Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bahagi 1—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa

Bahagi 1—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa

Kabanata 22

Bahagi 1—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa

Ito ang una sa limang bahagi sa isang kabanata na nagsasalaysay kung papaano lumaganap sa buong lupa ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ang Bahagi 1, na sumasaklaw sa yugto mula dekada ng 1870 hanggang 1914, ay nasa mga pahina 404 hanggang 422. Ang lipunan ng tao ay hindi na nakaahon pagkatapos ng kapighatiang dulot ng Digmaang Pandaigdig I, na nagsimula noong 1914. Iyan ang taon na matagal nang tinukoy ng mga Estudyante ng Bibliya bilang katapusan ng Panahon ng mga Gentil.

BAGO siya umakyat sa langit, inatasan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga apostol, na nagsasabi: “Kayo’y magiging mga saksi ko . . . hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Inihula rin niya na “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” (Mat. 24:14) Ang gawaing iyon ay hindi natapos noong unang siglo. Ang kalakhang bahagi nito ay ginawa sa modernong panahon. At ang ulat tungkol sa pagsasagawa nito mula noong dekada ng 1870 hanggang sa kasalukuyan ay tunay na nakapananabik.

Bagaman kilalang-kilala si Charles Taze Russell dahil sa kaniyang malawak ang pagkaanunsiyong mga pahayag sa Bibliya, ang kaniyang interes ay hindi lamang sa malalaking grupo ng mga tagapakinig kundi sa mga indibiduwal. Kaya, matapos niyang simulang ilathala ang Watch Tower noong 1879, siya’y malimit na naglalakbay para dalawin ang maliliit na grupo ng mga mambabasa ng magasin upang talakayin ang Kasulatan na kasama nila.

Hinimok ni C. T. Russell ang mga naniniwala sa natatanging mga pangako ng Salita ng Diyos na ibahagi ang mga ito sa iba. Ang mga taong naantig ang puso dahil sa kanilang natututuhan ay naging masigasig sa paggawa nito. Upang tumulong sa gawain, ang nilimbag na materyal ay inilaan. Maaga noong 1881, lumabas ang ilang mga tract. Pagkatapos ay nilakipan ng karagdagang impormasyon ang materyal mula sa mga ito upang bumuo ng lalong malawak na Food for Thinking Christians, at 1,200,000 sipi nito ang inihanda upang ipamahagi. Subalit papaano maipamamahagi ang lahat ng ito ng maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya (na marahil noo’y may bilang lamang na 100)?

Inaabot ang mga Palasimba

Ang ilan ay ipinamigay sa mga kamag-anak at mga kaibigan. Ang ilang mga pahayagan ay pumayag na magpadala ng kopya sa bawat isa sa kanilang mga suskritor. (Ang ginamit lalo na ay ang lingguhan at buwanang mga pahayagan upang ang Food for Thinking Christians ay makarating sa maraming tao na nakatira sa may kabukiran.) Ngunit ang kalakhan ng pamamahagi ay ginawa sa ilang sunud-sunod na Linggo sa harapan ng mga simbahan sa Estados Unidos at Britanya. Kulang ang mga Estudyante ng Bibliya upang personal nilang gawin ang lahat ng ito, kaya inupahan nila ang iba upang tumulong.

Isinugo ni Brother Russell ang dalawang kasama niya, sina J. C. Sunderlin at J. J. Bender, sa Britanya upang pangasiwaan ang pamamahagi ng 300,000 sipi roon. Si Brother Sunderlin ay nagtungo sa London, samantalang si Brother Bender ay naglakbay pahilaga patungo sa Scotland at naglilingkod habang pabalik sa katimugan. Ang pangunahing binigyan ng pansin ay ang malalaking lunsod. Sa pamamagitan ng mga anunsiyo sa pahayagan, naghanap sila ng may-kakayahang mga lalaki, at gumawa ng mga kontrata sa kanila na organisahin ang sapat na mga katulong upang ipamahagi ang itinoka sa kanilang mga kopya. Halos 500 tagapamahagi ang kinalap sa London lamang. Mabilis na natapos ang gawain, sa dalawang magkasunod na Linggo.

Noong taon ding iyon, isinaayos na ang mga Estudyante ng Bibliya na maaaring mag-ukol ng kalahati o higit pa sa kanilang panahon sa gawain ng Panginoon ay maging mga colporteur, na namamahagi ng literatura para sa pag-aaral ng Bibliya. Ang unang mga kabilang na ito sa tinatawag ngayon na mga payunir ay nakagawa ng tunay na kamangha-manghang pamamahagi ng mabuting balita.

Nang sumunod na dekada, naghanda si Brother Russell ng sari-saring tract na madaling magagamit sa pagpapalaganap ng ilan sa pangunahing mga katotohanang natutuhan mula sa Bibliya. Siya’y sumulat din ng ilang tomo ng Millennial Dawn (na nang maglaon ay tinawag na Studies in the Scriptures). Pagkatapos ay nagsimula siyang maglakbay nang personal upang mag-ebanghelyo sa ibang lupain.

Naglakbay si Russell sa Ibang Lupain

Noong 1891 siya’y dumalaw sa Canada, na doon marami ang naging interesado mula noong 1880 anupat ang isang asambleang dinaluhan ng 700 ay nairaos sa Toronto. Siya’y naglakbay rin sa Europa noong 1891 upang tingnan kung ano ang magagawa upang mapabilis ang paglaganap ng katotohanan doon. Sa paglalakbay na ito siya’y nagtungo sa Irlandya, Scotland, Inglatera, marami sa mga lupain sa kontinente ng Europa, Rusya (ang bahaging tinatawag ngayon na Moldova), at ang Gitnang Silangan.

Ano ang komento niya sa mga nakausap niya sa paglalakbay na iyon? “Wala kaming nakitang handang makinig ng katotohanan sa Rusya . . . Wala kaming nakitang pag-asa ng anumang pag-aani sa Italya o Turkiya o Austria o Alemanya,” ang ulat niya. “Subalit ang Norway, Sweden, Denmark, Switzerland, at lalo na ang Inglatera, Irlandya at Scotland, ay mga bukiring hinog na at naghihintay na upang anihin. Ang mga bukiring ito ay waring nananawagan, Pumarito kayo at tulungan ninyo kami!” Noong panahong iyon ay ipinagbabawal pa ng Iglesya Katolika ang pagbabasa ng Bibliya, iniiwan ng maraming mga Protestante ang kanilang mga simbahan, at marami, palibhasa’y wala na silang tiwala sa mga iglesya, ay lubusang nagtatakwil sa Bibliya.

Upang matulungan ang mga taong nagugutom sa espirituwal, pagkatapos ng paglalakbay ni Brother Russell noong 1891 gumawa ng masidhing pagsisikap na isalin ang literatura sa mga wika ng Europa. Gayundin, gumawa ng kaayusan upang ilimbag at ibodega ang literatura sa London upang ito’y madaling magamit sa Britanya. Totoo nga na ang bukirin sa Britanya ay napatunayang hinog na upang anihin. Pagsapit ng 1900, mayroon nang siyam na kongregasyon at 138 Estudyante ng Bibliya lahat-lahat​—kabilang na rin ang ilang masigasig na colporteur. Nang muling dumalaw si Brother Russell sa Britanya noong 1903, isang libo ang nagtipon sa Glasgow upang makinig sa pahayag niyang “Mga Inaasahan at Inaasam sa Milenyo,” 800 ang dumalo sa London, at may nakinig na 500 hanggang 600 sa iba pang mga bayan.

Gayunman, bilang patunay sa napansin ni Brother Russell, lumipas muna ang 17 taon mula ng dalaw niya bago natatag ang unang kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Italya, sa Pinerolo. At kumusta naman ang Turkiya? Noong huling bahagi ng dekada ng 1880, si Basil Stephanoff ay nangaral sa Macedonia, na noo’y Europeong bahagi ng Turkiya. Bagaman ang ilan ay tila may interes, ang ilan na nagpanggap na mga kapatid ay gumawa ng maling bintang laban sa kaniya, na humantong sa pagkabilanggo niya. Noong 1909 saka lamang iniulat ng isang liham mula sa isang taga-Gresya sa Smyrna (ngayo’y Izmir), Turkiya, na may grupo roon na malugod na nag-aaral sa mga publikasyon ng Watch Tower. Tungkol naman sa Austria, si Brother Russell mismo ay bumalik noong 1911 upang magsalita sa Vienna, subalit ang pulong ay ginulo ng mga mang-uumog. Sa Alemanya din, mabagal ang naging tugon. Subalit higit na gising ang mga taga-Scandinavia sa kanilang espirituwal na pangangailangan.

Ang mga Taga-Scandinavia ay Nagtulung-tulong

Maraming taga-Sweden ang naninirahan noon sa Amerika. Noong 1883 isang sipi ng Watch Tower na isinalin sa Sweko ang ipinamahagi sa kanila. Di-nagtagal at ang mga ito’y nakarating sa mga kaibigan at kamag-anak sa Sweden sa pamamagitan ng koreo. Wala pang nailimbag noon na literaturang Norwego. Gayunman, noong 1892, isang taon pagkaraan ng paglalakbay ni Brother Russell sa Europa, si Knud Pederson Hammer, isang taga-Norway na natuto ng katotohanan sa Amerika, ay personal na bumalik sa Norway upang magpatotoo sa kaniyang mga kamag-anak.

Pagkatapos, noong 1894, nang simulang ilathala ang literatura sa Dano-Norwego, si Sophus Winter, isang 26-na-taóng-gulang na Dano-Amerikano, ay isinugo sa Denmark upang ipamahagi ito. Pagsapit ng kasunod na tagsibol, siya’y nakapamahagi na ng 500 tomo ng Millennial Dawn. Hindi naman nagtagal, ang ilan sa nakabasa ng mga publikasyong iyon ay nakibahagi sa gawain na kasama niya. Nakalulungkot, nang dakong huli nawala ang kaniyang pagpapahalaga sa mayamang pribilehiyong taglay niya; ngunit ang iba’y patuloy na nagpasikat ng liwanag.

Gayunman, bago niya iniwan ang paglilingkod, si Winter ay gumawa bilang colporteur sa Sweden. Di-nagtagal pagkatapos nito, sa tahanan ng isang kaibigan sa isla ng Sturkö, nakita ni August Lundborg, isang kabataang kapitan sa Salvation Army, ang dalawang tomo ng Millennial Dawn. Hiniram niya ang mga ito, sabik na binasa, nagbitiw sa simbahan, at nagsimulang ibahagi sa iba ang kaniyang natutuhan. Isa pang binata, si P. J. Johansson, ay naliwanagan nang mabasa niya ang isang tract na pinulot niya sa isang upuan sa parke.

Habang lumalaki ang grupong Sweko, ang ilan ay lumipat sa Norway upang mamahagi ng literatura sa Bibliya. Maging bago pa nito, ang ilang literatura ay ipinadala na sa Norway ng mga kamag-anak mula sa Amerika sa pamamagitan ng koreo. Sa ganitong paraan nagsimula si Rasmus Blindheim sa paglilingkod kay Jehova. Bukod pa sa ibang mga taga-Norway, si Theodor Simonsen, isang tagapangaral ng Free Mission, ay tumanggap ng katotohanan nang naunang mga taóng iyon. Sinimulan niyang pabulaanan ang turo ng apoy ng impiyerno sa kaniyang mga pahayag sa Free Mission. Napalukso sa tuwa ang mga tagapakinig sa kamangha-manghang balitang ito; subalit nang malaman na siya’y napaugnay sa “Millennial Dawn,” siya’y pinaalis sa simbahan. Gayunpaman, patuloy siyang nagsalita tungkol sa mabubuting bagay na kaniyang natutuhan. Isa pang kabataang lalaki na tumanggap ng ilang literatura ay si Andreas Øiseth. Nang makumbinsing taglay niya ang katotohanan, iniwan niya ang sakahan ng kaniyang pamilya at pumasok sa gawain bilang colporteur. Naglingkod siya sa sunud-sunod na mga lugar patungong hilaga, pagkatapos ay patimog sa baybayin ng mga lawa, na walang komunidad na nakaligtaan. Kapag taglamig ay nagdadala siya ng mga gamit​—pagkain, damit, at literatura​—na nakakarga sa isang paragos na pinadudulas sa yelo, at ang mga taong mapagpatuloy naman ang naglalaan ng kaniyang matutulugan. Sa isang paglalakbay na may habang walong taon, halos sinaklaw niya ang buong bansa na dala ang mabuting balita.

Ang asawa ni August Lundborg, si Ebba, ay lumipat mula sa Sweden tungo sa Pinlandya upang maglingkod bilang colporteur noong 1906. Halos kasabay nito, ang ilang lalaking bumabalik mula sa Estados Unidos ay nag-uwi ng ilang literaturang Watch Tower at nagsimulang ibahagi ang kanilang natututuhan. Kaya sa loob ng ilang taon, si Emil Österman, na naghahanap nang higit kaysa iniaalok ng mga simbahan, ay nakakuha ng The Divine Plan of the Ages. Ibinahagi niya ito sa kaniyang kaibigan na si Kaarlo Harteva, na naghahanap din. Yamang kinikilala niya ang kahalagahan nito, isinalin ito ni Harteva sa Pinlandes at, sa tulong ni Österman sa pinansiyal, ay ipinalimbag niya ito. Humayo silang dalawa upang ipamahagi ito. Taglay ang tunay na espiritu ng pag-eebanghelyo, nakipag-usap sila sa mga tao sa publiko, dumalaw sa bahay-bahay, at nagbigay ng mga pahayag sa malalaking awditoryum na halos umaapaw sa dami. Sa Helsinki, pagkatapos ilantad ang huwad na mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan, inanyayahan ni Brother Harteva ang mga tagapakinig na gamitin ang Bibliya upang ipagtanggol ang paniniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, kung kaya nila. Ang lahat ay napatingin sa klerigong naroroon. Natigilan sila; walang nakasagot sa malinaw na pangungusap na nasa Ezekiel 18:4. Ang ilan sa tagapakinig ay nagsabi na hindi sila nakatulog nang gabing iyon dahil sa kanilang narinig.

Hamak na Hardinero Naging Ebanghelisador sa Europa

Samantala, si Adolf Weber, dahil sa paghimok ng isang may-edad nang kaibigang Anabaptist, ay umalis sa Switzerland patungong Estados Unidos upang humanap ng higit na kaunawaan sa mga Kasulatan. Doon, bilang tugon sa isang anunsiyo, siya’y naging hardinero ni Brother Russell. Sa tulong ng The Divine Plan of the Ages (na makukuha noon sa Aleman) at ng mga pulong na pinangasiwaan ni Brother Russell, natamo ni Adolf ang kaalaman sa Bibliya na kaniyang hinahanap, at siya’y nabautismuhan noong 1890. Ang ‘mga mata ng kaniyang puso ay naliwanagan,’ anupat lubos niyang pinahalagahan ang magandang pagkakataong binuksan para sa kaniya. (Efe. 1:18) Pagkatapos ng panandaliang masigasig na pagpapatotoo sa Estados Unidos, siya’y bumalik sa sinilangan niyang lupain upang maglingkod doon “sa ubasan ng Panginoon.” Kaya, pagsapit ng kalagitnaan ng dekada ng 1890, siya’y nandoon na sa Switzerland upang ipamahagi ang katotohanan ng Bibliya sa mga may pusong tumatanggap.

Si Adolf ay naghanapbuhay bilang hardinero at manggugubat, ngunit ang pangunahing interes niya ay ang pag-eebanghelyo. Nagpatotoo siya sa mga kamanggagawa niya, gayundin sa mga tao sa karatig na mga bayan at nayon sa Switzerland. May alam siyang ilang wika, at ginamit niya ang kaalamang ito upang isalin ang mga publikasyon ng Samahan sa Pranses. Pagsapit ng taglamig ay pinunô niya ang kaniyang napsak ng literatura sa Bibliya at naglakad patungong Pransya, at may panahon na naglakbay siya sa hilagang-kanluran patungong Belgium at sa timog patungong Italya.

Upang marating ang mga taong hindi niya personal na makausap, nagpalagay siya ng mga anunsiyo sa mga pahayagan at mga magasin, na tumatawag-pansin sa makukuhang literatura para sa pag-aaral sa Bibliya. Si Elie Thérond, sa bahaging sentral ng Pransya, ay sumagot sa isa sa mga anunsiyo, nakilala ang taginting ng katotohanan sa kaniyang nabasa, at agad ay nagsimula ring mamahagi ng mensahe. Sa Belgium, si Jean-Baptiste Tilmant, Sr., ay nakakita rin ng isa sa mga anunsiyo noong 1901 at kumuha ng dalawang tomo ng Millennial Dawn. Anong laking tuwa niya sa malinaw na paghaharap ng katotohanan ng Bibliya! Papaanong hindi niya sasabihin ito sa kaniyang mga kaibigan! Nang sumunod na taon, ang isang grupo ng pag-aaral ay regular na nagpupulong sa kaniyang tahanan. Di-nagtagal pagkatapos nito ang gawain ng maliit na grupong iyon ay nagbunga kahit sa hilagang Pransya. Si Brother Weber ay laging nakikipag-alam sa kanila, na dinadalaw ang lahat ng bagong mga grupo sa pana-panahon, upang patibayin sila sa espirituwal at bigyan ng mga tagubilin sa pamamahagi ng mabuting balita sa iba.

Nang Marating ang Alemanya ng Mabuting Balita

Di-nagtagal matapos simulang lumabas sa wikang Aleman ang ilan sa mga publikasyon, noong kalagitnaan ng dekada ng 1880, ang mga Alemang-Amerikano na nagpahalaga rito ay nagpadala ng kopya sa mga kamag-anak sa sinilangan nilang lupain. Isang nars na nagtrabaho sa isang ospital sa Hamburg ang nagbigay ng mga kopya ng Millennial Dawn sa ibang nasa ospital. Noong 1896, si Adolf Weber, sa Switzerland, ay naglagay ng mga anunsiyo sa mga pahayagang Aleman ang wika at nagpadala ng mga tract sa Alemanya sa pamamagitan ng koreo. Nang sumunod na taon binuksan ang isang bodega ng literatura sa Alemanya upang madaling ipamahagi ang edisyon ng Watch Tower sa wikang Aleman, ngunit hindi ito kaagad nagkaroon ng bunga. Gayunman, noong 1902, si Margarethe Demut, na natuto ng katotohanan sa Switzerland, ay lumipat sa Tailfingen, sa may silangan ng Black Forest. Ang kaniyang masigasig na personal na pagpapatotoo ay tumulong upang ilatag ang pundasyon para sa isa sa naunang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya sa Alemanya. Si Samuel Lauper, taga-Switzerland, ay lumipat sa Bergisches Land, sa hilagang-silangan ng Cologne, upang palaganapin ang mabuting balita roon. Pagsapit ng 1904, idinaos ang mga pulong doon sa Wermelskirchen. Kasama sa mga dumalo ay isang 80-taóng-gulang na lalaki, si Gottlieb Paas, na naghahanap ng katotohanan. Nang malapit na siyang mamatay, di-nagtagal matapos simulan ang mga pulong na iyan, si Paas ay nagtaas ng Watch Tower at nagsabi: “Ito ang katotohanan; manghawakan kayo rito.”

Ang bilang ng mga interesado sa mga katotohanang ito ng Bibliya ay unti-unting lumaki. Bagaman ito’y magastos, gumawa ng kaayusan na isingit ang libreng mga kopya ng Watch Tower sa mga pahayagan sa Alemanya. Isang ulat na inilathala noong 1905 ay nagsabi na mahigit sa 1,500,000 sipi ng mga libreng Watch Tower na ito ang ipinamahagi. Tunay na kamangha-manghang gawain ito para sa gayong napakaliit na grupo.

Hindi inisip ng mga Estudyante ng Bibliya na kapag naabot na nila ang mga taong malapit sa kanilang tahanan ay magiging sapat na. Sing-aga ng 1907, si Brother Erler, mula sa Alemanya, ay naglakbay patungo sa Bohemia sa tinawag noon na Austria-Hungarya (nang malao’y naging bahagi ng Czechoslovakia). Namahagi siya ng literaturang nagbababala hinggil sa Armagedon at nagbabalita ng mga pagpapalang tatamasahin ng sangkatauhan pagkatapos. Noong 1912 isa pang Estudyante ng Bibliya ang namahagi ng literatura sa Bibliya sa lugar ng Memel, sa tinatawag ngayon na Lithuania. Naging maganda ang tugon ng marami sa pabalita, at ilang malaki-laking grupo ng mga Estudyante ng Bibliya ang madaling naorganisa. Gayunman, nang mapag-alaman nilang dapat ding maging mga saksi ang tunay na mga Kristiyano, nagsimulang umunti ang kanilang bilang. Sa kabila nito, may ilan na napatunayang tunay na mga tagatulad ni Kristo, “ang saksing tapat at totoo.”​—Apoc. 3:14.

Nang si Nikolaus von Tornow, isang tituladong Aleman na may malawak na ari-arian sa Rusya, ay nasa Switzerland noong mga 1907, siya’y binigyan ng isa sa mga tract ng Samahang Watch Tower. Dalawang taon pagkaraan siya’y dumalo sa Kongregasyon ng Berlin, sa Alemanya, na nagagayakan ng pinakamaringal niyang kasuotan at kasama ang kaniyang personal na katiwala. Hindi niya agad naunawaan kung bakit ang tulad-hiyas na mga katotohanan ay ipagkakatiwala ng Diyos sa mga taong mabababang-loob tulad nila, ngunit ang nabasa niya sa 1 Corinto 1:26-29 ay nakatulong: “Masdan ninyo ang pagkatawag sa inyo, mga kapatid, na hindi ang maraming marunong ayon sa laman ang tinawag, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming marangal na tao . . . , upang walang laman na magmapuri sa paningin ng Diyos.” Palibhasa’y kumbinsido na natagpuan na niya ang katotohanan, ipinagbili ni von Tornow ang kaniyang mga ari-arian sa Rusya at iniukol niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga tinatangkilik sa pagpapaunlad ng kapakanan ng dalisay na pagsamba.

Noong 1911, nang magpakasal ang magkasintahang kabataang Aleman, na ang apelyido’y Herkendell, humiling ang kasintahang babae sa kaniyang ama, bilang dote, ng salapi para sa isang pambihirang pulot-gata. Nasa isip ng mag-asawa na gumawa ng mahirap na paglalakbay sa loob ng ilang buwan. Ang kanilang pulot-gata ay isang paglalakbay sa Rusya upang mangaral sa mga taong naroroon na nagsasalita ng Aleman. Kaya sa maraming paraan ipinamahagi ng iba’t ibang uri ng mga tao ang kanilang natutuhan tungkol sa maibiging layunin ng Diyos.

Paglago sa Larangan sa Britanya

Pagkatapos ng masinsinang pamamahagi ng literatura sa Britanya noong 1881, nakita ng ilang mga palasimba na kailangan silang kumilos ayon sa kanilang natutuhan. Si Tom Hart ng Islington, London, ay isa sa mga naantig ng maka-Kasulatang payo ng Watch Tower, “Magsilabas kayo sa kaniya, bayan ko”​—alalaong baga’y, lumabas mula sa maka-Babilonyang mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan at sumunod sa turo ng Bibliya. (Apoc. 18:4) Nagbitiw siya mula sa kapilya noong 1884, at may ilan na rin na sumunod sa kaniya.

Marami sa mga nakisama sa mga grupo ng pag-aaral ang naging mabisang mga ebanghelisador. Ang ilan ay nag-alok ng literatura sa Bibliya sa mga parke ng London at sa iba pang mga dakong pinapasyalan ng mga tao. Ang iba’y nagbigay-pansin lalo na sa mga bahay kalakal. Gayunman, karaniwan na’y nagbabahay-bahay sila.

Si Sarah Ferrie, isang suskritor ng Watch Tower, ay sumulat kay Brother Russell na nagsasabi na siya at ang ilang kaibigan niya sa Glasgow ay nagnanais na magboluntaryo sa pamamahagi ng tract. Kaylaki ng kaniyang pagkamangha nang tumigil sa pinto niya ang isang trak na may dalang 30,000 pulyeto, na ipamamahaging lahat nang walang bayad! Sila’y kumilos agad. Si Minnie Greenlees, kasama ang kaniyang tatlong kabataang anak na lalaki, at sakay ng isang “pony and trap” (karuwaheng hila ng kabayo), ay masigasig na namahagi ng literatura sa Bibliya sa mga kabukiran ng Scotland. Nang dakong huli, habang sakay ng mga bisikleta, sina Alfred Greenlees at Alexander MacGillivray, ay namahagi ng mga tract sa kalakhang bahagi ng Scotland. Sa halip na bayaran ang iba upang ipamahagi ang literatura, ang gawain ngayon ay ginagawa ng tapat-pusong mga boluntaryo mismo.

Pinakilos Sila ng Kanilang Puso

Sa isa sa kaniyang mga talinghaga, sinabi ni Jesus na ang mga tao na ‘nakarinig ng salita ng Diyos na may pusong matimtiman at mabuti’ ay magbubunga. Ang taimtim na pagpapahalaga sa maibiging mga paglalaan ng Diyos ang magpapakilos sa kanila na ibahagi sa iba ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Luc. 8:8, 11, 15) Anuman ang kanilang mga kalagayan, maghahanap sila ng paraan upang gawin ito.

Dahil dito ang isang manlalakbay na taga-Argentina ay nakakuha ng bahagi ng tract na Food for Thinking Christians mula sa isang Italyanong marinero. Samantalang nakadaong ang barko sa Peru, ang manlalakbay ay sumulat upang humingi ng higit pa, at dahil sa lumalaking interes siya’y muling sumulat, mula sa Argentina, noong 1885, sa patnugot ng Watch Tower upang humingi ng literatura. Nang taon ding yaon isang kaanib ng Hukbong-Dagat ng Britanya, na ipinadala sa Singapore kasama ng kaniyang yunit, ang may dalang kopya ng Watch Tower. Natuwa siya sa natutuhan niya sa magasin at madalas niyang ginamit ito upang ipaalam ang pangmalas ng Bibliya sa mga paksang pinag-uusapan ng madla. Noong 1910 isang barko na sinasakyan ng dalawang Kristiyanong babae ang tumigil sa daungan sa Colombo, Ceylon (ngayo’y Sri Lanka). Sinamantala nila ang pagkakataon upang magpatotoo kay G. Van Twest, ang nangangasiwa sa mga marinero, sa daungan. Buong-kataimtiman nila siyang kinausap hinggil sa mabubuting bagay na kanilang natutuhan sa aklat na The Divine Plan of the Ages. Bilang bunga, si G. Van Twest ay naging Estudyante ng Bibliya, at ang pangangaral ng mabuting balita ay napasimulan sa Sri Lanka.

Kahit yaong mga hindi makapaglakbay ay naghanap ng paraan upang ibahagi ang nakapupukaw-pusong mga katotohanan ng Bibliya sa mga tao sa ibang bansa. Tulad ng ipinakikita sa isang sulat ng pasasalamat na inilathala noong 1905, may isang tao sa Estados Unidos na nagpadala ng The Divine Plan of the Ages sa isang lalaki sa St. Thomas, sa tinatawag noon na Danish West Indies. Matapos basahin ito, ang tumanggap nito ay lumuhod at nagpahayag ng kaniyang taimtim na pagnanais na gamitin siya ng Diyos sa paggawa ng kaniyang kalooban. Noong 1911, tinukoy ni Bellona Ferguson ang kaniyang karanasan sa Brazil bilang “isang positibo, buháy na katunayan na walang tao gaano mang kalayo ang hindi maaabot” ng mga tubig ng katotohanan. Waring tumatanggap na siya ng mga publikasyon ng Samahan sa koreo mula pa noong 1899. Bago ang Digmaang Pandaigdig I, nasumpungan ng isang dayuhang Aleman sa Paraguay ang isa sa mga tract ng Samahan sa kaniyang buson. Pumidido siya ng karagdagang literatura at di-nagtagal ay pinutol ang kaniyang kaugnayan sa mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan. Walang iba sa lupaing iyon ang makagagawa nito, kung kaya sila ng kaniyang bayaw ang siyang nagbautismo sa isa’t isa. Tunay nga, isang patotoo ang ibinibigay sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa, at nagbubunga ito.

Napukaw ang iba pang mga Estudyante ng Bibliya na maglakbay sa dakong sinilangan nila o ng kanilang mga magulang upang ibalita sa mga kaibigan at kamag-anak ang kamangha-manghang layunin ni Jehova at kung papaano sila maaaring makibahagi rito. Kaya, noong 1895, si Brother Oleszynski ay bumalik sa Polandya taglay ang mabuting balita tungkol sa “pantubos, pagsasauli sa kasakdalan at makalangit na pagtawag”; bagaman, nakalulungkot, hindi siya nakapagtiis sa paglilingkurang iyon. Noong 1898 isang dating propesor, isang taga-Hungarya, ang umalis sa Canada upang ibalita ang mahalagang mensahe ng Bibliya sa kaniyang sariling bayan. Noong 1905 isang lalaki na naging isang Estudyante ng Bibliya sa Amerika ang umuwi sa Gresya upang magpatotoo. At noong 1913 isang kabataang lalaki ang nagdala ng mga binhi ng katotohanan ng Bibliya mula sa New York pauwi sa sariling bayan ng kaniyang pamilya, ang Ramallah, na hindi kalayuan sa Jerusalem.

Binubuksan ang Dakong Caribeano

Samantalang lumalaki ang bilang ng mga ebanghelisador sa Estados Unidos, Canada, at Europa, ang katotohanan ng Bibliya ay nagsisimula ring tumubo sa Panama, Costa Rica, Dutch Guiana (ngayo’y Suriname), at British Guiana (ngayo’y Guyana). Si Joseph Brathwaite, na nasa British Guiana nang siya’y matulungang makaunawa sa layunin ng Diyos, ay umalis patungong Barbados noong 1905 upang gumugol ng buo niyang panahon sa pagtuturo nito sa mga tagaroon. Sina Louis Facey at H. P. Clarke, na nakarinig ng mabuting balita habang nagtatrabaho sa Costa Rica, ay umuwi sa Jamaica noong 1897 upang ibahagi sa kanilang mga kababayan ang bagong-tuklas nilang pananampalataya. Ang mga tumanggap ng katotohanan doon ay naging masisigasig na manggagawa. Noong 1906 lamang, ang grupo sa Jamaica ay nakapamahagi ng mga 1,200,000 tract at iba pang literatura. Isa pang dayuhang manggagawa, na natuto ng katotohanan sa Panama, ang nagdala ng mensahe ng pag-asa ng Bibliya pauwi sa Grenada.

Ang rebolusyon sa Mexico noong 1910-11 ay naging paraan din upang makarating sa mga taong nagugutom sa katotohanan ang mensahe ng Kaharian ng Diyos. Maraming tao ang tumakas pahilaga tungo sa Estados Unidos. Doon ang ilan sa kanila’y nakausap ng mga Estudyante ng Bibliya, natuto hinggil sa layunin ni Jehova na magdulot ng namamalaging kapayapaan sa sangkatauhan, at nagpadala ng literatura pabalik sa Mexico. Subalit, hindi ito ang unang pagkakataon upang abutin ang Mexico ng mensaheng ito. Sing-aga ng 1893, inilathala ng Watch Tower ang isang liham mula kay F. de P. Stephenson, ng Mexico, na nakabasa ng ilang publikasyon ng Samahang Watch Tower at gusto pa ng higit upang ibahagi sa mga kaibigan niya kapuwa sa Mexico at sa Europa.

Upang buksan ang higit pang mga lupaing Caribeano sa pangangaral ng katotohanan ng Bibliya at organisahin ang regular na mga pulong para sa pag-aaral, isinugo ni Brother Russell si E. J. Coward sa Panama noong 1911 at pagkatapos ay sa mga pulo. Si Brother Coward ay isang matatag at masiglang tagapagpahayag, at madalas ay may daan-daang tagapakinig na dumaragsa upang pakinggan ang kaniyang mga pahayag na nagpapabulaan sa mga doktrina ng apoy ng impiyerno at pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, gayundin nagbabalita hinggil sa maluwahating kinabukasan para sa lupa. Palipat-lipat siya sa bayan-bayan, at sa iba’t ibang mga pulo​—St. Lucia, Dominica, St. Kitts, Barbados, Grenada, at Trinidad​—na inaabot hangga’t maaari ang pinakaraming tao. Siya’y nagsalita rin sa British Guiana. Samantalang nasa Panama, nakilala niya si W. R. Brown, isang masigasig na kabataang kapatid na taga-Jamaica, na pagkatapos ay naglingkod kasama ni Brother Coward sa ilang mga pulo ng Caribeano. Nang dakong huli, si Brother Brown ay tumulong upang mabuksan ang iba pang mga larangan.

Noong 1913, nagsalita si Brother Russell mismo sa Panama, Cuba, at Jamaica. Sa isang pahayag pangmadla na ibinigay niya sa Kingston, Jamaica, napunô ang dalawang awditoryum, at may 2,000 pa na hindi nakapasok. Nang walang sinabi ang tagapagsalita hinggil sa salapi at walang koleksiyong kinuha, pinansin ito ng mga pahayagan.

Umabot sa Aprika ang Liwanag ng Katotohanan

Noong panahong ito ang Aprika ay narating din ng liwanag ng katotohanan. Isang liham na ipinadala mula sa Liberia noong 1884 ang nagpakita na ang isang mambabasa ng Bibliya roon ay nakakuha ng kopya ng Food for Thinking Christians at gusto niya ng karagdagan pa upang ibahagi sa iba. Ilang taon pagkaraan nito, iniulat na isang klerigo sa Liberia ang nagbitiw sa kaniyang pulpito upang malaya niyang maipangaral ang katotohanan ng Bibliya na natututuhan niya sa tulong ng Watch Tower at na may regular na mga pulong na idinaraos doon ang isang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya.

Isang ministro ng Dutch Reformed Church mula sa Olandiya ang nagdala ng ilang publikasyon ni C. T. Russell nang siya’y isugo sa Timog Aprika noong 1902. Bagaman hindi siya nagpatuloy na makinabang mula sa mga ito, sina Frans Ebersohn at Stoffel Fourie, na nakakita sa literaturang ito sa aklatan niya, ang siyang nakinabang. Pagkalipas ng ilang taon, naragdagan ang bilang sa bahaging iyon ng larangan nang ang dalawang masigasig na Estudyante ng Bibliya ay dumayo mula sa Scotland tungo sa Durban, Timog Aprika.

Nakalulungkot nga, ang ilan sa kabilang sa mga kumuha ng literaturang isinulat ni Brother Russell at nagturo nito sa iba, tulad nina Joseph Booth at Elliott Kamwana, ay naghalo ng kanilang sariling mga idea, sa layuning mag-udyok ng isang panlipunang pagbabago. Sa ilang mga tagamasid sa Timog Aprika at Nyasaland (nang huli’y Malawi), ito’y nagdulot ng pagkalito kung sino talaga ang tunay na mga Estudyante ng Bibliya. Gayunman, marami ang nakikinig at nagpapahalaga sa mensaheng umaakay ng pansin sa Kaharian ng Diyos bilang lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan.

Subalit, kung ang pag-uusapan ay ang malawakang pangangaral sa Aprika, ito’y nasa hinaharap pa.

Patungong Silangan at sa mga Pulo ng Pasipiko

Di-natagalan matapos unang ipamahagi ang mga publikasyon ni C. T. Russell sa Britanya, nakarating din ang mga ito sa Silangan. Noong 1883, si Binibining C. B. Downing, isang misyonerang Presbiteryano sa Chefoo (Yantai), Tsina, ay tumanggap ng kopya ng Watch Tower. Pinahalagahan niya ang kaniyang natutuhan tungkol sa pagsasauli sa kasakdalan at ibinahagi niya ang literatura sa ibang mga misyonero, kabilang dito si Horace Randle, na kaanib ng Baptist Mission Board. Nang malaunan, higit na pinukaw ang interes niya dahil sa isang anunsiyo para sa Millennial Dawn na lumabas sa Times ng London, at sinundan pa ito ng mga kopya mismo ng aklat​—isa mula kay Binibining Downing at isa na ipinadala ng kaniyang ina sa Inglatera. Sa pasimula, siya ay nabigla sa kaniyang nabasa. Subalit dahil nakumbinse siya na ang Trinidad ay hindi turo ng Bibliya, siya’y nagbitiw sa Baptist Church at ibinahagi sa ibang mga misyonero ang kaniyang natutuhan. Noong 1900 siya’y nag-ulat na nagpadala siya ng 2,324 na liham at mga 5,000 tract sa mga misyonero sa Tsina, Hapon, Korea, at Siam (Thailand). Noong panahong iyon ang pagpapatotoo sa Silangan ay pangunahing ginagawa sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan.

Noong panahon ding iyon, ang mga binhi ng katotohanan ay inihasik din sa Australia at New Zealand. Ang una sa “mga binhing” ito na dumating sa Australia ay maaaring dinala roon noong 1884 o hindi nagtagal pagkatapos nito ng isang lalaking unang nilapitan ng isang Estudyante ng Bibliya sa isang parke sa Inglatera. Ang ibang “mga binhi” ay nakarating sa pamamagitan ng koreo mula sa mga kaibigan at kamag-anak sa ibayong dagat.

Sa loob ng ilang taon pagkatapos maitatag ang Commonwealth of Australia noong 1901, ang daan-daang tao roon ay naging mga suskritor ng Watch Tower. Bilang bunga ng gawain niyaong mga nakakita ng pribilehiyong ibahagi ang katotohanan sa iba, libu-libong tract ang ipinadala sa mga taong nasa talaan ng mga botante. Marami pa ang naipamahagi sa mga lansangan, at mga pake-paketeng tract ang inihagis mula sa bintana ng tren sa mga manggagawa at paisa-isang naninirahan sa liblib na mga lugar sa tabi ng riles ng tren. Ang mga tao ay pinatatalastasan hinggil sa nalalapit nang katapusan ng Panahon ng mga Gentil sa 1914. Si Arthur Williams, Sr., ay nagsalita tungkol dito sa lahat ng parokyano sa kaniyang tindahan sa Western Australia at inanyayahan ang mga interesado sa kaniyang tahanan ukol sa higit pang mga pag-uusap.

Kung sino ang unang nakarating sa New Zealand na may dalang katotohanan ng Bibliya ay hindi nalalaman ngayon. Subalit noong 1898, si Andrew Anderson, isang taga-New Zealand, ay nakabasa ng sapat na mga publikasyon ng Watch Tower anupat napukaw siya na palaganapin ang katotohanan doon bilang colporteur. Ang kaniyang mga pagsisikap ay dinagdagan noong 1904 ng ibang mga colporteur na nanggaling sa Amerika at sa tanggapang pansangay ng Samahan na itinatag noong taóng iyon sa Australia. Si Gng. Thomas Barry, sa Christchurch, ay kumuha ng anim na tomo ng Studies in the Scriptures mula sa isa sa mga colporteur. Binasa ito ng kaniyang anak na si Bill noong 1909 habang nasa anim-na-linggong paglalakbay sa barko papuntang Inglatera at nakilala niya ang katotohanan ng nilalaman nito. Pagkalipas ng maraming taon ang kaniyang anak na si Lloyd ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.

Isa sa masisigasig na manggagawa noong mga araw na iyon ay si Ed Nelson, na, bagaman hindi gaanong mataktika, ay gumugol ng buong panahon sa loob ng 50 taon sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian mula sa dulong hilaga ng New Zealand hanggang sa timog. Pagkalipas ng ilang taon, sinamahan siya ni Frank Grove, na naghasang mabuti sa kaniyang memorya yamang malabo ang kaniyang paningin at nagpayunir din ng mahigit sa 50 taon hanggang sa kaniyang kamatayan.

Paglibot sa Daigdig sa Ikauunlad ng Pangangaral ng Mabuting Balita

Isang malaking hakbang ang kinuha noong 1911-12 upang tulungan ang mga tao sa Silangan. Isinugo ng International Bible Students Association ang isang komite ng pitong lalaki, na pinangunahan ni C. T. Russell, upang personal na suriin ang mga kalagayan doon. Saanman sila pumaroon sila’y nagsalita hinggil sa layunin ng Diyos na magdala ng mga pagpapala sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesianikong Kaharian. Kung minsan kakaunti lamang ang nakikinig, pero sa Pilipinas at sa India, umabot sa ilang libo. Hindi nila itinaguyod ang popular na kampanya noong panahong iyon na mangulekta ng pondo upang kumbertihin ang buong daigdig. Napansin nila na ang karamihan ng pagsisikap ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay upang magpaunlad ng sekular na edukasyon. Ngunit naniwala si Brother Russell na ang kailangan ng mga tao ay “ang Ebanghelyo ng maibiging paglalaan ng Diyos sa darating na Kaharian ng Mesiyas.” Sa halip na umasang kumbertihin ang sanlibutan, naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya mula sa Kasulatan na ang dapat gawin ay ang magpatotoo at na ito’y magpapangyaring tipunin “ang ilang pinili mula sa lahat ng bansa, bayan, angkan at wika upang maging miyembro ng uring Kasintahan [ni Kristo]​—upang umupong kasama Niya sa Kaniyang luklukan sa loob ng isang libong taon, na tumutulong sa pagpapasakdal ng buong lahi ng sangkatauhan.” a​—Apoc. 5:9, 10; 14:1-5.

Pagkatapos na gumugol ng panahon sa Hapón, Tsina, Pilipinas, at iba pang mga lugar, ang mga miyembro ng komite ay naglakbay pa ng 6,400 kilometro sa India. Ang ilang indibiduwal sa India ay nakabasa na ng literatura ng Samahan at nakaliham na upang ipahayag ang kanilang pasasalamat noon pang 1887. Isang aktibong pagpapatotoo sa mga nagsasalita ng wikang Tamil mula noong 1905 ang naisagawa ng isang binata na, bilang estudyante sa Amerika, ay nakilala si Brother Russell at natuto ng katotohanan. Ang binatang ito ay tumulong upang maitatag ang 40 grupo ng pag-aaral sa Bibliya sa timog ng India. Subalit, matapos mangaral sa iba, siya mismo ay inalisan ng pagsang-ayon dahil sa pagtatakwil niya sa mga pamantayang Kristiyano.​—Ihambing ang 1 Corinto 9:26, 27.

Gayunman, halos kasabay nito, si A. J. Joseph, ng Travancore (Kerala), bilang tugon sa isang tanong na ipinakoreo niya sa isang prominenteng Adbentista, ay pinadalhan ng tomo ng Studies in the Scriptures. Nasumpungan niya rito ang kasiya-siyang maka-Kasulatang sagot sa kaniyang mga tanong tungkol sa Trinidad. Di-nagtagal siya at ang kaniyang mga kasambahay ay humayo sa mga palayan at niyugan ng timog India upang ibahagi ang bagong-tuklas nilang mga paniniwala. Pagkatapos ng dalaw ni Brother Russell noong 1912, si Brother Joseph ay pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Sa pamamagitan ng tren, karetong hila ng baka, bangka, at paglalakad, siya’y naglakbay upang ipamahagi ang literatura sa Bibliya. Nang magpahayag siya sa madla, madalas ay ginugulo ito ng mga klero at ng kanilang mga tagasunod. Sa Kundara, habang sinusulsulan ng isang klerigong “Kristiyano” ang kaniyang mga tagasunod na guluhin ang gayong miting at batuhin ng dumi ng baka si Brother Joseph, isang may impluwensiyang lalaking Hindu ang lumapit upang alamin kung bakit maingay. Tinanong niya ang klerigo: ‘Iyan ba ang halimbawang iniwan ni Kristo para sundin ng mga Kristiyano, o iyan kaya ay katulad ng ginawa ng mga Fariseo noong panahon ni Jesus?’ Umatras ang klerigo.

Bago natapos ang apat-na-buwang paglibot sa daigdig ng komite ng IBSA, isinaayos ni Brother Russell na si R. R. Hollister ang gawing kinatawan ng Samahan sa Silangan at ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng mensahe ng maibiging paglalaan ng Diyos na Mesianikong Kaharian sa mga tagaroon. May inihandang pantanging mga tract sa sampung wika, at angaw-angaw ang ipinamahagi sa India, Tsina, Hapón, at Korea ng lokal na mga tagapamahagi. Pagkatapos ay isinalin ang mga aklat sa apat sa mga wikang ito upang maglaan ng karagdagang espirituwal na pagkain sa mga nagpakita ng interes. Narito ang isang malawak na larangan, at marami pa ang kailangang gawin. Ngunit, ang naisagawa na hanggang sa panahong iyon ay tunay na kamangha-mangha.

Kapansin-pansing Patotoo ang Ibinigay

Bago sumiklab ang nakapangwawasak na unang digmaang pandaigdig, isang malawakang pagpapatotoo ang naibigay na sa buong daigdig. Si Brother Russell ay naglakbay upang magsalita sa daan-daang lunsod sa Estados Unidos at Canada, naglakbay ng ilang beses sa Europa, nakapagsalita sa Panama, Jamaica, at Cuba, bukod pa sa pangunahing mga lunsod ng Silangan. Sampu-sampung libong tao ang personal na nakarinig ng kaniyang nakapupukaw na mga pahayag sa Bibliya at nakapagmasid habang sinasagot niya sa publiko mula sa Kasulatan ang mga tanong na ibinangon ng kapuwa kaibigan at kaaway. Dahil dito malaking interes ang napukaw, at libu-libong pahayagan sa Amerika, Europa, Timog Aprika, at Australia ang regular na naglimbag ng mga sermon ni Brother Russell. Milyun-milyong aklat, gayundin daan-daang milyong tract at iba pang literatura sa 35 wika, ang naipamahagi ng mga Estudyante ng Bibliya.

Bagaman namumukud-tangi ang papel na ginampanan niya, hindi lamang si Brother Russell ang nangangaral noon. Ang iba rin, na nakakalat sa buong globo, ay nagkakaisa ng kanilang tinig bilang mga saksi ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Hindi lahat ng mga nakibahagi ay mga tagapagpahayag sa madla. Sila’y nagmula sa lahat ng antas ng buhay, at ginamit nila ang bawat angkop na pamamaraan na mayroon sila upang palaganapin ang mabuting balita.

Noong Enero 1914, wala pang isang taon bago dumating ang katapusan ng Panahon ng mga Gentil, isa pang masinsinang patotoo ang inilunsad. Ito’y ang “Photo-Drama of Creation,” na sa isang bagong pamamaraan ay nagpatingkad ng layunin ng Diyos para sa lupa. Ginawa ito sa pamamagitan ng magagandang de-kulay na slides at pelikula, na sinasabayan ng tunog. Iniulat ng mga pahayagan sa Estados Unidos na ito’y pinanonood linggu-linggo ng daan-daang libong mga tao. Sa katapusan ng unang taon nito, ang kabuuang bilang ng mga nanood sa Estados Unidos at Canada ay umabot sa halos walong milyon. Sa London, Inglatera, umapaw ang mga tao sa Opera House at sa Royal Albert Hall upang panoorin ang presentasyon na binubuo ng apat na bahagi na may tig-2 oras. Sa loob lamang ng kalahating taon, mahigit sa 1,226,000 ang dumalo sa 98 lunsod sa British Isles. Napunô ng mga tao sa Alemanya at Switzerland ang ginamit na mga bulwagan doon. Napanood din ito ng maraming mga mánonóod sa Scandinavia at sa Timog Pasipiko.

Tunay na isang kapansin-pansin, masinsinan, at pambuong-daigdig na pagpapatotoo ang naibigay sa unang mga dekada ng modernong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova! Subalit, ang totoo, ito’y pasimula pa lamang ng gawain.

Iilang daan lamang ang aktibong nakikibahagi sa pagpapalaganap ng katotohanan ng Bibliya noong unang bahagi ng dekada ng 1880. Pagsapit ng 1914, ayon sa mga ulat na makukuha, mga 5,100 ang nakibahagi sa gawain. Ang iba ay maaaring paminsan-minsang namahagi ng ilang tract. Kakaunti pa ang mga manggagawa.

Pinalawak ng maliit na grupong ito ng mga ebanghelisador, sa iba’t ibang paraan, ang paghahayag ng Kaharian ng Diyos sa 68 lupain hanggang sa huling bahagi ng 1914. At ang gawain nila bilang mángangarál at tagapagturo ng Salita ng Diyos ay natatag na at may regular na kaayusan sa 30 lupaing ito.

Milyun-milyong aklat at daan-daang milyong tract ang naipamahagi bago nagtapos ang Panahon ng mga Gentil. Bukod pa rito, noong 1913 halos 2,000 pahayagan ang regular na naglilimbag ng mga sermon na inihanda ni C. T. Russell, at noong taóng 1914 ang mga tagapanood na may kabuuang mahigit na 9,000,000 katao sa tatlong kontinente ay nakapanood ng “Photo-Drama of Creation.”

Tunay nga, isang kamangha-manghang pagpapatotoo ang naibigay! Subalit may mas malaki pang darating.

[Talababa]

a Ang isang kumpletong ulat hinggil sa paglibot na ito sa buong daigdig ay lumilitaw sa The Watch Tower ng Abril 15, 1912.

[Mapa/Larawan sa pahina 405]

Si C. T. Russell ay personal na nagpahayag sa Bibliya sa mahigit na 300 lunsod (sa mga dakong minarkahan ng tuldok) sa Hilagang Amerika at sa Caribeano​—marami sa mga ito ay 10 o 15 ulit pa

[Mapa]

(Tingnan ang publikasyon)

[Mapa sa pahina 407]

(Tingnan ang publikasyon)

Ang mga paglibot ni Russell upang mangaral sa Europa, na kalimitan ay dumaraan sa Inglatera

1891

1903

1908

1909

1910 (makalawa)

1911 (makalawa)

1912 (makalawa)

1913

1914

[Mapa/Larawan sa pahina 408]

Nang makumbinse na nasumpungan na niya ang katotohanan, si Andreas Øiseth ay masigasig na namahagi ng literatura sa Bibliya sa halos bawat lugar sa Norway

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NORWAY

Arctic Circle

[Mapa/Larawan sa pahina 409]

Si Adolf Weber, isang hamak na hardinero, ay nagpalaganap ng mabuting balita mula sa Switzerland tungo sa ibang mga lupain sa Europa

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

BELGIUM

ALEMANYA

SWITZERLAND

ITALYA

PRANSYA

[Mapa/Larawan sa pahina 413]

Si Bellona Ferguson, sa Brazil​—“walang tao gaano mang kalayo na hindi maaabot”

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

BRAZIL

[Mapa sa pahina 415]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ALASKA

CANADA

GREENLAND

ST. PIERRE & MIQUELON

ESTADOS UNIDOS NG AMERIKA

BERMUDA

BAHAMAS

TURKO & CAICOS ISLANDS

CUBA

MEXICO

BELIZE

JAMAICA

HAITI

DOMINICAN REPUBLIC

PUERTO RICO

CAYMAN ISLANDS

GUATEMALA

EL SALVADOR

HONDURAS

NICARAGUA

COSTA RICA

PANAMA

VENEZUELA

GUYANA

SURINAME

FRENCH GUIANA

COLOMBIA

ECUADOR

PERU

BRAZIL

BOLIVIA

PARAGUAY

CHILE

ARGENTINA

URUGUAY

FALKLAND ISLANDS

VIRGIN ISLANDS (E.U.)

VIRGIN ISLANDS (BRITANYA)

ANGUILLA

ST. MAARTEN

SABA

ST. EUSTATIUS

ST. KITTS

NEVIS

ANTIGUA

MONTSERRAT

GUADELOUPE

DOMINICA

MARTINIQUE

ST. LUCIA

ST. VINCENT

BARBADOS

GRENADA

TRINIDAD

ARUBA

BONAIRE

CURAÇAO

KARAGATANG ATLANTIKO

DAGAT CARIBEANO

KARAGATANG PASIPIKO

[Mapa sa pahina 416, 417]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

GREENLAND

SWEDEN

ICELAND

NORWAY

FAEROE ISLANDS

PINLANDYA

RUSYA

ESTONIA

LATVIA

LITHUANIA

BELARUS

UKRAINE

MOLDOVA

GEORGIA

ARMENIA

AZERBAIJAN

TURKMENISTAN

UZBEKISTAN

KAZAKHSTAN

TAJIKISTAN

KYRGYZSTAN

POLANDYA

ALEMANYA

NETHERLANDS

DENMARK

BRITANYA

IRLANDYA

BELGIUM

LUXEMBOURG

LIECHTENSTEIN

SWITZERLAND

CZECHOSLOVAKIA

AUSTRIA

HUNGARYA

ROMANIA

YUGOSLAVIA

SLOVENIA

CROATIA

BOSNIA & HERZEGOVINA

BULGARIA

ALBANIA

ITALYA

GIBRALTAR

ESPANYA

PORTUGAL

MADEIRA

MOROCCO

KANLURANG SAHARA

SENEGAL

ALGERIA

LIBYA

EHIPTO

LEBANON

ISRAEL

CYPRUS

SYRIA

TURKIYA

IRAQ

IRAN

BAHRAIN

KUWAIT

JORDAN

SAUDI ARABIA

QATAR

UNITED ARAB EMIRATES

OMAN

YEMEN

DJIBOUTI

SOMALIA

ETHIOPIA

SUDAN

CHAD

NIGER

MALI

MAURITANIA

GAMBIA

GUINEA-BISSAU

SIERRA LEONE

LIBERIA

CÔTE D’IVOIRE

GHANA

TOGO

BENIN

EQUATORIAL GUINEA

ST. HELENA

GUINEA

BURKINA FASO

NIGERIA

CENTRAL AFRICAN REPUBLIC

CAMEROON

SÃO TOMÉ

CONGO

GABON

ZAIRE

ANGOLA

ZAMBIA

NAMIBIA

BOTSWANA

TIMOG APRIKA

LESOTHO

SWAZILAND

MOZAMBIQUE

MADAGASCAR

RÉUNION

MAURITIUS

RODRIGUES

ZIMBABWE

MAYOTTE

COMOROS

SEYCHELLES

MALAWI

TANZANIA

BURUNDI

RWANDA

UGANDA

PRANSYA

PAKISTAN

AFGHANISTAN

NEPAL

BHUTAN

MYANMAR

BANGLADESH

INDIA

SRI LANKA

GRESYA

MALTA

TUNISIA

KENYA

KARAGATANG ATLANTIKO

INDIAN OCEAN

ALASKA

MONGOLIA

DEMOCRATIC PEOPLE’S REPUBLIC OF KOREA

HAPÓN

REPUBLIKA NG KOREA

TSINA

MACAO

TAIWAN

HONG KONG

LAOS

THAILAND

VIETNAM

CAMBODIA

PILIPINAS

BRUNEI

MALAYSIA

SINGAPORE

INDONESIA

SAIPAN

ROTA

GUAM

YAP

BELAU

CHUUK

POHNPEI

KOSRAE

MARSHALL ISLANDS

NAURU

PAPUA NEW GUINEA

AUSTRALIA

NEW ZEALAND

NORFOLK ISLAND

NEW CALEDONIA

WALLIS & FUTUNA ISLANDS

VANUATU

TUVALU

FIJI

KIRIBATI

TOKELAU

HAWAII

WESTERN SAMOA

AMERICAN SAMOA

NIUE

TONGA

COOK ISLANDS

TAHITI

SOLOMON ISLANDS

KARAGATANG PASIPIKO

INDIAN OCEAN

[Mapa/Larawan sa pahina 421]

Si A. J. Joseph, ng India, kasama ang kaniyang anak na si Gracie, na nang dakong huli ay naglingkod bilang misyonerang sinanay sa Gilead

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

INDIA

[Larawan sa pahina 411]

Ang bagong kasal na si Hermann Herkendell, kasama ang kaniyang asawa, ay nagpulot-gata sa pamamagitan ng paglalakbay ng ilang buwan upang mangaral sa mga taong nagsasalita ng Aleman sa Rusya

[Mga larawan sa pahina 412]

Sinikap ng mga colporteur sa Inglatera at Scotland na bigyan ang bawat isa ng pagkakataong tumanggap ng pagpapatotoo; maging ang mga anak nila ay tumulong sa pamamahagi ng mga tract

[Larawan sa pahina 414]

Si E. J. Coward ay masigasig na nagpalaganap ng katotohanan ng Bibliya sa palibot ng Caribeano

[Larawan sa pahina 418]

Sina Frank Grove (kaliwa) at Ed Nelson (makikita rito kasama ng kani-kanilang asawa) ay gumugol bawat isa ng 50 taon upang magpalaganap ng mensahe ng Kaharian sa New Zealand nang buong panahon

[Larawan sa pahina 420]

Si C. T. Russell at ang anim na kasamahan ay naglibot sa buong daigdig noong 1911-12 upang paunlarin ang pangangaral ng mabuting balita