama ay pinarurusahan ng Diyos at wala silang pahinga bagaman sila’y nagtatamasa ng kasaganaan, ani Zophar.
23 Mariin ang pangangatuwiran ni Job: Kung pinarurusahan ng Diyos ang masama, bakit sila nananatiling buháy, tumatanda, at yumayaman? Maigi ang buhay nila. Gaano kadalas dumating sa kanila ang sakuna? Sinabi niyang ang dukha at mayaman ay kapuwa namamatay. Ang totoo’y, namamatay ang masama “nang maalwan at walang-bahala,” ngunit ang matuwid ay “may paghihirap ng kaluluwa.”—21:23, 25.
24, 25. (a) Papaano siniraang-puri si Job ng nagmamatuwid-sa-sariling si Eliphaz? (b) Anong pagpapawalang-saysay at hamon ang itinugon ni Job?
24 Ang debate: ikatlong round (22:1–25:6). Buong bangis na sumagot si Eliphaz at nilait ang pag-aangkin ni Job ng kawalang-kapintasan. May-kasinungalingan niyang siniraan si Job, at sinabing ito ay masama, nagsamantala sa dukha, nagkait sa nagugutom, at nagmalupit sa mga balo at ulila. Sinabi niya na ang personal na buhay ni Job ay hindi kasindalisay ng inaangkin nito kaya ito ay naghihirap. Ngunit “manumbalik ka sa Makapangyarihan-sa-Lahat,” patuyang sinabi ni Eliphaz, “at diringgin ka niya.”—22:23, 27.
25 Pinabulaanan ni Job ang pangahas na bintang ni Eliphaz, at sinabing hangad niyang litisin sa harapan ng Diyos na nakakaalam sa kaniyang katuwiran. May nang-aapi sa ulila, sa balo, at sa dukha, at may pumapatay, nagnanakaw at nangangalunya. Waring umuunlad sila, ngunit darating ang kanilang ganti. Sila’y mawawala. “Kaya, sino ang magsasabing ako ay sinungaling?” tanong ni Job.—24:25.
26. Ano pa ang sinabi nina Bildad at Zophar?
26 Nagharap ng maikling tugon si Bildad, at iginiit na walang taong malinis sa harapan ng Diyos. Hindi sumali si Zophar sa ikatlong round. Wala na siyang masabi.
27. Papaano itinanghal ni Job ang kadakilaan ng Makapangyarihan-sa-Lahat?
27 Ang pangwakas na pangangatuwiran ni Job (26:1–31:40). Sa huli niyang diskurso, napatahimik ni Job ang kaniyang mga kaibigan. (32:12, 15, 16) Sa matinding pang-uuyam ay sinabi niya: “Napakalaki ng naitulong ninyo sa isa na walang kapangyarihan! . . . Kay inam ng inyong payo sa isang walang karunungan!” (26:2, 3) Ni ang Sheol ay hindi makapagkukubli ng anuman sa paningin ng Diyos. Inilarawan niya ang karunungan ng Diyos sa malayong kalawakan, sa lupa, sa mga ulap, sa dagat, sa hangin—lahat ay naobserbahan ng tao. Laylayan lamang ito ng gawa ng Makapangyarihan-sa-Lahat. Ang mga ito’y mahinang bulong lamang ng kadakilaan ng Makapangyarihan-sa-Lahat.
28. Anong tuwirang pangungusap ang iniharap ni Job tungkol sa katapatan?
28 Kumbinsido na siya’y walang-sala, sinabi niya: “Hanggang ako’y mamatay ay hindi ko ihihiwalay ang aking pagtatapat!” (27:5) Walang ginawa si Job na karapat-dapat sa kaniyang sinapit. Salungat sa kanilang paratang, susuklian ng Diyos ang katapatan sapagkat ipamamana niya sa matuwid ang kasaganaan ng masasama.
29. Papaano inilarawan ni Job ang karunungan?
29 Batid ng tao kung saan galing ang mga kayamanan ng lupa (pilak, ginto, tanso), “ngunit ang karunungan—saan ito galing?” (28:20) Hinanap niya ito sa mga nabubuhay; tumingin siya sa dagat; hindi ito mabibili ng ginto o pilak. Diyos ang nakakaunawa sa karunungan. Tumitingin siya sa mga hangganan ng lupa at ng langit, hinahati niya ang hangin at ang mga tubig, at sinusupil ang ulan at ang bagyo. Nagtapos si Job: “Narito! Ang takot kay Jehova—ito ang karunungan, at ang pag-iwas sa masama ay kaunawaan.”—28:28.
30. Anong pagsasauli ang hinangad ni Job, ngunit ano ang kasalukuyan niyang katayuan?
30 Pagkatapos ay iniharap ng namimighating si Job ang kasaysayan ng kaniyang buhay. Nais niyang maibalik sa dating matalik na kaugnayan sa Diyos, nang siya ay iginagalang pa ng mga pinunò ng bayan. Naging tagapagligtas siya ng mga mapagkailangan at naging mata siya sa mga bulag. Mabuti ang kaniyang payo, at inasahan ng bayan ang kaniyang salita. Ngunit ngayon, sa halip na igalang, siya’y pinagtatawanan maging ng mga kabataan na ang mga magulang ay hindi karapat-dapat ibilang sa mga aso sa kaniyang kawan. Niluluraan nila siya at sinasalansang. Ngayon, sa pinakamatindi niyang kahirapan, ay ayaw nila siyang pagpahingahin.
31. Kaninong paghatol ang pinagtiwalaan ni Job, at ano ang sinabi niya tungkol sa tunay na ulat ng kaniyang buhay?
31 Inilarawan ni Job ang sarili bilang isang taong naaalay at hiniling na siya’y hatulan ni Jehova. “Titimbangin niya ako sa matuwid na timbangan upang makita niya ang aking katapatan.” (31:6) Ipinagtanggol ni Job ang nakaraan niyang paggawi. Hindi siya nangalunya, o nagbalak ng masama laban sa iba. Hindi siya nagkait ng tulong sa dukha. Bagaman mariwasa, hindi siya nagtiwala sa materyal na kayamanan. Hindi niya sinamba ang araw, buwan at bituin, sapagkat “ito ay pagtatatwa sa tunay na Diyos sa kaitaasan.” (31:28) Inanyayahan ni Job ang kaniyang mga katunggali na magharap ng paratang laban sa tunay na ulat ng kaniyang buhay.
32. (a) Sino ngayon ang nagsasalita? (b) Bakit nagsiklab ang galit ni Elihu laban kay Job at sa mga kaibigan niya, at ano ang nag-udyok sa kaniya na magsalita?
32 Nagsalita si Elihu (32:1–37:24). Samantala, si Elihu, inapo ni Buz, anak ni Nahor, at malayong kamag-anak ni Abraham, ay nakikinig sa pagtatalo. Naghintay siya sa paniwalang ang mga nakatatanda ay nakalalamang sa kaalaman. Gayunman, hindi edad, kundi espiritu ng Diyos ang nagkakaloob ng unawa. Nagsiklab ang galit ni Elihu dahil sa “pag-aakala [ni Job] na siya’y mas matuwid kaysa sa Diyos,” ngunit lalo siyang nag-alab laban sa tatlong kasama ni Job dahil sa kanilang kamangmangan sa pagsasabing masama ang Diyos. Si Elihu ay “napuspos ng mga salita” at siya’y inudyukan ng espiritu ng Diyos na ibulalas ito nang walang-pagtatangi o ‘pagdakila sa tao.’—Job 32:2, 3, 18-22; Gen. 22:20, 21.
33. Saan nagkasala si Job, gayunma’y anong pabor ang ipakikita ng Diyos sa kaniya?
33 Taimtim magsalita si Elihu, at kinilala na ang Diyos ay kaniyang Maylikha. Ipinakita niya na ang higit na binigyang-puri ni Job ay ang sarili at hindi ang Diyos. Hindi na sana sasagutin ng Diyos ang mga salita ni Job upang ipagmatuwid ang mga hakbang Niya, subalit si Job ay lumaban sa Diyos. Gayunman, nang ang kaluluwa ni Job ay nabibingit na sa kamatayan, nagpadala ang Diyos ng isang sugo na nagsabi: “Iligtas siya sa pagbabâ sa hukay! Nakasumpong ako ng katubusan! Hayaang ang kaniyang laman ay maging sariwa kaysa isang kabataan; hayaan siyang manumbalik sa panahon ng kaniyang kasiglahan.” (Job 33:24, 25) Pananauliin ang mga matuwid!
34. (a) Ano pang karagdagang pagsaway ang ibinigay ni Elihu? (b) Sa halip na itanghal ang sariling katuwiran, ano ang dapat gawin ni Job?
34 Nanawagan si Elihu sa mga pantas. Sinaway niya si Job sa pagsasabing walang kabuluhan ang manatiling tapat: “Malayò nawa sa tunay na Diyos ang paggawa ng masama, at sa Makapangyarihan-sa-Lahat ang kawalang-katarungan! Sapagkat ang tao ay gagantimpalaan nang nararapat.” (34:10, 11) Kapag inalis niya ang hininga ng buhay, lahat ng laman ay mamamatay. Ang Diyos ay humahatol nang walang pagtatangi. Inuna ni Job ang kaniyang pagiging-matuwid. Naging padalus-dalos siya, hindi sa sinadya niya ito, kundi pagkat siyang “walang kaalaman”; at ang Diyos ay nagpahinunod sa kaniya. (34:35) Higit pa ang masasabi sa ikapagbabangong-puri ng Diyos. Hindi ihihiwalay ng Diyos ang kaniyang paningin sa mga matuwid, kundi sasawayin sila. “Hindi niya iingatang-buháy ang masama, ngunit bibigyang katarungan ang namimighati.” (36:6) Yamang Diyos ang kataas-taasang Guro, dapat dakilain ni Job ang Kaniyang gawain.
35. (a) Sa ano dapat magbigay-pansin si Job? (b) Sino ang sasang-ayunan ni Jehova?
35 Mula sa mata ng namumuong bagyo isinaysay ni Elihu ang dakilang mga gawa ng Diyos at ang pagsupil Niya sa mga puwersa ng kalikasan. Sinabi niya kay Job: “Limiin mo ang kamangha-manghang gawa ng Diyos.” (37:14) Muni-muniin ang ginintuang karilagan at nakasisindak na kadakilaan ng Diyos, na lampas sa unawa ng tao. “Siya’y dakila sa kapangyarihan, at ang katarungan at katuwiran ay hindi niya hahamakin.” Oo, pakukundanganan ni Jehova ang natatakot sa kaniya, hindi yaong “nagmamarunong sa sarili.”—37:23, 24.
36. Sa pamamagitan ng anong aral at sunud-sunod na mga tanong tinuruan ni Jehova si Job?
36 Sinagot ni Jehova si Job (38:1–42:6). Gusto ni Job na kausapin siya ng Diyos. Buong-karingalang sumasagot si Jehova mula sa buhawi. Iniharap niya ang sunud-sunod na tanong na nagsilbing aral sa kaliitan ng tao at sa kadakilaan ng Diyos. “Nasaan ka nang itatag ko ang lupa? . . . Sino ang naglatag ng batong panulok nito, nang sama-samang magsiawit sa kagalakan ang mga tala sa umaga, at lahat ng mga anak ng Diyos ay sumigaw ng papuri?” (38:4, 6, 7) Matagal na ito at wala pa noon si Job! Isa-isang ibinangon ang mga tanong na hindi niya masagot, habang tinutukoy ni Jehova ang dagat, ang ulap na bumabalot sa lupa, ang bukang-liwayway, ang mga pintuan ng kamatayan, at ang liwanag at dilim. “Nalaman mo ba ito sapagkat noo’y isinilang ka na, at sapagkat ang iyong mga araw ay marami?” (38:21) At kumusta ang mga imbakan ng niyebe at granizo, ang bagyo at ang ulan at ang mga patak ng hamog, ang yelo at ang namuong hamog, ang dambuhalang makalangit na mga konstelasyon, ang mga kidlat at sapin ng ulap, at ang mga ibon at hayop?
37. Anong karagdagang mga tanong ang humiya kay Job, at napilitan siyang aminin at gawin ang ano?
37 Buong-kapakumbabaang inamin ni Job: “Ako’y naging walang kabuluhan. Ano ang isasagot ko? Tinatakpan ko ng kamay ang aking bibig.” (40:4) Iniutos ni Jehova kay Job na harapin ang isyu. Muli siyang nagbangon ng sunud-sunod na humahamong tanong tungkol sa kaniyang kadakilaan, kalamangan, at kalakasan, gaya ng makikita sa kaniyang likas na mga lalang. Maging ang Behemoth at Leviathan ay mas makapangyarihan kay Job! Napahiya, kinilala ni Job ang kaniyang maling pangmalas at inaming siya’y nagsalita nang may kamangmangan. Sa pagkakita niya sa Diyos, hindi sa sabí-sabí, kundi sa kaunawaan, binawi niya ang sinabi at nagsisi “sa alabok at mga abo.”—42:6.
38. (a) Papaano tinapos ni Jehova ang pakikipag-usap kay Eliphaz at sa mga kasama niya? (b) Anong pagsang-ayon at pagpapala ang ibinigay niya kay Job?
38 Ang hatol at pagpapala ni Jehova (42:7-17). Hinatulan din ni Jehova si Eliphaz at ang dalawang kasama sa pagsisinungaling tungkol sa Kaniya. Dapat silang maghain at hilingin na ipagdasal sila ni Job. Isinauli ni Jehova ang dating kalagayan ni Job at pinagpala siya nang makalawa. Ang mga kapatid niya at dating mga kaibigan ay bumalik na may dalang kaloob, at nadoble ang kaniyang mga tupa, kamelyo, baka, at mga asno. Nagkaanak uli siya ng sampu, at ang tatlong babae ay pinakamaganda sa buong lupain. Ang buhay niya ay makahimalang pinahaba ng 140 taon, kaya naabutan pa niya ang apat na lahi ng kaniyang mga inapo. Namatay siya na “matanda at puspos ng mga araw.”—42:17.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
39. Sa anong iba’t-ibang paraan dinadakila at itinatanghal si Jehova sa aklat ng Job?
39 Ang aklat ay dumadakila kay Jehova at nagpapatotoo sa kaniyang di-masayod na karunungan at kapangyarihan. (12:12, 13; 37:23) Dito ay 31 beses Siyang tinutukoy na Makapangyarihan-sa-Lahat, pinakamalimit ito sa buong Kasulatan. Itinatanghal ng ulat ang kaniyang kawalang-hanggan at dakilang katayuan (10:5; 36:4, 22, 26; 40:2; 42:2) sampu ng kaniyang katarungan, kagandahang-loob, at habag (36:5-7; 10:12; 42:12). Idiniriin nito na mas mahalaga ang pagbabangong-puri kay Jehova kaysa kaligtasan ng tao. (33:12; 34:10, 12; 35:2; 36:24; 40:8) Si Jehova, Diyos ng Israel, ay napatunayang Diyos din ni Job.
40. (a) Papaano dinadakila at ipinaliliwanag ng aklat ng Job ang mga paglalang ng Diyos? (b) Papaano ito naglalaan ng patiunang pangmalas sa, at nakakasuwato ng, mga turo sa Kristiyanong Kasulatang Griyego?
40 Ang ulat sa Job ay pumupuri at nagpapaliwanag sa paglalang ng Diyos. (38:4–39:30; 40:15, 19; 41:1; 35:10) Sinusuhayan nito ang pangungusap sa Genesis na ang tao ay mula sa alabok at dito rin siya magbabalik. (Job 10:8, 9; Gen. 2:7; 3:19) Ginagamit nito ang mga katagang “manunubos,” “pantubos,” at “mabubuhay uli,” upang ipamalas nang patiuna ang mga turong napatampok sa mga Kristiyanong Kasulatang Griyego. (Job 19:25; 33:24; 14:13, 14) Marami sa mga pangungusap sa aklat ay sinipi o nakawangis niyaong sa mga propeta at mga Kristiyanong manunulat. Halimbawa, paghambingin ang Job 7:17—Awit 8:4; Job 9:24—1 Juan 5:19; Job 10:8—Awit 119:73; Job 12:25—Deuteronomio 28:29; Job 24:23—Kawikaan 15:3; Job 26:8—Kawikaan 30:4; Job 28:12, 13, 15-19—Kawikaan 3:13-15; Job 39:30—Mateo 24:28. c
41. (a) Anong teokratikong mga pamantayan ang idinidiin ng Job? (b) Sa ano pangunahin nang napabantog si Job bilang halimbawa para sa atin ngayon?
41 Ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova ay isinasaad sa Job. Hinahatulan nito ang materyalismo (Job 31:24, 25), idolatriya (31:26-28), pangangalunya (31:9-12), sakim na katuwaan (31:29), kawalang-katarungan at pagtatangi (31:13; 32:21), pag-iimbot (31:16-21), pandaraya at pasisinungaling (31:5), at ipinakikita na ang gumawa nito ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos at ng buhay na walang-hanggan. Si Elihu ay mahusay na halimbawa ng lubos na paggalang at kapakumbabaan, sampu ng kagitingan, tibay-loob, at pagdakila sa Diyos. (32:2, 6, 7, 9, 10, 18-20; 33:6, 33) May aral din ang pagganap ni Job sa pagkaulo, konsiderasyon sa pamilya, at pagpapatulóy. (1:5; 2:9, 10; 31:32) Gayunman, napatanyag si Job sa pag-iingat ng katapatan at matiising pagtitiyaga, halimbawang nagpapatibay-pananampalataya sa mga lingkod ng Diyos mula noong una at lalo na sa mahihigpit na panahong ito. “Nabalitaan ninyo ang pagtitiis ni Job at nakita ang pagpapalang ipinagkaloob ni Jehova, na si Jehova ay lubhang mapagmahal at mahabagin.”—Sant. 5:11.
42. Anong saligang isyu ng Kaharian ang nililiwanag ng Job, at anong kapansin-pansing aspeto ng isyu ang ipinaliliwanag?
42 Hindi kabilang si Job sa binhi ni Abraham na pinangakuan ng Kaharian, ngunit ang kaniyang katapatan ay tumutulong sa pag-unawa sa mga layunin ng Kaharian ni Jehova. Ang aklat ay mahalagang bahagi ng banal na ulat, sapagkat isinisiwalat nito ang saligang isyu sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, at sa katapatan ng tao kay Jehova bilang Soberano. Ipinakikita na ang mga anghel, na nilalang bago ang lupa at ang tao, ay nagmamasid at interesado sa lupa at sa resulta ng alitan. (Job 1:6-12; 2:1-5; 38:6, 7) Ipinahihiwatig nito na ang alitan ay nagsimula noong wala pa si Job at na si Satanas ay aktuwal na espiritung persona. Kung ang Job ay isinulat ni Moises, dito unang lumilitaw ang katagang has·Sa·tanʹ sa tekstong Hebreo ng Bibliya, bilang higit na pagpapakilala sa “matandang ahas.” (Job 1:6, talababa; Apoc. 12:9) Pinatutunayan din ng aklat na hindi Diyos ang sanhi ng pagdurusa, sakit, at kamatayan, at nililiwanag kung bakit ang matuwid ay pinag-uusig, samantalang ang mga balakyot at ang kabalakyutan ay hinahayaang magpatuloy. Ipinakikita nito na si Jehova ay interesado sa kalutasan ng isyu.
43. Kasuwato ng banal na mga kapahayagan sa aklat ng Job, anong landas ang dapat sundin ng lahat ng naghahangad ng mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos?
43 Panahon na upang si Satanas, “ang tagapagparatang,” ay masagot ng bawat nagnanais mabuhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, sa pamamagitan ng kanilang katapatan. (Apoc. 12:10, 11) Maging sa gitna ng ‘nakalilitong pagsubok,’ dapat ipagpatuloy ng mga tapat ang panalangin na pakabanalin ang pangalan ng Diyos at dumating nawa ang Kaharian upang lipulin si Satanas at lahat ng kaniyang mapanuyang binhi. Yao’y magiging “araw ng digmaan at pakikibaka” ng Diyos, na susundan ng kaginhawahan at mga pagpapala na gaya ng hinangad ni Job.—1 Ped. 4:12; Mat. 6:9, 10; Job 38:23; 14:13-15.
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 280-1, 663, 668, 1166; Tomo 2, pahina 562-3.
b 1987, Tomo 6, pahina 562.
c Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 83.
[Mga Tanong sa Aralin]