Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 46—1 Corinto

Aklat ng Bibliya Bilang 46—1 Corinto

Aklat ng Bibliya Bilang 46​—1 Corinto

Manunulat: Si Pablo

Saan Isinulat: Sa Efeso

Natapos Isulat: c. 55 C.E.

1. Anong uri ng lungsod ang Corinto noong panahon ni Pablo?

 NOONG una, ang Corinto “ay isang bantog at mahalay na lungsod, ang tagpuan ng mga bisyo ng Silangan at Kanluran.” a Nakatayo sa makitid na isthmus sa pagitan ng Peloponnesus at ng kontinental na Gresya, nasupil ng Corinto ang ruta tungo sa kontinente ng Europa. Noong panahon ni apostol Pablo, ang populasyon nito na mga 400,000 ay nahigitan lamang ng Roma, Aleksandriya, at Antioquia ng Sirya. Nasa silangan ng Corinto ang Dagat Aegeano, at sa kanluran ay ang Golpo ng Corinto at ang Dagat ng Ionia. Kaya ang Corinto, kabisera ng lalawigan ng Acaia, at ang dalawang daungan nito na Cenchrea at Lechaum, ay nagtamasa ng estratehikong kalamangan sa komersiyo. Ito rin ang sentro ng karunungang Griyego. Di-umano, “naging kasabihan ang karangyaan nito; gayundin ang bisyo at kawaldasan ng mga mamamayan.” b Kabilang sa mga paganong relihiyosong kaugalian ay ang pagsamba kay Aphrodite (katumbas ng Romanong si Venus). Kamunduhan ang isa sa mga produkto ng pagsamba sa Corinto.

2. Papaano natatag ang kongregasyon sa Corinto, kaya ano ang nagbubuklod nito kay Pablo?

2 Noong 50 C.E. naglakbay si apostol Pablo sa maunlad subalit may-mababang moral na lungsod na ito ng daigdig Romano. Sa 18 buwan na inilagi niya, isang kongregasyong Kristiyano ang naitatag. (Gawa 18:1-11) Napakalaki ng pag-ibig ni Pablo sa mga kapatid na kaniyang napangaralan ng mabuting balita tungkol kay Kristo! Sa liham ay ipinaalaala niya ang kanilang espirituwal na buklod: “Bagaman magkaroon kayo ng sampung libong guro kay Kristo, tiyak na hindi marami ang inyong ama; sapagkat kay Kristo Jesus ako’y naging inyong ama dahil sa mabuting balita.”​—1 Cor. 4:15.

3. Ano ang nag-udyok kay Pablo na isulat ang una niyang liham sa mga taga-Corinto?

3 Malasakit sa espirituwal na kapakanan ang nag-udyok kay Pablo na sumulat ng unang liham sa Corinto noong ikatlo niyang paglalakbay-misyonero. Ilang taon na ang nakakaraan mula nang mapatira siya sa Corinto. Mga 55 C.E. na noon, at si Pablo ay nasa Efeso. Waring tumanggap siya ng liham mula sa bagong kongregasyon sa Corinto, at nangailangan ito ng sagot. Isa pa, dumating kay Pablo ang nakababahalang mga balita. (7:1; 1:11; 5:1; 11:18) Ito ay nagdulot ng labis na pag-aalala kung kaya ang kanilang pagsangguni ay tinukoy lamang ng apostol sa pambungad na talata ng kabanata 7 tal 1 ng liham. Naudyukan si Pablo na lumiham sa mga kapuwa Kristiyano sa Corinto lalung-lalo na dahil sa mga balitang natanggap niya.

4. Ano ang patotoo na ang Unang Corinto ay isinulat ni Pablo mula sa Efeso?

4 Papaano natin nalaman na isinulat ni Pablo ang Unang Corinto mula sa Efeso? Ang isang dahilan ay sapagkat sa pangwakas na mga pagbati ng liham, inilakip ng apostol ang kina Aquila at Prisca (Priscila). (16:9) Ayon sa Gawa 18:18, 19 lumipat sila sa Efeso mula sa Corinto. Yamang naroon sina Aquila at Priscila at inilakip sila ni Pablo sa mga pagbati ng Unang Corinto, tiyak na nasa Efeso siya nang isulat niya ang liham. Gayunman, ang alinlangan ay pinapawi ng pangungusap ni Pablo sa 1 Corinto 16:8: “Ako’y mananatili sa Efeso hanggang sa kapistahan ng Pentekostes.” Kaya ang Unang Corinto ay isinulat ni Pablo sa Efeso, malamang na sa pagtatapos ng pagtigil niya roon.

5. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng mga liham sa mga taga-Corinto?

5 Di-mapag-aalinlanganan ang pagiging-tunay ng Unang Corinto, at maging ng Ikalawang Corinto. Ang mga ito ay iniukol kay Pablo at itinuring na kanonikal ng sinaunang mga Kristiyano, at kalakip ito sa kanilang koleksiyon. Di-umano ang Unang Corinto ay anim na beses tinutukoy at sinisipi sa isang liham mula sa Roma para sa Corinto noong 95 C.E. at tinawag na Unang Clemente. Malinaw na tumutukoy sa Unang Corinto, hinimok ng manunulat ang mga taga-roon na “repasuhin ang liham ng pinagpalang apostol Pablo.” c Ang Unang Corinto ay tuwiran ding sinisipi nina Justin Martyr, Athenagoras, Irenaeus, at Tertullian. Matibay ang ebidensiya na isang kalipunan o koleksiyon ng mga liham ni Pablo, pati na ang Una at Ikalawang Corinto, “ay nabuo at nailathala noong huling dekada ng unang siglo.” d

6. Anong mga suliranin ang umiral sa kongregasyon sa Corinto, at sa ano lalo nang interesado si Pablo?

6 Ang unang liham ni Pablo sa Corinto ay nagpapahintulot sa atin na makasilip sa loob kongregasyon sa Corinto. Napapaharap sila sa maraming suliranin at tanong. Ang kongregasyon ay baha-bahagi pagkat may ilang sumusunod sa tao. Bumangon ang isang nakagigitlang kaso ng seksuwal na imoralidad. Marami ang mula sa mga sambahayang nababahagi ng relihiyon. Dapat ba silang humiwalay o manatiling kapisan ng di-sumasampalatayang asawa? At kumusta ang karne na inihain sa idolo? Dapat ba silang kumain nito? Ang mga taga-Corinto ay nangailangan ng payo sa pagdaraos ng mga pulong, pati na sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. Ano ang katayuan ng mga babae sa kongregasyon? At may ilan na nagtatatwa sa pagkabuhay-na-muli. Napakaraming problema. Gayunman, higit na interesado ang apostol sa pagsasauli ng espirituwalidad ng mga taga-Corinto.

7. Sa anong pangmalas dapat suriin ang Unang Corinto, at bakit?

7 Yamang may makabagong kahawig ang mga kalagayan sa loob ng kongregasyon at ang panlabas na kapaligiran ng sinaunang Corinto, lakip na ang kasaganaan at kahalayan nito, dapat ibaling ang pansin sa napakahalagang payo na isinulat ni Pablo sa ilalim ng pagkasi. Ang sinabi niya ay napaka-makahulugan sa ngayon kaya kapaki-pakinabang na isaalang-alang ang una niyang liham sa mahal na mga kapatid sa Corinto. Guni-gunihin ang panahon at dako. Magbulay-bulay, gaya ng tiyak na ginawa ng mga Kristiyano sa Corinto, habang nirerepaso ang matutulis, nakapupukaw, at kinasihang mga salita ni Pablo sa mga kapuwa mananampalataya sa sinaunang Corinto.

NILALAMAN NG UNANG CORINTO

8. (a) Papaano inilantad ni Pablo ang sektaryanismo sa kongregasyon? (b) Ano ang ipinakita ni Pablo na kailangan upang maunawaan ang mga bagay ng Diyos?

8 Inilantad ni Pablo ang sektaryanismo, idiniin ang pagkakaisa (1:1–​4:21). Mabuti ang hangarin ni Pablo sa mga taga-Corinto. Subalit papaano ang kanilang hidwaan at pagtatalo? “Nababahagi ang Kristo.” (1:13) Nagpapasalamat ang apostol na kakaunti ang kaniyang nabautismuhan, kaya hindi nila masasabi na sila’y nabautismuhan sa pangalan niya. Ipinangaral ni Pablo ang Kristong ipinako. Sa mga Judio ito’y katitisuran at kamangmangan naman para sa mga bansa. Subalit pinili ng Diyos ang mga mangmang at mahihina sa sanlibutan upang hiyain ang mga pantas at malalakas. Hindi gumamit si Pablo ng matayog na pananalita upang makita ng mga kapatid ang espiritu at kapangyarihan ng Diyos sa kaniyang salita, upang sumampalataya sila hindi sa karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos. Nagsasalita tayo ng mga bagay na inihayag ng espiritu ng Diyos, ani Pablo, “sapagkat sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.” Hindi ito maunawaan ng taong pisikal kundi ng taong espirituwal.​—2:10.

9. Anong argumento ang ginamit ni Pablo upang ipakita na walang dapat ipaghambog ang tao?

9 Sumusunod sila sa tao​—ang ila’y kay Apollo, ang ila’y kay Pablo. Subalit sino sila? Pawang ministro na tumulong sa mga taga-Corinto. Ang nagtatanim at nagdidilig ay walang anoman, pagkat “Diyos ang nagpapalago,” at sila’y “mga kamanggagawa” niya. Patutunayan ng apoy kung kaninong gawa ang tatagal. Sabi ni Pablo: “Kayo ang templo ng Diyos,” na tinatahanan ng kaniyang espiritu. “Ang karunungan ng sanlibutan ay kamangmangan sa Diyos.” Huwag ipaghambog ang sa tao pagkat lahat ay sa Diyos.​—3:6, 9, 16, 19.

10. Bakit wala sa lugar ang paghahambog ng mga taga-Corinto, at anong mga hakbang ang ginawa ni Pablo upang lunasan ito?

10 Sina Pablo at Apollo ay mapagpakumbabang mga katiwala ng banal na mga lihim ng Diyos, at dapat magtapat ang mga katiwala. Sino sa mga taga-Corinto ang maghahambog, at ano ang nasa kanila na hindi nila tinanggap? Mayaman na ba sila, nagpupuno na bilang hari, at naging labis na matalino at malakas, samantalang ang mga apostol, na naging panoorin ng mga anghel at tao, ay nananatiling mangmang at mahina, ang yagit ng lahat ng bagay? Isinusugo ni Pablo si Timoteo upang ipaalala sa kanila ang mga pamamaraan niya kaugnay ni Kristo at upang sila’y magsitulad sa kaniya. Kung loloobin ni Jehova, malapit nang pumaroon si Pablo upang alamin, hindi lamang ang pananalita ng mga palalo, kundi ang kanilang kapangyarihan.

11. Anong kahalayan ang bumangon sa gitna nila, ano ang dapat gawin dito, at bakit?

11 Pag-iingat ng kalinisan ng kongregasyon (5:1–​6:20). May nakagigitlang kaso ng imoralidad sa Corinto! Sumiping ang isang lalaki sa asawa ng kaniyang ama. Dapat siyang ibigay kay Satanas pagkat ang kaunting lebadura ay nagpapakumbô sa buong limpak. Huwag makisama sa sinomang tinatawag na kapatid subalit isang masama.

12. (a) Ano ang ikinatuwiran ni Pablo tungkol sa paghahabla sa isa’t-isa? (b) Bakit sinasabi ni Pablo na “Umiwas sa pakikiapid”?

12 Aba, inihahabla ng mga taga-Corinto ang isa’t-isa! Hindi ba mas maigi ang sila ay padayà? Yamang hahatulan nila ang sanlibutan at ang mga anghel, hindi ba sila makakahatol sa pagitan ng magkakapatid? Bukod dito, dapat silang magpakalinis, sapagkat ang mga mapakiapid, mananamba sa diyus-diyosan, at ang mga tulad nito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. Dati’y ganito ang ilan sa kanila, ngunit sila’y nahugasan na at naging banal. “Umiwas sa pakikiapid,” sabi ni Pablo. “Sapagkat kayo’y binili ng isang halaga. Luwalhatiin nga ang Diyos sa inyong katawan.”​—6:18, 20.

13. (a) Bakit pinayuhan ni Pablo ang iba na mag-asawa? Minsang makasal, ano ang dapat gawin? (b) Papaanong ang hindi pag-aasawa ay “mas mabuti”?

13 Payo sa pag-aasawa at pananatiling walang-asawa (7:1-40). Sinagot ni Pablo ang isang tanong tungkol sa pag-aasawa. Dahil sa laganap na pakikiapid, mabuti sa isang lalaki o babae na mag-asawa, at ang mag-asawa ay hindi dapat magkait ng karapatan ng isa’t-isa sa pag-aasawa. Mabuti sa mga binata’t dalaga at sa mga balo na manatiling walang-asawa, gaya ni Pablo; ngunit kung wala silang pagpipigil, mag-asawa sila. Minsang mag-asawa, dapat silang manatiling nagsasama. Kahit hindi sumasampalataya ang kabiyak, ang sumasampalataya ay hindi dapat humiwalay, baka mailigtas niya ang asawang di-sumasampalataya. Kung tungkol sa pagtutuli at pagka-alipin, dapat masiyahan ang isa sa kalagayan ng pagkatawag sa kaniya. Kung tungkol sa may-asawa, nahahati siya pagkat nais niyang makamit ang pagsang-ayon ng kabiyak, samantalang ang walang-asawa ay nasasabik lamang ukol sa Panginoon. Hindi kasalanan ang mag-asawa, ngunit ang hindi pag-aasawa “ay mas mabuti.”​—7:38.

14. Ano ang sinasabi ni Pablo tungkol sa “mga diyos” at “mga panginoon,” ngunit kailan matalino na umiwas sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan?

14 Paggawa ng lahat alang-alang sa mabuting balita (8:1–​9:27). Kumusta ang pagkaing inihandog sa diyus-diyosan? Ang diyus-diyosan ay walang kabuluhan! Sa sanlibutan maraming “mga diyos“ at “mga panginoon” ngunit para sa Kristiyano ay may “isang Diyos na Ama” at “isang Panginoon, si Jesu-Kristo.” (8:5, 6) Ngunit baka may matisod kung kakain ng karneng inihandog sa diyus-diyosan. Kaya ipinayo ni Pablo na umiwas sa pagkaing nakakatisod sa kapatid.

15. Papaano gumawi si Pablo sa ministeryo?

15 Maraming bagay ang ikinait ni Pablo sa sarili alang-alang sa ministeryo. Bilang apostol, karapatan niya “na mabuhay sa pamamagitan ng mabuting balita,” ngunit iniwasan niya ito. Subalit obligasyon niya na mangaral; ang totoo, aniya, “Sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang mabuting balita!” Kaya napaalipin siya sa lahat, at “nakibagay sa lahat ng uri ng tao” upang “sa lahat ng paraan ay mailigtas [niya] ang ilan,” na ginagawa ito “alang-alang sa mabuting balita.” Para makamit ang tagumpay at ang di-nasisirang putong, hinahampas niya ang sarili upang pagkapangaral sa iba, siya “ay huwag matakwil sa anomang paraan.”​—9:14, 16, 19, 22, 23, 27.

16. (a) Anong babala ang dapat matutuhan ng mga Kristiyano mula sa “mga ninuno”? (b) Kung tungkol sa idolatriya, papaano magagawa ng Kristiyano ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos?

16 Babala laban sa kapaha-pahamak na mga bagay (10:1-33). Kumusta ang “mga ninuno”? Sila’y napasa-ilalim ng ulap at nabautismuhan kay Moises. Karamihan sa kanila ay hindi sinang-ayunan ng Diyos at napahamak sa ilang. Bakit? Naghangad sila ng kapaha-pahamak na mga bagay. Dapat itong magsilbing babala sa mga Kristiyano na iwasan ang idolatriya at pakikiapid, ang pagsubok kay Jehova, at ang bulung-bulungan. Ang nakatayo ay mag-ingat na baka siya mabuwal. Darating ang pagsubok, ngunit hindi itutulot ng Diyos na ang mga lingkod niya ay masubok nang higit sa kaya nila; ilalaan niya ang paraan ng pag-iwas upang sila ay makapagtiis. “Kaya,” sabi ni Pablo, “umiwas sa idolatriya.” (10:1, 14) Hindi maaaring makibahagi sa dulang ni Jehova at sa dulang ng mga demonyo. Ngunit kung kumakain sa isang bahay, huwag itatanong kung saan galing ang karne. Kung may magsasabi na inihain ito sa mga idolo, huwag kumain alang-alang sa kaniyang budhi. “Gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos,” sabi ni Pablo.​—10:31.

17. (a) Anong simulain ang inihaharap ni Pablo tungkol sa pagka-ulo? (b) Papaano niya pinag-ugnay ang suliranin ng pagkabahagi-bahagi sa kongregasyon at ang pagtalakay sa Hapunan ng Panginoon?

17 Pagka-ulo; ang Hapunan ng Panginoon (11:1-34). Ipinahayag ni Pablo, “Magsitulad kayo sa akin, na gaya ko naman kay Kristo,” at saka binalangkas ang banal na simulain ng pagka-ulo: Ang ulo ng babae ay ang lalaki, ang ulo ng lalaki ay si Kristo, ang ulo ni Kristo ay ang Diyos. Kaya ang babae ay dapat magkaroon sa ulo ng “tanda ng pagpapasakop” kapag nananalangin o humuhula sa kongregasyon. Hindi pinupuri ni Pablo ang mga taga-Corinto, sapagkat sila’y nagkakabaha-bahagi. Sa kalagayang ito, papaano sila wastong makakakain ng Hapunan ng Panginoon? Nirepaso niya ang naganap nang pasinayaan ni Jesus ang Alaala ng kaniyang kamatayan. Dapat suriin ng bawat isa ang sarili bago makibahagi upang huwag siyang mahatulan sa di-pagkilala “sa katawan.”​—11:1, 10, 29.

18. (a) Bagaman iba’t-iba ang mga kaloob at ministeryo, bakit hindi dapat mabahagi ang katawan? (b) Bakit nangingibabaw sa lahat ang pag-ibig?

18 Mga kaloob ng espiritu; pag-ibig at ang pagtataguyod nito (12:1–​14:40). Iba-iba ang kaloob ng espiritu, ngunit iisa ang espiritu; iba-iba ang ministeryo at pagkilos nito, ngunit iisa ang Panginoon at Diyos. Ang nagkakaisang katawan ni Kristo ay maraming sangkap, bawat isa ay nangangailangan ng iba, gaya sa katawan ng tao. Inilagay ng Diyos ang bawat sangkap ayon sa minagaling Niya, at may kani-kaniyang atas, kaya “hindi dapat mabahagi ang katawan.” (12:25) Walang kabuluhan ang mga kaloob ng espiritu kung walang pag-ibig. Ang pag-ibig ay mapagpahinuhod at mabait, di-naiinggit, di-nagmamapuri. Nakikigalak ito sa katotohanan. “Ang pag-ibig ay hindi nabibigo.” (13:8) Ang mga kaloob ng espiritu, gaya ng paghula at mga wika, ay lilipas, ngunit mananatili ang pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Sa tatlo, pag-ibig ang pinakadakila.

19. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa pagpapatibay ng kongregasyon at sa kaayusan ng mga bagay-bagay?

19 “Itaguyod ang pag-ibig,” payo ni Pablo. Ang mga kaloob ng espiritu ay dapat gamitin sa pag-ibig upang mapatibay ang kongregasyon. Kaya ang panghuhula ay higit na kanais-nais kaysa pagsasalita ng mga wika. Sa pagtuturo nanaisin pa niyang bumigkas ng limang salita na may unawa kaysa sampung libo sa wikang di-nauunawaan. Ang mga wika ay tanda sa mga di-sumasampalataya, ngunit ang paghula ay para sa mga mananampalataya. Hindi sila dapat maging “mga musmos” sa pag-unawa ng mga bagay na ito. Ang mga babae ay dapat magpasakop sa kongregasyon. “Lahat ng bagay ay gawing may-kahinhinan at may-kaayusan.”​—14:1, 20, 40.

20. (a) Anong katibayan ang iniharap ni Pablo sa pagkabuhay-na-muli ni Kristo? (b) Papaano ang pagkasunud-sunod ng pagkabuhay-na-muli, at anong mga kaaway ang lilipulin?

20 Ang katiyakan ng pag-asa sa pagkabuhay-na-muli (15:1–​16:24). Ang binuhay-muling Kristo ay napakita kay Cefas, sa 12, sa mahigit na 500 kapatid nang minsanan, kay Santiago, sa lahat ng apostol, at kahuli-hulihan kay Pablo. ‘Kung si Kristo’y hindi muling binuhay,’ ani Pablo, ‘walang silbi ang ating pangangaral at pananampalataya.’ (15:14) Bawat isa ay babangon ayon sa kaniyang ranggo, si Kristo na unang bunga, at saka sila na kaisa niya sa kaniyang pagparito. Sa wakas ay isasauli niya ang Kaharian sa Ama matapos ilagay sa ilalim ng kaniyang paa ang mga kaaway. Maging ang kamatayan, ang huling kaaway, ay lilipulin. Bakit isasapanganib ni Pablo ang kaniyang buhay kung wala rin lamang pagkabuhay-na-muli?

21. (a) Papaano ibabangon ang mga tagapagmana ng Kaharian ng Diyos? (b) Anong banal na lihim ang isiniwalat ni Pablo, at ano ang sinabi niya tungkol sa pananagumpay sa kamatayan?

21 Ngunit papaano bubuhayin ang patay? Para tumubo ang isang halaman, dapat mamatay ang inihasik na binhi. Ganoon din ang pagbuhay sa mga patay. “Inihasik sa katawang laman, ibinabangon sa katawang espiritu. . . . Ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (15:44, 50) Isiniwalat ni Pablo ang isang banal na lihim: Hindi lahat ay matutulog sa kamatayan, kundi sa huling pakakak, sila’y babaguhin sa isang kisap-mata. Kapag ang may-kamatayan ay nabihisan ng kawalang-kamatayan, ang kamatayan ay malilipol na magpakailanman. “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?” Mula sa puso ay napabulalas si Pablo: “Salamat sa Diyos, sapagkat pinagtagumpay niya tayo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!”​—15:55, 57.

22. Anong pangwakas na payo at pampasigla ang ibinibigay ni Pablo?

22 Sa pagtatapos, nagpapayo si Pablo na ayusin ang paglikom ng abuloy para sa mga kapatid na nangangailangan sa Jerusalem. Binanggit niya ang nalalapit niyang dalaw mula sa Macedonia at ipinahiwatig na sina Timoteo at Apollo ay baka dumalaw rin. “Manatiling gising,” ani Pablo. “Magpakatatag sa pananampalataya, magpakalalaki, magpakalakas. Gawing may-pag-ibig ang lahat ng bagay.” (16:13, 14) Ipinaabot ni Pablo ang pagbati ng mga kongregasyon sa Asya, at saka sumulat ng pangwakas na pagbati sa pamamagitan ng sariling kamay, kalakip ang kaniyang pag-ibig.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

23. (a) Papaano inilalarawan ni Pablo ang kapaha-pahamak na bunga ng masamang nasa at pagtitiwala-sa-sarili? (b) Sa anong autoridad bumabaling si Pablo nang nagpapayo tungkol sa Hapunan ng Panginoon at sa mga wastong pagkain?

23 Kapaki-pakinabang ang liham sa pagpapalawak ng unawa sa Kasulatang Hebreo, na malimit nitong sipiin. Sa ikasampung kabanata ipinakita ni Pablo na ang mga Israelita sa ilalim ni Moises ay uminom mula sa espirituwal na bunton-ng-bato, alalaong baga’y si Kristo. (1 Cor. 10:4; Bil. 20:11) Saka inisa-isa ang mapait na bunga ng paghahangad ng kapaha-pahamak na mga bagay, gaya ng nangyari sa mga Israelita sa ilalim ni Moises, at idinagdag pa: “Ang mga ito ay nangyari sa kanila na pinaka-halimbawa, at nasulat bilang babala sa atin na mga dinatnan ng katapusan ng pamamalakad ng mga bagay.” Huwag magtiwala sa sarili at isiping hindi kailanman tayo mahuhulog! (1 Cor. 10:11, 12; Bil. 14:2; 21:5; 25:9) Muli, gumamit siya ng larawan mula sa Kautusan. Tinukoy niya ang mga haing pangkapayapaan sa Israel upang ipakita na ang nakikibahagi sa Hapunan ng Panginoon ay dapat makibahagi nang nararapat sa dulang ni Jehova. At, upang suhayan ang katuwiran na wastong kainin ang anomang itinitinda sa pamilihan, sinisipi niya ang Awit 24:1 na nagsasabi, “Kay Jehova ang buong lupa at lahat ng naririto.”​—1 Cor. 10:18, 21, 26; Exo. 32:6; Lev. 7:11-15.

24. Ano pang ibang pagtukoy ang ginagawa ni Pablo sa mga Kasulatang Hebreo bilang alalay sa kaniyang mga katuwiran?

24 Upang ipakita ang kahigitan ng “mga bagay na inihanda ng Diyos sa mga nagsisiibig sa kaniya” at ang kamangmangan ng “mga pangangatuwiran ng matatalino,” muling sumisipi si Pablo sa mga Kasulatang Hebreo. (1 Cor. 2:9; 3:20; Isa. 64:4; Awit 94:11) Bilang autoridad sa tagubilin niya sa kabanata 5 sa pagtitiwalag, sinisipi niya ang utos ni Jehova na ‘alisin ang masama sa gitna ninyo.’ (Deut. 17:7) Nang tinatalakay ang karapatan na mabuhay sa pamamagitan ng ministeryo, muling tumukoy si Pablo sa Kautusan ni Moises na nagsabing ang hayop na gumigiik ay huwag bubusalan at na ang mga Levitang naglilingkod sa templo ay nararapat tumanggap ng bahagi sa dambana.​—1 Cor. 9:8-14; Deut. 25:4; 18:1.

25. Ano ang ilang namumukod-tanging punto ng kapaki-pakinabang na turo na nilalaman ng Unang Corinto?

25 Kapaki-pakinabang ang kinasihang turo ng unang liham ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto! Bulay-bulayin ang payo sa pagkabaha-bahagi at pagsunod sa tao. (Kabanata 1-4) Alalahanin ang kaso ng imoralidad at ang pagdiriin sa halaga ng kagalingan at kalinisan sa kongregasyon. (Kabanata 5, 6) Repasuhin ang kinasihang payo sa pananatiling walang-asawa, pag-aasawa, at paghihiwalay. (Kabanata 7) Isipin ang pagtalakay sa mga pagkaing inihandog sa diyus-diyosan at kung papaano itinampok ang pag-ingat upang huwag makatisod at huwag mahulog sa idolatriya. (Kabanata 8-10) Ang mga payo sa pagpapasakop, ang pagtalakay sa mga kaloob ng espiritu, ang praktikal na pagrerepaso sa kahigitan ng walang-kupas, walang-pagkabigong katangian ng pag-ibig​—lahat ng ito ay nadaanan natin. At napakahusay ang pagkakadiin sa halaga ng kaayusan sa mga pagtitipong Kristiyano! (Kabanata 11-14) Kamangha-mangha ang pagtatanggol sa pagkabuhay-na-muli na isinulat sa ilalim ng pagkasi! (Kabanata 15) Lahat ng ito at higit pa ay natunghayan ng mata ng isipan​—at napakahalaga nito sa mga Kristiyano sa ngayon!

26. (a) Anong matagal-nang-inihulang gawain ang tutuparin ng binuhay-muling Kristo kapag siya’y naging Hari? (b) Salig sa pag-asa sa pagkabuhay-na-muli, anong mariing pampatibay-loob ang ibinibigay ni Pablo?

26 Pambihira ang unawang naidagdag sa maluwalhating tema ng Bibliya na Kaharian ng Diyos. Mahigpit ang babala ng liham na ang mga liko ay hindi makakapasok sa Kaharian, at itinatala ang mga bisyo na hahadlang sa pagpasok doon. (1 Cor. 6:9, 10) Ngunit higit sa lahat, ipinaliliwanag ang kaugnayan ng pagkabuhay-muli at ng Kaharian ng Diyos. Ipinakikita na si Kristo, “ang mga unang bunga” ng pakabuhay-na-muli, ay dapat “maghari hanggang ilagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa.” At kapag nailigpit na ang lahat ng kaaway, pati na ang kamatayan, “isasauli niya ang kaharian sa Kaniyang Diyos at Ama, . . . upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.” Sa wakas, bilang katuparan ng pangako sa Eden, ang ganap na pagdurog sa ulo ng Ahas ay isasagawa ni Kristo, kasama ng Kaniyang binuhay-muling mga kapatid sa espiritu. Napaka-ringal ang pag-asa niyaong mga kabahagi ng kawalang-kasiraan ni Kristo Jesus sa makalangit na Kaharian. Nagpapayo si Pablo salig sa pag-asa ng pagkabuhay-na-muli: “Katapus-tapusan, mga kapatid, magpakatatag, hindi nakikilos, laging abala sa gawain ng Panginoon, yamang batid ninyo na ang inyong paggawa ay hindi walang-kabuluhan sa Panginoon.”​—1 Cor. 15:20-28, 58; Gen. 3:15; Roma 16:20.

[Mga talababa]

a Halley’s Bible Handbook, 1988, H. H. Halley, pahina 593.

b Dictionary of the Bible ni Smith, 1863, Tomo 1, pahina 353.

c The Interpreter’s Bible, Tomo 10, 1953, pahina 13.

d The Interpreter’s Bible, Tomo 9, 1954, pahina 356.

[Mga Tanong sa Aralin]