Aklat ng Bibliya Bilang 8—Ruth
Aklat ng Bibliya Bilang 8—Ruth
Manunulat: Si Samuel
Saan Isinulat: Sa Israel
Natapos Isulat: c. 1090 B.C.E.
Panahong Saklaw: 11 taon ng pamamahala ng mga hukom
1. (a) Bakit hindi lamang kuwento ng pag-ibig ang aklat ng Ruth? (b) Anong pantanging pagtukoy ang ibinibigay ng Bibliya kay Ruth?
ANG aklat ng Ruth ay isang kalugud-lugod na dula na namumukadkad sa magandang istorya ng pag-iibigan nina Boaz at Ruth. Ngunit hindi lamang ito kuwento ng pag-ibig. Hindi nito layunin na umaliw. Ito ay nagtatampok sa layunin ni Jehova na magluwal ng tagapagmana ng Kaharian at nagtatanghal ng Kaniyang kagandahang-loob. (Ruth 1:8; 2:20; 3:10) Ang lawak ng pag-ibig ni Jehova ay makikita sa pagpili ng isang Moabita, dating mananamba ng paganong diyos na si Chemosh, na yumakap sa tunay na relihiyon at naging ninuno ni Jesu-Kristo. Si Ruth ay isa sa apat na babae sa talaangkanan mula kay Abraham hanggang kay Jesus. (Mat. 1:3, 5, 16) Dalawang aklat sa Bibliya ang ipinangalan sa mga babae, kay Ruth, at kay Ester.
2. Kailan naganap ang mga pangyayari sa Ruth, kailan isinulat ang aklat, at nino?
2 “Noong mga kaarawan na humahatol ang mga hukom . . . ” Ang pambungad na ito sa aklat ng Ruth ay nagsisimula ng isang kapana-panabik na salaysay. Dito’y mauunawaan na ang aklat ay nasulat nang dakong huli, noong panahon ng mga hari sa Israel. Gayunman, ang mga pangyayari sa aklat ay sumasaklaw ng 11 taon sa panahon ng mga hukom. Bagaman hindi binabanggit ang sumulat, malamang na yao’y si Samuel, na malamang na siya ring sumulat ng Mga Hukom at namumukod-tanging tapat na tauhan sa pasimula ng yugto ng mga hari. Yamang ipinahihiwatig ng pantapos na mga talata na si David ay napabantog na, lumilitaw na ito ay isinulat noong mga 1090 B.C.E. Interesado si Samuel sa pag-uulat ng isang talaangkanan hanggang kay David, palibhasa’y lubos niyang nababatid ang pangako ni Jehova tungkol sa “leon” mula sa tribo ni Juda, at siya ang ginamit ni Jehova sa pagpapahid kay David mula sa tribong yaon bilang hari sa Israel.—Gen. 49:9, 10; 1 Sam. 16:1, 13; Ruth 1:1; 2:4; 4:13, 18-22.
3. Ano ang patotoo ng pagiging-kanonikal ng Ruth?
3 Kailanma’y hindi pinag-alinlanganan ang pagiging-kanonikal ng Ruth. Tinitiyak ito ng pagtatala kay Ruth sa kinasihang tala ng angkan ni Jesus sa Mateo 1:5. Ang Ruth ay dati nang ibinibilang ng mga Judio sa Hebreong kanon. Kaya hindi kataka-taka na ito ay kasama ng iba pang kanonikal na aklat sa Dead Sea Scrolls na natuklasan pasimula noong 1947. Isa pa, ang Ruth ay kasuwatong-kasuwato ng mga layunin ng Kaharian ni Jehova at ng mga kahilingan ng Kautusan ni Moises. Bagaman ipinagbawal ang pag-aasawa sa mga Cananeo at Moabita na sumasamba-sa-idolo, hindi kabilang dito ang mga dayuhang gaya ni Ruth na yumakap sa pagsamba kay Jehova. Sa aklat ng Ruth, ang batas sa pagtubos at pag-aasawa-sa-bayaw ay detalyadong sinusunod.—Deut. 7:1-4; 23:3, 4; 25:5-10.
NILALAMAN NG RUTH
4. Anong pasiya ang napaharap kay Ruth, at ano ang ipinahihiwatig ng pasiyang ito sa kaniyang pagsamba?
4 Nagpasiya si Ruth na pumisan kay Naomi (1:1-22). Sa pasimula ng salaysay ay may taggutom sa Israel. Si Elimelech, taga-Betlehem, ay tumawid sa Jordan upang manirahan pansamantala sa Moab kasama ang asawa, si Naomi, at dalawang anak na lalaki, sina Mahlon at Chilion. Nag-asawa sila ng mga Moabita, sina Orpah at Ruth. Ang pamilya ay nilansag ng sakuna, una’y namatay ang ama, at pagkatapos ay ang dalawang anak na lalaki. Naiwan ang tatlong balo na walang anak, at walang binhi para kay Elimelech. Nang mabalitaan na pinagpala uli ni Jehova ang Israel sa paglalaan ng makakain, si Naomi’y nagpasiyang bumalik sa sariling bayan ng Juda. Sumama ang mga manugang niya. Nagsumamo si Naomi na sila’y bumalik sa Moab, at nanalangin na sana’y pagkalooban sila ni Jehova ng asawa sa mga kababayan nila. Sa wakas si Orpah ay “nagbalik sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos,” subalit nagpaiwan si Ruth, taimtim at matatag sa pagsamba kay Jehova. Ang pasiya niya’y ipinapahayag nang buong-ganda ng mga salitang: “Saan ka man pumaroon ay paroroon ako, at kung saan ka magpapahinga, doon ako magpapahinga. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos. Kung saan ka mamamatay ay doon ako mamamatay at doon ako ililibing. Hatulan nawa ako ni Jehova at dagdagan pa niya kung liban sa kamatayan ay may ibang maglalayo sa iyo at sa akin.” (1:15-17) Sinabi ng balo at walang-anak na si Naomi na ang pangalan niya na nangangahulugang “Aking Kaluguran,” ay palitan ng Mara, o “Mapait.”
5. Anong mahuhusay na katangian ang ipinamalas ni Ruth, at papaano pinalakas ni Boaz ang kaniyang loob?
5 Namulot si Ruth sa bukid ni Boaz (2:1-23). Sa Betlehem, pinayagan ni Naomi si Ruth na mamulot ng sebada. Napansin siya ni Boaz, may-ari ng bukid, nakatatandang Judio at malapit na kamag-anak ng biyenan niyang si Elimelech. Bagaman ang batas ng Diyos ay nagbigay-karapatan sa kaniya na mamulot, si Ruth ay may-kaamuang humingi muna ng pahintulot. (Lev. 19:9, 10) Pinayagan siya, at sinabi ni Boaz na doon na lamang siya mamulot sa kaniyang bukid, kasama ng ibang babae. Matapos sabihing napabalita ang katapatan niya kay Naomi, pinalakas ni Boaz ang loob niya sa mga salitang: “Gantihin nawa ni Jehova ang iyong ikinilos, at pagkalooban ka nawa ni Jehova ng sakdal na kabayaran, sa ilalim ng mga pakpak niyaong iyong pagkakanlungan.” (Ruth 2:12) Kinagabihan ay iniuwi ni Ruth ang kaniyang pinagpagalan at sinabi kay Naomi na marami siyang napulot dahil sa kabaitan ni Boaz. Dito’y nakita ni Naomi ang kamay ni Jehova, at sinabi: “Pagpalain nawa siya ni Jehova, na hindi nagkait ng kagandahang-loob sa mga buháy at sa mga patay. . . . Ang taong yaon ay kamag-anak natin. Isa siya sa mga tagatubos natin.” (2:20) Oo, si Boaz ay isang malapit na kamag-anak, na ayon sa batas ay makapaglalaan ng supling kay Naomi sa pangalan ng namatay na si Elimelech. Nagpatuloy si Ruth ng pamumulot sa bukirin ni Boaz hanggang sa matapos ang pag-aani ng sebada at trigo.
6. Papaano hiniling ni Ruth ang pag-aasawa sa isang tagatubos, at ano ang itinugon ni Boaz?
6 Si Boaz, bilang tagatubos, ay nag-asawa kay Ruth (3:1–4:22) Palibhasa napakatanda na upang magluwal ng supling, inutusan ni Naomi si Ruth na humalili sa kaniya sa pag-aasawa sa tagatubos. Sa napakahalagang panahong yaon, nakaugalian ng maylupa na mangasiwa mismo sa pagtatahip, na ginagawa sa gabi upang samantalahin ang malakas na hangin. Si Boaz ay matutulog sa giikan at doon siya nasumpungan ni Ruth. Tahimik siyang lumapit, inalis ang takip ng paa ni Boaz, at nahiga. Nang magising ito sa hatinggabi, nagpakilala si Ruth at, bilang pagtalima sa kaugalian ng mga babae na humihingi ng karapatan ng pag-aasawa-sa-bayaw, ay humiling na iladlad sa kaniya ang kumot nito. a Sinabi ni Boaz, “Pagpalain ka nawa ni Jehova, anak ko,” at pinapurihan siya sa hindi paglapit sa mga binata dahil sa pita o kasakiman. Hindi ito pag-aalok ng mahalay na pakikipag-ugnayan, sapagkat si Ruth ay nakilala bilang isang “kapuri-puring babae.” (3:10, 11) Subalit, gaya ng sinabi ni Boaz, may isa pang tagatubos na mas malapit ang relasyon sa kaniya; kakausapin ito ni Boaz kinaumagahan. Nanatiling nakahiga si Ruth sa paanan nito hanggang madaling araw. Pagkatapos ay binigyan siya ng aning butil, at siya ay nagbalik kay Naomi, na may pananabik na nagtanong tungkol sa kinalabasan.
7. Papaano isinaayos ni Boaz ang pag-aasawa, at anong pagpapala ang ibinunga nito?
7 Maagang nagtungo si Boaz sa pintuang bayan upang hanapin ang tagatubos. Kasama ang sampung matatanda bilang saksi, ibinigay niya sa malapit na kamag-anak ang unang pagkakataon na tubusin ang lahat ng pag-aari ni Elimelech. Gagawin ba niya ito? Pumayag agad ito nang lumitaw na lalago ang kayamanan niya. Subalit nang malaman ang kahilingan na tuparin kay Ruth ang pag-aasawa-sa-bayaw, nangamba siya sa sariling mana at tumanggi sa pamamagitan ng paghubad ng sandalyas. Sa Bibliya nanatili siyang walang pangalan, na tinukoy lamang bilang “Si Kuwan.” Sa harap ng mga saksi, tinubos ni Boaz si Ruth bilang asawa. Dahil ba ito sa pag-iimbot? Hindi, kundi upang “ang pangalan ng namatay ay huwag mahiwalay.” (4:1, 10) Lahat ng naroon ay humingi ng pagpapala ni Jehova sa maibiging kaayusang ito, at tunay na kamangha-mangha ang naging pagpapala! Si Ruth ay nagluwal ng anak na lalaki para kay Boaz sa katandaan nito, at si Naomi ang nag-alaga sa bata. Tinawag siya na “anak na lalaki . . . ni Naomi” at pinangalanang Obed.—4:17.
8. Ano pa ang nagpapahiwatig na ang pagluluwal ng Binhing pangako ay kaayusan ni Jehova?
8 Nasa katapusan ng Ruth ang talaangkanan mula kay Perez sa pamamagitan ni Boaz, hanggang kay David. Pinuna ng mga kritiko na hindi nakatala ang lahat ng salinlahi, at na ang mga yugto ay napakalaki para sa kakaunting tao. Totoo ba ito? Hindi kaya bawat isa ay pinagpalà ng mahabang buhay at ng pagkakaroon ng anak sa katandaan? Malamang na wasto ang palagay na ito, upang idiin na ang paglitaw ng ipinangakong Binhi ay kaayusan at di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, hindi dahil sa likas na kakayahan ng tao. Ginamit din ni Jehova sa ibang okasyon ang kapangyarihang ito, gaya ng sa pagsilang nina Isaac, Samuel, at Juan na Tagapagbautismo.—Gen. 21:1-5; 1 Sam. 1:1-20; Luc. 1:5-24, 57-66.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
9. Papaano nagsisilbing mabuting halimbawa sa atin ngayon ang pangunahing mga tauhan sa dula ng Ruth?
9 Kapaki-pakinabang ang kasiya-siyang ulat na ito at nagpapatibay sa pananampalataya ng mga umiibig sa katuiwran. Ang mga pangunahing tauhan sa dula ay may pambihirang pananampalataya kay Jehova, at sila “ay napatotohanan dahil sa pananampalataya.” (Heb. 11:39) Sila’y halimbawa sa atin ngayon. Taimtim ang tiwala ni Naomi sa kagandahang-loob ni Jehova. (Ruth 1:8; 2:20) Nilisan ni Ruth ang sariling bayan upang sumamba kay Jehova; siya ay tapat at mapagpasakop, bukod pa sa masipag. Ang paggalang ni Boaz sa batas ni Jehova at ang may-kaamuang pagsunod sa kalooban ni Jehova, sampu ng pag-ibig niya sa tapat na si Naomi at sa masipag na si Ruth, ay umakay upang magampanan ang kaniyang pribilehiyo bilang tagatubos.
10. Bakit dapat mapatibay ng ulat sa Ruth ang ating pagtitiwala sa mga pangako ng Kaharian?
10 Ang paglalaan ni Jehova ng pag-aasawa, at sa kasong ito ay sa kaayusan ng pagtubos, ay natupad sa ikararangal niya. Si Jehova ang Tagapagsaayos ng pag-aasawa nina Boaz at Ruth, at pinagpala niya ito ayon sa kaniyang kagandahang-loob; paraan niya ito upang huwag mapatid ang maharlikang hanay ni Juda na humantong kay David at sa Lalong-Dakilang David, si Jesu-Kristo. Ang maingat na pagsubaybay ni Jehova sa pagluluwal ng Tagapagmana ng Kaharian ayon sa kaniyang legal na paglalaan ay dapat magpatibay sa ating pag-asa at pagtitiwala sa katuparan ng lahat ng pangako ng Kaharian. Dapat tayong pukawin sa pagiging-abala sa makabagong gawain ng pag-aani, na nakatitiyak ng sakdal na kabayaran mula kay Jehova, ang Diyos ng espirituwal na Israel, na sa ilalim ng ‘mga pakpak [niya] ay nanganganlong tayo’ at na ang mga layunin ng kaniyang Kaharian ay papalapit na sa maluwalhating katuparan. (2:12) Ang aklat ng Ruth ay isa pang mahalagang kawing sa ulat na umaakay sa Kahariang yaon!
[Talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 829.
[Mga Tanong sa Aralin]