Tayo Ba’y Nasa Ilalim ng Sampung Utos?
Kabanata 24
Tayo Ba’y Nasa Ilalim ng Sampung Utos?
1. Anong batas ang inihatid ni Moises sa bayan?
ANONG MGA BATAS ang gustong ipatupad sa atin ng Diyos? Dapat ba nating ingatan ang tinatawag ng Bibliya na “batas ni Moises” o kung minsa’y, “ang Kautusan”? (1 Hari 2:3; Tito 3:9) Tinatawag din itong “batas ni Jehova,” sapagka’t Siya ang nagkaloob nito. (1 Cronica 16:40) Inihatid lamang ni Moises ang Kautusan sa mga tao.
2. Ano ang bumubuo sa kautusang yaon?
2 Ang batas ni Moises ay binubuo ng mahigit na 600 indibiduwal na batas, o mga utos, pati na ang 10 pinakapangunahin. Sinabi ni Moises: “Kaniyang [si Jehova] iniutos na inyong ganapin, samakatuwid baga’y ang sampung utos; at kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato.” (Deuteronomio 4:13; Exodo 31:18, King James Version) Subali’t kanino ba ibinigay ni Jehova ang Kautusan, lakip na ang Sampung Utos? Ibinigay ba niya ito sa buong sangkatauhan? Ano ang layunin ng Kautusan?
SA ISRAEL UKOL SA PANTANGING LAYUNIN
3. Papaano natin nalalaman na ang Kautusan ay ibinigay lamang sa Israel?
3 Ang Kautusan ay hindi ibinigay sa buong sangkatauhan. Gumawa si Jehova ng isang tipan, o kasunduan, sa mga inapo ni Jacob, na siyang bumuo sa bansang Israel. Ibinigay ni Jehova ang kaniyang mga batas tangi lamang sa bansang ito. Nililiwanag ito ng Bibliya sa Deuteronomio 5:1-3 at Awit 147:19, 20.
4. Bakit ibinigay ang Kautusan sa bansang Israel?
4 Nagtanong si apostol Pablo: “Bakit, kung gayon, ang Kautusan?” Oo, sa anong layunin ibinigay ni Jehova ang kaniyang batas sa Israel? Sumagot si Pablo: “Upang mahayag ang mga pagsalansang, hanggang dumating ang binhi na siyang pinangakuan . . . Kaya ang Kautusan ay naging guro [o, tagapagturo] upang ihatid tayo kay Kristo.” (Galacia 3:19-24) Ang pantanging layunin ng Kautusan ay upang ipagsanggalang at akayin ang bansang Israel at ihanda sila sa pagtanggap kay Kristo kapag siya’y dumating. Ang maraming mga hain na hiniling ng Kautusan ay nagpaalaala sa mga Israelita na sila’y mga makasalanan na nangangailangan ng isang Tagapagligtas.—Hebreo 10:1-4.
“SI KRISTO ANG KINAUUWIAN NG KAUTUSAN”
5. Nang si Kristo ay naparito at namatay alang-alang sa atin, ano ang nangyari sa Kautusan?
5 Sabihin pa, si Jesu-Kristo ang ipinangakong Tagapagligtas, gaya ng ipinahayag ng anghel noong siya’y isilang. (Lucas 2:8-14) Kaya nang naparito si Kristo at ibinigay ang kaniyang sakdal na buhay bilang hain, ano ang nangyari sa Kautusan? Pinawi ito. “Wala na tayo sa ilalim ng isang guro,” paliwanag ni Pablo. (Galacia 3:25) Ang pagpawi sa Kautusan ay naging kaalwanan para sa mga Israelita. Pinatunayan nito na sila’y mga makasalanan, sapagka’t silang lahat ay nabigo sa ganap na pagtupad sa Kautusan. “Sa pamamagitan ng pagkabili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan,” sabi ni Pablo. (Galacia 3:10-14) Kaya sinasabi din ng Bibliya: “Si Kristo ang kinauuwian ng Kautusan.”—Roma 10:4; 6:14.
6. (a) Ano ang naging epekto sa mga Israelita at di-Israelita nang magwakas ang Kautusan, at bakit? (b) Anong pagkilos ang kinuha ni Jehova kaugnay ng Kautusan?
6 Ang totoo’y nagsilbing harang o “pader” ang Kautusan sa pagitan ng mga Israelita at ng ibang bansa na hindi napapailalim dito. Gayumpaman, sa paghahandog ng kaniyang buhay, “pinawi” ni Kristo “ang Kautusan na binubuo ng mga palatuntunan, upang ang dalawang bayan [Israelita at di-Israelita] ay pagkaisahin niya sa kaniyang sarili sa isang taong bago.” (Efeso 2:11-18) Hinggil sa pagkilos na ginawa mismo ng Diyos na Jehova kaugnay ng batas ni Moises, ganito ang ating mababasa: “May kabaitan niya tayong pinatawad sa lahat ng ating kasalanan at pinawi ang kasulatang laban sa atin, na binubuo ng mga kautusan [lakip na ang Sampung Utos] na laban sa atin [dahil sa hinatulan ang mga Israelita bilang makasalanan]; at inalis Niya ito nang ito’y ipako Niya sa pahirapang tulos.” (Colosas 2:13, 14) Kaya, sa pamamagitan ng sakdal na hain ni Kristo, ang Kautusan ay winakasan.
7, 8. Ano ang nagpapatotoo na ang Kautusan ay hindi nahahati sa dalawang bahagi?
7 Gayumpaman, sinasabi ng iba na ang Kautusan di-umano ay nahahati sa dalawa: Ang Sampung Utos, at ang iba pa sa mga batas. Sabi nila, ang ibang kautusan ang siyang winakasan, subali’t nananatili pa rin ang Sampung Utos. Pero hindi totoo ito. Sa kaniyang Sermon sa Bundok sumipi si Jesus mula sa Sampung Utos at gayon din sa ibang bahagi ng Kautusan at hindi gumawa ng pagtatangi sa pagitan ng mga ito. Kaya ipinakita ni Jesus na ang kautusan ni Moises ay hindi nahahati sa dalawang bahagi.—Mateo 5:21-42.
8 Pansinin din kung ano ang isinulat ni apostol Pablo sa ilalim ng pagkasi ng Diyos: “Ngayon tayo ay pinalalaya mula sa Kautusan.” Ang mga Judio ba’y pinalaya buhat sa ibang kautusan lamang at hindi sa Sampung Utos? Hindi, sapagka’t nagpatuloy si Pablo: “Hindi ko nga sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan; at hindi ko sana makikilala ang pag-iimbot kung hindi sinabi ng Kautusan na ‘Huwag kang mag-iimbot.’” (Roma 7:6, 7; Exodo 20:17) Yamang ang “Huwag kang mag-iimbot” ay siyang huli sa Sampung Utos, makatuwiran lamang na ang mga Israelita ay pinalaya rin mula sa Sampung Utos.
9. Ano ang nagpapakita na ang batas hinggil sa lingguhang Sabbath ay inalis din?
9 Nangangahulugan ba ito na ang batas hinggil sa pangingilin ng lingguhang Sabbath, na siyang ikaapat sa Sampung Utos, ay inalis rin? Oo, gayon nga. Ang sinasabi ng Bibliya sa Galacia 4:8-11 at Colosas 2:16, 17 ay nagpapakita na ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng batas ng Diyos na ibinigay sa mga Israelita, lakip na ang kahilingan nito na mangilin ng lingguhang Sabbath at ng iba pang pantanging mga araw sa loob ng taon. Na ang pangingilin ng lingguhang Sabbath ay hindi kahilingan sa Kristiyano ay makikita rin sa Roma 14:5.
MGA BATAS NA KUMAKAPIT SA MGA KRISTIYANO
10. (a) Ang mga Kristiyano ay nasa ilalim ng anong mga kautusan? (b) Mula saan kinuha ang marami sa mga batas na ito, at bakit makatuwiran na doon kunin ang mga ito?
10 Nangangahulugan ba ito na, yamang ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Sampung Utos, hindi na nila kailangang sundin ang alinmang batas? Hindi ganoon. Ipinakilala ni Jesus ang isang “bagong tipan,” salig sa mas mabuting hain ng sarili niyang sakdal na buhay-tao. Ang mga Kristiyano ay nasa ilalim ng bagong tipan na ito at nasasakop ng mga kautusang Kristiyano. (Hebreo 8:7-13; Lucas 22:20) Marami sa mga kautusang ito ay hinango sa batas ni Moises. Hindi ito katakataka ni pambihira man. Ganito rin ang nangyayari kapag ang isang bagong gobiyerno ay humalili sa pamamahala sa isang bansa. Ang saligang-batas ng dating pamahalaan ay maaaring kanselahin at halinhan, subali’t pinananatili ng bagong konstitusyon ang marami sa mga batas ng hinalinhan. Sa ganito ring paraan, nagwakas ang tipang Kautusan, subali’t marami sa mga saligang kautusan at simulain nito ay ikinapit sa Kristiyanismo.
11. Anong mga kautusan o turo na ibinigay sa mga Kristiyano ang nakakahawig ng Sampung Utos?
11 Pansinin ito habang binabasa ninyo ang Sampung Utos sa pahina 203, at iparis ang mga yaon sa sumusunod na mga kautusan at turong Kristiyano: “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin.” (Mateo 4:10; 1 Corinto 10:20-22) “Mag-ingat kayo sa mga diyus-diyosan.” (1 Juan 5:21; 1 Corinto 10:14) “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa [hindi ginagamit sa walang kabuluhang paraan] ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) “Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang.” (Efeso 6:1, 2) At nililiwanag ng Bibliya na ang pagpatay, pangangalunya, pagnanakaw, pagsisinungaling at pang-iimbot ay labag din naman sa mga batas para sa mga Kristiyano.—Apocalipsis 21:8; 1 Juan 3:15; Hebreo 13:4; 1 Tesalonica 4:3-7; Efeso 4:25, 28; 1 Corinto 6:9-11; Lucas 12:15; Colosas 3:5.
12. Papaano ikinakapit sa kaayusang Kristiyano ang simulain ng kautusang Sabbath?
12 Bagaman ang mga Kristiyano ay hindi inuutusang mangilin ng lingguhang Sabbath, may natututuhan tayo sa kaayusang yaon. Ang mga Israelita ay literal na nagpahinga, subali’t ang mga Kristiyano ay dapat magpahinga sa paraang espirituwal. Papaano? Dahil sa pananampalataya at pagtalima iniiwasan ng mga tunay na Kristiyano ang paggawa ng malasariling mga gawa. Kabilang sa malasariling mga gawang ito ay ang mga pagsisikap na itayo ang sariling pamantayan ng katuwiran. (Hebreo 4:10) Ang espirituwal na pamamahingang ito ay ipinangingilin hindi lamang minsan isang linggo kundi sa buong pitong araw. Ang kahilingan ng literal na kautusang Sabbath na ibukod ang isang araw ukol sa espirituwal na mga kapakanan ay nagsanggalang sa mga Israelita sa malasariling paggamit ng lahat ng panahon ukol sa materyal na kapakinabangan. Ang pagkakapit ng simulaing ito araw-araw sa espirituwal na paraan ay higit pang mabisang sanggalang laban sa materyalismo.
13. (a) Anong kautusan ang ipinatutupad sa mga Kristiyano, at papaano nila tinutupad ito? (b) Anong utos ang idiniin ni Jesus? (c) Anong utos ang saligan ng buong kautusan ni Moises?
13 Kaya ang mga Kristiyano ay hinihimok na “tuparin ang kautusan ng Kristo,” sa halip na ingatan ang Sampung Utos. (Galacia 6:2) Nagbigay si Jesus ng maraming utos at tagubilin, at sa pagsunod dito tinutupad natin o iniingatan ang kaniyang kautusan. Higit sa lahat, idiniin ni Jesus ang halaga ng pag-ibig. (Mateo 22:36-40; Juan 13:34, 35) Oo, ang pag-ibig sa iba ay kautusang Kristiyano. Ito ang saligan ng buong kautusan ni Moises, tulad ng sinasabi ng Bibliya: “Ang buong Kautusan ay natutupad sa isang salita, alalaong baga’y: ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.’”—Galacia 5:13, 14; Roma 13:8-10.
14. (a) Anong kabutihan ang ibubunga ng ating pag-aaral at pagkakapit sa mga simulain ng batas ni Moises? (b) Pakikilusin tayo ng pag-ibig na gawin ang ano?
14 Ang batas na ibinigay sa pamamagitan ni Moises, pati na ang Sampung Utos nito, ay isang matuwid na kalipunan ng mga batas na nagmula sa Diyos. At bagaman wala tayo sa ilalim ng batas na yaon sa ngayon, ang banal na mga simulain na nasa likuran niyaon ay may malaking halaga pa rin sa atin. Sa pag-aaral at pagkakapit nito tayo ay susulong sa pagpapahalaga sa ating dakilang Tagapagbigay-Kautusan ang Diyos na Jehova. Subali’t higit nating dapat pag-aralan at ikapit sa buhay ang mga Kristiyanong kautusan at turo. Ang pag-ibig kay Jehova ay magpapakilos sa atin na sundin ang lahat ng hinihiling niya sa atin ngayon.—1 Juan 5:3.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 203]
ANG SAMPUNG UTOS
1. “Ako si Jehova na iyong Diyos . . . Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko.
2. “Huwag kang gagawa para sa iyo ng isang larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang bagay sa langit o nasa lupa o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mo itong yuyukuran o paglilingkuran . . .
3. “Huwag mong gamitin ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos sa walang-kabuluhang paraan . . .
4. “Bilang pag-alaala mo sa araw ng sabbath upang ito’y pakabanalin, ikaw ay magtatrabaho at tatapusin ang lahat ng iyong gawa sa anim na araw. Subali’t ang ikapitong araw ay sabbath kay Jehova na iyong Diyos. Hindi ka dapat gumawa, ikaw ni ang iyong anak na lalaki o babae . . .
5. “Igalang mo ang iyong ama at ina upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.
6. “Huwag kang papatay.
7. “Huwag kang mangangalunya.
8. “Huwag kang magnanakaw.
9. “Huwag kang sasaksi nang hindi totoo laban sa iyong kapuwa.
10. “Huwag mong nanasain [iimbutin] ang bahay ng iyong kapuwa. Huwag mong nanasain [iimbutin] ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalaki o babae ni ang kaniyang baka ni ang kaniyang asno ni alinmang bagay na pag-aari ng iyong kapuwa.”—Exodo 20:2-17.
[Mga larawan sa pahina 204, 205]
Ang Kautusan ay nagsilbing pader na nagbukod sa mga Israelita mula sa ibang tao