Sama-samang Nagtatayo sa Buong Daigdig
Kabanata 20
Sama-samang Nagtatayo sa Buong Daigdig
ANG pagkadama ng tunay na pagkakapatiran sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay namamalas sa maraming paraan. Ang katunayan nito ay nakikita niyaong mga dumadalo sa kanilang mga pulong. Sa kanilang mga kombensiyon ito’y natatanghal sa mas malawak na antas. Malinaw rin na namamalas ito samantalang sila’y sama-samang gumagawa upang paglaanan ng angkop na mga dakong pagtitipunan ang kanilang mga kongregasyon.
Nang magsimula ang dekada ng 1990, may mahigit nang 60,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Sa loob ng sinundang dekada, 1,759 na bagong mga kongregasyon ang naidagdag na, bilang aberids, bawat taon. Sa pagsisimula ng dekada ng 1990, lalo itong bumilis hanggang mahigit sa 3,000 bawat taon. Ang paglalaan ng angkop na mga dakong mapagtitipunan nilang lahat ay naging napakalaking hamon.
Mga Kingdom Hall
Katulad ng unang-siglong mga Kristiyano, maraming kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova nang pasimula ang gumamit ng pribadong mga tahanan para sa karamihan ng kanilang mga pulong. Sa Stockholm, Sweden, ang maliit na grupo na unang nagdaos ng regular na mga pulong doon ay gumamit ng isang karpinterya, na inarkila nila upang gamitin matapos ang maghapong trabaho sa pagawaan. Dahil sa pag-uusig, isang maliit na grupo sa lalawigan ng La Coruña, Espanya, ang nagdaos ng una nilang mga pulong sa isang maliit na bodega, o kamalig.
Nang mangailangan ng mas malaking espasyo, sa mga lupaing may kalayaan, ang lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay umarkila ng dakong pagtitipunan. Subalit, kung iyon ay bulwagang ginagamit din ng ibang mga organisasyon, ang mga kagamitan ay kailangang hakutin o ikabit sa bawat pulong, at madalas ay may naiiwan doon na amoy ng usok ng tabako. Hangga’t maaari, inaarkila ng mga kapatid ang isang bakanteng tindahan o silid sa itaas na sadyang gagamitin lamang ng kongregasyon. Subalit, nang maglaon, dahil sa mataas na halaga ng pag-arkila at kahirapang makakita ng nababagay na mga lugar ay napilitan silang gumawa ng ibang kaayusan. Sa ilang pagkakataon ang mga gusali ay binili at kinumpuni.
Bago ang Digmaang Pandaigdig II, ang ilang kongregasyon ay nakapagtayo na ng mga bulwagang sadyang dinisenyo para sa kanila. Sing-aga pa nga ng 1890, isang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya sa Estados Unidos sa Mount Lookout, West Virginia, ang nagtayo ng kanilang sariling dakong pagtitipunan. a Gayunman, ang malawakang pagtatayo ng mga Kingdom Hall ay hindi nagsimula kundi noong dekada ng 1950.
Ang pangalang Kingdom Hall ay iminungkahi noong 1935 ni J. F. Rutherford, na noon ay presidente ng Samahang Watch Tower. Kaugnay ng pasilidad ng sangay ng Samahan sa Honolulu, Hawaii, isinaayos niyang itayo ng mga kapatid ang isang bulwagan na mapagdarausan ng mga pulong. Nang tanungin ni James Harrub si Brother Rutherford kung ano ang itatawag niya sa gusaling iyon, siya’y sumagot: “Hindi kaya dapat itong tawaging ‘Kingdom Hall,’ yamang iyan ang ating ginagawa, ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian?” Pagkatapos nito, hangga’t maaari, ang mga bulwagang regular na ginagamit ng mga Saksi ay unti-unting sinimulang lagyan ng mga karatula na may nakasulat na “Kingdom Hall.” Kaya, nang kumpunihin ang London Tabernacle noong 1937-38, pinalitan ang pangalan nito ng Kingdom Hall. Nang malaunan, ang pangunahing lokal na pinagtitipunang dako ng mga kongregasyon sa buong daigdig ay tinawag na Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses.
Hindi Lamang Iisa ang Paraan Upang Magawa Ito
Ang mga desisyon kung aarkila ba o magtatayo ng mga Kingdom Hall ay lokal na ginagawa ng bawat kongregasyon. Sila rin ang bumabalikat ng anumang gastusin sa pagtatayo at pagkukumpuni. Upang makapagtipid, ang karamihan ng mga kongregasyon ay nagsisikap na gumawa ng higit na pagtatayo hangga’t maaari nang hindi gumagamit ng komersiyal na mga kontratista.
Ang mga bulwagan mismo ay maaaring yari sa laryo, bato, kahoy, o ibang materyales, depende sa halaga gayundin sa kung ano mayroon sa lugar na iyon. Sa Katima Mulilo, Namibia, mahabang damo ang ginamit bilang atip, at putik mula sa mga punso (na kapag natuyo ay tumitigas) ang minolde para sa mga dingding at sahig. Ang mga Saksi sa Segovia, Colombia, ay gumawa ng sariling hollow blocks
mula sa semento. Ang pinatigas na putik mula sa bulkang Mount Lassen ang ginamit sa Colfax, California.Yamang ang dumadalo sa mga pulong ay lumampas na sa 200 noong 1972, naisip ng kongregasyon sa Maseru, Lesotho, na sila’y kailangang magtayo ng isang nababagay na Kingdom Hall. Bawat isa ay tumulong sa proyekto. Ang may-edad nang mga kapatid na lalaki ay naglakad nang hanggang 32 kilometro upang tumulong. Pinagulong ng mga bata ang mga dram ng tubig patungo sa lugar ng konstruksiyon. Ang mga kapatid na babae ang naghanda ng pagkain. Pinikpik din nila ang lupa sa pamamagitan ng kanilang mga paa upang maging siksik ito bilang paghahanda sa pagbubuhos ng semento para sa sahig, habang nag-aawitan ng mga awiting pang-Kaharian at pumapadyak na kasabay ng indayog ng tugtugin. Ang batong silyar, na tinitibag mula sa karatig na bundok na di-pagbabayarin kung sila ang hahakot, ang ginamit para sa mga dingding. Ang resulta’y isang Kingdom Hall na makapag-uupo ng mga 250.
Kung minsan, ang mga Saksi mula sa kalapit na mga kongregasyon ay tumutulong sa pagtatayo. Kaya, noong 1985, nang ang mga Saksi ni Jehova sa Imbali, isang bayan ng mga itim sa Timog Aprika, ay nagtayo ng isang bulwagang maluwag na makapag-uupo ng 400, ang kapuwa nila Saksi mula sa karatig na Pietermaritzburg at Durban ang pumaroon upang tumulong. Maguguniguni mo ba ang laki ng pagkamangha ng mga kapitbahay nang, sa kaarawang iyon ng pagsisigalot ng lahi sa Timog Aprika, kanilang nakita ang malaking bilang ng mga puti, Colored, at Indian na mga Saksi na humuhugos sa kabayanan at gumagawa nang balikatan kasama ng kanilang itim na mga kapatid na Aprikano? Gaya ng sinabi ng lokal na meyor: “Nagagawa lamang ito dahil sa pag-ibig.”
Gaano mang kahusay ang espiritu ng pagkukusa, nakita ng mga kongregasyon na ang lokal na mga kalagayan ay naglalagay ng limitasyon sa magagawa ng mga kapatid. Ang mga lalaki sa kongregasyon ay sumusuporta sa mga pamilya at maaaring tumulong sa proyekto sa dulong sanlinggo lamang at marahil nang kaunti naman kung gabi. Sa karamihan ng mga kongregasyon ay kakaunti lamang, kung mayroon man, ang mga bihasa sa gawain sa konstruksiyon. Sa kabila nito, isang simple, walang dingding na gusali na praktikal sa maiinit na lugar ang maaaring itayo sa loob lamang ng ilang araw o kaya’y ilang linggo. Sa tulong ng mga Saksi sa nakapalibot na mga kongregasyon, ang higit na matitibay na gusali ay maaaring tapusin sa loob ng lima o anim na buwan. Sa ibang kaso naman, baka ang kakailanganin ay isa o dalawang taon.
Subalit, sa pagpasok nila sa dekada ng 1970, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay sumusulong sa bilis na dalawa o tatlong bagong kongregasyon araw-araw. Pagsapit sa unang bahagi ng dekada ng 1990, ang antas ng pagsulong ay naging hanggang siyam araw-araw. Kaya ba nilang masapatan ang mahigpit nilang pangangailangan para sa bagong mga Kingdom Hall?
Bumuo ng Pamamaraan sa Mabilisang Pagtatayo
Maaga sa dekada ng 1970, sa Estados Unidos, mahigit sa 50 Saksi mula sa karatig na mga kongregasyon ang nagtulung-tulong upang maitayo ang isang bagong Kingdom Hall sa Carterville, Missouri, para sa grupo na dating nagtitipon sa Webb City. Sa isang dulong sanlinggo naitayo nila ang balangkas at marami silang natapos
sa bubungan. Marami pa ang kailangang gawin, at umabot pa nang ilang buwan bago natapos ang proyekto; subalit ang isang malaking bahagi ay natapos sa loob ng maikling panahon.Sa loob ng sumunod na dekada, habang sama-samang gumagawa ang mga kapatid sa mga 60 bulwagan, napagtagumpayan ang mga hadlang, at nabuo ang higit na mahuhusay na pamamaraan. Nang malaunan, napagtanto nila na matapos mailatag ang pundasyon, maaari nilang halos tapusin ang isang kumpletong Kingdom Hall sa isa lamang dulong sanlinggo.
Ang maraming tagapangasiwa sa kongregasyon—lahat mula sa gitnang-kanluran ng Estados Unidos—ay nagsimulang gumawa ng hakbang patungo sa tunguhing iyon. Nang ang mga kongregasyon ay humiling ng tulong sa pagtatayo ng kanilang Kingdom Hall, ang proyekto ay ipinakipag-usap sa kanila ng isa o higit pa sa mga kapatid na ito at nagbigay sila ng mga detalye hinggil sa paghahanda na dapat tapusin sa lokal bago gawin ang pagtatayo. Kasama sa mga ito ay ang pagkuha ng mga permiso para sa konstruksiyon, ang pagbubuhos ng semento para sa pundasyon at sa sahig, ang pagsasaayos ng magagamit na koryente, ang instalasyon ng mga tubo sa ilalim, at ang maaasahang mga kaayusan upang ihatid ang mga materyales sa pagtatayo. Kung magkagayon ay maaaring itakda ang isang petsa para sa mismong pagtatayo ng Kingdom Hall. Ang gusali ay hindi basta pagkakabit lamang ng patiunang niyaring materyales; ito’y itatayo mula sa ibaba paitaas doon mismo sa pinagtatayuan nito.
Sino ang gagawa ng mismong konstruksiyon? Hangga’t maaari, ito’y ginagawa ng boluntaryo, walang-suweldong mga manggagawa. Madalas na nakikibahagi ang buong pamilya. Ang mga nag-oorganisa ng proyekto ay nakipag-usap sa mga Saksi na marunong sa konstruksiyon at nagsabing gusto nilang magboluntaryo sa ganitong mga proyekto. Marami sa kanila’y sabik na naghihintay sa bawat bagong proyekto sa pagtatayo. Ang ibang mga Saksi na nakaalam ng hinggil sa mga proyekto ay nagnais na makabahagi; daan-daan mula sa nakapalibot na mga lugar—at sa mas malalayong lugar—ang nagsihugos sa mga dakong may itinatayo, na sabik na tumutulong sa anumang paraang magagawa nila. Karamihan sa kanila’y hindi propesyonal na mga tagapagtayo, subalit napatunayang angkop sa kanila ang inilalarawan tungkol sa magiging mga tagapagtaguyod ng Mesianikong Hari ni Jehova gaya ng nakalahad sa Awit 110:3, na nagsasabi: “Ang bayan mo’y kusang maghahandog ng kanilang mga sarili.”
Noong Huwebes ng gabi bago magsimula ang malaking proyekto, ang mga nangangasiwa sa gawain ay nagtipun-tipon upang planuhin ang pangwakas na mga detalye. Nang sumunod na gabi, nagpalabas sila ng slides sa mga manggagawa hinggil sa pamamaraang gagamitin upang maunawaan nila kung ano ang kaayusang susundin. Lalong binigyang-pansin ang kahalagahan ng maka-Diyos na mga katangian. Pinasigla ang mga kapatid na sama-samang gumawa nang may pag-ibig, na maging mabait, na magpamalas ng pagtitiis at konsiderasyon. Ang lahat ay pinasiglang gumawang tuluy-tuloy ngunit hindi naman masyadong nag-aapura at huwag mag-atubiling kumuha ng ilang minuto upang ibahagi sa iba ang isang nakapagpapatibay na karanasan. Maaga sa kinabukasan, nagsimula na ang pagtatayo.
Sa isang itinakdang panahon sa umaga ng Sabado, tumitigil ang lahat sa kanilang ginagawa upang makinig sa pagtalakay ng teksto ng Kasulatan sa araw na iyon. Awit 127:1.
Naghandog ng panalangin, sapagkat pinahalagahan nila na ang tagumpay ng proyekto ay depende sa pagpapala ni Jehova.—Oras na nagsimula ang trabaho, mabilis ang takbo nito. Sa loob ng isang oras nakatayo na ang mga pamakuan ng dingding. Kasunod ang mga sepo ng bubungan. Ang plywood ay ipinako sa dingding. Ang mga elektrisista ay nagsimulang maglagay ng mga kawad. Ikinabit ang mga duct para sa air conditioning at heating. Ginawa at ikinabit ang mga eskaparate. Kung minsan ang buong dulong sanlinggo ay maulan, o naging masyadong malamig o mainit ang panahon, ngunit nagpatuloy pa rin ang trabaho. Walang pagpapaligsahan, walang pag-iinggitan sa pagitan ng mga tagapagtayo.
Kadalasan, bago lumubog ang araw sa kinabukasan, tapos na ang Kingdom Hall—nagayakan na sa loob, marahil ay may landscaping pa sa labas. Kung higit na praktikal, ang trabaho ay iniiskedyul upang umabot sa tatlong araw, o kaya’y dalawang dulong sanlinggo. Sa pagtatapos ng proyekto, marami sa mga manggagawa ang nananatili, pagod ngunit napakaligaya, upang tamasahin ang unang regular na pulong ng kongregasyon, isang pag-aaral ng Ang Bantayan.
Palibhasa’y pinagdududahan ang kalidad ng trabaho dahil sa bilis nito, ang ilang tao sa Guymon, Oklahoma, E.U.A., ay tumawag sa inspektor ng lunsod. “Sinabi ko sa kanila na kung gusto nilang makita ang mahusay na uring trabaho, dapat nilang puntahan ang bulwagan!” ang sabi ng inspektor nang ikuwento niya ito sa mga Saksi pagkatapos. “Wasto ang pagkagawa ninyo kahit sa mga bagay na nakatago at hindi nakikita!”
Habang lumalaki ang pangangailangan para sa mga Kingdom Hall, ang mga kapatid na bihasa na sa maraming pamamaraan ng mabilisang pagtatayo ay nagsanay ng iba. Ang balita tungkol dito ay lumaganap sa ibang mga lupain. Maaari bang gamitin din doon ang gayong mga pamamaraan ng pagtatayo?
Naging Pambuong-daigdig ang Mabilisang Pagtatayo
Ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa Canada ay hindi talagang nakasasapat sa pangangailangan ng mga kongregasyon. Ang mga Saksi sa Canada ay nag-anyaya sa mga nag-oorganisa ng mga proyekto ng mabilisang pagtatayo sa Estados Unidos upang ipaliwanag kung papaano ito ginagawa. Nang pasimula, nagduda ang mga taga-Canada kung ito’y kayang gawin sa Canada, ngunit nagpasiya silang ito’y subukin. Ang unang Kingdom Hall sa Canada na itinayo sa ganitong paraan ay sa Elmira, Ontario, noong 1982. Pagsapit ng 1992, 306 na Kingdom Hall sa Canada ang naitayo na sa pamamaraang ito.
Inisip ng mga Saksi sa Northampton, Inglatera, na kaya rin nila itong gawin. Ang kanilang proyekto, noong 1983, ang siyang kauna-unahan sa Europa. Ang mga kapatid na may karanasan sa paraang ito ng pagtatayo ay naglakbay mula sa Estados Unidos at Canada upang mangasiwa sa proyekto at tulungan ang lokal na mga Saksi kung papaano ito gagawin. Iba pang mga boluntaryo ang naroon mula sa malalayong lugar tulad ng Hapón, India, Pransya, at Alemanya. Naroon sila bilang mga boluntaryo, hindi upang suwelduhan. Papaano naging posible ito? Gaya ng sinabi ng tagapangasiwa ng isang grupo ng mga Saksi mula sa Irlandiya na gumawa sa isa sa mga proyektong ito, ‘Nagagawa ito sapagkat nagbabalikatan ang lahat ng mga kapatid na lalaki at babae sa ilalim ng impluwensiya ng espiritu ni Jehova.’
Kahit waring imposibleng gawin ang gayong mga proyekto dahil sa lokal na mga regulasyon sa pagtatayo, nasumpungan ng mga Saksi na, madalas, kapag binanghay ang lahat ng mga detalye sa mga opisyal ng siyudad, sila’y malugod na nakikipagtulungan.
Pagkatapos ng isang proyekto ng mabilisang pagtatayo sa Norway, sa bandang norte ng Arctic Circle, bumulalas ang pahayagang Finnmarken: “Talagang kamangha-mangha. Iyon lamang ang salitang naapuhap namin upang mailarawan ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova nitong nakaraang dulong sanlinggo.” Kahawig nito, nang ang mga Saksi sa North Island ng New Zealand ay nagtayo ng isang magandang Kingdom Hall sa loob ng dalawa at kalahating araw, ang ulong-balita ng lokal na pahayagan ay nagsabi: “Proyekto na Halos Isang Milagro.” Isinusog pa ng artikulo: “Marahil ang bagay na lalong di-kapani-paniwala sa proyektong ito ay ang husay ng organisasyon at maayos na daloy ng buong konstruksiyon.”
Ang pagiging nasa liblib na dako ng pagtatayuan ng Kingdom Hall ay hindi naging walang-kalutasang hadlang. Sa Belize tinapos ang isang proyekto ng mabilisang pagtatayo, kahit na upang magawa ito ay kailangang hakutin ang bawat piraso ng materyales tungo sa isang isla na may layong 60 kilometro mula sa Belize City. Nang itayo ang isang Kingdom Hall na may air conditioning sa Port Hedland, Western Australia, sa isang dulong sanlinggo, ang halos lahat ng materyales at mga manggagawa ay nanggaling sa mga lugar na may distansiyang 1,600 kilometro o mahigit pa. Ang gastusin sa pamasahe ay sinagot ng mga manggagawa mismo. Karamihan ng mga nakibahagi sa proyekto ay hindi personal na kakilala ng mga Saksi sa Kongregasyon ng Port Hedland, at iilan lamang sa kanila ang dadalo ng pulong doon. Subalit ito’y hindi humadlang sa kanila sa pagpapahayag ng kanilang pag-ibig sa ganitong paraan.
Kahit sa mga lugar na kakaunti ang mga Saksi, hindi ito humadlang sa paggamit ng ganitong pamamaraan ng pagtatayo ng mga bulwagan. Mga 800 Saksi mula sa Trinidad ang nagboluntaryong maglakbay tungo sa Tobago upang tulungan ang 84 nilang mga kapatid na Kristiyano roon na itayo ang isang bulwagan sa Scarborough noong 1985. Ang 17 Saksi (karamihan ay mga babae at mga bata) sa Goose Bay, Labrador, ay tunay na mangangailangan ng tulong kung sakaling magkakaroon sila ng sariling Kingdom Hall. Noong 1985, mga Saksi mula sa ibang mga bahagi ng Canada ang umarkila ng tatlong eroplano upang ihatid ang 450 sa kanila sa Goose Bay upang gawin ito. Matapos ang dalawang araw ng puspusang trabaho, nagkaroon sila ng programa ng pag-aalay sa natapos nang Kingdom Hall noong Linggo ng gabi.
Hindi ito nangangahulugan na lahat ng mga Kingdom Hall ay itinatayo sa paggamit ng mabilisang pamamaraang ito, ngunit parami-nang-parami ang gumagawa nito.
Mga Regional Building Committee
Pagsapit ng kalagitnaan ng 1986 higit na lumaki ang pangangailangan para sa bagong mga Kingdom Hall. Noong sinundang taon, 2,461 bagong mga kongregasyon ang naitatag sa buong daigdig; 207 sa mga ito ang nasa Estados Unidos. Ang ilang Kingdom Hall ay ginagamit ng tatlo, apat, o kahit limang kongregasyon. Gaya ng inihula sa Kasulatan, tunay na pinabibilis ni Jehova ang gawaing pagtitipon.—Isa. 60:22.
Gal. 5:22, 23) Marami rin sa kanila ang may karanasan sa real estate, inhinyeriya, konstruksiyon, pangangasiwa sa negosyo, pag-iingat ng kaligtasan, at kaugnay na mga larangan.
Upang matiyak na ang pinakamahusay na mga tauhan ang ginagamit at upang tulungan ang lahat ng nagtatayo ng mga Kingdom Hall na makinabang mula sa karanasang dati nang nakamit, sinimulang organisahin ng Samahan ang kanilang gawain. Bilang pasimula, noong 1987 ang Estados Unidos ay binahagi sa 60 Regional Building Committee. May sapat na trabaho para sa lahat ng ito; ang ilan sa kanila’y may mga proyektong nakaiskedyul para sa isang taon o mahigit pa. Ang mga hinirang na maglingkod sa mga komiteng ito ay mga lalaki na, una sa lahat, ay mga kuwalipikado sa espirituwal, matatanda sa mga kongregasyon, mabubuting halimbawa sa pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu ng Diyos. (Ang mga kongregasyon ay pinasiglang sumangguni sa Regional Building Committee bago pumili ng lugar para sa isang bagong Kingdom Hall. Sa lunsod na may higit sa isang kongregasyon, sila’y hinimok rin na sumangguni sa (mga) tagapangasiwa ng sirkito, sa city overseer, at sa matatanda mula sa karatig na mga kongregasyon. Ang mga kongregasyon na nagpaplanong gumawa ng malakihang pagkukumpuni o magtayo ng isang bagong Kingdom Hall ay pinayuhan na makinabang sa karanasan ng mga kapatid sa Regional Building Committee sa kanilang pook at mula sa mga tagubiling ibinigay ng Samahan sa kanila. Sa pamamagitan ng komiteng iyan, pagtutugmain ang mga kaayusan upang tipunin ang kinakailangang dalubhasang mga tauhan mula sa mga kapatid na lalaki at babae na nasa mga 65 iba’t ibang klaseng hanapbuhay na nagboluntaryo na upang tumulong sa ganitong mga proyekto.
Nang lalong paghusayin ang mga pamamaraan, naging posible na bawasan ang dami ng mga manggagawang nasasangkot sa isang proyekto. Sa halip na magkaroon ng libu-libo sa lugar ng konstruksiyon na nagmamasid o nagboboluntaryo ng kanilang mga serbisyo, bihira lamang na lumampas sa 200 ang sabay-sabay na nagtatrabaho sa konstruksiyon. Sa halip na gumugol ng buong dulong sanlinggo roon, ang mga manggagawa ay naroon lamang kapag kailangan ang kanilang partikular na kinasanayang trabaho. Kaya mas marami silang panahong magugugol sa kanilang mga pamilya at sa gawain sa kanilang sariling mga kongregasyon. Kapag kayang tapusin ng lokal na mga kapatid ang ilang uri ng trabaho sa makatuwirang yugto ng panahon, madalas ay nasumpungang mas praktikal na gamitin ang grupo ng mabilisang pagtatayo doon lamang sa mga bahagi ng trabaho kung saan kailangang-kailangan ang kanilang tulong.
Bagaman ang buong proyekto ay natatapos nang may pambihirang bilis, hindi ito ang pangunahing isinasaalang-alang. Higit na mahalaga ay ang paglalaan ng simpleng mga Kingdom Hall na dinisenyo ayon sa lokal na pangangailangan at may mataas na uring konstruksiyon. Maingat na pagpaplano ang ginawa upang isagawa ito sa pinakamababang halaga. Gumawa rin ng mga hakbang upang bigyan ng pangunahing pansin ang kaligtasan—kaligtasan ng mga manggagawa, ng mga kapitbahay, ng mga dumaraan, at ng mga gagamit ng Kingdom Hall.
Nang ang mga report hinggil sa kaayusang ito sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall ay makarating sa ibang mga lupain, ang mga tanggapang pansangay ng Samahan na naniwalang magiging kapaki-pakinabang ito sa kanilang mga pook ay pinaglaanan ng kinakailangang mga detalye. Pagsapit ng 1992, ang mga Regional Building
Committee na inatasan ng Samahan ay nagsimulang tumulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mga bansang tulad ng Argentina, Australia, Britanya, Canada, Pransya, Alemanya, Hapón, Mexico, Timog Aprika at Espanya. Ang estilo ng pagtatayo ay ibinagay sa lokal na mga kalagayan. Nang kailanganin ang tulong mula sa ibang sangay para sa pagtatayo ng Kingdom Hall, ito’y isinaayos ng punong-tanggapan ng Samahan. Sa ilang bahagi ng daigdig, ang bagong mga bulwagan ay itinatayo sa loob ng ilang araw; sa iba naman, sa loob ng ilang linggo o ilang buwan. Dahil sa maingat na pagpaplano at nagkakaisang pagsisikap, ang haba ng panahong kinakailangan upang itayo ang isang bagong Kingdom Hall ay nababawasan nang malaki.Ang gawaing pagtatayo ng mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang para sa mga Kingdom Hall. Lalong malaking mga pasilidad ang kailangan kapag nagtitipon ang mga grupo ng mga kongregasyon para sa taunang pansirkitong asamblea at pantanging araw ng asamblea.
Sinasapatan ang Pangangailangan Para sa mga Assembly Hall
Sa nagdaang mga taon, iba’t iba ang uri ng pasilidad na ginagamit para sa pansirkitong mga asamblea. Ang mga Saksi ni Jehova ay umarkila ng mga lugar tulad ng mga pambayang awditoryum, mga paaralan, mga sinehan, mga armory, mga palaruan, at mga dakong pinagdarausan ng mga eksibisyon. Sa ilang lugar, may makukuhang maiinam na pasilidad sa makatuwirang halaga. Ngunit kadalasa’y kailangan ang malaking panahon at pagsisikap upang linisin ang lugar, maglagay ng kasangkapan sa sound, magtayo ng plataporma, at maghakot ng mga upuan. Kung minsan ay kinakansela ang permiso kung kailan malapit na ang asamblea. Nang lumaki ang bilang ng mga kongregasyon, naging pahirap-nang-pahirap ang pagkuha ng naaangkop na mga lugar. Ano kaya ang maaaring gawin?
Muli, ang lunas ay ang magkaroon ang mga Saksi ni Jehova ng sarili nilang mga dakong magagamit. Ang nasasangkot dito ay ang pagkukumpuni ng angkop na mga gusali at ang pagtatayo ng mga bago. Ang una sa gayong mga Assembly Hall sa Estados Unidos ay isang teatro sa Long Island City, New York, na kinumpuni at ginamit ng mga Saksi ni Jehova simula ng huling bahagi ng 1965.
Halos kasabay nito, ang mga Saksi sa islang Caribeano na Guadeloupe ay nagdisenyo ng isang Assembly Hall upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Inisip nila na magiging kapaki-pakinabang kung ang pansirkitong mga asamblea nila ay mairaos sa iba’t ibang mga lugar. Ngunit karamihan ng mga bayan ay walang malalaking pasilidad. Kaya ang mga Saksi ay nagtayo ng isang naililipat na bulwagan na yari sa mga tubong bakal at aluminyong bubungan, na nakapagkakasya ng 700 katao at na maaaring itayo saanman may magagamit na lote na nasa patag na lugar. Kinailangang palakihin ang bulwagan nang maraming beses, hanggang sa ito’y umabot na sa laki na ang kapasidad ay 5,000. Isip-isipin na lamang ang paglilipat, pagtatayo, at pagtatanggal ng 30 toneladang materyal sa bawat asamblea! Ang Assembly Hall na iyan ay itinayo at tinanggal nang ilang beses bawat taon sa loob ng 13 taon, hanggang sa dumating ang panahon na mahirap makakita ng loteng mapagtatayuan ng tatanggaling bulwagang iyon at kinailangang bumili ng lupa at magtayo ng permanenteng Assembly Hall, na ngayo’y ginagamit para sa mga pansirkitong asamblea at mga pandistritong kombensiyon.
Sa ilang dako, ang mga proyekto ng Assembly Hall ay gumamit ng dati nang umiiral na mga gusali. Sa Inglatera, sa Hays Bridge, Surrey, isang 50-taóng gusaling pampaaralan ang binili at kinumpuni. Ito’y nakapuwesto sa 11 ektarya ng magandang bukirin. Ang dating mga sinehan at isang bodegang pang-industriya ay kinumpuni at ginamit sa Espanya; isang bakanteng pabrika ng tela sa Australia; isang sayawan sa Quebec, Canada; isang bolingan sa Hapón; isang bodega sa Republika ng Korea. Lahat ng ito ay lubusang binago upang maging kaakit-akit na mga Assembly Hall na magagamit na mabuti bilang malalaking sentro ng edukasyon sa Bibliya.
Ang ibang mga Assembly Hall ay talagang bago, na itinayo mula sa pundasyon nito. Ang kakaibang may-walong-sulok na hugis ng bulwagan sa Hellaby, South Yorkshire, Inglatera, pati na rin ang bagay na karamihan ng trabaho ay ginawa ng mga boluntaryo, ay naging dahilan ng paglalathala ng isang artikulo sa peryodiko ng Institution of Structural Engineers. Ang Assembly Hall sa Saskatoon, Saskatchewan, sa Canada, ay dinisenyo upang makapag-upo ng 1,200; subalit kapag ikinabit ang mga partisyon sa loob, ang gusali ay magagamit bilang apat na magkakatabing Kingdom Hall. Ang Assembly Hall sa Haiti (na yari na at ipinadala mula sa Estados Unidos) ay bukás sa dalawang tagiliran upang ang mga nakaupo sa loob ay patuloy na mapreskuhan ng tumatagos na hangin—bagay na nakagiginhawa sa mainit na araw sa Haiti. Ang bulwagan sa Port Moresby, Papua New Guinea, ay dinisenyo upang ang mga seksiyon ng dingding ay mabuksang parang pintuan upang mabigyan ng lugar ang mas maraming tao kaysa magkakasiya sa loob.
Ang desisyon na gumawa ng Assembly Hall ay hindi ginagawa ng isang maliit na grupo ng mga tagapangasiwa at pagkatapos ay aasang ito’y tatangkilikin ng lahat ng iba pa. Bago itayo ang anumang bagong Assembly Hall, tinitiyak ng Samahan na nasuring mabuti kung ito’y talagang kinakailangan at kung gaano ito magagamit. Isinasaalang-alang hindi lamang ang lokal na kasiglahan para sa proyekto kundi ang panlahatang pangangailangan dito. Ito’y tinatalakay sa lahat ng mga kongregasyong nasasangkot, upang tiyakin ang pagnanais at kakayahan ng mga kapatid na ito’y suportahan.
Kaya, kapag nagsimula ang gawain, ang mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon ay buong-pusong tumatangkilik dito. Ang gastos ng bawat proyekto ay binabalikat ng mga Saksi mismo. Ang pangangailangan para sa salapi ay ipinaliliwanag, ngunit ang mga abuloy ay boluntaryo at hindi binabanggit ang pangalan ng nagbigay. Maingat na pagpaplano ang patiunang ginagawa, at ang proyekto ay nakikinabang dahil sa dating karanasang natamo sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at, madalas, sa mga proyekto ng Assembly Hall sa ibang dako. Kapag kailangan, ang ilang bahagi ng trabaho ay maaaring ibigay sa komersiyal na mga kontratista, ngunit ang kalakhang bahagi ay karaniwan nang ginagawa ng masisigasig na Saksi. Ito’y makatitipid ng kalahati ng halagang magugugol.
Yamang ang mga manggagawa ay binubuo ng dalubhasang mga propesyonal at iba pa na nagboboluntaryo ng kanilang panahon at kakayahan, karaniwan nang mabilis na nagagawa ang buong proyekto. Ang ilang mga proyekto ay nangangailangan ng mahigit sa isang taon. Ngunit sa Vancouver Island sa Canada, noong 1985, mga 4,500 boluntaryo ang tumapos sa isang 2,300-metro-kuwadradong Assembly Hall sa loob lamang ng siyam na araw. Kasali sa gusaling ito ang isang 200-upuang Kingdom Hall na ginagamit ng lokal na mga kongregasyon. Sa New Caledonia, naglagay ng curfew ang gobyerno noong 1984 dahil sa pulitikal na sigalutan, gayunma’y halos 400 boluntaryo ang nagtrabaho araw-araw sa Assembly Hall, at ito’y tinapos sa loob lamang ng apat na buwan. Malapit sa Stockholm, Sweden, isang maganda, praktikal na Assembly Hall, na may 900 silyang yari sa kahoy na oak na may kutson, ang itinayo sa loob ng pitong buwan.
Kung minsan ay kinailangang matiyagang makipaglaban sa korte upang kumuha ng permiso na itayo ang mga Assembly Hall na ito. Totoo iyan sa Canada sa Surrey, British Columbia. Nang bilhin ang lupa, ang legal na mga kahilingan sa pagsosona ay nagpapahintulot ng gayong uri ng gusali ukol sa pagsamba. Ngunit matapos iharap ang mga plano para sa pagtatayo, noong 1974, ang Konseho para sa District of Surrey ay nagpanaog ng tuntunin na nagsasabing ang mga simbahan at mga assembly hall ay maaari lamang itayo sa Zone P-3—isang sonang hindi naman umiiral! Ngunit, 79 na simbahan ang dating itinayo sa munisipyong iyon nang walang sagabal. Ang bagay na ito ay idinulog sa korte. Sunud-sunod na mga desisyon ang ipinanaog na pabor sa mga Saksi ni Jehova. Nang sa wakas ay maalis ang mga hadlang ng may-pagkiling na mga opisyal, gayon na lamang kasigasig ang pagtatrabaho ng boluntaryong mga manggagawa anupat tinapos nila ito sa loob ng mga pitong buwan. Katulad ni Nehemias sa kaniyang mga pagsisikap na muling itayo ang mga pader ng sinaunang Jerusalem, nadama nila na ang ‘kamay ng Diyos ay sumakanila’ upang tapusin ang gawain.—Neh. 2:18.
Nang bilhin ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos ang Stanley Theater sa Jersey City, New Jersey, ang gusali ay nakalista sa rehistro ng estado ng makasaysayang mga dako. Bagaman ang teatro ay gayon na lamang ang pagkasira, maganda ang potensiyal nito para maging Assembly Hall. Subalit, nang ito’y gustong kumpunihin ng mga Saksi, tumangging magbigay ng permiso ang mga opisyal ng lunsod. Ayaw ng meyor na pasukin ng mga Saksi ni Jehova ang lugar na iyan; may iba pa siyang plano para sa gusaling iyon. Kinailangang idulog ito sa korte upang pigilin ang mga opisyal sa ilegal na paggamit ng kanilang awtoridad. Ang desisyon ng korte ay pabor sa mga Saksi. Di-nagtagal pagkatapos nito, ang lokal na mga taong-bayan
ay bumoto upang matanggal ang meyor sa kaniyang tungkulin. Mabilis ang trabaho sa bulwagan. Ang resulta ay isang magandang Assembly Hall na nakapag-uupo ng mahigit na 4,000. Ito’y dako na ipinagmamapuri ng mga negosyante at mga naninirahan sa lunsod.Sa nakaraang 27 taon, sa maraming bahagi ng globo, magaganda at praktikal na Assembly Hall ang itinayo ng mga Saksi ni Jehova bilang mga sentro ng edukasyon sa Bibliya. Parami-nang-parami ang gayong mga bulwagan sa Hilaga at Timog Amerika, Europa, Aprika, at sa Silangan, gayundin sa maraming isla. Sa ilang lupain—halimbawa, sa Nigeria, Italya, at Denmark—nagtayo pa rin ang mga Saksi ni Jehova ng mas malalaki, permanenteng mga pasilidad sa labas na magagamit sa kanilang mga pandistritong kombensiyon.
Subalit, ang mga proyekto ng pagtatayo ng mga Saksi ni Jehova upang palaganapin ang paghahayag ng Kaharian ng Diyos ay hindi lamang may kinalaman sa mga Assembly Hall at mga Kingdom Hall.
Mga Opisina, Palimbagan, at Tahanang Bethel sa Buong Daigdig
Sa palibot ng globo noong 1992, may 99 na tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower, na bawat isa sa mga ito ay nag-oorganisa ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa sinasakupan nito sa pandaigdig na larangan. Mahigit sa kalahati sa mga sangay na ito ang gumagawa ng iba’t ibang uri ng paglilimbag upang palawakin ang edukasyon sa Bibliya. Karamihan ng mga nagtatrabaho sa mga sangay ay naninirahan bilang isang malaking pamilya sa mga tahanang tinatawag na Bethel, na nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” Dahil sa paglago sa bilang ng mga Saksi ni Jehova at ng kanilang gawaing pangangaral, nagkaroon ng pangangailangang palakihin ang mga pasilidad na ito at magtayo ng mga bago.
Gayon na lamang kabilis ang paglago ng organisasyon anupat madalas na may 20 hanggang 40 ng gayong mga proyekto sa pagpapalawak ng mga sangay na sabay-sabay na ginagawa. Ito’y nangangailangan ng isang napakalaking pambuong-daigdig na programa sa konstruksiyon.
Dahil sa napakaraming ginagawang konstruksiyon sa buong daigdig, ang Samahang Watch Tower ay may sarili nitong Engineering and Drafting Department sa punong-tanggapan sa New York. Mga inhinyerong may maraming taóng karanasan ang nag-iwan ng kanilang sekular na trabaho at nagboluntaryong gamitin ang buong panahon nila upang tumulong sa mga proyekto ng pagtatayo na may tuwirang kaugnayan sa gawaing pang-Kaharian. Karagdagan pa, yaong may karanasan ay nagsanay sa iba pang mga lalaki at babae sa pag-iinhinyero, pagdidisenyo, at pagguhit ng plano. Yamang ang lahat ng gawain ay pinagtutugma sa departamentong ito, ang karanasang natatamo sa konstruksiyon ng mga sangay sa anumang bahagi ng daigdig ay maaaring pakinabangan ng mga gumagawa ng mga proyekto sa iba pang mga lupain.
Nang malaunan, dahil sa lumalaking gawain ay naging kapaki-pakinabang na magbukas ng Regional Engineering Office sa Hapón upang tumulong sa pagguhit ng mga plano para sa mga proyekto sa Silangan. Iba pang mga Regional Engineering Office ang umiiral sa Europa at Australia, na may mga tauhan mula sa iba’t ibang lupain. Ang mga ito ay may malapit na kaugnayan sa opisina sa punong-tanggapan, at dahil sa kanilang mga serbisyo, at sa paggamit ng teknolohiya ng computer,
nabawasan ang bilang ng mga tauhang kinakailangan sa pagguhit ng plano saanmang konstruksiyon.Katamtaman lamang ang laki ng ilang proyekto. Totoo ito sa tanggapang pansangay na itinayo sa Tahiti noong 1983. Kasali rito ang opisina, mga bodega, at mga tuluyan para sa walong boluntaryong manggagawa. Totoo rin ito sa apat-na-palapag na gusaling pansangay na itinayo sa islang Caribeano na Martinique noong mga taóng 1982 hanggang 1984. Ang mga gusaling ito ay maaaring parang pangkaraniwan lamang sa mga naninirahan sa malalaking lunsod sa ibang lupain, ngunit ang mga ito’y nakaakit ng pansin ng madla. Ang pahayagang France-Antilles ay nagsabi na ang gusaling pansangay sa Martinique ay “isang obra-maestra ng arkitektura” na nagpapaaninag ng isang “masidhing pag-ibig para sa mahusay na paggawa.”
Kabaligtaran naman kung tungkol sa laki, kabilang sa mga gusali na natapos sa Canada noong 1981 ay ang palimbagan, o pagawaan, na ang lawak ay mahigit 9,300 metro kuwadrado at isang gusaling tirahan para sa 250 boluntaryo. Sa Cesario Lange, sa Brazil, ang complex ng Watch Tower na natapos din noong taóng yaon ay binubuo ng walong gusali, na may lawak na halos 46,000 metro kuwadrado. Nangailangan ito ng 10,000 trak ng semento, graba, at buhangin, gayundin ang mga haliging sementong ibinaon sa lupa na kung pagdudugtung-dugtungin ay magiging doble ng taas ng Bundok Everest! Noong 1991, nang matapos ang malaking bagong palimbagan sa Pilipinas, kinailangan din na maglaan ng isang 11-palapag na gusaling tirahan.
Upang tugunin ang mga pangangailangan ng lumalaking bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa Nigeria, isang malaking proyekto ng pagtatayo ang pinasimulan sa Igieduma noong 1984. Kasali rito ang isang palimbagan, isang malaking gusaling tanggapan, apat na konektadong gusaling tirahan, at iba pang mga pasilidad na kinakailangan. Gumawa ng mga plano upang ang palimbagan ay lubusang yariin nang patiuna at pagkatapos ay ipadala mula sa Estados Unidos. Subalit ang mga kapatid ay napaharap sa tila imposibleng mga restriksiyon kung kailan dapat itong ipasok sa bansa. Nang matapos sa panahong itinakda at lahat ay maluwalhating nakarating sa dakong pinagtatayuan, hindi pinuri ng mga Saksi ang kanilang sarili kundi nagpasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang pagpapala.
Mabilis na Paglawak sa Palibot ng Globo
Subalit, gayon na lamang kabilis ang paglago ng gawain ng paghahayag ng Kaharian anupat kahit pagkatapos ng malaking pagpapalawak ng mga pasilidad ng sangay sa isang bansa, madalas na di-nagtatagal at kailangang pasimulan muli ang pagtatayo. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Sa Peru isang mainam na bagong sangay—na may opisina, 22 silid-tulugan pati ang ibang mga pasilidad para sa mga miyembro ng pamilyang Bethel, at isang Kingdom Hall—ang natapos sa dulo ng 1984. Ngunit ang tugon sa mensahe ng Kaharian sa lupaing yaon sa Timog Amerika ay higit kaysa kanilang inaasahan. Pagkaraan ng apat na taon kinailangang doblehin ang umiiral na pasilidad, ngunit dinisenyo ito ngayon upang maging matibay sa lindol.
Isang maluwang na bagong pasilidad ng sangay ang natapos sa Colombia noong 1979. Waring ito’y may sapat na espasyo para sa maraming taon. Gayunman, pagkaraan ng pitong taon ang bilang ng mga Saksi sa Colombia ay halos nadoble,
at ang sangay ay naglilimbag na ngayon ng mga magasing La Atalaya at ¡Despertad! hindi lamang para sa Colombia kundi para sa apat na karatig na lupain din naman. Kinailangang pasimulan nilang muli ang pagtatayo noong 1987—ngayon sa lugar kung saan may mas malaking lupa para sa higit na paglawak.Noong 1980, ang mga Saksi ni Jehova sa Brazil ay gumugol ng mga 14,000,000 oras sa pangmadlang pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Ang bilang na ito ay sumulong hanggang sa halos 50,000,000 noong 1989. Lalong maraming tao ang nagnanais na masapatan ang kanilang espirituwal na pagkagutom. Ang malawak na mga pasilidad ng sangay na inialay noong 1981 ay hindi na sapat. Noong Setyembre 1988, pinasimulan na ang paghuhukay para sa isang bagong palimbagan. Ito’y maglalaan ng 80 porsiyentong higit na espasyo kaysa sa dating palimbagan, at sabihin pa, ang mga gusaling tirahan upang patuluyin ang pinalaking pamilyang Bethel ay kakailanganin din.
Sa Selters/Taunus, Alemanya, ang pangalawa sa pinakamalaking palimbagan ng Samahang Watch Tower ay inialay noong 1984. Pagkaraan ng limang taon, dahil sa pagsulong sa Alemanya at sa mga pagkakataong palawakin ang gawaing pagpapatotoo sa mga lupaing pinagdadalhan ng kanilang sangay ng literatura, gumawa na ng plano na palakihin ang palimbagan ng 85 porsiyento at magdagdag ng iba pang kinakailangang mga pasilidad.
Ang sangay sa Hapón ay inilipat mula sa Tokyo sa malalaking bagong pasilidad sa Numazu noong 1972. Pinalaki pa ito noong 1975. Pagsapit ng 1978 nakabili pa ng ibang lupa sa Ebina; at mabilis na pinasimulan ang pagtatayo ng isang palimbagan na mahigit na makaitlong beses ang laki kaysa yaong nasa Numazu. Ito’y natapos noong 1982. Hindi pa rin ito sapat; nagdagdag pa ng mga gusali noong 1989. Hindi ba maaaring minsan na lamang magtayo at gawin itong may sapat na laki? Hindi. Ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa Hapón ay paulit-ulit na nadoble sa paraang hindi makikini-kinita noon ng sinumang tao. Mula sa 14,199 noong 1972, ang bilang nila ay umabot sa 137,941 noong 1989, at ang malaking porsiyento sa kanila ay gumugugol ng buong panahon sa ministeryo.
May kahawig na nangyayari sa iba pang mga bahagi ng globo. Sa loob ng isang dekada—at kung minsan sa loob lamang ng ilang taon—pagkaraan ng pagtatayo ng malalaking sangay na may palimbagan, kinailangang magpalawak na muli. Totoo ito sa Mexico, Canada, Timog Aprika at Republika ng Korea, bukod pa sa iba.
Sino ang gumagawa ng aktuwal na konstruksiyon? Papaano isinasagawa ang lahat ng ito?
Libu-libo ang Sabik na Tumulong
Sa Sweden, mula sa 17,000 Saksi sa bansa sa panahon ng pagtatayo ng kanilang sangay sa Arboga, mga 5,000 ang nagboluntaryo upang tumulong sa gawain. Ang karamihan ay mga kusang-loob na katulong lamang, ngunit may sapat na dalubhasang mga propesyonal din upang tiyaking mahusay ang trabahong ginagawa. Ang nag-udyok sa kanila? Pag-ibig para kay Jehova.
Nang marinig ng isang opisyal sa isang opisina ng agrimensor sa Denmark na lahat ng trabaho sa bagong sangay sa Holbæk ay gagawin ng mga Saksi ni Jehova, nagpahayag siya ng pagkabahala. Gayunman, mula sa mga Saksi na nagboluntaryong tumulong, lahat ng kinakailangang kakayahan ay nasumpungan. Ngunit, magiging
mas mabuti kaya kung sila’y umupa ng komersiyal na mga kontratista upang gawin ang trabaho? Nang matapos ang proyekto, ang mga dalubhasa mula sa departamento ng gusali ng bayan ay naglibot sa pasilidad at pumuri sa mahusay na pagkagawa—bagay na bihira nilang nakikita sa panahong ito sa komersiyal na mga konstruksiyon. Tungkol naman sa opisyal na noong pasimula ay nagpahayag ng pagkabahala, siya’y ngumiti at nagsabi: “Kasi, noong panahong iyon hindi ko alam kung anong klase ng organisasyon mayroon kayo.”Ang mga bayan sa Australia ay nakakalat sa magkakalayong mga lugar; kaya, ang karamihan sa 3,000 na nagboluntaryong magtrabaho sa mga pasilidad ng sangay sa Ingleburn sa pagitan ng 1978 at 1983 ay kinailangang maglakbay ng di-kukulangin sa 1,600 kilometro. Gayunman, isinaayos ang pagbibiyahe sa bus para sa mga grupo ng mga boluntaryo, at ang mga kongregasyong nadaanan nila ay bukas-palad na naglaan ng pagkain para sa mga kapatid at nakisalamuha sa kanila pagka humihinto sila para magpahinga. Ipinagbili ng ilang kapatid ang sarili nilang mga tahanan, isinara ang mga negosyo, nagbakasyon, at nagsakripisyo sa ibang paraan upang makibahagi sa proyekto. Ang mga grupo ng may-karanasang mga manggagawa ay dumating—ang iba ay ilang beses pa nga—upang magbuhos ng semento, magkabit ng mga kisame, magtayo ng mga bakod. Ang iba ay nag-abuloy ng materyales.
Karamihan sa mga boluntaryo sa mga proyektong ito ay walang dating kasanayan, subalit matapos sanayin nang kaunti, ang ilan sa kanila’y bumalikat ng malalaking pananagutan at nagsagawa ng mahusay na trabaho. Natuto sila kung papaano yumari ng mga bintana, magpatakbo ng mga traktora, maghalo ng semento, at maglatag ng mga laryo. Malaki ang bentaha nila sa mga di-Saksi na gumagawa ng gayunding uri ng trabaho. Sa papaanong paraan? Yaong mga bihasa na ay may pagkukusang ibinabahagi ang kanilang karunungan sa iba. Walang sinuman ang natatakot na baka may kumuha sa kaniyang trabaho; may sapat na trabaho para sa lahat. At may motibong nag-uudyok sa kanila na gumawa ng mataas na uring trabaho, sapagkat ginagawa ito bilang kapahayagan ng kanilang pag-ibig sa Diyos.
Sa lahat ng mga dakong may konstruksiyon, ilang Saksi ang bumubuo ng pinaka-pundasyon ng “pamilya” ng konstruksiyon. Sa panahon ng paggawa sa Selters/Taunus, Alemanya, mula noong 1979 hanggang 1984, ang pundasyong iyon ay binuo ng kung ilang daang manggagawa. Libu-libong iba pa ang nakibahagi sa kanila sa iba’t ibang panahon, marami sa mga dulong sanlinggo. May maingat na pagpaplano anupat pagdating ng mga boluntaryo, may sapat na trabaho para sa kanila.
Habang di-sakdal ang mga tao, hindi maiiwasan ang mga problema, ngunit sinisikap ng mga nagtatrabaho sa mga proyektong ito na ang mga ito’y malutas salig sa mga simulain ng Bibliya. Alam nila na mas mahalaga ang gumawa ng mga bagay-bagay ayon sa Kristiyanong paraan kaysa ayon sa kasanayan. Bilang paalaala, sa dako ng konstruksiyon sa Ebina, Hapón, may malalaking karatula na may larawan ng mga manggagawang may suot na mga hard hat, at sa bawat hard hat ay nakasulat sa wikang Hapón ang isa sa mga bunga ng espiritu ng Diyos: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagkamatiisin, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. (Gal. 5:22, 23) Namamasdan at naririnig ng mga dumadalaw sa mga dakong pinagtatrabahuhan ang pagkakaiba. Bilang pagpapahayag ng sarili niyang napagmasdan, isang reporter ng pahayagan na naglibot sa lugar ng konstruksiyon ng sangay sa Brazil ang nagsabi: “Walang mga gulo o kawalan ng pagtutulungan . . . Ang Kristiyanong kapaligiran dito ay totoong kakaiba sa pangkaraniwang nakikita sa komersiyal na konstruksiyon sa Brazil.”
Patuluyang Paglago sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan
Habang lumalaki ang mga sangay ng Samahang Watch Tower, kinakailangan na ring palakihin ang mga pasilidad sa pandaigdig na punong-tanggapan. Mula noong Digmaang Pandaigdig II ay mahigit na sampung ulit nang nagkaroon ng malalaking karagdagan sa mga palimbagan at mga opisina nito sa Brooklyn at sa ibang mga lugar sa Estado ng New York. Upang may matirahan ang mga tauhan, kinailangang magtayo o bumili at magkumpuni ng ilang gusali, kapuwa malalaki at maliliit. Ang karagdagan pang pagpapalawak sa Brooklyn ay ipinatalastas noong Agosto 1990 at noong Enero 1991—bagaman nagpapatuloy pa rin sa hilaga ng New York City ang konstruksiyon na nagsimula noong 1989 sa malawak na Watchtower Educational Center, na dinisenyo upang makapagkasya ng 1,200 katao, kasali na ang mga tauhang naninirahan doon at ang mga estudyante.
Mula noong 1972, ay walang tigil ang konstruksiyon sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn at sa kaugnay na mga pasilidad nito sa ibang bahagi ng New York at New Jersey. Nang maglaon, naging maliwanag na bagaman may bilang sila na kung ilang daan, hindi makakaya ng regular na mga manggagawa sa konstruksiyon na tapusin ang lahat ng trabaho. Kaya, noong 1984 pinasimulan ang isang patuluyang programa para sa temporaryong mga manggagawa. Ang mga sulat ay ipinadala sa 8,000 kongregasyong nasa Estados Unidos noon upang anyayahan ang kuwalipikadong mga lalaki na pumaroon nang isang linggo o higit pa upang tumulong. (Isang kahawig na programa ang matagumpay na naisagawa na sa ilang sangay, kasali ang Australia, na doon ang makapananatili ng dalawang linggo ay inanyayahang magboluntaryo.) Ang mga manggagawa ay paglalaanan ng tuluyan at pagkain ngunit sila ang magbabayad ng kanilang sariling pamasahe at wala silang tatanggaping suweldo. Sino kaya ang tutugon?
Pagsapit ng 1992, mahigit sa 24,000 aplikasyon ang tinanggap! Di-kukulangin sa 3,900 sa mga ito ay mga taong nakabalik para sa ika-2 o ika-3, maging hanggang ika-10 o ika-20, pagkakataon. Karamihan sa kanila ay matatanda, mga ministeryal na lingkod, o mga payunir—mga taong may maiinam na katangiang espirituwal. Silang lahat ay nagboboluntaryo upang gawin ang anumang kinakailangan, maging iyon ay dati nilang kinasanayan o hindi. Madalas ay mabigat at marumi ang trabaho. Ngunit itinuring nilang pribilehiyo na tumulong sa ganitong paraan sa ikauunlad ng mga kapakanan ng Kaharian. Nadama ng ilan na ito’y tumulong sa kanila upang higit na pahalagahan ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili na nababanaag sa trabaho sa pandaigdig na punong-tanggapan. Nadama ng lahat na sila’y mayamang pinagpala dahil sa naroon sila sa programa ng pamilyang Bethel sa pang-umagang pagsamba at sa lingguhang pag-aaral ng Bantayan.
Pambuong-Daigdig na mga Boluntaryo
Habang lumalaki ang pangangailangan para sa mabilis na paglawak, pinasimulan ang isang kaayusan para sa pambuong-daigdig na mga boluntaryo noong 1985. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pambuong-daigdig na
pagtutulungan sa pagtatayo, subalit ngayon ang kaayusan ay maingat na inorganisa mula sa punong-tanggapan. Lahat ng nakikibahagi ay mga Saksi na nagboboluntaryong tumulong sa konstruksiyon sa labas ng kanilang bansa. Sila’y dalubhasang mga manggagawa, gayundin mga asawa na sumasama sa kanilang mga asawang lalaki upang tumulong sa anumang magagawa nila. Ang karamihan sa kanila’y nagbabayad ng sariling pamasahe; walang tumatanggap ng suweldo para sa kanilang ginagawa. Ang ilan sa kanila’y nananatili ng maigsing panahon, karaniwan nang mula dalawang linggo hanggang tatlong buwan. Ang iba naman ay boluntaryo nang mahabang panahon, na nananatili ng isang taon o higit pa, marahil hanggang sa matapos ang proyekto. Mahigit sa 3,000 ng mga Saksi ni Jehova mula sa 30 iba’t ibang lupain ang nakibahagi rito noong unang limang taon, at marami pa ang nasasabik na makibahagi kapag kailangan ang kanilang kasanayan. Itinuturing nilang isang pribilehiyo na iukol ang kanilang sarili at ang kanilang mga ari-arian upang paunlarin ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos sa ganitong paraan.Ang pambuong-daigdig na mga boluntaryo ay pinaglalaanan ng matutuluyan at pagkain. Kadalasa’y hindi masyadong maalwan ang kanilang mga kalagayan. Tunay na pinahahalagahan ng lokal na mga Saksi ang ginagawa ng bumibisitang mga kapatid na ito, at kung maaari, tinatanggap sila sa kanilang mga tahanan, gaano man kaliit ang mga ito. Kadalasa’y kumakain sila roon sa dakong pinagtatayuan.
Hindi layunin ng mga kapatid mula sa ibang bansa na gawin ang lahat ng trabaho. Ang kanilang hangarin ay ang gumawang kasama ng lokal na grupo sa konstruksiyon. At daan-daan, libu-libo pa nga, ng iba pa sa lupain ang pumaparoon upang tumulong sa dulong sanlinggo o para sa isang linggo o higit pa. Sa Argentina, 259 na boluntaryo mula sa ibang bansa ang gumawang kasama ng ilang libong lokal na mga kapatid, ang ilan ay nagtatrabaho araw-araw, ang ilan para sa ilang linggo, at marami pa sa mga dulong sanlinggo. Sa Colombia, mahigit sa 830 pambuong-daigdig na boluntaryo ang tumulong sa iba’t ibang haba ng panahon. May mahigit
sa 200 lokal na boluntaryo rin na buong-panahong gumawa sa proyekto at, 250 o higit pang karagdagan bawat dulong sanlinggo ang tumulong. Isang kabuuang bilang na mahigit sa 3,600 iba’t ibang indibiduwal ang nakibahagi.Ang pagkakaiba-iba ng wika ay maaaring maging problema, ngunit hindi ito humahadlang sa sama-samang paggawa ng mga grupo mula sa ibang mga bansa. Ang paggamit ng mga senyas ng kamay, ekspresyon ng mukha, kakayahang magpatawá, at ang pagnanais na magsagawa ng isang trabaho na magpaparangal kay Jehova ang tumutulong upang tapusin ang gawain.
Ang kapansin-pansing pagsulong sa organisasyon—anupat kailangan ang mas malalaking pasilidad ng sangay—kung minsa’y nangyayari sa mga lupaing limitado lamang ang mga taong may kasanayan sa konstruksiyon. Subalit hindi ito hadlang sa mga Saksi ni Jehova, na nagagalak magtulungan sa isa’t isa. Sila’y sama-samang gumagawa bilang bahagi ng isang pambuong-daigdig na pamilya na hindi nagkakabaha-bahagi dahil sa bansa, kulay ng balat, o wika.
Sa Papua New Guinea, ang bawat boluntaryong galing sa Australia at New Zealand ay nagsanay ng isang taga-Papua New Guinea sa kaniyang trabaho, kaayon ng hinihiling ng Government Labour Department. Sa ganitong paraan, samantalang nag-uukol ng kanilang sarili sa gawain, ang lokal na mga Saksi ay natuto ng trabahong magagamit nila upang tustusan ang pangangailangan nila at ng kanilang mga pamilya.
Nang kailanganin ang isang bagong sangay sa El Salvador, ang lokal na mga kapatid ay sinamahan ng 326 na boluntaryo mula sa ibang bansa. Para sa proyekto sa Ecuador, 270 Saksi mula sa 14 na lupain ang gumawang kasama ng kanilang mga kapatid na taga-Ecuador. Ang ilang pandaigdig na boluntaryo ay tumulong sa higit pa sa isang proyekto na sabay-sabay na ginagawa. Sila’y naghali-halili sa mga lugar ng konstruksiyon sa Europa at Aprika, depende sa pangangailangan para sa kinasanayan nilang trabaho.
Pagsapit ng 1992, ang pandaigdig na mga boluntaryo ay ipinadala sa 49 sangay upang tumulong sa lokal na mga tagapagtayo. Sa ilang kaso yaong mga natulungan sa programang ito ay nakatulong naman sa iba. Kaya, yamang nakinabang sila mula sa trabaho ng mga 60 mahabang-panahong mga international servant na tumulong sa proyekto ng pagtatayo ng gusaling pansangay sa Pilipinas, gayundin ng mahigit sa 230 boluntaryo mula sa ibang bansa na naglingkod para sa mas maikling panahon, ang ilan sa mga Pilipino ay nagboluntaryo upang tumulong sa pagtatayo ng mga pasilidad sa ibang mga bahagi ng Timog-silangang Asia.
Ang gawaing pagtatayo ay ginagawa ng mga Saksi ni Jehova dahil sa umiiral ngayon na pangangailangan may kaugnayan sa pangangaral ng mabuting balita. Sa tulong ng espiritu ni Jehova, nais nilang magpatotoo sa pinakamalaking antas na magagawa sa nalalabing panahon bago ang Armagedon. Kumbinsido sila na napakalapit na ang bagong sanlibutan ng Diyos, at sila’y may pananampalataya na sila’y makaliligtas bilang isang organisadong bayan tungo sa bagong sanlibutang iyon, sa ilalim ng pagpupunò ng Mesianikong Kaharian ng Diyos. Pag-asa pa rin nila na marahil marami sa maiinam na pasilidad na itinayo nila at inialay kay Jehova ang patuloy na magagamit pagkatapos ng Armagedon bilang mga sentrong pagmumulan ng kaalaman ng tanging tunay na Diyos hanggang sa ito’y lubos na lumaganap sa buong lupa.—Isa. 11:9.
[Talababa]
a Tinawag ito na “New Light” Church dahil sa nadarama ng mga dumadalo roon na dahil sa pagbabasa ng mga publikasyon ng Watch Tower, nagkakaroon sila ng bagong liwanag tungkol sa Bibliya.
[Blurb sa pahina 322]
Mga Saksi mula sa karatig na mga kongregasyon ang tumulong sa gawain
[Blurb sa pahina 323]
Ang konstruksiyon ay ginawa ng boluntaryo, walang-suweldong mga manggagawa
[Blurb sa pahina 324]
Idiniin ang espirituwal na mga kalidad
[Blurb sa pahina 326]
Mataas-na-uring konstruksiyon, kaligtasan, mababang halaga, bilis
[Blurb sa pahina 328]
Isang naililipat na Assembly Hall!
[Blurb sa pahina 331]
Dumudulog sa mga korte
[Blurb sa pahina 332]
Malakihang pandaigdig na pagpapalawak
[Blurb sa pahina 333]
Ibinigay ng mga manggagawa ang kapurihan kay Jehova, hindi sa kanilang sarili
[Blurb sa pahina 334]
Paglago na may bilis na di-mapaniwalaan ng sinuman
[Blurb sa pahina 336]
Itinuturing nilang isang pribilehiyo ang pagtulong sa konstruksiyon sa punong-tanggapan
[Blurb sa pahina 339]
Sila’y gumagawa bilang pambuong-daigdig na pamilya, na hindi nagkakabaha-bahagi dahil sa bansa, kulay ng balat, o wika
[Kahon/Mga larawan sa pahina 320, 321]
Sama-samang Paggawa Upang Mabilis na Maitayo ang mga Kingdom Hall
Libu-libong bagong kongregasyon ang itinatatag taun-taon. Kadalasan, ang bagong mga Kingdom Hall ay itinatayo ng mga Saksi mismo. Ang mga larawang ito ay kinuha habang itinatayo ang isang Kingdom Hall sa Connecticut, E.U.A., noong 1991
Biyernes, ika-7:40 n.u.
Biyernes, ika-12 ng tanghali
Sabado, ika-7:41 n.g.
Kalakhan ng trabaho ay natapos, Linggo, ika-6:10 n.g.
Sila’y umaasa kay Jehova para sa kaniyang pagpapala, at sila’y nag-uukol ng panahon upang talakayin ang payo mula sa kaniyang Salita
Lahat ay libreng boluntaryo, nagagalak na gumawang magkakasama
[Kahon/Mga larawan sa pahina 327]
Mga Kingdom Hall sa Iba’t Ibang Lupain
Ang mga dakong pinagtitipunan ng mga Saksi ni Jehova ay karaniwan nang simple ang ayos. Ang mga ito’y may malinis, komportable, kaakit-akit na kapaligiran
Peru
Pilipinas
Pransya
Republika ng Korea
Hapón
Papua New Guinea
Irlandya
Colombia
Norway
Lesotho
[Kahon/Mga larawan sa pahina 330]
Mga Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova
Upang may mapagdausan ng kanilang pana-panahong mga asamblea, ang mga Saksi ni Jehova sa ilang dako ay nakasumpong na praktikal ang magtayo ng sarili nilang mga Assembly Hall. Karamihan sa konstruksiyon ay ginagawa ng lokal na mga Saksi. Narito ang ilan sa mga bulwagang ito na ginagamit sa unang bahagi ng dekada ng 1990
Britanya
Venezuela
Italya
Alemanya
Canada
Hapón
[Kahon/Mga larawan sa pahina 338]
Sinasapatan ng Pandaigdig na Programa sa Konstruksiyon ang Apurahang mga Pangangailangan
Dahil sa mabilis na paglago ng organisasyon patuluyang kailangang palakihin ang mga opisina, palimbagan, at tahanang Bethel sa palibot ng globo
Ang pandaigdig na mga boluntaryo ay tumutulong sa lokal na mga Saksi
Espanya
Dahil sa estilong ginamit sa konstruksiyon nakagagawa ng mahalagang trabaho ang mga boluntaryong may limitadong karanasan
Puerto Rico
Mga dalubhasang manggagawa malugod na nagboboluntaryo
New Zealand
Gresya
Brazil
Ang paggamit ng matitibay na materyales ay nagpapababa ng halaga ng pagkukumpuni
Britanya
Ang mataas-na-uring trabaho ay bunga ng personal na interes niyaong gumagawa nito; ito’y kapahayagan ng kanilang pag-ibig kay Jehova
Canada
Kasiya-siyang mga proyekto; maraming nabuong pangmatagalang pagkákaibígan
Colombia
Karatula sa Hapón na nagpapaalaala sa mga manggagawa hinggil sa kaligtasan, gayundin sa pangangailangang magpakita ng mga bunga ng espiritu ng Diyos
[Larawan sa pahina 318]
Ang unang gusali na tinawag na Kingdom Hall, sa Hawaii
[Mga larawan sa pahina 319]
Ang maraming Kingdom Hall noon ay arkiladong mga gusali o mga silid lamang sa itaas ng mga tindahan; ang ilan ay itinayo ng mga Saksi
[Mga larawan sa pahina 329]
Dalawa sa unang mga Assembly Hall
New York City
Guadeloupe
[Mga larawan sa pahina 337]
Bagong dating na temporaryong manggagawa sa konstruksiyon sa pandaigdig na punong-tanggapan sa New York
Bawat grupo ay pinaaalalahanan na ang pagiging espirituwal na tao at ang paggawa ng mahusay na uring trabaho ay mas mahalaga kaysa basta mabilis na tapusin ito