Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aralin Bilang 1—Isang Pagdalaw sa Lupang Pangako

Aralin Bilang 1—Isang Pagdalaw sa Lupang Pangako

Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito

Aralin Bilang 1​—Isang Pagdalaw sa Lupang Pangako

Ang mga rehiyon, pisikal na mga katangian, mga bundok at libis, ilog at lawa, at ang klima, lupa, at sari-saring pananim ng lupain.

1. (a) Bakit lubhang naaangkop ang katawagang “Lupang Pangako”? (b) Anong maluwalhating pag-asa ang maaaring isaisip habang sinusuri ang heograpiya ng lupain?

 ANG mga hangganan ng sinaunang Lupang Pangako ay itinakda ng Diyos na Jehova. (Exo. 23:31; Bil. 34:1-12; Jos. 1:4) Sa loob ng maraming dantaon tinukoy ito ng iba bilang ang lupain ng Palestina, isang pangalang hango sa Latin na Palaestina at sa Griyegong Pa·lai·stiʹne. Ang huling salita ay hinalaw sa Hebreong Peleʹsheth. Sa Kasulatang Hebreo, ang Peleʹsheth ay isinaling “Filistia,” at tumutukoy lamang sa teritoryo ng mga Filisteo, na naging kaaway ng bayan ng Diyos. (Exo. 15:14) Gayunman, yamang ipinangako ito ni Jehova sa tapat na si Abraham at sa kaniyang mga inapo, ang katawagang “Lupang Pangako,” o “Lupang Ipinangako,” ay lubhang naaangkop. (Gen. 15:18; Deut. 9:27, 28; Heb. 11:9) Kahanga-hanga ang pagkasari-sari ng heograpiya nito, na sa isang maliit na dako ay napipisan ang maraming iba’t-ibang katangian at kalabisan na masusumpungan sa buong lupa. Kung naipamana ni Jehova sa kaniyang sinaunang mga saksi ang ganitong lupang pangako at ang magagandang mga katangian nito, tiyak na mailalaan niya ang isang maluwalhating bagong sanlibutang paraiso na sasaklaw sa buong lupa, sampu ng mga bundok, libis, ilog, at mga lawa, sa ikaliligaya ng nag-alay niyang mga mananamba. Bigyan natin ng masusing pansin ang heograpiya ng Lupang Pangako, habang dinadalaw natin ito sa ating guni-guni. a

PANGKALAHATANG SUKAT

2. Gaano kalaking bahagi ng Lupang Pangako ang sinakop ng mga Judio, at sa ano pang karagdagang teritoryo?

2 Ayon sa bigay-Diyos na mga hangganang binabanggit sa Bilang 34:1-12, ang lupaing ipinangako sa Israel ay makitid na teritoryo. Ito’y mga 480 kilometro mula hilaga hanggang timog at mga 56 kilometro ang lapad, sa katamtaman. Noong maghari sina David at Solomon saka lamang nasakop ang buong ipinangakong lupain sa pamamagitan ng pakikidigma na humantong sa pagsakop ng maraming mga bayan. Gayunman, ang dakong aktuwal na tinirahan ng mga Judio ay karaniwan nang sumasaklaw mula Dan hanggang Beer-seba, na may habang 240 kilometro mula hilaga hanggang timog. (1 Hari 4:25) Kung tatawirin ang lupain mula sa Bundok Carmelo hanggang sa Dagat ng Galilea, ang distansiya ay mga 51 kilometro, at sa timog na kung saan ang baybayin ng Mediteranyo ay unti-unting lumiliko sa timog- kanluran, may mahigit na 80 kilometro mula Gaza hanggang Dagat na Patay. Ang dakong ito sa kanluran ng Ilog Jordan ay mga 15,000 kilometro-kuwadrado lamang. Gayunman, sinakop din ng mga Israelita ang mga lupain sa silangan ng Jordan (mga lupaing hindi kalakip sa orihinal na ipinangakong mga hangganan), upang bumuo ng isang teritoryo na kukulangin sa 26,000 kilometro-kuwadrado.

LIKAS NA MGA REHIYON

3. Sa tulong ng mapang “Likas na mga Rehiyon ng Lupang Pangako,” banggitin sa maikli ang mga dakong kalakip ng sumusunod na likas na mga pagkakahati ng lupain: (a) mga kapatagan sa kanluran ng Jordan, (b) mga bulubundukin sa kanluran ng Jordan, (c) mga kabundukan at talampas sa silangan ng Jordan.

3 Ang ating pagdalaw sa Lupang Pangako ay maghahatid sa atin sa sumusunod na likas na mga pagkakahati ng lupain. Ang balangkas sa ibaba ay magsisilbing giya sa kalakip na mapa, na nagpapakita ng tinatayang hangganan ng mga dakong tinatalakay.

Heograpikal na mga Rehiyon

A. Baybayin ng Malaking Dagat.​—Jos. 15:12.

B. Mga Kapatagan sa Kanluran ng Jordan

1. Kapatagan ng Aser.​—Huk. 5:17.

2. Ang Baybayin ng Dor.​—Jos. 12:23.

3. Baybaying Kapatagan ng Sharon.​—1 Cron. 27:29; Awit ni Sol. 2:1.

4. Kapatagan ng Filistia.​—Gen. 21:32; Exo. 13:17.

5. Silangan-Kanlurang Gitnang Libis

a. Kapatagan ng Megido (Esdraelon).​—2 Cron. 35:22.

b. Libis ng Jezreel.​—Huk. 6:33.

C. Mga Bulubundukin sa Kanluran ng Jordan

1. Mga Burol ng Galilea.​—Jos. 20:7; Isa. 9:1.

2. Mga Burol ng Carmelo.​—1 Hari 18:19, 20, 42.

3. Mga Burol ng Samaria.​—Jer. 31:5; Amos 3:9.

4. Ang Shepela (Mababang Lupa).​—Jos. 11:2; Huk. 1:9.

5. Ang Maburol na Lupain ng Juda.​—Jos. 11:21.

6. Ang Ilang ng Juda (Jesimon).​—Huk. 1:16; 1 Sam. 23:19.

7. Ang Negeb.​—Gen. 12:9; Bil. 21:1.

8. Ang Ilang ng Paran.​—Gen. 21:21; Bil. 13:1-3.

D. Ang Malaking Araba (Ang Rift Valley).​—2 Sam. 2:29; Jer. 52:7.

1. Ang Lunas ng Hula

2. Ang Rehiyon sa Paligid ng Dagat ng Galilea.​—Mat. 14:34; Juan 6:1.

3. Distrito ng Libis ng Jordan (Ang Ghor).​—1 Hari 7:46;

2 Cron. 4:17; Luc. 3:3.

4. Ang Dagat na Maalat (Patay) (Dagat ng Araba).​—Bil. 34:3;

Deut. 4:49; Jos. 3:16.

5. Ang Araba (patimog mula sa Maalat na Dagat).​—Deut. 2:8.

E. Mga Kabundukan at Mga Talampas sa Silangan ng Jordan.

​—Jos. 13:9, 16, 17, 21; 20:8.

1. Lupain ng Basan.​—1 Cron. 5:11; Awit 68:15.

2. Lupain ng Galaad.​—Jos. 22:9.

3. Lupain ng Amon at ng Moab.​—Jos. 13:25; 1 Cron. 19:2;

Deut. 1:5.

4. Talampas ng Edom.​—Bil. 21:4; Huk. 11:18.

F. Bulubundukin ng Libano.​—Jos. 13:5.

A. BAYBAYIN NG MALAKING DAGAT

4. Ano ang mga katangian at klima ng baybaying-dagat?

4 Sa pasimula ng ating pagdalaw mula sa kanluran, unang matatanaw ang baybayin ng maganda at bughaw na Mediteranyo. Dahil sa napakaraming burol ng buhangin, ang tanging mabuti-buting likas na daungan sa ibaba ng Bundok Carmelo ay ang Joppe; ngunit sa hilaga ay maraming maiinam na likas na daungan. Ang mga taga-Fenicia, na namirmihan sa baybayin, ay bantog na mga magdaragat. Ang katamtamang taunang temperatura sa maaraw na baybayin ay isang maalwang 19 ° C., bagaman ang mga tag-araw ay napakainit, at ang katamtamang temperatura kung araw ay mga 34° C. sa Gaza.

B-1 KAPATAGAN NG ASER

5, 6. Ilarawan sa maikli (a) ang Kapatagan ng Aser, (b) ang baybayin ng Dor.

5 Ang baybaying kapatagang ito ay may habang 40 kilometro mula sa Bundok Carmelo. Ang pinakamalapad na bahagi ay mga 13 kilometro, at bahagi ng mana ng tribo ni Aser. (Jos. 19:24-30) Ito’y matabang lupain at namunga nang sagana, at naglaan ng pagkain para sa palasyo ni Solomon.​—Gen. 49:20; 1 Hari 4:7, 16.

B-2 ANG BAYBAYIN NG DOR

6 Ang makitid na lupaing ito ay nasa gilid ng Bulubundukin ng Carmelo sa habang mga 32 kilometro. Apat na kilometro lamang ang lapad nito. Sa aktuwal, ito’y makitid na baybayin sa pagitan ng Carmelo at ng Mediteranyo. Nasa timog ang daungang lungsod ng Dor, at sa timog pa nito, ay nagsisimula ang mga burol ng buhangin. Ang mga burol sa likuran ng Dor ay naglaan ng piling pagkain para sa mga piging ni Solomon. Napangasawa ng kinatawan ng rehiyong ito ang isa sa mga anak na babae ni Solomon.​—1 Hari 4:7, 11.

B-3 BAYBAYING KAPATAGAN NG SHARON

7. (a) Papaano tinutukoy sa hula ang Sharon, at bakit? (b) Noong kapanahunang Hebreo saan ginamit ang rehiyong ito?

7 Dahil naging kasabihan ang kagandahan ng mga bulaklak dito, angkop na mabanggit ang Sharon sa makahulang pangitain ni Isaias tungkol sa isinauling lupain ng Israel. (Isa. 35:2) Ang lupain ay mataba at matubig. Ito’y isang kapatagan na 16 hanggang 19 kilometro ang luwang, at may habang 64 kilometro patimog mula sa baybayin ng Dor. Noong kapanahunang Hebreo ay may mga gubat ng oak sa hilagang bahagi ng Sharon. Maraming nanginginaing hayop doon matapos gapasin ang mga butil. Noong panahon ni Haring David, ang mga sabsaban ng mga kawan ng hari ay nasa Sharon. (1 Cron. 27:29) Sa ngayon ay makikita sa dakong ito ang malalawak na mga sintunisan.

B-4 KAPATAGAN NG FILISTIA

8. Saan naroon ang Kapatagan ng Filistia, at ano ang mga tampok na bahagi nito?

8 Ito ay nasa timog ng Sharon, na may habang mga 80 kilometro sa may baybayin at mga 24 kilometro mula sa aplaya. (1 Hari 4:21) Ang mga burol ng buhangin sa baybayin ay umaabot kung minsan hanggang anim na kilometro papasók sa loob. Ito’y isang maburol na kapatagan, sa taas na 30 hanggang 200 metro sa likuran ng Gaza sa timog. Mataba ang lupa; ngunit madalang ang ulan, at laging nagbabanta ang tagtuyot.

B-5 SILANGAN-KANLURANG GITNANG LIBIS

9. (a) Anong dalawang bahagi ang bumubuo sa silangan-kanlurang gitnang libis, at ano ang praktikal na kahalagahan nito? (b) Sa tulong ng mga banghay ng “Karaniwang mga Cross-Section ng Lupang Pangako,” ilarawan ang pangkalahatang topograpiya nito.

9 Ang silangan-kanlurang gitnang libis ay may dalawang bahagi, ang Libis ng Megido, o Esdraelon, sa kanluran, at ang Libis ng Jezreel sa silangan. (2 Cron. 35:22; Huk. 6:33) Sa kabuuan ng gitnang libis na ito ay maalwang mababagtas ang lupain mula sa libis ng Jordan hanggang sa Baybayin ng Mediteranyo, at naging mahalagang ruta ito sa pangangalakal. Ang tubig ng Kapatagan ng Megido ay umaagos sa libis ng Kison, at sa makitid na puwang sa pagitan ng Bundok ng Carmelo at ng mga burol ng Galilea ay naglalakbay tungo sa Kapatagan ng Aser hanggang sa Mediteranyo. Ang maliit na batis na ito ay halos maigá kung tag-araw, ngunit may panahong ito’y lumalaki at nagbabaha.​—Huk. 5:21.

10. (a) Ilarawan ang Libis ng Jezreel. (b) Sa anong mga kaganapan sa Bibliya nauugnay ang dakong ito?

10 Ang tubig ng Libis ng Jezreel ay umaagos sa timog-kanluran tungo sa Jordan. Ang makitid na libis na ito, ang Kapatagan ng Jezreel, ay mga 3.2 kilometro ang luwang at may habang halos 19 kilometro. Ito ay may taas na 90 metro at bumubulusok nang 120 metro pababa mula sa kapatagan ng dagat malapit sa Bet-san. Mataba ang buong gitnang libis, at ang Jezreel ang isa sa pinakamayaman sa buong lupain. Ang Jezreel ay nangangahulugang “Diyos ang Maghahasik ng Binhi.” (Ose. 2:22) Binabanggit ng Kasulatan ang pagiging-maaliwalas at maganda ng distritong ito. (Gen. 49:15) Ang Megido at Jezreel ay kapuwa naging estratehiko noong nakikipagdigma ang Israel sa karatig na mga bansa, at dito nakipagbaka sina Barak, Gideon, Haring Saul, at si Jehu.​—Huk. 5:19-21; 7:12; 1 Sam. 29:1; 31:1, 7; 2 Hari 9:7.

C-1 MGA BUROL NG GALILEA

11, 12. (a) Gaano kalaki ang pagkasangkot ng Galilea sa ministeryo ni Jesus, at sino ang nanggaling sa distritong ito? (b) Paghambingin ang Mababa at Mataas na Galilea.

11 Ang kalakhang bahagi ng pagpapatotoo ni Jesus sa pangalan at Kaharian ni Jehova ay naganap sa katimugang bahagi ng mga burol ng Galilea (at sa palibot ng Dagat ng Galilea). (Mat. 4:15-17; Mar. 3:7) Tagarito ang karamihan sa mga alagad, pati na ang 11 tapat na apostol. (Gawa 2:7) Sa distritong ito, minsa’y tinatawag na Mababang Galilea, ay tunay na nakalulugod ang lupain, at ang mga burol ay hindi lumalampas sa 600 metro ang taas. Mula taglagas hanggang tagsibol, sagana ang ulan sa maaliwalas na lupaing ito, kaya ito ay hindi disyerto. Kapag tagsibol ang mga dalisdis ay hitik sa bulaklak, at bawat lunas sa libis ay mayaman sa butil. Sa maliliit na talampas, mataba ang lupa, at ang mga burol ay bagay-na-bagay sa mga punong olibo at ubas. Ang mga bayan nito na napatanyag sa Bibliya ay ang Nazaret, Cana, at Nain. (Mat. 2:22, 23; Juan 2:1; Luc. 7:11) Ang lupain ay isang mayamang kapaligiran na naging saligan ng maraming talinghaga ni Jesus.​—Mat. 6:25-32; 9:37, 38.

12 Sa hilagang bahagi, o Mataas na Galilea, ang mga burol ay tumataas nang mahigit 1,100 metro, at nagiging paanan ng Bulubundukin ng Libano. Ang Mataas na Galilea ay nakabukod at salpukan ng hangin, kaya malakas ang ulan dito. Noong panahon ng Bibliya ay makakapal ang gubat sa mga kanlurang dalisdis. Ang rehiyong ito ay iniatas sa tribo ni Neftali.​—Jos. 20:7.

C-2 MGA BUROL NG CARMELO

13. (a) Ano talaga ang Carmelo? (b) Papaano ito binabanggit sa Bibliya?

13 Ang matayog na tulis ng Bundok Carmelo ay nakausli sa Dagat Mediteranyo. Ang Carmelo ay isang 48-kilometrong hanay ng mga burol na tumataas hanggang 545 metro mula sa dagat. Nagsisimula ito sa mga burol ng Samaria at umaabot sa Mediteranyo, at ang tulis nito, na bumubuo ng pangunahing tagaytay sa hilaga-kanlurang dulo, ay kahanga-hanga sa yumi at ganda. (Awit ni Sol. 7:5) Ang Carmelo ay nangangahulugang “Looban ng mga Bungang-kahoy,” na angkop sa mayamang bundok na tanyag sa mga ubasan at punong olibo. Sa Isaias 35:2 ito’y sumasagisag sa mabungang kaluwalhatian ng isinauling lupain ng Israel: ‘Ipagkakaloob sa kaniya ang karilagan ng Carmelo.’ Dito hinamon ni Elias ang mga saserdote ni Baal at “nanaog ang apoy mula kay Jehova” bilang patotoo ng Kaniyang pagiging-Kataastaasan, at sa taluktok ng Carmelo itinawag-pansin ni Elias ang maliit na ulap na naging malakas na buhos ng ulan, na makahimalang nagwakas sa tagtuyot sa Israel.​—1 Hari 18:17-46.

C-3 MGA BUROL NG SAMARIA

14. Anong mga tribo ang namirmihan sa mga burol ng Samaria, at anong mga pananim ang nababagay sa dakong ito?

14 Ang bahaging timog ng rehiyong ito ay mas maburol, at tumataas hanggang 900 metro sa silangan. (1 Sam. 1:1) Dito, mas malimit at mas maaasahan ang ulan kaysa sa Juda sa timog. Dito namirmihan ang mga inapo ni Ephraim, nakababatang anak ni Jose. Ang hilaga, na ibinigay sa kalahating tribo ni Manasses, nakatatandang anak ni Jose, ay binubuo ng mga lunas at maliliit na kapatagang napaliligiran ng mga burol. Di-gaanong mataba ang lupaing maburol, bagaman may mga ubasan at punong olibo pagkat ginawang baitang-baitang ang mas mabababang dalisdis ng burol. (Jer. 31:5) Gayunman, ang mas malalawak na lunas ng libis ay napakahusay sakahin at tamnan ng mga butil. Noong panahon ng Bibliya maraming lungsod ang itinayo rito. Noong panahon ng kaharian sa hilaga, inilaan ng Manasses ang tatlong sunud-sunod na mga kabisera​—ang Sechem, Tirza, at Samaria​—at ang buong rehiyon ay tinawag na Samaria, ayon sa kabisera.​—1 Hari 12:25; 15:33; 16:24.

15. (a) Papaano natupad sa rehiyon ng Samaria ang pagpapala ni Moises kay Jose? (b) Papaano higit pang pinagpala ang lupain noong panahon ni Jesus?

15 Ang pagpapala ni Moises kay Jose ay tunay na natupad sa lupaing ito. “Tungkol kay Jose ay sinabi niya: ‘Ang lupain niya’y pagpalain nawa ni Jehova ng mahahalagang bagay ng langit, ng hamog, . . . ng piling mga bagay na pinatutubo ng araw, ng piling mga bagay na pinatutubo ng buwan, ng maririkit na bagay ng mga bundok sa silangan, at ng mahahalagang bagay ng walang-hanggang mga burol.’ ” (Deut. 33:13-15) Oo, ito’y kalugud-lugod na lupain. Magubat ang mga bundok, ang mga libis ay mabunga, at ito’y punô ng mauunlad at mataong mga lungsod. (1 Hari 12:25; 2 Cron. 15:8) Nang dakong huli ay nangaral si Jesus sa lupain ng Samaria, ganoon din ang mga alagad niya, kaya ang Kristiyanismo ay nagkaroon ng maraming tagasunod dito.​—Juan 4:4-10; Gawa 1:8; 8:1, 14.

C-4 ANG SHEPELA

16. (a) Ano ang katangian ng Shepela? (b) Ano ang halaga ng distritong ito noong panahon ng Bibliya?

16 Bagaman ang Shepela ay nangangahulugang “Mababang Lupa,” ito’y isang maburol na dako na umaabot sa taas na 450 metro sa timog at malimit itong bagtasin ng mga libis mula sa silangan at kanluran. (2 Cron. 26:10) Pumapaitaas ito pasilangan mula sa baybayin ng Filistia at itinuturing lamang ito na mababang lupain kung ihahambing sa mas matataas na burol ng Juda sa silangan. (Jos. 12:8) Ang mga burol, na dating hitik sa mga punong sikamoro, ay natatamnan ngayon ng mga ubasan at punong olibo. (1 Hari 10:27) Marami itong lungsod. Sa kasaysayan ng Bibliya ito’y isang neutral na sona sa pagitan ng Israel at ng mga Filisteo o ng alinmang sumasalakay na hukbo na nagbantang pumasok sa Juda mula sa baybayin.​—2 Hari 12:17; Obad. 19.

C-5 ANG MABUROL NA LUPAIN NG JUDA

17. (a) Gaano kabunga ang maburol na lalawigan ng Juda noong panahon ng Bibliya, at kumusta naman ngayon? (b) Ang Juda ay itinuring na mabuting dako para sa ano?

17 Ito’y mataas at mabatong dako na mga 80 kilometro ang haba at wala pang 32 kilometro ang luwang, at pabagu-bago ang taas mula 600 hanggang 1,000 kilometro mula sa kapatagan ng dagat. Noong panahon ng Bibliya ito ay natatakpan ng maraming puno, at lalo na sa kanluran, ang mga burol at libis ay mayaman sa bukirin, punong olibo at ubasan. Ang distrito ay naglaan ng saganang butil, langis, at alak para sa Israel. Mula noong panahon ng Bibliya, nakalbo ang paligid ng Jerusalem kaya ngayon ito ay mas ilang kung ihahambing sa dati. Kapag taglamig, nagkakaroon ng niyebe sa matataas na dako, gaya ng Betlehem. Noong sinauna ang Juda ay itinuring na mabuting dako para sa mga lungsod at mga moog, at sa maliligalig na panahon ang mga tao ay maaaring manganlong sa mga bundok.​—2 Cron. 27:4.

18. (a) Kailan naging kabisera ng Israel at ng Juda ang Jerusalem? (b) Ano ang ilang kawili-wiling katangian ng lungsod?

18 Sa kasaysayan ng Juda at ng Israel ay namumukod-tangi ang Jerusalem, tinatawag ding Sion, ayon sa pangalan ng kuta nito. (Awit 48:1, 2) Noong una ito’y ang Cananeong lungsod ng Jebus, isang mataas na lupain sa pinagsasangahan ng mga Libis ng Hinom at ng Kidron. Nang ito’y magapi at gawing kabisera ni David, pinalawak ito hanggang sa hilagang-kanluran, at nang maglao’y sinakop din nito ang Libis ng Tyropeo. Sa katagalan ang Libis ng Hinom ay tinawag na Gehena. Dahil sa idolatrosong paghahain ng mga Judio, yaon ay itinuring na marumi at ginawang tapunan ng basura at ng bangkay ng mga imbing salarin. (2 Hari 23:10; Jer. 7:31-33) Kaya ang apoy nito ay naging sagisag ng ganap na pagkalipol. (Mat. 10:28; Mar. 9:47, 48) Kakaunti ang tubig na nakukuha ng Jerusalem sa Lawa ng Siloam, sa kanluran ng Libis ng Kidron, kaya pinaderan ito ni Ezekias upang maingatan ito sa loob ng lungsod.​—Isa. 22:11; 2 Cron. 32:2-5.

C-6 ANG ILANG NG JUDA (JESIMON)

19. (a) Papaano naaangkop ang Jesimon sa pangalan nito? (b) Anong mga pangyayari sa Bibliya ang naganap sa rehiyong ito?

19 Jesimon ang pangalan sa Bibliya ng Ilang ng Juda. “Disyerto” ang kahulugan nito. (1 Sam. 23:19, talababa) Makalarawan at angkop ang pangalan! Ito ay binubuo ng baku-bakong mga dalisdis ng tisa sa silangang mga burol ng Judea, at bumubulusok nang mahigit 900 metro sa distansiyang 24 kilometro habang papalapit sa Dagat na Patay, na may pader ng baku-bakong mga bangin. Walang mga lungsod at kakaunti ang mga naninirahan sa Jesimon. Sa ilang na ito ng Juda tumakas si David mula kay Haring Saul, at sa pagitan nito at ng Jordan nangaral si Juan na Tagapagbautismo, at dito nag-ayuno si Jesus sa loob ng 40 araw. b​—1 Sam. 23:14; Mat. 3:1; Luc. 4:1.

C-7 ANG NEGEB

20. Ilarawan ang Negeb.

20 Ang Negeb ay nasa timog ng mga burol ng Juda, at dito matagal nanirahan sina Abraham at Isaac. (Gen. 13:1-3; 24:62) Tinutukoy rin ng Bibliya ang katimugang bahagi nito bilang “ang ilang ng Zin.” (Jos. 15:1) Ang halos-tigang na Negeb ay nagsisimula sa distrito ng Beer-seba sa hilaga hanggang Kades-barnea sa timog. (Gen. 21:31; Bil. 13:1-3, 26; 32:8) Mula sa mga burol ng Juda ang lupain ay bumubulusok sa sunud-sunod na mga tagaytay, pasilangan at pakanluran, kaya humahadlang ito sa mga naglalakbay o sumasalakay mula sa timog. Ang lupain ay pumapaibaba mula sa mga burol sa silangang bahagi ng Negeb hanggang sa isang kapatagang disyerto sa kanluran, kahanay ng aplaya. Kapag tag-araw ang lupain ay nagiging kasintuyo ng disyerto, maliban na sa paligid ng ilang libis-baha. Gayunman, lumalabas ang tubig kapag humukay ng balon. (Gen. 21:30, 31) Ang ilang bahagi ng Negeb ay pinatutubigan at pinauunlad ng makabagong Estado ng Israel. “Ang ilog ng Ehipto” ang siyang timog-kanlurang hangganan ng Negeb at siya ring hangganan ng Lupang Pangako sa timog.​—Gen. 15:18.

C-8 ANG ILANG NG PARAN

21. Saan naroon ang Paran, at anong bahagi ang ginampanan nito sa kasaysayan ng Bibliya?

21 Ang Ilang ng Paran ay nasa timog ng Negeb at kahugpong ng Ilang ng Zin. Sa paglisan sa Sinai, tinawid ng mga Israelita ang ilang na ito tungo sa Lupang Pangako, at mula sa Paran isinugo ni Moises ang 12 tiktik.​—Bil. 12:16–​13:3.

D. ANG MALAKING ARABA (ANG RIFT VALLEY)

22. Sa tulong ng mapa sa pahina 272 at ng mga banghay sa pahina 273, at gayundin ng parapong ito, ilarawan sa maikli ang tampok na mga bahagi ng Araba (Rift Valley) at ang kaugnayan nito sa nakapalibot na teritoryo.

22 Isa sa pinaka-kakatwang hugis na lupa ay ang malaking Rift Valley. Sa Bibliya, ang bahaging bumabagtas sa Lupang Pangako mula hilaga hanggang timog ay tinatawag na “Araba.” (Jos. 18:18) Sa 2 Samuel 2:29 ang biyak na ito sa balat ng lupa ay inilalarawan bilang isang bambang. Sa hilaga nito ay ang Bundok Hermon. (Jos. 12:1) Mula sa paanan ng Hermon, ang Rift Valley ay mabilis na bumubulusok patimog nang mga 800 metro sa ibaba ng kapatagan ng dagat sa ilalim ng Dagat na Patay. Nagpapatuloy ang Araba mula sa dulo ng Dagat na Patay sa timog, at pumapaitaas nang mahigit 200 metro sa kapatagan ng dagat sa pagitan ng Dagat na Patay at ng Golpo ng ʽAqaba. Mula roon ay mabilis itong pumapaibaba tungo sa maligamgam na tubig ng silangang sanga ng Dagat na Pula. Makikita sa mapa ang kaugnayan ng Rift Valley sa nakapaligid na lupain.

D-1 ANG LUNAS NG HULA

23. Noong panahon ng Bibliya sa ano iniugnay ang rehiyon ng Hula?

23 Pasimula sa paanan ng Bundok Hermon, ang Rift Valley ay mabilis na bumubulusok nang mahigit 490 metro hanggang sa rehiyon ng Hula, na kapantay ng dagat. Matubig ang distrito kaya nananatili itong luntian kahit na sa mainit na tag-araw. Dito nanirahan ang mga Danita sa kanilang lungsod ng Dan, sentro ng idolatrosong pagsamba mula noong panahon ng mga hukom hanggang sa panahon ng sampung-tribong kaharian ng Israel. (Huk. 18:29-31; 2 Hari 10:29) Sa Cesarea ng Filipos, isang bayan malapit sa kinaroroonan ng sinaunang Dan, tiniyak ni Jesus sa mga alagad na siya ang Kristo, at maraming naniniwala na sa kalapit na Bundok Hermon naganap ang pagbabagong-anyo anim na araw pagkaraan nito. Mula sa Hula, ang Rift Valley ay bumababa tungo sa Dagat Galilea, na mga 210 metro ang kababaan sa kapatagan ng dagat.​—Mat. 16:13-20; 17:1-9.

D-2 ANG REHIYON SA PALIGID NG DAGAT NG GALILEA

24. (a) Sa Bibliya ano pang ibang pangalan ang itinatawag sa Dagat ng Galilea? (b) Ano ang hitsura ng mga kapaligiran nito noong panahon ni Jesus?

24 Kalugud-lugod ang Dagat ng Galilea at ang kapaligiran nito. c Sumisidhi ang interes sa rehiyon dahil sa mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus na naganap dito. (Mat. 4:23) Tinatawag din ito na Look ng Genesaret, o Cinneret, at Dagat ng Tiberias. (Luc. 5:1; Jos. 13:27; Juan 21:1) Ito’y hugis-puso, halos 21 kilometro ang haba at mga 11 kilometro ang pinakamaluwang na bahagi, at ito’y mahalagang tipunan ng tubig para sa buong lupain. Nakukulong ito ng mga burol sa halos lahat ng panig. Ang ibabaw ng look ay mga 210 metro sa ibaba ng kapatagan ng dagat, kaya maaliwalas at maalinsangan ang taglamig at napakainit ang mahabang tag-araw. Noong panahon ni Jesus, sentro ito ng pamamalakaya at ang mayayamang lungsod ng Corazin, Betsaida, Capernaum, at Tiberias ay nasa aplaya o malapit dito. Ang katahimikan ng look ay madaling maligalig ng mga bagyo. (Luc. 8:23) Ang maliit na kapatagan ng Genesaret, tatsulok ang hugis, ay nasa hilagang-kanluran ng look. Mataba ang lupa at halos lahat ng pananim na kilala sa Lupang Pangako ay narito. Kapag tagsibol ang makukulay na dalisdis ay nagniningning sa kagandahan na walang kaparis sa buong Israel. d

D-3 DISTRITO NG LIBIS NG JORDAN (ANG GHOR)

25. Ano ang pangunahing mga katangian ng Libis ng Jordan?

25 Ang buong tulad-bambang na pababang libis ay tinatawag ding “Araba.” (Deut. 3:17) Ang tawag ngayon dito ng mga Arabo ay Ang Ghor, ibig sabihin ay “Lubak.” Nagsisimula ito sa Dagat ng Galilea at may kalaparan​—mga 19 kilometro sa ilang dako. Ang Ilog Jordan mismo ay mga 46 metro sa ibaba ng patag na libis, lumiliko at paikut-ikot nang 320 kilometro sa distansiyang 105 kilometro hanggang sa Dagat na Patay. e Paluksu-lukso sa 27 dako na mabibilis ang agos, nananaog ito nang mga 180 metro bago marating ang Dagat na Patay. Ang ibaba ng Jordan ay napalilibutan ng makakapal na puno at halaman, gaya ng mga tamaring, oleandro, at willow, kung saan ang mga leon at ang kanilang inakáy ay nagtatago noong panahon ng Bibliya. Sa ngayon kilala ito bilang Zor at bahagyang naaapawan kapag tagsibol. (Jer. 49:19) Pumapaitaas sa magkabilang panig ng makitid at magubat na lupaing ito ay ang Qattara, isang mapanganib na hangganan ng maliliit na talampas at putul-putol na dalisdis na humahantong sa kapatagan mismo ng Ghor. Ang mga kapatagan sa hilaga ng Ghor, o Araba, ay nasasakang mabuti. Maging sa timog, sa may Dagat na Patay, ang talampas ng Araba, na tigang-na-tigang ngayon, ay namunga noon ng sari-saring date, bukod pa sa ibang mga prutas sa tropiko. Jerico ang pinakatanyag na lungsod sa Libis ng Jordan, noon at maging sa ngayon.​—Jos. 6:2, 20; Mar. 10:46.

D-4 ANG DAGAT NA MAALAT (PATAY)

26. (a) Ano ang ilan sa kahanga-hangang katotohanan tungkol sa Patay na Dagat? (b) Anong mariing patotoo ang ibinibigay ng rehiyong ito tungkol sa mga hatol ni Jehova?

26 Isa ito sa pinaka-kahanga-hangang dagat sa balat ng lupa. Angkop ang tawag na patay, pagkat walang isdang nabubuhay sa dagat at kakaunti ang halaman sa pampang. Tinatawag ito ng Bibliya na Dagat na Maalat, o Dagat ng Araba, yamang ito ay nasa rift valley ng Araba. (Gen. 14:3; Jos. 12:3) Humigit-kumulang 75 kilometro ito mula hilaga hanggang timog at 15 kilometro ang luwang. Ang ibabaw nito ay mas mababa ng mga 400 metro sa Dagat Mediteranyo, kaya ito ang pinakamababang dako sa lupa. Sa hilaga, ang lalim ay umaabot sa mga 400 metro. Sa bawat panig, ang dagat ay nakukulong ng palanas na mga burol at matatarik na bangin. Bagaman naghahatid ng sariwang tubig ang Ilog Jordan, wala itong labasan kundi sa pamamagitan ng ebaporasyon, na kasimbilis ng pagpasok ng tubig. Ang nakukulong na tubig ay may 25 porsiyentong lusaw na materyales, karamihan ay asin, at nakalalason sa isda at mahapdi sa mata ng tao. Ang mga dumadalaw sa kalakhang bahagi ng Dagat na Patay ay malimit mamangha sa ganap na pagkatiwangwang at pagkawasak. Ito’y dako ukol sa mga patay. Bagaman noong una ang lahat ng ito’y “matubig . . . gaya ng halamanan ni Jehova,” sa halos 4,000 taon na ngayon, ang paligid ng Dagat na Patay ay “isang tiwangwang na ilang” bilang mariing patotoo ng kawalang-pagbabago ng mga hatol ni Jehova na iginawad laban sa Sodoma at Gomora.​—Gen. 13:10; 19:27-29; Zef. 2:9.

D-5 ANG ARABA (PATIMOG MULA SA DAGAT NA MAALAT)

27. Anong uri ng teritoryo ang katimugang Araba, at sino ang sumupil nito noon?

27 Ang huling seksiyong ito ng Rift Valley ay nagpapatuloy na patimog sa layong 160 kilometro. Ito ay halos pawang disyerto. Madalang ang ulan, at walang-awa ang darang ng araw. Sa Bibliya tinatawag din ito na “Araba.” (Deut. 2:8) Ang pinakamataas na bahagi, sa gitna, ay mahigit 200 metro sa ibabaw ng kapatagan ng dagat at saka muling nananaog na patimog tungo sa Golpo ng ʽAqaba, ang silanganing sanga ng Dagat na Pula. Dito, sa daungan ng Ezion- geber, nagtayo si Solomon ng isang plota ng mga sasakyang-dagat. (1 Hari 9:26) Sa kalakhang yugto ng mga hari sa Juda, ang bahaging ito ng Araba ay nasa ilalim ng panunupil ng kaharian ng Edom.

E. MGA KABUNDUKAN AT MGA TALAMPAS SA SILANGAN NG JORDAN

28. Ano ang naging halaga ng mga lupain ng Basan at Galaad sa pagsasaka, at papaano nasangkot ang mga rehiyong ito sa kasaysayan ng Bibliya?

28 “Ang bahagi ng Jordan sa gawing silangan” ay mabilis na pumapaitaas mula sa Rift Valley upang bumuo ng sunud-sunod na mga talampas. (Jos. 18:7; 13:9-12; 20:8) Sa hilaga ay ang lupain ng Basan (E-1), na ibinigay sa tribo ni Manasses kasama ng kalahati ng Galaad. (Jos. 13:29-31) Ito ay bakahan, lupain ng pagsasaka, isang matabang talampas na may katamtamang 600 metro sa ibabaw ng kapatagan ng dagat. (Awit 22:12; Ezek. 39:18; Isa. 2:13; Zac. 11:2) Noong panahon ni Jesus ang dakong ito ay nagluwas ng maraming butil, at ngayon ay saganang sinasaka. Kasunod nito, sa timog, ay ang lupain ng Galaad (E-2), na ang mababang bahagi ay iniatas sa tribo ni Gad. (Jos. 13:24, 25) Isang mabundok na rehiyong may taas na 1,000 metro, nadidilig ng saganang ulan kung taglamig at ng hamog kung tag-araw, maganda rin ang lupain sa pag-aalaga ng hayop at tanyag sa balsamo. Tanyag ito ngayon sa mamahaling ubas. (Bil. 32:1; Gen. 37:25; Jer. 46:11) Sa lupain ng Galaad tumakas si David mula kay Absalom, at sa kanluran nito, si Jesus ay nangaral sa “paligid ng Decapolis.”​—2 Sam. 17:26-29; Mar. 7:31.

29. Sa silangan ng Jordan, anong mga lupain ang nasa timog, at sa ano napabantog ang mga ito?

29 “Ang lupain ng mga anak ni Amon” (E-3) ay nasa timog ng Galaad, at kalahati nito ay ibinigay sa tribo ni Gad. (Jos. 13:24, 25; Huk. 11:12-28) Ito’y bulubunduking talampas, angkop sa pagpapastol ng tupa. (Ezek. 25:5) Sa dako pa roon sa timog ay “ang lupain ng Moab.” (Deut. 1:5) Ang mga Moabita ay mahuhusay na pastol ng tupa, at hanggang ngayon pag-aalaga ng tupa ang pangunahing hanapbuhay roon. (2 Hari 3:4) Sa timog-silangan ng Dagat na Patay, sumasapit tayo sa mabundok na talampas ng Edom (E-4). Ang mga kagibaan ng malalaking lungsod ng pangangalakal, gaya ng Petra, ay nananatili hanggang ngayon.​—Gen. 36:19-21; Obad. 1-4.

30. Ano ang hangganan ng mga talampas sa gawing silangan?

30 Sa silangan ay ang malawak at mabatong ilang na lubusang humahadlang sa paglalakbay sa pagitan ng Lupang Pangako at ng Mesopotamya, kaya ang mga mangangalakal ay lumiligid nang maraming milya pahilaga. Sa timog ang ilang ay sinasalubong ng mga burol na buhangin ng malawak na disyertong Arabyano.

F. BULUBUNDUKIN NG LIBANO

31. (a) Ano ang bumubuo sa bulubundukin ng Libano? (b) Anong mga katangian ng Libano ang nananatiling gaya noong kapanahunan ng Bibliya?

31 Nangingibabaw sa tanawin ng Lupang Pangako ang bulubundukin ng Libano. Ang totoo’y dalawang magkaagapay na hanay ito ng bundok. Ang mga burol sa paanan ng Bulubundukin ng Libano ay umaabot sa Mataas na Galilea. Sa maraming dako ang mga burol ay umaabot sa baybayin ng dagat. Ang pinakamataas na bundok ay mga 3,000 metro sa ibabaw ng kapatagan ng dagat. Ang pinakamataas na bundok sa kalapit na Bulubunduking Anti-Libano ay ang magandang Bundok Hermon, na 2,814 metro sa ibabaw ng kapatagan ng dagat. Ang natutunaw na niyebe ay pangunahing panustos sa Ilog Jordan at pinagmumulan ng hamog sa mainit na yugto ng huling tagsibol. (Awit 133:3) Ang Bulubundukin ng Libano ay napatanyag sa naglalakihang sedro, ang kahoy na napatampok sa pagtatayo ng templo ni Solomon. (1 Hari 5:6-10) Bagaman kakaunti na ang punong sedro ngayon, ang mabababang dalisdis ay mayroon pa ring mga ubasan, punong olibo, mga bungang-kahoy, gaya noong panahon ng Bibliya.​—Ose. 14:5-7.

32. Papaano wastong inilarawan ni Moises ang Lupang Pangako?

32 Sa pagtatapos ng ating pagdalaw sa Lupang Ipinangako ni Jehova, na napapagitnaan ng mapanganib na ilang sa silangan at ng Malaking Dagat, mailalarawan sa isipan ang kaluwalhatiang iginayak dito noong panahon ng Israel. Tunay na yao’y “napakabuting lupain . . . , inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Bil. 14:7, 8; 13:23) Tinukoy ito ni Moises sa mga salitang: “Dinala ka ng Diyos na Jehova sa isang mabuting lupain, lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman na bumubukal sa mga libis at mga bundok, lupain ng trigo at ng sebada at ng punong ubas at ng mga punong igos, at ng mga granada, lupain ng mga punong olibo at ng pulot-pukyutan, lupain na kakainan mo ng tinapay nang walang kakapusan, at doo’y hindi ka kukulangin, lupain na ang mga bato ay bakal at sa mga bundok ay makukuha mo ang tanso. Kapag nakakain ka na at nabusog, dapat mong purihin si Jehovang iyong Diyos dahil sa mabuting lupain na kaniyang ibinigay sa iyo.” (Deut. 8:7-10) Lahat ng umiibig kay Jehova ay dapat magpasalamat na nilayon niyang maging maluwalhating paraiso ang buong lupa, ayon sa pamarisan ng kaniyang sinaunang Lupang Pangako.​—Awit 104:10-24.

[Mga talababa]

a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 332-3.

b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 335.

c Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 336.

d Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 737-40.

e Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 334.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mapa sa pahina 272]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

LIKAS na mga REHIYON ng LUPANG PANGAKO

(at karatig na mga teritoryo)

MI 0 10 20 30 40 50 60

KM 0 20 40 60 80

(Para sa mga cross section na V—V, W—W, X—X, Y—Y, at Z—Z, tingnan ang kabilang pahina)

GIYA SA MGA BILANG

DAGAT MEDITERANYO

A Baybayin ng Malaking Dagat

Joppe

B-1 Kapatagan ng Aser

B-2 Ang Baybayin ng Dor

Dor

B-3 Baybaying Kapatagan ng Sharon

B-4 Kapatagan ng Filistia

Asdod

Askelon

Ekron

Gat

Gaza

B-5 Silangan-Kanlurang Gitnang Libis (Kapatagan ng Megido, Libis

ng Jezreel)

Bet-san

C-1 Mga Burol ng Galilea

Cana

Nain

Nazaret

Tiro

C-2 Mga Burol ng Carmelo

C-3 Mga Burol ng Samaria

Bethel

Jerico

Samaria

Tirza

Sechem

C-4 Ang Shepela

Lachis

C-5 Ang Maburol na Lupain ng Juda

Betlehem

Geba

Hebron

Jerusalem

C-6 Ang Ilang ng Juda (Jesimon)

C-7 Ang Negeb

Beer-seba

Kades-barnea

Ilog ng Ehipto

C-8 Ang Ilang ng Paran

D-1 Ang Lunas ng Hula

Dan

Cesarea Filipos

D-2 Ang Rehiyon sa Paligid ng Dagat ng Galilea

Betsaida

Capernaum

Corazin

Dagat ng Galilea

Tiberias

D-3 Distrito ng Libis ng Jordan (Ang Ghor)

Ilog Jordan

D-4 Ang Dagat na Maalat (Patay) (Dagat ng Araba)

Dagat na Maalat

D-5 Ang Araba (patimog mula sa Dagat na Maalat)

Ezion-geber

Dagat na Pula

E-1 Lupain ng Basan

Damasco

Edrei

E-2 Lupain ng Galaad

Rabba

Ramot-galaad

L(ibis). (Baha). ng Jabbok

E-3 Lupain ng Amon at ng Moab

Hesbon

Kir-hareset

Medeba

L. B. ng Arnon

L. B. ng Zered

E-4 Talampas ng Edom

Petra

F Bulubundukin ng Libano

Sidon

Bulubundukin ng Libano

Bundok Hermon

[Mga mapa sa pahina 273]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

KARANIWANG MGA CROSS-SECTION NG LUPANG PANGAKO

(Para sa mga lokasyon, tingnan ang mapa sa kabilang pahina)

Ang kataasan ay humigit-kumulang 10 beses ang kahigitan sa sukat na pahaba

Seksiyong Kanluran-Silangan Patawid sa Ephraim (V​—V)

Dagat Mediteranyo

B-3 Baybaying Kapatagan ng Sharon

C-3 Mga Burol ng Samaria

D-3 Araba o Libis ng Jordan (Ang Ghor)

Qattara

Zor

E-2 Lupain ng Galaad

MI 0 5 10

KM 0 8 16

Ang mga bilang sa kaliwa Ang mga bilang sa kanan

ay mga METRO ay mga TALAMPAKAN

+900 +3,000

+600 +2,000

+300 +1,000

0 (Kapatagan ng Dagat) 0

−300 −1,000

−600 −2,000

Seksiyong Kanluran-Silangan Patawid sa Juda (W​—W)

Dagat Mediteranyo

B-4 Mga Burol ng Buhangin

Kapatagan ng Filistia

C-4 Shepela

C-5 Maburol na Lupain ng Juda

Jerusalem

C-6 Ilang ng Juda

D-4 Rift Valley

E-3 Lupain ng Amon at Moab

MI 0 5 10

KM 0 8 16

Ang mga bilang sa kaliwa Ang mga bilang sa kanan

ay mga METRO ay mga TALAMPAKAN

+900 +3,000

+600 +2,000

+300 +1,000

0 (Kapatagan ng Dagat) 0

−300 −1,000

−600 −2,000

Seksiyong Kanluran-Silangan Patawid sa Juda (X​—X)

Dagat Mediteranyo

B-4 Mga Burol ng Buhangin

Kapatagan ng Filistia

C-4 Shepela

C-5 Maburol na Lupain ng Juda

C-6 Ilang ng Juda

D-4 Rift Valley

Dagat na Maalat

E-3 Lupain ng Amon at ng Moab

MI 0 5 10

KM 0 8 16

Ang mga bilang sa kaliwa Ang mga bilang sa kanan

ay mga METRO ay mga TALAMPAKAN

+900 +3,000

+600 +2,000

+300 +1,000

0 (Kapatagan ng Dagat) 0

−300 −1,000

−600 −2,000

−900 −3,000

Seksiyong Timog-Hilaga Kahanay ng mga Kabundukan Sa Kanluran ng Jordan (Y​—Y)

C-7 Negeb

C-5 Maburol na Lupain ng Juda

C-3 Mga Burol ng Samaria

B-5 Libis ng Jezreel

C-1 Mga Burol ng Galilea

F

MI 0 5 10 20

KM 0 8 16 32

Ang mga bilang sa kaliwa Ang mga bilang sa kanan

ay mga METRO ay mga TALAMPAKAN

+900 +3,000

+600 +2,000

+300 +1,000

0 (Kapatagan ng Dagat) 0

Seksiyong Timog-Hilaga Kahanay ng Araba o Rift Valley (Z​—Z)

D-5

D-4 Dagat na Maalat

D-3 Araba o Libis ng Jordan (Ang Ghor)

D-2 Dagat ng Galilea

D-1 Lunas ng Hula

F

MI 0 5 10 20

KM 0 8 16 32

Ang mga bilang sa kaliwa Ang mga bilang sa kanan

ay mga METRO ay mga TALAMPAKAN

+900 +3,000

+600 +2,000

+300 +1,000

0 (Kapatagan ng Dagat) 0

−300 −1,000

−600 −2,000

−900 −3,000