Ang Mabuhay Magpakailanman ay Hindi Panaginip Lamang
Kabanata 1
Ang Mabuhay Magpakailanman ay Hindi Panaginip Lamang
1, 2. Bakit mahirap maniwala na ang tao ay maaaring mabuhay magpakailanman sa kaligayahan sa lupa?
KALIGAYAHAN sa lupa—parang imposible ito kahit na panandalian lamang. Ang sakit, pagtanda, gutom, krimen—ilan lamang ito sa mga problema—ay madalas nagpapahirap sa buhay. Kaya, baka isipin ninyo na ang maniwala sa walang-hanggang buhay sa paraiso sa lupa ay pagbubulag-bulagan sa katotohanan. Baka isipin ninyong pag-aaksaya lamang ng panahon para pag-usapan pa ito, na ito ay panaginip lamang.
2 Tiyak na marami ang sasang-ayon sa inyo. Kung gayon, bakit tayo makatitiyak na maaari kayong mabuhay magpakailanman sa paraiso sa lupa? Bakit tayo makapaniniwala na hindi ito panaginip lamang?
BAKIT TAYO MAKAPANINIWALA
3. Ano ang nagpapakita na gusto ng Diyos na lumigaya ang tao sa lupa?
3 Kasi, ang lupa ay inihanda ng Pinakamataas na Kapangyarihan, ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, na kompleto sa lahat ng kailangan natin. Ginawa niya ang lupa na tamang-tama para sa atin! At nilalang niya ang lalaki’t babae para lubusan silang masiyahan sa buhay sa makalupang tahanang ito—magpakailanman.—Awit 115:16.
4. Ano ang nalaman ng mga siyentipiko tungkol sa katawan ng tao na nagpapatotoong nilikha ito upang mabuhay magpakailanman?
4 Matagal nang alam ng mga siyentipiko na ang katawan ay may kakayahang baguhin ang sarili. Kamanghamangha ang pagpapalit o pagkukumpuni ng mga selula ng katawan. At waring makapagpapatuloy ang kakayahang ito magpakailanman. Pero hindi gayon ang nangyayari, at ito ay hindi maipaliwanag ng mga siyentipiko. Hindi pa nila masyadong maintindihan kung bakit tumatanda ang tao. Sinasabi nila na, sa ilalim ng wastong kalagayan, dapat mabuhay ang tao magpakailanman.—Awit 139:14.
5. Ano ang sabi ng Bibliya na layunin ng Diyos sa lupa?
5 Pero talaga bang layunin ng Diyos na tayo’y mabuhay nang maligaya sa lupang ito magpakailanman? Kung oo, ang walang-hanggang buhay ay hindi lamang panaginip—talagang darating ito! Ano ba ang sinasabi ng Bibliya, ang aklat na nagpapaliwanag ng layunin ng Diyos? Sinasabi nito na Diyos “ang Nag-anyo ng lupa at Maygawa nito,” at saka:“Siya ang nagtatag nito, hindi nilikha ito sa walang kabuluhan, inanyuan niya ito upang tahanan.”—Isaias 45:18.
6. (a) Ano ang mga kalagayan ngayon sa lupa? (b) Ganito ba ang gustong mangyari ng Diyos?
6 Sa palagay ninyo kaya’y natatahanan ang lupa ayon sa gusto ng Diyos? Totoo, may mga tao sa lahat halos ng bahagi ng lupa. Pero namumuhay ba sila nang maligaya bilang nagkakaisang pamilya, sa paraan na nilayon ng Maylikha? Ang daigdig ay nahahati ngayon. May pagkakapootan. May krimen. May giyera. Milyun-milyon ang nagugutom at maysakit. Marami ang aburido araw-araw dahil sa tirahan, trabaho at gastos. Lahat ng ito ay hindi nagpaparangal sa Diyos. Maliwanag na ang lupa ay hindi natatahanan sa paraan na nilayon ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat mula pa noong una.
7. Ano ang layunin ng Diyos sa lupa nang lalangin niya ang unang mag-asawa?
7 Pagkatapos likhain ang unang mag-asawa, inilagay sila ng Diyos sa makalupang paraiso. Gusto niyang lumigaya sila sa lupa magpakailanman. Layunin niya na kanilang palaganapin ang paraiso sa buong lupa. Ipinakikita ito ng kaniyang utos:“Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin ito.” (Genesis 1:28) Oo, sa paglipas ng panahon, ang buong lupa ay mapapailalim sa pagsupil ng matuwid na sambahayan ng tao na sama-samang nabubuhay sa kapayapaan at kaligayahan.
8. Bagaman sumuway sa Diyos ang unang mag-asawa, bakit natin natitiyak na hindi nagbago ang layunin ng Diyos para sa lupa?
8 Bagaman sumuway ang unang mag-asawa sa Diyos, at ipinakita na hindi sila karapatdapat mabuhay magpakailanman, hindi pa rin nagbago ang layunin ng Diyos. Matutupad ito! (Isaias 55:11) Nangangako ang Bibliya:“Mamanahin ng matuwid ang lupa, at tatahan doon magpakailanman.” (Awit 37:29) Madalas banggitin ng Bibliya na bibigyan ng Diyos ng walang-hanggang buhay ang lahat ng taong naglilingkod sa kaniya.—Juan 3:14-16, 36; Isaias 25:8; Apocalipsis 21:3, 4.
ANG PAGNANAIS NA MABUHAY—SAAN?
9. (a) Ano ang normal na naisin ng tao? (b) Ano ang ibig sabihin ng Bibliya kapag sinabing ‘inilakip ng Diyos ang kawalang-hanggan sa kanilang isip’?
9 Talagang matutuwa tayo sapagka’t layunin ng Diyos na tayo’y mabuhay magpakailanman. Isipin ninyo:Kung papipiliin kayo, kailan ninyo gustong mamatay? Mahirap sagutin, hindi ba? Hindi ninyo gustong mamatay, ni gugustuhin man ito ng ibang normal at malusog na tao. Nilalang tayo ng Diyos na may pagnanais na mabuhay, hindi ang mamatay. Sinasabi ng Bibliya hinggil sa paglikha ng Diyos sa tao:“Inilakip pa man din niya ang kawalang-hanggan sa kanilang isip.” (Eclesiastes 3:11, Byington) Ano ang kahulugan nito? Na karaniwan na ay nais ng tao na mabuhay nang patuluyan, walang kamatayan. Dahil sa pagnanais na ito ukol sa walang-hanggan, matagal nang hinanap ng tao ang paraan upang siya’y manatiling bata habang-panahon.
10. (a) Saan likas na ninanais ng tao na mabuhay magpakailanman? (b) Bakit tayo makatitiyak na gagawing-posible ng Diyos ang pamumuhay natin sa lupa magpakailanman?
10 Saan ba gusto ng tao na mabuhay magpakailanman? Saan pa kundi sa lugar na kinasanayan na niya, dito sa lupa. Ang tao ay ginawa ukol sa lupa, at ang lupa ukol sa tao. (Genesis 2:8, 9, 15) Sinasabi ng Bibliya:“Itinatag niya [ng Diyos] ang lupa sa mga patibayan nito; hindi ito matitinag magpakailanman.” (Awit 104:5) Palibhasa ang lupa’y nilayon na umiral magpakailanman, ganoon din ang tao. Tiyak na hindi lalalang ang maibiging Diyos ng mga tao na gustong mabuhay magpakailanman at pagkatapos ay ipagkakait sa kanila ang pagnanais na ito!—1 Juan 4:8; Awit 133:3.
ANG URI NG BUHAY NA NAIS NINYO
11. Papaano ipinakikita ng Bibliya na maaaring mabuhay ang tao magpakailanman sa lupa sa sakdal na kalusugan?
11 Tingnan ninyo ang susunod na pahina. Anong uri ng buhay ang tinatamasa ng mga taong ito? Gusto ba ninyong maging isa sa kanila? Aba, oo, sasabihin ninyo! Tingnan ninyo kung gaano kalusog at kabata ang hitsura nila! Kung sasabihin sa inyo na libu-libong taon nang nabubuhay ang mga ito, maniniwala kaya kayo? Sinasabi ng Bibliya na ang matatanda’y muling babata, gagaling ang mga maysakit at ang mga pilay, bulag, bingi at pipi ay gagaling din. Nang nasa lupa makahimalang pinagaling ni Jesu-Kristo ang mga maysakit. Ipinakita lamang niya noon kung papaanong, sa hindi na matatagalang panahon, lahat ng nabubuhay ay ibabalik sa sakdal na kalusugan.—Job 33:25; Isaias 33:24; 35:5, 6; Mateo 15:30, 31.
12. Anong mga kalagayan ang nakikita natin sa mga larawang ito?
12 Tingnan ninyo ang napakagandang halamanang tahanang ito. Gaya ng ipinangako ni Kristo, talagang ito’y paraiso, kagaya niyaong iniwala ng masuwaying unang mag-asawa. (Lucas 23:43) At pansinin ang kapayapaan at pagsusunuran. Lahat ng lahi—ang itim, puti, dilaw—ay namumuhay bilang isang pamilya. Pati mga hayop ay mapapayapa. Tingnan ninyo ang batang kalaro ng leon. Wala itong sukat ikatakot. Tungkol dito ay nagpahayag ang Maylikha:“Ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabain ay magkakasama; at papatnubayan sila ng munting bata. . . . Pati leon ay kakain ng dayami gaya ng baka. At ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ulupong.”—Isaias 11:6-9.
13. Ano ang mawawala sa lupa kapag natupad na ang mga layunin ng Diyos?
13 Sa paraiso na inihahanda ng Diyos para sa tao, maraming dahilan upang lumigaya. Ang lupa ay magbubunga ng saganang pagkain. Wala na uling magugutom. (Awit 72:16; 67:6) Ang mga giyera, krimen, karahasan, at maging poot at kasakiman, ay magiging bahagi na ng nakalipas. Oo, mawawala na ito magpakailanman! (Awit 46:8, 9; 37:9-11) Naniniwala ba kayo na posibleng lahat ito?
14. Bakit kayo naniniwala na wawakasan ng Diyos ang paghihirap?
14 Isipin ninyo:Kung magagawa ninyo, wawakasan ba ninyo ang lahat ng bagay na nagpapahirap sa tao? At paiiralin ninyo kaya ang mga kalagayan na pinakamimithi ng tao? Siyempre. Ganitong-ganito ang gagawin ng maibigin at makalangit na Ama. Ibibigay niya ang ating kailangan at naisin, sapagka’t sinasabi ng Awit 145:16 tungkol sa Diyos:“Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan ang nasa ng bawa’t nabubuhay.” Pero kailan ito mangyayari?
MALAPIT NA ANG DAKILANG MGA PAGPAPALA
15. (a) Ang katapusan ng sanlibutan ay mangangahulugan ng ano para sa lupa? (b) Para sa masasama? (c) Para sa mga gumagawa ng kalooban ng Diyos?
15 Para maging posible ang mga pagpapalang ito, nangangako ang Diyos na wawakasan niya ang kasamaan pati na yaong gumagawa nito. Kasabay nito, ililigtas niya yaong naglilingkod sa kaniya, sapagka’t sinasabi ng Bibliya:“Ang sanlibutan ay lumilipas pati na ang pita nito, nguni’t ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Kay laking pagbabago nito! Ang katapusan ng sanlibutan ay hindi katapusan ng ating lupa. Sa halip, gaya noong pandaigdig na baha ni Noe, katapusan lamang ito ng masasama at ng kanilang paraan ng pamumuhay. Pero maliligtas yaong naglilingkod sa Diyos. Pagkatapos, sa isang nilinis na lupa, tatamasahin nila ang kalayaan mula sa lahat ng nagpapahirap at umaapi sa kanila.—Mateo 24:3, 37-39; Kawikaan 2:21, 22.
16. Anong mga pangyayari ang inihula para sa “mga huling araw”?
16 Baka may magsasabi:‘Pero lumulubha ang mga kalagayan, hindi bumubuti. Papaano natin matitiyak na malapit na ang pagbabagong ito?’ Inihula ni Jesu-Kristo ang maraming bagay na dapat abangan ng kaniyang mga tagasunod para malaman nila kung kailan wawakasan ng Diyos ang sanlibutan. Sinabi ni Jesus na ang mga huling araw ng sistemang ito ay makikilala dahil sa malalaking digmaan, kakapusan ng pagkain, malalakas na lindol, lumalagong krimen pati na ang kawalan ng pag-ibig. (Mateo 24:3-12) Sinabi niya na magkakaroon ng “kasalatan sa mga bansa, na natitilihan.” (Lucas 21:25) At saka sinasabi pa ng Bibliya:“Sa huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.” (2 Timoteo 3:1-5) Hindi ba ganito na nga ang mga kalagayan na dinaranas natin?
17. Ano ang sinasabi ng mga taong palaisip tungkol sa mga kalagayan sa ngayon?
17 Maraming palaisip sa takbo ng daigdig ang nagsasabi na darating ang malaking pagbabago. Halimbawa, sumulat ang editor ng Herald ng Miami, E. U. A.:“Kahit sino na kakalahati ang katinuan ng isip ay makakakita batay sa kapahapahamak na mga pangyayari nitong nakaraang ilang taon na ang daigdig ay napapaharap sa makasaysayang pagbabago. . . . Babaguhin nito magpakailanman ang paraan ng buhay ng tao.” Sinabi din ng Amerikanong manunulat na si Lewis Mumford:“Papalubog na ang sibilisasyon. Tiyak ito. . . . Noong nakaraan, nangyayari lamang ito sa isang lugar. . . . Ngayon, na ang mundo ay lubhang pinaliit ng makabagong komunikasyon, kapag lumulubog na ang sibilisasyon, ang buong planeta ay lulubog din.”
18. (a) Ano ang ipinakikita ng mga kalagayan sa daigdig tungkol sa hinaharap? (b) Ano ang papalit sa mga gobiyerno sa ngayon?
18 Ang mga kalagayan sa daigdig ngayon ay nagpapakita na nabubuhay tayo sa panahon na kung saan magaganap ang pagkawasak ng buong sistema ng mga bagay. Oo, malapit nang linisin ng Diyos ang lupa mula sa lahat ng nagpapahamak nito. (Apocalipsis 11:18) Aalisin niya ang kasalukuyang mga gobiyerno upang magbigay-daan sa kaniyang matuwid na pamahalaan na magpupuno sa buong lupa. Ito ang Kahariang pamahalaan na itinuro ni Kristo na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod.—Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.
19. Upang mabuhay magpakailanman, ano ang dapat nating gawin?
19 Kung mahal ninyo ang buhay at gusto ninyong mabuhay magpakailanman sa ilalim ng paghahari ng Diyos, kumuha kayo agad ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, sa mga layunin niya at kahilingan. Nanalangin si Jesu-Kristo:“Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa kaniya na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kay sayang malaman na maaari tayong mabuhay magpakailanman—na hindi ito panaginip lamang! Nguni’t upang tamasahin ang pagpapalang ito mula sa Diyos dapat nating mabatid na may isang kaaway na humahadlang sa atin sa pagkakamit nito.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 8, 9]
Layunin ba ng Diyos na maging ganito ang daigdig?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 11]