Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Araw ng Paghuhukom at Pagkaraan Nito

Ang Araw ng Paghuhukom at Pagkaraan Nito

Kabanata 21

Ang Araw ng Paghuhukom at Pagkaraan Nito

1. Ano ang isang karaniwang palagay tungkol sa Araw ng Paghuhukom?

 ANONG LARAWAN ang iginuguhit sa inyong isipan ng Araw ng Paghuhukom? Nakikita ng iba ang isang malaking trono, at sa harapan nito ay isang mahabang hanay ng mga tao na binuhay-muli sa mga patay. Habang dumadaan ang bawa’t isa sa harap ng trono, siya ay hinahatulan batay sa nakaraan niyang mga gawa, at lahat ng ito ay nakasulat sa aklat ng Hukom. Batay sa mga ginawa niya, siya ay dinadala sa langit o sa isang maapoy na impiyerno.

2. (a) Sino ang nagsaayos ukol sa Araw ng Paghuhukom? (b) Sino ang kaniyang inatasan bilang hukom?

2 Gayumpaman, ang Bibliya ay nagbibigay ng naiibang larawan ng Araw ng Paghuhukom. Ito’y hindi isang araw na dapat ipangamba o ikatakot. Pansinin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Nagtakda siya ng isang araw upang hukuman ang tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaking kaniyang inatasan.” (Gawa 17:31) Sabihin pa, ang hukom na ito na inatasan ng Diyos ay si Jesu-Kristo.

3. (a) Bakit natin matitiyak na si Kristo ay magiging makatarungan sa kaniyang paghatol? (b) Salig sa ano huhukuman ang mga tao?

3 Makatitiyak tayo na si Kristo ay magiging makatarungan at matuwid sa kaniyang paghatol. Ito ay tinitiyak sa atin ng isang hula hinggil sa kaniya sa Isaias 11:3, 4. Kaya, salungat sa karaniwang palagay, hindi niya hahatulan ang mga tao salig sa kanilang nakaraang mga kasalanan, na marami sa mga ito ay maaaring nagawa dahil sa kawalang-alam. Ipinaliliwanag ng Bibliya na kapag namatay, ang isang tao ay pinapalaya na mula sa anomang kasalanan na kaniyang nagawa. Sinasabi nito: “Ang namatay ay napawalang-sala na sa kaniyang kasalanan.” (Roma 6:7) Nangangahulugan ito na kapag ang isa ay binuhay-muli hahatulan siya batay sa kaniyang gagawin sa panahon ng Araw ng Paghuhukom, hindi sa ginawa niya bago siya namatay.

4. (a) Gaano kahaba ang Araw ng Paghuhukom? (b) Sino ang makakasama ni Kristo sa paghuhukom?

4 Kaya, ang Araw ng Paghuhukom ay hindi isang literal na araw na 24-oras. Nililiwanag ito ng Bibliya kapag binabanggit nito ang tungkol sa makakasama ni Jesu-Kristo sa paghuhukom. (1 Corinto 6:1-3) “Nakakita ako ng mga trono,” sabi ng manunulat ng Bibliya, “at yaong mga nakaupo rito, at ibinigay sa kanila ang kapangyarihan na humatol.” Ang mga hukom na ito ay ang tapat na pinahirang mga tagasunod ni Kristo na, ayon pa sa patuloy ng Bibliya, “nangabuhay-muli at nagharing kasama ni Kristo sa loob ng isang libong taon.” Kaya ang Araw ng Paghuhukom ay 1,000 taon ang haba. Ito rin ang 1,000-taong yugto ng panahon ng pagpupuno ni Kristo at ng kaniyang tapat na 144,000 pinahirang mga tagasunod bilang ang “bagong mga langit” sa ibabaw ng “bagong lupa.”​—Apocalipsis 20:4, 6; 2 Pedro 3:13.

5, 6. (a) Papaano inilarawan ng mang-aawit sa Bibliya ang Araw ng Paghuhukom? (b) Ano ang magiging kalagayan ng buhay sa lupa sa Araw ng Paghuhukom?

5 Tingnan ninyo ang mga pahinang ito. Nagbibigay ito ng ideya kung gaanong kamanghamangha ang Araw ng Paghuhukom para sa sangkatauhan. Ang mang-aawit ng Bibliya ay sumulat hinggil sa maluwalhating panahong yaon: “Sumaya ang bukirin at ang lahat ng naroroon. Umawit din ng kagalakan ang lahat ng punongkahoy sa gubat sa harapan ni Jehova. Sapagka’t siya’y dumating; sapagka’t naparito siya upang hatulan ang lupa. Hahatulan niya ng katuwiran ang mabungang lupain at ang mga bayan ng kaniyang katapatan.”​—Awit 96:12, 13.

6 Sa Araw ng Paghuhukom yaong mga makatatawid sa Armahedon ay gagawa upang maging paraiso ang lupa. Sa paraisong ito sasalubungin ang mga patay. (Lucas 23:43) Kay laking kaligayahan kapag ang mga pamilya na matagal nang pinagwalay ng kamatayan ay muling magkakasama-sama! Oo, kay inam mabuhay sa kapayapaan, magtamasa ng mabuting kalusugan at magkamit ng turo hinggil sa layunin ng Diyos! Sinasabi ng Bibliya: “Kapag nasa lupa ang iyong mga kahatulan ay matututo ng katuwiran ang mga nananahan sa mabungang lupain.” (Isaias 26:9) Sa Araw ng Paghuhukom lahat ng tao ay matututo tungkol kay Jehova, at bibigyan sila ng lubos na pagkakataon upang sumunod at maglingkod sa kaniya.

7. Sa Araw ng Paghuhukom, ano ang mangyayari sa mga maglilingkod sa Diyos at sa mga tatangging gumawa nito?

7 Sa ilalim ng ganitong mala-paraisong kalagayan huhukuman ni Jesu-Kristo at ng kaniyang 144,000 kasamang hari ang sangkatauhan. Yaong mga pipiling maglingkod kay Jehova ay tatanggap ng buhay na walang-hanggan. Subali’t kahit na sa ilalim ng pinakamabubuting kalagayan na ito, mayroon pa ring ilan na tatangging maglingkod sa Diyos. Sinasabi ng Kasulatan: “Magpakita man ng awa sa masama, hindi pa rin siya matututo ng katuwiran. Sa lupain ng katuwiran ay kikilos siya nang may kalikuan.” (Isaias 26:10) Kaya matapos bigyan ng pagkakataon na magbago ng landas at matuto ng katuwiran, ang masasamang ito ay lilipulin. Ang iba ay papatayin kahit hindi pa natatapos ang Araw ng Paghuhukom. (Isaias 65:20) Hindi sila papayagang manatili upang pasamain o dumhan ang paraisong lupa.

8. Ano ang kalagayan ng moral ng mga lalaki sa Sodoma?

8 Tunay na isang dakilang pribilehiyo na ikaw ay buhaying-muli sa lupa sa dakilang Araw ng Paghuhukom ni Jehova. Gayunman, ipinakita ng Bibliya na iyon ay isang pribilehiyo na tatamasahin hindi ng lahat. Halimbawa, isaalang-alang ang mga tao sa sinaunang Sodoma. Ayon sa Bibliya hinangad ng mga lalaki ng Sodoma na makipagtalik sa “mga lalaki” na dumadalaw kay Lot. Labis ang kanilang imoral na asal na anupat kahit na nang sila’y parang himalang mabulag, “kanilang ipinagpumilitang hanapin ang pintuan” ng bahay upang makapasok sila at makatalik ang mga panauhin ni Lot.​—Genesis 19:4-11.

9, 10. Ano ang ipinakikita ng Kasulatan tungkol sa pagkakataon sa pagkabuhay-muli para sa mga taong balakyot ng Sodoma?

9 Ang gayon bang totoong balakyot na mga tao ay bubuhaying-muli sa Araw ng Paghuhukom? Ipinakikita ng Kasulatan na malamang na hindi. Halimbawa, isa sa mga kinasihang alagad ni Jesus, si Judas, ay sumulat muna tungkol sa mga anghel na nagsialis sa kanilang dako sa langit upang makipagtalik sa mga anak na babae ng mga tao. At kaniyang isinusog pa: “Gayundin ang Sodoma at Gomorra at ang mga lunsod na nasa kanilang palibot, na dahil sa pagtulad nila sa mga binanggit na sa una sa pagpapakabuyo sa pakikiapid at sa pagsunod sa ibang laman para sa di-likas na gamit, ay inilagay na pinaka-halimbawa sa atin sa kanilang dinanas na parusang walang hanggang apoy.” (Judas 6, 7; Genesis 6:1, 2) Oo, dahil sa kanilang labis na imoralidad ang mga tao sa Sodoma at sa nakapalibot na lunsod ay pinuksa at malamang na hindi na sila bubuhaying mag-uli.​—2 Pedro 2:4-6, 9, 10a.

10 Ipinakikita rin ni Jesus na ang mga taga-Sodoma ay maaaring hindi na buhayin. Nang banggitin niya ang Capernaum, isa sa mga lunsod na kung saan gumawa siya ng mga himala, sinabi niya: “Kung sa Sodoma ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo [sa Capernaum], disin sana’y nananatili pa ito hanggang ngayon. Kaya naman sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit pang mapagpapaumanhinan ang lupain ng Sodoma kaysa inyo.” (Mateo 11:22-24) Dito’y idiniriin ni Jesus ang kabigatan ng pagkakasala ng mga tao sa Capernaum nang kaniyang sabihin na mas mapagpapaumanhinan pa ang sinaunang mga Sodomita na, sa isip ng mga nakikinig na Israelita, ay lubusang di-karapat-dapat sa pagkabuhay-muli sa Araw ng Paghuhukom.

11. Bakit magiging lalong madali sa Araw ng Paghuhukom para sa mga “matuwid” kaysa para sa kaninuman sa “di-matuwid”?

11 Kung gayon, dapat nating gawin ang lahat upang makapamuhay nang karapat-dapat sa pagkabuhay-muli. Ngunit maitatanong pa rin: Magiging lalong mahirap ba para sa iba sa mga bubuhaying-muli na matuto at sumunod sa katuwiran kung ihahambing sa iba? Bueno isaalang-alang ito: Bago nangamatay ang “matuwid” na mga taong sina Abraham, Isaac, Job, Debora, Ruth at Daniel, silang lahat ay naghihintay sa pagparito ng Mesiyas. Anong laki ng kasabikan nila sa Araw ng Paghuhukom na matuto tungkol sa kaniya, at maalaman na siya’y naghahari na sa langit! Kaya’t magiging mas madali para sa “matuwid” na mga taong ito na sumunod sa katuwiran sa panahong iyon kaysa sinuman sa mga “di-matuwid” na bubuhayin.​—Gawa 24:15.

MGA PAGKABUHAY-MULI SA “BUHAY” AT SA “PAGHATOL”

12. Ayon sa Juan 5:28-30, sino ang tatanggap ng “pagkabuhay-muli sa buhay,” at sino ang tatanggap ng “pagkabuhay-muli sa paghatol”?

12 Nang inilarawan ang kalagayan sa Araw ng Paghuhukom, sinabi ni Jesus: “Ang . . . nangasa alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, yaong nagsigawa ng mabuti ay sa isang pagkabuhay-muli sa buhay, at yaong mga nagsigawa ng masama ay sa isang pagkabuhay-muli sa paghatol. . . . ako ay humahatol ayon sa aking naririnig; at ang paghatol ko ay matuwid, sapagka’t hinahanap ko, hindi ang sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 5:28-30) Ano ang “pagkabuhay-muli sa buhay” at ano ang “pagkabuhay-muli sa paghatol”? Sino ang mga tatanggap nito?

13. Ano ang kahulugan ng pagtanggap ng isa ng “pagkabuhay-muli sa buhay”?

13 Nakita natin nang maliwanag na kapag ang mga patay ay nagsilabas sa libingan, hindi sila hinahatulan salig sa nakaraan nilang mga gawa. Sa halip, sila ay hinahatulan salig sa gagawin nila sa Araw ng Paghuhukom. Kaya nang banggitin ni Jesus ang “mga nagsigawa ng mabuti” at “mga nagsigawa ng masama,” ang tinutukoy niya ay ang mabubuti at masasamang bagay na gagawin nila sa panahon ng Araw ng Paghuhukom. Dahil sa kabutihang kanilang nagagawa, marami sa mga bubuhaying ito ay susulong sa kasakdalang-tao sa katapusan ng 1,000-taong Araw ng Paghuhukom. Kaya ang kanilang pagbabalik mula sa mga patay ay magiging isang “pagkabuhay-muli sa buhay,” sapagka’t kakamtin nila ang sakdal na buhay na malaya sa kasalanan.

14. Ano ang kahulugan ng pagtanggap ng isa ng “pagkabuhay-muli sa paghatol”?

14 Sa kabilang dako, kumusta naman yaong mga ‘nagsigawa ng masama’ sa panahon ng Araw ng Paghuhukom? Ang pagbabalik nila mula sa mga patay ay magiging isang “pagkabuhay-muli sa paghatol.” Ano ang kahulugan nito? Nangangahulugan ito ng paghatol o pagkondena sa kamatayan. Kaya ang mga taong ito ay lilipulin maging sa kalagitnaan o sa katapusan ng Araw ng Paghuhukom. Ang dahilan ay sapagka’t gumagawa sila ng masama; may-katigasan-ng-ulo silang tumatanggi na matuto at gumawa ng katuwiran.

KUNG KAILAN MAGSISIMULA ANG ARAW NG PAGHUHUKOM

15. Ano ang nagaganap karakaraka bago magsimula ang Araw ng Paghuhukom?

15 Nakita ni apostol Juan sa pangitain kung ano ang magaganap karakaraka bago ang Araw ng Paghuhukom. Sumulat siya: “Nakita ko ang isang malaking luklukan na puti at yaong nakaluklok doon. Mula sa kaniya ay tumakas ang lupa at ang langit, . . . At nakita ko ang mga patay, ang malalaki at maliliit, na nakatayo sa harap ng luklukan . . . At ang mga patay ay hinatulan.” (Apocalipsis 20:11, 12) Kaya bago magsimula ang Araw ng Paghuhukom, ang kasalukuyang sistema ng mga bagay na binubuo ng ‘lupa at ng langit’ ay mawawala na. Yaon lamang mga naglilingkod sa Diyos ang makaliligtas, samantalang lahat ng masasama ay lilipulin sa Armahedon.​—1 Juan 2:17.

16. (a) Sino bukod sa mga patay ang hahatulan sa Araw ng Paghuhukom? (b) Salig sa ano sila hahatulan?

16 Kaya hindi lamang ang mga “patay” na binuhay-muli ang siyang hahatulan sa Araw ng Paghuhukom. Ang mga “buháy” na makaliligtas sa Armahedon, pati na ang kanilang magiging mga anak, ay hahatulan din. (2 Timoteo 4:1) Sa kaniyang pangitain, nakita ni Juan kung papaano sila huhukuman. “At binuksan ang mga balumbon,” sumulat siya. “At ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa. At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at sila’y hinatulan bawa’t isa ayon sa kanikanilang mga gawa.”​—Apocalipsis 20:12, 13.

17. Ano ang “mga balumbon” na salig doo’y hahatulan ang “mga buháy” at ang “mga patay”?

17 Alin yaong “mga balumbon” na binubuksan na salig doo’y hinahatulan kapuwa ang “mga patay” at ang “mga buháy”? Maliwanag na ang mga ito ay karagdagan sa ating kasalukuyang Banal na Bibliya. Ang mga ito ay kinasihang mga sulat na naglalaman ng mga batas at tagubilin ni Jehova. Sa pagbabasa nito lahat ng tao sa lupa ay makakaalam ng layunin ng Diyos. Pagkatapos, salig sa mga batas at tagubilin sa “mga balumbon” na ito, lahat ng nasa lupa ay hahatulan. Yaong mga susunod sa mga bagay na nasusulat doon ay tatanggap ng mga pakinabang mula sa haing pantubos ni Kristo, at unti-unti silang susulong sa kasakdalang-tao.

18. (a) Ano ang magiging kalagayan sa katapusan ng Araw ng Paghuhukom? (b) Sa anong diwa mabubuhay ang mga “patay” sa dulo ng 1,000 taon?

18 Sa katapusan ng 1,000-taong Araw ng Paghuhukom walang sinoman sa lupa ang mananatili sa namamatay na kalagayan dahil sa kasalanan ni Adan. Tunay na sa sukdulang kahulugan ang lahat ay nabubuhay. Ito ang tinutukoy ng Bibliya nang sabihin nito: “Ang iba sa mga patay [bukod ito sa 144,000 aakyat sa langit] ay hindi nangabuhay hanggang sa matapos ang isang libong taon.” (Apocalipsis 20:5) Ang pagtukoy dito na “iba sa mga patay” ay hindi nangangahulugan na mayroon pang bubuhayin sa katapusan ng 1,000 taon na Araw ng Paghuhukom. Sa halip, nangangahulugan ito na lahat ng tao ay magkakamit ng buhay sa diwa na sa wakas sumapit na sila sa kasakdalang-tao. Sila ay nasa kalagayan na kagayang-kagaya niyaong kina Adan at Eba sa halamanan ng Eden. Ano ang susunod?

PAGKARAAN NG ARAW NG PAGHUHUKOM

19. Ano ang gagawin ni Kristo sa katapusan ng Araw ng Paghuhukom?

19 Palibhasa’y natapos na ang lahat ng ipinagagawa sa kaniya ng Diyos, “ibibigay” ni Jesu-Kristo “ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.” Ito’y sa katapusan ng 1,000-taong Araw ng Paghuhukom. Sa panahong yaon lahat ng mga kaaway ay nailigpit na. Ang kahulihulihan sa mga ito ay ang kamatayan na minana kay Adan. Lilipulin ito! Kung magkagayon ang Kaharian ay magiging pag-aari ng Diyos na Jehova. Tuwiran niya itong pamamahalaan bilang Hari.​—1 Corinto 15:24-28.

20. (a) Ano ang gagawin ni Jehova upang matiyak kung kaninong mga pangalan ang isusulat sa “aklat ng buhay”? (b) Bakit angkop ang isang pangwakas na pagsubok sa sangkatauhan?

20 Papaano malalaman ni Jehova kung kaninong mga pangalan ang isusulat sa “balumbon ng buhay,” o “aklat ng buhay”? (Apocalipsis 20:12, 15) Sa pamamagitan ng isang pagsubok sa sangkatauhan. Tandaan kung papaanong sina Adan at Eba ay hindi nakasulit sa gayong pagsubok, subali’t si Job, nang subukin, ay nanatiling tapat. Subali’t ang pananampalataya ng karamihan ng tao na mabubuhay hanggang sa katapusan ng 1,000 taon ay hindi pa kailanman nasubok. Bago sila buhaying-muli wala silang kaalam-alam hinggil sa mga layunin ni Jehova. Bahagi sila ng masamang pamamalakad ni Satanas; sila’y “di-matuwid.” Ngayon, makaraang buhaying-muli, madali para sa kanila na maglingkod kay Jehova palibhasa’y nabubuhay sa isang paraiso nang walang pagsalansang mula sa Diyablo. Subali’t ang bilyun-bilyon kayang taong ito, na mga sakdal na noon, ay maglilingkod kay Jehova kung si Satanas ay bibigyan ng pagkakataon na hadlangan sila sa gayong paglilingkod? Magagawa kaya sa kanila ni Satanas ang ginawa niya sa sakdal na sina Adan at Eba?

21. (a) Papaano susubukan ni Jehova ang sangkatauhan? (b) Kapag natapos na ang pagsubok, ano ang mangyayari sa mga nasasangkot?

21 Upang lutasin ang mga suliraning ito, palalayain ni Jehova si Satanas at ang kaniyang mga demonyo mula sa kalaliman na kinaroonan nila sa loob ng 1,000 taon. Ano ang resulta? Ipinakikita ng Bibliya na si Satanas ay magtatagumpay sa pagtalikod sa ilang tao mula sa paglilingkod kay Jehova. Ang mga ito ay magiging gaya ng “buhangin sa dagat,” na nangangahulugang hindi matiyak ang kanilang bilang. Pagkatapos ng pagsubok na ito, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, at pati na yaong mga hindi makasusulit sa pagsubok, ay ihahagis sa makasagisag na “dagat-​dagatang apoy,” alalaong baga’y ang ikalawang (walang-hanggang) kamatayan. (Apocalipsis 20:7-10, 15) Subali’t yaong ang mga pangala’y masusumpungan sa “aklat ng buhay” ay mananatili sa maluwalhating paraisong lupa. Ang pagkasulat ng kanilang mga pangalan sa “aklat ng buhay” ay nangangahulugang hinahatulan sila ni Jehova bilang mga sakdal at matuwid sa puso, isip at katawan at sa gayo’y karapatdapat manirahan magpakailanman sa paraiso sa lupa.

ANG KASALUKUYANG ARAW NG PAGHUHUKOM

22. Upang mabuhay hanggang sa Araw ng Paghuhukom at sa pangwakas na pagsubok sa sangkatauhan, sa ano tayo dapat makaligtas ngayon?

22 Kaya binabanggit ng Bibliya ang mga pangyayari 1,000 taong patiuna. At ipinakikita nito na walang dahilan upang matakot sa hinaharap. Subali’t ang tanong ay ito: Naroroon kaya kayo upang tamasahin ang mga bagay na inihahanda ng Diyos na Jehova? Depende ito sa pagkapasa ninyo sa isang mas maagang paghuhukom, alalaong baga’y, ang kasalukuyang “araw ng paghuhukom at ng paglipol sa masasama.”​—2 Pedro 3:7.

23. (a) Sa anong dalawang uri pinagbubukod ngayon ang mga tao? (b) Ano ang mangyayari sa bawa’t uri, at bakit?

23 Oo, mula nang magbalik si Kristo at lumuklok sa kaniyang makalangit na trono, ang buong sangkatauhan ay nasa paghatol. Ang kasalukuyang “araw ng paghuhukom” na ito ay nauuna sa 1,000 taong Araw ng Paghuhukom. Sa kasalukuyang paghuhukom ang mga tao ay ibinubukod sa kaliwa ni Kristo bilang “mga kambing” o sa kaniyang kanan bilang “mga tupa.” Ang “mga kambing” ay lilipulin sapagka’t tumatanggi silang tumulong sa pinahirang “mga kapatid” ni Kristo sa kanilang paglilingkod sa Diyos. Hindi matatagalan, at ipakikita ng “mga kambing” na ito na sila’y di-nagsisising mga makasalanan, balakyot at manhid na sa paggawa ng kalikuan. Sa kabilang dako, ang “mga tupa” ay pagpapalain ng buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian sapagka’t tinatangkilik nila ang “mga kapatid” ni Kristo sa lahat ng paraan.​—Mateo 25:31-46.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 178]

Bakit sinabi ni Jesus na higit pang mapagpapaumanhinan sa Araw ng Paghuhukom ang mga taga-Sodoma?