“Sa Ganito’y Makikilala ng Lahat na Kayo’y Aking mga Alagad”
Kabanata 32
“Sa Ganito’y Makikilala ng Lahat na Kayo’y Aking mga Alagad”
NOON ay Nisan 14, 33 C.E., huling gabi ng makalupang buhay ni Jesus. Alam niya na malapit na ang kaniyang kamatayan, subalit hindi niya iniisip ang kaniyang sarili. Sa halip, kaniyang sinamantala ang pagkakataong ito upang patibayin ang loob ng kaniyang mga alagad.
Alam ni Jesus na hindi magiging madali para sa kanila pagkaalis niya. Sila’y magiging “tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa” dahil sa kaniyang pangalan. (Mat. 24:9) Sisikapin ni Satanas na sila’y pagwatak-watakin at parumihin. (Luc. 22:31) Bilang bunga ng apostasya, mga huwad na Kristiyano ang sisibol. (Mat. 13:24-30, 36-43) At ‘dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng marami ay lalamig.’ (Mat. 24:12) Sa harap ng lahat ng ito, ano ang magbubuklod sa kaniyang tunay na mga alagad? Higit sa lahat, ang kanilang pag-ibig kay Jehova ang siyang tali na magbubuklod sa kanila. (Mat. 22:37, 38) Subalit kailangan ding ibigin nila ang isa’t isa at gawin ito sa paraan na magtatangi sa kanila mula sa mga iba sa sanlibutan. (Col. 3:14; 1 Juan 4:20) Anong uri ng pag-ibig ang sinabi ni Jesus na malinaw na magpapakilala sa kaniyang tunay na mga tagasunod?
Noong huling gabing iyon, inutusan sila ni Jesus nang ganito: “Binibigyan ko kayo ng bagong utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; na kung papaanong inibig ko kayo, ay mag-ibigan naman kayo sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Binanggit ni Jesus ang pag-ibig nang mahigit na 20 ulit noong gabing iyon. At tatlong ulit na binanggit niya ang utos na sila’y “mag-ibigan sa isa’t isa.” (Juan 15:12, 17) Maliwanag na ang nasa isip ni Jesus ay hindi lamang ang kaniyang 11 tapat na apostol na kasama niya noong gabing iyon kundi ang lahat ng iba pa na sa kalaunan ay yayakap sa tunay na Kristiyanismo. (Ihambing ang Juan 17:20, 21.) Ang utos na mag-ibigan sa isa’t isa ay kapit sa tunay na mga Kristiyano “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mat. 28:20.
Subalit ibig bang sabihin ni Jesus na sinumang indibiduwal saanman sa daigdig na nagpakita ng kabaitan at pag-ibig sa kaniyang kapuwa-tao ay makikilala dahil dito bilang isa sa tunay na mga alagad ni Jesus?
“Mag-ibigan Kayo sa Isa’t Isa”
Noong gabi ring iyon, marami ring sinabi si Jesus hinggil sa pagkakaisa. “Manatili kayong kaisa ko,” ang sinabi niya sa kaniyang mga alagad. (Juan 15:4) Nanalangin siya tungkol sa kaniyang mga tagasunod na “silang lahat ay maging isa,” at idinagdag pa niya, “kung papaanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako’y kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin.” (Juan 17:21) Sa kontekstong ito ay inutusan niya sila: “Mag-ibigan kayo sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Kaya ang kanilang pag-ibig ay ipahahayag hindi lamang sa ilang matatalik na kaibigan o sa loob ng iisa lamang kongregasyon. Bilang pag-uulit sa utos ni Jesus, si apostol Pedro ay sumulat nang dakong huli: “Ibigin ninyo ang buong samahan ng magkakapatid [o, ‘ang pagkakapatiran’].” (1 Ped. 2:17, Kingdom Interlinear; ihambing ang 1 Pedro 5:9.) Kaya sila’y mabibigkis bilang isang pambuong-daigdig na magkakapatid. Natatanging pag-ibig ang nararapat na iukol sa lahat sa loob ng pangglobong sambahayan ng mga mananampalataya sapagkat sila’y mamalasin bilang magkakapatid.
Papaano ipamamalas ang gayong pag-ibig? Ano ang nagpapaging bukod-tangi at kakaiba ng kanilang pag-ibig sa isa’t isa anupat dahil dito’y makikita ng iba ang malinaw na katibayan ng tunay na Kristiyanismo?
“Kung Papaanong Inibig Ko Kayo”
“Iibigin ninyo ang inyong kapuwa na gaya ng sa inyong sarili,” ang sabi ng Batas ng Diyos sa Israel mahigit na 1,500 taon bago namuhay si Jesus sa lupa. (Lev. 19:18) Subalit, ang gayong pag-ibig sa kapuwa ay hindi ang pag-ibig na magpapakilala sa mga tagasunod ni Jesus. Nasa isip ni Jesus ang isang uring pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig lamang sa iba na gaya ng sarili.
Ang utos na mag-ibigan sa isa’t isa, gaya ng sinabi ni Jesus, ay “isang bagong utos.” Bago, hindi sapagkat kabibigay lamang nito kung ihahambing sa Batas Mosaiko, kundi bago sa lawak ng pagsasakatuparan ng pag-ibig na iyon. Mag-ibigan sa isa’t isa “kung papaanong inibig ko kayo,” ang paliwanag ni Jesus. (Juan 13:34) Ang kaniyang pag-ibig para sa kaniyang mga alagad ay matibay, hindi nagbabago. Ito’y isang mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig. Ipinamalas niya ito sa pamamagitan ng paggawa ng higit pa kaysa ilang mabubuting gawa para sa kanila. Pinakain niya sila sa espirituwal at, nang kinailangan, inasikaso ang kanilang pisikal na pangangailangan. (Mat. 15:32-38; Mar. 6:30-34) At bilang sukdulang katunayan ng kaniyang pag-ibig, ibinigay niya ang kaniyang buhay alang-alang sa kanila.—Juan 15:13.
Gayon ang katangi-tanging uri ng pag-ibig na hinihiling ng “bagong utos,” ang pag-ibig na tataglayin ng tunay na mga tagasunod ni Jesus para sa isa’t isa. (1 Juan 3:16) Sino sa ngayon ang nagpapatunay na sila’y sumusunod sa “bagong utos”? Ang katibayang iniharap sa unang bahagi ng publikasyong ito ay walang-alinlangang tumutukoy sa iisang pambuong-daigdig na samahan ng mga Kristiyano.
Sila’y kilala, hindi dahil sa isang pantanging uri ng kasuutan o ilang natatanging mga kostumbre, kundi dahil sa matibay at matalik na ugnayan nila sa isa’t isa. Sila’y nakikilala dahil sa pagpapamalas ng isang pag-ibig na hindi napipigilan ng kaibahan ng mga lahi at hangganan ng mga bansa. Sila’y kilala dahil sa pagtangging makipagbaka laban sa isa’t isa kahit kung ang mga bansang tinitirhan nila ay lumalahok sa digmaan. Natawagan ng pansin ang iba dahil sa paraan ng pagtulong nila sa isa’t isa sa panahon ng kabagabagan, katulad ng kapag biglang sumapit ang likas na mga kalamidad o kapag pinag-usig ang ilang miyembro ng kapatiran nila a
dahil sa kanilang katapatan sa Diyos. Sila’y handang magbata ng kahirapan o humarap sa panganib upang tulungan ang kanilang mga kapatid na dahil sa kanila’y ibinigay ni Kristo ang kaniyang buhay. At oo, sila’y handang mamatay alang-alang sa isa’t isa. Ang pag-ibig na kanilang ipinamamalas ay namumukud-tangi sa isang sanlibutan ng lumalagong kaimbutan. Sila ang mga Saksi ni Jehova.Isang halimbawa ng pagkilos ng pag-ibig na ito ay nakita pagkatapos ng Buhawing Andrew, na sumalanta sa baybayin ng Florida, E.U.A., noong madaling araw ng Lunes, Agosto 24, 1992. Pagkalipas nito may mga 250,000 tao ang naiwang walang tahanan. Kabilang sa mga biktima ay libu-libong mga Saksi ni Jehova. Kaagad ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay kumilos sa pamamagitan ng paghirang ng isang komite sa pagtulong at pagsasaayos upang makakuha ng mga pondong magagamit. Ang mga tagapangasiwang Kristiyano sa nasalantang lugar ay dali-daling nakipag-ugnayan sa indibiduwal na mga Saksi upang alamin ang kanilang mga pangangailangan at maglaan ng tulong. Kaagad, noong umaga ring iyon ng Lunes, ang araw mismo ng bagyo, ang mga Saksi sa South Carolina, daan-daang milya ang layo, ay nagpadala ng isang trak na may lulan na mga generator, mga lagaring de-motor, at tubig na maiinom. Noong Martes, bukod pa sa higit pang mga suplay na iniabuloy, daan-daang mga boluntaryo mula sa labas ng bayan ang dumating upang tulungan ang lokal na mga kapatid sa pagkukumpuni ng mga Kingdom Hall at pribadong mga tahanan. Tungkol sa kaayusan sa pagtulong na ginawa, isang babaing di-Saksi na nakatira malapit sa isang Kingdom Hall ang nagsabi: “Walang-salang ito na nga ang pag-ibig Kristiyano na binabanggit sa Bibliya.”
Ang gayong pag-ibig ba ay lumalamig pagkatapos ng isa o dalawang pagpapamalas ng kabaitan? Iyon ba’y para lamang sa mga kalahi o kababayan? Tiyak na hindi! Bilang resulta ng pabagu-bagong kalagayan sa pulitika at ekonomiya sa Zaire, noong 1992 mahigit sa 1,200 Saksi roon ang nawalan ng kanilang mga tahanan at lahat ng kanilang ari-arian. Ang ibang Saksi sa Zaire ay mabilis na tumulong sa kanila. Kahit na sila mismo ay hirap din, tumulong din sila sa mga nagsilikas sa Zaire mula sa Sudan. Di-nagtagal, dumating ang tulong mula sa Timog Aprika at Pransya; may mais, daing na isda, at mga gamot—mga bagay na talagang magagamit nila. Muli’t muli, inilaan ang tulong, batay sa pangangailangan. At samantalang ito’y nagpapatuloy, gayunding tulong ang inilaan sa iba pang mga lupain.
Gayunman, hindi pa kampante ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagtataglay nila ng ganitong pag-ibig. Talos nila na, bilang mga tagasunod ni Jesu-Kristo, kailangang patuloy silang maging mapagbantay.
[Talababa]
a Tingnan ang Kabanata 19, “Sama-samang Sumusulong sa Pag-ibig.”
[Blurb sa pahina 710]
Anong uri ng pag-ibig ang sinabi ni Jesus na malinaw na magpapakilala sa kaniyang tunay na mga tagasunod?
[Blurb sa pahina 711]
Sila’y mabibigkis bilang isang pambuong-daigdig na magkakapatid
[Kahon sa pahina 712]
“Inaaalagan ng mga Saksi ang Sariling Kanila—Gayundin ang Iba”
Sa ilalim ng ulong balitang iyon, nag-ulat ang “The Miami Herald” hinggil sa mga kaayusan ng pagtulong ng mga Saksi ni Jehova sa Timugang Florida pagkatapos ng salantang dulot ng Buhawing Andrew noong Agosto 1992. Sinabi ng artikulo: “Walang sinuman sa Homestead ang nagsasara ng pinto sa mga Saksi ni Jehova ngayong linggo—kahit na kung mayroon silang pintong isasara. Halos 3,000 boluntaryong mga Saksi mula sa ibayo ng bansa ang nagtipon sa dako ng sakuna, una’y upang tulungan ang kanilang kasamahan, pagkatapos ay tulungan ang iba pa. . . . Mga 150 tonelada ng pagkain at mga kagamitan ang idinaraan sa isang sentrong pangasiwaan sa Assembly Hall sa kanlurang Broward County patungo sa dalawang Kingdom Hall sa Homestead. Mula sa mga bulwagang ito, ang mga pangkat ay kumakalat tuwing umaga upang kumpunihin ang nawasak na mga bahay ng mga kapatirang Saksi. . . . Isang pansamantalang kusina sa labas ang naghahanda ng pagkain para sa mga 1,500 katao, tatlong beses sa maghapon. At ito’y hindi lamang basta hot dogs at doughnuts. Ang mga boluntaryo ay pinakakain ng tinapay na lutong-bahay, sariling-gawang lasagna, ensaladang sariwang gulay, nilagang karne, hotcakes at French toast—na pawang galing na lahat sa abuluyan ang mga isinahog dito.”—Agosto 31, 1992, pahina 15A.