Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 19—Mga Awit

Aklat ng Bibliya Bilang 19—Mga Awit

Aklat ng Bibliya Bilang 19​—Mga Awit

Manunulat: Si David at mga iba pa

Saan Isinulat: Hindi matiyak

Natapos Isulat: c. 460 B.C.E.

1. Ano ang aklat ng Mga Awit, at ano ang nilalaman nito?

 ANG Mga Awit ang kinasihang aklat-awitan ng tunay na mga mananamba ni Jehova noong una, isang koleksiyon ng 150 sagradong awit, o salmo, na sinaliwan ng musika at inayos para sa pangmadlang pagsamba sa Diyos na Jehova sa templo sa Jerusalem. Hindi lamang ito mga awit ng papuri kay Jehova kundi mga panalangin din ng pagsamo ukol sa habag at saklolo, ng pananalig at pagtitiwala. Sagana ito sa pagpapasalamat, pagbubunyi at pagpapahayag ng dakila, oo, sukdulang, kagalakan. Ang ilang awit ay pagrerepaso ng kasaysayan, na nagbubulay sa dakilang mga gawa at kagandahang-loob ni Jehova. Siksik sa mga hula, marami na ang natupad sa kagila-gilalas na paraan. Marami itong aral na kapaki-pakinabang at nagpapatibay, nagagayakan ng matayog na lenguwahe at paglalarawan na pumupukaw sa damdamin. Ito’y isang masaganang espirituwal na piging na buong-kagandahang inihanda at katakam-takam na inihahain.

2. (a) Anong mga pamagat ang ikinapit sa Mga Awit, at anu-ano ang mga kahulugan nito? (b) Ano ang isang salmo?

2 Ano ang kahulugan ng pamagat ng aklat, at sino ang sumulat ng Mga Awit? Sa Bibliyang Hebreo, ito’y tinatawag na Seʹpher Tehil·limʹ, nangangahulugang “Aklat ng Mga Papuri,” o basta Tehil·limʹ, alalaong baga, “Mga Papuri.” Ito ang maramihang anyo ng Tehil·lahʹ, nangangahulugang “Papuri” o “Awit ng Papuri,” na nasa pamagat ng Awit 145. Ang pangalang “Mga Papuri” ay angkop, sapagkat itinatampok nito ang pagpuri kay Jehova. Ang pamagat na “Mga Awit” ay mula sa Griyegong Septuagint, na gumamit ng salitang Psal·moiʹ, na nagpapahiwatig ng mga awit na sinasaliwan ng tugtog. Ang salita ay mababasa rin sa ilang dako sa Kristiyanong Kasulatang Griyego, gaya sa Lucas 20:42 at Gawa 1:20. Ang salmo ay isang sagradong awit o tula na ginagamit sa pagpuri at pagsamba sa Diyos.

3. Ano ang ipinahihiwatig ng mga superscription hinggil sa mga manunulat?

3 Marami sa mga awit ang may pamagat, o superscription, na madalas bumanggit sa manunulat. Pitumpu’t-tatlo ang may pangalan ni David, “ang kalugud-lugod na mang-aawit sa Israel.” (2 Sam. 23:1) Tiyak na ang mga Awit 2, 72, at Aw 95 ay isinulat din ni David. (Tingnan ang Gawa 4:25, Awit 72:20, at Hebreo 4:7.) Bukod dito, waring ang Awit 10 at 71 ay karugtong ng Awit 9 at 70 ayon sa pagkakasunod, kaya maiuukol din ang mga ito kay David. Labindalawang awit ang iniuukol kay Asaph, marahil ay sa sambahayan niya, yamang ang ilan ay bumabanggit ng mga pangyayari pagkaraan ng kaniyang panahon. (Awit 79; Aw 80; 1 Cron. 16:4, 5, 7; Ezra 2:41) Labing-isang awit ang tuwirang iniuukol sa mga anak ni Kore. (1 Cron. 6:31-38) Waring ang Awit 43 ay karugtong ng Awit 42, kaya maaari din itong iukol sa mga anak ni Kore. Bukod sa pagbanggit sa “mga anak ni Kore,” ang pamagat ng Awit 88 ay tumutukoy din kay Heman, at ang Awit 89 ay bumabanggit kay Ethan. Ang Awit 90 ay iniuukol kay Moises, at malamang na pati ang Awit 91. Ang Awit 127 ay kay Solomon. Kaya mahigit na dalawang- katlo ay iniuukol sa iba’t-ibang manunulat.

4. Anong yugto ng panahon ang saklaw ng pagsulat?

4 Ang Mga Awit ang pinakamalaking nag-iisang aklat ng Bibliya. Gaya ng ipinahihiwatig ng mga Awit 90, 126, at Aw 137, tumagal ang pagsulat nito, halos mula kay Moises (1513-1473 B.C.E.) hanggang sa pagsasauli mula sa Babilonya at malamang na sa panahon ni Ezra (537–​c. 460 B.C.E.). Kaya, humigit-kumulang isang libong taon ang saklaw ng pagsulat. Ang panahong saklaw ng mga nilalaman ay mas malawak pa, pasimula sa paglalang at pati na ang buod ng kasaysayan ng pakikitungo ni Jehova sa kaniyang mga lingkod hanggang sa panahon ng pagkatha sa huling awit.

5. (a) Papaano maaaninaw sa Mga Awit ang mahusay na organisasyon? (b) Anong karagdagang impormasyon ang inilalaan ng mga superscription? (c) Bakit hindi na kailangang bigkasin ang “Seʹlah” kapag binabasa ang mga awit?

5 Ang Mga Awit ay nagpapaaninaw ng mahusay na organisasyon. Si David ay bumabanggit sa “mga prusisyon ng aking Diyos, aking Hari, sa loob ng santwaryo. Nasa unahan ang mga mang-aawit, kasunod ang mga manunugtog ng alpa; sa pagitan ay ang mga dalagang tumutugtog ng pandereta. Sa nagkakatipong karamihan ay purihin ang Diyos, si Jehova.” (Awit 68:24-26) Kaya sa mga pamagat ay malimit mabasa ang pariralang “Sa pangulong manunugtog,” gayundin ang maraming katagang pangtula o pangmusika. Ang ibang pamagat ay nagpapaliwanag sa layunin o paggagamitan ng awit o kaya’y naglalaan ng mga tagubilin sa pagtugtog. (Tingnan ang mga pamagat ng Awit 6, 30, 38, 60, 88, 102, at Aw 120.) Hindi kukulangin sa 13 awit ni David, gaya ng Awit 18 at 51, ang pahapyaw na nagsasaad ng mga sanhi ng pagkatha sa awit. Tatlumpu’t-apat na awit ang walang pamagat. Marami ang naniniwala na ang salitang “Seʹlah,” na 71 beses lumilitaw sa pangunahing teksto, ay isang teknikal na termino sa musika o pagtula, bagaman hindi tiyak ang kahulugan nito. Iminumungkahi ng ilan na ito ay tanda ng paghinto kapag umaawit o umaawit na kasaliw ng tugtog upang tahimik na makapagbulay. Kaya, hindi ito dapat bigkasin sa pagbabasa.

6. (a) Sa anong magkakahiwalay na tomo nahahati ang Mga Awit? (b) Sino ang malamang na nag-ayos ng Mga Awit sa pangwakas na anyo nito?

6 Mula pa noon, ang Mga Awit ay nahati na sa limang hiwalay na aklat, o tomo, gaya ng: (1) Mga Awit 1-41; (2) Mga Awit 42-72; (3) Mga Awit 73-89; (4) Mga Awit 90-106; (5) Mga Awit 107-150. Waring ang unang koleksiyon ay kay David. Malamang na si Ezra, saserdote at “bihasang kalihim ng batas ni Moises,” ang ginamit ni Jehova upang ayusin ang Mga Awit sa pangwakas na anyo nito.​—Ezra 7:6.

7. Ano pang mga katangian ng Mga Awit ang dapat bigyang-pansin?

7 Ang pagsulong ng koleksiyon ay maaaring siyang dahilan kung bakit ang ilang awit ay inuulit sa ibang seksiyon, gaya ng Mga Awit 14 at Aw 53; 40:13-17 at Aw 70; 57:7-11 at 108:1-5. Bawat seksiyon ay nagtatapos sa isang doxology, o pagpuri kay Jehova​—sa unang apat na seksiyon ay kalakip ang pagtugon ng bayan at ang huli ay ang buong Awit 150.​—Awit 41:13, talababa.

8. Ipaliwanag at ilarawan ang acrostic na estilo ng pagkatha.

8 Siyam na awit ang may pantanging estilo ng komposisyon; ito ay tinatawag na acrostic dahil sa pagkabalangkas ayon sa abakada. (Mga Awit 9, 10, 25, 34, 37, 111, 112, 119, at Aw 145) Sa acrostic, ang unang talata o mga talata ng unang taludtod ay nagsisimula sa unang titik ng abakadang Hebreo, ʼaʹleph (א), ang susunod na (mga) talata ay sa ikalawang titik, behth (ב), at patuloy sa lahat o halos lahat ng titik ng Hebreong abakada. Marahil ay tulong ito sa pagsasaulo​—isipin na lamang kung papaano tatandaan ng mga mang-aawit sa templo ang mga awit na singhaba ng Awit 119! Kawili-wiling mabasa ang isang acrostic ng pangalan ni Jehova sa Awit 96:11. Ang unang kalahati ng talatang ito sa Hebreo ay binubuo ng apat na salita, at ang mga unang titik nito, kapag binasa mula sa kanan pakaliwa, ay ang apat na Hebreong katinig ng Tetragamaton, YHWH (יהוה).

9. (a) Dahil sa anong kapaligiran kung kaya marami sa mga awit ang tuwirang umaakit sa isipan at puso? (b)  Ano pa ang nakakaragdag sa puwersa at ganda ng mga ito?

9 Ang mga sagrado, lirikong tulang ito ay isinulat sa di-magkakatugmang talata ng Hebreo na walang-kapantay sa ganda ng estilo at maindayog na diwa. Umaakit ito sa isipan at puso. Gumuguhit ito ng matitingkad na larawan. Kamangha-mangha ang lawak at lalim ng paksa at damdaming ipinapahayag ng mga ito dahil sa pambihirang mga karanasan ni David na nagsilbing kapaligiran ng maraming awit. Iilang tao ang dumanas ng kaniyang labis na makulay na buhay​—bilang batang pastol, nag-iisang mandirigma laban kay Goliath, manunugtog sa palasyo, isang salarin sa gitna ng tapat na mga kaibigan at ng mga taksil, hari at manlulupig, maibiging ama na pinighati ng hidwaan sa sariling sambahayan, makalawang natukso sa malubhang pagkakasala gayunma’y nanatiling masigasig na mananamba ni Jehova at mangingibig ng Kautusan Niya. Sa kapaligirang ito, hindi kataka-takang masaklaw ng Mga Awit ang lahat ng emosyon ng tao! Isa pang nakaragdag sa puwersa at ganda nito ay ang matulaing mga paralelismo at kabaligtaran na katangi-tangi sa tulaing Hebreo.​—Awit 1:6; 22:20; 42:1; 121:3, 4.

10. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Mga Awit?

10 Ang pagiging-totoo ng pinaka-matatandang awit sa kapurihan ni Jehova ay makikita sa ganap na pagkakasuwato nito sa ibang bahagi ng Kasulatan. Ang Mga Awit ay malimit sipiin sa mga Kristiyanong Kasulatang Griyego. (Awit 5:9 [Roma 3:13]; Awit 10:7 [Roma 3:14]; Awit 24:1 [1 Cor. 10:26]; Awit 50:14 [Mat. 5:33]; Awit 78:24 [Juan 6:31]; Awit 102:25-27 [Heb. 1:10-12]; Awit 112:9 [2 Cor. 9:9]) Sinabi ni David sa huli niyang awit: “Ang espiritu ni Jehova ay nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay suma-aking dila.” Ang espiritu ring yaon ang nagpakilos sa kaniya mula nang siya’y pahiran ni Samuel. (2 Sam. 23:2; 1 Sam. 16:13) Bukod dito, ang mga apostol ay sumipi rin sa Mga Awit. Tinukoy ni Pedro ang “kasulatan . . . na patiunang sinalita ng banal na espiritu sa pamamagitan ni David,” at ang sumulat ng Mga Hebreo, sa pagsipi sa Mga Awit, ay nagsabing yao’y mga salitang binigkas ng Diyos o ipinakilala yaon sa mga salitang, “gaya ng sinasabi ng banal na espiritu.”​—Gawa 1:16; 4:25; Heb. 1:5-14; 3:7; 5:5, 6.

11. Papaano kinilala ng sariling mga pananalita ni Jesus ang umaalalay na patotoo?

11 Ang pinakamatibay na patotoo ay ang sinabi ng binuhay-muling Panginoon, si Jesus, sa mga alagad: “Ito ang mga salitang sinabi ko sa inyo . . . na kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at sa Mga Awit.” Pinisan ni Jesus ang buong Kasulatang Hebreo sa paraan na nakilala at nakasanayan ng mga Judio. Ang pagtukoy niya sa Mga Awit ay sumaklaw sa buong ikatlong bahagi ng Mga Kasulatan, tinatawag na Hagiographa (o Banal na Mga Kasulatan), at doon ang Mga Awit ay siyang unang aklat. Tiniyak ito ng sinabi niya sa dalawang alagad na patungo sa Emmaus, nang “ipaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa buong Kasulatan.”​—Luc. 24:27, 44.

NILALAMAN NG MGA AWIT

12. Papaano agad inihaharap sa Mga Awit ang tema ng kaligayahan, at niyaong sa Kaharian?

12 Unang Aklat (Mga Awit 1-41). Maliban sa Awit 1, 2, 10, at Aw 33, lahat ay tuwirang iniuukol kay David. Agad inihaharap ng Awit 1 ang tema, sa pagsasabing maligaya ang tao na nagagalak sa kautusan ni Jehova, na nagbubulay araw at gabi upang masunod ito, di-gaya ng mga makasalanan. Ito ang unang pagtukoy ng Mga Awit sa kaligayahan. Nagbubukas ang Awit 2 sa isang humahamong tanong at binabanggit ang pagkakaisa ng lahat ng hari at pinunò sa lupa “laban kay Jehova at sa kaniyang pinahiran.” Pinagtatawanan lamang sila ni Jehova at nagsasalita sa kanila sa matinding galit: “Ako, ako nga ang naglagay ng aking hari sa Sion, ang aking banal na bundok.” Babaliin at dudurugin niya ang lahat ng salansang. Kayong mga hari at pinunò, “paglingkuran si Jehova nang may takot” at kilalanin ang Kaniyang Anak nang kayo ay hindi mapahamak! (2 Tal. 1, 6, 11) Kaya agad inihaharap ng Mga Awit ang pang-Kahariang tema ng Bibliya.

13. Ano pa ang itinatampok ng unang koleksiyon ng mga awit?

13 Sa unang seksiyon ay tampok ang mga panalangin, kapuwa pagsamo at pagpapasalamat. Inihahambing ng Awit 8 ang kadakilaan ni Jehova at ang kaliitan ng tao, at inilalantad ng Awit 14 ang kamangmangan ng mga ayaw pasakop sa Diyos. Ipinakikita ng Awit 19 na ang kaluwalhatian ni Jehova ay inihahayag ng kagila-gilalas na lalang niya, at ibinubunyi ng mga Aw 19 talatang 7-14 ang pakinabang ng pag-iingat ng sakdal na kautusan ng Diyos, na higit pang maaaninaw sa Awit 119. Ang Awit 23 ay tanyag bilang obra-maestra ng panitikan subalit ang karingalan nito ay nasa payak na kapahayagan ng tapat na pagtitiwala kay Jehova. O, nawa lahat tayo ay ‘makapanahan sa bahay ni Jehova, ang Dakilang Pastol, magpakailanman’! (23:1, 6) May mabuting payo ang Awit 37 para sa mga namumuhay sa gitna ng masasama, at ang Awit 40 ay nagpapahayag ng kagalakan ng paggawa sa kalooban ng Diyos, gaya ng ginawa ni David.

14. Ano ang sinasabi ng Ikalawang Aklat hinggil sa pagtubos, at anong mga panalangin ni David ang itinatampok?

14 Ikalawang Aklat (Mga Awit 42-72). Nagsisimula ito sa walong awit na Korahita. Ang mga Awit 42 at 43 ay kapuwa iniuukol sa mga anak ni Kore, yamang ang dalawa ay iisang tula na may tatlong taludtod at pinagdudugtong ng isang paulit-ulit na talata. (42:5-11; 43:5) Idinidiin ng Awit 49 ang kawalang-kakayahan ng tao na tubusin ang sarili, Diyos lamang ang may kapangyarihang tumubos “mula sa kamay ng Sheol.” (49 Tal. 15) Ang Awit 51 ay panalangin ni David na binigkas nang magkasala siya kay Bath-seba, asawa ni Urias na Heteo, tanda ng taimtim niyang pagsisisi. (2 Sam. 11:1–​12:24) Nagtatapos ang seksiyon sa isang awit “tungkol kay Solomon,” isang panalangin ukol sa kaniyang mapayapang paghahari at upang suma-kaniya ang pagpapala ni Jehova.​—Awit 72.

15. Ano ang isinasaad ng Ikatlong Aklat hinggil sa kasaysayan ng Israel, sa mga kahatulan ni Jehova, at sa tipan ng Kaharian?

15 Ikatlong Aklat (Mga Awit 73-89). Dalawang awit, mga Awit 74 at 79, ang isinulat pagkatapos mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Itinataghoy nito ang kapahamakan at pinakikiusapan si Jehova na tulungan ang bayan niya ‘alang-alang sa kaniyang pangalan.’ (79:9) Nirerepaso ng Awit 78 ang kasaysayan ng Israel mula kay Moises hanggang sa si David ay “magpastol sa kanila ayon sa katapatan ng kaniyang puso” (78 Tal. 72), at ang Awit 80 ay tumutukoy kay Jehova bilang tunay na “Pastol ng Israel.” (80 Tal. 1) Ang mga Awit 82 at 83 ay maririing pakiusap kay Jehova na igawad ang hatol laban sa mga kaaway. Hindi layuning maghiganti, ang mga pakiusap na ito ay “upang kanilang hanapin ang iyong pangalan, O Jehova . . . , [at] upang makilala nila na ikaw lamang, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (83:16, 18) Panghuli sa seksiyong ito ay ang Awit 89, na nagtatampok sa “mga kapahayagan ng kagandahang-loob ni Jehova,” na itinatanghal ng kaniyang tipan kay David. Yao’y tungkol sa tagapagmana ng luklukan ni David, na maghahari magpakailanman sa harapan ni Jehova!​—89 Tal. 1, 34-37.

16. Papaano ibinubunyi ng Ikaapat na Aklat ang paghahari ni Jehova at ang pag-iingat niya ng tipan?

16 Ikaapat na Aklat (Mga Awit 90-106). Gaya ng Ikatlong Aklat, ito ay may 17 awit. Nagsisimula ito sa panalangin ni Moises, at pinaghahambing ang kawalang-hanggan ng Diyos at ang kaiklian ng buhay ng tao. Ibinubunyi ng Awit 92 ang nakahihigit na mga katangian ni Jehova. Kasunod ay ang maringal na grupo ng mga Awit 93-100, na may nagpapakilos na hiyaw, “Si Jehova ay naging hari!” Kaya “lahat na taga-lupa” ay tinatawagan na “umawit kay Jehova, purihin ang pangalan niya . . . , sapagkat si Jehova ay dakila at marapat purihin.” “Si Jehova ay dakila sa Sion.” (93:1; 96:1, 2, 4; 99:2) Si Jehova ay pinasasalamatan ng mga Awit 105 at 106 sa pagkilos sa kapakanan ng kaniyang bayan at sa katapatan sa tipan kay Abraham na ibigay ang lupain sa kaniyang binhi, sa kabila ng kanilang pagrereklamo at pagtataksil.

17. Ano ang lubhang nakawiwili hinggil sa Awit 104, at anong tema ang inuulit mula sa puntong ito?

17 Lubhang nakawiwili ang Awit 104. Dinadakila nito si Jehova sa kaniyang karangalan at kamahalan, at inilalarawan ang karunungan niya na ipinamamalas ng kaniyang mga gawa at likha sa lupa. Saka mariing inihaharap ang tema ng buong aklat ng Mga Awit, at sa unang pagkakataon ay lumitaw ang kapahayagang: “Purihin ninyo si Jah!” (104 Tal. 35) Sa Hebreo, ang panawagan na iukol kay Jehova ang kapurihang nararapat sa kaniya ay binubuo ng iisang salitang ha·lelu–Yahʹ o “Hallelujah,” ang anyong mas popular sa ngayon. Mula sa talatang ito patuloy, ang kapahayagan ay 24 na beses umiiral, at ang ilang awit ay gumagamit nito bilang pambungad at pangwakas.

18. (a) Anong koro ang nagtatampok sa Awit 107? (b) Ano ang mga Hallel Psalms?

18 Ikalimang Aklat (Mga Awit 107-150). Inilalarawan sa Awit 107 ang mga pagliligtas ni Jehova, na may ganitong malambing na koro: “O purihin si Jehova dahil sa kagandahang-loob niya at dahil sa kaniyang kagila-gilalas na mga gawa para sa mga anak ng tao.” (107 Tal. 8, 15, 21, 31) Ang mga Awit 113 hanggang 118 ay tinatawag na Hallel Psalms. Ayon sa Mishnah, inaawit ito ng mga Judio sa Paskuwa at sa mga kapistahan ng Pentekostes, ng mga Kubol, at ng Pag-aalay.

19. Ano ang pagkakaiba ng mga Awit 117 at 119, at ano ang ilan sa mga katangian ng nahuli?

19 Mapuwersa ang kapayakan ng Awit 117, palibhasa ito ang pinakamaikling awit at kabanata sa Bibliya. Ang pinakamahaba ay ang Awit 119, na may 176 talata sa 22 alpabetikong taludtod na tig-8 talata bawat isa. Liban sa dalawa (119:90 at 122), lahat ng talata ay tumutukoy sa salita o batas ng Diyos na Jehova, at inuulit sa bawat taludtod ang marami, kundi man lahat, ng mga pananalita (batas, paalaala, tagubilin, utos, kautusan, kahatulan) ng Awit 19:7-14. Mahigit 170 beses tinutukoy ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng alinman sa sumusunod na 8 pananalita: (mga) utos, (mga) kahatulan, batas, tagubilin, tuntunin, (mga) paalaala, (mga) kasabihan, at (mga) salita.

20, 21. (a) Ano ang Mga Awit sa Pagsampa? (b) Papaano nito ipinapahayag ang pagpapahalaga ni David sa halaga ng nagkakaisang pagsamba?

20 Susunod, ay isa pang grupo, ang 15 Mga Awit sa Pagsampa, mga Awit 120-134. Iba-iba ang salin sa pamagat na ito sapagkat malabo ang kahulugan nito. Sinasabi ng iba na tumutukoy ito sa matayog na mensahe ng mga awit, bagaman hindi talaga masabi kung bakit dapat makahigit ang mga ito sa ibang kinasihang awit. Marami ang nagmumungkahi na ang pamagat ay galing sa pag-awit ng mga mananamba kapag sila ay umaahon, o “sumasampa” sa Jerusalem para sa taunang mga kapistahan, at itinuturing ito na pagsampa sapagkat ang lungsod ay nasa mataas na bulubundukin ng Juda. (Ihambing ang Ezra 7:9.) Natatangi si David sa taimtim na pagpapahalaga sa nagkakaisang pagsamba ng bayan ng Diyos. Ikinagalak niya ang paanyayang: “Tayo na sa bahay ni Jehova”; at ang bayan ay umahon, “upang magpasalamat sa pangalan ni Jehova.” Taimtim niyang hinangad ang kapayapaan, katiwasayan, at kasaganaan ng Jerusalem, at nanalangin siya: “Alang-alang sa bahay ni Jehova na ating Diyos ay hahanapin ko ang iyong ikabubuti.”​—Awit 122:1, 4, 9.

21 Nasa Awit 132 ang panata ni David na hindi siya tutugot sa paghahanap ng angkop na pahingahang-dako ni Jehova, na isinasagisag ng kaban ng tipan. Nang ang Kaban ay maitatag na sa Sion, si Jehova ay inilalarawan ng marikit at matulaing pangungusap na nagsasabing pinili niya ang Sion, “ang aking pahingahang-dako magpakailanman; dito ako tatahan, sapagkat matagal ko na itong ninanasa.” Kinilala niya ang sentrong ito ng pagsamba, “sapagkat doon pinarating ni Jehova ang pagpapala.” “Pagpalain ka nawa ni Jehova mula sa Sion.”​—132:1-6, 13, 14; 133:3; 134:3; tingnan din ang Awit 48.

22. (a) Papaano ibinubunyi si Jehova bilang kapuri-puring Diyos? (b) Papaano sumasapit ang kasukdulan ng maluwalhating tema ng aklat?

22 Si Jehova ay ibinubunyi ng Awit 135 bilang kapuri-puring Diyos na gumagawa ng balang maibigan, di-gaya ng walang-kabuluhang mga idolo, na ang mga nagsigawa’y matutulad sa mga ito. Sa Awit 136 ay may sagutan, at bawat talata ay nagtatapos sa: “Sapagkat ang kagandahang-loob niya ay magpakailanman.” Ang gayong pagsasagutan ay ginamit sa maraming okasyon. (1 Cron. 16:41; 2 Cron. 5:13; 7:6; 20:21; Ezra 3:11) Binabanggit ng Awit 137 ang pananabik sa Zion na naghari sa puso ng mga Judiong tapon sa Babilonya bilang patotoo na hindi nila nalimutan ang mga awit, o salmo, bagaman malayo sila sa sariling bayan. Dinadakila ng Awit 145 ang kabutihan at paghahari ni Jehova at sinasabing siya “ang nagbabantay sa lahat ng umiibig sa kaniya, ngunit lahat ng masama ay kaniyang lilipulin.” (145 Tal. 20) At, bilang nagpapakilos na pangwakas, inuulit ng Mga Awit 146-150 ang maluwalhating tema ng aklat, na bawat awit ay nagsisimula at nagwawakas sa, “Purihin ninyo si Jah!” Sa ika-150 Awit, sumasapit sa kasukdulan ang himig ng papuri at sa anim na talata lamang ay 13 beses inuutusan ang buong sangnilalang na purihin si Jehova.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

23. (a) Anong buháy na mensahe ang nilalaman ng Mga Awit? (b) Papaano dinadakila ang pangalan at soberanya ni Jehova?

23 Dahil sa sakdal na kagandahan at estilo, ang mga awit ng Bibliya ay kabilang sa pinakadakilang panitikan ng alinmang wika. Gayunman, higit pa ito kaysa panitikan lamang. Ito’y buháy na mensahe mula sa Kataas-taasang Soberano ng sansinukob, ang Diyos na Jehova. Nagbibigay ito ng malalim na unawa sa saligang mga turo ng Bibliya, pangunahin na tungkol kay Jehova, ang May-akda nito. Maliwanag na ipinakikitang siya ang Maylikha ng sansinukob at lahat ng narito. (8:3-9; 90:1, 2; 100:3; 104:1-5, 24; 139:14) Ang pangalang Jehova ay tunay na dinadakila sa aklat ng Mga Awit, kung saan ay 700 beses ito lumilitaw. Bukod dito, ang pinaikling anyong “Jah” ay 43 beses mababasa, kaya sa kalagitnaan, ang banal na pangalan ay 5 beses binabanggit sa bawat Awit. Isa pa, si Jehova ay 350 beses tinutukoy na ʼElo·himʹ, o Diyos. Ang kataas-taasang pamamahala ni Jehova ay ipinakikita ng malimit na pagtukoy sa kaniya ng mga awit bilang “Soberanong Panginoon”.​—68:20; 69:6; 71:5; 73:28; 140:7; 141:8.

24. Ano ang sinasabi sa Mga Awit tungkol sa taong mortal, at anong mahusay na payo ang ibinibigay?

24 Di-gaya ng walang-hanggang Diyos, ipinakikita na ang tao ay isinilang sa kasalanan at nangangailangan ng tagatubos, namamatay at bumabalik sa “alabok,” nananaog sa Sheol na karaniwang libingan ng tao. (6:4, 5; 49:7-20; 51:5, 7; 89:48; 90:1-5; 115:17; 146:4) Idiniriin ng Mga Awit ang pagtalima sa batas ng Diyos at pagtitiwala kay Jehova. (1:1, 2; 62:8; 65:5; 77:12; 115:11; 118:8; 119:97, 105, 165) May babala ito laban sa kapangahasan at “lihim na mga pagkakasala” (19:12-14; 131:1) at nagpapasigla ng tapat at nagpapatibay na pakikipagsamahan. (15:1-5; 26:5; 101:5) Ipinakikita nito na ang wastong gawi ay sinasang-ayunan ni Jehova. (34:13-15; 97:10) Naghaharap ito ng maluwalhating pag-asa sa pagsasabing ang “kaligtasan ay mula kay Jehova” at, para sa mga natatakot sa kaniya, “ililigtas [Niya] ang kanilang kaluluwa sa kamatayan.” (3:8; 33:19) Umaakay ito sa makahulang katangian ng mga awit.

25. (a) Ang Mga Awit ay siksik sa ano? (b) Papaano ginamit ni Pedro ang Mga Awit upang ipakilala ang Lalong-Dakilang David?

25 Ang Mga Awit ay siksik sa mga hula tungkol kay Jesu-Kristo, “anak ni David,” at ang papel niya bilang Pinahiran at Hari ni Jehova. a (Mat. 1:1) Nang itatag ang kongregasyong Kristiyano noong Pentekostes 33 C.E., ang katuparan ng mga hulang ito ay niliwanag ng banal na espiritu sa mga apostol. Nang araw ding yaon, paulit-ulit na sumipi si Pedro sa Mga Awit habang idiniriin ang tema ng kaniyang tanyag na diskurso. Tungkol ito sa isang indibiduwal: “Si Jesus na Nazareno.” Ang huling bahagi ng kaniyang argumento ay halos pagsipi sa Mga Awit bilang patotoo na si Kristo Jesus ang Lalong-Dakilang David at na hindi pababayaan ni Jehova ang kaluluwa ni Jesus sa Hades kundi siya ay bubuhayin mula sa mga patay. “Si David ay hindi umakyat sa langit,” kundi gaya ng inihula niya sa Awit 110:1, ang kaniyang Panginoon ang umakyat. Sino ang Panginoon ni David? Sa pinaka-sukdulan ng diskurso ni Pedro ay buong diin siyang sumasagot: “Siya’y si Jesus na inyong ipinako”!​—Gawa 2:14-36; Awit 16:8-11; 132:11.

26. Papaano naging kapaki-pakinabang ang diskurso ni Pedro?

26 Kapaki-pakinabang ba ang diskurso ni Pedro na nasasalig sa Mga Awit? Sinasagot ito ng pagkabautismo ng mga 3,000 bagong kaanib sa kongregasyong Kristiyano nang araw ding yaon.​—Gawa 2:41.

27. Papaano ipinaliwanag ng “banal na espiritu” ang Awit 2?

27 Di-nagtagal, sa isang pantanging pagtitipon, nagsumamo kay Jehova ang mga alagad at sinipi ang Awit 2:1, 2. Sinabi nila na natupad ito sa nagkakaisang pagsalansang ng mga pinunò laban kay “Jesus, ang banal na lingkod na pinahiran [ng Diyos].” Ayon sa ulat silang “lahat ay napuspos ng banal na espiritu.”​—Gawa 4:23-31.

28. (a) Sa pamamagitan ng Mga Awit, paano nangatuwiran si Pablo sa Hebreo kabanata 1 hanggang 3? (b) Papaano inilalaan ng Awit 110:4 ang saligan ng pagtalakay ni Pablo sa pagka-saserdote ayon kay Melkisedek?

28 Basahin ang liham sa Mga Hebreo. Sa unang dalawang kabanata, sinisipi ang Mga Awit na nagsasabing si Jesus, bilang Anak ng Diyos na nakalulok sa langit, ay mas mataas kaysa mga anghel. Mula sa Awit 22:22 at iba pang reperensiya ipinakikita ni Pablo na si Jesus ay may kongregasyon ng “mga kapatid” niya na binhi ni Abraham at “may makalangit na pagkatawag.” (Heb. 2:10-13, 16; 3:1) At pasimula sa Hebreo 6:20 hanggang Heb kabanata 7, ipinaliliwanag ng apostol ang karagdagang tungkulin ni Jesus bilang “mataas na saserdote ayon sa wangis ni Melkisedek.” Tumutukoy ito sa sinumpaang pangako ng Diyos sa Awit 110:4, na laging binabanggit ni Pablo upang ipaliwanag na ang pagka-saserdote ni Jesus ay nakahihigit kaysa kay Aaron. At dahil sa sumpa ni Jehova, si Jesu-Kristo ay saserdote, hindi sa lupa, kundi sa langit at na “siya’y saserdote magpakailanman”​—ang mga pakinabang ng kaniyang pagka-saserdote ay walang-hanggan.​—Heb. 7:3, 15-17, 23-28.

29. Anong bukod-tanging halimbawa ng katapatan ang dapat nating sundin, gaya ng ipinakikita sa Mga Awit at ipinaliliwanag sa Hebreo 10:5-10?

29 Bukod dito, tinutukoy sa Hebreo 10:5-10 ang pagpapahalaga ni Jesus sa landasin ng pagsasakripisyo na siyang kalooban ng Diyos para sa kaniya at ang determinasyon niya na ganapin ito. Salig ito sa mga salita ni David sa Awit 40:6-8. Kapaki-pakinabang na isasaalang-alang at tularan ang huwarang ito ng debosyon upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.​—Tingnan din ang Awit 116:14-19.

30. Papaano detalyadong inihula ng Mga Awit ang landasin ni Jesus, at papaano siya tiyak na nagkamit ng kaaliwan mula rito?

30 Detalyadong inihula sa Mga Awit ang landasin na tinahak ni Jesus na nagwakas sa matinding pagdurusa sa pahirapang tulos. Kabilang dito ang pagpapainom sa kaniya ng suka, ang pagsasapalaran para sa kaniyang kasuotan, ang pagmamalupit sa kaniyang mga kamay at paa, ang pang-uuyam, at ang napakapait na pagdadalamhati ng makirot na daing na: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mat. 27:34, 35, 43, 46; Awit 22:1, 7, 8, 14-18; 69:20, 21) Gaya ng ipinahihiwatig ng Juan 19:23-30, ang Mga Awit ay tiyak na nagdulot kay Jesus ng malaking kaaliwan at patnubay nang mga sandaling yaon, palibhasa alam niya na lahat ng ito ay dapat matupad sa bawat detalye. Batid ni Jesus na inihula rin sa Mga Awit ang kaniyang pagkabuhay-muli at pagkakadakila. Tiyak na nasa isip niya ito habang nangunguna sa kaniyang mga apostol sa “pag-awit ng mga papuri,” o salmo, sa bisperas ng kamatayan niya.​—Mat. 26:30.

31. Ano ang inihuhula ng Mga Awit tungkol sa Binhi ng Kaharian at sa kongregasyon ni Jesus?

31 Kaya si Kristo Jesus ay malinaw na ipinakikilala ng Mga Awit bilang “anak ni David” at Binhi ng Kaharian, na ngayo’y dinadakila bilang Hari at Saserdote sa makalangit na Sion. Kulang ang espasyo para itala ang lahat ng talata sa Mga Awit na sinisipi sa Kristiyanong Kasulatang Griyego at na natupad sa Pinahiran ni Jehova, subalit narito ang ilan: Awit 78:2​—Mat. 13:31-35; Awit 69:4​—Juan 15:25; Awit 118:22, 23​—Mar. 12:10, 11 at Gawa 4:11; Awit 34:20​—Juan 19:33, 36; Awit 45:6, 7​—Heb. 1:8, 9. Ang kongregasyon ng tunay na mga tagasunod ni Jesus ay inihula rin, hindi bilang mga indibiduwal, kundi bilang grupo mula sa lahat ng bansa na sinang-ayunan ng Diyos upang makibahagi sa pagpuri kay Jehova.​—Awit 117:1​—Roma 15:11; Awit 68:18​—Efe. 4:8-11; Awit 95:7-11​—Heb. 3:7, 8; 4:7.

32. (a) Ano ang isinisiwalat ng pag-aaral sa Mga Awit tungkol sa pagbabangong-puri kay Jehova at sa mga layunin ng Kaharian? (b) Bilang pagpapahalaga sa kaniyang paghahari, papaano tayo dapat magpahayag ng katapatan at pagpapasalamat?

32 Ang pag-aaral ng Mga Awit ay tumutulong sa pagpapahalaga sa paghahari ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng ipinangakong Binhi at Tagapagmana ng Kaharian, sa ikaluluwalhati at ikapagbabangong-puri Niya. Nawa’y mapabilang tayo sa mga tapat na nagbubunyi sa ‘maluwalhating kamahalan ng karangalan ni Jehova’ na tinutukoy sa Awit 145, “isang papuri, ni David”: “Tungkol sa kaluwalhatian ng iyong paghahari ay mag-uusap sila, at tungkol sa iyong kalakasan ay magsasalita sila, upang ipabatid sa mga anak ng tao ang kaniyang makapangyarihang mga gawa at ang maluwalhating kamahalan ng kaniyang paghahari. Ang iyong paghahari ay walang-hanggan, at ang iyong pagpupuno ay sa lahat ng sali’t-saling lahi.” (Awit 145:5, 11-13) Tapat sa makahulang awit, ang karilagan ng tatag na Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ay ibinabalita na sa lahat ng bansa. Malaki ang dapat ipagpasalamat sa Hari at sa Kahariang yaon! Angkop-na-angkop ang pangwakas na pangungusap ng Mga Awit: “Bawat bagay na may hininga​—purihin si Jah. Purihin ninyo si Jah!”​—150:6.

[Talababa]

a Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 710-11.

[Mga Tanong sa Aralin]