Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aralin Bilang 4—Ang Bibliya at ang Kanon Nito

Aralin Bilang 4—Ang Bibliya at ang Kanon Nito

Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito

Aralin Bilang 4​—Ang Bibliya at ang Kanon Nito

Ang pinagmulan ng salitang “Bibliya”; pagtiyak kung aling mga aklat ang dapat ibilang sa Banal na Aklatan; pagtatakwil sa Apokripa.

1, 2. (a) Ano ang karaniwang kahulugan ng salitang Griyego na bi·bliʹa? (b) Sa Kristiyanong Kasulatang Griyego, papaano ginagamit ito at ang iba pang kaugnay na salita? (c) Papaano napalakip sa wikang Ingles ang salitang “Bible”?

 YAMANG ang kinasihang Kasulatan ay karaniwan nang tinutukoy na Bibliya, kawili-wiling alamin ang pinagmulan at kahulugan ng salitang “Bibliya.” Hango ito sa salitang Griyego na bi·bliʹa, nangangahulugang “maliliit na aklat.” At ito naman ay hango sa biʹblos, salitang tumutukoy sa panloob ng bahagi ng halamang papiro, na noong una ay pinagkukunan ng “papel” para sa pagsulat. (Ang daungan ng Gebal sa Fenicia, na pinagluluwasan ng papiro mula sa Ehipto, ay tinawag ng mga Griyego na Byblos. Tingnan ang Josue 13:5, talababa.) Ang salitang bi·bliʹa ay ikinapit sa iba’t-ibang komunikasyon na isinulat sa materyales na ito. Kaya ang bi·bliʹa ay tumukoy sa alinmang sulat, balumbon, aklat, dokumento, o kasulatan at maging sa isang aklatan ng maliliit na libro.

2 Kataka-taka, ngunit ang salitang “Bibliya” ay wala sa teksto ng Banal na Kasulatan sa saling Ingles o sa iba pang wika. Gayunman, noong ikalawang siglo B.C.E., ang koleksiyon ng kinasihang mga aklat ng Kasulatang Hebreo ay tinukoy na ta bi·bliʹa sa wikang Griyego. Sa Daniel 9:2 ay sumulat ang propeta: “Akong si Daniel ay nakaunawa sa pamamagitan ng mga aklat . . .  Sa Septuagint ay ginagamit ang biʹblois, pangmaramihang anyo ng biʹblos. Sa 2 Timoteo 4:13, sumulat si Pablo: “Pagparito mo, dalhin mo . . . ang mga balumbon [Griyego, bi·bliʹa].” Sa iba’t-ibang anyo ng balarila, ang mga salitang Griyego na bi·bliʹon at biʹblos ay mahigit 40 beses lumilitaw sa Kristiyanong Kasulatang Griyego at karaniwang isinasalin na “(mga) balumbon” o “(mga) aklat.” Nang maglaon ang bi·bliʹa ay naging salitang pang-isahan sa Latin, at mula rito, ang salitang “Bible” ay lumitaw sa wikang Ingles.

3. Papaano nagpatotoo ang mga manunulat ng Bibliya na ito ay kinasihang salita ng Diyos?

3 Ito Ay Salita ng Diyos. Bagaman iba’t-ibang lalaki ang ginamit sa kinasihang pagsulat at marami pa ang tumulong sa pagsasalin nito mula sa orihinal na mga wika tungo sa makabagong mga lenguwahe, sa tunay na diwa, ang Bibliya ay Salita ng Diyos, ang kaniyang kinasihang kapahayagan sa tao. Ito ang pangmalas ng kinasihang mga manunulat, gaya ng makikita sa paggamit nila ng mga pariralang “kapahayagan ng bibig ni Jehova” (Deut. 8:3), “mga pananalita ni Jehova” (Jos. 24:27), “mga kautusan ni Jehova” (Ezra 7:11), “batas ni Jehova” (Awit 19:7), “sabi ni Jehova” (Isa. 38:4), ‘kasabihan ni Jehova’ (Mateo 4:4), at “salita ni Jehova” (1 Tes. 4:15).

ANG BANAL NA AKLATAN

4. Ang Bibliya ay binubuo ng ano, at sino ang nagpasiya nito?

4 Ang Bibliya na kilala natin ngayon ay talagang isang koleksiyon ng sinaunang mga dokumento na kinasihan ng Diyos. Ang mga ito ay kinatha at tinipon sa nasusulat na anyo sa loob ng 16 na siglo. Lahat-lahat, ang koleksiyong ito ay bumubuo sa Bibliotheca Divina, o Banal na Aklatan, gaya ng angkop na pagkatawag dito ni Jerome. Ang aklatang ito ay may katalogo, o opisyal na talaan ng mga lathalain, na limitado sa mga aklat na tumutugon sa saklaw at layunin ng aklatang yaon. Ipinuwera ang lahat ng di-autorisadong aklat. Ang Diyos na Jehova ang Dakilang Bibliotekaryo (librarian) na nagtatakda ng pamantayan para sa mga kasulatan na dapat ilakip. Kaya ang Bibliya ay may takdang katalogo ng 66 na aklat, pawang likha ng pumapatnubay na banal na espiritu ng Diyos.

5. Ano ang kanon ng Bibliya, at papaano nagsimula ang katawagang ito?

5 Ang kanon ng Bibliya ay ang koleksiyon, o listahan, ng mga aklat ng tunay at kinasihang mga Kasulatan. Noong una, ang tambo (Hebreo, qa·nehʹ) ay naging panukat kung walang magamit na kahoy. Ikinapit ni apostol Pablo ang salitang Griyego na ka·nonʹ sa “tuntunin ng paggawi” at maging sa sukat ng “teritoryo” na iniatas sa kaniya. (Gal. 6:16, talababa; 2 Cor. 10:13) Kaya ang mga kanonikal na aklat ay yaong tunay at kinasihan at karapat-dapat gamitin bilang panukat sa tunay na pananampalataya, doktrina, at paggawi. Kaya kung gagamit tayo ng mga aklat na hindi kasing-“tuwid” ng batong panghulog, ang ating “gusali” ay hindi magiging matatag, at hindi makakapasa sa Dalubhasang Agrimensor.

6. Anong mga salik ang nagpapasiya sa pagiging-kanonikal ng isang aklat?

6 Pagtiyak sa Pagiging-Kanonikal. Ano ang mga banal na palatandaan na nagpapasiya sa pagiging-kanonikal ng 66 na aklat ng Bibliya? Una, ang mga ito ay dapat na may kinalaman sa gawain ni Jehova sa lupa, sa pag-akay sa tao sa kaniyang pagsamba at sa taimtim na paggalang sa kaniyang pangalan at gawain at mga layunin sa lupa. Dapat itong kakitaan ng ebidensiya ng pagkasi, ng pagkalikha ng banal na espiritu. (2 Ped. 1:21) Hindi ito dapat magtaguyod ng pamahiin o pagsamba sa nilalang kundi ng pag-ibig at paglilingkod sa Diyos. Ang nilalaman ng bawat kasulatan ay hindi dapat sumalungat sa panloob na pagkakasuwato ng kabuuan, at sa halip, ang bawat aklat, sa pagiging-kaisa ng lahat, ay dapat umalalay sa iisang pagka-akda, yaong sa Diyos na Jehova. Dapat ding asahan na ang mga kasulatan ay wasto hanggang sa kaliit-liitang detalye. Bukod sa mga saligang kahilingang ito, may iba pang espesipikong tanda ng pagiging-kinasihan at pagiging-kanonikal ayon sa nilalaman ng bawat aklat, at ito ay atin nang natalakay sa pambungad na materyales ng bawat aklat ng Bibliya. Isa pa, may pantanging mga sirkumstansiya na kumakapit sa Kasulatang Hebreo at gayundin sa Kristiyanong Kasulatang Griyego na tumutulong sa pagtiyak sa kanon ng Bibliya.

ANG MGA KASULATANG HEBREO

7. Sa anong pasulong na mga hakbang nabuo ang Hebreong kanon, at dapat makasuwato ng ano ang alinmang mas bagong karagdagan?

7 Hindi dapat isipin na ang pagtiyak sa kabuuan ng kinasihang Kasulatan ay naghintay hanggang sa natapos ang Hebreong kanon noong ikalimang siglo B.C.E. Buhat sa pasimula, ang mga isinulat ni Moises sa patnubay ng espiritu ng Diyos ay kinilala ng mga Israelita bilang kinasihan, iniakda ng Diyos. Nang matapos ang Pentateuko, ito ang bumuo sa kanon noong panahong yaon. Makatuwiran lamang na sumunod pa ang karagdagang kinasihang mga kapahayagan ng layunin ni Jehova sa tao, kasuwato ng saligang mga simulain ng tunay na pagsamba na inihaharap sa Pentateuko. Napatunayan ito sa pagtalakay ng iba’t-ibang aklat ng Bibliya, lalo na yaong may kinalaman sa dakilang tema ng Bibliya, ang pagpapakabanal ng pangalan ni Jehova at pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya sa pamamagitan ng Kaharian sa ilalim ni Kristo, ang Binhing Pangako.

8. Ano ang nagpapasiya sa pagiging-kanonikal ng makahulang mga aklat ng Bibliya?

8 Ang Kasulatang Hebreo, lalung-lalo na, ay sagana sa hula. Si Jehova mismo, sa pamamagitan ni Moises, ay naglaan ng saligan upang matiyak ang pagiging-tunay ng hula, kung baga ito’y galing sa Diyos o hindi, at tumulong ito sa pagtiyak sa pagiging-kanonikal ng isang makahulang aklat. (Deut. 13:1-3; 18:20-22) Ang pagsusuri sa bawat makahulang aklat ng Kasulatang Hebreo sa tulong ng buong Bibliya at ng sekular na kasaysayan ay tumitiyak na “ang salita” ay binigkas sa pangalan ni Jehova, na ito ay “natupad o nagkatotoo,” sa paraang lubusan o sa maliit o bahagyang katuparan kapag ito ay tungkol sa mga bagay na panghinaharap, at na ibinaling nito ang mga tao sa Diyos. Ang pag-abot sa mga kahilingang ito ay patotoo na ang hula ay tunay at kinasihan.

9. Anong mahalagang salik ang dapat isaisip kapag isinasaalang-alang ang suliranin ng kanon ng Bibliya?

9 Ang mga pagsipi ni Jesus at ng mga kinasihang manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay isa pang tuwirang paraan ng pagtiyak sa pagiging-kanonikal ng mga aklat ng Kasulatang Hebreo, bagaman ang ganitong panukat ay hindi kapit sa lahat, halimbawa, sa mga aklat ng Ester at Eclesiastes. Kaya sa pagtalakay sa pagiging-kanonikal, isa pang mahalagang salik ang dapat isaisip, isa na kumakapit sa buong kanon ng Bibliya. Kung kinasihan ni Jehova ang tao na isulat ang kaniyang banal na mga komunikasyon ukol sa ikatututo, ikatitibay, at ikasisigla sa pagsamba at paglilingkod sa kaniya, makatuwiran lamang na patnugutan at patnubayan ni Jehova ang pagtitipon ng kinasihang mga kasulatan at ang pagtiyak sa kanon ng Bibliya. Gagawin niya ito upang mapawi ang alinlangan sa kung ano talaga ang bumubuo sa kaniyang Salita ng katotohanan at kung alin ang walang-pagbabagong panukat ng tunay na pagsamba. Sa ganito lamang mabibigyan ang tao ng ‘bagong pagsilang sa pamamagitan ng salita ng Diyos’ at matulungan siyang magpatotoo na “ang salita ni Jehova ay mamamalagi magpakailanman.”​—1 Ped. 1:23, 25.

10. Kailan natiyak ang kanon ng Kasulatang Hebreo?

10 Pagtiyak sa Hebreong Kanon. Ayon sa tradisyong Judio si Ezra ang unang nagtipon at nagtala ng kanon ng Kasulatang Hebreo, at si Nehemias ang tumapos nito. Tiyak na si Ezra ay nasasangkapan nang husto, palibhasa siya’y kinasihang manunulat ng Bibliya bukod pa sa pagiging saserdote, iskolar, at opisyal na kalihim ng banal na mga kasulatan. (Ezra 7:1-11) Walang dahilan upang mag-alinlangan sa tradisyonal na pangmalas na ang kanon ng Kasulatang Hebreo ay naitatag na noong katapusan ng ikalimang siglo B.C.E.

11. Papaano itinatala ng tradisyonal na Judiong kanon ang Kasulatang Hebreo?

11 Sa ngayon ay may naitalang 39 na aklat ng Kasulatang Hebreo; 24 lamang ang nasa tradisyonal na Judiong kanon, kabilang na ang lahat ng ito. Ang ibang autoridad ay nagtala ng 22 aklat, dahil sa pagsasama ng Ruth at ng Mga Hukom, ng Mga Panaghoy at Jeremias, bagaman nanghahawakan pa rin sa lahat ng kanonikal na mga kasulatan. a Kaya ang bilang ng kinasihang mga aklat ay naging kasindami ng mga titik ng abakadang Hebreo. Ang sumusunod ay ang talaan ng 24 na aklat ayon sa tradisyonal na Judiong kanon:

 Ang Kautusan (Ang Pentateuko)

  1. Genesis

  2. Exodo

  3. Levitico

  4. Mga Bilang

  5. Deuteronomio

 Mga Propeta

  6. Josue

  7. Mga Hukom

  8. Samuel (Una at Ikalawa magkasama bilang isang aklat)

  9. Mga Hari (Una at Ikalawa magkasama bilang isang aklat)

 10. Isaias

 11. Jeremias

 12. Ezekiel

 13. Ang Labindalawang Propeta (Oseas, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habacuc, Zefanias, Hagai, Zacarias, at Malakias, bilang isang aklat)

 Ang Mga Kasulatan (Hagiographa)

 14. Mga Awit

 15. Mga Kawikaan

 16. Job

 17. Awit ni Solomon

 18. Ruth

 19. Mga Panaghoy

 20. Eclesiastes

 21. Ester

 22. Daniel

 23. Ezra (ang Nehemias ay isinama sa Ezra)

 24. Mga Cronica (Una at Ikalawa magkasama bilang isang aklat)

12. Ano pa ang tumitiyak sa Hebreong kanon, at sa anong mga kasulatan ito nagtapos?

12 Ito ang katalogo, o kanon, ng kinasihang Kasulatan na tinanggap ni Kristo Jesus at ng sinaunang kongregasyong Kristiyano. Dito lamang sumipi ang mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego, at sa paggamit ng mga salitang “gaya ng nasusulat,” tiniyak nila na ito nga’y Salita ng Diyos. (Roma 15:9) Nang binabanggit ang buong kinasihang Kasulatan na naisulat na noong panahon ng kaniyang ministeryo, tumukoy si Jesus sa “kautusan ni Moises at sa Mga Propeta at sa Mga Awit.” (Luc. 24:44) Ang “Mga Awit,” bilang unang aklat ng Hagiographa, ay tumutukoy sa buong seksiyong ito. Ang huling makasaysayang aklat na napalakip sa Hebreong kanon ay ang Nehemias. Na ito’y may patnubay ng espiritu ng Diyos ay makikita sa bagay na sa Nehemias lamang inilalaan ang pasimula ng pagtantiya sa tampok na hula ni Daniel tungkol sa 69 makahulang sanlinggo “mula sa paglabas ng utos na isauli at itayong muli ang Jerusalem” hangang sa pagdating ng Mesiyas. (Dan. 9:25; Neh. 2:1-8; 6:15) Inilalaan din ng Nehemias ang makasaysayang kapaligiran para sa huling makahulang aklat, ang Malakias. Tiyak na ang Malakias ay kabilang sa kinasihang Kasulatan, yamang si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay maraming beses na sumipi rito. (Mat. 11:10, 14) Bagaman gumawa ng kahawig na mga pagsipi sa halos lahat ng mga aklat ng Hebreong kanon, na pawang napasulat bago ang Nehemias at Malakias, ang mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay hindi sumipi sa alinmang di-umano’y kinasihang kasulatan na isinulat pagkatapos ng panahon nina Nehemias at Malakias hanggang sa panahon ni Kristo. Pinatutunayan nito ang tradisyonal na pangmalas ng mga Judio, at gayundin ng paniwala ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E., na ang kanon ng Kasulatang Hebreo ay nagtapos sa mga aklat ng Nehemias at Malakias.

APOKRIPAL NA MGA AKLAT NG KASULATANG HEBREO

13. (a) Ano ang mga aklat na Apokripal? (b) Papaano ito napabilang sa Romano Katolikong kanon?

13 Ano ang Apokripa? Ito’y mga kasulatan na inilakip sa ilang Bibliya ngunit tinanggihan ng iba sapagkat walang ebidensiya na ito’y kinasihan ng Diyos. Ang salitang Griyego na a·poʹkry·phos ay tumutukoy sa mga bagay na “maingat na nailihim.” (Mar. 4:22; Luc. 8:17; Col. 2:3) Ang kataga ay ikinakapit sa mga aklat na may kahina-hinalang pagkaka-akda o autoridad o yaong, bagaman mahalaga di-umano sa personal na pagbabasa, ay walang ebidensiya ng pagkasi ng Diyos. Ang gayong mga aklat ay inihiwalay at hindi binasa sa madla, kaya may diwa ng pagiging-“lihim.” Sa Konsilyo ng Cartago, noong 397 C.E., iminungkahi na idagdag sa Kasulatang Hebreo ang pito sa mga Apokripal na aklat, lakip ang mga dagdag sa kanonikal na mga aklat ng Ester at Daniel. Gayunman, inilakip lamang ito ng Iglesiya Katolika Romana sa kanilang katalogo ng mga aklat ng Bibliya noong 1546, sa Konsilyo ng Trent. Ito’y ang Tobit, Judith, mga dagdag sa Esther, Karunungan, Eclesiastico, Baruc, tatlong dagdag sa Daniel, Una at Ikalawang Macabeo.

14. (a) Sa papaanong paraan kawili-wili ang Unang Macabeo? (b) Sinong mga autoridad ang hindi kailanman tumukoy sa Apokripa, at bakit?

14 Ang Unang Macabeo, bagaman hindi kinasihan, ay may makasaysayang impormasyon. Iniuulat nito ang pakikipagpunyagi ng mga Judio ukol sa kalayaan noong ikalawang siglo B.C.E. sa pangunguna ng maka-saserdoteng pamilya ng mga Macabeo. Ang ibang Apokripal na aklat ay punô ng alamat at pamahiin at sagana sa kamalian. Ang mga ito’y hindi kailanman tinukoy o sinipi ni Jesus o ng mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego.

15, 16. Papaano ipinahiwatig nina Josephus at Jerome kung aling mga aklat ang kanonikal?

15 Sa kaniyang Against Apion (I, 38-41 [8]), tinukoy ng Judiong mananalaysay na si Flavius Josephus, ng unang siglo C.E., ang mga aklat na itinuring ng mga Hebreo na sagrado. Isinulat niya: “Wala tayong napakaraming iba’t-ibang aklat na salungat sa isa’t-isa. Ang ating mga aklat, yaong talagang kapani-paniwala, ay dalawampu’t dalawa lamang [katumbas ng ating 39 sa ngayon, gaya ng ipinakita sa parapo 11], at may ulat ng buong panahon. Sa mga ito, lima ang kay Moises, na bumubuo ng mga kautusan at tradisyonal na kasaysayan mula sa paglalang ng tao hanggang sa kamatayan ng tagapagbigay-batas. . . . Mula sa kamatayan ni Moises hanggang kay Artajerjes, na humalili kay Jerjes bilang hari ng Persya, ang kasaysayan ng kanilang panahon ay isinulat sa labintatlong aklat ng mga propetang kasunod ni Moises. Ang nalalabing apat ay mga awit sa Diyos at mga kawikaan sa makataong-paggawi.” Kaya ayon kay Josephus ang kanon ng Kasulatang Hebreo ay naitakda na matagal pa bago ang unang siglo C.E.

16 Ang iskolar ng Bibliya na si Jerome, na gumawa ng salin ng Bibliya na Latin Vulgate noong 405 C.E., ay tahasang nanindigan laban sa Apokripa. Matapos itala ang kinasihang mga aklat, na gumaya kay Josephus sa pagtukoy sa 39 na kinasihang aklat ng Kasulatang Hebreo bilang 22, isinulat niya ang ganitong paunang salita sa mga aklat ng Samuel at Hari sa Vulgate: “Kaya may dalawampu’t-dalawang aklat . . . Ang paunang-salitang ito sa Kasulatan ay magsisilbing matatag na pambungad sa lahat ng aklat na aming isinalin mula Hebreo tungo sa Latin; upang matiyak na anomang hihigit sa rito ay dapat ibilang sa apokripa.”

ANG KRISTIYANONG KASULATANG GRIYEGO

17. Anong pananagutan ang inaangkin ng Iglesiya Katolika Romana, ngunit sino talaga ang nagpasiya kung aling aklat ang bubuo sa kanon ng Bibliya?

17 Inaangkin ng Iglesiya Katolika Romana ang pananagutan na magpasiya kung aling aklat ang dapat mapalakip sa kanon ng Bibliya, at binabanggit ang Konsilyo ng Cartago (397 C.E.), kung saan binuo ang isang katalogo ng mga aklat. Gayunman, ang kabaligtaran ang siyang totoo, sapagkat ang kanon, pati na ang talaan ng mga aklat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego, ay naitakda na bago pa ang panahong yaon, hindi salig sa pasiya ng alinmang konsilyo, kundi sa patnubay ng banal na espiritu ng Diyos​—ang espiritu na unang kumasi sa pagsulat ng mga aklat na yaon. Ang patotoo ng nahuling di-kinasihang mga tagapagtala ay mahalaga lamang sa pagpapakilala sa kanon ng Bibliya, na kinasihan ng espiritu ng Diyos.

18. Anong mahahalagang konklusyon ang makukuha mula sa chart ng sinaunang mga katalogo ng Kristiyanong Kasulatang Griyego?

18 Ang Ebidensiya ng Sinaunang mga Katalogo. Sa pagsusuri sa kalakip na chart makikita na may ilang ikaapat-na-siglong katalogo ng mga Kasulatang Kristiyano, na pinetsahan bago pa ang nabanggit na konsilyo, na lubusang kasang-ayon ng ating kasalukuyang kanon, at Apocalipsis lamang ang hindi ibinibilang ng ilan. Bago natapos ang ikalawang siglo, tinatanggap na ang apat na Ebanghelyo, ang Mga Gawa, at ang 12 sa mga liham ni apostol Pablo. Iilan lamang sa mas maliliit na kasulatan ang pinag-alinlanganan sa ilang dako. Sa iba’t-ibang dahilan, malamang na hindi agad ito naipamahagi nang malawakan kung kaya natagalan bago tinanggap ito bilang kanonikal.

19. (a) Anong tampok na dokumento ang natagpuan sa Italya, at ano ang petsa nito? (b) Papaano nito ipinaliliwanag ang kanon na kinikilala nang panahong yaon?

19 Isang kapuna-punang sinaunang katalogo ay ang natuklasan ni L. A. Muratori, nasa Ambrosian Library, Milan, Italya, at inilathala niya noong 1740. Bagaman nawawala ang pasimula, ang pagtukoy nito sa Lucas bilang ikatlong Ebanghelyo ay nagpapahiwatig na una nang nabanggit ang Mateo at Marcos. Ang Muratorian Fragment, na nasa wikang Latin, ay mula sa huling bahagi ng ikalawang siglo C.E. Ito’y kawili-wiling dokumento, gaya ng makikita sa sumusunod na bahagi ng salin: “Ang ikatlong Ebanghelyo ay ayon kay Lucas. Si Lucas, ang minamahal na manggagamot, ay sumulat nito sa sariling pangalan . . . Ang ikaapat na Ebanghelyo ay kay Juan, isa sa mga alagad. . . . Walang salungatan sa paniwala ng mga mananampalataya, bagaman iba’t-iba ang salaysay ng iba’t-ibang aklat ng Ebanghelyo, sapagkat sa lahat [ng ito] at sa iisang pumapatnubay na Espiritu, ay naipahayag ang lahat ng mga bagay tungkol sa kaniyang pagsilang, paghihirap, pagkabuhay-na-muli, pakikipag-usap sa mga alagad, sa kaniyang tambalang pagparito, una ay sa kahihiyang dulot ng pagkapoot, na naganap na, at ang pangalawa ay sa kaluwalhatian ng maharlikang kapangyarihan, na darating pa. Kagila-gilalas nga, na sa kaniyang mga liham ay iisa ang pangangatuwiran ni Juan, sa pagsasabing: ‘ang nakita ng aming mata, at narinig ng aming tainga, at nahipo ng aming kamay, ang mga bagay na ito ay aming isinulat.’ Inaangkin niya hindi lamang ang pagiging-saksi kundi ang pagkarinig at pagiging-tagapagsalaysay ng lahat ng kamangha-manghang bagay ng Panginoon, ayon sa pagkasunud-sunod. Bukod dito, ang mga gawa ng lahat ng mga apostol ay nasa isang aklat. Isinulat ito ni Lucas para sa kagalang-galang na Teofilo . . . Ang mga liham ni Pablo, anoman yaon, kailan man o sa anomang dahilan isinulat ang mga yaon, ay maliwanag sa sinomang uunawa. Una ay sumulat siya nang malawakan sa mga taga-Corinto upang ipagbawal ang hidwaan ng erehiya, saka sa mga taga-Galacia [laban] sa pagtutuli, at sa mga taga-Roma tungkol sa pagkasunud-sunod ng mga Kasulatan, na nagdiriin na si Kristo ay mahalagang salik sa mga ito​—at bawat isa ay mahalagang talakayin, yamang ang pinagpalang Apostol Pablo mismo, bilang pagsunod sa halimbawa ni Juan na nauna sa kaniya, ay sumusulat nang sunud-sunod sa pitong iglesiya ayon sa pangalan: sa Corinto (una), sa Efeso (ikalawa), sa Filipos, (ikatlo), sa Colosas (ikaapat), sa Galacia (ikalima), sa Tesalonica (ikaanim), sa Roma (ikapito). Bagaman makalawa siyang sumulat ng pagtutuwid sa Corinto at Tesalonica, ipinakikita [?a.b., ng pitong liham na ito] na may iisang iglesiya na nakakalat sa buong lupa; at si Juan sa Apocalipsis, bagaman sumulat sa pitong iglesiya, ay nagsasalita rin naman sa lahat. Udyok ng pag-ibig at pagmamahal [sumulat siya] ng isa kay Filemon, isa kay Tito, at dalawa kay Timoteo; [at ang mga ito] ay sagrado sa marangal na pangmalas ng Iglesiya. . . . Bukod dito, kabilang din ang liham ni Judas at dalawa na may pangalan ni Juan . . . Tinanggap natin ang mga kapahayagan nina Juan at Pedro, na hindi nais mabasa ng ilan sa atin sa iglesiya [ang nahulí].”​—The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge, 1956, Tomo VIII, pahina 56.

20. (a) Bakit hindi binanggit ang tig-isang liham nina Juan at Pedro? (b) Gaano kalapit, kung gayon, ang pagkakahawig ng katalogong ito sa ating kasalukuyang katalogo?

20 Mapapansin na sa dakong huli ng Muratorian Fragment, dalawang liham lamang ni Juan ang binabanggit. Gayunman, ayon sa nabanggit na encyclopedia, sa pahina 55, ang dalawang liham ni Juan “ay tiyak na ang ikalawa at ikatlo, at nagpakilala lamang ang manunulat bilang ‘ang matanda.’ Palibhasa natalakay na ang una, bagaman pahapyaw, kaugnay ng Ikaapat na Ebanghelyo, at doo’y hindi niya pinag-alinlanganan ang pagkasulat ni Juan, nadama ng may-akda na sapat nang talakayin ang dalawang maliliit na liham.” Tungkol sa maliwanag na di-pagbanggit sa unang liham ni Pedro, ganito pa ang sinasabi ng reperensiya: “Ang pinaka-posibleng palagay ay ang pagkawala ng ilang salita, o marahil ay isang linya, na bumabanggit sa pagkatanggap sa I Pedro at sa Apocalipsis ni Juan.” Kaya, sa liwanag ng Muratorian Fragment, ang encyclopedia, sa pahina 56, ay nagtatapos: “Ang Bagong Tipan ay tiyak na binubuo ng apat na Ebanghelyo, Mga Gawa, labintatlong liham ni Pablo, ang Apocalipsis ni Juan, malamang na tatlong liham niya, ang Judas, at malamang na I Pedro, bagaman may mga sumasalansang sa isa pang sulat ni Pedro.”

21. (a) Ano ang kawili-wili sa mga komento ni Origen tungkol sa kinasihang mga kasulatan? (b) Ano ang kinilala ng nahuling mga manunulat?

21 Noong 230 C.E., tinanggap ni Origen ang Mga Hebreo at ang Santiago, kapuwa wala sa Muratorian Fragment, bilang bahagi ng kinasihang Kasulatan. Bagaman ipinahiwatig niya na may nag-aalinlangan sa pagiging-kanonikal ng mga ito, mauunawaan na sa panahong yaon, ang pagiging-kanonikal ng karamihan ng Kasulatang Griyego ay kilala na, at kaunti lamang ang may alinlangan sa di-gaanong napabantog na mga liham. Nang maglaon, kinilala nina Athanasius, Jerome, at Augustine ang sinaunang mga talaan nang tanggapin nila ang kanon ng 27 aklat na taglay natin ngayon. b

22, 23. (a) Papaano inihanda ang mga talaan ng mga katalogo sa chart? (b) Bakit maliwanag na walang gayong mga talaan bago ang Muratorian Fragment?

22 Karamihan ng mga katalogo sa chart ay espesipikong mga talaan na nagpapakita kung aling aklat ang itinuring na kanonikal. Ang talaan nina Irenaeus, Clement ng Aleksandriya, Tertullian, at Origen ay nabuo mula sa kanilang mga pagsipi, na nagpapaaninaw kung papaano nila itinuring ang mga kasulatang yaon. Sinusuhayan pa rin ito ng mga ulat ng sinaunang mananalaysay na si Eusebius. Gayunman, ang hindi pagbanggit sa ilang kanonikal na kasulatan ay hindi tanda na ang mga ito’y hindi kanonikal. Nagkataon lamang na sila ay hindi tumukoy sa mga ito dahil sa sariling kagustuhan o dahil sa paksang tinatalakay. Bakit walang eksaktong mga talaan na mas maaga kaysa Muratorian Fragment?

23 Ang isyu tungkol sa mga aklat na maaaring tanggapin ng mga Kristiyano ay bumangon lamang nang lumitaw ang mga kritikong gaya ni Marcion noong kalagitnaan ng ikalawang siglo C.E. Bumuo si Marcion ng sariling kanon ayon sa kaniyang mga doktrina, na pumili lamang ng ilang liham ni apostol Pablo at ng kinaltasang Ebanghelyo ni Lucas. Ito, sampu ng maraming babasahing apokripal na noo’y laganap na sa buong daigdig, ay umakay sa iba’t-ibang pag-aangkin hinggil sa kung aling mga aklat ang itinuturing na kanonikal.

24. (a) Ano ang pagkakakilanlan ng Apokripal na “Bagong Tipan”? (b) Ano ang sinasabi ng mga iskolar tungkol dito?

24 Mga Kasulatang Apokripal. Maliwanag na ibinubukod ng panloob na ebidensiya ang mga kinasihang kasulatang Kristiyano mula sa mga kathang huwad o di-kinasihan. Ang mga kasulatang Apokripal ay mas mababa ang uri at malimit na tila guni-guni at pambata lamang. Malimit na ang mga ito ay hindi wasto. c Pansinin ang komento ng mga iskolar tungkol sa mga aklat na hindi kanonikal:

 “Hindi dapat pag-alinlanganan kung bakit ito ay inihiwalay ng iba mula sa Bagong Tipan: ang mga ito na mismo ang naghiwalay sa sarili.”​—M. R. James, The Apocryphal New Testament, pahina xi, xii.

 “Kailangan lamang ihambing ang ating mga aklat ng Bagong Tipan sa ibang kahawig na babasahin upang makilala kung gaano kalaki ang agwat sa pagitan ng dalawa. Malimit sabihin na ang di-kanonikal na mga ebanghelyo ang pinakamahusay na ebidensiya para sa mga kanonikal.”​—G. Milligan, The New Testament Documents, pahina 228.

 “Hindi masasabi na ang isang kasulatang hiwalay sa Bagong Tipan na naingatan mula sa sinaunang yugto ng Simbahan ay wastong maidaragdag sa kasalukuyang Kanon.”​—K. Aland, The Problem of the New Testament Canon, pahina 24.

25. Anong katotohanan tungkol sa indibiduwal na mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ang magagamit na katuwiran ukol sa pagiging-kinasihan ng mga kasulatang ito?

25 Mga Kinasihang Manunulat. Kawili-wili ang karagdagang puntong ito. Sa iba’t-ibang paraan, lahat ng manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay kaugnay ng orihinal na lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano na kinabilangan ng mga apostol na personal na pinili ni Jesus. Sina Mateo, Juan, at Pedro ay kabilang sa 12 orihinal na apostol, at nang maglaon si Pablo ay napiling apostol ngunit hindi ibinilang sa 12. d Bagaman wala si Pablo sa pantanging pagbubuhos ng espiritu noong Pentekostes, sina Mateo, Juan, at Pedro ay naroon, kasama sina Santiago at Judas at malamang na pati si Marcos. (Gawa 1:13, 14) Ang mga liham ni Pablo ay tuwirang ibinibilang ni Pedro sa “ibang mga Kasulatan.” (2 Ped. 3:15, 16) Sina Marcos at Lucas ay matatalik na kaibigan at kasama nina Pablo at Pedro sa paglalakbay. (Gawa 12:25; 1 Ped 5:13; Col. 4:14; 2 Tim. 4:11) Sila’y pawang tumanggap ng makahimalang mga kakayahan mula sa banal na espiritu, sa pamamagitan ng pantanging pagbubuhos gaya noong Pentekostes at nang si Pablo ay makumberte (Gawa 9:17, 18) o, gaya ni Lucas, sa pagpapatong ng kamay ng mga apostol. (Gawa 8:14-17) Natapos ang buong Kristiyanong Kasulatang Griyego noong maybisa pa ang pantanging mga kaloob ng espiritu.

26. (a) Ano ang tinatanggap natin bilang Salita ng Diyos, at bakit? (b) Papaano natin ipakikita ang pagpapahalaga sa Bibliya?

26 Dahil sa pananampalataya sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, May-kasi at Tagapag-ingat ng kaniyang Salita, nagtitiwala tayo na siya ang pumatnubay sa pagtitipon ng iba’t-ibang bahagi nito. Kaya buong-tiwala nating tinatanggap ang 27 aklat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego at ang 39 ng Kasulatang Hebreo bilang iisang Bibliya, mula sa iisang May-akda, ang Diyos na Jehova. Ang kaniyang Salita na nasa 66 na aklat ay siya nating patnubay, at ang panlahatang pagkakasuwato at pagka-balanse ay patotoo ng pagiging-buo nito. Lahat ng kapurihan ay sa Diyos na Jehova, ang Maylikha ng walang-kaparis na aklat! Lubos tayong masasangkapan at aakayin sa landas ng buhay. Gamitin ito nang may-katalinuhan sa bawat pagkakataon.

[Mga talababa]

a Encyclopaedia Judaica, 1973, Tomo 4, tud. 826, 827.

b The Books and the Parchments, 1963, F. F. Bruce, pahina 112.

c Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 122-5.

d Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 129-30.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart sa pahina 303]

Namumukod-tanging Sinaunang mga Katalogo ng Kristiyanong Kasulatang Griyego

T - Tinatanggap nang walang alinlangan bilang maka-Kasulatan at kanonikal

P - Pinag-aalinlanganan sa ilang dako

PT - Pinag-aalinlanganan sa ilang dako, ngunit tinatanggap

ng tagapagtala bilang maka-Kasulatan at kanonikal

? - Hindi tiyak ng mga iskolar ang kahulugan ng teksto o

kung ano ang pagkilala sa aklat na nabanggit

□ - Ang blangkong espasyo ay pahiwatig na ang aklat

ay hindi ginamit o binanggit ng autoridad na yaon

Pangalan at Dako

Muratorian Irenaeus, Clement ng Tertullian,

Fragment, Asya Minor Aleksandriya H. Aprika

Italya

Humigit-kumulang

na Petsa C.E. 170 180 190 207

Mateo A A A A

Marcos A A A A

Lucas A A A A

Juan A A A A

Mga Gawa A A A A

Mga Taga-Roma A A A A

1 Corinto A A A A

2 Corinto A A A A

Mga Taga-Galacia A A A A

Mga Taga-Efeso A A A A

Mga Taga-Filipos A A A A

Mga Taga-Colosas A A A A

1 Tesalonica A A A A

2 Tesalonica A A A A

1 Timoteo A A A A

2 Timoteo A A A A

Tito A A A A

Filemon A A A A

Mga Hebreo A A A A

Santiago A A A A

1 Pedro A A A A

2 Pedro A A A A

1 Juan A A A A

2 Juan A A A A

3 Juan A A A A

Judas A A A A

Apocalipsis A A A A

Pangalan at Dako

Origen, Eusebius, Cyril ng Talaang

Aleksandriya Palestina Jerusalem Cheltenham,

H. Aprika

Humigit-kumulang

na Petsa C.E. 230 320 348 365

Mateo A A A A

Marcos A A A A

Lucas A A A A

Juan A A A A

Mga Gawa A A A A

Mga Taga-Roma A A A A

1 Corinto A A A A

2 Corinto A A A A

Mga Taga-Galacia A A A A

Mga Taga-Efeso A A A A

Mga Taga-Filipos A A A A

Mga Taga-Colosas A A A A

1 Tesalonica A A A A

2 Tesalonica A A A A

1 Timoteo A A A A

2 Timoteo A A A A

Tito A A A A

Filemon A A A A

Mga Hebreo A A A A

Santiago A A A A

1 Pedro A A A A

2 Pedro A A A A

1 Juan A A A A

2 Juan A A A A

3 Juan A A A A

Judas A A A A

Apocalipsis A A A A

Pangalan at Dako

Athanasius, Epiphanius, Gregory Amphilocius,

Aleksandriya Palestina Nazianzus, Asya Minor

Asya Minor

Humigit-kumulang

na Petsa C.E. 367 368 370 370

Mateo A A A A

Marcos A A A A

Lucas A A A A

Juan A A A A

Mga Gawa A A A A

Mga Taga-Roma A A A A

1 Corinto A A A A

2 Corinto A A A A

Mga Taga-Galacia A A A A

Mga Taga-Efeso A A A A

Mga Taga-Filipos A A A A

Mga Taga-Colosas A A A A

1 Tesalonica A A A A

2 Tesalonica A A A A

1 Timoteo A A A A

2 Timoteo A A A A

Tito A A A A

Filemon A A A A

Mga Hebreo A A A A

Santiago A A A A

1 Pedro A A A A

2 Pedro A A A A

1 Juan A A A A

2 Juan A A A A

3 Juan A A A A

Judas A A A A

Apocalipsis A A A A

Pangalan at Dako

Philaster, Jerome, Augustine, Ikatlong

Konsilyo

Italya Italya H. Aprika ng Cartago,

H. Aprika

Humigit-kumulang

na Petsa C.E. 383 394 397 397

Mateo A A A A

Marcos A A A A

Lucas A A A A

Juan A A A A

Mga Gawa A A A A

Mga Taga-Roma A A A A

1 Corinto A A A A

2 Corinto A A A A

Mga Taga-Galacia A A A A

Mga Taga-Efeso A A A A

Mga Taga-Filipos A A A A

Mga Taga-Colosas A A A A

1 Tesalonica A A A A

2 Tesalonica A A A A

1 Timoteo A A A A

2 Timoteo A A A A

Tito A A A A

Filemon A A A A

Mga Hebreo A A A A

Santiago A A A A

1 Pedro A A A A

2 Pedro A A A A

1 Juan A A A A

2 Juan A A A A

3 Juan A A A A

Judas A A A A

Apocalipsis A A A A