Aklat ng Bibliya Bilang 29—Joel
Aklat ng Bibliya Bilang 29—Joel
Manunulat: Si Joel
Saan Isinulat: Sa Juda
Natapos Isulat: c.820 B.C.E. (?)
1. Anong madulang mga kaganapan ang itinatampok ng hula ni Joel?
PARANG alon ang kapal ng mga kulisap na nagwasak sa lupain. Ang pagkawasak ay nilubos ng apoy at liyab sa kanilang unaha’t hulihan. Laganap ang taggutom. Nagdilim ang araw at naging dugo ang buwan, sapagkat malapit na ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova. Iniutos niya na ihanda ang karit at tipunin ang mga bansa sa pagkalipol. Gayunman, may ilang “makaliligtas.” (Joel 2:32) Lubhang kapana-panabik at kapaki-pakinabang ang pagrerepaso sa madulang mga pangyayari sa hula ni Joel.
2. Ano ang nalalaman tungkol kay Joel at sa mga kalagayan nang siya’y humula?
2 Ipinakikilala ang aklat bilang “salita ni Jehova na dumating kay Joel na anak ni Pethuel.” Ito ang tanging masasabi ng Bibliya tungkol kay Joel. Ang idiniriin ay ang makahulang mensahe at hindi ang manunulat. Ang kahulugan ng pangalang “Joel” (Hebreo, Yoh·ʼelʹ) ay inaakalang “Si Jehova Ay Diyos.” Ipinahihiwatig ng pagiging pamilyar ni Joel sa Jerusalem, sa templo nito, at detalye ng paglilingkod sa templo, na maaaring isinulat niya ang kaniyang aklat sa Jerusalem o sa Juda.—Joel 1:1, 9, 13, 14; 2:1, 15, 16, 32.
3. Bakit iminumungkahi ang petsang humigit-kumulang 820 B.C.E. para sa hula ni Joel?
3 Kailan isinulat ang aklat ni Joel? Hindi ito matitiyak. Iba-iba ang petsang ibinibigay ng mga iskolar, mula 800 B.C.E. hanggang 400 B.C.E. Iminumungkahi ng ulat ng paghatol ni Jehova sa mga bansa sa libis ni Josaphat na ito ay isinulat ni Joel matapos ang dakilang tagumpay ni Jehova alang-alang sa hari ng Juda, samakatuwid ay pagkatapos maghari ni Josaphat noong 936 B.C.E. (Joel 3:2, 12; 2 Cron. 20:22-26) Malamang na sumipi si propeta Amos mula sa Joel. Kung gayon, ang hula ni Joel ay naisulat bago niyaong kay Amos, na humula sa pagitan ng 829 at 804 B. C. E. (Joel 3:16; Amos 1:2) Ang mas maagang petsa ay maaari ding ipahiwatig ng dako ng aklat sa pagitan ng Oseas at ng Amos sa Hebreong kanon. Kaya ang petsa ng hula ni Joel ay humigit-kumulang 820 B.C.E.
4. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Joel?
4 Ang pagiging-totoo ng hula ay pinatutunayan ng mga pagsipi at pagtukoy ng mga Kristiyanong Kasulatang Griyego. Noong Pentekostes, binanggit ni Pedro si “propeta Joel” at ikinapit ang isa sa mga hula nito. Sinipi ni Pablo ang hula at ipinakita ang katuparan nito kapuwa sa Judio at di-Judio. (Joel 2:28-32; Gawa 2:16-21; Roma 10:13) Natupad lahat ang mga hula ni Joel laban sa kalapit na mga bansa. Ang dakilang lungsod ng Tiro ay kinubkob ni Nabukodonosor at nang maglaon ang pulong-lungsod ay winasak ni Alejandrong Dakila. Nalipol din ang Filistia. Ang Edom ay naging ilang. (Joel 3:4, 19) Kailanma’y hindi pinag-alinlanganan ng mga Judio ang pagiging-kanonikal ng Joel, at ang aklat ay ginawa nilang ikalawa sa di-umano’y pangalawahing mga propeta.
5. Papaano naging kapansin-pansin ang pagiging-makahulugan ng hula ni Joel?
5 Ang estilo ng Joel ay matingkad at makahulugan. Gumagamit siya ng pag-ulit upang magdiin at ng nakapupukaw na paghahalintulad. Ang mga balang ay parang isang bayan, bansa at hukbo. Ang ngipin nila’y gaya ng sa leon, sila’y tulad ng mga kabayo, at ang hugong nila’y gaya ng mga karong pandigma. Sinisipi ng The Interpreter’s Bible ang isang autoridad sa mga balang: “Walang kaparis ang kawastuan ng paglalarawan ni Joel sa pagsalakay ng mga balang.” a Pakinggan ang hula ni Joel hinggil sa kakila-kilabot na araw ni Jehova.
NILALAMAN NG JOEL
6. Anong nakasisindak na pangitain ang unang nakita ni Joel?
6 Hinubaran ng mga kulisap ang lupain; malapit na ang araw ni Jehova (1:1–2:11). Nakasisindak ang pangitain ng kapahamakan na nakita ni Joel! Isang mapangwasak na pagsalakay ng uod, ng balang, ng tipaklong, at ng ipis. Nakalbo ang mga puno ng ubas at igos, at nagkagutom sa lupain. Walang mga handog na butil o inumin para kay Jehova. Sinabi ni Joel sa mga saserdote at lingkod ng Diyos na sila’y magsisi. “Sa aba ng araw yaon,” pananangis niya, “pagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, at darating ito na gaya ng kagibaan mula sa Makapangyarihan-sa-Lahat!” (1:15) Palakad-lakad ang mga hayop sa kalituhan. Sinalanta ng mga liyab ang pastulan at kakahuyan, at ang ilang ay sinupok ng apoy.
7. Papaano inilalarawan ang sumasalakay na hukbo ni Jehova?
7 Ibigay ang hudyat! “Hipan ang pakakak sa Sion, at humiyaw ng pagdidigma sa aking banal na bundok.” (2:1) Malapit na ang araw ni Jehova, ng kadiliman at ng pagkulimlim. Narito! Isang bayan na makapal at makapangyarihan. Ang lupaing tulad-Eden ay gagawing tiwangwang. Walang makaliligtas. Tumatakbo silang gaya ng kabayo at humuhugong na gaya ng karong pandigma. Tulad sa kawal ay kanilang dinadaluhong ang lungsod, inaakyat ang mga pader at ang bahay at ang mga bintana. Naliligalig ang lupain at ang langit ay umuuga. Si Jehova ang nangunguna sa makapal na hukbong ito. “Ang araw ni Jehova ay dakila at kakila-kilabot, sino ang makatatagal?”—2:11.
8. (a) Papaano lamang mapipigilan ang pagsalakay ng mga kulisap? (b) Anong kabayaran ang ipinangako ni Jehova?
8 Bumaling kay Jehova; ibubuhos ang espiritu (2:12-32). May magagawa upang mapigil ang pagsalakay. Nagpayo si Jehova: “Manumbalik kayo sa akin nang buong-puso, . . . hapakin ang inyong puso, hindi ang inyong damit; at manumbalik kayo kay Jehova na inyong Diyos.” (2:12, 13) Isang pakakak ang nanawagan sa banal na pagtitipon. Kung manunumbalik sila, “si Jehova ay magiging masigasig ukol sa kaniyang lupain at mahahabag siya sa kaniyang bayan.” (2:18) Darating ang pagpapala at pagpapatawad, at pauurungin ang sumasalakay. Sa halip na masindak, dapat magalak at magkatuwa, pagkat sasagana ang bunga at ang trigo at ang bagong alak at langis. Babayaran ni Jehova ang mga taon na napinsala ng kaniyang hukbo ng mga balang. Nangako siya: “Kayo’y kakain at mabubusog, at pupurihin ninyo ang pangalan ni Jehova na inyong Diyos, pagkat ginawan niya kayo ng mga kababalaghan.” (2:26) Malalaman nila na si Jehova lamang ang Diyos sa gitna ng Israel.
9. Anong nakapupukaw-damdaming hula ang sumusunod?
9 “Pagkatapos nito ay ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawat uri ng laman,” sabi ni Jehova, “at ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magsisipanghula. Ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip. Ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain. At sa araw na yaon ay ibubuhos ko ang aking espiritu maging sa inyong mga aliping lalaki at babae.” Lilitaw ang nakasisindak na mga tanda sa araw at sa buwan bago dumating ang araw ni Jehova. Ngunit may makaliligtas. “At mangyayari na sinomang tatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas na buháy.”—2:28-32.
10. Ano ang magaganap sa libis ni Josaphat?
10 Hahatulan ang mga bansa sa “libis ni Josaphat” (3:1-21). Ibabalik ni Jehova ang mga bihag ng Juda at Jerusalem. Titipunin ang mga bansa; ang Tiro, Sidon, at Filistia ay pagbabayarin sa paghamak at pag-alipin sa bayan ni Jehova. Pakinggan ang hamon niya sa mga bansa: “Pakabanalin ang digmaan! Pasiglahin ang malalakas na lalaki! Hayaan silang lumapit! Hayaang umahon ang lahat ng lalaking mandirigma!” (3:9) Gawing tabak ang mga sudsod at magsilusong sila sa libis ni Josaphat (nangangahulugang, “Si Jehova Ay Hukom”). Umaalingaw-ngaw ang utos ni Jehova: “Gamitin ang karit, pagkat hinog na ang ani. . . . Paapawin ang pisaan ng ubas; pagkat sila’y ubod-samâ. Mga karamihan, mga karamihan ay nasa libis ng pasiya, malapit na ang araw ni Jehova.” (3:13, 14) Magdidilim ang araw at buwan. Dadagundong si Jehova mula sa Sion, mayayanig ang langit at lupa, ngunit siya’y magiging moog at kanlungan sa kaniyang bayan. Malalaman nila na siya’y si Jehovang kanilang Diyos.
11. Papaano inilalarawan ni Joel ang kasunod na mga pagpapala ni Jehova?
11 Mala-paraisong kasaganaan ang makikita “sa araw na yaon”! (3:18) Tutulo ang alak sa bundok, aagos ang gatas sa burol, babaha ang saganang tubig sa batis. Mula sa bahay ni Jehova ay babalong ang nakagiginhawang bukal. Maiilang ang Ehipto at ang Edom dahil sa pagbubo ng walang-salang dugo sa Juda, ngunit ang Juda at Jerusalem ay tatahanan magpakailanman, “at si Jehova ay maninirahan sa Sion.”—3:21.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
12. Anong makahulang kahalagahan tungkol sa hula ni Joel ang idiniin ni Pedro noong Pentekostes?
12 Maraming nagsasabi na si Joel ay propeta ng lagim. Ngunit para sa bayan ng Diyos, siya’y tagapaghayag ng maluwalhating balita ng katubusan. Ito ang idiniriin ni apostol Pablo sa Roma 10:13: “Ang sinomang tatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Joel 2:32) Ang hula ni Joel ay nagkaroon ng kapansin-pansing katuparan noong Pentekostes 33 C.E. Noo’y kinasihan si Pedro upang ipaliwanag na ang pagbubuhos ng espiritu ng Diyos sa mga alagad ni Kristo ay katuparan ng hula ni Joel. (Gawa 2:1-21; Joel 2:28, 29, 32) Idiniin ni Pedro ang makahulang kahalagahan ng salita ni Joel: “Sinomang tatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”—Gawa 2:21, 39, 40.
13. (a) Anong kapansin-pansing pagkakatulad ang makikita sa Joel at Apocalipsis? (b) Anong pagkakahawig sa Joel ang makikita sa ibang hula?
13 Kapansin-pansin ang pagkakahawig ng salot ng balang na inilarawan ni Joel at ng salot sa hula ng Apocalipsis kabanata 9. Ang araw ay nagdilim. Ang mga balang ay gaya ng mga kabayong pandigma, ang hugong nila ay gaya ng mga karo, at sila’y may mga ngiping gaya ng sa leon. (Joel 2:4, 5, 10; 1:6; Apoc. 9:2, 7-9) Ang hula sa Joel 2:31 tungkol sa pagdidilim ng araw ay kahawig ng mga pananalita ng Isaias 13:9, 10 at Apocalipsis 6:12-17, at ng Mateo 24:29, 30, kung saan ipinakikita ni Jesus na ang hula ay kumakapit sa pagparito niya sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian bilang Anak ng tao. Ang mga salita ng Joel 2:11, “ang araw ni Jehova ay dakila at kakila-kilabot,” ay maliwanag na tinutukoy ng Malakias 4:5. Ang kahawig na mga paglalarawan sa ‘araw ng kadiliman at ng kulimlim’ ay masusumpungan din sa Joel 2:2 at Zefanias 1:14, 15.
14. Anong mga talata sa Joel ang dumadakila sa soberanya at kagandahang-loob ni Jehova?
14 Inaasam-asam ng Apocalipsis ang “dakilang araw” ng galit ng Diyos. (Apoc. 6:17) Inihula rin ito ni Joel, upang ipakita na sa dakilang “araw ni Jehova,” ang mga tumatawag sa kaniya ukol sa kaligtasan at katubusan “ay maliligtas.” “Si Jehova ay magiging kanlungan para sa kaniyang bayan.” Isasauli ang kasaganaang tulad-sa-Eden: “Sa araw na yaon ay tutulo ang matamis na alak sa mga bundok, aagos ang gatas sa mga burol, at babahâ nang sagana sa lahat ng mga batis ng Juda. At mula sa bahay ni Jehova ay babalong ang nakagiginhawang bukal.” Sa paghaharap ng maluwalhating pag-asa ng pagsasauli, itinatanghal din ni Joel ang soberanya ng Diyos na Jehova at nagsusumamo siya sa mga tapat-puso salig sa dakila Niyang awa: “Manumbalik kayo kay Jehova na inyong Diyos, pagkat siya’y mapagmahal at maawain, banayad sa galit at sagana sa kagandahang-loob.” Lahat ng tutugon sa kinasihang pagsamong ito ay aani ng walang-hanggang pakinabang.—Joel 2:1, 32; 3:16, 18; 2:13.
[Talababa]
a 1956, Tomo VI, pahina 733.
[Mga Tanong sa Aralin]