Aklat ng Bibliya Bilang 30—Amos
Aklat ng Bibliya Bilang 30—Amos
Manunulat: Si Amos
Saan Isinulat: Sa Juda
Natapos Isulat: c. 804 B.C.E.
1. Sino si Amos?
HINDI propeta ni anak ng propeta kundi tagapag-alaga ng tupa at ng mga puno ng sikomoro—ito’y si Amos nang siya’y tawagin at isugo ni Jehova upang humula hindi lamang sa sariling bayan ng Juda kundi lalo na sa hilagang kaharian ng Israel. Isa siya sa mga propetang tinutukoy sa 2 Hari 17:13, 22, 23. Mula siya sa Tekoa sa Juda, mga 16 na kilometro sa timog ng Jerusalem at isang araw kung lalakbayin mula sa timugang hangganan ng sampung-tribong kaharian ng Israel.—Amos 1:1; 7:14, 15.
2. Papaano matitiyak ang panahon ng paghula ni Amos?
2 Ayon sa pambungad na talata ng hula siya’y naging propeta noong panahon ni Uzzias na hari ng Juda at ni Jeroboam II na anak ni Joas, hari ng Israel, dalawang taon bago naganap ang pambihirang lindol. Inilalagay nito ang hula sa loob ng 26-na-taóng yugto mula 829 hanggang mga 804 B.C.E., nang magsanib ang pagpupunò ng dalawang hari. Binabanggit ni propeta Zacarias ang mapangwasak na lindol noong panahon ni Uzzias, nang nagsitakas ang mga tao dahil sa takot. (Zac. 14:5) Ayon sa Judiong mananalaysay na si Josephus, nagkalindol nang si Uzzias ay may-kapangahasang maghandog ng insenso sa templo. Gayunman, ang lindol na binabanggit ni Amos ay tila naganap nang maaga pa sa paghahari ni Uzzias.
3. (a) Bakit napapanahon ang mensahe ng kaabahan ni Amos? (b) Papaano niya dinakila ang soberanya ni Jehova?
3 Ang Amos ay nangangahulugang “Maging Pasanin” o “Magdala ng Pasanin.” Bagaman naghatid siya sa Israel at Juda (at sa maraming bansang pagano) ng mabibigat na mensahe ng kaabahan, may mensahe din siya ng kaaliwan tungkol sa pagsasauli ng bayan ni Jehova. Maraming dahilan kung bakit dapat pasanin ng Israel ang kaabahan. Palasak noon ang karangyaan, maluhong pamumuhay, at ang kahalayan. Nakalimutan nila ang Kautusan ni Jehova. Ang kasaganaan ay bumulag sa kanila sa katotohanan na sila’y gaya ng prutas na sobra ang pagkahinog, nabubulok na sila tungo sa pagkalipol. Inihula ni Amos na sa loob ng ilang maikling taon, ang sampung-tribong kaharian ay itatapon sa kabila pa roon ng Damasco. Dito’y dinadakila niya ang katuwiran at soberanya ni Jehova, na 21 beses niyang tinutukoy bilang “Soberanong Panginoon.”—Amos 1:8.
4. Ang pagiging-totoo ng Amos ay pinatutunayan ng katuparan ng anong mga hula?
4 Ang pagiging-totoo ng Amos ay pinatutunayan ng katuparan ng hulang ito at ng marami pang iba. Inihula rin ng propeta na ang mga kaaway na bansa sa paligid—ang Sirya, Filistia, Tiro, Edom, Amon, at Moab—ay pawang lalamunin ng apoy ng pagkapuksa. Pinatutunayan ng kasaysayan na ang mga tanggulang ito ng kaaway ay isa-isang nawasak. Naging mas masahol ang Juda at Israel sapagkat tinalikdan nila si Jehova at bumaling sa huwad na pagsamba. Ang nakukutaang lungsod ng Samaria, bilang huling tanggulan ng Israel, ay bumagsak noong 740 B.C.E. matapos kubkubin ng hukbo ng Asirya sa ilalim ni Salmaneser V. (2 Hari 17:1-6) Hindi natuto ang Juda sa sinapit ng kapatid na bansa, kaya ito ay nawasak noong 607 B.C.E.
5. Papaano pinatutunayan ng arkeolohiya ang ulat sa Amos?
5 Hinatulan ni Amos ang Israel sa maluhong pamumuhay nito, pagkat dinadaya ng mayayaman ang mga dukha sa pagtatayo ng “mga bahay na garing,” na doon sila’y marangyang nagkakainan at nag-iinuman. (Amos 3:15; 5:11, 12; 6:4-7) Natuklasan ng mga arkeologo ang ebidensiya ng kasaganaang ito. Nakahukay sila ng mga kagamitang garing sa Samaria. Sinasabi ng Encyclopedia of Archaeological Excavations in the Holy Land: “Dalawang pangunahing grupo ang makikilala: 1. Mga lapida na inukit nang malalim, . . . 2. Mga lapida na inukit nang mababaw, at pinalamutian ng mahahalagang bato, kinulayang bubog, gintong palarâ, atbp. . . . Ang garing ay produkto ng sining ng Fenicia, at malamang na ginamit ang mga ito na pangkalupkop sa mga muwebles sa palasyo ng mga hari ng Israel. Binabanggit ng Bibliya ang ‘bahay na garing’ na itinayo ni Ahab (1 Hari 22:39) at ang ‘mga higaang garing’ na sagisag ng maluhong buhay sa Samaria ayon sa mga salitang pagsaway ni Amos (6:4). a
6. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Amos?
6 Tiyak na ang aklat ni Amos ay kabilang sa kanon ng Bibliya. Ang pagiging-totoo nito ay pinatutunayan ng paliwanag ni Esteban sa tatlong talata sa Gawa 7:42, 43 at ng pagsipi ni Santiago mula sa aklat sa Gawa 15:15-18.—Amos 5:25-27; 9:11, 12.
NILALAMAN NG AMOS
7. Nagbabala si Amos tungkol sa paghatol ni Jehova laban sa anong mga bansa?
7 Mga hatol laban sa mga bansa (1:1–2:3). “Si Jehova—dadagundong siya mula sa Sion.” (1:2) Nagbabalâ si Amos tungkol sa Kaniyang nag-aapoy na hatol laban sa mga bansa. Giniik ng Damasco (Sirya) ang Galaad ng panggiik na bakal. Ang mga Judiong bihag ay ibinigay ng Gaza (Filistia) at Tiro sa Edom. Sa Edom mismo ay salat ang kaawaan at pag-ibig-sa-kapatid. Sinalakay ng Amon ang Galaad. Sinunog ng Moab ang mga buto ng hari ng Edom upang gawing apog. Ang kamay ni Jehova ay laban sa lahat ng bansang ito, at sinasabi niya: “Hindi ko ito iuurong.”—1:3, 6, 8, 9, 11, 13; 2:1.
8. Bakit ipinahayag din sa Juda at Israel ang paghatol ni Jehova?
8 Hatol laban sa Juda at Israel (2:4-16). Hindi rin iuurong ni Jehova ang galit Niya laban sa Juda. Nagkasala sila ng “pagtatakwil sa kautusan ni Jehova.” (2:4) At ang Israel? Dahil sa kanila’y nilipol ni Jehova ang malalakas na Amorheo at ibinigay sa kanila ang lupain. Nagbangon siya ng mga Nazareo at mga propeta, ngunit pinilit nila ang mga Nazareo na lumabag sa panata at inutusan ang mga propeta: “Huwag kayong manghuhula.” (2:12) Uugain ni Jehova ang kanilang mga patibayan na gaya ng karitong punô ng inaning trigo. Ang malalakas na lalaki ay tatakas nang hubad.
9. Ano ang patotoo na si Jehova ang nagsalita, at laban kanino pantanging humula si Amos?
9 Ang pakikipagtuos sa Israel (3:1–6:14). Sa tulong ng tumatawag-pansing mga paglalarawan, idiniin ni Amos na ang kaniyang panghuhula ay patotoo na si Jehova ang nagsalita. “Sapagkat ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng anoman malibang ihayag ang kaniyang lihim sa mga lingkod niyang propeta. . . . Nagsalita ang Soberanong Panginoong Jehova! Sino ang hindi huhula?” (3:7, 8) Si Amos ay humula nga laban sa maibigin-sa-kalayawang mga magnanakaw sa Samaria. Aagawin sila ni Jehova sa maluluho nilang higaan, at masisira ang kanilang mga bahay na garing.
10. Ano ang ipinaalaala ni Jehova sa Israel, at anong araw ng kaabahan ang nakatakdang dumating?
10 Nirepaso ni Jehova ang mga parusa at pagtutuwid niya sa Israel. Limang beses silang pinaalalahanan: “Hindi kayo nanumbalik sa akin.” Kaya, O Israel, “humanda ka sa pagdating ng iyong Diyos.” (4:6-12) Umawit si Amos ng isang makahulang panambitan: “Ang dalaga, ang Israel, ay nabuwal; hindi siya makabangon. Pinabayaan siya sa sariling lupa; walang magbabangon sa kaniya.” (5:2) Si Jehova, Maygawa ng kamangha-manghang mga bagay sa langit at lupa, ay paulit-ulit na nanawagan sa Israel na hanapin siya at mabuhay. “Hanapin ninyo ang kabutihan, at hindi ang masama, upang kayo ay mabuhay.” (5:4, 6, 14) Ano ang idudulot ng araw ni Jehova sa kanila? Yao’y magiging araw ng kaabahan. Gaya ng baha, sila ay tatangayin bilang mga tapon sa kabila pa roon ng Damasco, ang mga bahay na garing na pinagpipistahan nila ay madudurog at mawawasak.
11. Anong autoridad ang iginigiit ni Amos sa paghula laban sa Israel?
11 Humula si Amos sa kabila ng pagsalansang (7:1-7). Ipinakita ni Jehova sa propeta ang isang panghulog sa gitna ng Israel. Hindi na siya magpapaumanhin. Wawasakin ang mga santwaryo ng Israel at hahatulan ng tabak ang sambahayan ni Jeroboam II. Si Amasias na saserdote ng Bethel ay nagpasabi kay Jeroboam: “May pakana si Amos laban sa iyo.” (7:10) Si Amos ay pinapunta ni Amasias sa Juda upang doon manghula. Niliwanag ni Amos ang kaniyang autoridad: “Kinuha ako ni Jehova sa pag-aalaga ng kawan at sinabi Niya, ‘Manghula ka sa aking bayang Israel.’ ” (7:15) Kaya si Amos ay humula ng kapahamakan para kay Amasias at sa sambahayan nito.
12. Anong taggutom ang inihula para sa Israel, ngunit sa anong maluwalhating pangako nagwawakas ang hula?
12 Pang-aapi, pagparusa, at pagsasauli (8:1–9:15). Ipinakita ni Jehova kay Amos ang isang bilaong prutas. Hinatulan niya ang pang-aapi ng Israel sa dukha at sumumpa “alang-alang sa Karilagan ng Jacob” na tataghuyan nila ang kanilang kasamaan. “ ‘Narito! Darating ang mga araw,’ sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘na ako’y magpapadala ng taggutom sa lupain, isang taggutom, hindi sa tinapay, at ng pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pagdinig ng mga salita ni Jehova.’ ” (8:7, 11) Mabubuwal sila at hindi na muling babangon. Humukay man sila sa Sheol o sumampa man sa mga langit, kukunin sila ni Jehova. Mamamatay sa tabak ang mga makasalanan. Ngayon ay ang maluwalhating pangako! “Sa araw na yaon ay ibabangon ko ang nabuwal na tolda ni David, at aayusin ko ang mga sira nito. . . . Itatayo ko ito na gaya ng mga unang araw.” (9:11) Lubhang sasagana ang mga tinipong bihag anupat aabutan ng mang-aararo ang tagapag-ani bago matipong lahat ang inani. Ang mga pagpapalang ito mula kay Jehova ay magiging palagian!
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
13. Papaano tayo makikinabang ngayon sa mga babala ni Amos?
13 Makikinabang ang mga bumabasa ng Bibliya ngayon kung uunawain nila ang dahilan ng mga babala na ipinahayag ni Amos sa Israel, sa Juda, at sa mga kalapit-bayan nila. Ang nagtatakwil sa kautusan ni Jehova, ang nandadaya at nang-aapi sa dukha, ang sakim at mahalay, at ang sumasamba sa diyus-diyosan ay hindi sasang-ayunan ni Jehova. Ngunit patatawarin Niya ang lumalayo rito at nagsisisi, at sila ay kahahabagan. Matalino ang humihiwalay sa masamang kasama sa balakyot na sanlibutang ito at sumusunod sa payo ni Jehova: “Hanapin ninyo ako, at kayo ay mabubuhay.”—5:4, 6, 14.
14. Nakinabang ba sa mga paalaala ni Amos ang mga Judio noong panahon ni Esteban?
14 Si Amos ay sinipi ng martir na si Esteban. Ipinaalaala niya sa mga Judio na sila ay nabihag dahil sa pagsamba ng Israel sa ibang diyos, gaya nina Moloc at Refan. Nakinabang ba ang mga Judiong yaon sa pagkarinig ng naulit na mga salita ni Amos? Hindi! Nagalit pa sila at binato si Esteban hanggang mamatay at sa gayo’y inihanay ang kanilang sarili sa higit pang kapahamakan nang mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E.—Amos 5:25-27; Gawa 7:42, 43.
15. Anong mga hula ng pagsasauli ang kapaki-pakinabang na repasuhin?
15 Kapaki-pakinabang ang pagrerepaso sa katuparan ng mga hula ni Amos, hindi lamang yaong natupad nang parusahan ang Israel, ang Juda, at ang iba pang bansa kundi maging yaong mga hula tungkol sa pagsasauli. Tapat sa salita ni Jehova sa pamamagitan ni Amos, ang mga bihag ay nagbalik sa Israel noong 537 B.C.E. upang itayo at tirahan ang kanilang gibang mga lungsod at tamnan ang kanilang mga ubasan at halamanan.—Amos 9:14; Ezra 3:1.
16. Papaano ipinahiwatig ni Santiago ang katuparan ng Amos 9:11, 12 kaugnay ng kongregasyong Kristiyano?
16 Gayunman, nagkaroon ng maluwalhati at nagpapatibay na katuparan ang hula ni Amos noong panahon ng mga apostol. Nang tinatalakay ang pag-anib ng mga di-Israelita sa kongregasyong Kristiyano, kinasihan si Santiago upang ipaliwanag na ito ay inihula sa Amos 9:11, 12. Ang ‘pagkumpuni ng nasirang tolda ni David’ ay natutupad aniya sa kongregasyong Kristiyano, “upang si Jehova ay hanapin ng nalalabi sa mga tao, at lahat ng taga-ibang bansa, sila na tinatawag sa aking pangalan, sabi ni Jehova.” Ito na nga ang maka-Kasulatang alalay sa nagaganap na bagong pagsulong, gaya ng isinalaysay ni Simon Pedro—na ang Diyos ay kumukuha sa mga bansa ng “isang bayan para sa kaniyang pangalan.”—Gawa 15:13-19.
17. Anong kasaganaan at pagka-palagian ang inihula ni Amos kaugnay ng Kaharian ng Diyos?
17 Si Jesu-Kristo, ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, ay ipinakikilala sa ibang dako bilang “anak ni David” na magmamana ng “luklukan ni David na kaniyang ama” at na maghahari magpakailanman. (Luc. 1:32, 33; 3:31) Kaya ang hula ni Amos ay patiunang nakatuon sa katuparan ng tipan kay David ukol sa kaharian. Ang pangwakas na mga salita ni Amos ay hindi lamang naglalaan ng kamangha-manghang tanawin ng umaapaw na kasaganaan sa pagtatayo ng “tolda ni David” kundi idinidiin pa nito ang pagka-palagian ng Kaharian ng Diyos: “ ‘Itatatag ko sila sa kanilang lupain, at hindi na sila mabubunot sa lupain na ibinigay ko sa kanila,’ sabi ni Jehova na iyong Diyos.” Aapaw sa lupa ang walang-hanggang mga pagpapala habang lubusang isinasauli ni Jehova “ang tolda ni David”!—Amos 9:13-15.
[Talababa]
a 1978, Jerusalem, pahina 1046.
[Mga Tanong sa Aralin]