Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 63—2 Juan

Aklat ng Bibliya Bilang 63—2 Juan

Aklat ng Bibliya Bilang 63​—2 Juan

Manunulat: Si Apostol Juan

Saan Isinulat: Sa Efeso, o malapit dito

Natapos Isulat: c. 98 C.E.

1. Kanino malamang na isinulat ang Ikalawang Juan?

 MAIKLI ang ikalawang liham ni Juan​—nagkasiya marahil ito sa iisang pohas ng papiro​—ngunit malamán. Patungkol ito “sa hirang na ginang at sa kaniyang mga anak.” Palibhasa ang “Kyria” (Griyego para sa “ginang”) ay ginamit noon bilang pangalang pantangi, naniniwala ang ilang iskolar ng Bibliya na ang sinusulatan ay isang indibiduwal na may gayong pangalan. Gayunman, may nag-aakala na si Juan ay sumusulat sa isang kongregasyong Kristiyano, ang “hirang na ginang.” Maaaring ginawa ito upang lituhin ang mga mang-uusig. Kung gayon, ang pagbati ng “mga anak ng inyong kapatid na babae” sa huling talata ay mula sa mga miyembro ng ibang kongregasyon. Kaya ang ikalawang liham ay hindi kasinlawak ng una, sapagkat maliwanag na isinulat ito sa isang indibiduwal o sa isang partikular na kongregasyon.​—Tal. 1.

2. (a) Anong ebidensiya ang nagpapakilala kay apostol Juan bilang manunulat ng Ikalawang Juan? (b) Ano ang nagpapahiwatig na ang liham ay isinulat sa kapaligiran ng Efeso, noong mga 98 C.E., at ano ang nagpapakilala sa pagiging-tunay nito?

2 Walang saligan upang mag-alinlangan na si Juan ang sumulat nito. Tinutukoy ng manunulat ang sarili bilang “ang matanda.” Tiyak na kumakapit ito kay Juan hindi lamang dahil sa edad kundi dahil sa pagiging isa sa “mga haligi” (Gal. 2:9) at bilang huling nabubuhay na apostol, tunay na isa siyang “matanda” sa kongregasyong Kristiyano. Tanyag siya at hindi na kailangan ang karagdagang pagpapakilala. Ipinahihiwatig din ito ng pagkakatulad sa estilo ng unang liham at ng Ebanghelyo ni Juan. Gaya ng unang liham, ang ikalawa ay waring isinulat sa kapaligiran ng Efeso, noong mga 98 C.E. Tungkol sa Ikalawa at Ikatlong Juan, nagkomento ang Cyclopedia nina McClintock at Strong: “Batay sa pangkalahatang pagkakahawig, maipapasiya na ang dalawang liham ay isinulat hindi nagtagal matapos ang Unang Liham mula sa Efeso. Kapuwa kumakapit ito sa indibiduwal na mga kaso na ang mga simulain ay isinasaad nang buo sa Unang Liham.” a Bilang pagkilala sa pagiging-tunay, ang liham ay sinipi ni Irenaeus, ng ikalawang siglo, at tinanggap ni Clement ng Aleksandriya, ng panahon ding yaon. b Nakatala rin ang mga liham ni Juan sa Muratorian Fragment.

3. Bakit isinulat ni Juan ang liham?

3 Gaya ng sa Unang Juan, isinulat ito dahil sa pagsalakay ng huwad na mga guro sa pananampalatayang Kristiyano. Nais ni Juan na mabigyang-babala ang mga mambabasa upang makilala at maiwasan ang mga ito, at patuloy na lumakad sa katotohanan, sa pag-ibig sa isa’t-isa.

NILALAMAN NG IKALAWANG JUAN

4. Bakit lalung-lalo nang nagpapayo si Juan na mag-ibigan sa isa’t-isa, at papaano dapat pakitunguhan ang mga lumalaktaw sa turo ni Kristo?

4 Mag-ibigan sa isa’t-isa; itakwil ang mga apostata (Tal. 1-13). Matapos ipahayag ang pag-ibig sa katotohanan para sa ‘hirang na ginang at sa kaniyang mga anak,’ nagagalak si Juan na makitang ang ilan ay lumalakad as katotohanan, gaya ng iniutos ng Ama. Hiniling niya na ipakita ang pag-ibig sa isa’t-isa sa patuloy na paglakad ayon sa mga utos ng Diyos. Naglipana sa sanlibutan ang mga magdaraya at anti-kristo, na hindi nagpapahayag na si Jesu-Kristo ay naparito sa laman. Ang lumalaktaw sa turo ni Kristo ay hindi kinaroroonan ng Diyos, ngunit ang nananatili rito “ay kinaroroonan kapuwa ng Ama at ng Anak.” Huwag tatanggapin sa bahay ang sinomang hindi nagdadala ng turong ito, at hindi rin siya dapat batiin. Marami pang gustong isulat si Juan, ngunit umaasa siyang makaparoon at makipag-usap nang mukhaan, upang “malubos” ang kanilang kagalakan.​—Tal. 9, 12.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

5. (a) Anong sitwasyon ang bumangon noong panahon ni Juan na kagaya rin ng sa ngayon? (b) Gaya ni Juan, papaano tayo magpapakita ng pagpapahalaga ngayon sa pagkakaisa ng kongregasyon?

5 Waring noong panahon ni Juan, gaya sa ngayon, may mga hindi kontento sa maliwanag, payak na mga turo ni Kristo. Nais nila ng higit pa, yaong kikiliti sa kanilang amor-propiyo, yaong dadakila sa kanila na kapantay ng makasanlibutang mga pilosopo, at handa silang parumihin at dulutan ng pagkabaha-bahagi ang kongregasyong Kristiyano upang matugunan ang kanilang malasariling mga tunguhin. Pinahalagahan ni Juan ang pagkakasuwato ng kongregasyon salig sa pag-ibig at wastong turo na kaisa ng Ama at ng Anak. Dapat din tayong mag-ukol ng gayong pagpapahalaga sa pagkakaisa ng kongregasyon ngayon, sukdulang iwasan ang pakikisama o pagbati sa mga apostatang nagdadala ng turo na naiiba sa ipinagkaloob ng kinasihang Kasulatan. Sa patuloy na paglakad ayon sa mga utos ng Diyos, makatitiyak tayo na “[sasa-]atin ang di-sana-nararapat na kabaitan, awa at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Jesu-Kristo na Anak ng Ama, sa katotohanan at pag-ibig.” (Tal. 3) Tiyak na idiniriin ng ikalawang liham ni Juan ang pagiging-pinagpala ng gayong pagkakaisang Kristiyano.

[Mga talababa]

a Muling paglilimbag noong 1981, Tomo IV, pahina 955.

b New Bible Dictionary, ikalawang edisyon, 1986, pinamatnugutan ni J. D. Douglas, pahina 605.

[Mga Tanong sa Aralin]