Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jesu-Kristo, ang Tapat na Saksi

Si Jesu-Kristo, ang Tapat na Saksi

Kabanata 2

Si Jesu-Kristo, ang Tapat na Saksi

SA LOOB ng mga 4,000 taon, isang mahabang hanay ng mga saksi bago ang Kristiyanismo ang naghandog ng kanilang patotoo. Subalit ang mga usapin may kinalaman sa soberanya ng Diyos at sa katapatan ng kaniyang mga lingkod ay malayung-malayo pa rin sa kalutasan. Dumating na ang panahon upang ang ipinangakong maharlikang “binhi,” ang Mesiyas, ay magpakita na sa lupa.​—Gen. 3:15.

Sa milyun-milyong espiritung mga anak niya, sino ang pinili ni Jehova para sa atas na ito? Lahat sila ay nakasaksi sa nangyari sa Eden at walang-alinlangang batid nila ang pansansinukob na mga usaping bumangon. Subalit sino higit sa lahat ang nananabik na siyang maglinis ng pangalan ni Jehova at magbangong-puri ng kaniyang soberanya? Sino ang makapagbibigay ng pinakakapani-paniwalang kasagutan sa hamon ni Satanas na walang sinuman ang mailalagay sa lupa na mananatiling tapat sa soberanya ng Diyos sa ilalim ng pagsubok? Ang isa na pinili ni Jehova ay ang kaniyang Panganay, ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesus.​—Juan 3:16; Col. 1:15.

Buong-pananabik at pagpapakumbabang tinanggap ni Jesus ang atas na ito, bagaman iyon ay nangangahulugan na iiwan niya ang makalangit na tahanan na tinirhan niya nang higit na matagal kaysa kaninuman kasama ng kaniyang Ama. (Juan 8:23, 58; Fil. 2:5-8) Ang kaniyang motibo? Ang matinding pag-ibig kay Jehova at masigasig na pagnanais na makitang ang Kaniyang pangalan ay malinis mula sa lahat ng kasiraan. (Juan 14:31) Si Jesus ay pinakilos din ng kaniyang pag-ibig sa sangkatauhan. (Kaw. 8:30, 31; ihambing ang Juan 15:13.) Ang kaniyang kapanganakan sa lupa, sa pasimula ng taglagas ng taóng 2 B.C.E., ay pinapangyari ng banal na espiritu​—na ginamit ni Jehova upang ilipat ang buhay ni Jesus mula sa langit tungo sa bahay-bata ng Judiong birhen na si Maria. (Mat. 1:18; Luc. 1:26-38) Sa gayon si Jesus ay ipinanganak sa bansang Israel.​—Gal. 4:4.

Higit kaninumang Israelita, alam ni Jesus na dapat na siya’y maging saksi ni Jehova. Bakit? Sapagkat siya’y kaanib ng bansang pinagsabihan ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Isaias na: “Kayo’y aking mga saksi.” (Isa. 43:10) Bukod pa sa riyan, noong bautismo ni Jesus sa Ilog Jordan noong 29 C.E., pinahiran siya ni Jehova ng banal na espiritu. (Mat. 3:16) Kaya si Jesus ay binigyan ng kapangyarihan, na kaniyang pinatunayan pagkaraan, upang “mangaral ng kaaya-ayang taon ni Jehova.”​—Isa. 61:1, 2; Luc. 4:16-19.

Buong-katapatang isinagawa ni Jesus ang kaniyang atas at naging ang pinakadakilang saksi ni Jehova sa lupa kailanman. Sa gayon, taglay ang bawat karapatan, si apostol Juan, na nasa tabi ni Jesus sa panahon ng kaniyang kamatayan, ay tinawag si Jesus na “ang Tapat na Saksi.” (Apoc. 1:5) At sa Apocalipsis 3:14, ang niluwalhating si Jesus ay tumawag sa kaniyang sarili na “ang Amen” at “ang saksing tapat at totoo.” Anong patotoo ang ibinigay ng “Tapat na Saksing” ito?

‘Pagpapatotoo sa Katotohanan’

Nang nasa paglilitis sa harapan ng Romanong gobernador na si Pilato, sinabi ni Jesus: “Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang nasa katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” (Juan 18:37) Sa anong katotohanan nagpatotoo si Jesus? Iyon ay ang katotohanan ng Diyos, ang pagsisiwalat ng walang-hanggang mga layunin ni Jehova.​—Juan 18:33-36.

Ngunit, papaano nagpatotoo si Jesus sa katotohanang ito? Ang Griegong pandiwa na “magpatotoo” ay nangangahulugan ding “ipahayag, patunayan, panigan, purihin, sang-ayunan.” Sa papiro ng sinaunang Griego, ang karaniwang paglitaw ng iba pang anyo ng pandiwa (mar·ty·roʹ) ay pagkatapos ng lagda, gaya ng sa mga transaksiyong pangnegosyo. Kung gayon, sa ministeryo niya, dapat patunayan ni Jesus ang katotohanan ng Diyos. Ito’y humihiling na dapat niyang ipahayag, o ipangaral, ang katotohanang iyan sa iba. Gayunpaman, higit pa sa pagsasalita lamang ang kinakailangan.

“Ako . . . ang katotohanan,” sabi ni Jesus. (Juan 14:6) Oo, siya’y namuhay sa paraang ginaganap niya ang katotohanan ng Diyos. Ang layunin ng Diyos may kinalaman sa Kaharian at sa Mesiyanikong Tagapamahala nito ay niliwanag sa hula. Si Jesus, sa kabuuan ng kaniyang buhay sa lupa, na nagwakas sa kaniyang mapagsakripisyong kamatayan, ay tumupad sa lahat ng inihula tungkol sa kaniya. Sa gayon ay kaniyang pinatunayan at ginarantiyahan ang katotohanan ng makahulang salita ni Jehova. Sa dahilang ito si apostol Pablo ay makapagsasabi: “Maging gaano man ang mga pangako ng Diyos, ang mga ito’y naging Oo dahil sa kaniya. Kaya nga nasa kaniya rin ang ‘Amen’ [ibig sabihin, “siya nawa,” o “tiyak nga”] sa ikaluluwalhati ng Diyos sa pamamagitan namin.” (2 Cor. 1:20) Oo, nasa kay Jesus ang katuparan ng mga pangako ng Diyos.​—Apoc. 3:14.

Pagpapatotoo sa Pangalan ng Diyos

Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo [o, “gawing sagrado; ituring na banal”].” (Mat. 6:9, tba.) Nang huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, sa pananalangin sa kaniyang makalangit na Ama, sinabi rin ni Jesus: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ko, upang ang pag-ibig na inibig mo sa akin ay sumakanila at ako’y makaisa nila.” (Juan 17:6, 26) Sa katunayan, ito ang pangunahing layunin ni Jesus sa pagtungo sa lupa. Ano ang nasasangkot sa pagpapakilala niya sa pangalan ng Diyos?

Ang mga tagasunod ni Jesus ay nakakakilala na at gumagamit na ng pangalan ng Diyos. Nakita nila at nabasa iyon sa balumbon ng Bibliyang Hebreo sa kanilang mga sinagoga. Nakita rin nila at nabasa iyon sa Septuagint​—isang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan, na ginamit nila sa pagtuturo at pagsulat. Kung alam na nila ang banal na pangalan, sa anong diwa ipinahayag iyon, o ipinakilala, ni Jesus sa kanila?

Noong panahon ng Bibliya, ang mga pangalan ay hindi basta mga katawagan lamang. Sabi ng A Greek-English Lexicon of the New Testament, ni J. H. Thayer: “Ang pangalan ng Diyos sa B[agong] T[ipan] ay ginagamit para sa lahat ng mga katangiang iyon na para sa kaniyang mga mananamba ay nabubuo sa pangalang iyon, at sa gayon ipinakilala ng Diyos ang kaniyang sarili sa mga tao.” Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos hindi lamang sa paggamit niyaon kundi sa pagsisiwalat ng Persona sa likod ng pangalan​—ang kaniyang mga layunin, mga gawain, at mga katangian. Bilang ang isa ‘na nasa sinapupunan ng Ama,’ walang sinuman ang makapagpapaliwanag ng tungkol sa Ama na gaya ni Jesus. (Juan 1:18) Isa pa, kagayang-kagaya si Jesus ng kaniyang Ama kung kaya ‘nakikita’ ng mga alagad ni Jesus ang Ama sa Anak. (Juan 14:9) Sa kaniyang sinabi at ginawa, nagpatotoo si Jesus sa pangalan ng Diyos.

Nagpatotoo Siya Tungkol sa Kaharian ng Diyos

Bilang “ang Saksing Tapat,” si Jesus ay kilalang isang tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Mariin niyang sinabi: “Kailangang ipangaral ko ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa ganito ako isinugo.” (Luc. 4:43) Ipinahayag niya ang makalangit na Kahariang iyan sa buong Palestina, na nilakad ang daan-daang milya. Nangaral siya saanman may mga taong makikinig: sa tabing-lawa, sa mga dalisdis ng bundok, sa mga lunsod at mga nayon, sa mga sinagoga at sa templo, sa mga pamilihang dako, at sa mga tahanan ng mga tao. Ngunit alam ni Jesus na limitado lamang ang lugar na kaniyang mapupuntahan at ang bilang ng mga tao na kaniyang mapangangaralan. (Ihambing ang Juan 14:12.) Kaya sa hangaring malaganapan ang pambuong-daigdig na larangan, sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad at isinugo sila upang maging mga tagapaghayag ng Kaharian.​—Mat. 10:5-7; 13:38; Luc. 10:1, 8, 9.

Si Jesus ay isang masipag, masigasig na saksi, at hindi niya ipinahintulot na siya’y mapalihis. Bagaman nagpakita siya ng personal na pagmamalasakit sa mga pangangailangan ng tao, hindi siya gaanong nag-abala sa paggawa ng mga bagay na magdadala ng pansamantalang kaginhawahan anupa’t napabayaan niya ang bigay-Diyos na atas na ituro sa mga tao ang panghabambuhay na kalutasan ng kanilang mga suliranin​—ang Kaharian ng Diyos. Minsan, pagkatapos na makahimalang pakanin niya ang may 5,000 mga lalaki (marahil mahigit na 10,000 tao kabilang ang mga babae at mga bata), isang grupo ng mga Judio ang ibig sumunggab sa kaniya at gawin siyang makalupang hari. Ano ang ginawa ni Jesus? Siya’y “muling nagbalik sa bundok na nag-iisa.” (Juan 6:1-15; ihambing ang Lucas 19:11, 12; Gawa 1:6-9.) Bagaman nagsagawa siya ng maraming makahimalang pagpapagaling, si Jesus ay hindi pangunahing nakilala bilang ang Manggagawa ng Himala, kundi sa halip, siya’y nakilala kapuwa ng mga mananampalataya at di-mananampalataya bilang “Guro.”​—Mat. 8:19; 9:11; 12:38; 19:16; 22:16, 24, 36; Juan 3:2.

Maliwanag, ang pagpapatotoo sa Kaharian ng Diyos ang pinakamahalagang gawain na magagawa ni Jesus. Layunin ni Jehova na ang bawat isa ay makaalam kung ano ang Kaniyang Kaharian at kung papaano tutuparin nito ang Kaniyang mga layunin. Mahal na mahal Niya ito, sa dahilang ito ang paraan upang mapabanal Niya ang Kaniyang pangalan, na nililinis iyon mula sa lahat ng kasiraan. Alam iyan ni Jesus, kung kaya ginawa niya ang Kaharian na siyang tema ng kaniyang pangangaral. (Mat. 4:17) Sa buong-pusong pakikibahagi sa paghahayag nito, pinagtibay ni Jesus ang matuwid na soberanya ni Jehova.

Isang Tapat na Saksi Maging sa Kamatayan

Walang sinuman ang makaiibig kay Jehova at sa Kaniyang soberanya nang higit sa ginawa ni Jesus. Bilang “ang panganay sa lahat ng nilalang,” ‘lubusang kilala’ ni Jesus ang Ama dahil sa kaniyang malapít na pakikisama sa kaniya bilang isang espiritung nilalang sa langit. (Col. 1:15; Mat. 11:27) Maluwag sa kalooban niyang ipinailalim ang kaniyang sarili sa soberanya ng Diyos sa loob ng panahong di-mabilang bago pa lalangin ang unang lalaki at babae. (Ihambing ang Juan 8:29, 58.) Gayon na lamang kasakit ang kaniyang naramdaman nang talikuran nina Adan at Eva ang soberanya ng Diyos! Gayunman, siya’y buong-tiyagang naghintay sa langit nang mga 4,000 taon, at pagkatapos, sa wakas, dumating ang panahon para sa kaniya na maglingkod bilang ang pinakadakilang saksi ni Jehova sa lupa kailanman!

Alam na alam ni Jesus na siya’y tuwirang nasasangkot sa pansansinukob na mga usapin. Maaaring lumitaw na binibigyan siya ng proteksiyon ni Jehova. (Ihambing ang Job 1:9-11.) Totoo, nagpakita siya ng katapatan at debosyon sa langit, subalit mapananatili ba niya ang katapatan bilang isang tao sa lupa sa ilalim ng anumang pagsubok? Malalabanan niya kaya si Satanas sa isang dako na doon ang kaniyang kaaway ay tila nakalalamang?

Ang tulad-ahas na Kaaway ay walang inaksayang panahon. Kaagad pagkatapos bautismuhan at pahiran ng espiritu si Jesus, tinukso siya ni Satanas upang maging sakim, itaas ang sarili, at, sa huli, tanggihan ang soberanya ng kaniyang Ama. Ngunit ang malinaw na sinabi ni Jesus kay Satanas na, “Si Jehova mong Diyos ang sasambahin mo, at siya lamang ang pag-uukulan mo ng banal na paglilingkod,” ay nagpapakita kung ano ang kaniyang katayuan sa usapin. Ibang-iba kay Adan!​—Mat. 4:1-10.

Ang landasing nakaatas kay Jesus ay nangangahulugan ng pagdurusa at kamatayan, at alam ito ni Jesus. (Luc. 12:50; Heb. 5:7-9) Gayunpaman, “nang siya’y nasa anyong tao na, siya ay nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, ang kamatayan sa isang pahirapang tulos.” (Fil. 2:7, 8) Sa gayon ay pinatunayan ni Jesus si Satanas bilang isang pusakal na sinungaling, na lubusang lumulutas sa tanong na, Mayroon bang sinuman na mapananatili ang katapatan sa soberanya ng Diyos kung hahayaang ilagay siya ni Satanas sa pagsubok? Ngunit mas higit pa ang nagawa ng kamatayan ni Jesus.

Sa kaniyang kamatayan sa pahirapang tulos, ibinigay rin ni Jesus “ang kaniyang kaluluwa na pantubos sa marami.” (Mat. 20:28; Mar. 10:45) Ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao ay mahalagang hain. Ang paghahain ni Jesus ng kaniyang buhay ay hindi lamang nagdulot ng kapatawaran sa ating mga kasalanan kundi nagbukas din ng pagkakataon para sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa, ayon sa orihinal na layunin ng Diyos.​—Luc. 23:43; Gawa 13:38, 39; Heb. 9:13, 14; Apoc. 21:3, 4.

Pinatunayan ni Jehova ang kaniyang pag-ibig at pagsang-ayon kay Jesus bilang “ang Tapat na Saksi” sa pamamagitan ng pagbuhay sa kaniya mula sa kamatayan nang ikatlong araw. Ito’y nagpatunay na ang patotoong naibigay na ni Jesus tungkol sa Kaharian ay tunay. (Gawa 2:31-36; 4:10; 10:36-43; 17:31) Pagkaraan ng pananatili niya sa kapaligiran ng lupa nang 40 araw, na sa panahong iyon ay nagpakita siya sa kaniyang mga apostol sa maraming pagkakataon, umakyat si Jesus sa langit.​—Gawa 1:1-3, 9.

Ipinahiwatig ni Jesus na ang pagtatatag ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos ay sa matagal pang hinaharap. (Luc. 19:11-27) Ang pangyayaring iyon ay magtatanda sa pagpapasimula ng “pagkanaririto [ni Jesus] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 24:3) Subalit papaano malalaman ng kaniyang mga tagasunod sa lupa kung kailan mangyayari ang mga bagay na ito? Binigyan sila ni Jesus ng “tanda”​—isang binuong tanda na kinabibilangan ng maraming katibayan, kasali na ang digmaan, lindol, kakapusan ng pagkain, salot, at ang paglago ng kasamaan. Ang isa pa ring mahalagang bahagi ng tandang iyan ay ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa. Ang lahat ng bahagi ng pambihirang tandang iyan ay makikita sa ating kaarawan, na nagpapakitang tayo’y nabubuhay sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus bilang makalangit na Hari at ng katapusan ng sistema ng mga bagay. a​—Mat. 24:3-14.

Kumusta naman ang mga tagasunod ni Jesus? Sa panahong ito ng pagkanaririto ni Jesus, ang bawat isa na kaanib sa iba’t ibang iglesya ay nag-aangkin na sumusunod kay Kristo. (Mat. 7:22) Gayunman, ang Bibliya ay nagsasabi na mayroon lamang “iisang pananampalataya.” (Efe. 4:5) Kaya papaano ninyo makikilala ang tunay na Kristiyanong kongregasyon, siyang may pagsang-ayon at patnubay ng Diyos? Magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa kung ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa Kristiyanong kongregasyon noong unang siglo at sa pagkakita ngayon kung sino ang sumusunod sa gayong huwaran.

[Talababa]

a Tingnan ang kabanata 10, “Isang Hula sa Bibliya na Nakita Ninyong Natupad,” sa aklat na Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao? lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 20]

‘Ipinanganak upang sumaksi sa katotohanan’

[Blurb sa pahina 21]

Ginawa ni Jesus ang Kaharian ng Diyos na siyang tema ng kaniyang pangangaral

[Blurb sa pahina 22]

Si Jesu-Kristo ang pinakadakilang saksi ni Jehova sa lupa kailanman

[Buong-pahinang larawan sa pahina 23]