Aklat ng Bibliya Bilang 23—Isaias
Aklat ng Bibliya Bilang 23—Isaias
Manunulat: Si Isaias
Saan Isinulat: Sa Jerusalem
Natapos Isulat: Pagkaraan ng 732 B.C.E.
Panahong Saklaw: c. 778–pagkaraan ng 732 B.C.E.
1. Ano ang sitwasyon sa Gitnang Silangan, lalo na sa Israel at Juda, noong ikawalong siglo B.C.E.?
ANG mapanganib na anino ng malupit na hari ng Asirya ay nakayungyong sa mga imperyo at maliliit na kaharian ng Gitnang Silangan. Palasak ang sabwatan at pag-aalyansa. (Isa. 8:9-13) Ang apostatang Israel sa hilaga ay nadadaig ng pandaigdig na intriga, at sa timog, ang mga hari ng Juda ay nasa balag ng alanganin. (2 Hari, kab. 15-21) Inihahanda at sinisimulan nang gamitin ang mga bagong sandatang pandigma, kaya ang panahon ay lalong naging kasindak-sindak. (2 Cron. 26:14, 15) Saan makakasumpong ng pananggalang at kaligtasan? Bagaman ang pangalan ni Jehova ay nasa labi ng bayan at ng mga saserdote sa maliit na kaharian ng Juda, ang kanilang puso ay nakalagak sa iba, una’y sa Asirya at nang maglao’y sa Ehipto. (2 Hari 16:7; 18:21) Humina ang pananampalataya kay Jehova. Kung hindi tahasang sumasamba sa diyus-diyosan, naging paimbabaw naman ang kanilang pagsamba, salig sa pormalismo at hindi sa tunay na pagkatakot sa Diyos.
2. (a) Sino ang tumugon sa panawagan na magsalita para kay Jehova, at kailan? (b) Ano ang makahulugan tungkol sa pangalan ng propeta?
2 Kaya sino ang magsasalita para kay Jehova? Sino ang maghahayag ng kaniyang pagliligtas? “Narito ako! Suguin mo ako,” ang mabilis na tugon. Ang nagsalita ay si Isaias, na humuhula na bago pa nito. Iyon ang taon ng pagkamatay ng ketonging Haring Uzzias, noong mga 778 B.C.E. (Isa. 6:1, 8) Ang kahulugan ng Isaias ay “Kaligtasan ni Jehova” na, sa anyong baligtad, ay singhulugan ng pangalan ni Jesus (“Si Jehova ay Kaligtasan”). Buhat sa pasimula hanggang wakas, itinatampok ng hula ni Isaias na si Jehova ay kaligtasan.
3. (a) Ano ang nababatid hinggil kay Isaias? (b) Anong panahon ang saklaw ng kaniyang panghuhula, at sinong mga propeta ang nakasabay niya?
3 Si Isaias ay anak ni Amoz (hindi dapat ipagkamali kay Amos, isa ring propeta sa Juda). (1:1) Tahimik ang Kasulatan sa kaniyang pagsilang at kamatayan, bagaman ayon sa tradisyong Judio siya ay ipinalagari ng balakyot na Haring Manasses. (Ihambing ang Hebreo 11:37.) Ipinakikita ng aklat na siya ay nakatira sa Jerusalem kapiling ng asawang propetisa at dalawang anak na lalaking may makahulang mga pangalan. (Isa. 7:3; 8:1, 3) Naglingkod siya kasabay ng apat na hari ng Juda: sina Uzzias, Jotham, Achaz, at Ezekias; malamang na mula 778 B.C.E. (nang mamatay si Uzzias, o bago pa nito) hanggang sa matapos ang 732 B.C.E. (ika-14 na taon ni Ezekias), o di-kukulangin sa 46 taon. Tiyak na naisulat na niya ang kaniyang hula sa huling nabanggit na petsa. (1:1; 6:1; 36:1) Ang mga kasabay niyang propeta ay sina Mikas sa Juda at sina Oseas at Oded sa hilaga.—Mik. 1:1; Ose. 1:1; 2 Cron. 28:6-9.
4. Ano ang nagpapahiwatig na si Isaias ang sumulat sa aklat?
4 Tinitiyak ng Isaias 30:8 na ipinasulat ni Jehova kay Isaias ang makahulang mga paghatol: “Halika, iukit mo sa tapyas na bato, at isulat mo sa aklat, upang maingatan sa hinaharap, bilang patotoo sa panahong walang-hanggan.” Ang pagsulat niya ay kinilala ng mga sinaunang Judiong rabbi at ang aklat ay ginawa nilang una sa mga pangunahing propeta (sina Isaias, Jeremias, at Ezekiel).
5. Ano ang patotoo sa pagkakaisa ng aklat ni Isaias?
5 Bagaman ang pagbabago sa estilo ng aklat mula sa kabanata 40 ay pahiwatig di-umano na nagbago ang manunulat, o na may “Pangalawang Isaias,” ang pagbabago ng paksa ay sapat na upang pabulaanan ito. Sagana ang ebidensiya na si Isaias ang sumulat ng buong aklat na may pangalan niya. Halimbawa, ang pagkakaisa nito ay ipinahihiwatig ng pariralang, “ang Banal ng Israel,” na 12 beses lumilitaw sa kabanata 1 hanggang 39, at 13 beses sa kabanata 40 hanggang 66, o 25 beses na lahat; samantalang 6 na beses lamang itong lumilitaw sa ibang bahagi ng Kasulatang Hebreo. Nagpatotoo rin si apostol Pablo sa pagkakaisa ng aklat nang sumipi siya sa iba’t-ibang bahagi ng hula at iniukol ang lahat ng ito sa iisang manunulat, si Isaias.—Ihambing ang Roma 10:16, 20; 15:12 sa Isaias 53:1; 65:1; 11:1.
6. Papaano naglalaan ng kapani-paniwalang patotoo ang Dead Sea Scroll ng Isaias? (a) na ang ating mga Bibliya sa ngayon ay kumakatawan sa orihinal na kinasihang sulat at (b) na ang buong aklat ay isinulat ng iisang Isaias?
6 Pasimula noong 1947, may matatandang dokumento na natuklasan sa madidilim na yungib hindi malayo sa Khirbet Qumran, malapit sa hilaga-kanlurang aplaya ng Dagat na Patay. Ito ang Dead Sea Scrolls na naglalakip sa hula ni Isaias. Maganda ang pagkasulat nito at naingatang mabuti sa wikang Hebreo na ginamit bago ang panahong Masoretiko at ito’y mga 2,000 taon na, mula noong katapusan ng ikalawang siglo B.C.E. Kaya mas matanda ito nang mga sanlibong taon kaysa pinakamatandang umiiral na manuskrito ng tekstong Masoretiko, na saligan ng makabagong mga salin ng Kasulatang Hebreo. May ilang maliliit na pagbabago sa pagbaybay at ilang pagkakaiba sa balarila, subalit hindi ito lihis sa turo ng tekstong Masoretiko. Ito’y matibay na ebidensiya na ang mga Bibliya ngayon ay naglalaman ng orihinal na kinasihang mensahe ni Isaias. Isa pa, pinabubulaanan nito ang pag-aangkin ng mga kritiko na may dalawang “mga Isaias,” yamang ang kabanata 40 ay nagsisimula sa huling linya ng tudling na naglalaman ng kabanata 39, at ang pambungad nito ay tinatapos sa susunod na tudling. Kaya, tiyak na ang kalihim ay walang nalalamang anomang pagbabago sa manunulat o dibisyon ng aklat. a
7. Anong saganang patotoo ang umiiral hinggil sa pagiging-tunay ng Isaias?
7 Sagana ang patotoo sa pagiging-tunay ng Isaias. Bukod kay Moises, walang propeta na mas madalas sipiin ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya. Sagana rin ang ebidensiya ng kasaysayan at arkeolohiya, gaya ng makasaysayang ulat ng mga hari ng Asirya, sampu ng hexagonal prism ni Senacherib tungkol sa sarili niyang ulat sa pagkubkob ng Jerusalem. b (Isa., kab. 36, 37) Ang mga kagibaaan sa kinaroonan ng Babilonya ay patotoo rin sa katuparan ng Isaias 13:17-22. c At may buháy na patotoo sa bawat isa sa libu-libong Judio na nagbalik mula sa Babilonya, matapos palayain ni Haring Ciro na ang pangalan ay inihula ni Isaias halos 200 taóng patiuna. Malamang na naipakita kay Ciro ang makahulang kasulatan, pagkat matapos palayain ang mga nalabing Judio, sinabi niya na siya ay inatasan ni Jehova ukol dito.—Isa. 44:28; 45:1; Ezra 1:1-3.
8. Papaano pinatutunayan ng katuparan ng mga Mesyanikong hula ang pagiging-kinasihan ng aklat?
8 Namumukod-tangi sa aklat ni Isaias ang mga hula tungkol sa Mesiyas. Si Isaias ay tinawag na “propetang Ebanghelisador” pagkat napakarami niyang hula na natupad kay Jesus. Ang pagtrato kay Jesus ay matingkad na inihula sa Kabanata 53, matagal nang itinuturing na “mahiwagang kabanata” hindi lamang para sa bating na Etiope ng Gawa kabanata 8 kundi para sa mga Judio sa kabuuan, anupat waring ito ay ulat ng isa na mismong nakasaksi. Nasa Kristiyanong Kasulatang Griyego ang mga katuparan ng kagila-gilalas na kabanatang ito ng Isaias, gaya ng makikita sa sumusunod na mga paghahambing: 53 tal. 1—Juan 12:37, 38; 53 tal. 2—Juan 19:5-7; 53 tal. 3—Marcos 9:12; 53 tal. 4—Mateo 8:16, 17; 53 tal. 5—1 Pedro 2:24; 53 tal. 6—1 Pedro 2:25; 53 tal. 7—Gawa 8:32, 35; 53 tal. 8—Gawa 8:33; 53 tal. 9—Mateo 27:57-60; 53 tal. 10—Hebreo 7:27; 53 tal. 11—Roma 5:18; 53 tal. 12—Lucas 22:37. Sino kundi Diyos lamang ang maaaring pagmulan ng ganito kawastong hula?
NILALAMAN NG ISAIAS
9. Sa anong mga dibisyon mahahati ang nilalaman ng Isaias?
9 Ang tagpo ng unang anim na kabanata 1-6 ay sa Juda at Jerusalem at nagsasalaysay ng pagkakasala ng Juda kay Jehova at ng pag-aatas kay Isaias. Tinatalakay ng mga Kabanata 7 hanggang 12 ang bantang pagsalakay ng mga kaaway at ang pangakong pagliligtas ng Prinsipe ng Kapayapaan na inatasan ni Jehova. Ang mga Kabanata 13 hanggang 35 ay serye ng mga paghatol laban sa mga bansa at hula tungkol sa pagliligtas ni Jehova. Inilalarawan ng mga kabanata 36 hanggang 39 ang makasaysayang paghahari ni Ezekias. Ang tema ng huling mga kabanata, Isa 40 hanggang 66, ay ang paglaya sa Babilonya, ang pagbabalik ng mga nalabing Judio, at ang pagsasauli ng Sion.
10. (a) Bakit tinatawagan ni Isaias ang mga bansa na ituwid ang mga bagay-bagay? (b) Ano ang inihula niya para sa huling araw?
10 Ang mensahe ni Isaias “tungkol sa Juda at Jerusalem” (1:1–6:13). Hayun siya at nakasuot ng magaspang na kayo at sandalyas habang nakatayo sa Jerusalem at sumisigaw: Mga diktador! Kayong mga tao! Makinig kayo! Ang bansa ay maysakit mula ulo hanggang paa, at pinapagod ninyo si Jehova sa kadadasal sa kabila ng duguan ninyong mga kamay. Makipag-ayos sa kaniya, nang ang inyong mga kasalanan ay pumuting gaya ng niyebe. Sa huling araw ay itataas ang bundok ng bahay ni Jehova, at doo’y huhugos ang lahat ng bansa. Hindi na sila mag-aaral ng pakikidigma. Si Jehova ay itatanghal at pakakabanalin. Ngunit ang Israel at Juda, itinanim na isang mainam na baging, ay nagbunga ng mga ubas ng katampalasanan. Pinabubuti nila ang masama at pinasasamâ ang mabuti, at nagpakapantas sa sariling paningin.
11. Tinanggap ni Isaias ang kaniyang atas kasabay ng anong pangitain?
11 “Gayunma’y nakita ko si Jehova, na nakaupo sa isang mataas at matayog na luklukan,” sabi ni Isaias. Kasabay ng pangitain ay ang atas mula kay Jehova: “Humayo ka, at paulit-ulit mong sabihin sa bayang ito, ‘Makinig kayo.’ ” Hanggang kailan? “Hanggang ang mga lungsod ay mawasak.”—6:1, 9, 11.
12. (a) Papaano ginamit si Isaias at ang kaniyang mga anak bilang makahulang mga tanda? (b) Anong namumukod-tanging pangako ang ibinigay sa Isaias kabanata 9?
12 Mga bantang pagsalakay ng kaaway at pangako ng kaligtasan (7:1–12:6). Ginamit ni Jehova si Isaias at ang mga anak nito bilang ‘tanda at kababalaghan’ upang ipakita na mabibigo ang alyansa ng Sirya at Israel laban sa Juda ngunit mabibihag din ang Juda at isang nalabi lamang ang makababalik. Magdadalang-tao ang isang dalaga at manganganak ng lalaki. Ang pangalan niya? Emmanuel (“Sumasa Atin Ang Diyos”). Makinig ang mga alyadong kaaway ng Juda! “Magsama-sama kayo, at kayo’y magkakawatak-watak!” Magkakaroon ng taghirap, subalit magliliwanag ang isang dakilang ilaw sa bayan ng Diyos. Sapagkat isinilang ang isang batang lalaki, “at siya’y tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”—7:14; 8:9, 18; 9:6.
13. (a) Ano ang naghihintay sa walang-galang na taga-Asirya? (b) Ano ang ibubunga ng pamamahala ng “sanga” mula kay Jesse?
13 “Ah, ang taga-Asirya,” sigaw ni Jehova, “ang pamalo ng aking galit.” Matapos itong gamitin laban sa “apostatang Juda,” puputulin ng Diyos ang walang-galang na taga-Asirya. Sa wakas ay “magbabalik ang isang nalabi.” (10:5, 6, 21) Narito ang isang usbong, isang sanga mula sa tuod ni Jesse (ama ni David)! Ang “sanga” ay magpupuno sa katuwiran, magagalak sa kaniya ang buong sangnilalang, at wala nang mananakit o maninira, “pagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ni Jehova na gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (11:1, 9) Siya’y hudyat sa mga bansa, at isang lansangan ang lalabas sa Asirya sa pagbabalik ng nalabi. Lahat ay masayang sasalok sa mga bukal ng kaligtasan at mag-aawitan kay Jehova.
14. Anong pagbagsak ang inihula para sa Babilonya?
14 Paghahayag ng kapahamakan ng Babilonya (13:1–14:27). Si Isaias ay tumatanaw sa kabila pa ng Asirya hanggang sa Babilonya. Nagkakaingay ang mga bayan, humuhugong ang mga kaharian, nagsasama-sama ang mga bansa! Tinitipon ni Jehova ang hukbong pandigma! Ito’y madilim na araw para sa Babilonya. Magliliyab ang mga mukha, matutunaw ang mga puso. Ang Babilonya, “ang kaluwalhatian ng mga kaharian,” ay ibabagsak ng walang-awang mga Medo. Siya’y magiging ilang at pugad ng mababangis na hayop “sa lahat ng sali’t-saling lahi.” (13:19, 20) Kumilos ang mga patay sa Sheol upang tanggapin ang hari ng Babilonya. Mga uod ang higaan niya at mga bulate ang tatakip sa kaniya. Kahiya-hiya ang ‘nagniningning na tala sa umaga, anak ng bukang-liwayway’! (14:12) Nagtaas siya ng luklukan subalit ihahagis siyang isang bangkay kapag winalis ni Jehova ng kapuksaan ang Babilonya. Walang maiiwang pangalan, nalabi, supling, o inapo!
15. Humula si Isaias tungkol sa anong pandaigdig na mga pagwasak?
15 Pandaigdig na mga pagwasak (14:28–23:18). Itinuturo ni Isaias ang Filistia sa baybayin ng Dagat Mediteranyo at ang Moab sa timog-silangan ng Dagat na Patay. Ang hula tungkol sa pagwasak ng Diyos sa lahat ng dako ay pararatingin niya sa kabila pa ng hilagang hangganan ng Israel tungo sa Damasco ng Sirya, patimog at pababa sa Etiopia, at patawid ng Nilo tungo sa Ehipto. Binabanggit si Sargon na hari ng Asirya, hinalinhan ni Senacherib, na nagsugo kay Tartan laban sa Filisteong lungsod ng Asdod sa kanluran ng Jerusalem. Saka inutusan si Isaias na maghubo’t-hubad at lumakad na walang sapin sa loob ng tatlong taon. Sa gayo’y buong-tingkad niyang ilalarawan ang kamangmangan ng pagtitiwala sa Ehipto at Etiopia na dadalhing bihag ng taga-Asirya habang “nakalitaw ang kanilang pigi.”—20:4.
16. Anong kapahamakan ang inihula para sa Babilonya, Edom, at sa maiingay na mamamayan ng Jerusalem, at pati na sa Sidon at Tiro?
16 Natanaw ng tanod ang pagbagsak ng Babilonya at ng mga diyos nito, sampu ng kasakunaan ng Edom. Hinatulan ni Jehova ang maiingay na mamamayan ng Jerusalem na nagsasabi, “Tayo’y magsikain at magsiinom, pagkat bukas tayo’y mamamatay.” ‘Mamamatay nga kayo,’ sabi ni Jehova. (22:13, 14) Maging mga barko ng Tarsis ay aangal, at ang Sidon ay mapapahiya, pagkat si Jehova ay humula laban sa Tiro, upang “hiyain ang lahat ng mararangal sa lupa.”—23:9.
17. Anong hatol at anong pagsasauli ang inihula para sa Juda?
17 Ang paghatol at pagliligtas ni Jehova (24:1–27:13). Masdan ang Juda! Maglilinis si Jehova. Ang bayan at saserdote, ang alipin at panginoon, ang bumibili at nagbibili—lahat ay dapat mawala, pagkat nilabag nila ang kautusan at sinira ang walang-hanggang tipan. Sa takdang panahon ay titipunin ang mga bilanggo. Siya’y isang moog at kanlungan. Maghahanda siya ng piging sa kaniyang bundok at aalisin ang kamatayan magpakailanman, na pinapahiran ang luha sa lahat ng mukha. Ang magiging kasabihan ay “Ito ang ating Diyos.” “Ito si Jehova.” (25:9) Kaligtasan ang magiging pader ng Juda. Walang hanggang kapayapaan ang tatamasahin ng mga nagtitiwala kay Jehova, “sapagkat na kay Jah Jehova ang walang-hanggang Bato.” Ngunit ang balakyot “ay hindi matututo ng katuwiran.” (26:4, 10) Papaslangin ni Jehova ang mga kaaway, at isasauli niya ang Jacob.
18, 19. (a) Anong mga kaabahan at kagalakan ang inihula para sa Ephraim at Sion? (b) Sa pamamagitan ng anong mga tungkulin ililigtas at pamamahalaan ni Jehova ang kaniyang bayan?
18 Ang galit at pagpapala ng Diyos (28:1–35:10). Sa aba ng mga lasenggo sa Ephraim, ang kanilang “putong ng kagandahan” ay malalanta! Subalit si Jehova ay “magiging putong ng kaluwalhatian at kuwintas ng kagandahan” sa mga nalabi. (28:1, 5) Ang mga palalo sa Jerusalem ay nanganganlong sa kasinungalingan, sa halip na sa subók at mahalagang batong panulok sa Sion. Tatangayin sila ng baha. Natutulog ang mga propeta ng Jerusalem, at ang aklat ng Diyos ay sarado sa kanila. Nagpupuri ang kanilang labi, ngunit ang puso nila ay malayo. Balang araw ang bingi ay makaririnig ng mga salita sa aklat. Ang bulag ay makakakita at ang maamo ay magagalak.
19 Sa aba ng nanganganlong sa Ehipto! Ang masuwaying bayan ay naghahanap ng kawili-wili at mapandayang mga pangitain. Sila’y puputulin, subalit isasauli ni Jehova ang isang nalabi. Makikita nila ang Dakilang Guro, itatapon nila at ituturing na “marurumi” ang mga imahen! (30:22) Si Jehova ang Tagapagtanggol ng Jerusalem. Isang hari at mga prinsipe ay magpupuno sa katuwiran. Magdudulot siya ng walang-hanggang kapayapaan, katahimikan, at katiwasayan. Dahil sa panlilinlang ay tatangis ang mga sugo ng kapayapaan, ngunit si Jehova, ay magiging Hukom, Tagapagbigay-Kautusan, at Hari ng kaniyang bayan. Wala nang magsasabi, “Ako’y maysakit.”—33:24.
20. Anong galit ang pasasapitin sa mga bansa, subalit anong pagpapala ang naghihintay sa naisauling nalabi?
20 Pararatingin sa mga bansa ang galit ni Jehova. Babaho ang mga bangkay, at ang mga bundok ay matutunaw sa dugo. Ang Edom ay magiging ilang. Ngunit para sa mga tinubos, mamumulaklak ang desyerto at masasaksihan “ang kaluwalhatian ni Jehova, ang karilagan ng ating Diyos.” (35:2) Ang bulag, ang bingi, at ang pipi ay pagagalingin, at mabubuksan ang Daan ng Kabanalan para sa mga tinubos ni Jehova at sila’y babalik sa Sion sa kagalakan.
21. Papaano tinuya ng taga-Asirya ang Jerusalem?
21 Pinaurong ni Jehova ang Asirya noong panahon ni Ezekias (36:1–39:8). Praktikal ba ang payo na magtiwala kay Jehova? Ito ba’y papasa sa pagsubok? Noong ika-14 na taon ni Ezekias, sumalakay sa Palestina si Senacherib ng Asirya at pinagbantaan ang Jerusalem. Si Rabsaces, kinatawan niya na nagsasalita ng Hebreo, ay patuyang nagtanong sa mga nasa pader ng lungsod: ‘Nasaan ang inyong pagtitiwala? Sa Ehipto? Isang tambong lapok! Si Jehova? Walang diyos na makapagliligtas mula sa hari ng Asirya!’ (36:4, 6, 18, 20) Bilang pagsunod sa hari, ang mga Judio ay hindi kumibo.
22. Papaano tinugon ni Jehova ang panalangin ni Ezekias, at papaano Niya tinupad ang hula ni Isaias?
22 Nanalangin si Ezekias ukol sa kaligtasan alang-alang sa pangalan ni Jehova, at sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova na kakalawitin Niya ang ilong ng taga-Asirya at pababalikin ito sa pinanggalingan. Pinatay ng anghel ang 185,000 taga-Asirya, at si Senacherib ay nagmamadaling umuwi, at nang maglaon pinatay siya ng sarili niyang mga anak sa kaniyang templong pagano.
23. (a) Bakit kumatha si Ezekias ng isang awit kay Jehova? (b) Anong pagkakamali ang nagawa niya, na umakay sa anong hula ni Isaias?
23 Si Ezekias ay nagkasakit nang malubha. Gayunman, makahimalang pinaurong ni Jehova ang anino ng araw, bilang tanda na si Ezekias ay gagaling, at 15 taon ang nadagdag sa kaniyang buhay. Bilang pasalamat ay kumatha siya ng isang magandang awit ng papuri kay Jehova. Nang ang hari ng Babilonya ay magpadala ng mga sugo at paimbabaw na bumati sa kaniyang paggaling, nagkamali si Ezekias na ipakita ang mga kayamanan ng hari. Kaya inihula ni Isaias na balang araw lahat ng nasa bahay ni Ezekias ay dadalhin sa Babilonya.
24. (a) Anong balita ng kaaliwan ang inihayag ni Jehova? (b) Ang mga diyos ba ng mga bansa ay maihahalintulad sa kadakilaan ni Jehova, at nananawagan siya ukol sa anong pagsaksi?
24 Inaliw ni Jehova ang kaniyang mga saksi (40:1–44:28). Ang pambungad na salita ng kabanata 40, “Aliwin,” ay angkop sa natitirang bahagi ng Isaias. Isang tinig sa ilang ang sumisigaw: “Ihanda ang daan ni Jehova!” (40:1, 3) May magandang balita para sa Sion. Papastulan ni Jehova ang kawan, at kakalungin ang maliliit na kordero. Mula sa langit ay minamasdan niya ang balantok ng lupa. Sa ano ihahambing ang kadakilaan niya? Nagkakaloob siya ng kapangyarihan at dinamikong lakas sa mga napapagod at nahahapo. Ang mga imahen ng mga bansa ay gaya ng hangin at walang kabuluhan. Ang kaniyang pinili ay magiging tipan sa mga bayan at liwanag sa mga bansa upang buksan ang mga matang bulag. Sinasabi ni Jehova kay Jacob, “Inibig kita,” at sa silangan, sa kanluran, sa hilaga at sa timog: ‘Huwag kayong hahadlang! Ibalik ninyo ang aking mga anak.’ (43:4, 6) Hinahamon niya ang mga diyos na magharap ng mga saksi sa kanilang pagka-diyos. Ang mga Israelita ay mga saksi ni Jehova na nagpapatotoo na siya ang Diyos at Tagapagligtas. Ang Jeshurun (“Ang Matuwid,” ang Israel) ay pinangakuan niya ng kaniyang espiritu, at kaniyang hiniya ang mga gumagawa ng mga imaheng di-nakakakita, at walang-alam. Si Jehova ang Manunubos ng kaniyang bayan; ang Jerusalem ay muling tatahanan at ang templo ay muling itatayo.
25. Ano ang malalaman ng mga tao sa gagawing paghatol ni Jehova sa Babilonya at sa mga diyus-diyosan nito?
25 Paghihiganti sa Babilonya (45:1–48:22). Alang-alang sa Israel, aatasan ni Jehova si Ciro upang daigin ang Babilonya. Lahat ay makakakilala na si Jehova lamang ang Diyos, Maylikha ng langit, ng lupa, at ng tao. Tinutuya niya sina Bel at Nebo na mga diyos ng Babilonya, pagkat Siya lamang ang makapagsasabi ng wakas buhat sa pasimula. Ang dalagang anak ng Babilonya ay mauupo sa alabok, hubad at walang luklukan, at ang mga tagapayo niya ay susunuging gaya ng dayami. Sinasabi ni Jehova sa idolatrosong mga Israelita na may ‘mga leeg na bakal at mga ulong tanso’, na magkakaroon sila ng kapayapaan, katuwiran, at kasaganaan kung makikinig sila, subalit ‘walang kapayapaan para sa mga balakyot.’—48:4, 22.
26. Papaano aaliwin ang Sion?
26 Inaliw ang Sion (49:1–59:21). Pagkatapos ibigay ang kaniyang lingkod bilang liwanag sa mga bansa, si Jehova ay nanawagan sa mga nasa kadiliman: “Magsilabas kayo!” (49:9) Aaliwin ang Sion, at ang ilang ay magiging gaya ng Eden na hardin ni Jehova, umaapaw sa kagalakan, pagsasaya, at pagpapasalamat at ng tinig ng awitan. Papawiin ni Jehova ang langit na parang usok, ang lupa ay malulumang parang damit, at mamamatay ang mga tao na parang niknik. Bakit katatakutan ang pagdusta ng tao? Ang mapait na saro na ininuman ng Jerusalem ay ipaiinom din sa mga yumurak sa kaniya.
27. Anong mabuting balita ang ipapahayag sa Sion, at ano ang inihula tungkol sa ‘lingkod ni Jehova’?
27 ‘Gumising ka, O Sion, at bumangon ka mula sa alabok!’ Masdan ang sugong umaahon sa bundok na may mabuting balita at nananawagan sa Sion, “Ang iyong Diyos ay naghahari!” (52:1, 2, 7) Magsilabas sa maruruming dako at magpakalinis, kayong naglilingkod kay Jehova. Inilarawan ng propeta ang ‘alipin ni Jehova.’ (53:11) Kinamuhian at iniwasan, tinaglay niya ang ating mga kasalanan, gayunma’y siya ang sinaktan ng Diyos. Siya’y nasugatan dahil sa atin, ngunit tayo’y pinagaling ng kaniyang mga latay. Gaya ng tupa sa patayan, hindi siya nandahas ni nagsalita man ng may karayaan. Inihain niya ang kaniyang kaluluwa bilang handog upang dalhin ang pagkakasala ng marami.
28. Papaano inilalarawan ang napipintong pagpapala sa Sion, at kaugnay ng anong tipan?
28 Bilang asawang nagmamay-ari, inuutusan ni Jehova ang Sion na magalak dahil sa napipintong pagsilang. Bagaman nagdadalamhati at pinapaspas ng bagyo, siya’y magiging lungsod na may patibayang zafiro, mga dungawang rubi, at mga pintuan na batong maningning. Ang mga anak niya ay tuturuan ni Jehova, sasagana ang kanilang kapayapaan, at walang sandatang magtatagumpay laban sa kanila. “Kayong mga nauuhaw!” sigaw ni Jehova. Kung sila’y lalapit, siya ay makikipagtipan sa kanila “ayon sa mga kagandahang-loob [niya] kay David”; maglalaan siya ng pinunò at tagapanguna bilang saksi sa mga bansa. (55:1-4) Ang kaisipan ng Diyos ay mas mataas kaysa tao, at ang kaniyang salita ay magtatagumpay. Ang mga bating na nag-iingat ng kaniyang batas, saan mang bansa sila galing, ay tatanggap ng pangalan na mas maigi kaysa mga anak na lalaki at babae. Ang bahay ni Jehova ay tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bayan.
29. Ano ang sinasabi ni Jehova sa mga mananamba sa diyus-diyosan, ngunit anong katiyakan ang ibinibigay niya sa kaniyang bayan?
29 Bilang ang Mataas at Matayog, na ang pangalan ay banal, sinasabi ni Jehova sa mahahalay na mananamba sa idolo na hindi siya makikipagtalo sa Israel magpakailanman. Ang pag-aayuno nila ay mga balatkayo sa kasamaan. Ang kamay ni Jehova ay hindi napakaikli upang magligtas, ni napakakapal ang kaniyang tainga upang makinig, ‘kundi ang inyong mga kasalanan ang naghiwalay sa inyo sa Diyos,’ sabi ni Isaias (59:2) Bagaman umaasa sila sa liwanag ay nangangapa sila sa dilim. Sa kabilang dako, ang espiritu ni Jehova ay garantiya na ang kaniyang salita ay mananatili sa bibig ng kaniyang bayan hangang sa lahat ng sali’t-saling lahi, magpakailanman.
30. Papaano pinagaganda ni Jehova ang Sion, gaya ng inilalarawan ng anong bagong mga pangalan?
30 Pinagaganda ni Jehova ang Sion (60:1–64:12). “Bumangon ka, O babae, magsaboy ka ng liwanag, pagkat . . . ang kaluwalhatian ni Jehova ay sumilang.” Ngunit ang lupa’y nababalot ng makapal na dilim. (60:1, 2) Magliliwanag ang Sion at mamumulat ang kaniyang mga mata, at sisigla ang kaniyang puso sa pagdating ng kayamanan ng mga bansang sakay ng napakaraming kamelyo. Sila’y dadagsa gaya ng nagkukumpulang mga kalapati. Itatayo ng mga dayuhan ang kaniyang mga pader, paglilingkuran siya ng mga hari, at ang mga pintuan niya ay hindi magsasara. Ang Diyos ang kaniyang kaluwalhatian, at ang nag-iisa ay pararamihin nang isang libo at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Sinasabi ng lingkod ng Diyos na pinahiran siya ng espiritu ni Jehova upang ipahayag ang mabuting balita. Ang Sion ay may bagong pangalan, Nalulugod Ako sa Kaniya (Hephzibah), at ang kaniyang lupain ay tatawaging Inari Bilang Asawa (Beulah). (62:4, talababa) Iniutos na patagin ang daang pabalik mula sa Babilonya at itaas ang isang hudyat sa Sion.
31. Sino ang nanggagaling sa Edom, at anong panalangin ang binibigkas ng bayan ng Diyos?
31 Mula sa Bosra sa Edom ay lumabas ang isa na nakasuot ng pula. Sa galit ay niyurakan niya ang mga tao sa alilisan ng alak hanggang bumulwak ang dugo. Damang-dama ng bayan ang karumihan nila at sila ay naghandog ng malungkot na panalangin, ‘O Jehova, ikaw ang aming Ama. Kami ang putik at ikaw ang Magpapalayok. Huwag mong lubusin ang iyong galit. Kami ang iyong bayan.’—64:8, 9.
32. Di-gaya niyaong mga tumatalikod kay Jehova, sa ano maaaring magalak ang bayan ni Jehova?
32 “Mga bagong langit at isang bagong lupa”! (65:1–66:24). Ang mga tumalikod kay Jehova at bumaling sa diyos ng “Suwerte” at “Kapalaran” ay magugutom at mapapahiya. (65:11) Ang mga lingkod ng Diyos ay magagalak sa kasaganaan. Narito! Si Jehova ay lumilikha ng mga bagong langit at isang bagong lupa. Kay laking kagalakan at pagkakatuwa para sa Jerusalem at sa kaniyang bayan! Magtatayo ng mga bahay at magtatanim ng mga ubasan, samantalang ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama. Walang mananakit o maninira.
33. Anong kagalakan, kaluwalhatian, at kawalang-hanggan ang inihula para sa mga umiibig sa Jerusalem?
33 Ang langit ay kaniyang luklukan at ang lupa ay kaniyang tuntungan, kaya anong bahay ang maitatayo para kay Jehova? Isang bansa ang isisilang sa loob ng isang araw, at lahat ng umiibig sa Jerusalem ay inaanyayahang makigalak pagkat pararatingin ni Jehova ang kapayapaan na gaya ng isang ilog. Darating siyang gaya ng apoy—mga karo ng ipu-ipo na magpapadama ng galit niya laban sa lahat ng masuwayin, na lubhang mapusok at may ningas ng apoy. Ang kadakilaan niya’y ibabalita sa lahat ng bansa at malalayong kapuluan. Ang mga bagong langit at bagong lupa ay hindi magwawakas. Kaya, ang kaniyang mga lingkod at ang kanilang supling ay mananatili rin. Ang pagpipilian ay ito o ang walang-hanggang kamatayan.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
34. Ano ang ilan sa matitingkad na larawan na nagbibigay-puwersa sa mensahe ni Isaias?
34 Mula sa bawat anggulo, ang makahulang aklat ni Isaias ay kapaki-pakinabang na kaloob mula sa Diyos na Jehova. Nililiwanag nito ang matayog na kaisipan ng Diyos. (Isa. 55:8-11) Para sa mga tagapagsalita sa madla, ang Isaias ay isang mayamang bangan ng matitingkad na larawan na may puwersang gaya ng mga talinghaga ni Jesus. Idiniriin ang kamangmangan ng tao na gumagamit ng iisang puno bilang panggatong at bilang diyus-diyosan. Ipinadadama niya ang paghiga sa maigsing kama na may makitid na kumot, at ang mahimbing na tulog ng mga propetang gaya ng piping mga aso na tamad kumahol. Kung tayo, gaya ng payo ni Isaias, ay ‘magsasaliksik sa aklat ni Jehova at babasa nang malakas dito,’ mapahahalagahan natin ang mariing mensahe ni Isaias.—44:14-20; 28:20; 56:10-12; 34:16.
35. Papaano itinatampok ni Isaias ang Kaharian sa ilalim ng Mesiyas, at sa tagapagpauna nito, si Juan na Tagapagbautismo?
35 Itinatampok ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ng Mesiyas. Si Jehova ang kataas-taasang Hari at tagapagligtas. (33:22) Kumusta ang Mesiyas? Ayon sa patalastas ng anghel kay Maria, ang Isaias 9:6, 7 ay matutupad sa pagtanggap ni Jesus sa luklukan ni David; “siya ay maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magwawakas ang kaniyang kaharian.” (Luc. 1:32, 33) Ayon sa Mateo 1:22, 23 ang pagsilang ng birhen kay Jesus ay katuparan ng Isaias 7:14 at na siya si “Emmanuel.” Mga 30 taon pagkaraan, nangaral si Juan na Tagapagbautismo na “ang kaharian ng langit ay malapit na.” Ang apat na manunulat ng Ebanghelyo ay pawang sumisipi sa Isaias 40:3 upang ipakita na ito ang Juan na ‘sumisigaw sa ilang.’ (Mat. 3:1-3; Mar. 1:2-4; Luc. 3:3-6; Juan 1:23) Nang mabautismuhan siya, si Jesus ay naging Mesiyas—ang Pinahiran ni Jehova, ang sanga o ugat ni Jesse—na magpupunò sa mga bansa. Sa kaniya sila dapat umasa, bilang katuparan ng Isaias 11:1, 10.—Roma 15:8, 12.
36. Anong saganang katuparan ng hula ang malinaw na nagpapakilala sa Mesiyas na Hari?
36 Patuloy na ipinakikilala ni Isaias ang Mesiyas na Hari! Binasa ni Jesus ang balumbon ni Isaias upang ipakita na siya ang Pinahiran ni Jehova, at saka “ipinahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat,” ayon sa kaniya, “dahil dito ay sinugo ako.” (Luc. 4:17-19, 43; Isa. 61:1, 2) Ang apat na Ebanghelyo ay punô ng detalye ng makalupang ministeryo at kamatayan ni Jesus na inihula sa Isaias kabanata 53. Narinig ng di-nananampalatayang mga Judio ang mabuting balita ng Kaharian at nakita ang mga himala ni Jesus ngunit hindi nila naunawaan, bilang katuparan ng Isaias 6:9, 10; 29:13; at 53:1. (Mat. 13:14, 15; Juan 12:38-40; Gawa 28:24-27; Roma 10:16; Mat. 15:7-9; Mar. 7:6, 7) Si Jesus ay naging batong katitisuran ngunit siya’y ginawa ni Jehova na batong panulok sa Sion at saligan ng kaniyang espirituwal na bahay ayon sa Isaias 8:14 at 28:16.—Luc. 20:17; Roma 9:32, 33; 10:11; 1 Ped. 2:4-10.
37. Papaano sinipi at ikinapit ng mga apostol ni Jesus ang Isaias?
37 Pinakinabangan ng mga apostol ni Jesu-Kristo ang hula ni Isaias, at ikinapit nila ito sa ministeryo. Halimbawa, nang ipinakikita na kailangan ang mga mangangaral upang mapatibay ang pananampalataya, sinipi ni Pablo ang sinabi ni Isaias: “Kay ganda ng mga paa niyaong naghahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!” (Roma 10:15; Isa. 52:7; tingnan din ang Roma 10:11, 16, 20, 21.) Sumipi rin si Pedro sa Isaias upang ipakita ang kawalang-hanggan ng mabuting balita: “Ang ‘lahat ng laman ay gaya ng damo, at ang kaluwalhatian nito ay gaya ng bulaklak ng damo; ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay nalalagas, ngunit ang salita ni Jehova ay nananatili magpakailanman.’ Ito ang ‘salitang’ ipinahayag sa inyo bilang mabuting balita.”—1 Ped. 1:24, 25; Isa. 40:6-8.
38. Anong maluwalhating tema ng Kaharian ang iginuguhit sa Isaias, at ipinagpapatuloy din ng ibang manunulat sa Bibliya?
38 Buong-kaluwalhatiang iginuguhit ni Isaias ang pag-asa sa Kaharian! Yaon ang “mga bagong langit at isang bagong lupa” na kung saan “isang hari ay magpupuno sa katuwiran” at ang mga prinsipe ay mamamahala sa katarungan. Kay laking sanhi ng kagalakan at pagkakatuwa! (65:17, 18; 32:1, 2) Muli, ay sinisipi ni Pedro ang masayang mensahe ng Isaias: “Ngunit naghihintay tayo ng mga bagong langit at isang bagong lupa ayon sa pangako [ng Diyos], at dito mananahan ang katuwiran.” (2 Ped. 3:13) Ang kamangha-manghang tema ng Kaharian ay sumasapit sa sukdulang kaluwalhatian sa pangwakas na mga kabanata ng Apocalipsis.—Isa. 66:22, 23; Apoc. 21:1-5.
39. Sa anong kagila-gilalas na pag-asa umaakay ang Isaias?
39 Kaya, ang aklat ni Isaias, bagaman naglalaman ng matutulis na pagtuligsa sa mga kaaway ni Jehova at sa mga mapagpaimbabaw na nag-aangking sila’y mga lingkod niya, sa matayog na himig ay umaakay sa kagila-gilalas na pag-asa sa Kaharian ng Mesiyas na siyang magpapabanal sa dakilang pangalan ni Jehova. Malaki ang nagagawa nito sa pagpapaliwanag ng kagila-gilalas na mga katotohanan ng Kaharian ni Jehova at sa pagpapasigla sa masayang paghihintay ng “kaligtasan mula sa kaniya.”—Isa. 25:9; 40:28-31.
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 1221-3.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 957; Tomo 2, pahina 894-5.
c Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 324.
[Mga Tanong sa Aralin]