Aklat ng Bibliya Bilang 49—Mga Taga-Efeso
Aklat ng Bibliya Bilang 49—Mga Taga-Efeso
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 60–61 C.E.
1. Kailan at sa anong mga kalagayan isinulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Efeso?
IPAGPALAGAY nang kayo’y nasa bilangguan. Dahil ito sa pag-uusig sa inyo bilang masigasig na misyonerong Kristiyano. Yamang hindi kayo makapaglakbay at makadalaw sa mga kongregasyon upang palakasin sila, ano ang gagawin ninyo? Hindi ba ninyo masusulatan ang mga natulungan ninyong maging Kristiyano dahil sa inyong pangangaral? Hindi kaya sila nababahala sa kalagayan ninyo, at hindi kaya sila nangangailangan ng pampatibay-loob? Sabihin pa! Kaya magsisimula kayong sumulat. Gagawin ninyo ang mismong ginawa ni apostol Pablo nang siya’y unang mabilanggo sa Roma, noong mga 59-61 C.E. Umapela siya kay Cesar, at habang naghihintay ng paglilitis at tinatanuran, malaya siya sa ibang gawain. Isinulat ni Pablo ang liham niya “Sa Mga Taga-Efeso” mula sa Roma, malamang na noong 60 o 61 C.E., at inihatid ito nina Tiquico at Onesimo.—Efe. 6:21; Col. 4:7-9.
2, 3. Ano ang tiyak na nagpapatotoo sa pagkasulat ni Pablo at, kasabay nito, sa pagiging-kanonikal ng Mga Taga-Efeso?
2 Sa unang salita pa lamang ay nagpakilala na si Pablo bilang manunulat at apat na beses niyang tinukoy ang sarili na “bilanggo sa Panginoon.” (Efe. 1:1; 3:1, 13; 4:1; 6:20) Nawalan ng saysay ang mga pag-aalinlangan sa pagkasulat ni Pablo. Ang Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46), na di-umano’y nagmula noong 200 C.E., ay may 86 pahina ng isang codex ng mga liham ni Pablo. Kasama rito ang Mga Taga-Efeso, kaya kabilang ito sa mga liham niya nang panahong yaon.
3 Ayon sa sinaunang eklesiastikal na mga manunulat si Pablo ang sumulat ng liham at na ito ay “Sa Mga Taga-Efeso.” Halimbawa, ganito sinipi ni Irenaeus ng ikalawang siglo C.E. ang Efeso 5:30: “Sinabi ng pinagpalang si Pablo sa liham sa Mga Taga-Efeso na tayo’y bahagi ng kaniyang katawan.” Nang panahon ding yaon, sinipi ni Clement ng Aleksandriya ang Efeso 5:21 nang iulat niya: “Sa liham sa Mga Taga-Efeso ay sumusulat siya, Magpasakop sa isa’t-isa sa pagkatakot sa Diyos.” Ang Efeso 1:4 ay sinipi ni Origen noong unang kalahatian ng ikatlong siglo C.E.: “Sa liham niya sa Mga Taga-Efeso, ay ginamit ng apostol ang mga salitang ito nang sabihin niya, Siya na pumili sa atin bago itatag ang sanlibutan.” a Ang Mga Taga-Efeso ay inilakip din ni Eusebius, isa pang autoridad sa sinaunang kasaysayang Kristiyano (c. 260-340 C.E.), sa kanon ng Bibliya, at karamihan ng sinaunang eklesiastikal na manunulat ay tumutukoy sa Mga Taga-Efeso bilang bahagi ng kinasihang Kasulatan. b
4. Bakit may sapantaha na ang Mga Taga-Efeso ay pinatutungkol sa ibang dako, ngunit anong katibayan ang umaalalay sa Efeso bilang destinasyon nito?
4 Ang mga salitang “sa Efeso” ay inalis ng Chester Beatty Papyrus, ng Vatican Manuscript No. 1209, at ng Sinaitic Manuscript, sa kabanata 1, talata 1, kaya hindi tinitiyak ng mga ito kung saan patungkol ang liham. Dahil dito, at sa kawalan ng mga pagbati sa indibiduwal na mga taga-Efeso (bagaman tatlong taóng naglingkod doon si Pablo), may sapantaha na ang liham ay maaaring patungkol sa ibang dako o na baka ito ay isang sirkular sa lahat ng kongregasyon sa Asya Minor, pati na sa Efeso. Gayunman, halos lahat ng ibang manuskrito ay naglalakip ng mga salitang “sa Efeso,” at gaya ng nabanggit sa itaas, tinanggap ito ng sinaunang eklesiastikal na mga manunulat bilang isang liham sa Mga Taga-Efeso.
5. Ano ang kapansin-pansin tungkol sa Efeso noong panahon ni Pablo?
5 Tutulong ang ilang saligang impormasyon upang maunawaan ang layunin ng liham. Noong unang siglo ng Pangkalahatang Panahon, napabantog ang Efeso sa panggagayuma, salamangka, astrolohiya, at pagsamba sa diyosa ng pagpapakarami na si Artemis. c Sa palibot ng estatwa ng diyosa ay itinayo ang isang maringal na templo na naging isa sa pitong kababalaghan ng sinaunang daigdig. Ayon sa paghuhukay roon noong ika-19 na siglo, ang templo ay itinayo sa ibabaw ng isang plataporma na 73 metro ang luwang at 127 metro ang haba. Ang templo mismo ay mga 50 metro ang luwang at 105 metro ang haba. Mayroon itong 100 haliging marmol, bawat isa ay 17 metro ang taas. Ang bubong ay tinakpan ng malalaking tisang marmol na kulay puti. Di-umano ay ginto at hindi semento ang ginamit sa hugpungan ng mga blokeng marmol. Ang templo ay umakit ng mga turista mula sa buong lupa, at daan-daang libo ang dumaragsa sa mga kapistahan. Ang mga platero sa Efeso ay kumita nang malaki sa pagtitinda sa mga peregrino ng maliliit na dambanang pilak ni Artemis.
6. Gaano kalawak ang gawain ni Pablo sa Efeso?
6 Huminto sandali si Pablo sa Efeso noong ikalawa niyang paglalakbay-misyonero upang mangaral at iniwan doon sina Aquila at Priscila upang ituloy ang gawain. (Gawa 18:18-21) Nagbalik siya noong ikatlo niyang paglalakbay-misyonero at namalagi roon ng mga tatlong taon, na nangangaral at nagtuturo tungkol sa “Daan.” (Gawa 19:8-10; 20:31) Puspusan ang paggawa ni Pablo sa Efeso. Sa kaniyang aklat na Daily Life in Bible Times, ay sumusulat si A. E. Bailey: “Nakaugalian ni Pablo na magtrabaho mula pagsikat ng araw hanggang alas-11 n.u. (Gawa 20:34, 35) na siyang oras ng paghinto ni Tirano sa pagtuturo; mula alas-11 n.u. hanggang alas-4 n.h. nangangaral siya sa bulwagan, nakikipagpulong sa mga katulong, . . . at kahuli-hulihan ay nangangaral sa bahay-bahay simula alas-4 n.h. hanggang sa kalaliman ng gabi. (Gawa 20:20, 21, 31) Maraming nagtataka kung may panahon pa siya para kumain at matulog.”—1943, pahina 308.
7. Ano ang ibinunga ng masigasig na pangangaral ni Pablo?
7 Sa masigasig na pangangaral, tinuligsa ni Pablo ang pagsamba sa mga larawan. Hinila nito ang galit ng mga gumagawa at nagtitinda ng mga yaon, gaya ng platerong si Demetrio, at dahil sa pagkakagulo ay umalis si Pablo sa lungsod.—Gawa 19:23–20:1.
8. Sa anong mga punto lubhang napapanahon ang liham ni Pablo sa Mga Taga-Efeso?
8 Habang nakabilanggo naaalaala ni Pablo ang mga suliraning kinakaharap ng kongregasyon sa Efeso, sa gitna ng mga paganong mananamba at sa harap ng kagila-gilalas na templo ni Artemis. Tiyak na natulungan sila ng angkop na ilustrasyong ibinigay ni Pablo upang ipakita na sila’y “isang banal na templo,” na tinatahanan ni Jehova sa espiritu. (Efe. 2:21) Tiyak na naging malaking pampasigla at kaaliwan ang “banal na lihim” na isiniwalat sa mga taga-Efeso, tungkol sa pangasiwaan ng Diyos (ang paraan niya ng pangangasiwa sa pansambahayang mga gawain) na gagamitin sa pagsasauli ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (1:9, 10) Idiniin ni Pablo ang pagkakaisa ng Judio at Gentil kay Kristo. Ipinayo niya ang pagbubuklod, ang pagkakaisa. Kaya mapahahalagahan natin ang layunin, halaga, at pagiging-kinasihan ng aklat na ito.
NILALAMAN NG MGA TAGA-EFESO
9. Papaano pinasagana ng Diyos ang kaniyang pag-ibig, at ano ang panalangin ni Pablo?
9 Ang layunin ng Diyos na pagkakaisa sa pamamagitan ni Kristo (1:1–2:22). Nagpapaabot si Pablo ng mga pagbati. Dapat purihin ang Diyos sa di-sana-nararapat na kabaitan Niya. May kinalaman ito sa pagkapili sa kanila upang makaisa ni Jesu-Kristo, na tumubos sa kanila ng kaniyang dugo. Bukod dito, pinasagana ng Diyos ang kaniyang pag-ibig nang ipahayag niya ang banal na lihim ng kaniyang kalooban. Sapagkat nilayon niya ang isang pangasiwaan, “upang matipon uli nang sama-sama ang lahat ng bagay kay Kristo,” na kaisa niya’y magiging mga tagapagmana sila. (1:10) Bilang patiunang tanda ay tinatakan sila ng banal na espiritu. Idinadalangin ni Pablo na nawa’y matiyak nila ang pagkatawag sa kanila at kilalanin ang kapangyarihan ng Diyos nang buhayin Niyang muli si Kristo at ilagay siya nang mas mataas sa bawat pamahalaan at kapangyarihan at gawin siyang Ulo sa buong kongregasyon.
10. Papaano naging “kababayan ng mga banal” ang mga taga-Efeso?
10 Dahil sa saganang awa at dakilang pag-ibig, binuhay sila ng Diyos bagaman sila’y patay dahil sa pagsalansang at pagkakasala, at iniluklok sila “kasama ni Kristo Jesus sa langit.” (2:6) Ito’y dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan at pananampalataya at hindi sa sariling pagsisikap. Si Kristo ang sumira sa pader, ang Batas ng mga kautusan, na naghiwalay sa Gentil at Judio. Ngayon ang dalawa ay makalalapit na sa Ama sa pamamagitan ni Kristo. Kaya ang mga taga-Efeso ay hindi na dayuhan, kundi “kababayan ng mga banal” at bilang banal na templong tatahanan ni Jehova sa espiritu.—2:19.
11. Ano ang “banal na lihim,” at ukol sa ano nanalangin si Pablo sa kapakanan ng mga taga-Efeso?
11 “Ang banal na lihim ng Kristo” (3:1-21). Ipinahayag ng Diyos sa mga apostol at propeta “ang banal na lihim ng Kristo . . . upang ang mga tao ng mga bansa ay maging kapuwa tagapagmana at kasangkap ng katawan at kabahagi sa pangako na kaisa ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng mabuting balita.” (3:4, 6) Si Pablo ay naging ministro ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, upang ipahayag ang di-malirip na mga kayamanan ng Kristo at ipakita sa tao ang pangangasiwa sa banal na lihim. Ang kapuspusan ng dunong ng Diyos ay ipinababatid sa pamamagitan ng kongregasyon. Kaya, nanalangin si Pablo na nawa’y palakasin sila ng espiritu ng Diyos upang lubos na makilala ang pag-ibig ni Kristo na di-masayod ng kaalaman, at matalos na magagawa ng Diyos ang “lubhang sagana nang higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip.”—3:20.
12. (a) Papaano dapat lumakad ang mga Kristiyano, at bakit? (b) Anong mga kaloob ang ibinigay ni Kristo, at sa anong layunin? (c) Ano ang nasasangkot sa pagsusuot ng “bagong pagkatao”?
12 Pagsusuot ng “bagong pagkatao” (4:1–5:20). Ang mga Kristiyano ay dapat lumakad nang marapat sa pagkatawag sa kanila, sa kababaang-loob, sa pagpapahinuhod at pag-ibig, at sa nagkakaisang buklod ng kapayapaan. Sapagkat may isang espiritu, isang pag-asa, isang pananamapalataya, at “isang Diyos at Ama ng lahat, na nasa ibabaw ng lahat at sumasa-lahat at nasa lahat.” (4:6) Kaya si Kristo, ang “isang Panginoon,” ay nagkaloob ng mga propeta, mga ebanghelisador, mga pastol, at mga guro, “sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing pagmiministro, sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.” Kaya, sabi ni Pablo, “sa pagsasalita ng katotohanan, ay magsilaki tayo sa pag-ibig sa lahat ng bagay sa kaniya na pinaka-ulo, ang Kristo,” bilang katawan na nakalapat na mabuti sa tulong ng bawat sangkap. (4:5, 12, 15) Dapat iwaksi ang mahalay, walang-pakinabang, at hangal na mga paraan ng dating pagkatao at “isuot ang bagong pagkatao na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.” Sapagkat lahat ay mga sangkap na kabilang sa isa’t-isa, dapat magsalita ng katotohanan at ilayo ang galit, pagnanakaw, salitang mahalay, kapaitan—huwag pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos. Sa halip, ‘maging mabait sa isa’t-isa, mahabagin, nagpapatawaran, gaya ng Diyos na nagpatawad sa pamamagitan ni Kristo.’—4:24, 32.
13. Upang maging tagatulad sa Diyos, ano ang dapat gawin?
13 Lahat ay dapat magsitulad sa Diyos. Ang pakikiapid, karumihan at kasakiman ay hindi dapat mabanggit sa gitna nila, sapagkat ang gumagawa nito ay hindi magmamana ng Kaharian. Pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Efeso: “Lumakad na gaya ng mga anak ng liwanag.” “Pag-ingatang lubos” kung papaano lumalakad, na sinasamantala ang panahon “sapagkat ang mga araw ay masasama.” Oo, dapat nilang “unawain kung ano ang kalooban ni Jehova” at bigkasing may-pasasalamat ang mga kapurihan ng Diyos.—5:8, 15-17.
14. Ano ang mga pananagutan ng mag-asawa sa isa’t-isa?
14 Wastong pagpapasakop; Kristiyanong pakikibaka (5:21–6:24). Dapat pasakop ang babae sa kaniyang asawa, gaya ng kongregasyon na napasakop kay Kristo, at dapat ibigin ng lalaki ang kaniyang asawa, “gaya ni Kristo na umibig sa kongregasyon.” Gayundin, “ang babae ay dapat makadama ng taimtim na paggalang sa asawa.”—5:25, 33.
15. Ano ang ipinapayo ni Pablo sa mga anak at magulang, mga alipin at panginoon, at sa kagayakan ng Kristiyano?
15 Ang mga anak ay dapat makiisa sa kanilang magulang, sa pagsunod at pagtalima sa maka-diyos na disiplina. Ang mga alipin at panginoon ay dapat ding gumawi nang kalugud-lugod sa Diyos, sapagkat ang Panginoon ng lahat “ay nasa langit, at hindi siya nagtatangi.” Bilang pangwakas, lahat ay “magpakalakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan,” na isinasakbat ang buong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makapanindigang matatag laban sa Diyablo. “Higit sa lahat, taglayin ang malaking kalasag ng pananampalataya,” at “ang tabak ng espiritu, ang Salita ng Diyos.” Laging manalangin at magbantay. Hiniling ni Pablo na ipanalangin din nila siya, upang buong-kalayaan niyang “maipahayag ang banal na lihim ng mabuting balita.”—6:9, 10, 16, 17, 19.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
16. Anong mga tanong ang may praktikal na sagot sa Mga Taga-Efeso, at ano ang sinasabi tungkol sa pagkatao na nakalulugod sa Diyos?
16 Ang liham sa Efeso ay sumasaklaw sa halos lahat ng aspeto ng buhay-Kristiyano. Dahil sa paglago ng malulubhang suliranin at kasamaan, ang mahusay na payo ni Pablo ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga nagnanais mamuhay sa maka-diyos na paraan. Papaano dapat makitungo ang mga anak sa kanilang magulang, at ang mga magulang sa kanilang anak? Ano ang mga pananagutan ng lalaki sa kaniyang asawa, at ng babae sa kaniyang asawa? Ano ang dapat gawin ng mga indibiduwal upang maingatan ang pagkakaisa sa pag-ibig at kalinisang Kristiyano sa gitna ng balakyot na sanlibutan? Lahat ng ito ay sinasaklaw ng payo ni Pablo, at ipinakikita pa niya ang nasasangkot sa pagsusuot ng bagong Kristiyanong pagkatao. Sa pag-aaral ng Mga Taga-Efeso, lahat ay makapagpapahalaga sa uri ng pagkatao na nakalulugod sa Diyos at na “nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.”—4:24-32; 6:1-4; 5:3-5, 15-20, 22-33.
17. Ano ang ipinakikita ng Mga Taga-Efeso tungkol sa pakikipagtulungan sa mga kaayusan sa kongregasyon?
17 Ipinakikita rin ang layunin ng mga paghirang at pag-aatas sa kongregasyon. Ito ay sa “ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing pagmiministro, sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo,” at upang sumulong sa pagkamaygulang. Sa pakikipagtulungan sa mga kaayusang ito, posibleng “magsilaki [ang mga Kristiyano] sa pag-ibig sa lahat ng bagay sa kaniya na pinaka-ulo, ang Kristo.”—4:12, 15.
18. Ano ang nililinaw tungkol sa “banal na lihim” at sa espirituwal na templo?
18 Ang liham sa mga taga-Efeso ay nagdulot ng malaking pakinabang sa sinaunang kongregasyon sa pagpapatalas ng unawa sa “banal na lihim ng Kristo.” Niliwanag dito na “ang mga tao sa mga bansa” ay tinawag din upang maging “mga kapuwa tagapagmana at kasangkap ng katawan at kabahagi . . . sa pangako na kaisa ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng mabuting balita.” Inalis na “ang Batas ng mga kautusan,” ang pader na naghihiwalay ng Gentil sa Judio, at dahil sa dugo ng Kristo, lahat ay naging mga kababayan ng mga banal at kasambahay ng Diyos. Kabaligtaran ng paganong templo ni Artemis, sila’y itinatayong sama-sama na kaisa ni Kristo Jesus bilang dakong tatahanan ng Diyos sa espiritu—“isang banal na templo ukol kay Jehova.”—3:4, 6; 2:15, 21.
19. Anong pag-asa at pampatibay-loob ang patuloy na inihaharap ng Mga Taga-Efeso hanggang sa ngayon?
19 Kung tungkol sa “banal na lihim,” bumanggit din si Pablo ng “isang pangasiwaan . . . upang matipon uli nang sama-sama ang lahat ng bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit [yaong mga pinili ukol sa makalangit na Kaharian] at ang mga bagay na nasa lupa [yaong mga mabubuhay sa lupa sa ilalim ng Kaharian].” Kaya itinatampok ang dakilang layunin ng Diyos na isauli ang kapayapaan at pagkakaisa. Sa layuning ito nanalangin si Pablo alang-alang sa mga taga-Efeso, na ang mga mata ng puso ay naliwanagan, upang kanilang masakyan ang pag-asa na itinawag sa kanila ng Diyos at makita “ang maluwalhating mga kayamanan na ipamamana niya sa mga banal.” Tiyak na sa mga salitang ito ay lubos na napatibay ang kanilang pag-asa. At ang kinasihang liham sa mga taga-Efeso ay patuloy na nagpapatibay sa kongregasyon ngayon, upang ‘sa lahat ng bagay ay mapuspos tayo ng buong kapuspusan na ibinibigay ng Diyos.’—1:9-11, 18; 3:19.
[Mga talababa]
a Origin and History of the Books of the Bible, 1868, C. E. Stowe, pahina 357.
b New Bible Dictionary, ikalawang edisyon, 1986, pinamatnugutan ni J. D. Douglas, pahina 175.
c Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 182.
[Mga Tanong sa Aralin]