Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 22—Awit ni Solomon

Aklat ng Bibliya Bilang 22—Awit ni Solomon

Aklat ng Bibliya Bilang 22​—Awit ni Solomon

Manunulat: Si Solomon

Saan Isinulat: Sa Jerusalem

Natapos Isulat: c. 1020 B.C.E.

1. Sa anong diwa ito naging “Awit ng mga awit”?

 “HINDI naging karapat-dapat ang buong sanlibutan sa araw nang ibigay sa Israel ang matayog na Awit na ito.” Ito ang sinabi ng Judiong “rabbi” na si Akiba, noong unang siglo ng Pangkalahatang Panahon (Common Era), bilang pagpapahalaga sa Awit ni Solomon. a Ang pamagat ng aklat ay pagpapaikli ng pambungad na mga salita, “Ang awit ng mga awit, ang kay Solomon.” Ayon sa salita-bawat-salitang salin ng tekstong Hebreo, ito’y “Awit ng mga awit,” na nagbabadya ng sukdulang kagalingan, gaya ng mga salitang “langit ng mga langit,” o pinakamatayog na kalangitan. (Deut. 10:14) Hindi ito kalipunan ng mga awit kundi iisang awit, “awit na lubhang sakdal, isa sa pinakamagandang nagawa, o naisulat kailanman.” b

2. (a) Sino ang sumulat ng Awit ni Solomon, ano ang mga kuwalipikasyon niya, at bakit matatawag ito na awit ng nasiphayong pag-ibig? (b) Saan isinulat ang aklat, at kailan?

2 Si Haring Solomon ng Jerusalem ang sumulat nito, gaya ng ipinakikita ng pambungad. Siya’y lubhang kuwalipikado na sumulat ng ganitong napakagandang tulaing Hebreo. (1 Hari 4:32) Ito’y tulang pambukid na punung-puno ng kahulugan at makulay na naglalarawan ng kagandahan. Lalo itong mapapahalagahan ng mambabasa na nakakaunawa sa tagpong Silanganin. (Awit ni Sol. 4:11, 13; 5:11; 7:4) Natatangi ang dahilan ng pagkasulat nito. Ang dakilang haring Solomon, maluwalhati sa karunungan, malakas sa kapangyarihan, at nakasisilaw sa kinang ng materyal na kayamanan, na hinangaan maging ng reyna ng Sheba, ay binigo sa pag-ibig ng isang simpleng probinsiyana. Dahil sa tapat na pagmamahal nito sa katipang pastol, ang hari ay hindi nagwagi. Kaya ito’y wastong tawaging Awit ng Nasiphayong Pag-ibig ni Solomon. Kinasihan siya ng Diyos na Jehova upang isulat ang awit sa kapakinabangan ng mga mambabasa sa hinaharap. Isinulat niya ito sa Jerusalem. Marahil ay noong 1020 B.C.E., ilang taon matapos itayo ang templo. Nang isulat niya ang awit, si Solomon ay may “animnapung reyna at walumpung kerida,” kung ihahambing sa “pitong daang asawa, prinsesa, at tatlong daang kerida” noong katapusan ng kaniyang paghahari.​—Awit ni Sol. 6:8; 1 Hari 11:3.

3. Ano ang ebidensiya ng pagiging-kanonikal ng Awit ni Solomon?

3 Ang pagiging-kanonikal ng Awit ni Solomon ay hindi pinag-alinlanganan noong una. Ito ay mahalaga at kinasihang bahagi ng Hebreong kanon bago ang Pangkalahatang Panahon. Kalakip ito sa Griyegong Septuagint. Isiningit ito ni Josephus sa kaniyang katalogo ng sagradong mga aklat. Kaya, may ebidensiya ito ng pagiging-kanonikal na gaya ng ibang aklat ng Kasulatang Hebreo.

4. (a) Ang hindi paglitaw ng salitang “Diyos” ay isa bang punto laban sa pagiging-kanonikal ng Awit ni Solomon? (b) Ano ang nagbibigay dito ng pantanging dako sa kanon ng Bibliya?

4 Ngunit kinukuwestiyon ang pagiging-kanonikal ng aklat dahil hindi ito bumabanggit sa Diyos. Hindi nawawalan ng kabuluhan ang aklat dahil lamang sa di-pagbanggit sa Diyos kung papaano rin na dahil sa paglitaw ng salitang “Diyos”, hindi agad nagiging kanonikal ang isang aklat. Sa kabanata 8, talatang 6, ang banal na pangalan ay nasa pinaikling anyo, na nagsasabing ang pag-ibig ay gaya ng “liyab ni Jah.” Tiniyak ni Jesus na ang aklat ay bahagi ng kasulatan nang sabihin niya: “Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan, pagkat iniisip ninyo na sa mga ito ay mayroon kayong buhay na walang-hanggan.” (Juan 5:39) Isa pa, ang mariing larawan ng sukdulang pag-ibig na sa espirituwal na diwa’y umiral sa pagitan ni Kristo at ng kaniyang kasintahan, ay nagbibigay sa Awit ni Solomon ng natatanging dako sa kanon ng Bibliya.​—Apoc. 19:7, 8; 21:9.

NILALAMAN NG AWIT NI SOLOMON

5. (a) Papaano makikilala ang mga tauhan sa dula? (b) Anong makabagbag-damdaming tema ang inihaharap?

5 Ang nilalaman ng aklat ay inihaharap ng isang serye ng mga pag-uusap. Papalit-palit ang mga tagapagsalita. Ang mga tauhan na nagsasalita ay sina Solomon na hari ng Jerusalem, ang pastol, ang minamahal niyang Sulamita, ang mga kuya nito, ang mga babae sa korte (“mga anak na babae ng Jerusalem”), at ang mga babae sa Jerusalem (“mga anak na babae ng Sion”). (Awit ni Sol. 1:5-7; 3:5, 11) Ipinakikilala sila ng kanilang sinasabi tungkol sa sarili o ng sinasabi sa kanila. Nagsisimula ang dula malapit sa Sunem, o Sulem, kung saan nagkakampo si Solomon at ang kaniyang korte. Ito’y may makabagbag-damdaming tema​—ang pag-ibig ng isang probinsiyana mula sa nayon ng Sunem para sa kaniyang kaibigang pastol.

6. Anong pag-uusap ang naganap sa pagitan ng dalaga at ng mga babae sa korte ni Solomon?

6 Ang dalagang Sulamita sa kampo ni Solomon (1:1-14). Ang dalaga ay nasa maharlikang tolda ng hari, subalit hangad lamang niyang makita ang katipan niyang pastol. Sabik sa kasintahan, nagsasalita siya na waring ito ay naroroon. Ang maitim na balat ng Sulamita ay minamasdan ng mga babae sa korte na naglilingkod sa hari, ang “mga anak na babae ng Jerusalem.” Siya’y sunóg-sa-araw dahil sa pag-aalaga sa ubasan ng kaniyang mga kuya. Nakikipag-usap siya sa kasintahan na waring siya’y malaya at nagtatanong kung saan niya ito matatagpuan. Pinalabas siya ng mga babae sa korte upang pastulan ang kaniyang kawan sa siping ng tolda ng mga pastol.

7. Papaano nanligaw si Solomon, subalit ano ang resulta?

7 Lumapit si Solomon. Ayaw siyang paalisin. Pinuri niya ang kagandahan nito at pinangakuan ng “mga kuwintas na ginto” at ng “mga pilak na buton.” Tumanggi ang Sulamita at sinabing ang pag-ibig niya’y ukol lamang sa kaniyang sinisinta.​—1:11.

8. Papaano napatibay ng kasintahan ang dalaga? Sa ano siya nasasabik?

8 Dumating ang kasintahang pastol (1:15–​2:2). Pumasok sa kampo ang kasintahan ng Sulamita at pinalakas ang loob nito. Tiniyak niya ang kaniyang pag-ibig ukol dito. Nasasabik ang Sulamita sa kaniyang sinta at sa simpleng kasiyahan ng paninirahan sa bukirin at kagubatan sa piling nito.

9. Papaano kinilatis ng dalaga at ng kasintahan ang kaniyang kagandahan?

9 Ang Sulamita ay isang babaeng mapakumbaba. “Isa lamang akong lila sa tabing-dagat,” aniya. Ngunit para sa kasintahang pastol, wala siyang katulad: “Gaya ng liryo sa gitna ng mga tinik, gayon ang aking sinta sa gitna ng mga dalaga.”​—2:1, 2.

10. Ano ang naalaala ng dalaga tungkol sa kasintahan?

10 Nananabik ang dalaga sa kaniyang pastol (2:3–​3:5). Muling napahiwalay sa kasintahan, ipinakita ng Sulamita na ito ang pinakamamahal niya, at pinapangakò niya ang mga anak na babae ng Jerusalem na huwag siyang pupukawin ng pag-ibig para sa iba. Naalaala ng Sulamita noong tagsibol nang sagutin ng pastol ang kaniyang tawag at anyayahan siya sa mga burol. Nakikita niya ito na umaakyat sa mga bundok, lumulukso sa tuwa. Naririnig niya ang panawagan nito: “Umahon ka, O aking sinta, aking dilag, at pumarito ka.” Gayunman, ang kaniyang mga kuya, na hindi nakatitiyak sa kaniyang katatagan, ay nagalit at inatasan siya na magbantay sa mga ubasan. Sinabi niya: “Ang sinta ko ay akin at ako ay kaniya,” at pinakiusapan niya ito na magmadaling pumaroon sa kaniya.​—2:13, 16.

11. Anong pangako ang muling ipinaalaala ng Sulamita sa mga anak na babae ng Jerusalem?

11 Inilalarawan ng Sulamita ang kaniyang pagkakapigil sa kampo ni Solomon. Sa higaan niya kung gabi ay nasasabik siya sa kaniyang pastol. Muli niyang pinapangakò ang mga anak na babae ng Jerusalem na huwag pukawin sa kaniya ang pag-ibig para sa iba.

12. Anong pampalakas-loob ang ibinigay ng kasintahan sa babae nang ito ay dalhin ni Solomon sa Jerusalem?

12 Ang Sulamita sa Jerusalem (3:6–​5:1). Buong karangyaang nagbalik si Solomon sa Jerusalem at humanga ang bayan sa pagdaraan niya at ng kaniyang mga abay. Sa kagipitang ito, ang Sulamita ay hindi binigo ng kasintahan. Nasundan siya nito bagaman siya’y may lambong, at nakipag-usap sa kaniya. Pinalakas-loob niya ang sinisinta sa pamamagitan ng maiinit na kapahayagan ng pag-ibig. Sinabi ng babae na gusto niyang makalaya at iwan ang lungsod, at ang lalaki ay napabulalas sa simbuyo ng pag-ibig: “Ikaw ay totoong maganda, O sinta ko.” (4:7) Sa isang sulyap lamang ay bumibilis na ang tibok ng puso nito. Ang kaniyang pagmamahal ay matamis kaysa alak, ang kaniyang halimuyak ay gaya ng Libano, at ang kutis niya’y paraiso ng mga granada. Inanyayahan ng dalaga ang kaniyang sinta na pumasok sa “halamanan” at sumunod naman ito. Pinasigla sila ng palakaibigang mga babae sa Jerusalem: “Kumain kayo, O magkaibigan! Uminom at magpakalasing sa tamis ng pag-iibigan!”​—4:16; 5:1.

13. Ano ang napanaginipan ng dalaga, at papaano niya inilarawan sa mga babae sa korte ang kasintahan?

13 Ang panaginip ng dalaga (5:2–​6:3). Isinaysay ng Sulamita sa mga babae sa korte ang kaniyang panaginip, at doo’y nakarinig siya ng isang katok. Nasa labas ang kaniyang sinta, nakikiusap na pumasok. Ngunit siya ay nakahiga. Nang buksan niya ang pinto, naglaho ito sa dilim. Sinundan niya ito, subalit hindi niya makita. Sinaktan siya ng mga tanodbayan. Sinabi niya sa mga babae sa korte na kung makikita nila ang kaniyang kasintahan, ipangako nila na sasabihin nilang siya’y nahihibang sa pag-ibig. Tinanong nila kung ano ang pambihira sa lalaking ito. Sinimulan niya ang napakagandang paglalarawan, at sinabing ito ay “makisig at mamula-mula, ang pinakamainam sa sampung libo.” (5:10) Tinanong ng mga babae kung nasaan ito. Sinabi niya na ito ay nagpapastol sa mga halamanan.

14. Sa kabila ng kaniyang pamamaraan, papaano nabigo si Solomon sa panliligaw?

14 Huling panliligaw ni Solomon (6:4–​8:4). Lumapit si Haring Solomon sa Sulamita. Inulit niya kung gaano kaganda ito, marikit pa kaysa “animnapung reyna at walumpung kerida,” subalit tinanggihan siya nito. (6:8) Kaya lamang siya narito ay dahil nautusan siya sa malapit sa kampo ng hari. ‘Ano ba ang nakikita mo sa akin?’ tanong niya. Salig sa inosenteng tanong na ito, pinuri ni Solomon ang kaniyang kagandahan, mula talampakan hanggang sa tuktok ng ulo, subalit iniwasan ng dalaga ang lahat ng kaniyang pamamaraan. Buong-tapang siyang nagpahayag ng katapatan sa kaniyang pastol, na tinatawag ito. Sa ikatlong pagkakataon, pinapangako niya ang mga babae ng Jerusalem na huwag pukawin ang pag-ibig na labag sa kalooban niya. Pinayagan siya ni Solomon na makauwi. Bigo siya sa pag-ibig ng Sulamita.

15. (a) Papaano muling nakabalik ang dalaga sa kaniyang mga kuya? (b) Papaano nagtagumpay ang bukod-tanging debosyon?

15 Umuwi ang Sulamita (8:5-14). Nakita siya ng kaniyang mga kuya, ngunit hindi siya nag-iisa. “Nakahilig [siya] sa kaniyang sinisinta.” Naalaala niya na sa ilalim ng puno ng mansanas niya nasalubong ang kasintahan at nagpahayag siya dito ng di-magmamaliw na pag-ibig. Naalaala ng mga kuya niya ang kanilang “munting kapatid na babae,” ngunit sinabi niyang siya’y isa nang maygulang at matatag na babae. (8:8) Dapat na siyang payagang makapag-asawa. Sarilinin na ni Haring Solomon ang mga kayamanan! Kontento na siya sa kaniyang iisang ubasan, sapagkat mayroon siyang pinakamamahal. Sa kalagayan niya, ang pag-ibig ay sinlakas ng kamatayan at ang liyab nito ay gaya ng “liyab ni Jah.” Nagwagi ang bukod-tanging debosyon “na sintatag ng Sheol” at umakay ito sa maluwalhating sukdulan ng pakikipag-isa sa kaniyang kasintahang pastol.​—8:5, 6.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

16. Anong mahahalagang aral ang itinuturo sa awit?

16 Anong aral ang itinuturo ng awit na ito para sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon? Maliwanag na naitanghal ang katapatan, kataimtiman, at integridad sa banal na mga simulain. Itinuturo ng awit ang kalinisan at kawalang-malay ng isang tunay na mangingibig. Itinuturo nito na ang tunay na pag-ibig ay hindi madadaig, hindi mapupugto, hindi mabibili. Makikinabang ang mga kabataang Kristiyano at mga mag-asawa sa napakahusay na halimbawang ito ng katapatan kapag napapaharap sa tukso at sa pangrarahuyo.

17. (a) Papaano ipinakita ni Pablo na ang awit ay isinulat sa ikatututo ng kongregasyong Kristiyano? (b) Bakit ito maaalaala ni Pablo nang sumusulat siya sa mga taga-Corinto at taga-Efeso? (c) Anong kawili-wiling paghahambing ang maaaring gawin sa mga kinasihang sulat ni Juan?

17 Subalit sa kabuuan, ang awit ay mas kapaki-pakinabang sa kongregasyong Kristiyano. Kinilala ng unang siglong mga Kristiyano na ito’y bahagi ng kinasihang Kasulatan, at sumulat ang isa sa kanila: “Lahat ng nasulat noong una ay nasulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at ng kaaliwan ng mga Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Tiyak na naalaala ng manunulat, si Pablo, ang natatanging pag-ibig ng babaeng Sulamita sa kaniyang pastol nang sumulat siya: “Ako’y naninibugho sa inyo ng isang maka-diyos na paninibugho, yamang naipangako kong ipakasal kayo sa isang lalaki upang maiharap ko kayo kay Kristo na tulad ng isang malinis na dalaga.” Ang pag-ibig ni Kristo sa kongregasyon ay itinulad din ni Pablo sa pag-ibig ng lalaki sa asawang-babae. (2 Cor. 11:2; Efe. 5:23-27) Si Jesu-Kristo ay hindi lamang isang Mabuting Pastol kundi siya rin ang Hari na nag-aalok ng di-mailarawang kagalakan ng “pakikipag-isang dibdib” sa kaniyang pinahirang mga tagasunod sa langit.​—Apoc. 19:9; Juan 10:11.

18. Papaano makikinabang ang pinahirang mga tagasunod ni Kristo sa halimbawa ng babaeng Sulamita?

18 Tiyak na makikinabang ang pinahirang mga tagasunod ni Kristo Jesus sa halimbawa ng babaeng Sulamita. Dapat din silang maging tapat sa pag-ibig, di-natutukso ng materyal na kinang ng sanlibutan, at nananatiling timbang sa integridad hanggang makamit ang gantimpala. Ang isip nila’y nakapako sa mga bagay na nasa itaas at ‘hinahanap muna ang Kaharian.’ Malugod nilang tinatanggap ang pag-ibig ng kanilang Pastol, si Jesu-Kristo. Galak-na-galak sila na ang minamahal nila, bagaman di-nakikita, ay malapit at nananawagan na sila’y magpakatapang at daigin ang sanlibutan. Sa walang-kamatayang pag-ibig na sing-init ng “liyab ni Jah” para sa kanilang Haring Pastol, tiyak na sila ay magtatagumpay at makakaisa niya bilang kapuwa tagapagmana sa maluwalhating Kaharian ng mga langit. Gayon pakakabanalin ang pangalan ni Jah!​—Mat. 6:33; Juan 16:33.

[Mga talababa]

a Ang Judiong Mishnah (Yadayim 3:5).

b Commentary ni Clarke, Tomo III, pahina 841.

[Mga Tanong sa Aralin]