Sama-samang Sumusulong sa Pag-ibig
Kabanata 19
Sama-samang Sumusulong sa Pag-ibig
KAPAG sumusulat sa kapuwa mga Kristiyano, ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay tumutukoy sa pangangailangan ng mga indibiduwal na sumulong hindi lamang sa tumpak na kaalaman kundi sa pag-iibigan din naman. Ang saligan nito ay ang pag-ibig na ipinamalas ng Diyos mismo at ang mapagsakripisyong pag-ibig ni Kristo, na pinagsisikapan nilang masundan ang mga yapak nito. (Juan 13:34, 35; Efe. 4:15, 16; 5:1, 2; Fil. 1:9; 1 Juan 4:7-10) Sila’y isang pagkakapatiran, at kapag tinutulungan nila ang isa’t isa, ang buklod ng pag-ibig ay lalong tumitibay.
Nang dumanas ng gutom ang mga kapatid sa Judea dahil sa kahirapan sa ekonomiya, namahagi ng kanilang tinatangkilik ang mga Kristiyano sa Syria at sa Gresya upang matulungan sila. (Gawa 11:27-30; Roma 15:26) Nang pag-usigin ang ilan, ang pagdurusang dinanas ay masidhing nadama ng ibang mga Kristiyano, at ang mga ito’y nagsikap na tumulong.—1 Cor. 12:26; Heb. 13:3.
Siyempre pa, ang lahat ng tao ay may kakayahang magmahal, at ang iba bukod sa mga Kristiyano ay nakikibahagi sa pagtulong sa kapuwa. Subalit ang mga tao sa daigdig ng Roma ay kumilala na ang pag-ibig na ipinamalas ng mga Kristiyano ay naiiba. Si Tertullian, na naging isang dalubhasa sa batas sa Roma, ay sumipi sa komento ng mga taga-Roma hinggil sa mga Kristiyano, na nagsasabi: “‘Tingnan ninyo,’ sinasabi nila, ‘kung gaano nila iniibig ang isa’t isa . . . at kung papaano sila handang mamatay para sa isa’t isa.’” (Apology, XXXIX, 7) Si John Hurst, sa kaniyang History of the Christian Church (Tomo I, pahina 146), ay nagsalaysay na noong panahon ng salot, itinaboy ng mga tao ng sinaunang Cartago at Alexandria yaong mga may sakit at ninakawan ng anumang mahalagang bagay ang mga halos mamamatay na. Sa kabaligtaran, nag-ulat siya, ang mga Kristiyano sa mga lugar na ito ay namahagi ng kanilang tinatangkilik, inalagaan ang maysakit, at inilibing ang mga patay.
Ang mga Saksi ni Jehova ba sa modernong panahon ay nagsasagawa ng mga gawaing nagpapakita ng ganitong pagmamalasakit sa kapakanan ng iba? Kung oo, ang mga ito ba ay isinasagawa ng ilan lamang kalat-kalat na mga indibiduwal, o ang organisasyon ba sa kabuuan ay humihimok at tumatangkilik sa ganitong mga pagsisikap?
Maibiging Tulong sa Lokal na mga Kongregasyon
Sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, ang pangangalaga sa mga ulila at mga balo sa kongregasyon, gayundin sa sinumang tapat na dumaranas ng matinding paghihirap, ay itinuturing na bahagi ng kanilang pagsamba. (Sant. 1:27; 2:15-17; 1 Juan 3:17, 18) Ang makasanlibutang mga pamahalaan ay karaniwan nang naglalaan ng mga ospital, pabahay para sa matatanda na, mga kapisanan sa kapakanan ng mga walang hanapbuhay sa komunidad sa pangkalahatan, at sinusuportahan ng mga Saksi ni Jehova ang gayong mga kaayusan sa pamamagitan ng tapat na pagbabayad ng buwis. Gayunman, sa pagkilala na tanging ang Kaharian ng Diyos ang walang-hanggang makalulutas ng mga suliranin ng sangkatauhan, itinatalaga ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga tinatangkilik higit sa lahat upang turuan ang iba tungkol doon. Ito’y isang mahalagang paglilingkod na hindi nailalaan ng pamahalaan ng tao.
Sa mahigit na 69,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, ang pantanging pangangailangan na bumabangon dahilan sa pagtanda at pagkakasakít ng mga indibiduwal ay karaniwang nang pinangangalagaan nang personal. Gaya ng ipinakikita sa 1 Timoteo 5:4, 8, ang responsibilidad ay nakaatang higit sa lahat sa bawat Kristiyano na pangalagaan ang kaniyang sariling sambahayan. Nagpapamalas ng Kristiyanong pag-ibig ang mga anak, mga apo, o iba pang malapit na kamag-anak sa pamamagitan ng pagtulong sa matatanda na at mga maysakit ayon sa kanilang pangangailangan. Hindi pinahihina ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang pagkadama ng responsibilidad na ito sa pamamagitan ng pag-akò nila sa mga obligasyon ng pamilya. Ngunit, kung walang malapit na kamang-anak, o kung yaong may pananagutan ay walang kakayahang isabalikat ang responsibilidad, ang iba sa kongregasyon ay maibiging tumutulong sa kanila. Kung kinakailangan, ang buong kongregasyon ay maaaring maglaan ng ilang tulong sa isang nangangailangang kapatid na lalaki o babae na may mahabang rekord ng tapat na paglilingkod.—1 Tim. 5:3-10.
Ang pag-aasikaso sa mga pangangailangang ito ay hindi lamang ipauubaya sa pagkakataon. Sa mga sesyon sa Kingdom Ministry School, na paulit-ulit na dinaluhan ng mga elder mula noong 1959, malimit na binibigyan ng pantanging pagsasaalang-alang ang mga pananagutan nila sa harapan ng Diyos sa bagay na ito bilang pastol ng kawan. (Heb. 13:1, 16) Hindi ibig sabihin na hindi nila ito batid noon. Halimbawa, noong 1911, naglaan ng materyal na tulong ang Oldham Congregation sa Lancashire, Inglatera, sa mga napapaharap sa mabibigat na suliranin sa ekonomiya. Gayunman, mula noon ang pangglobong organisasyon ay lumaki na, ang bilang ng dumaranas ng mabibigat na suliranin ay dumami na, at ang mga Saksi ni Jehova ay naging lalong listo sa kung ano ang ipinakikita ng Bibliya na dapat nilang gawin sa ilalim ng ganitong mga kalagayan. Lalo na noong nakaraang mga taon, ang mga pananagutan ng bawat Kristiyano sa mga may pantanging pangangailangan—ang mga may-edad na, ang mga maysakit, mga pamilyang may iisang magulang, at yaong may suliranin sa pananalapi—ay tinalakay na ng lahat ng mga kongregasyon sa kanilang mga pulong. a
Ang pagmamalasakit na ipinakikita ng indibiduwal na mga Saksi sa iba ay higit pa sa pagsasabing, “Magpakainit ka at magpakabusog.” Sila’y nagpapakita ng maibiging personal na interes. (Sant. 2:15, 16) Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Nang ang isang kabataang babaing taga-Sweden, isang Saksi ni Jehova, ay magkameninghitis samantalang bumibisita sa Gresya noong 1986, naranasan din
niya ang kahulugan ng pagkakaroon ng mga kapatid na Kristiyano sa maraming lupain. Napasabihan ang kaniyang ama sa Sweden. Agad siyang nakipag-alam sa isang elder sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Sweden at, sa tulong nito, nakipag-alam naman sa isang Saksi sa Gresya. Hanggang sa siya ay makauwi sa Sweden pagkaraan ng tatlong linggo, ni minsan ang kabataang Saksi ay hindi pinabayaan ng mga bagong kaibigan niya sa Gresya.Gayundin naman, nang ang isang matanda nang Saksi, isang balo, sa Wallaceburg, Ontario, Canada, ay mangailangan ng tulong, ipinakita ng isang pamilya na kaniyang tinulungan sa espirituwal ang kanilang pagpapasalamat sa pamamagitan ng pagturing sa kaniya bilang kapamilya. Makalipas ang ilang taon nang sila’y lumipat sa Barry Bay, isinama nila siya. Tumira siya sa kanila at buong-pagmamahal na inalagaan sa loob ng 19 na taon, hanggang sa siya’y mamatay noong 1990.
Sa New York City, isang mag-asawang Saksi ang nag-alaga sa isang matanda nang lalaki na dumadalo sa mga pulong sa kanilang Kingdom Hall, na ginagawa ito sa loob ng mga 15 taon, hanggang sa siya’y mamatay noong 1986. Nang siya’y ma-stroke, sila ang namimili, naglilinis, nagluluto, at naglalaba para sa kaniya. Siya’y itinuring nilang sariling ama.
Mapagmahal na inasikaso rin ang iba pang mga pangangailangan. Isang mag-asawang Saksi sa Estados Unidos ang nagbili ng kanilang tahanan at lumipat sa Montana upang tulungan ang isang kongregasyon doon. Gayunman, dumating ang panahon na nagkaroon ng malubhang suliranin sa kalusugan, natanggal ang
brother sa trabaho, at nasaid ang kanilang pananalapi. Ano ang kanilang gagawin? Humingi ng tulong kay Jehova ang lalaki. Nang matapos ang kaniyang panalangin, isang kapuwa Saksi ang kumatok sa pinto. Magkasama silang lumabas para magkape. Nang bumalik ang kapatid, nakita niyang punung-punô ng mga groseri ang mesa sa kanilang kusina. Kasama ng mga groseri ay isang sobreng may lamang pera at isang maikling sulat na ang sabi: “Mula sa inyong mga kapatid, na buong-pusong nagmamahal.” Nakita ng kongregasyon ang kanilang pangangailangan, at silang lahat ay nagtulung-tulong upang ito’y mapunan. Palibhasa’y nasaling ang kanilang puso ng ipinakitang pagmamahal, hindi napigilan ng mag-asawa ang pagluha at nagpasalamat kay Jehova, na ang halimbawa ng pag-ibig ay siyang nagpapakilos sa kaniyang mga lingkod.Ang pagkabukas-palad na ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova sa mga nangangailangan ay napabantog. Paminsan-minsan, may mga mapagpanggap na sinasamantala ito. Kaya ang mga Saksi ay natutong maging maingat, bagaman hindi naman napipigil ang kanilang pagnanais na makatulong sa mga karapat-dapat.
Nang Maghikahos ang mga Tao Dahil sa Digmaan
Sa maraming dako ng lupa, ang mga tao ay naghikahos dahil sa digmaan. Ang mga mapagkawang-gawang samahan ay naglalaan ng tulong, subalit ang sistemang ito ay karaniwan nang mabagal kumilos. Hindi iniisip ng mga Saksi ni Jehova na wala na silang pananagutan sa kanilang mga kapatid na Kristiyano sa mga lugar na ito yamang kumikilos na ang mga ahensiyang ito. Kapag nalaman nila na nangangailangan ang kanilang mga kapatid, hindi nila ‘isinasara ang pinto ng kanilang mapagmahal na awa’ sa mga ito kundi kaagad ay gumagawa ng makakaya upang kanilang tulungan sila.—1 Juan 3:17, 18.
Noong Digmaang Pandaigdig II, kahit sa mga bansang hindi na alam ang gagawin dahil sa kakapusan, ang mga Saksi na nasa kabukiran na mayroon pang suplay ng pagkain ay namigay sa mga kapatid na nasa mga siyudad na higit na nangangailangan. Sa Netherlands ito ay isinagawa nang may malaking panganib dahilan sa malupit na pagbabawal ng mga Nazi. Minsan habang nasa gayong misyon ng pagtulong, pinangungunahan ni Gerrit Böhmermann ang isang grupo ng mga kapatid na lalaki na namimisikleta na may kargang mga pagkain na tinakpan ng mga trapal. Walang anu-ano’y napadaan sila sa isang checkpoint sa lunsod ng Alkmaar. “Wala na kaming magagawa pa kundi ang lubusang magtiwala kay Jehova,” sabi ni Gerrit. Habang patuloy ang kaniyang pagpapatakbo, nagtanong siya nang malakas sa opisyal: “Wo ist Amsterdam?” (Saan ang patungong Amsterdam?) Tumabi ang opisyal sabay turo at sumigaw: “Geradeaus!” (Deretso lang!) “Danke schön!” (Salamat!) ang sagot ni Gerrit habang ang buong pangkat ng namimisikleta ay mabilis na lumampas sa buong pagtataka ng mga taong nakakita. Sa iba pang pagkakataon, nagtagumpay ang mga Saksi sa pagdadala ng isang bangkang punô ng patatas sa kanilang mga kapatid sa Amsterdam.
Sa loob mismo ng mga kampong piitan sa Europa, ang espiritung ito ay ipinakita ng mga Saksi ni Jehova. Samantalang nakapiit sa isang kampo malapit sa Amersfoort, sa Netherlands, ang isang 17-taóng-gulang ay nangayayat hanggang magmistulang isang naglalakad na kalansay. Subalit sa paglipas ng mga taon, hindi niya kailanman malilimutan na pagkatapos na sila’y sapilitang mag-ehersisyo sa
ulanan hanggang maghatinggabi at pagkatapos ay pagkaitan ng pagkain, ang isang Saksi mula sa ibang bahagi ng kampo ay nagawang makalapit sa kaniya at ilagay ang isang piraso ng tinapay sa kaniyang kamay. At sa kampong piitan ng Mauthausen sa Austria, ang isang Saksi na inatasang pumunta sa iba’t ibang seksiyon ng kampo ay madalas na isinapanganib ang kaniyang buhay sa pagdadala ng pagkain na inagaw ng mga Saksi mula sa kanilang kaunting rasyon para sa ibang mga Saksi na higit na pinagkakaitan.Pagkatapos ng digmaan walang natirang gamit ang mga Saksi ni Jehova na lumabas mula sa mga bilangguan at kampong piitan ng Aleman kundi ang kanilang damit-preso. Nawasak ang mga ari-arian niyaong mga wala sa piitan. Kulang na kulang ang pagkain, pananamit, at gatong sa buong Europa. Madaling nag-organisa ng pangkongregasyong mga pulong ang mga Saksi ni Jehova sa mga lupaing ito at nagsimulang tulungan ang iba sa espirituwal sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Subalit sila mismo ay nangailangan din ng tulong sa ibang bagay. Marami sa kanila ang mahinang-mahina dahil sa gutom anupat madalas na sila’y nawawalan ng malay sa panahon ng mga pulong.
Narito ang isang kalagayan na ngayon lamang napaharap sa mga Saksi sa gayong antas. Gayunman, noon mismong buwan na iyon na opisyal na nagwakas ang digmaan sa lugar ng Pasipiko, nagdaos ang mga Saksi ni Jehova ng isang espesyal na kombensiyon sa Cleveland, Ohio, na doo’y tinalakay nila ang kailangang gawin upang matulungan ang kanilang mga kapatid na Kristiyano sa winasak-ng-digmaang mga lupain at kung papaano ito gagawin. Ang makabagbag-damdaming pahayag na “Ang Kaniyang Di-mailarawang Kaloob,” na binigkas ni F. W. Franz, ay nagharap ng maka-Kasulatang payo na lubos na nakatugon sa mga pangangailangan ng situwasyon. b
Sa loob ng ilang linggo, pagkatapos na pahintulutan ang paglalakbay, sina N. H. Knorr, presidente ng Samahang Watch Tower, at M. G. Henschel ay tumungo sa Europa upang makita mismo ang mga kalagayan. Bago pa man sila umalis, ang mga kaayusan ng pagtulong ay isinasagawa na.
Ang unang mga pagpapadala ay nagbuhat sa Switzerland at Sweden. Marami pa ang sumunod galing sa Canada, Estados Unidos, at iba pang mga lupain. Bagaman ang bilang ng mga Saksi sa mga lupain na may kakayahang tumulong ay mga 85,000 lamang, nakipagkasundo silang magpadala ng mga damit at pagkain sa kapuwa mga Saksi sa Austria, Belgium, Bulgaria, Tsina, Czechoslovakia, Denmark, Inglatera, Pinlandya, Pransya, Alemanya, Gresya, Hungarya, Italya, Netherlands, Norway, Pilipinas, Polandya, at Romania. Hindi lamang ito minsanang pagsisikap. Nagpatuloy ang pagpapadala ng tulong sa loob ng dalawa at kalahating taon. Sa pagitan ng Enero 1946 at Agosto 1948, nakapagpadala sila ng 479,114 kilo ng mga damit, 124,110 pares ng sapatos, at 326,081 kilo ng pagkain bilang kaloob sa kasamahang mga Saksi. Walang pondong binawas para sa gastos sa pangangasiwa. Ang pagbubukud-bukod at pagbabalot ay ginawa ng walang-bayad na mga boluntaryo. Ang iniabuloy na mga pondo ay ginamit na lahat upang tulungan ang mga taong pinaglalaanan nito.
Sabihin pa, ang pangangailangang tulungan ang mga nagsilikas at ang iba pang pinaghikahos ng digmaan ay hindi natapos noong dekada ng 1940. Daan-daan pang digmaan ang naganap mula noong 1945. At ang katulad na maibiging pagmamalasakit ay patuloy na ipinakita ng mga Saksi ni Jehova. Ito’y isinagawa sa panahon at pagkatapos ng digmaang Biafran sa Nigeria, mula 1967 hanggang 1970. Ang gayunding tulong ay inilaan sa Mozambique noong dekada ng 1980.
Sa Liberia man, nagkaroon ng taggutom bunga ng digmaan na nagsimula noong 1989. Habang tumatakas ang mga tao, ang bakuran ng Watch Tower sa Monrovia ay napunô ng daan-daang nagsilikas. Anumang pagkain ang naroroon, gayundin ang tubig mula sa balon, ay pinagsaluhan ng kapuwa mga Saksi at di-Saksi. At, kapag pinahihintulutan ng pagkakataon, dumating pa ang mga tulong mula sa mga Saksi sa Sierra Leone at Côte d’Ivoire sa Kanlurang Aprika, Netherlands at Italya sa Europa, at sa Estados Unidos.
Muli, noong 1990, pagkatapos magmistulang nilindol ang ilang bahagi ng Beirut dahil sa digmaan sa Lebanon, ang mga elder ng mga Saksi ni Jehova ay nag-organisa ng isang pangkagipitang komite sa pagtulong upang magbigay ng kinakailangang tulong sa mga kapatid. Hindi na nila kinailangang manawagan pa para sa mga boluntaryo; marami ang naghandog ng kanilang tulong araw-araw.
Sa Europa, sa panahon ng malaking kaguluhan sa pulitika at ekonomiya, ang mga Saksi ni Jehova sa Austria, Czechoslovakia, Hungarya, at Yugoslavia ay nagpadala sa kanilang mga kapatid na Kristiyano sa Romania ng mahigit na 70 tonelada ng kinakailangang mga bagay noong 1990.
Ito’y sinundan ng higit pang mga misyon ng pagtulong sa Silangang Europa. Hinilingan ng Lupong Tagapamahala ang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Denmark na mag-organisa ng pagtulong sa mga nangangailangang Saksi sa Ukraine. Pinatalastasan ang mga kongregasyon at sila’y nanabik na makibahagi. Noong Disyembre 18, 1991, limang trak at dalawang van na minamaneho ng mga boluntaryong Saksi ang dumating sa Lviv na may sakay na 22 toneladang suplay—isang pagpapadama ng maibiging pagmamalasakit sa kanilang mga kapatid na Kristiyano. Patuloy hanggang 1992, may mga kargada pa ring dumarating mula sa mga Saksi sa Austria—mahigit na 100 tonelada ng mga pagkain at mga damit. Higit pang mga suplay ang ipinadala mula sa mga Saksi sa Netherlands—una’y 26 na tonelada ng pagkain, sumunod ay sunud-sunod na 11 trak na naglalaman ng mga damit, saka higit pang mga pagkain upang matugunan ang patuluyang pangangailangan. Ang mga tinulungan ay nagpasalamat sa Diyos at humiling ng karunungan mula sa kaniya sa paggamit ng mga inilaan. Nagkaisa sila sa panalangin bago ibaba ang laman ng mga trak at muli matapos maibaba. Higit pang tulong ang ipinadala ng mga Saksi sa Italya, Pinlandya, Sweden, at Switzerland. Sa panahong nagaganap ang lahat ng ito, ang ligalíg na kalagayan sa mga republika na dating bumubuo sa Yugoslavia ay nagdulot ng pangangailangan doon. Ang mga suplay ng pagkain, damit,
at gamot ay ipinadala rin sa lugar na iyon. Samantala, ang mga Saksi sa mga lunsod doon ay nagbukas ng kanilang mga tahanan upang kupkupin ang mga nawalan ng tuluyan.Kung minsan, yaong mga kailangang-kailangan ang tulong ay nasa mga liblib na lugar, at ang kanilang kalagayan ay hindi gaanong nababalitaan. Iyan ay totoo sa 35 pamilya ng mga Saksi ni Jehova sa Guatemala. Ang kanilang mga nayon ay sinalakay ng naglalabanang mga pangkat. Nang sa wakas ay makabalik sila noong 1989, nangailangan sila ng tulong upang muling makapagtayo. Bilang karagdagan sa tulong na ibinigay ng pamahalaan sa mga nagsibalik, ang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower ay bumuo ng pangkagipitang komite upang tulungan ang mga pamilya ng mga Saksing ito, at mga 500 iba pang mga Saksi mula sa 50 kongregasyon ang nagboluntaryong tumulong sa muling pagtatayo.
May iba pang mga kalagayan na nagdadala rin sa mga tao sa kahila-hilakbot na kalagayan na hindi naman sila ang may dulot. Ang mga lindol, bagyo, at baha ay madalas na nangyayari. Humigit-kumulang, sinasabi nila, ang daigdig ay sinasalanta ng mahigit na 25 malalaking kalamidad taun-taon.
Kapag Nanalanta ang mga Puwersa ng Kalikasan
Kapag may bumangong matitinding kagipitan na pumipinsala sa mga Saksi ni Jehova dulot ng kalamidad, gumagawa ng kagyat na mga hakbang upang maglaan ng kinakailangang tulong. Alam na ng lokal na mga elder na kapag napaharap sa ganitong kalagayan, dapat na sikapin nilang makipag-alam sa bawat isa sa kongregasyon. Ang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower na nangangasiwa ng gawaing pang-Kaharian sa lugar na iyon ay agad sumisiyasat sa kalagayan at pagkatapos ay nag-uulat sa pandaigdig na punong-tanggapan. Kapag hindi nakasapat ang lokal na paglalaan, ang maingat na pagsasaayos ay isinasagawa, kung minsan kahit sa ibang mga bansa. Ang layunin ay hindi upang itaas ang kalagayan ng pamumuhay niyaong mga napinsala kundi upang tulungan sila na matamo ang mga pangangailangan sa buhay na kinasanayan nila.
Ang isang simpleng ulat ng kalamidad sa telebisyon ay sapat na upang pakilusin ang maraming Saksi na tumawag sa kinauukulang mga elder sa lugar na iyon upang maghandog ng tulong o magbigay ng salapi o mga materyales. Ang iba ay maaaring magpadala ng mga pondo sa tanggapang pansangay o sa pandaigdig na punong-tanggapan upang gamitin sa layuning makatulong. Batid nila na kailangan ang tulong, at nais nilang magbigay. Kung saan may mas malaking pangangailangan, ang Samahang Watch Tower ay maaaring magpatalastas sa mga kapatid sa isang espesipikong lugar nang sa gayon ay makatulong sila ayon sa kanilang makakaya. Ang isang pangkagipitang komite sa pagtulong ay binubuo upang isaayos ang mga bagay-bagay sa lugar ng kalamidad.
Sa gayon, nang ang halos buong Managua, Nicaragua, ay salantain ng isang malakas na lindol noong Disyembre 1972, ang mga tagapangasiwa ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagpulong sa loob ng ilang oras upang pagtugmain ang kanilang mga pagsisikap. Kagyat na pagsisiyasat ang ginawa hinggil sa kalagayan ng bawat Saksi sa lunsod. Nang araw na iyon din ay nagsimulang dumating ang mga tulong mula sa kalapít na mga kongregasyon; pagkatapos ay may dumating din agad mula sa Costa Rica, Honduras, at El Salvador. Labing-apat na sentrong pagmumulan ng tulong ang inilagay sa buong kapaligiran ng Managua. Ang salapi at mga suplay mula sa mga Saksi sa maraming lugar sa daigdig ay pinadaan sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower upang makarating sa Nicaragua. Ang mga pagkain at iba pang mga suplay (kasali na ang mga kandila, posporo, at sabon) ay ipinamahagi ayon sa laki ng bawat sambahayan, na binibigyan ng pitong-araw na suplay ang bawat pamilya. Sa kasukdulan ng operasyon, mga 5,000 katao—mga Saksi, ang kanilang mga pamilya, at mga kamag-anak na tinutuluyan nila—ang napakain. Ang operasyon ng pagtulong ay nagpatuloy sa loob ng sampung buwan. Nang makita ang ginagawang ito, ang mga ahensiya ng pamahalaan at ang Red Cross ay naglaan din ng mga pagkain, mga tolda, at iba pang mga suplay.
Noong 1986, nang mapilitang ilikas ang 10,000 katao mula sa isla ng Izu-Oshima, malapit sa baybayin ng Hapón, dahil sa pagputok ng bulkan, ang mga nagsilikas lulan ng mga bangka ay sinalubong ng mga Saksi ni Jehova na masigasig na naghanap upang matagpuan ang kanilang espirituwal na mga kapatid. Ang sabi ng isa sa mga lumikas: “Nang umalis kami sa Oshima, hindi namin alam kung saan kami pupunta.” Napakabilis ng mga pangyayari. “Gayunman, nang kami’y bumababa na sa barko, nakita namin ang isang karatula na nagsasabi, ‘Jehovah’s
Witnesses.’ . . . Dumaloy ang luha sa mga mata ng aking asawa dahil sa pagluwag ng kaniyang damdamin sa pagkakita sa mga kapatid na naroroon upang salubungin kami sa piyer.” Pagkatapos na makita kung papaano inasikaso ang mga Saksing lumikas, hindi lamang sa kanilang pagdating kundi maging pagkatapos nito, kahit ang mga taong nagtatakwil sa kanila noon ay nagsabi: “Mabuti ang ginawa ninyong pananatili sa relihiyong iyan.”Ang lahat ng pagsisikap ay ginagawa ng mga Saksi upang madala ang tulong sa lalong madaling panahon sa mga lugar na sinalanta. Noong 1970, nang wasakin ang Peru ng isa sa mapangwasak na mga lindol sa kasaysayan nito, ang tulong na mga pondo sa panahon ng kagipitan ay ipinadala agad mula sa pandaigdig na punong-tanggapan sa New York, at isinunod ang 15 toneladang mga damit. Gayunman, bago pa man dumating ang kargadang iyon, isang grupo ng mga sasakyan ng mga Saksi ang nagbiyahe dala ang pantulong na suplay sa lugar na ang mga bayan at mga nayon ay nawasak, na ginawa ito mga ilang oras lamang pagkatapos na mabuksan ang mga daan. Unti-unti sa sumunod na mga araw at linggo, naglaan sila ng kinakailangang tulong, kapuwa materyal at espirituwal, sa iba’t ibang grupo sa kaitaasan ng Andes. At, noong 1980, nang ugain ng isang malakas na lindol ang ilang bahagi ng Italya noong kinagabihan ng Nobyembre 23, ang unang trak na punô ng suplay na ipinadala ng mga Saksi ay dumating sa nasalantang lugar sa kinabukasan lamang. Agad silang gumawa ng kanilang sariling kusina, na doo’y ipinamamahagi araw-araw ang niluto ng mga kapatid na babae na mga pagkain. Sa isang pulô na Caribbeano, isang lalaking nakapansin ng masikap na pagtutulungan ang nagsabi: “Mas mabilis kumilos ang mga Saksi kaysa sa pamahalaan.” Maaaring totoo ito kung minsan, ngunit totoong pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang tulong ng mga opisyal na nagpapagaang sa kanilang pagsisikap na marating agad ang mga nasalantang mga lugar.
Noong panahon ng taggutom sa Angola noong 1990, napag-alaman na kailangang-kailangan ng mga Saksi roon ang pagkain at mga damit. Ngunit mahirap silang marating sapagkat maraming taon nang ipinagbabawal ang mga Saksi ni Jehova sa bansang iyon. Sa kabila nito, ang kanilang mga kapatid na Kristiyano sa Timog Aprika ay nagkarga sa trak ng 25 tonelada ng pantulong na suplay. Patungo roon, dinalaw nila ang konsulado ng Angola at nabigyan ng pahintulot na makapasok. Upang marating ang mga kapatid, kinailangang lampasan nila ang 30 checkpoint, at sa lugar na nawasak ang tulay, kinailangang tawirin nila ang isang ilog na noon ay malaki ang tubig sa pamamagitan ng isang pansamantalang kayarian ng tulay na itinayo sa lugar na iyon. Sa kabila ng lahat ng ito, ang lahat ng suplay ay ligtas na naihatid.
Sa mga panahon ng kalamidad, higit pa sa basta pagpapadala lamang ng mga tulong ang ginagawa. Nang wasakin ng mga pagsabog at sunog ang isang lugar sa may labas ng Mexico City noong 1984, sumaklolo agad ang mga Saksi. Subalit marami sa mga Saksi sa lugar na iyon ang hindi matagpuan, kaya nagsaayos ang mga elder ng isang sistematikong paraan ng paghahanap sa bawat isa. Ang ilan ay napapunta sa ibang mga distrito. Gayunman, hindi nagtugot ang mga elder hanggang sa silang lahat ay matagpuan. Ibinigay ang kinakailangang tulong. Sa kaso ng isang kapatid na babae na nawalan ng asawa at anak na lalaki, nangailangan na asikasuhin ang pagpapalibing at saka maglaan ng lubusang pagsuporta, sa materyal at sa espirituwal, para sa kapatid na ito at sa natitira pa niyang mga anak.
Madalas na higit pa ang kinakailangan kaysa pagbibigay lamang ng mga gamot, kaunting pagkain, at ilang damit. Noong 1989 isang bagyo ang nagwasak sa mga tahanan ng 117 Saksi sa Guadeloupe at malubhang puminsala sa mga tahanan ng 300 iba pa. Ang mga Saksi ni Jehova sa Martinique ay agad na tumulong sa kanila; gayundin ang mga Saksi sa Pransya ay nagpadala ng mahigit na 100 tonelada ng mga materyales sa pagtatayo bilang tulong sa kanila. Sa isla ng St. Croix, isang Saksi ang nawalan ng tahanan at nang sabihin niya sa mga kasamahan sa trabaho na darating ang kaniyang kapuwa mga Saksi mula sa Puerto Rico upang tumulong, sinabi nila: “Hindi ka nila tutulungan. Ikaw ay itim, hindi Kastila na gaya nila.” Anong laking pagkagulat ng mga kasamahang iyon sa trabaho nang di-nagtagal siya ay mayroon nang isang ganap na bagong bahay! Pagkatapos ng lindol sa Costa Rica noong 1991, ang lokal na mga Saksi at mga boluntaryo mula sa iba’t ibang bansa ay nagsama-sama sa pagtulong sa kasamahang mga Saksi sa lugar ng kalamidad. Walang inaasahang kabayaran, sila’y nagtayong-muli ng 31 bahay at 5 Kingdom Hall at kumumpuni ng iba pa. Sinabi ng mga nakamasid: ‘Sa ibang mga grupo ang pag-ibig ay sa salita; kayo naman ay sa gawa.’
Dahil sa mahusay na paraan ng pagpapadala ng tulong ng mga Saksi ni Jehova madalas na namamangha ang mga nakakakita. Sa California, E.U.A., noong 1986, nasira ang isang dike ng Yuba River at napilitang lumikas ang sampu-sampung libong tao dahil sa baha. Nakipag-alam sa punong-tanggapan sa New York ang Kristiyanong matatanda sa lugar na iyon, at bumuo ng isang komite sa pagtulong. Karaka-raka nang humupa na ang tubig, handa nang magtrabaho ang daan-daang boluntaryo. Bago pa kumilos ang sekular na mga ahensiya, ang mga tahanan ng mga Saksi ay kinukumpuni na. Bakit napakabilis nilang kumilos?
Ang isang pangunahing dahilan ay ang pagnanais ng mga Saksi na magboluntaryo agad nang walang bayad, at magbigay ng kinakailangang mga materyales. Ang isa pang dahilan ay sanáy sila sa pag-oorganisa at paggawang magkakasama, 1 Ped. 4:8.
yamang madalas nilang ginagawa ito sa pagpapatakbo ng kanilang mga kombensiyon at sa pagtatayo ng bagong mga Kingdom Hall. Isa pang mahalagang dahilan ay ang pagpapahalaga sa kahulugan ng Bibliya nang sabihin nitong, “Kayo’y magkaroon ng maningas na pag-iibigan sa isa’t isa.”—Ang mga tulong na ibinibigay upang masapatan ang pangangailangan ay malimit na nanggagaling sa mga indibiduwal na kinakapos din. Gaya ng madalas na sinasabi sa kanilang inilakip na sulat: ‘Maliit na bagay lamang ito, pero naaawa kami sa aming mga kapatid.’ ‘Sana’y higit pa rito ang aking maibigay, subalit nais kong ibahagi ang anumang bagay na aking nakayanan mula kay Jehova.’ Gaya ng unang-siglong mga Kristiyano sa Macedonia, sila’y namanhik na magkapribilehiyo sa paglalaan ng mga pangangailangan sa buhay niyaong mga nangangailangan. (2 Cor. 8:1-4) Nang mawalan ng tahanan ang 200,000 Koreano bilang resulta ng pagbaha noong 1984, buong pagkabukas-palad na tumugon ang mga Saksi ni Jehova sa Republika ng Korea anupat kinailangang magpabatid ang tanggapang sangay na hindi na kailangan ang tulong.
Madaling napapansin ng mga nagmamasid na higit pa sa pagkadama ng pananagutan o karaniwang pagkamakatao lamang ang nagpapakilos sa mga Saksi. Tunay na mahal nila ang kanilang mga kapatid na Kristiyano.
Bukod pa sa pag-aasikaso sa kanilang pisikal na mga pangangailangan, nagbibigay rin ng pantanging atensiyon ang mga Saksi ni Jehova sa espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang mga kapatid sa mga lugar ng kalamidad. Isinasaayos agad sa lalong madaling panahon ang muling pagdaraos ng mga pulong sa kongregasyon. Sa Gresya, noong 1986, ito’y nangahulugan ng paglalagay ng isang malaking tolda sa labas ng bayan ng Kalamata upang gamitin bilang isang Kingdom Hall, at mas maliliit na tolda sa iba’t ibang lugar para sa kalagitnaang-linggong mga Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Gayundin, pagkatapos asikasuhin ang pangangailangang pisikal ng mga nakaligtas sa mapangwasak na pagguho ng putik sa Armero, Colombia noong 1985, ang natitirang pondo ay ginamit sa pagtatayo ng bagong mga Kingdom Hall para sa tatlong kongregasyon sa lugar na iyon.
Kahit na habang nagtatayong muli, patuloy na inaaliw ng mga Saksi ni Jehova ang iba sa pamamagitan ng nakasisiyang mga sagot na ibinibigay ng Salita ng Diyos sa kanilang mga katanungan hinggil sa layunin ng buhay, sa dahilan ng kalamidad at kamatayan, at sa pag-asa sa hinaharap.
Ang pagtulong ng mga Saksi ay hindi para asikasuhin ang pisikal na pangangailangan Galacia 6:10, ang mga ito ay nilayon higit sa lahat para sa ‘kanilang kapananampalataya.’ Gayunman, nagagalak silang tumulong sa iba sa abot ng kanilang kaya. Halimbawa, nagawa na nila ito nang maglaan sila ng pagkain sa mga biktima ng lindol sa Italya. Sa Estados Unidos, nang tumutulong sa mga biktima ng baha at bagyo, nilinis din nila at kinumpuni ang mga bahay ng balisang mga kapitbahay ng mga Saksi. Nang tanungin kung bakit nila ginagawa ang kabutihang ito sa isang di-kilala, sumagot lamang sila na iniibig nila ang kanilang kapuwa. (Mat. 22:39) Kasunod ng isang mapangwasak na buhawi sa Timugang Florida, E.U.A., noong 1992, naging labis na popular ang napakaorganisadong programa ng pagtulong ng mga Saksi kung kaya ang ilang bahay-kalakal at mga indibiduwal na hindi Saksi at ibig na magbigay ng mahahalagang donasyon ng mga pantulong na suplay ay nagbigay ng mga ito sa mga Saksi. Alam nila na ang kanilang inihandog ay hindi basta matatambak lamang, ni gagamitin upang pagtubuan, kundi iyon ay tunay na pakikinabangan ng mga naging biktima ng buhawi, kapuwa mga Saksi at di-Saksi. Ang kanilang pagnanais na makatulong sa mga di-Saksi sa panahon ng kalamidad ay labis na pinasalamatan sa Davao del Norte, sa Pilipinas, anupat naglabas ng resolusyon ang mga opisyal ng bayan na binabanggit ito.
ng bawat isa sa lugar ng kalamidad. Kaayon saGayunman, hindi lahat ay nagmamahal sa tunay na mga Kristiyano. Madalas, sila ang tampulan ng malupit na pag-uusig. Ang kalagayang ito man ay nagdadala ng isang saganang pagbubuhos ng maibiging pagsuporta para sa kapuwa mga Kristiyano.
Sa Harap ng Malupit na Pag-uusig
Inihalintulad ni apostol Pablo ang kongregasyong Kristiyano sa katawan ng tao at sinabi: “Ang mga sangkap ay dapat magkaroon ng pare-parehong pangangalaga sa isa’t isa. At kung nagdaramdam ang isang sangkap, ang lahat ng iba pang mga sangkap ay nagdaramdam na kasama niyaon.” (1 Cor. 12:25, 26) Iyan ang nadarama ng mga Saksi ni Jehova kapag nakaririnig sila ng mga ulat hinggil sa pag-uusig sa kanilang mga kapatid na Kristiyano.
Sa Alemanya noong panahon ng Nazi, ang pamahalaan ay naglunsad ng marahas na paniniil sa mga Saksi ni Jehova. Mayroon lamang 20,000 Saksi sa Alemanya nang panahong iyon, isang maliit lamang na grupo na kinamuhian ni Hitler. Kinailangan ang nagkakaisang pagkilos. Noong Oktubre 7, 1934, ang bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay lihim na nagpulong, magkakasamang nanalangin, at nagpadala ng liham sa pamahalaan na nagsasaad ng kanilang determinasyon na patuloy na maglingkod kay Jehova. Pagkatapos marami sa mga naroroon ang walang-takot na lumabas upang magpatotoo sa kanilang mga kapitbahay hinggil sa pangalan at Kaharian ni Jehova. Nang araw ring iyon, ang lahat ng mga Saksi ni Jehova sa natitira pang bahagi ng lupa ay nagpulong din sa kanilang mga kongregasyon at, pagkatapos ng sama-samang panalangin, ay nagpadala ng mga telegrama sa pamahalaan ni Hitler bilang pagsuporta sa kanilang mga kapatid na Kristiyano.
Noong 1948, pagkatapos na mabunyag ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Gresya dahilan sa udyok ng mga klero, ang presidente ng Gresya at iba’t ibang
mga ministro ng pamahalaan ay tumanggap ng libu-libong liham mula sa mga Saksi ni Jehova para sa kapakanan ng kanilang mga kapatid na Kristiyano. Nagmula ang mga ito sa Pilipinas, Australia, Hilaga at Timog Amerika, at iba pang lugar.Nang ibunyag ng magasing Gumising! ang mala-inkisisyong mga paraan na ginamit laban sa mga Saksi sa Espanya noong 1961, bumaha ang mga liham ng protesta sa mga awtoridad doon. Nagtaka ang mga opisyal nang malamang ang mga tao sa palibot ng daigdig ay nakaaalam ng kung ano talaga ang ginagawa nila, at bunga nito, bagaman nagpatuloy pa rin ang pag-uusig, ang ilan sa mga pulis ay nakitungo sa mga Saksi nang may higit na kahinahunan. Maging sa iba’t ibang lugar sa mga lupain ng Aprika, nakaririnig ang mga opisyal mula sa mga Saksi sa iba pang lugar ng daigdig kapag nalaman nila ang malupit na pagtrato na ipinapataw sa kanilang mga kapatid na Kristiyano roon.
Kapag walang maasahang mabuting pagtugon mula sa pamahalaan, hindi nalilimutan ang inuusig na mga Saksi. Dahilan sa patuloy na pag-uusig sa relihiyon sa loob ng maraming taon, ang ilang pamahalaan ay muli’t muling binabahaan ng mga liham ng pagsusumamo at pagtutol. Iyan ang nangyari sa Argentina. Minsan noong 1959, isinama ng kalihim ng Ministri ng Ugnayang Panlabas at Kulto ang isa sa ating mga kapatid sa isang silid na may ilang istante ng mga aklat na punô ng mga liham na humugos mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nagulat siya nang may isang sumulat mula sa napakalayong lugar ng Fiji na humihiling sa kalayaan ng pagsamba sa Argentina.
Sa ilang mga pangyayari, higit na kalayaan ang ibinibigay kapag natalos ng mga pinunò na ang mga tao sa buong daigdig ay nakaaalam ng kanilang ginagawa at na talagang marami ang nagmamalasakit. Iyan ay naganap sa Liberia noong 1963. Marahas na pagtrato ang iginawad ng mga sundalo ng pamahalaan sa mga delegado ng kombensiyon sa Gbarnga. Dinagsaan ng liham ng pagtutol mula sa palibot ng daigdig ang presidente ng Liberia, at nakialam ang State Department ng E.U. dahil sa kasangkot ang isang mamamayan ng E.U. Sa wakas, nagpadala ng telegrama si Presidente Tubman sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower na nagpapahayag ng pagnanais na tanggapin ang isang delegasyon ng mga Saksi ni Jehova upang pag-usapan ang mga bagay-bagay. Dalawa sa mga delegado—sina Milton Henschel at John Charuk—ay naroon noon sa Gbarnga. Inamin ni G. Tubman na ang naganap ay “isang kalapastanganan” at nagsabi: “Ikinalulungkot kong nangyari ang bagay na ito.”
Pagkatapos ng panayam na iyon, nagpalabas ng isang Executive Order na nagpapatalastas sa “lahat ng tao sa buong bansa, na ang mga Saksi ni Jehova ay magkakaroon ng karapatan at pribilehiyo na malayang makapunta saanmang dako ng bansa upang isakatuparan ang kanilang gawaing pagmimisyonero at relihiyosong pagsamba nang walang panliligalig mula kaninuman. Sasakanila ang proteksiyon ng batas kapuwa sa kanilang pagkatao at sa kanilang ari-arian at sa karapatang malayang sumamba sa Diyos ayon sa iniuutos ng kanilang budhi, samantalang
sinusunod ang mga batas ng Republika sa pagpapakita ng paggalang sa pambansang watawat kapag ito’y itinataas o ibinababa sa panahon ng mga seremonya sa pamamagitan ng pagtayo nang tuwid.” Subalit hindi iniuutos na sumaludo sila, na magiging paglabag sa kanilang budhing Kristiyano.Gayunman, hanggang noong 1992, wala pang opisyal na proklamasyon ang nangyayari sa Malawi, bagaman ang karahasan laban sa mga Saksi ay humupa na nang gayon na lamang. Ang mga Saksi ni Jehova roon ay naging mga biktima ng ilan sa pinakamalulupit na makarelihiyong pag-uusig sa kasaysayan ng Aprika. Isang daluyong ng gayong pag-uusig ang lumaganap sa buong bansa noong 1967; isa pa ang nagsimula noong kaagahan ng dekada ng 1970. Sampu-sampung libong liham ang isinulat para sa kanila mula sa lahat ng dako ng daigdig. Tumawag sa mga telepono. Nagpadala ng mga telegrama. Dahilan sa pagiging makatao maraming prominenteng tao ng sanlibutan ang di-nakatiis na hindi magsalita.
Napakatindi ng kalupitan anupat 19,000 ng mga Saksi ni Jehova at ng kanilang mga anak ang tumakas patungo sa kabilang hangganan ng Zambia noong 1972. Ang kalapit na mga kongregasyon ng mga Saksi sa Zambia ay dali-daling kumuha ng mga pagkain at mga kumot para sa kanilang mga kapatid. Ang salapi at mga suplay na ibinigay ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay bumuhos sa mga tanggapang pansangay ng Watch Tower at ipinamahagi sa mga nagsilikas ng punong-tanggapan sa New York. Labis-labis ang dumating upang masapatan ang lahat ng pangangailangan ng mga nakatakas sa kampo ng Sinda Misale. Nang kumalat sa kampo ang balita ng pagdating ng mga trak na may dalang mga pagkain, damit, at mga trapal upang maipantakip, hindi napigilan ng mga kapatid na taga-Malawi ang pagdaloy ng luha ng kagalakan dahil sa katunayang ito ng pag-ibig ng kanilang mga kapatid na Kristiyano.
Kung sinuman ang mapiit, hindi sila pinababayaan ng kapuwa mga Saksi, kahit na manganib ang sarili. Noong panahon ng pagbabawal sa Argentina, nang ang isang grupo ng mga Saksi ay pigilin sa loob ng 45 oras, apat na iba pang mga Saksi ang nagdala ng pagkain at damit para sa kanila, at sila man ay nabilanggo. Noong 1989 nang mabalitaan ng asawa ng tagapangasiwa ng sirkito sa Burundi ang suliranin ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano, siya ay sumubok na magdala ng pagkain sa bilangguan para sa kanila. Subalit siya mismo ay inaresto at ibinilanggo nang dalawang linggo, dahil pinaghahanap ng mga pulis ang kaniyang asawa.
Kasabay ng anumang magagawa nila sa mga paraang ito, ang pag-ibig sa kanilang mga kapatid na Kristiyano ang nagpapakilos sa mga Saksi ni Jehova na manalangin sa Diyos alang-alang sa kanila. Hindi nila ipinanalangin na wakasan na agad ng Diyos ang mga digmaan at kakulangan ng pagkain, sapagkat ito ang inihula ni Jesu-Kristo para sa ating kapanahunan. (Mat. 24:7) Ni ipinanalangin man nila na hadlangan ng Diyos ang lahat ng pag-uusig, sapagkat maliwanag na sinasabi ng Bibliya na ang tunay na mga Kristiyano ay pag-uusigin. (Juan 15:20; 2 Tim. 3:12) Subalit taimtim nilang ipinakikiusap na palakasin nawa ang kanilang mga kapatid na Kristiyano na manindigang matatag sa pananampalataya sa harap ng anumang kahirapan na dumating sa kanila. (Ihambing ang Colosas 4:12.) Ang ulat na nagpapatunay ng kanilang espirituwal na kalakasan ay nagbibigay ng saganang katibayan na ang gayong mga panalangin ay sinagot.
[Mga talababa]
a Tingnan Ang Bantayan, Marso 15, 1981, pahina 17-23 (Setyembre 15, 1980, sa Ingles); Ang Bantayan Oktubre 15, 1986, pahina 10-21; Hunyo 1, 1987, pahina 4-18; Hulyo 15, 1988, pahina 21-3; Marso 1, 1990, pahina 20-2.
b Tingnan ang Ang Bantayan, Disyembre 1, 1945, mga pahina 355-63 (sa Ingles).
[Blurb sa pahina 305]
Ang pag-aasikaso sa pantanging mga pangangailangan ay hindi lamang ipauubaya sa pagkakataon
[Blurb sa pahina 307]
Tulong na bunga ng maibiging personal na pagmamalasakit
[Blurb sa pahina 308]
Pag-aasikaso sa malawakang pangangailangan ng pagtulong
[Blurb sa pahina 312]
Isang sistematikong paraan ng paghahanap sa bawat Saksi sa lugar ng kalamidad
[Blurb sa pahina 315]
Pagpapakita rin ng kabutihan sa mga di-Saksi
[Blurb sa pahina 317]
Luha ng kagalakan dahil sa pag-ibig na ipinakita ng kanilang mga kapatid na Kristiyano
[Kahon sa pahina 309]
“Talagang Mahal Ninyo ang Isa’t Isa”
Pagkatapos na makitang itinayong-muli ng mga boluntaryong Saksi sa winasak-ng-digmaang Lebanon ang malubhang napinsalang tahanan ng isa sa kanilang mga Kristiyanong kapatid na babae, napilitang magtanong ang kaniyang mga kapitbahay ng ganito: “Saan galing ang pag-ibig na ito? Anong uri kayo ng mga tao?” At ang isang Muslim na babae, habang pinagmamasdan na nililinis at kinukumpuni ang bahay ng isang Saksi, ay nagsabi: “Talagang mahal ninyo ang isa’t isa. Ang inyong relihiyon ang tama.”
[Kahon sa pahina 316]
Tunay na mga Kapatid
Hinggil sa mga nakatakas na Saksing Cubano sa Fort Chaffe, Arkansas, ganito ang sabi ng “Arkansas Gazette”: “Sila ang kauna-unahang nailipat sa bagong mga tahanan sapagkat ang kanilang Amerikanong ‘mga kapatid’—kasama nilang mga Saksi ni Jehova—ay naghanap sa kanila. . . . Kapag tinatawag ng mga Saksi na ‘mga kapatid,’ ang kanilang espirituwal na mga kasamahan sa alinmang lupain talagang dinidibdib nila iyon.”—Isyu ng Abril 19, 1981.
[Mga larawan sa pahina 306]
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, sila’y nagpadala ng mga pagkain at damit sa kapuwa mga Saksing nangangailangan sa 18 lupain
Estados Unidos
Switzerland
[Mga larawan sa pahina 310]
Noong 1990, ang mga Saksi sa kalapit na mga lupain ay nagkaisa ng kanilang pagsisikap upang tulungan ang kapuwa mananamba sa Romania
[Mga larawan sa pahina 311]
Ang mga Saksing nakaligtas sa lindol sa Peru ay nagtayo ng kanilang sariling matutuluyan at nagtulungan sa isa’t isa
Ang mga tulong na dinala ng ibang mga Saksi (ibaba) ay kabilang sa naunang nakarating sa lugar
[Mga larawan sa pahina 313]
Ang mga tulong ay madalas na naglalakip ng paglalaan ng mga materyales at mga boluntaryo upang tulungan ang kapuwa mga Saksi na itayong muli ang kanilang mga bahay
Guatemala
Panama
Mexico
[Larawan sa pahina 314]
Kasali sa pagtulong ng mga Saksi ay ang espirituwal na pagpapatibay. Kapuwa sa Kalamata, Gresya, at sa labas ng lunsod, agad nagtayo ng mga tolda para sa mga pulong