Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pulong—Para sa Pagsamba, Pagtuturo, at Pampatibay-loob

Mga Pulong—Para sa Pagsamba, Pagtuturo, at Pampatibay-loob

Kabanata 16

Mga Pulong—Para sa Pagsamba, Pagtuturo, at Pampatibay-loob

ANG mga pulong ng kongregasyon ay mahalagang bahagi ng gawain ng mga Saksi ni Jehova. Kahit sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, pinagsisikapan nilang regular na daluhan ang kanilang mga pulong, kasuwato ng paghimok ng Bibliya: “Tayo’y magtinginan sa isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at mabubuting gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagkakatipong sama-sama, na gaya ng ugali ng iba, kundi nagpapatibayan sa isa’t isa, at lalo na kung inyong namamalas na lumalapit na ang araw.” (Heb. 10:24, 25) Saanman ito magagawa, ang bawat kongregasyon ay nagdaraos ng mga pulong nang tatlong beses sa isang linggo, para sa kabuuang 4 na oras at 45 minuto. Subalit, ang kaurian ng kanilang mga pulong, gayundin kung gaanong kadalas idinaraos ang mga ito, ay nababago sa tuwi-tuwina ayon sa hinihiling ng pangangailangan sa panahong iyon.

Noong unang siglo, ang mga kapahayagan ng makahimalang mga kaloob ng espiritu ay naging tampok na bahagi ng Kristiyanong mga pagpupulong. Bakit? Sapagkat sa pamamagitan ng mga kaloob na ito, pinatotohanan ng Diyos na hindi na niya ginagamit ang relihiyosong sistema ng mga Judio kundi ang kaniyang espiritu ngayon ay sumasabagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. (Gawa 2:1-21; Heb. 2:2-4) Sa mga pulong ng sinaunang mga Kristiyano, ang mga panalangin ay inihandog, inawit ang mga papuri sa Diyos, at binigyang-pansin ang panghuhula (alalaong baga’y, ang pagsisiwalat ng mga kapahayagan ng banal na kalooban at layunin) at naglaan ng turo na magpapatibay sa mga nakarinig nito. Ang mga Kristiyanong iyan ay namuhay sa panahong may kagila-gilalas na mga bagay na nagaganap may kaugnayan sa layunin ng Diyos. Kinailangan nilang unawain ang mga ito at matutong gumawa na kasuwato nito. Gayunman, ang ilan ay hindi naging timbang sa paraan ng kanilang pangangasiwa sa mga pulong, at gaya ng ipinakikita ng Bibliya, kinailangan silang payuhan upang maganap ang mga bagay-bagay sa isang kapaki-pakinabang na paraan.​—1 Cor. 14:1-40.

Ang gayong mga uri ba ng pulong ng sinaunang mga Kristiyano ay nakita rin nang ang mga Estudyante ng Bibliya ay magtipun-tipon noong dekada ng 1870 at pagkaraan?

Sinasapatan ang Espirituwal na Pangangailangan ng Unang mga Estudyante ng Bibliya

Si Charles Taze Russell at ang isang maliit na grupo ng mga kasamahan sa loob at palibot ng Allegheny, Pennsylvania, ay nag-organisa ng isang klase para sa pag-aaral ng Bibliya noong 1870. Bilang resulta ng kanilang mga pulong, unti-unting lumago ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Salita at napag-unawa nila kung ano ang talagang itinuturo ng Bibliya mismo. Walang makahimalang pagsasalita ng mga wika sa mga pulong na iyan. Bakit wala? Ang layunin ng gayong makahimalang mga kaloob ay naisakatuparan na noon pang unang siglo, at gaya ng inihula ng Bibliya, ang mga ito ay lumipas na. “Ang kasunod na baytang,” ang paliwanag ni Brother Russell, “ay ang pagpapamalas ng mga bunga ng Espiritu, gaya ng buong-linaw na ipinaliwanag ni San Pablo.” (1 Cor. 13:4-10) Karagdagan pa, katulad din noong unang siglo, may isang apurahang gawaing pag-eebanghelyo na dapat isagawa, at sila’y kailangang patibayin sa paggawa nito. (Heb. 10:24, 25) Di-nagtagal, sila’y nagdaraos na ng dalawang regular na pagpupulong bawat linggo.

Napagtanto ni Brother Russell na mahalaga para sa mga lingkod ni Jehova na maging isang nagkakaisang bayan, saanman sila naninirahan sa palibot ng globo. Kaya, noong 1879, matapos simulang ilathala ang Watch Tower, ang mga mambabasa nito ay inanyayahang sumulat kung ibig nilang sila’y dalawin ni Brother Russell o ng isa sa kaniyang mga kasamahan. Ang isang malinaw na kondisyon dito ay “Walang bayad at walang koleksiyon.” Pagkatapos tanggapin ang maraming kahilingan, si Brother Russell ay nagsimula ng isang-buwang paglalakbay na umabot hanggang sa Lynn, Massachusetts, na may mga pulong na apat hanggang anim na oras araw-araw sa bawat pagdalaw. Ang itinampok na paksa ay “Mga Bagay na May Kaugnayan sa Kaharian ng Diyos.”

Noong unang bahagi ng 1881, hinimok ni Brother Russell ang mga mambabasa ng Watch Tower na wala pang regular na pulong sa kanilang pook: “Magtatag ng isa sa inyong sariling tahanan kasama ng inyong pamilya, o maging ng ilan na nagpapakita ng interes. Sama-sama kayong magbasa, mag-aral, pumuri at sumamba, at kung saan may dalawa o tatlo na nagtitipon sa Kaniyang pangalan, ang Panginoon ay mapapasagitna ninyo​—bilang inyong guro. Ganiyan ang kaurian ng ilan sa mga pulong sa iglesya noong kaarawan ng mga Apostol. (Tingnan ang Filemon, 2).”

Ang programa para sa mga pagpupulong ay unti-unting nabuo. May mga mungkahi na inialok, subalit ipinaubaya sa bawat lokal na grupo na magpasiya kung ano ang pinakamabuti sa kanilang kalagayan. Sa pana-panahon ang isang tagapagsalita ay maaaring magbigay ng pahayag, ngunit ang higit na binigyang diin ay ang mga pulong na doon ang bawat isa ay maaaring malayang makibahagi. Ang ilang klase ng mga Estudyante ng Bibliya noong pasimula ay hindi masyadong gumagamit ng mga publikasyon ng Samahan sa kanilang mga pulong, ngunit ang naglalakbay na mga ministro, ang mga pilgrim, ay tumulong sa kanila upang makita ang kahalagahan ng paggawa nito.

Matapos ilathala ang ilan sa mga tomo ng Millennial Dawn, sinimulang gamitin ang mga ito bilang saligan ng pag-aaral. Noong 1895 ang mga grupo ng pag-aaral ay tinawag na Dawn Circles for Bible Study. a Nang maglaon ang mga ito’y tinawag ng ilan sa Norway bilang “mga pulong para sa pagbabasa at pag-uusap-usap,” na isinusog pa: “Ang mga puntong hinalaw sa mga aklat ni Brother Russell ay binasa nang malakas, at kapag ang mga tao’y may mga komento o mga tanong, nagtataas sila ng kamay.” Inirekomenda ni Brother Russell na sa gayong mga pag-aaral ay gamitin ng mga nagsisidalo ang iba’t ibang mga salin ng mga Kasulatan, ang mga panggilid na reperensiya sa Bibliya, at ang mga konkordansiya ng Bibliya. Kadalasan ang mga pag-aaral ay idinaos sa mga grupong may katamtamang laki, sa isang pribadong tahanan, sa isang gabing kombinyente sa grupo. Ang mga ito ay siyang naging pasimula ng tinatawag ngayon na Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon.

Natalos ni Brother Russell na higit ang kinakailangan kaysa pag-aaral lamang ng mga doktrina. Kailangan din na may mga pagpapahayag ng debosyon upang ang puso ng mga tao ay maantig ng pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos at ng pagnanais na siya’y parangalan at paglingkuran. Ang mga klase ay pinasiglang magsaayos ng isang pantanging pulong sa layuning ito minsan isang linggo. Ang mga ito’y tinawag kung minsan na “Cottage Meetings” sapagkat idinaos ang mga ito sa pribadong mga tahanan. Kasali sa programa ang mga panalangin, mga awit ng papuri, at mga testimonyong isinasaad ng mga nagsidalo. b Kung minsan ang mga testimonyong ito ay nakapagpapasiglang mga karanasan; kasali na rin ang mga pagsubok, kahirapan, at nakalilitong mga problemang napaharap nang sinundang mga araw. Sa ilang mga dako ang layunin ng mga pulong na ito ay hindi talagang natupad dahil sa labis na pagbibigay-pansin sa sarili. Ang ilang mungkahi kung papaano mapasusulong ito ay may-kabaitang ibinigay sa The Watch Tower.

Bilang paggunita sa mga pulong na yaon, si Edith Brenisen, asawa ng isa sa unang mga pilgrim sa Estados Unidos, ay nagsabi: “Yaon ay isang gabi para sa pagbubulay-bulay tungkol sa maibiging pagkalinga ni Jehova at para sa matalik na pakikipagsamahan sa aming mga kapatid na lalaki at babae. Habang pinakikinggan namin ang ilan sa kanilang mga karanasan ay higit namin silang nakikilala. Ang pagmamasid sa kanilang katapatan, kung papaano nila napagtagumpayan ang kanilang mga problema, kadalasa’y tumulong sa amin sa paglutas ng ilan sa mga bagay na nakalilito sa amin.” Gayunman, dumating ang panahon, naging maliwanag na ang mga pulong upang masangkapan ang bawat isa na makibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo ay higit na kapaki-pakinabang.

Ang paraan ng pangangasiwa sa pang-Linggong pagpupulong sa ilang mga dako ay ikinabahala ng mga kapatid. Sinikap ng ilang mga klase na talakayin ang Bibliya nang bersikulo-por-bersikulo. Subalit may panahon na ang pagkakaiba-iba ng opinyon kung tungkol sa kahulugan ay hindi talagang nakapagpapatibay. Upang mapasulong ang situwasyong ito, ang ilan sa kongregasyon sa Los Angeles, California ay naghanda ng mga balangkas para sa topikal na pag-aaral ng Bibliya, na may mga tanong at reperensiya na susuriin ng lahat sa klase bago sila dumalo ng pulong. Noong 1902 ang Samahan ay naglabas ng isang Bibliya na naglalaman ng “Berean Bible Study Helps,” kalakip na rin ang isang topikal na indise. c Upang higit na gawing simple, pasimula sa Watch Tower ng Marso 1, 1905, may inilathalang mga balangkas para talakayin ng kongregasyon, na may mga tanong gayundin may mga reperensiya sa Bibliya at sa mga publikasyon ng Samahan ukol sa higit na pagsisiyasat. Ang mga ito ay nagpatuloy hanggang 1914, na noon ang mga tanong para sa pag-aaral ng mga tomo ng Studies in the Scriptures ay inilathala upang gamitin bilang saligan ng mga Berean Studies.

Pare-pareho ang materyal na ginagamit sa lahat ng mga klase, ngunit ang bilang ng lingguhang mga pulong ay nagkaiba-iba, mula sa isa hanggang sa apat, depende sa lokal na kaayusan. Sa Colombo, Ceylon (ngayo’y Sri Lanka), simula noong 1914, ang mga pulong ay aktuwal na idinaraos nang pitong araw sa isang linggo.

Ang mga Estudyante ng Bibliya ay pinasiglang gumawa ng maraming pagsisiyasat, “patunayan ang lahat ng mga bagay,” at ipahayag ang mga punto sa kanilang sariling pangungusap. (1 Tes. 5:21, KJ) Pinasigla ni Brother Russell ang masinsinan at malayang talakayan ng materyal sa pag-aaral. Nagbigay rin siya ng ganitong babala: “Huwag kalilimutan na ang Bibliya ang ating Pamantayan at na gaano mang kahusay ang ating mga pantulong na kaloob mula sa Diyos ang mga ito’y mga ‘pantulong’ lamang at hindi kapalit ng Bibliya.”

Paggunita sa Kamatayan ng Panginoon

Simula noong mga 1876, may isinagawang kaayusan ang mga Estudyante ng Bibliya taun-taon para sa paggunita sa kamatayan ng Panginoon. d Sa pasimula, ang grupo sa Pittsburgh, Pennsylvania, at sa paligid ay nagtipon sa tahanan ng isa sa mga kaibigan. Noong 1883, lumaki ang bilang ng nagsidalo roon at umabot sa mga isang daan sa Pittsburgh, anupat ginamit ang isang arkiladong bulwagan. Upang pagkasiyahin ang malaking bilang na inasahang dadalo sa Pittsburgh noong 1905, ipinasiya ng mga kapatid na lalaki na kumuha ng pahintulot na gamitin ang maluwang na Carnegie Hall.

Kinilala ng mga Estudyante ng Bibliya na ito’y dapat maging isang taunang pagdiriwang, hindi isang bagay na gagawin linggu-linggo. Ang petsa ng pagdiriwang ay katumbas ng Nisan 14 sa kalendaryong Judio, na siyang panahon ng kamatayan ni Jesus. Sa paglipas ng mga taon, nagkaroon ng ilang mga pagbabago sa paraan ng pagkalkula sa petsang iyon. e Subalit ang pinakamahalagang bagay ay ang kahulugan ng pagdiriwang mismo.

Bagaman ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagtipon para sa pagdiriwang na ito sa mga grupong iba’t iba ang laki sa maraming lugar, ang sinumang gustong makisama sa mga kapatid sa Pittsburgh ay buong-lugod na tinanggap. Mula 1886 hanggang 1893, ang mga mambabasa ng Watch Tower lalo na ay inanyayahang dumalo sa Pittsburgh, kung magagawa nila, at sila nga’y nakarating, mula sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos at mula sa Canada. Ito’y hindi lamang nagpangyaring makapagdiwang sila ng Memoryal nang magkakasama kundi tumulong din sa kanila na higit na pagtibayin ang mga buklod ng kanilang espirituwal na pagkakaisa. Subalit, nang dumami ang mga klase, kapuwa sa Estados Unidos at sa ibang bahagi ng daigdig, hindi na naging praktikal na pagsikapang magtipon sa isang dako lamang, at napagtanto nila na may higit na kabutihang magagawa kung sila’y magtitipun-tipon kasama ng kanilang mga kapananampalataya sa mga dakong malapit sa kanilang tahanan.

Gaya ng ipinaliwanag ng Watch Tower, marami ang nag-aangkin na sila’y naniniwala sa pantubos, at lahat ng mga ito ay tinanggap sa taunang pagdiriwang. Subalit ang okasyon ay may pantanging kahulugan para sa tunay na mga kaanib sa “munting kawan” ni Kristo. Ang mga ito’y yaong mga makikibahagi sa makalangit na Kaharian. Noong gabi bago namatay si Jesus, nang pasinayaan niya ang Memoryal, ang mga indibiduwal na pinagkalooban ng gayong pag-asa ang siyang mga sinabihan ni Kristo na: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”​—Luc. 12:32; 22:19, 20, 28-30.

Pasimula noong dekada ng 1930 lalo na, ang magiging mga miyembro ng “lubhang karamihan,” o “malaking pulutong” ng ibang tupa, ay nagsimulang lumitaw. (Apoc. 7:9, 10, KJ; Juan 10:16) Noong panahong iyon sila’y tinawag na mga Jonadab. Sa kauna-unahang pagkakataon, sa labas nito ng Pebrero 15, 1938 (sa Ingles), Ang Bantayan ay tiyakang nag-anyaya sa kanila na dumalo sa Memoryal, sa pagsasabing: “Pagkaraan ng alas seis n.h. sa Abril 15 hayaang ang bawat kompanya ng mga pinahiran ay magtipun-tipon at ipagdiwang ang Memoryal, at ang kanilang mga kasamahan na mga Jonadab ay pumaroon din.” Sila’y nagsidalo nga, hindi bilang mga nakikibahagi, kundi bilang mga tagapagmasid. Ang pagkanaroroon nila ay nagpalaki sa bilang ng mga nagsidalo sa panahon ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Noong 1938 ang kabuuang bilang ng dumalo ay 73,420, samantalang ang mga nakibahagi sa makasagisag na tinapay at alak ay may bilang na 39,225. Sa mga taóng sumunod, nagsimulang makisama sa mga dumadalo bilang tagapagmasid ang isang malaking bilang ng mga taong bagong interesado at iba pa na hindi pa mga aktibong mga Saksi ni Jehova. Kaya, noong 1992, nang ang pinakamataas na bilang ng mga nakikibahagi sa ministeryo sa larangan ay 4,472,787 ang bilang ng dumalo sa Memoryal ay 11,431,171 at ang bilang ng mga nakibahagi sa emblema ay 8,683 lamang. Sa ilang lupain ang bilang ng dumalo ay umabot sa lima o anim na ulit ng bilang ng aktibong mga Saksi.

Dahil sa kanilang taimtim na pagpapahalaga sa kahulugan ng kamatayan ni Kristo, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdiriwang ng Memoryal kahit sa panahong sila’y nakaharap sa gipit na mga kalagayan. Noong dekada ng 1970, nang ang mga restriksiyon dahil sa digmaan sa Rhodesia (ngayo’y kilala bilang Zimbabwe) ay nagpangyaring imposibleng makalabas sa gabi, ang mga kapatid sa ilang dako ay nagtipun-tipong lahat sa tahanan ng isa sa mga Saksi ni Jehova habang araw pa at saka ipinagdiwang ang Memoryal sa gabi. Sabihin pa, hindi sila makauuwi pagkatapos ng pulong, kaya doon sila nagpalipas ng magdamag. Ang natitirang mga oras sa gabi ay ginamit nila sa pag-aawitan ng mga awit pang-Kaharian at paglalahad ng mga karanasan, na nagdulot naman ng karagdagang kasiyahan.

Sa mga kampong piitan noong Digmaang Pandaigdig II, ang Memoryal ay ipinagdiwang, bagaman ang paggawa nito’y maaaring maging sanhi ng mabigat na parusa kung matutuklasan sila ng mga guwardiya. Nang siya’y nag-iisa sa bilangguan sa Komunistang Tsina mula 1958 hanggang 1963 dahil sa kaniyang pananampalatayang Kristiyano, si Harold King ay nagdiwang ng Memoryal sa abot ng magagawa niya sa umiiral na kalagayan. Sinabi niya pagkatapos: “Mula sa bintana ng aking bilangguan ay pinagmasdan ko ang buwan hanggang sa ito’y umabot sa kabilugan sa pagpapasimula ng tagsibol. Ginawa ko ang aking magagawa upang buong-ingat na kalkulahin ang petsa para sa pagdiriwang.” Gumawa siya ng paraan upang maglaan ng kinakailangang mga emblema, na gumawa ng kaunting alak mula sa prutas na black currants at gumamit ng kanin, na wala talagang lebadura, bilang pinaka-tinapay. Sinabi rin niya: “Ako’y umawit at nanalangin at nagbigay ng isang regular na pahayag para sa okasyong iyon, tulad ng ginagawa sa alinmang kongregasyon ng bayan ni Jehova. Kaya nadama ko na ako’y nakikiisa sa aking mga kapatid sa buong daigdig sa pinakamahalagang okasyong ito taun-taon.”

Kung Ano ang Dako ng mga Kabataan

Noong unang mga taon, ang mga publikasyon at mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya ay hindi pangunahing inihahanda upang sapatan ang pangangailangan ng mga kabataan. Maaari silang dumalo sa mga pulong, at ang ilan nga sa kanila’y dumalo at nakinig nang may pananabik. Subalit walang pantanging pagsisikap na ginawa upang sila’y isangkot sa mga nagaganap. Bakit wala?

Ang pagkaunawa ng mga kapatid noong panahong iyon ay na napakaigsi na lamang ang panahong natitira hanggang sa ang lahat ng mga miyembro ng kasintahang Babae ni Kristo ay makiisa sa kaniya sa makalangit na kaluwalhatian. Ang Watch Tower, noong 1883, ay nagpaliwanag: “Tayo na sinasanay ukol sa makalangit na pagtawag ay hindi maaaring lumihis mula sa pantanging gawain ng panahong ito​—ang gawaing paghahanda sa ‘Kasintahang Babae, ang asawa ng Kordero.’ Ang Kasintahang babae ay kailangang maghanda ng kaniyang sarili; at sa kasalukuyang sandali, kung kailan isinusuot na ang kahuli-hulihang mga panggayak bilang paghahanda sa kasalan, ang paglilingkod ng bawat miyembro ay kinakailangan sa pinakamahalagang gawaing ito sa kasalukuyan.”

Buong-tinding hinimok ang mga magulang na balikatin ang kanilang sariling bigay-Diyos na pananagutan na paglaanan ng espirituwal na instruksiyon ang kanilang mga anak. Hindi inirekomenda ang hiwalay na mga Sunday school para sa mga kabataan. Maliwanag na ang paggamit ng Sangkakristiyanuhan ng mga Sunday school ay nakapagdulot ng malaking pinsala. Ang mga magulang na nagpapasok ng kanilang mga anak sa gayong mga paaralan ay madalas na nag-iisip na ang kaayusang iyon ay nag-aalis sa kanila ng anumang pananagutan na bigyan ng relihiyosong instruksiyon ang kanilang mga anak. Ang mga anak din naman, palibhasa’y hindi tumitingin sa kanilang mga magulang bilang pangunahing pinagmumulan ng turo hinggil sa Diyos, ay hindi nagaganyak na igalang ang kanilang mga magulang at tumalima sa kanila na katulad ng nararapat nilang gawin.

Gayunman, mula 1892 hanggang 1927, ang Watch Tower ay naglaan ng espasyo upang komentuhan ang tekstong laging lumalabas sa “International Sunday School Lessons,” na naging popular noon sa maraming simbahan ng Protestante. Ang mga tekstong ito sa loob ng maraming taon ay pinili ni F. N. Peloubet, isang klerigong Kongregasyonal, at ng kaniyang mga katulong. Tinalakay ng Watch Tower ang mga tekstong ito batay sa higit na pasulong na pagkaunawa ng mga Estudyante ng Bibliya, na walang kaugnayan sa mga kredo ng Sangkakristiyanuhan. Inasahan na sa ganitong paraan ay makapapasok ang Watch Tower sa ilan sa mga simbahan, na ang katotohanan sa gayon ay maihaharap sa kanila, at na ito’y tatanggapin ng ilan sa mga miyembro ng simbahan. Sabihin pa, madaling makita ang kaibahan ng turo, at ito’y nagpagalit sa Protestanteng mga klero.

Dumating ang taóng 1918, at ang nalabi, o mga natitira sa mga pinahiran, ay nandito pa rin sa ibabaw ng lupa. Dumarami na rin ang bilang ng mga bata sa kanilang mga pulong. Kadalasa’y pinababayaan na lamang maglaro ang mga bata habang nag-aaral ang kanilang mga magulang. Ngunit, ang mga kabataan man ay kailangang matuto na “hanapin ang katuwiran, hanapin ang kaamuan,” kung ibig na sila’y “malingid sa kaarawan ng galit ng PANGINOON.” (Zef. 2:3, KJ) Kaya, noong 1918 ang mga kongregasyon ay pinasigla ng Samahan na magsaayos ng isang juvenile class para sa mga kabataan na mula sa 8 hanggang 15 taóng gulang. Sa ilang mga dako ay may isinaayos pa man din na mga klaseng primarya para sa maliliit na bata na hindi makadalo sa juvenile class. Magkaganito man, muling idiniin ang pananagutan ng mga magulang sa kanilang mga anak.

Ito’y umakay sa iba pang mga pangyayari. Ang The Golden Age, noong 1920, ay naglathala ng artikulong pinamagatang “Juvenile Bible Study,” na may mga tanong at mga pagsipi sa Kasulatan kung saan masusumpungan ang mga sagot. Noong taon ding yaon, ang The Golden Age ABC ay inilathala; ito’y isang bukleta na may mga larawan na gagamitin ng mga magulang sa pagtuturo ng simpleng katotohanan ng Bibliya at Kristiyanong mga katangian sa kanilang mga anak. Isang aklat na pinamagatang The Way to Paradise, na isinulat ni W. E. Van Amburgh, ang sumunod noong 1924. Ito’y dinisenyo para sa “intermedyang mga estudyante ng Bibliya.” May panahon na ito’y ginamit sa mga pulong para sa mga kabataan. Karagdagan pa, sa Amerika, ang mga “Junior Witnesses” ay may sariling mga kaayusan para sa paglilingkod sa larangan. Sa Switzerland isang grupo ng mga kabataan ang nag-organisa ng isang samahang tinawag na “Jehovah’s Youth,” para sa mga nasa pagitan ng 13 at 25 taóng gulang. May sarili silang tanggapan ng kalihim sa Berne, at ang isang pantanging magazine, ang Jehovah’s Youth, ay pinatnugutan at inilimbag sa imprentahan ng Samahan doon. Ang mga kabataang ito ay may sariling mga pulong at nagtanghal pa man din ng mga drama sa Bibliya, gaya ng ginawa nila sa Volkshaus sa Zurich sa harap ng 1,500 nanonood.

Subalit, ang talagang nangyayari ay na may nabubuong organisasyon sa mismong gitna ng organisasyon ng mga lingkod ni Jehova. Ito’y hindi nagdulot ng pagkakaisa, at ito’y inihinto noong 1936. Noong Abril 1938, nang dumalaw sa Australia, natuklasan ni J. F. Rutherford, presidente ng Samahan, na ang isang klase para sa mga bata ay isinasagawa na hiwalay sa kombensiyon ng matatanda. Isinaayos niya kaagad na lahat ng mga bata ay isama sa pangkalahatang kombensiyon, na siyang ikinabuti nila.

Noong taon ding yaon, muling sinuri ng Ang Bantayan sa pangkalahatan ang hinggil sa pagkakaroon ng hiwalay na mga klase para sa mga kabataan sa kongregasyon. Muling idiniin ng pag-aaral na iyon na ang mga magulang ang may pananagutan sa pagtuturo sa kanilang sariling mga anak. (Efe. 6:4; ihambing ang Deuteronomio 4:9, 10; Jeremias 35:6-10.) Ipinakita rin nito na walang batayan sa Bibliya upang ihiwalay ang mga kabataan sa pamamagitan ng junior classes. Sa halip, sila’y dapat na naroon kasama ng kanilang mga magulang upang makinig sa Salita ng Diyos. (Deut. 31:12, 13; Jos. 8:34, 35) Kapag kinakailangan ang karagdagang paliwanag sa materyal na pinag-aaralan, ito’y maibibigay ng mga magulang sa bahay. Bukod dito, ipinaliwanag ng mga artikulong ito na ang ganitong mga kaayusan para sa hiwalay na mga klase sa katunayan ay humahadlang sa bahay-bahay na pangangaral ng mabuting balita. Papaano nagkagayon? Kasi ang mga nagtuturo ay hindi na lumalabas sa paglilingkod sa larangan dahil sa pinaghahandaan at pinangangasiwaan ang mga ito. Kaya, ang lahat ng nabubukod na mga klase para sa kabataan ay itinigil.

Magpahanggang sa ngayon, kaugalian pa rin ng mga Saksi ni Jehova na ang buong pamilya ay sama-samang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Ang mga anak ay tinutulungan ng mga magulang na maghanda upang makibahagi sa mga paraang angkop para sa kanila. Karagdagan pa, maraming maiinam na publikasyon ang inilaan upang gamitin ng mga magulang sa pagtuturo sa mga kabataan sa tahanan. Kabilang sa mga ito ay ang mga aklat na Children, noong 1941; Pakikinig sa Dakilang Guro, noong 1971 (sa Ingles); Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, noong 1976 (sa Ingles); Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, noong 1978 (sa Ingles); at Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, noong 1989.

Sinasangkapan ang Lahat Upang Maging Aktibong mga Ebanghelisador

Mula pa nang ilathala ang unang mga labas ng Watch Tower, ang mga mambabasa nito ay patuluyang pinaaalalahanan hinggil sa pribilehiyo at pananagutan ng lahat ng tunay na mga Kristiyano na ipahayag ang mabuting balita ng layunin ng Diyos. Ang mga pulong ng kongregasyon ay nakatulong upang ihanda ang kanilang mga puso at isipan para sa gawaing ito sa pamamagitan ng pagpapatibay sa kanilang pag-ibig kay Jehova at sa kanilang kaalaman hinggil sa kaniyang layunin. Subalit, lalo na pagkatapos ng kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922, higit na pinag-ukulan ng pansin ang ginagawa sa paglilingkod sa larangan at kung papaano ito maaaring mabisang isagawa.

Ang Bulletin, f isang polder na naglalaman ng impormasyong tuwirang may kaugnayan sa paglilingkod sa larangan, ay nagbigay ng isang maikling pagpapatotoo, na tinawag noon na canvass, na isasaulo at gagamitin kapag nagpapatotoo sa mga tao. Noong kalakhang bahagi ng 1923, sa pasimula ng bawat buwan, bilang pampasigla sa nagkakaisang mga pagsisikap na ilathala ang Kaharian, ang kalahati ng Prayer, Praise and Testimony Meeting na idinaraos tuwing Miyerkules ng gabi ay iniukol lamang sa mga pagpapatotoo na gagamitin sa paglilingkod sa larangan.

Hindi lumipas ang 1926, ang buwanang mga pulong na doo’y pinag-uusapan ang paglilingkod sa larangan ay tinawag na Workers’ Meetings. Ang dumadalo noon ay karaniwan nang mga aktibong nakikibahagi sa paglilingkod na yaon. Sa mga pulong na ito, pinag-usapan ang mga pamamaraang ginagamit upang magpatotoo sa iba, at may mga planong ginawa para sa panghinaharap na gawain. Noong 1928 pinasigla ng Samahan ang mga kongregasyon na idaos ang ganitong mga pulong linggu-linggo. Pagkalipas ng apat na taon, sinimulan ng mga kongregasyon na halinhan ang Testimony (o, Declaration) Meeting na tinatawag ngayon na Pulong Ukol sa Paglilingkod, at ang lahat ay pinasigla ng Samahan na dumalo. Sa loob ng mahigit na 60 taon, ang lingguhang pulong na ito ay nairaos ng mga kongregasyon. Sa pamamagitan ng mga pahayag, mga pagtalakay na may pakikibahagi ang tagapakinig, mga pagtatanghal, at mga pakikipanayam, inilalaan ang espesipikong tulong may kaugnayan sa lahat ng pitak ng ministeryong Kristiyano.

Ang ganitong uri ng pulong ay hindi bago sa ika-20 siglo. Si Jesus mismo ay nagbigay ng detalyadong mga instruksiyon sa kaniyang mga alagad bago sila isugo upang mangaral. (Mat. 10:5–11:1; Luc. 10:1-16) Nang dakong huli, nagpatibayan sila sa isa’t isa sa pamamagitan ng sama-samang pagtitipon upang ilahad ang mga karanasang tinamasa nila habang nakikibahagi sa ministeryo.​—Gawa 4:21-31; 15:3.

Tungkol naman sa pagsasanay sa pagpapahayag sa madla, noong unang mga taon ito’y hindi ginawa sa regular na mga pulong ng kongregasyon. Subalit, noong 1916, iminungkahi na yaong mga nag-iisip na sila’y may potensiyal na maging mga tagapagpahayag sa madla ay maaaring magsaayos ng kanilang sariling mga klase, na kaipala’y may isang matanda na naroon bilang tagapangulo upang pakinggan sila at bigyan ng payo kung papaano mapasusulong ang nilalaman at pagkakabigkas ng kanilang mga pahayag. Ang mga pagtitipong ito, na dinaluhan lamang ng mga lalaki sa kongregasyon, ay tinawag sa dakong huli na Schools of the Prophets. Bilang paggunita sa mga naganap noong mga kaarawang iyon, ganito ang naalaala ni Grant Suiter: “Ang nakapagpapatibay na payo na aking tinanggap sa paaralan ay walang anuman kung ihahambing sa personal kong tinanggap mula sa aking ama matapos siyang dumalo sa isa sa mga sesyon upang pakinggan ang aking pagsisikap na magbigay ng pahayag.” Upang tulungan ang mga nagsusumikap na sumulong, ang mga kapatid ay pribadong bumuo at nagpalimbag ng isang aklat-aralin na may mga instruksiyon tungkol sa pagpapahayag, kasama na rin ang mga balangkas para sa iba’t ibang uri ng mga pahayag. Gayunpaman, dumating ang panahon na inihinto na ang Schools of the Prophets na ito. Upang sapatan ang pantanging pangangailangang umiral nang panahong iyon, itinuon ang buong pansin sa kung papaano masasangkapan ang bawat miyembro ng kongregasyon upang makibahagi sa pag-eebanghelyo sa bahay-bahay.

Posible kayang masangkapan ang bawat miyembro ng lumalaking pambuong-daigdig na organisasyong ito hindi lamang upang magbigay ng maikling pagpapatotoo at mag-alok ng literatura sa Bibliya kundi upang mabisang magsalita at maging tagapagturo ng Salita ng Diyos? Iyan ang tunguhin ng isang pantanging paaralan na itinatag sa bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, pasimula noong 1943. Ito’y unang idinaos sa pandaigdig na tanggapan ng mga Saksi ni Jehova mula pa noong Pebrero 1942. Bawat linggo, may ibinigay na instruksiyon, at ang mga estudyante ay nagbigay ng mga pahayag at binigyan ng payo sa mga ito. Noong una, mga lalaki lamang ang nagbigay ng mga pahayag sa paaralan, bagaman ang buong kongregasyon ay pinasiglang dumalo, maghanda ng mga aralin, at makibahagi sa mga repaso. Noong 1959 ay binigyan ng pribilehiyong magpatala ang mga kapatid na babae, upang sanayin sila sa pagtalakay ng mga paksa sa Bibliya sa mga tagpo na may isang kausap lamang.

Tungkol sa epekto ng paaralang ito, ang sangay ng Samahang Watch Tower sa Timog Aprika ay nag-ulat: “Ang napakainam na kaayusang ito ay nagtagumpay sa loob ng maigsing panahon na tulungan ang maraming mga kapatid na lalaki na kailanma’y hindi nag-akalang magiging tagapagsalita sa madla upang maging mahusay sa plataporma at higit na mabisa sa larangan. Sa lahat ng bahagi ng Timog Aprika buong lugod na tinanggap ng mga kapatid ang bagong paglalaang ito ni Jehova at buong-siglang idinaos nila ito. Ito’y naisagawa sa kabila ng maraming hadlang dahil sa wika at kakulangan ng edukasyon ng ilan.”

Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nananatiling isa sa mahalagang pulong sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Halos lahat na makagagawa nito ay nagpapatala. Bata at matanda, baguhang mga Saksi at yaong marami nang karanasan ay nakikibahagi. Ito’y isang walang-tigil na palatuntunan ng edukasyon.

Ang Madla ay Inanyayahang Magmasid at Makinig

Sa anumang paraan ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang samahang naglilihim. Ang kanilang mga paniniwalang salig sa Bibliya ay lubusang ipinaliliwanag sa mga publikasyong makukuha ng sinuman. Karagdagan pa, sila’y gumagawa ng pantanging pagsisikap upang anyayahan ang madla na dumalo sa mga pulong upang personal nilang pagmasdan at pakinggan kung ano ang nagaganap doon.

Si Jesu-Kristo ay nagbigay ng personal na instruksiyon sa kaniyang mga alagad, subalit nagsalita rin siya sa publiko​—sa dalampasigan, sa tabi ng bundok, sa mga sinagoga, sa looban ng templo sa Jerusalem​—saanmang may grupo ng mga tao na makikinig. (Mat. 5:1, 2; 13:1-9; Juan 18:20) Bilang pagtulad dito, sing-aga ng dekada ng 1870, ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagsimulang magsaayos ng mga pulong na doon ang mga kaibigan at kapitbahay at ibang mga interesado ay makapakikinig ng isang pahayag hinggil sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan.

Pantanging pagsisikap ang ginawa upang ang mga pahayag na ito ay ganapin sa mga dako na magiging kombinyente sa madla. Ito’y tinawag na class extension work. Noong 1911, ang mga kongregasyong may sapat na mga may-kakayahang mga tagapagsalita ay pinasiglang magsaayos na ipadala ang ilan sa mga ito sa karatig na mga bayan at nayon upang doon mag-organisa ng mga pulong sa mga bulwagang pampubliko. Saanman posible, isinaayos nila ang isang serye ng anim na mga pahayag. Pagkatapos ng pinakahuli, nagtanong ang tagapagsalita kung ilan sa mga tagapakinig ang may sapat na interes sa pag-aaral ng Bibliya upang regular na magtipun-tipon. Mahigit sa 3,000 gayong mga pahayag ang isinaayos sa unang taon.

Simula noong 1914, ang “Photo-Drama of Creation” ay iniharap din sa madla. Hindi siningil ng mga kapatid ang panonood dito. Mula noon, gumamit sila ng iba pang mga pelikula at mga palabas ng slides. Pasimula sa dekada ng 1920, ang malawak na paggamit sa radyo ng Samahang Watch Tower ay nagpangyaring mapakinggan ng mga tao ang mga pahayag sa Bibliya sa kanilang sariling mga tahanan. Pagkatapos, noong dekada ng 1930, ang mga pahayag na binigkas ni J. F. Rutherford ay isinaplaka at pinatugtog sa libu-libong pangmadalang mga pagtitipon.

Nang sumapit ang 1945, marami nang mga tagapagpahayag sa madla ang nasanay sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Noong Enero ng taóng iyon, ang isang mahusay-ang-pagkakaayos na kampanya ng mga pahayag pangmadla ay pinasimulan. Ang Samahan ay naglaan ng mga balangkas para sa isang serye ng walong napapanahong mga pahayag. Mga pulyeto, at kung minsa’y mga plakard, ang ginamit sa pag-aanunsiyo. Bilang karagdagan sa paggamit sa regular na mga pinagtitipunan ng mga kongregasyon, gumawa ng pantanging pagsisikap ang mga kapatid upang isaayos ang mga pahayag pangmadlang ito sa mga teritoryong wala pang kongregasyon. Ang lahat sa kongregasyon ay maaaring makibahagi​—sa pamamagitan ng pag-aanunsiyo ng mga pulong, ng personal na pagdalo, gayundin ng kanilang malugod na pagtanggap sa mga baguhang dumalo at pagsagot sa kanilang mga katanungan. Nang unang taon ng pantanging gawaing ito, 18,646 na mga pahayag pangmadla ang isinaayos sa Estados Unidos, na may kabuuang dumalo na 917,352. Nang sumunod na taon ang bilang ng mga pahayag pangmadla ay umabot sa 28,703 sa Amerika. At sa Canada, na doon ay 2,552 ng gayong mga pulong ang isinaayos noong 1945, may 4,645 naman nang sumunod na taon.

Sa karamihan ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang mga Pahayag Pangmadla ay bahagi na ngayon ng regular na lingguhang mga pagpupulong. Ang mga ito ay isinasaayos bilang pahayag at ang lahat ay pinasisiglang hanapin ang pangunahing mga teksto sa Kasulatan habang binabasa at tinatalakay ang mga ito. Ang mga pulong na ito ay saganang bukal ng espirituwal na instruksiyon kapuwa sa kongregasyon at sa mga baguhan man.

Ang dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa kauna-unahang pagkakataon ay kadalasang nakadarama ng di-inaasahang kasiyahan. Ang isang prominenteng pulitiko sa Zimbabwe ay dumalo sa Kingdom Hall para makita kung ano ang nagaganap doon. Siya’y lalaking may marahas na pagkatao, at sadyang hindi niya inahit ang kaniyang balbas at hindi sinuklay ang kaniyang buhok. Inaasahan niya na siya’y itataboy ng mga Saksi. Sa halip, sila’y nagpakita ng tunay na interes sa kaniya at pinasigla nila siyang magkaroon ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ngayon siya’y isang maamo at mapayapang Kristiyanong Saksi.

Milyun-milyong mga tao na, matapos dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, ang naudyukang magsabi: “Tunay nga na ang Diyos ay nasa gitna ninyo.”​—1 Cor. 14:25.

Angkop na mga Dakong Pinagtitipunan

Noong kaarawan ng mga apostol ni Jesu-Kristo, kalimitang nagdaos ang mga Kristiyano ng kanilang mga pulong sa pribadong mga tahanan. Sa ilang lugar ay naaring makapagpahayag sila sa mga sinagoga ng mga Judio. Sa Efeso si apostol Pablo ay nagbigay ng mga pahayag sa loob ng dalawang taon sa awditoryum ng isang paaralan. (Gawa 19:8-10; 1 Cor. 16:19; Filem. 1, 2) Kahawig nito, sa huling bahagi ng ika-19 na siglo, ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagtipon sa pribadong mga tahanan, paminsan-minsan ay nagpahayag sa mga kapilya ng simbahan, at gumamit ng iba pang arkiladong mga bulwagan. Sa ilang kaso, nakabili sila pagkaraan ng mga gusali na dating gamit ng ibang grupong relihiyoso at ginamit ang mga ito ng regular. Iyan ang nangyari sa Brooklyn Tabernacle at sa London Tabernacle.

Ngunit hindi nila kinailangan ni ginusto man ang maringal na mga gusali para sa kanilang mga pagpupulong. Ang ilang kongregasyon ay bumili at nagkumpuni ng angkop na mga gusali; ang iba’y nagpatayo ng bagong mga bulwagan. Pagkatapos ng 1935 ang pangalang Kingdom Hall ay unti-unting ginamit bilang pagtawag sa mga dakong ito para sa mga pulong ng kongregasyon. Ang mga ito’y karaniwan nang may magandang anyo ngunit hindi naman marangya. Maaaring iba-iba ang arkitektura sa iba’t ibang dako, ngunit dinidisenyo ang gusali upang gamitin sa praktikal na layunin.

Isang Nagkakaisang Programa ng Pagtuturo

Noong huling bahagi ng ika-19 na siglo at unang bahagi ng ika-20 siglo, hindi pare-pareho ang espirituwal na pagsulong at gawain sa lahat ng mga kongregasyon. May pagkakaisa nilang tinanggap ang ilang saligang mga paniniwala na nagbukod sa kanila mula sa Sangkakristiyanuhan. Gayunman, samantalang ang ilan sa mga kapatid ay may malalim na pagpapahalaga sa paraang ginagamit ni Jehova upang magpakain sa kaniyang bayan, ang iba ay madaling nadala ng mga opinyon ng mga indibiduwal na naggigiit ng kanilang malasariling pangmalas sa mga bagay-bagay.

Bago ang kaniyang kamatayan nanalangin si Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod na nawa’y “silang lahat ay maging isa”​—kaisa ng Diyos at ni Kristo at sa isa’t isa. (Juan 17:20, 21) Ito’y hindi magiging pilit na pagkakaisa. Ito’y resulta ng isang nagkakaisang programa ng pagtuturo na umaantig sa mga pusong handang tumanggap nito. Gaya nang matagal nang inihula: “Lahat ng iyong mga anak ay mga taong tinuruan ni Jehova, at magiging sagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.” (Isa. 54:13) Upang lubusang tamasahin ang kapayapaang iyon, ang lahat ay kailangang bigyan ng pagkakataong makinabang mula sa pasulong na turo na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang alulod ng pakikipagtalastasan.

Sa loob ng maraming taon ang mga Estudyante ng Bibliya ay gumamit ng iba’t ibang mga tomo ng Studies in the Scriptures, kasama ng Bibliya, bilang saligan ng kanilang pag-uusap. Ang nilalaman ng mga ito, sabihin pa, ay tunay ngang espirituwal na “pagkain sa wastong kapanahunan.” (Mat. 24:45) Gayunman, ang patuloy na pagsisiyasat sa mga Kasulatan sa ilalim ng patnubay ng espiritu ng Diyos ay nagsiwalat na marami pang dapat na matutunan at na kailangan pa rin ang higit na espirituwal na paglilinis sa mga lingkod ni Jehova. (Mal. 3:1-3; Isa. 6:1-8) Karagdagan pa, pagkatapos na maitatag ang Kaharian noong 1914, nagkaroon ng sunud-sunod at mabilis na katuparan ang maraming mga hula, at ipinakita ng mga ito na may apurahang gawaing dapat isagawa ng lahat ng tunay na mga Kristiyano. Ang napapanahong maka-Kasulatang impormasyong ito ay regular na inilaan sa pamamagitan ng mga tudling ng The Watch Tower.

Sa pagkatanto na hindi lahat ng nasa mga kongregasyon ay nakikinabang mula sa mga artikulong ito, ang ilan sa naglalakbay na mga kinatawan ng Samahan ay nagrekomenda sa punong-tanggapan na sa regular na lingguhang mga pulong ang lahat ng mga kongregasyon ay mag-aral ng The Watch Tower. Ang rekomendasyong iyon ay iminungkahi sa mga kongregasyon, at ang “Berean Questions” na gagamitin sa pag-aaral ng pangunahing mga artikulo ng Watch Tower ay naging regular na bahagi ng magasin simula noong isyu ng Mayo 15, 1922. Ang karamihan ng mga kongregasyon ay nagdaraos ng gayong pag-aaral nang minsan o mas madalas pa bawat sanlinggo, ngunit hindi pare-pareho ang husay ng pagsaklaw nila sa materyal na pinag-aralan sa magasin. Sa ilang dako, sapagkat maraming sinasabi ang konduktor, ang pag-aaral na ito ay tumatagal nang dalawang oras o higit pa.

Subalit, noong dekada ng 1930, hinalinhan ng organisasyong teokratiko ang demokratikong mga kaayusan. Ito’y nagkaroon ng malaking impluwensiya sa pangmalas ng mga kapatid sa pag-aaral ng Ang Bantayan. g Higit na pinag-ukulan ng pansin ang pagkaunawa sa pinag-aaralang materyal na inilaan ng Samahan. Yaong mga gustong gamitin ang pulong bilang pagkakataon upang ihayag ang sarili nilang mga pangmalas at na umiwas sa pananagutang makibahagi sa ministeryo sa larangan ay unti-unting humiwalay. Sa pamamagitan ng matiyagang tulong natutuhan ng mga kapatid kung papaano pagkakasiyahin ang pag-aaral sa isang oras lamang. Bunga nito, lalong marami ang nakibahagi; ang mga pulong ay naging higit na masigla. Isang espiritu ng tunay na pagkakaisa ang nagsimulang mamayani sa mga kongregasyon, salig sa isang nagkakaisang programa ng espirituwal na pagpapakain na doon ang Salita ng Diyos ang siyang sukatan ng katotohanan.

Noong 1938, Ang Bantayan ay inilathala na sa mga 20 wika. Ang lahat ay unang lumabas sa Ingles. Pangkaraniwang ito’y hindi mailabas sa ibang wika kundi pagkalipas ng ilang buwan, o kung minsa’y isang taon pa, dahil sa panahong kinakailangan upang isalin at limbagin ito. Ngunit, dahil sa pagbabago sa mga paraan ng paglilimbag, noong dekada ng 1980, nagawang mailathala Ang Bantayan nang sabay-sabay sa maraming wika. Noong 1992, ang mga kongregasyong nakauunawa sa alinman sa 66 na wika ay maaaring makipag-aral ng pare-parehong materyal nang magkakasabay. Kaya ang karamihan ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nakikibahagi sa pare-parehong espirituwal na pagkain linggu-linggo. Sa buong Hilaga at Timog Amerika, sa kalakhan ng Europa, sa ilang lupain sa Silangan, sa maraming dako sa Aprika, at sa maraming mga pulo sa palibot ng globo, ang bayan ni Jehova ay nagtatamasa ng isang sabay-sabay na kaayusan ukol sa espirituwal na pagpapakain. Sama-sama, sila’y “lubos na pinagkakaisa sa isa lamang pag-iisip at isa lamang takbo ng kaisipan.”​—1 Cor. 1:10.

Ang bilang ng mga dumadalo sa kanilang mga pulong sa kongregasyon ay nagpapakita na pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga pulong. Sa Italya, kung saan may mga 172,000 aktibong mga Saksi noong 1989, ang dumadalo linggu-linggo sa mga pulong sa Kingdom Hall ay 220,458. Kabaligtaran nito, ang isang Katolikong ahensiya ng pahayagan ay nag-uulat na 80 porsiyento ng mga Italyano ang nagsasabing sila’y Katoliko ngunit 30 porsiyento lamang ang dumadalo nang palagian sa mga serbisyo ng simbahan. Ang proporsiyon ay halos gayon din sa Brazil. Sa Denmark, noong 1989, inangkin ng National Church na 89.7 porsiyento ng populasyon ang miyembro nito, ngunit 2 porsiyento lamang ang dumadalo sa simbahan minsan sa isang linggo! Sa mga Saksi ni Jehova sa Denmark, ang dumadalo linggu-linggo noong panahong iyon ay umabot sa 94.7 porsiyento. Sa Alemanya, ang isang surbey ng Allensbach Opinion Research Institute noong 1989 ay nagpakita na 5 porsiyento ng mga Lutherano at 25 porsiyento ng mga Katoliko sa Republika Pederal ang regular na dumadalo sa simbahan. Subalit, sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, ang dumadalo linggu-linggo ay lampas pa sa bilang mismo ng mga Saksi.

Ang mga naroroon sa pulong ay madalas na puspusang nagsikap upang makadalo. Noong dekada ng 1980, ang isang 70-taóng-gulang na babae sa Kenya ay regular na naglalakad ng sampung kilometro at lumulusong nang patawid sa isang ilog upang makadalo sa mga pulong linggu-linggo. Upang dumalo sa mga pulong sa sarili niyang wika, isang Koreanong Saksi sa Estados Unidos ang regular na naglalakbay ng tigtatatlong oras papunta at pauwi, na sumasakay sa bus, tren, at bangka, at mayroon pang paglalakad. Sa Suriname, ang isang pamilya na maliit lamang ang kinikita ay gumagastos ng buong suweldo sa maghapon para sa pamasahe linggu-linggo upang makadalo sa mga pulong. Sa Argentina, ang isang pamilya ay regular na naglalakbay ng 50 kilometro at gumagastos ng ikaapat na bahagi ng kinikita ng pamilya upang dumalo sa mga pulong para sa pag-aaral ng Bibliya. Kapag lubusang nahahadlangan ang pagdalo ng ilan dahil sa karamdaman, kadalasa’y may kaayusang ginagawa upang maikonekta sila sa pamamagitan ng telepono o kaya upang mapakinggan nila ang tape recording ng programa.

Pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang payo ng Bibliya na huwag pabayaan ang sama-samang pagkakatipon ukol sa espirituwal na pampatibay. (Heb. 10:24, 25) At hindi lamang ang mga pulong sa lokal na mga kongregasyon ang kanilang dinadaluhan. Ang pagdalo sa mga kombensiyon ay isang tampok na bahagi rin ng kanilang taunang programa ng mga okasyon.

[Mga talababa]

a Nang maglaon ang mga pulong na ito ay tinawag na Berean Circles for Bible Study, bilang pagtulad sa unang-siglong mga taga-Berea na pinapurihan sapagkat sila’y ‘buong-ingat na nagsisiyasat ng mga Kasulatan.’​—Gawa 17:11.

b Dahil sa uri nila, ang mga pulong na ito ay tinawag ding Prayer, Praise and Testimony Meetings. Dahil sa kahalagahan ng panalangin, nang kalaunan ay inirekomenda na minsan sa bawat tatlong buwan ang pulong ay gawing serbisyo lamang ng panalangin, na may mga himno ngunit walang mga karanasan.

c Noong 1907 ang mga Berean na pantulong sa pag-aaral ay nirebisa, pinalaki, at ginawang napapanahon. Mga 300 pang mga pahina ang idinagdag sa edisyon na ginawa noong 1908.

d Kung minsan, ito’y tinutukoy bilang ang antitipikong Paskuwa, alalaong baga’y, ang paggunita sa kamatayan ni Jesu-Kristo, na siyang inilarawan ng kordero ng Paskuwa at sa gayo’y tinawag na “si Kristo na ating paskuwa,” sa 1 Corinto 5:7. Kaayon ng 1 Corinto 11:20 (KJ), ito’y tinawag din na Hapunan ng Panginoon. Ito kung minsan ay tinataguriang “Hapunan Para sa Anibersaryo” sa gayo’y nagdiriin sa bagay na ito’y isang taunang pagdiriwang.

e Ihambing ang mga isyu ng Bantayan ng Marso 1891 (sa Ingles), mga pahina 33-4; Marso 15, 1907, pahina 88; Pebrero 1, 1935, pahina 46; at Pebrero 1, 1948, mga pahina 41-3.

f Maging bago ng 1900 isang pulyetong pinamagatang Suggestive Hints to Colporteurs ang ipinadala sa mga nagpatala sa pantanging pribilehiyong ito. Pasimula noong 1919 inilathala ang Bulletin upang higit na pasiglahin ang paglilingkod sa larangan, una sa pamamahagi ng The Golden Age at sa dakong huli ay may kaugnayan sa lahat ng iba’t ibang pitak ng gawaing pag-eebanghelyo.

g Ang pangalang Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence ay pinalitan, noong Enero 1, 1909, ng The Watch Tower and Herald of Christ’s Presence. Noong Oktubre 15, 1931, ang pangalan ay naging The Watchtower and Herald of Christ’s Presence.

[Blurb sa pahina 237]

Mga pulong na humihiling ng personal na pakikibahagi

[Blurb sa pahina 238]

Hindi lamang isang mental na pilosopiya kundi mga pagpapahayag na umaantig sa puso

[Blurb sa pahina 246]

Ang buong pamilya ay pinasisiglang dumalo sa mga pulong nang sama-sama

[Blurb sa pahina 252]

Pinagkakaisa ang programa ng pagpapakain sa espirituwal

[Blurb sa pahina 253]

Pinahahalagahan ng mga Saksi ang kanilang mga pulong

[Kahon/Mga larawan sa pahina 239]

Unang mga Kongregasyon

Noong 1916, may mga 1,200 grupo ng mga Estudyante ng Bibliya sa buong daigdig

Durban, Timog Aprika, 1915 (itaas sa kanan); British Guiana (Guyana), 1915 (gitna sa kanan); Trondheim, Norway, 1915 (ibaba sa kanan); Hamilton, Ont., Canada, 1912 (sa ibaba); Ceylon (Sri Lanka), 1915 (ibaba sa kaliwa); India, 1915 (itaas sa kaliwa)

[Kahon/Mga larawan sa pahina 240, 241]

Pinupuri si Jehova sa Pamamagitan ng Awit

Kung papaanong ang sinaunang mga Israelita at si Jesus mismo ay gumamit ng mga awit sa pagsamba, gayundin ang mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon. (Neh. 12:46; Mar. 14:26) Samantalang nagpapahayag ng papuri kay Jehova at ng pagpapahalaga para sa kaniyang mga gawa, ang gayong pag-awit ay nakatulong din upang ikintal ang mga katotohanan ng Bibliya kapuwa sa isip at sa puso.

Maraming koleksiyon ng mga awit ang ginamit ng mga Saksi ni Jehova sa nagdaang mga taon. Ang mga salita ay binago alinsunod sa sumusulong na pagkaunawa sa Salita ng Diyos.

1879: “Songs of the Bride”

(144 na himno na nagpapahayag ng mga hangarin at pag-asa ng kasintahan ni Kristo)

1890: “Poems and Hymns of Millennial Dawn”

(151 tula at 333 himno, na inilathala nang walang nota ng musika. Karamihan ay mga katha ng kilalang mga manunulat)

1896: Ang “Watch Tower” ng Pebrero 1 ay walang ibang nilalaman kundi ang “Zion’s Glad Songs of the Morning”

(Mga salita para sa 11 awit, na may nota; ang mga liriko ay isinulat ng mga Estudyante ng Bibliya)

1900: “Zion’s Glad Songs”

(82 awit, karamihan nito ay sulat ng isang Estudyante ng Bibliya; bilang karagdagan sa naunang koleksiyon)

1905: “Hymns of the Millennial Dawn”

(Ang 333 awit na inilathala noong 1890, subalit mayroon nang nota ng musika)

1925: “Kingdom Hymns”

(80 awit, na may nota, lalo na para sa mga bata)

1928: “Songs of Praise to Jehovah”

(337 awit, na pinagsama ang mga bago na isinulat ng mga Estudyante ng Bibliya at ang datihang mga himno. Sa mga liriko, gumawa ng pantanging pagsisikap na makaiwas sa mga saloobin ng huwad na relihiyon at sa pagsamba sa mga nilalang)

1944: “Kingdom Service Song Book”

(62 awit. Sinadya upang tumugon sa mga pangangailangan ng paglilingkod sa Kaharian noong panahong iyon. Walang binanggit na pangalan ng awtor o kompositor)

1950: “Mga Awit sa Kapurihan ni Jehova”

(91 awit. Ang aklat-awitang ito ay naglaman ng higit na napapanahong mga tema at hindi na gumamit ng lumang istilo ng wika. Ito’y isinalin sa 18 wika)

1966: “Nag-aawitan at Sinasaliwan ang Inyong Sarili ng Musika sa Inyong mga Puso”

(119 na awit na sumasaklaw sa bawat pitak ng Kristiyanong pamumuhay at pagsamba. Ang musika na napag-alaman nilang galing sa sekular o huwad-na-relihiyosong mga pinagmulan ay inalis. Ang mga rekording ng isang orkestra ng buong libro ay ginawa at malawak na ginamit bilang kasaliw sa pag-awit sa mga pulong ng kongregasyon. May ilang piling bokal na rekording din na ginawa. Pasimula noong 1980, ang mga rekording ng orkestra ng “Kingdom Melodies” ay inilabas upang kahit sa tahanan ay mapakinggan ng mga indibiduwal ang musikang nakapagpapatibay)

1984: “Umawit ng mga Papuri kay Jehova”

(225 awit pang-Kaharian, na may mga salita at musika na pawang kinatha ng naaalay na mga lingkod ni Jehova mula sa lahat ng bahagi ng lupa. Ang mga plaka ng ponograpo at mga audiocassette ay ginawa bilang kasaliw ng pag-awit)

Sa kanilang unang “Cottage Meetings,” inilakip ng mga Estudyante ng Bibliya ang mga awit ng papuri. Di-nagtagal at ang pag-awit ay naging bahagi na ng kanilang mga kombensiyon. May ilan na kumakanta ng isa sa mga awit bago mag-almusal, may kaugnayan sa kanilang pang-umagang pagsamba, gaya ng ginawa sa loob ng maraming taon sa “Bible House.” Bagaman ang pag-awit sa lokal na mga kongregasyon ay halos itinigil na noong mga 1938, ito’y pinasimulan muli noong 1944 at nananatili bilang isang mahalagang bahagi ng mga pulong sa kongregasyon at programa sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan]

Si Karl Klein sa harap ng orkestra ng kombensiyon noong 1947

[Graph sa pahina 242]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Memoryal ng Kamatayan ni Kristo

Aktibong mga Saksi

Bilang ng dumadalo

11,000,000

10,000,000

9,000,000

8,000,000

7,000,000

6,000,000

5,000,000

4,000,000

3,000,000

2,000,000

1,000,000

1935 1945 1955 1965 1975 1985 1992

[Larawan sa pahina 243]

Bagaman nag-iisa sa bilangguan sa Tsina, patuloy na ipinagdiwang ni Harold King ang Memoryal

[Larawan sa pahina 244]

Juvenile Bible class sa Alemanya, maaga sa dekada ng 1930

[Mga larawan sa pahina 244]

Sa Switzerland, noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, ang magasing ito (sa ibaba) ay inilathala ng mga kabataang Saksi at nagtanghal sila ng mga drama sa Bibliya (na makikita sa ibaba sa bandang gitna) para sa malakihang bilang ng mga nanonood

[Mga larawan sa pahina 247]

“Bulletin” (1919-35), “Director” (1935-36), “Informant” (1936-56), at ngayon ang “Ating Ministeryo sa Kaharian” sa 100 wika​—lahat ay nakapaglaan ng regular na instruksiyon para sa nagkakaisang ministeryo sa larangan ng mga Saksi ni Jehova

[Larawan sa pahina 248]

Ang mga pagtatanghal sa Mga Pulong Ukol sa Paglilingkod ay tumutulong sa mga Saksi na pasulungin ang kanilang personal na ministeryo sa larangan (Sweden)

[Larawan sa pahina 249]

Isang kabataang Saksi sa Kenya ang sinasanay sa pamamagitan ng pagbibigay ng pahayag sa kaniyang Ama sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro

[Larawan sa pahina 250]

Noong 1992, ang materyal para sa pag-aaral ng Bibliya ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay sabay-sabay na inilalathala sa 66 na wika, at patuloy na dinaragdagan pa