Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsasalin ng Dugo—Gaano Kaligtas?

Pagsasalin ng Dugo—Gaano Kaligtas?

Pagsasalin ng Dugo—Gaano Kaligtas?

Bago pailalim sa alinmang seryosong medikal na pamamaraan, pag-aaralan muna ng taong palaisip ang magiging pakinabang at panganib mula rito. Kumusta ang pagsasalin ng dugo? Ito’y isa nang saligang kasangkapan sa medisina. Maraming taimtim na manggagamot ang hindi mag-aatubili sa pagsasalin ng dugo sa kanilang pasyente. Tinatawag ito na kaloob ng buhay.

Milyun-milyon na ang nakapag-abuloy ng dugo o tumanggap nito. Noong 1986-87 sa populasyon ng Canada na 25 milyon ay 1.3 milyon ang nag-abuloy. “[Sa] pinakahuling taon na may makukuhang ulat, 12 milyon hanggang 14 milyong yunit ng dugo ang naisalin sa Estados Unidos lamang.”—The New York Times, Pebrero 18, 1990.

“Ang dugo ay laging may ‘makahimalang’ katangian,” sabi ni Dr. Louise J. Keating. “Sa unang 46 na taon, itinuring kapuwa ng mga doktor at ng publiko na ang suplay ng dugo ay mas ligtas kaysa sa aktuwal na katotohanan.” (Cleveland Clinic Journal of Medicine, Mayo 1989) Ano ang situwasyon noon, at ano naman ang sa ngayon?

Kahit noong nagdaang 30 taon, pinayuhan na ang mga pathologist at mga empleyado ng bangko ng dugo: “Ang dugo ay dinamita! Magdudulot ito ng malaking pakinabang o ng malaking pinsala. Ang namamatay sa pagsasalin ng dugo ay kasindami niyaong sa ether na pampatulog o sa operasyon ng apendisitis. Di-umano, humigit-kumulang isa ang namamatay sa bawat 1,000 hanggang 3,000 o posible pang 5,000 pagsasalin. Sa kapaligiran ng Londres iniuulat na isa ang namamatay sa bawat 13,000 botelya ng dugong isinasalin.”​—New York State Journal of Medicine, Enero 15, 1960.

Mula noon naalis na ba ang mga panganib anupat ligtas na ngayon ang pagsasalin? Ang totoo, sa bawat taon, daan-daang libo ang nagkakaroon ng masamang reaksiyon sa dugo, at marami ang namamatay. Dahil sa mga komentong ito, baka naiisip ninyo ang mga sakit na dulot ng dugo. Bago suriin ang aspetong ito, isaalang-alang ang ilang panganib na hindi gaanong nababalitaan.

ANG DUGO AT ANG INYONG PANDEPENSA SA SAKIT

Sa pasimula ng ika-20 siglo, pinalawak ng mga siyentipiko ang unawa ng tao sa kamangha-manghang pagka-masalimuot ng dugo. Natuklasan nila na may iba’t-ibang tipo ng dugo. Ang pagpaparis sa dugo ng may-abuloy at ng dugo ng pasyente ay lubhang mahalaga sa pagsasalin. Kung ang may dugong type A ay tatanggap ng type B, maaari siyang dumanas ng malubhang reaksiyong hemolitiko (pagbaba ng hemoglobin). Maaaring malipol ang maraming pulang selula at agad siyang mamatay. Bagaman rutina na lamang ang paghahambing at pagpaparis ng tipo ng dugo, maaari pa ring magkamali. Bawat taon marami ang namamatay dahil sa mga reaksiyong hemolitiko.

Ipinakikita ng katibayan na ang suliranin sa di-pagtutugma ay mahigit pa sa iilang tipo ng dugo na sinisikap pagparisin ng mga ospital. Bakit? Sa kaniyang artikulo na “Blood Transfusion: Uses, Abuses, and Hazards,” ay sumusulat si Dr. Douglas H. Posey, Jr.: “Halos 30 taon na ang nakalilipas nang ilarawan ni Sampson ang pagsasalin ng dugo bilang isang mapanganib na pamamaraan . . . [Mula noon] hindi kukulangin sa 400 karagdagang red cell antigen (sangkap sa katawan na nagpaparami ng antibody) ang nabilang at nakilala. Tiyak na tataas pa ito sapagkat ang balat ng pulang selula ay lubhang masalimuot.”—Journal of the National Medical Association, Hulyo 1989.

Pinag-aaralan ngayon ng mga siyentipiko ang epekto ng isinaling dugo sa pandepensa o immune system ng katawan. Ano ang kahulugan nito para sa inyo o sa isang kamag-anak na nangangailangan ng operasyon?

Kapag pinapalitan ng mga doktor ang puso, atay, o iba pang sangkap, ang banyagang tissue ay nararamdaman ng immune system ng pasyente at ito ay tinatanggihan. Oo, ang pagsasalin ay isa ring pagpapalit ng tissue (tissue transplant). Ang pandepensa ng katawan sa sakit ay maaaring mapigilan kahit na ng dugo na “wasto” ang pagkakaparis. Sa isang komperensiya ng mga pathologist, ipinakita ng daandaang ulat “na ang pagsasalin ng dugo ay nauugnay sa mga reaksiyon ng pandepensa ng katawan sa sakit.”​—“Case Builds Against Transfusions,” Medical World News, Disyembre 11, 1989.

Ang isang pangunahing atas ng inyong pandepensa sa sakit ay ang pagtuklas at pagpuksa sa mga selulang nakamamatay (may-kanser). Aakay ba sa kanser at kamatayan ang pagpigil sa pandepensa ng katawan? Pansinin ang dalawang ulat.

Iniulat ng lathalaing Cancer (Pebrero 15, 1987) ang mga resulta ng isang pag-aaral na ginawa sa Olandiya: “Sa mga pasyenteng may kanser sa malaking bituka, natuklasan na isinasapanganib ng pagsasalin ang pagkakaroon ng mas mahabang buhay. Sa grupong ito ay may pamantayang 5-taon ng dagdag na buhay para sa 48% ng mga pasyenteng sinalinan at 74% para sa mga hindi sinalinan.” Sinubaybayan ng mga manggagamot sa University of Southern California ang isandaang pasyente na inoperahan sa kanser. “Ang antas ng pag-ulit ng kanser sa babagtingan (larynx) ay 14% para sa mga hindi sinalinan ng dugo at 65% para sa mga sinalinan. Para sa kanser ng bibig, lalaugan (pharynx), at ilong o sinus, ang antas ng pag-ulit ay 31% sa walang pagsasalin at 71% sa mga sinalinan.”​—Annals of Otology, Rhinology & Laryngology, Marso 1989.

Ano ang ipinakikita ng mga pag-aaral na ito sa pagsasalin? Sa kaniyang artikulo na “Blood Transfusions and Surgery for Cancer,” ganito ang ipinasiya ni Dr. John S. Spratt: “Ang siruhano sa kanser ay kailangang maging isang siruhano na hindi gumagamit ng dugo.”—The American Journal of Surgery, Setyembre 1986.

Isa pang pangunahing atas ng inyong pandepensa sa sakit ay ang paglaban sa impeksiyon. Kaya madaling mauunawaan kung bakit ayon sa ilang pag-aaral, ang mga pasyenteng tumatanggap ng dugo ay mas madaling magka-impeksiyon. Pinag-aralan ni Dr. P. I. Tartter ang mga operasyon sa malaking bituka at puwit. Sa mga pasyenteng sinalinan, 25 porsiyento ang nagkaroon ng impeksiyon, kung ihahambing sa 4 na porsiyento sa mga hindi sinalinan. Iniuulat niya: “Ang dugo ay iniugnay sa mga komplikasyon ng impeksiyon nang ito ay isalin bago, samantala, at pagkaraan ng operasyon . . . Ang panganib ng impeksiyon pagkatapos ng operasyon ay sumulong kasuwato ng dami ng mga yunit ng dugo na isinalin.” (The British Journal of Surgery, Agosto 1988) Ito ang natutuhan ng mga dumalo sa isang pagtitipon ng American Association of Blood Banks noong 1989: Bagaman 23 porsiyento ng mga sinalinan ng dugo ng ibang tao ay nagkaroon ng impeksiyon nang sila ay operahan sa balakang, yaong mga hindi sinalinan ay wala ni anomang impeksiyon.

Sumulat si Dr. John A. Collins hinggil sa epektong ito ng pagsasalin ng dugo: “Kabalintunaan na ang isang ‘lunas’ na kakaunti ang naidudulot na pakinabang ay matutuklasan sa dakong huli na lalo palang nagpapalubha sa isang pangunahing problema na napapaharap sa mga pasyente.”​—World Journal of Surgery, Pebrero 1987.

LIGTAS SA SAKIT O LIPOS NG PANGANIB?

Ang mga sakit na dala ng dugo ay nagdudulot ng alalahanin sa taimtim na mga doktor at sa mga pasyente. Aling sakit? Oo, hindi maaaring bumanggit ng isa lamang; napakarami talaga nito.

Pagkatapos talakayin ang mas kilalang mga sakit, ibinaling ng Techniques of Blood Transfusion (1982) ang pansin sa “ibang nakakahawang sakit na kaugnay ng pagsasalin,” gaya ng sipilis, impeksiyong cytomegalovirus (milyun-milyong mikrobyo sa selula), at malaria. Saka sinabi nito: “Marami pang ibang sakit ang idinudulot ng pagsasalin ng dugo, pati na ang impeksiyon na likha ng herpes virus, mononucleosis (Epstein-Barr virus), toxoplasmosis (pagkalason ng dugo), trypanosomiasis [African sleeping sickness at Chagas’ disease], leishmaniasis (impeksiyon mula sa mga parasito), brucellosis (paulit-ulit na lagnat na may lakip na kirot at pamamaga ng mga kasukasuan), tipus, filariasis (sakit mula sa kagat ng kulisap), tigdas, salmonellosis (impeksiyon ng daanan ng ihi), at Colorado tick fever (lagnat mula sa niknik).”

Ang totoo’y humahaba ang talaan ng mga sakit na ito. Baka nakabasa na kayo ng headline na gaya ng “Lyme Disease Mula sa Pagsasalin? Mahirap Mangyari, Subalit Nag-iingat ang mga Eksperto.” Gaano kaligtas ang dugong galing sa isang positibong tagapagdala ng Lyme disease? Isang grupo ng mga opisyal ng kalusugan ang tinanong kung magpapasalin sila ng dugong ito. “Lahat ay sumagot ng hindi, bagaman walang nagmungkahi na itapon ito.” Ano ang dapat madama ng publiko hinggil sa ibinangkong dugo na ayaw tanggapin ng mga eksperto mismo?​—The New York Times, Hulyo 18, 1989.

Ang pangalawang dahilan upang mabahala ay sapagkat ang dugong tinipon sa isang bansa na doo’y laganap ang isang partikular na sakit ay maaaring gamitin sa ibang malayong bansa, na kung saan ang madla at ang mga doktor ay hindi nakababatid sa panganib. Dahil sa makabagong paglalakbay, kabilang ang mga takas at mga mandarayuhan, lumulubha ang panganib ng pag-iral sa dugo ng kakaibang mga sakit.

Bukod dito, nagbabala ang isang espesyalista sa sakit na nakakahawa: “Ang suplay ng dugo ay dapat suriing mabuti upang huwag mahawa sa mga sakit na noong una’y hindi itinuring na nakakahawa, gaya ng leukemia, lymphoma (tumor), at pagkahibang [o Alzheimer’s disease].”​—Transfusion Medicine Reviews, Enero 1989.

Bagaman nakapaninindig-balahibo ang mga panganib na ito, ang ibang sakit ay mas lalo pang nakasisindak.

ANG PANDEMYA NG AIDS

“Lubusan nang binago ng AIDS ang kaisipan ng mga doktor at pasyente hinggil sa dugo. At mabuti nga ito, sabi ng mga doktor na nagtipon sa National Institues of Health para sa isang komperensiya sa pagsasalin ng dugo.”—Washington Post, Hulyo 5, 1988.

Parang paghihiganti, ang pandemya ng AIDS (acquired immunodeficiency syndrome) ay pumukaw sa mga tao sa panganib na mahawa sa sakit dahil sa dugo. Milyun-milyon na ang nahawa. Hindi mapigil ang paglaganap nito. At halos 100 porsiyento ang namamatay dito.

Ang AIDS ay dulot ng human immunodeficiency virus (HIV) [mikrobyo na pumipinsala sa pandepensa ng tao sa sakit], na maaaring ikalat ng dugo. Ang makabagong salot ng AIDS ay natuklasan noong 1981. Nang sumunod na taon, napag-alaman ng mga eksperto sa kalusugan na ang virus ay posibleng madala ng dugo. Inaamin ngayon na hindi agad tumugon ang industriya ng dugo, kahit mayroon nang mga pagsusuri na nagpapakilala sa dugong may HIV antibody (mga sangkap na panlaban sa sakit). Sa wakas ang pagsusuri sa iniaabuloy na dugo ay sinimulan noong 1985, a bagaman hindi ito ginawa sa dugo na dati nang nakabangko.

Mula noon ay tiniyak sa madla, ‘Ang suplay ng dugo ay ligtas na.’ Subalit, pagkaraan nito, inihayag ang pag-iral ng isang mapanganib na “yugto ng paghihintay” para sa AIDS. Pagkatapos mahawa ang isang tao, maaaring lumipas ang maraming buwan bago matuklasan na siya ay nakalikha na ng mga antibody. Walang kamalay-malay na mayroon na pala siyang virus, maaari siyang makapag-abuloy ng dugo na negatibo nang suriin para sa AIDS. Nangyari na ito. May mga taong dinapuan ng AIDS matapos masalinan ng gayong dugo!

Ang larawan ay lalong naging malagim. Iniulat ng The New England Journal of Medicine (Hunyo 1, 1989) ang tungkol sa “Tahimik na Impeksiyon ng HIV.” Napatunayan na maaaring taglayin ng tao ang AIDS virus sa loob ng maraming taon nang hindi natutuklasan ng kasalukuyang di-tuwirang mga pagsusuri. Minamaliit ng iba ang ganitong pambihirang mga kaso, ngunit pinatutunayan lamang nito “na hindi lubusang mapapawi ang panganib ng pagkahawa sa AIDS sa pamamagitan ng dugo at ng mga sangkap nito.” (Patient Care, Nobyembre 30, 1989) Ang nakababahalang konklusyon: Ang isang negatibong pagsusuri ay hindi dapat ituring na palatandaan ng mabuting kalusugan. Ilan pa ang mahahawa ng AIDS dahil sa dugo?

ANG SUSUNOD NA YABAG? O MGA YABAG?

Maraming nakatira sa apartment ang nakarinig ng yabag ng isang paa sa itaas; kinakabahan sila sa paghihintay ng ikalawa. Sa suliranin ng dugo, walang nakababatid kung ilan pang nakamamatay na yabag ang maririnig.

Ang AIDS virus ay tinaguriang HIV, subalit tinatawag ngayon ito ng ilang eksperto na HIV-1. Bakit? Sapagkat nakatuklas sila ng isa pang virus na kauri ng AIDS (HIV-2). Lumilikha ito ng mga sintomas ng AIDS at laganap ito sa ilang dako. Isa pa, ito “ay hindi laging natutuklasan ng mga pagsusuri sa AIDS na ngayo’y ginagamit dito,” sabi ng The New York Times. (Hunyo 27, 1989) “Dahil sa mga bagong tuklas . . . nahihirapan ang mga bangko sa dugo na tiyakin kung ang dugong iniabuloy ay ligtas.”

Kumusta ang malalayong kamag-anak ng AIDS virus? Sinabi ng isang pampanguluhang komisyon (E.U.A.) na isa sa gayong virus ang “hinihinalang sanhi ng adult T-cell leukemia/lymphoma at ng isang malalang sakit sa utak.” Umiiral na ito sa mga nag-aabuloy ng dugo at maaaring palaganapin ng dugo. Karapatan nating magtanong, ‘Gaano kabisa ang pagsusuri ng mga bangko ng dugo sa gayong mga virus?’

Totoo, panahon lamang ang makapagsasabi kung ilang virus ang nag-aabang sa suplay ng dugo. “Mas nakababahala ang hindi nababatid kaysa nababatid na,” sabi ni Dr. Harold T. Meryman. “Mas mahirap matuklasan ang nakakahawang mga virus na gumugugol ng maraming taon sa ‘paglilimlim’. Ang grupong HTLV ay tiyak na una lamang sa mga bagong sulpot.” (Transfusion Medicine Reviews, Hulyo 1989) “Waring hindi pa sapat ang pahirap na dulot ng epidemya ng AIDS, . . . noong mga taon ng 1980 ay nakatawag-pansin ang ilang bagong naimungkahi o nailarawang panganib sa pagsasalin. Hindi kailangan ang matayog na imahinasyon para humula na mayroon pang ibang malulubhang sakit na dulot ng mga virus at napalalaganap ng pagsasalin ng dugo ng ibang tao.”​—Limiting Homologous Exposure: Alternative Strategies, 1989.

Napakarami nang yabag ang narinig kung kaya iminumungkahi ng Centers for Disease Control ang “pag-iingat sa lahat ng dako.” Ibig sabihin, ‘dapat ipalagay ng mga mediko na lahat ng pasyente ay nakakahawa sa HIV at iba pang pathogen (sanhi ng pagkakasakit) na nasa dugo.’ Kaya mabuti naman, na ang mga mediko at ang madla ay nagbabago na ng kanilang pangmalas sa dugo.

[Mga talababa]

a Hindi natin maaaring ipalagay na lahat ng dugo ay sinusuri na ngayon. Halimbawa, iniuulat na sa pasimula ng 1989, mga 80 porsiyento ng mga bangko ng dugo sa Brazil ay wala pa sa ilalim ng kontrol ng pamahalaan, at hindi pa nagsusuri para sa AIDS.

[Kahon sa pahina 8]

“Humigit-kumulang 1 sa 100 pagsasalin ang nagkakaroon ng lagnat, pangangaligkig, o urticaria [hives, pangangati]. . . . Humigit-kumulang 1 sa 6,000 pagsasalin ng pulang selula ang nagbubunga ng reaksiyong hemolitiko (pagbaba ng hemoglobin). Ito ay isang malubhang imunolohikal na reaksiyon na maaaring lumalâ agad o maatraso nang ilang araw pagkaraang masalinan; maaaring magbunga ito ng malalang pinsala [sa bato], pagkahimatay, pamumuo ng dugo sa ugat, at maging ng kamatayan.”​—Komperensiya ng National Institutes of Health (NIH), 1988.

[Kahon sa pahina 9]

Si Niels Jerne, siyentistang taga-Denamarka ay isa sa tumanggap ng Nobel Prize para sa Medisina noong 1984. Nang tanungin kung bakit ayaw niyang magpasalin ng dugo, sinabi niya: “Ang dugo ng isang tao ay gaya ng marka ng kaniyang mga daliri​—walang dalawang tipo ng dugo ang lubusang magkatulad.”

[Kahon sa pahina 10]

DUGO, NAPINSALANG MGA ATAY, AT . . .

“Balintuna, subalit ang AIDS mula sa dugo . . . ay hindi gaanong mapanganib kung ihahambing sa ibang sakit​halimbawa’y hepatitis,” sabi ng Washington Post.

Oo, napakarami ang nagkasakit at namatay sa hepatitis, na hanggang ngayo’y wala pang tiyak na lunas. Ayon sa U.S.News & World Report (Mayo 1, 1989), mga 5 porsiyento niyaong nasasalinan ng dugo sa Estados Unidos ay nagkaka-hepatitis​—175,000 tao bawat taon. Kalahati nito ay nagiging permanenteng tagapagdala ng nakakahawang mikrobyo, at di-kukulangin sa 1 sa bawat 5 ang nagkakaroon ng cirrhosis (paninigas) o kanser sa atay. Tinataya na 4,000 ang namamatay. Gunigunihin ang mga headline na nagbabalita sa pagbagsak ng isang jumbo jet, na lahat ng pasahero ay namatay. Ang 4,000 ay katumbas ng isang punóng jumbo jet na bumabagsak bawat buwan!

Matagal nang alam ng mga doktor na ang isang mas magaang na uri ng hepatitis (type A) ay galing sa maruming pagkain o tubig. Pagkatapos ay natuklasan nila ang isang mas mabigat na uri na ikinakalat ng dugo, at wala silang magawang paraan para suriin kung ang dugo ay mayroon nito. Nang maglaon, natutuhan ng matatalinong siyentipiko na kilalanin ang “mga bakas” ng virus na ito (type B). Sa pasimula ng mga taóng 1970, ang dugo ay nasusuri na sa ilang lupain. Waring ligtas na ang suplay ng dugo at maaliwalas na ang hinaharap ng dugo! Ngunit ganoon nga ba?

Hindi nagtagal at natuklasan na libu-libong nasalinan ng sinuring dugo ay dinapuan pa rin ng hepatitis. Mahinang-mahina na nga sa pagkakasakit, natuklasan pa ng marami na ang kanila palang atay ay napinsala na. Ngunit kung ang dugo ay sinuri, bakit nagkaganito? Ang dugo pala ay may iba pang uri ng virus, tinatawag na non-A, non-B hepatitis (NANB). Sa loob ng sampung taon, ay naging salot ito sa dugo​—sa pagitan ng 8 at 17 porsiyento ng mga sinalinan sa Israel, Italya, Hapón, Espanya, Sweden, at Estados Unidos ang dinapuan nito.

Pagkatapos ay lumabas ang mga headline na gaya ng “Sa Wakas, Naibukod Na ang Mahiwagang Virus ng Hepatitis Non-A, Non-B”; “Pagsugpo sa Sakit sa Dugo.” Muli, ang mensahe ay, ‘Natuklasan na ang mailap na sanhi!’ Noong Abril 1989, ipinahayag sa madla na mayroon nang paraan ng pagsusuri sa NANB, na sa ngayo’y tinatawag na hepatitis C.

Maaaring isipin ninyo na baka ang ginhawa ay adelantado. Sa katunayan, iniuulat ng mga Italyanong tagasaliksik ang isa pang virus ng hepatitis, isang kakatwang supling, na maaaring sanhi ng ikatlong bahagi ng mga kaso. Ayon sa Harvard Medical School Health Letter (Nobyembre 1989), “Nag-aalala ang ilang autoridad na ang abakada ng mga virus ng hepatitis ay hindi lamang A, B, C, at D; maaaring may kasunod pang iba.” Sinabi ng The New York Times (Pebrero 13, 1990): “Malakas ang kutob ng mga eksperto na ang hepatitis ay maaaring idulot ng iba pang virus; kung matutuklasan, ang mga ito’y tatawaging hepatitis E at patuloy pa.”

Napapaharap ba ang mga bangko ng dugo sa matagal na paghahanap ng mga pagsusuri na gagawang ligtas sa dugo? Isang direktor ng American Red Cross ay nagbigay ng nakababahalang komento sa suliranin ng pananalapi: “Hindi natin puwedeng dagdagan nang dagdagan ang mga pagsusuri sa bawat nakakahawang mikrobyo na matutuklasan.”​—Medical World News, Mayo 8, 1989.

Ang pagsusuri sa hepatitis B ay maaari pa man ding magkamali; marami pa rin ang nahahawa dito dahil sa dugo. Bukod dito, masisiyahan kaya ang mga tao sa inianunsiyong pagsusuri para sa hepatitis C? Ayon sa The Journal of the American Medical Association (Enero 5, 1990) isang taon ang maaaring lumipas bago matuklasan ng pagsusuri ang mga antibody ng sakit na ito. Samantala, ang mga tao na nasalinan ng dugo nanganganib na mapinsala ang atay​—at mamatay.

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

Inilalarawan ng Chagas’ disease kung papaano nahahawa ang mga tao sa malayo. Iniuulat ng “The Medical Post” (Enero 16, 1990) na ‘10-12 milyong tao sa Latin Amerika ang matagal nang nahawa.’ Tinawag ito na “isa sa pinakamaseselang na panganib ng pagsasalin sa Timog Amerika.” Kinakagat ng isang “nakamamatay na insekto” ang mukha ng natutulog na biktima, sinisipsip ang dugo, at dumudumi sa sugat. Maaaring taglayin ng biktima ang Chagas’ disease sa loob ng maraming taon (samantalang posible siyang mag-abuloy ng dugo) bago siya magkaroon ng nakamamatay na mga komplikasyon sa puso.

Bakit mababahala ang mga tao sa malalayong kontinente? Sa “The New York Times” (Mayo 23, 1989) ay nag-ulat si Dr. L. K. Altman tungkol sa mga pasyenteng nagka-Chagas’ disease matapos salinan, at isa na ang namatay. Sumulat si Altman: “Maaaring hindi natuklasan ang ibang kaso sapagkat [ang mga doktor dito] ay hindi pamilyar sa Chagas’ disease, ni natatalos na ito ay mapapalaganap ng pagsasalin.” Oo, ang dugo ay nagiging behikulo na makapaghahatid ng sakit sa malalayong lugar.

[Kahon sa pahina 12]

Sumulat si Dr. Knud Lund-Olesen: “Yamang . . . ang mga kusang nag-aabuloy ng dugo ay yaong mga tao na malaki ang posibilidad na makahawa, dahil agad silang sinusuri para sa AIDS, sa palagay ko makatuwiran ang tumanggi sa pagsasalin ng dugo. Ang mga Saksi ni Jehova ay matagal nang tumatanggi. Nakinikinita kaya nila ang hinaharap?”​—“Ugeskrift for Læger” (Doctors’ Weekly), Setyembre 26, 1988.

[Larawan sa pahina 9]

Nakaligtas ang papa sa pagkakabaril. Matapos palabasin, dalawang buwan uli siyang naospital, “na lubhang nahihirapan.” Bakit? Dahil sa nakamamatay na impeksiyong cytomegalovirus mula sa dugo na isinalin sa kaniya

[Credit Line]

UPI/Bettmann Newsphotos

[Larawan sa pahina 12]

Virus ng AIDS

[Credit Line]

CDC, Atlanta, Ga.