Aklat ng Bibliya Bilang 6—Josue
Aklat ng Bibliya Bilang 6—Josue
Manunulat: Si Josue
Saan Isinulat: Sa Canaan
Natapos Isulat: c. 1450 B.C.E.
Panahong Saklaw: 1473-c. 1450 B.C.E.
1. Anong sitwasyon ang napaharap sa Israel noong 1473 B.C.E.?
NOON ay 1473 B.C.E. Ang tagpo ay madula at kapana-panabik. Ang mga Israelita, na nagkakampo sa Kapatagan ng Moab, ay handa nang pumasok sa Canaan, ang Lupang Pangako. Ang teritoryo sa kabila ng Jordan ay tinatahanan ng maraming maliliit na kaharian, bawat isa’y may kani-kaniyang pribadong hukbo. Sila’y baha-bahagi at mahina dahil sa maraming taon ng tiwaling pananakop ng Ehipto. Ngunit, para sa Israel, mahirap silang talunin. Bago masakop ang lupain, dapat magapi ang nakukutaang mga lungsod na gaya ng Jerico, Ai, Hazor, at Lachish. Mapanganib ang hinaharap. Dapat paglabanan at pagwagihan ang malalaking digmaan, na magsasangkot ng paghihimala ni Jehova alang-alang sa kaniyang bayan, upang tuparin ang kaniyang pangako na ibigay sa kanila ang lupain. Tiyak na ang nagpapakilos na mga kaganapang ito, na namumukod-tangi sa mga pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan, ay dapat maiulat ng isa na mismong nakasaksi. Wala nang ibang nababagay dito kundi si Josue na inatasan ni Jehova bilang kahalili ni Moises!—Bil. 27:15-23.
2. Bakit angkop ang pagkapili kay Josue, bilang pinuno at tagapag-ulat?
2 Angkop-na-angkop ang pagpili kay Josue, kapuwa bilang pinunò at tagapag-ulat ng mga pangyayaring magaganap. Matalik silang nagsama ni Moises sa nakalipas na 40 taon sa ilang. Siya ang naging “ministro ni Moises mula sa kaniyang pagbibinata,” kaya siya ay kuwalipikado bilang pinuno sa espirituwal at sa militar. (Bil. 11:28; Exo. 24:13; 33:11; Jos. 1:1) Nang lisanin ng Israel ang Ehipto, noong 1513 B.C.E., kapitan siya ng mga hukbo ng Israel na tumalo sa mga Amalekita. (Exo. 17:9-14) Bilang tapat na kasama ni Moises at magiting na pinunò ng hukbo, likas lamang na siya ang kumatawan sa tribo ng Ephraim nang piliin ang isang lalaki mula sa bawat tribo para sa mapanganib na misyon ng paniniktik sa Canaan. Ang kaniyang katapangan at katapatan ay tumiyak sa kaniyang pagpasok sa Lupang Pangako. (Bil. 13:8; 14:6-9, 30, 38) Oo, si Josue, anak ni Nun, ay “isang lalaki na kinakasihan ng espiritu,” na “lubusang sumunod kay Jehova,” at “puspos ng espiritu ng karunungan.” Hindi kataka-taka na ang “Israel ay naglingkod kay Jehova sa lahat ng kaarawan ni Josue.”—Bil. 27:18; 32:12; Deut. 34:9; Jos. 24:31.
3. Ano ang patotoo na si Josue ay tunay-sa-buhay na lingkod ni Jehova, at na siya rin ang sumulat ng aklat na may pangalan niya?
3 Batay sa karanasan, pagsasanay, at subok na katangian bilang tunay na mananamba ni Jehova, tiyak na mapipili si Josue upang sumulat ng ‘mga Kasulatan na kinasihan ng Diyos.’ Siya ay hindi isang makaalamat na tauhan kundi isang tunay-sa-buhay na lingkod ni Jehova. Ang pangalan niya ay nasa Kristiyanong Kasulatang Griyego. (Gawa 7:45; Heb. 4:8) Kaya, kung si Moises ang sumulat ng mga kaganapan noong panahon niya, makatuwiran na ang kahalili niya, si Josue, ang sumulat ng mga kaganapan na mismong nasaksihan niya. Ipinakikita ng Josue 6:25 na ang aklat ay isinulat ng isa na nakasaksi sa mga pangyayari. Kay Josue iniuukol ng tradisyong Judio ang pagsulat, at ang aklat mismo ay nagsasaad: “Isinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Diyos.”—Jos. 24:26.
4. Papaanong ang pagiging-tunay ng aklat ni Josue ay napatunayan kapuwa ng katuparan ng hula at ng patotoo ng nahuling mga manunulat ng Bibliya?
4 Nang mawasak ang Jerico, bumigkas si Josue ng makahulang sumpa laban sa muling pagtatayo ng lungsod, at natupad ito noong kaarawan ni Ahab na hari ng Israel, mga 500 taon pagkatapos. (Jos. 6:26; 1 Hari 16:33, 34) Ang pagiging-tunay ng aklat ni Josue ay ipinakikita pa rin ng maraming pagtukoy ng nahuling mga manunulat ng Bibliya sa mga pangyayaring nakaulat dito. Muli’t-muli, ang mga salmista ay tumutukoy dito (Awit 44:1-3; 78:54, 55; 105:42-45; 135:10-12; 136:17-22), at maging sina Nehemias (Neh. 9:22-25), Isaias (Isa. 28:21), si apostol Pablo (Gawa 13:19; Heb. 11:30, 31), at ang alagad na si Santiago (Sant. 2:25).
5. (a) Anong yugto ang saklaw ng aklat ni Josue? (b) Bakit angkop ang pangalang Josue?
5 Ang aklat ni Josue ay sumasaklaw ng mahigit na 20 taon, mula sa pagpasok sa Canaan noong 1473 B.C.E. hanggang sa mga 1450 B.C.E., nang mamatay si Josue. Ang pangalang Josue (Hebreo, Yehoh·shuʹaʽ ), nangangahulugang “Si Jehova Ay Kaligtasan,” ay angkop-na-angkop dahil sa papel ni Josue bilang nakikitang pinunò sa Israel noong sakupin ang lupain. Iniukol niya kay Jehova ang lahat ng kapurihan bilang Tagapagligtas. Sa Septuagint ang aklat ay tinatawag na I·e·sousʹ (Griyegong katumbas ng Yehoh·shuʹaʽ ), at dito kinuha ang pangalang Jesus. Dahil sa katapangan, pagsunod, at katapatan, si Josue ay tunay na isang mahusay na makahulang larawan ng “ating Panginoong Jesu-Kristo.”—Roma 5:1.
NILALAMAN NG JOSUE
6. Sa anong mga seksiyon nahahati ang aklat ni Josue?
6 Ang aklat ay may apat na seksiyon: (1) ang pagtawid tungo sa Lupang Pangako, (2) ang pagsakop sa Canaan, (3) ang paghahati sa lupain, at (4) ang pahimakas na mga payo ni Josue. Ang buong ulat ay matingkad na isinasalaysay at siksik sa kapana-panabik na dula.
7. Anong pampasigla at payo ang ibinigay ni Jehova kay Josue?
7 Pagtawid tungo sa Lupang Pangako (1:1–5:12). Lubos na nakababatid sa mga pagsubok sa unahan, nagbigay agad si Jehova ng pampasigla at mahusay na payo kay Josue: “Magpakalakas ka at magpakatapang . . . Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, kundi iyong pagbubulayan araw at gabi, upang iyong magawa ang ayon sa lahat ng nasusulat dito; kung magkagayo’y pagtatagumpayin mo ang iyong lakad at kikilos ka nang may katalinuhan. Hindi ko ba iniutos sa iyo? Magpakalakas ka at magpakatapang . . . si Jehova na iyong Diyos ay sasa-iyo saan ka man pumaroon.” (1:7-9) Si Jehova ang pinarangalan ni Josue bilang tunay na Pinunò at Tagapag-utos at naghanda siya agad sa pagtawid sa Jordan. Tinanggap siya ng Israel bilang kahalili ni Moises, at nanumpa sila ng katapatan. Kaya, sulong, sa pagsakop ng Canaan!
8. (a) Papaano nagpamalas ng pananampalataya si Rahab? (b) Papaano ipinakita ni Jehova na siya ang “nabubuhay na Diyos” sa gitna ng Israel?
8 Dalawang tiktik ang isinugo sa Jerico. Nagpamalas ng pananampalataya kay Jehova ang patutot na si Rahab nang itago niya ang mga tiktik bagaman nanganganib ang kaniyang buhay. Bilang ganti, sumumpa ang mga tiktik na siya ay ililigtas sa paglipol ng Jerico. Bumalik ang mga tiktik dala ang balita na ang mga mamamayan ay pinanghinaan ng loob dahil sa Israel. Yamang kalugud-lugod ang ulat, agad lumipat si Josue sa Ilog Jordan, na noo’y nagbabaha. Pinatunayan ni Jehova na inaalalayan niya si Josue at na may “isang nabubuhay na Diyos” sa gitna ng Israel, gaya noong panahon ni Moises. (3:10) Nang tumuntong sa Jordan ang mga saserdote na pumapasan sa kaban ng tipan, ang tubig ay napigilan at ang mga Israelita ay nakatawid sa tuyong lupa. Kumuha si Josue ng 12 bato mula sa gitna ng ilog bilang alaala at naglagay pa ng 12 bato sa ilog, sa kinatatayuan ng mga saserdote, at nang makatawid na ang mga saserdote, ang tubig ay muling nagbaha.
9. Ano ang sumunod na nangyari sa Gilgal?
9 Nang makatawid, nagkampo ang bayan sa Gilgal, sa pagitan ng Jordan at ng Jerico, at doon itinayo ni Josue ang mga batong alaala bilang saksi sa darating na mga lahi at “upang makilala ng lahat ng bansa sa lupa ang kamay ni Jehova, na ito’y makapangyarihan; upang kayo’y matakot kay Jehova na inyong Diyos magpakailanman.” (4:24) (Ayon sa Josue 10:15, mula noon ang Gilgal ay malamang na naging kampong himpilan sa loob ng ilang panahon.) Dito tinuli ang mga anak ni Israel, yamang hindi nagkaroon ng pagtutuli sa ilang. Ipinagdiwang ang Paskuwa, huminto ang maná, at sa wakas ang mga Israelita ay nagsimulang kumain ng bunga ng lupain.
10. Papaano itinuro ni Jehova kay Josue ang pagsakop sa Jerico, at anong madulang pangyayari ang sumunod?
10 Ang pagsakop sa Canaan (5:13–12:24). Ang unang tunguhin ay napakalapit na. Ngunit papaano sasakupin ang “lubos na nakukubkob” na lungsod ng Jerico? (6:1) Nagbigay mismo si Jehova ng detalyadong paraan at isinugo ang “prinsipe ng hukbo ni Jehova” upang turuan si Josue. (5:14) Minsan isang araw sa loob ng anim na araw, ang mga hukbo ng Israel ay magmamartsa sa palibot ng lungsod, ang mga mandirigma sa unahan, na sinusundan ng mga saserdote na humihihip ng sungay ng tupa at ng mga pumapasan ng kaban ng tipan. Sa ikapitong araw, lilibot sila nang pitong beses. Ito ay ipinabatid ni Josue sa bayan. Gaya nang iniutos, nagmartsa ang mga hukbo sa palibot ng Jerico. Walang salitang bibigkasin. Walang maririnig kundi ang yabag ng mga paa at paghihip ng mga saserdote sa pakakak. Sa huling araw, pagkaraan ng ikapitong paglibot, humudyat si Josue na sila ay sumigaw. Sumigaw nga sila, “isang malakas na hiyaw ng pakikidigma,” at ang mga pader ng Jerico ay gumuho! (6:20) Nilusob nila ang lungsod, inagaw ito, at nilipol sa apoy. Tanging ang tapat na si Rahab at ang sambahayan niya ang nakaligtas.
11. Papaano nalunasan ang unang pagkatalo sa Ai?
11 Sulong pakanluran sa Ai! Nauwi sa pagkasiphayo ang inaasahang magaang na tagumpay, nang talunin ng mga lalaki ng Ai ang 3,000 kawal Israelita na sasakop sa lungsod. Bakit? Pinabayaan ba sila ni Jehova? May pagkabalisang nag-usisa si Josue kay Jehova. Sinabi ni Jehova na salungat sa utos niyang lipulin ang lahat ng nasa Jerico, isa sa kanila ang sumuway, nagnakaw ng isang bagay at nagkubli nito. Ang karumihang ito ay dapat alisin sa kampo upang ang Israel ay patuloy na pagpalain ni Jehova. Sa banal na patnubay, natuklasan si Achan, ang salarin, kaya siya at ang sambahayan niya ay binato hanggang mamatay. Nang maibalik ang pagsang-ayon ni Jehova, hinarap ng Israel ang Ai. Minsan pa’y ipinabatid ni Jehova ang estratehiyang gagamitin. Inakit ang mga lalaki ng Ai na lumabas sa nakukutaang lungsod at sila ay pinaligiran at tinambangan. Ang lungsod ay sinakop at winasak pati ang mga mamamayan nito. (8:26-28) Walang pakikipagkompromiso sa kaaway!
12. Anong banal na utos ang kasunod na tinupad ni Josue?
12 Bilang pagsunod sa utos ni Jehova kay Moises, si Josue ay nagtayo ng dambana sa Bundok Ebal at doo’y isinulat ang “isang kopya ng batas.” (8:32) Binasa niya ang mga salita ng Kautusan, sampu ng pagpapala at ang pagsumpa, sa kapulungan ng buong bansa habang sila ay nakatayo, ang kalahati ay sa harap ng Bundok Gerizim at ang kalahati sa harap ng Bundok Ebal.—Deut. 11:29; 27:1-13.
13. Ano ang ibinunga ng “katusuhan” ng mga Gabaonita?
13 Natakot sa bilis ng pananakop, ang ilang maliliit na kaharian sa Canaan ay nagkaisa upang hadlangan ang paglusob ni Josue. Nang ‘mabalitaan ng mga Gabaonita ang ginawa ni Josue sa Jerico at Ai, sila’y kumilos nang may katusuhan.’ (Jos. 9:3, 4) Nagkunwang galing sa isang lupaing malayo sa Canaan, nakipagtipan sila kay Josue na “pabayaan silang mabuhay.” Nang matuklasan ang pakana, iginalang ng Israel ang tipan ngunit ang mga Gabaonita ay ginawa nilang “tagaputol ng kahoy at tagasalok ng tubig.” gaya ng ‘pinaka-abang mga alipin,’ bilang bahagi ng katuparan ng kinasihang pagsumpa ni Noe kay Canaan, anak ni Ham.—Jos. 9:15, 27; Gen. 9:25.
14. Papaano ipinamalas ni Jehova sa Gabaon na siya ay nakikipaglaban para sa Israel?
14 Ang pagkampi ng mga Gabaonita ay hindi maliit na bagay, pagkat “ang Gabaon ay malaking lungsod . . . mas malaki pa sa Ai, at lahat ng mga lalaki ay makapangyarihan.” (Jos. 10:2) Nakita ni Adoni-sedek, hari ng Jerusalem, ang banta sa kaniya at sa iba pang hari sa Canaan. Dapat hadlangan ang patuloy na pagpanig sa kaaway. Kaya siya at apat pang hari (sa mga kahariang-lungsod ng Hebron, Jarmuth, Lachish, at Eglon) ay naghanda at nakipagdigma sa Gabaon. Bilang paggalang sa tipan, si Josue ay magdamag na nagmartsa upang sumaklolo sa Gabaon at nagapi ang limang hari. Muling sumali si Jehova sa labanan, na gumamit ng puwersa at himala na higit-sa-tao, at kapaha-pahamak ang naging bunga. Umulan ng pagkalalaking graniso na pumatay ng mas maraming kaaway kaysa mga tabak ng Israel. At, himala ng mga himala, ‘huminto ang araw sa gitna ng langit at hindi lumubog nang isang buong araw.’ (10:13) Kaya natapos ang pagsuyod sa kaaway. Maaaring hindi maniwala ang marurunong sa mundo, subalit ang banal na ulat ay tinatanggap ng mga may-pananampalataya, palibhasa’y nababatid ang kapangyarihan ni Jehova sa puwersa ng sansinukob at paggamit nito sa layunin niya. Oo, “si Jehova mismo ang nakikipaglaban para sa Israel.”—10:14.
15. Ilarawan ang pananakop at ang pagpuksa sa Hazor.
15 Matapos puksain ang limang hari, nilipol naman ni Josue ang Makkeda. Mabilis na bumaling sa timog, nilipol niya ang Libna, Lachish, Eglon, Hebron, at Debir—mga lungsod sa mga burol na nasa pagitan ng Dagat na Maalat at ng Malaking Dagat. Nakarating na sa buong Canaan ang balita ng pananakop. Sa hilaga, ang babala ay ibinigay ni Jabin, hari ng Hazor. Sa magkabilang panig ng Jordan, hanggang sa malayo, nanawagan siya ukol sa nagkakaisang pagkilos laban sa mga Israelita. Nang magkampo sila sa tabi ng mga tubig ng Merom, sa ibaba ng Bundok Hermon, ang nagkakatipong puwersa ng kaaway ay “kasindami ng mga buhangin sa baybayin ng dagat.” (11:4) Tiniyak uli ni Jehova ang tagumpay ni Josue at binalangkas ang estratehiya sa digmaan. Ang resulta? Isa na namang kahiya-hiyang pagkatalo ng mga kaaway ng bayan ni Jehova! Ang Hazor ay sinunog sa apoy, at pinagpupuksa ang mga kaalyadong lungsod at ang mga hari nito. Kaya napalawak ni Josue ang pananakop ng Israel sa buong Canaan. Tatlumpu’t-isang hari ang nagapi.
16. Anong pag-aatas ng lupain ang isinagawa?
16 Ang paghahati sa lupain (13:1–22:34). Sa kabila ng maraming tagumpay, pagwasak sa maraming mahalagang nakukutaang lungsod at pansamantalang pananaig sa organisadong paglaban, “napakalaki pa ang nalalabing lupain na dapat ariin.” (13:1) Ngunit si Josue ay malapit nang maging 80 anyos, at may isa pang malaking atas na dapat isagawa—ang paghahati sa lupain bilang mana ng siyam na tribo at ng kalahati ng tribo ni Manasses. Ang Reuben, Gad, at ang kalahati ng tribo ni Manasses ay tumanggap na ng manang lupa sa silangan ng Jordan, at ang tribo ni Levi ay hindi tatanggap, yamang ang kanilang mana ay “si Jehova na Diyos ng Israel.” (13:33) Sa tulong ni Eleazar na saserdote, gumawa si Josue ng pag-aatas sa kanluran ng Jordan. Ang 85-anyos na si Caleb, sabik pa ring lumaban sa mga kaaway ni Jehova hanggang sa wakas, ay humiling at inatasan sa lupain ng Hebron na pinamumugaran ng mga Anakim. (14:12-15) Matapos tanggapin ng mga tribo ang kani-kanilang mana sa pamamagitan ng pagpapalabunutan, hiniling ni Josue ang lungsod ng Timnat-sera sa kabundukan ng Ephraim, at ito ay ibinigay sa kaniya “sa utos ni Jehova.” (19:50) Ang tabernakulo ng kapisanan ay itinayo sa Silo, na naroon din sa bulubundukin ng Ephraim.
17. Anong paglalaan ang ginawa para sa mga lungsod-kanlungan at sa mga lungsod na tirahan ng mga Levita?
17 Inilaan ang anim na lungsod-kanlungan para sa hindi-sinasadyang nakapatay ng tao, tatlo sa magkabila ng Jordan. Sa kanluran ng Jordan ay ang Kedes sa Galilea, ang Sechem sa Ephraim, at ang Hebron sa maburol na lupain ng Juda. Sa silangan ay ang Bezer sa teritoryo ni Ruben, ang Ramoth sa Galaad, at ang Golan sa Basan. Ang mga ito’y itinuring na “banal.” (20:7) Mula sa abuloy ng mga tribo, apatnapu’t-walong lungsod na may pastulan ang iniatas sa pamamagitan ng palabunutan bilang tirahan ng mga Levita. Kabilang dito ang anim na lungsod-kanlungan. Kaya ang Israel “ay patuloy na nag-ari [sa lupain] at tumahan doon.” Gaya ng ipinangako ni Jehova, “lahat ay nagkatotoo.”—21:43, 45.
18. Anong krisis ang namuo sa pagitan ng mga tribo sa silangan at kanluran, ngunit papaano ito nalutas?
18 Taglay ang pampasigla at pagpapala ni Josue sa pagiging tapat, nagbalik na sa kanilang mga mana sa kabila ng Jordan ang mga mandirigma ng tribo ng Ruben at Gad at ng kalahating tribo ng Manasses na kasama pa ni Josue hanggang noon. Sa daan, malapit sa Jordan, nagtayo sila ng malaking dambana. Bumangon ang isang krisis. Yamang ang takdang dako ng pagsamba kay Jehova ay ang tolda ng kapisanan sa Silo, ang mga tribo sa kanluran ay nangamba sa pagtataksil at di-pagtatapat, kaya naghanda sila upang makipagbaka sa di-umano’y mga rebelde. Subalit naiwasan ang pagdanak ng dugo nang ipaliwanag na ang dambana ay hindi sa paghahain kundi upang magsilbing “saksi sa pagitan natin [ng Israel sa silangan at kanluran ng Jordan] na si Jehova ang tunay na Diyos.”—22:34.
19, 20. (a) Anong pahimakas na payo ang ibinigay ni Josue? (b) Anong isyu ang iniharap niya sa Israel, at papaano niya idiniiin ang tamang pagpili na dapat gawin ng Israel?
19 Ang pahimakas na mga payo ni Josue (23:1–24:33). ‘Matapos pagpahingahin ni Jehova ang Israel mula sa kanilang mga kaaway, at si Josue ay matanda na at puspos ng mga taon,’ ay tinipon niya ang Israel para sa pahimakas na mga payo. (23:1) Mapagpakumbaba hanggang wakas, iniukol niya kay Jehova ang kapurihan sa dakilang mga tagumpay laban sa mga bansa. Lahat ay dapat manatiling tapat! “Magpakatapang kayo upang maingatan at gawin ang lahat ng nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na huwag liliko sa kanan o kaliwa.” (23:6) Dapat nilang itakwil ang huwad na mga diyos at ‘laging pag-ingatan ang kanilang kaluluwa sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na kanilang Diyos.’ (23:11) Hindi dapat makipagkompromiso sa mga Cananeo, huwag mag-aasawa o makikiisa ng pananampalataya sa kanila, sapagkat ito ang hihila sa nag-aapoy na galit ni Jehova.
20 Matapos tipunin ang lahat ng tribo sa Sechem at paharapin kay Jehova ang mga kinatawan nito, isinaysay ni Josue ang karanasan ni Jehova sa pakikitungo sa kanila mula nang si Abraham ay tawagin at dalhin sa Canaan hanggang sa ito ay masakop at matirahan. Muling nagbabala si Josue laban sa huwad na relihiyon, at nanawagan sa Israel na “matakot kay Jehova at paglingkuran siya sa kawalang-kapintasan at katotohanan.” Oo, “paglingkuran si Jehova”! Saka buong-linaw niyang isinaad: “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran, ang mga diyos ng inyong mga ninuno . . . o ang mga diyos ng mga Amorheo na ang lupai’y inyong tinatahanan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” May pagtitiwalang tulad ni Moises, ipinaalaala niya sa Israel na si Jehova “ay banal na Diyos; na humihingi ng bukod-tanging pagsamba.” Kaya, itakwil ang ibang diyos! Napakilos ang bayan na ipahayag nang may pagkakaisa: “Si Jehovang Diyos ang aming paglilingkuran, at ang tinig niya ang aming didinggin!” (24:14, 15, 19, 24) Bago sila payaunin, si Josue ay nakipagtipan sa kanila, isinulat ang mga salita sa aklat ng kautusan ng Diyos, at nagtayo ng isang malaking bato na pinakasaksi. Pagkatapos ay namatay siya sa matandang edad na 110 taon at siya ay inilibing sa Timnat-serah.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
21. Anong matalinong payo sa aklat ni Josue ang may bukod-tanging pakinabang sa ngayon?
21 Sa pagbasa ninyo sa pahimakas na mga payo ni Josue sa tapat na paglilingkod, hindi ba napakikilos ang inyong puso? Hindi ba ninyo nauulit ang mga salita na binigkas niya mahigit na 3,400 taon na ngayon: “Para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova”? O kung naglilingkod kayo sa ilalim ng pagsubok o hiwalay sa iba, hindi ba kayo napasisigla ng mga salita ni Jehova kay Josue sa pasimula ng paglalakbay sa Lupang Pangako: “Magpakalakas ka at magpakatapang”? At, nagkamit ba kayo ng di-masukat na pakinabang sa pagsunod sa Kaniyang payo na ‘bulaybulayin [ang Bibliya] araw at gabi, upang magtagumpay ang iyong mga lakad’? Matutuklasan ng lahat na ang matalinong payong ito ay lubhang kapaki-pakinabang.—24:15; 1:7-9.
22. Anong mahahalagang katangian ng tunay na pagsamba ang itinatampok?
22 Ang matingkad na ulat ng Josue ay higit pa kaysa matandang kasaysayan lamang. Nagtatampok ito ng maka-diyos na mga simulain—higit sa lahat, na ang walang-pasubaling pananampalataya at tiwala kay Jehova ay mahalaga sa kaniyang pagpapala. Sinabi ni apostol Pablo na sa pananampalataya “ay bumagsak ang mga pader ng Jerico matapos palibutan nang pitong araw,” at “si Rahab na patutot ay hindi namatay na kasama ng mga masuwayin.” (Heb. 11:30, 31) Binabanggit din ni Santiago si Rahab bilang kapaki-pakinabang na halimbawa ng mga gawa ng pananampalataya.—Sant. 2:24-26.
23. Anong mapuwersang mga paalaala ang nilalaman ng Josue?
23 Ang makahimalang mga pangyayari sa Josue 10:10-14, ang paghinto ng araw at pagtigil ng buwan, pati na ang iba pang himala na ginawa ni Jehova para sa kaniyang bayan, ay mabisang mga paalaala sa kakayahan at layunin ni Jehova na puksain ang lahat ng balakyot na sumasalansang sa Diyos. Ang Gabaon, dakong pinaglabanan noong panahon nina Josue at David, ay iniuugnay ni Isaias sa pagbangon ni Jehova sa pagpuksa, “upang kaniyang magawa ang kaniyang gawain—kakatwa ang gawain niya—at upang ganapin ang kaniyang gawa—kakaiba ang kaniyang gawa.”—Isa. 28:21, 22.
24. Papaano nauugnay ang aklat ni Josue sa mga pangako ng Kaharian, at anong katiyakan ang ibinibigay nito na ‘lahat ay magkakatotoo’?
24 Ang Kaharian ba ng Diyos ay itinuturo ng mga kaganapan sa Josue? Tiyak yaon! Ipinakita ni apostol Pablo na ang pananakop at paninirahan sa Lupang Pangako ay nauugnay sa isang bagay na mas dakila: “Sapagkat kung inakay sila ni Josue sa isang dako ng kapahingahan, hindi na sana bumanggit ang Diyos ng ibang araw. Kaya may nalalabi pang sabbath na pamamahinga sa bayan ng Diyos.” (Heb. 4:1, 8, 9) Nagsisikap sila upang matiyak ang “pagpasok sa walang-hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” (2 Ped. 1:10, 11) Gaya ng ipinakikita ng Mateo 1:5, si Rahab ay naging ninuno ni Jesu-Kristo. Ang aklat ni Josue ay isa pang mahalagang kawing sa ulat na umaakay sa pagluluwal ng Binhi ng Kaharian. Tinitiyak nito na ang mga pangako ng Kaharian ni Jehova ay matutupad. Bilang pagtukoy sa pangako ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob at yaong inulit sa mga inapo nilang Israelita, ang ulat ay nagsasabi hinggil sa kaarawan ni Josue: “Ni isang pangako ay hindi nagkulang sa lahat ng mabuting pangako na ibinigay ng Diyos sa sambahayan ni Israel; lahat ay nagkatotoo.” (Jos. 21:45; Gen. 13:14-17) Kaya, ang “mabuting pangako” ni Jehova tungkol sa matuwid na Kaharian ng langit—ito ay magkakatotoo!
[Mga Tanong sa Aralin]