Kung Ano ang Natututuhan Natin sa Pagpapahintulot ng Diyos sa Kabalakyutan
Ikapitong Kabanata
Kung Ano ang Natututuhan Natin sa Pagpapahintulot ng Diyos sa Kabalakyutan
1, 2. (a) Kung agad na pinatay ni Jehova ang mga naghimagsik sa Eden, paano sana nakaapekto iyon sa atin? (b) Anong maibiging mga paglalaan ang ginawa ni Jehova para sa atin?
“KAKAUNTI at nakapipighati ang mga araw ng mga taon ng aking buhay,” ang sabi ng patriyarkang si Jacob. (Genesis 47:9) Gayundin naman, sinabi ni Job na ang tao “ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.” (Job 14:1) Tulad nila, karamihan sa atin ay nakaranas ng mga kahirapan, kawalang-katarungan, at maging ng mga trahedya. Gayunman, ang pagkakasilang sa atin ay hindi kawalang-katarungan sa panig ng Diyos. Totoo, hindi natin taglay ang sakdal na isip at katawan at ang Paraisong tahanan nina Adan at Eva noong una. Subalit ano kaya kung agad silang pinatay ni Jehova nang maghimagsik sila? Bagaman wala ngang anumang sakit, kalungkutan, o kamatayan, wala rin namang lahi ng tao. Hindi sana tayo isinilang. Dahil sa awa, binigyan ng Diyos ng panahon sina Adan at Eva na magkaanak, bagaman ang mga ito’y nagmana ng di-kasakdalan. At sa pamamagitan ni Kristo, gumawa ng paglalaan si Jehova upang matamo nating muli ang naiwala ni Adan—ang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa.—Juan 10:10; Roma 5:12.
2 Kaylaking pampasigla para sa atin na asam-asamin ang mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan sa gitna ng kapaligiran ng Paraiso, kung saan magiging malaya tayo mula sa sakit, kalungkutan, kirot, at kamatayan, gayundin sa balakyot na mga tao! (Kawikaan 2:21, 22; Apocalipsis 21:4, 5) Ngunit mula sa ulat ng Bibliya, natututuhan natin na bagaman ang ating personal na kaligtasan ay napakahalaga sa atin at kay Jehova, nasasangkot dito ang isang bagay na lalo pang mahalaga.
Alang-alang sa Kaniyang Dakilang Pangalan
3. Ano ang nasasangkot may kaugnayan sa katuparan ng layunin ni Jehova para sa lupa at sa sangkatauhan?
3 Nasasangkot ang pangalan ng Diyos sa katuparan ng kaniyang layunin hinggil sa lupa at sa sangkatauhan. Ang pangalang iyan na Jehova ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Kaya nakapaloob sa kaniyang pangalan ang kaniyang reputasyon bilang ang Pansansinukob na Soberano, ang Tagapaglayon, at ang Diyos ng katotohanan. Dahil sa posisyon ni Jehova, kahilingan para sa kapayapaan at kapakanan ng buong sansinukob na ang kaniyang pangalan at ang anumang nasasangkot dito ay pag-ukulan ng lubos na paggalang na nararapat dito at na ang lahat ay maging masunurin sa kaniya.
4. Ano ang kalakip sa layunin ni Jehova para sa lupa?
4 Matapos lalangin sina Adan at Eva, binigyan sila ni Jehova ng isang atas na dapat gampanan. Niliwanag niya na ang kaniyang layunin ay hindi lamang supilin ang buong lupa—sa gayon ay pinalalawak ang mga hangganan ng Paraiso—kundi punuin din naman ito ng kanilang mga inapo. (Genesis 1:28) Mabibigo kaya ang layuning ito dahil sa kanilang kasalanan? Kaylaking kapulaan sa pangalan ng makapangyarihan-sa-lahat na si Jehova kung hindi niya matutupad ang kaniyang layunin sa lupang ito at sa sangkatauhan!
5. (a) Kapag ang unang mga tao ay kumain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, kailan sila mamamatay? (b) Paano tinupad ni Jehova ang kaniyang salita sa Genesis 2:17 at kasabay nito ay iginalang ang kaniyang layunin hinggil sa lupa?
5 Nagbabala si Jehova kina Adan at Eva na kung sila ay masuwayin at kakain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, sila ay mamamatay “sa araw” na kumain sila. (Genesis 2:17) Gaya ng sinabi niya, pinapanagot sila ni Jehova sa mismong araw na nagkasala sila at ipinahayag ang hatol na kamatayan. Sa pangmalas ng Diyos, sina Adan at Eva ay namatay nang araw na iyon. Gayunman, upang maisakatuparan ang kaniyang layunin hinggil sa lupa, hinayaan sila ni Jehova na magkaroon ng pamilya bago sila mamatay sa pisikal na paraan. Magkagayunman, yamang maaaring malasin ng Diyos na isang araw ang 1,000 taon, nang magwakas ang buhay ni Adan sa gulang na 930 taon, ito ay sa loob pa rin ng isang “araw.” (2 Pedro 3:8; Genesis 5:3-5) Kaya naman napatunayan ang pagiging totoo ni Jehova hinggil sa kung kailan ilalapat ang kaparusahan, at ang kaniyang layunin para sa lupa ay hindi nahadlangan ng kanilang kamatayan. Subalit sa loob ng ilang panahon, ang di-sakdal na mga tao, pati na ang mga balakyot, ay hinayaang mabuhay.
6, 7. (a) Ayon sa Exodo 9:15, 16, bakit pinahihintulutan ni Jehova na magpatuloy ang balakyot nang ilang panahon? (b) Sa nangyari kay Paraon, paano ipinakita ang kapangyarihan ni Jehova, at paano pinatanyag ang Kaniyang pangalan? (c) Ano ang mangyayari kapag nagwakas na ang kasalukuyang balakyot na sistema?
6 Ang sinabi ni Jehova sa tagapamahala ng Ehipto noong panahon ni Moises ay higit pang nagpahiwatig kung bakit pinahintulutan ng Diyos na magpatuloy ang balakyot. Nang ipagbawal ni Paraon ang paglisan ng mga anak ni Israel mula sa Ehipto, hindi siya agad pinatay ni Jehova. Pinasapit muna ang Sampung Salot sa lupain, anupat ipinakita ang kapangyarihan ni Jehova sa kamangha-manghang mga paraan. Nang magbabala tungkol sa ikapitong salot, sinabi ni Jehova kay Paraon na madali Niya sanang napawi si Paraon at ang kaniyang bayan sa balat ng lupa. “Ngunit, ang totoo,” ang sabi ni Jehova, “sa dahilang ito ay pinanatili kitang buháy, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong lupa.”—Exodo 9:15, 16.
7 Nang iligtas ni Jehova ang mga Israelita, ang kaniyang pangalan ay talagang napatanyag nang malawakan. (Josue 2:1, 9-11) Sa ngayon, halos 3,500 taon na ang nakalilipas, ang kaniyang ginawa noon ay hindi pa rin nalilimutan. Hindi lamang naipahayag ang personal na pangalang Jehova kundi naipahayag din ang katotohanan tungkol sa Isa na nagtataglay ng gayong pangalan. Pinagtibay nito ang reputasyon ni Jehova bilang ang Diyos na tumutupad ng kaniyang mga pangako at kumikilos alang-alang sa kaniyang mga lingkod. (Josue 23:14) Ipinakita nito na dahil sa kaniyang walang kapantay na kapangyarihan, walang makahahadlang sa kaniyang layunin. (Isaias 14:24, 27) Makapagtitiwala tayo kung gayon na malapit na siyang kumilos alang-alang sa kaniyang tapat na mga lingkod sa pamamagitan ng pagpuksa sa buong balakyot na sistema ni Satanas. Ang gayong pagtatanghal ng walang kapantay na kapangyarihan at ang kaluwalhatiang idinudulot nito sa pangalan ni Jehova ay hindi malilimutan kailanman. Ang mga kapakinabangan nito ay walang katapusan.—Ezekiel 38:23; Apocalipsis 19:1, 2.
‘O ang Lalim ng Karunungan ng Diyos!’
8. Hinihimok tayo ni Pablo na isaalang-alang ang anong mga salik?
8 Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, ibinangon ni apostol Pablo ang tanong: “May kawalang-katarungan ba sa Diyos?” Buong-diin siyang sumagot: “Huwag nawang magkagayon!” Pagkatapos ay idiniin niya ang awa ng Diyos at tinukoy ang sinabi ni Jehova hinggil sa pagpapahintulot kay Paraon na mabuhay nang mahaba-haba pang panahon. Ipinakita rin ni Pablo na tayong mga tao ay gaya ng luwad sa mga kamay ng isang magpapalayok. Pagkatapos ay sinabi niya: “Ngayon, kung ang Diyos, bagaman niloloob na ipakita ang kaniyang poot at ihayag ang kaniyang kapangyarihan, ay nagparaya taglay ang labis na mahabang pagtitiis sa mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa, upang maihayag niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na patiuna niyang inihanda ukol sa kaluwalhatian, samakatuwid nga ay tayo, na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga bansa, ano ngayon?”—Roma 9:14-24.
9. (a) Sino ang “mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa”? (b) Bakit nagpamalas si Jehova ng napakahabang pagtitiis sa harap ng mga sumasalansang sa kaniya, at paanong ang pangwakas na kahihinatnan ay para sa ikabubuti niyaong mga umiibig sa kaniya?
9 Mula nang sumiklab ang paghihimagsik sa Eden, sinumang sumasalansang kay Jehova at sa kaniyang mga kautusan ay naging “mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa.” Sa lahat ng panahon mula noon, nagpamalas na ng mahabang pagtitiis si Jehova. Tinuya ng mga balakyot ang kaniyang mga daan, inusig ang kaniyang mga lingkod at pinatay pa nga ang kaniyang Anak. Palibhasa’y nagpapamalas ng matinding pagpipigil, binigyan ni Jehova ng sapat na panahon ang lahat ng nilalang upang lubusang makita ang kapaha-pahamak na mga resulta ng paghihimagsik sa Diyos at ng pamamahala ng tao na hiwalay sa kaniya. Kasabay nito, inilaan ng kamatayan ni Jesus ang paraan para mailigtas ang masunuring sangkatauhan at para ‘masira ang mga gawa ng Diyablo.’—1 Juan 3:8; Hebreo 2:14, 15.
10. Bakit nagparaya si Jehova sa balakyot sa loob ng nakalipas na 1,900 taon?
10 Sa mahigit na 1,900 taon mula nang buhaying muli si Jesus, nagparaya pa si Jehova sa “mga sisidlan ng poot,” anupat ipinagpaliban ang pagpuksa sa kanila. Bakit? Una sa lahat, dahil inihahanda niya yaong mga makakasama ni Jesu-Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian. Ang mga ito ay may bilang na 144,000, at sila ang “mga sisidlan ng awa” na binanggit ni apostol Pablo. Una, mga indibiduwal mula sa mga Judio ang inanyayahang bumuo sa uring makalangit na ito. Nang maglaon, inanyayahan ng Diyos ang mga tao ng mga bansang Gentil. Hindi pinilit ni Jehova ang sinuman sa mga ito na paglingkuran siya. Ngunit sa mga tumugon nang may pagpapahalaga sa kaniyang maibiging mga paglalaan, ang ilan ay binigyan niya ng pribilehiyo na maging kasamang tagapamahala ng kaniyang Anak sa makalangit na Kaharian. Ang paghahanda sa uring makalangit na iyon ay halos tapos na ngayon.—Lucas 22:29; Apocalipsis 14:1-4.
11. (a) Anong grupo ang nakikinabang ngayon sa mahabang pagtitiis ni Jehova? (b) Paano makikinabang ang mga patay?
11 Ngunit kumusta naman ang mga maninirahan sa lupa? Pinangyari rin ng mahabang pagtitiis ni Jehova na matipon ang “isang malaking pulutong” mula sa lahat ng bansa. Milyun-milyon na ang bilang ng mga ito sa ngayon. Ipinangako ni Jehova na ang uring makalupang ito ay makaliligtas sa katapusan ng sistemang ito at magkakamit ng pag-asang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Apocalipsis 7:9, 10; Awit 37:29; Juan 10:16) Sa takdang panahon ng Diyos, napakaraming patay ang bubuhaying muli at bibigyan ng pagkakataon na maging makalupang mga sakop ng makalangit na Kaharian. Inihuhula ng Salita ng Diyos sa Gawa 24:15: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Juan 5:28, 29.
12. (a) Ano ang natutuhan natin tungkol kay Jehova mula sa pagpaparaya niya sa kabalakyutan? (b) Ano ang nadarama mo tungkol sa kung paano pinangasiwaan ni Jehova ang mga bagay na ito?
12 Mayroon bang anumang kawalang-katarungan sa lahat ng ito? Wala, sapagkat sa pagpapaliban sa kaniyang pagpuksa sa mga balakyot, o “mga sisidlan ng poot,” nagpapamalas ang Diyos ng habag sa iba, kasuwato ng kaniyang layunin. Ipinakikita nito kung gaano ang kaniyang pagkamaawain at pagkamaibigin. Gayundin, yamang nagkaroon tayo ng pagkakataong mamasdan ang unti-unting katuparan ng kaniyang layunin, malaki ang ating natututuhan tungkol kay Jehova mismo. Namamangha tayo sa iba’t ibang aspekto ng kaniyang personalidad na naisisiwalat—ang kaniyang katarungan, ang kaniyang awa, ang kaniyang mahabang pagtitiis at ang kaniyang karunungan sa lahat ng bagay. Ang matalinong pangangasiwa ni Jehova sa isyu tungkol sa pansansinukob na soberanya—ang kaniyang karapatang mamahala—ay mananatili magpakailanman bilang patotoo sa bagay na ang kaniyang paraan ng pamamahala ang siyang pinakamahusay. Kasama ni apostol Pablo, tayo ay nagsasabi: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!”—Roma 11:33.
Pagkakataong Ipakita ang Ating Debosyon
13. Kapag tayo’y dumaranas ng personal na pagdurusa, anong pagkakataon ang inihaharap sa atin, at ano ang tutulong sa atin upang tumugon nang may katalinuhan?
13 Marami sa mga lingkod ng Diyos ang nasa mga situwasyon na nagsasangkot ng personal na pagdurusa. Nagpapatuloy ang kanilang pagdurusa dahil sa hindi pa pinupuksa ng Diyos ang balakyot at hindi pa pinasasapit ang inihulang pagsasauli sa sangkatauhan. Dapat ba tayong maghinanakit dahil dito? O minamalas ba natin ang gayong mga situwasyon bilang mga pagkakataon upang magkaroon ng bahagi sa pagpapatunay na sinungaling ang Diyablo? Mapatitibay tayo na gawin ang gayon kung lagi nating isasaisip ang pamamanhik na ito: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Nagparatang si Satanas, ang isa na tumutuya kay Jehova, na kung ang mga tao ay daranas ng kawalan sa materyal o ng karamdaman sa pisikal, sisisihin nila ang Diyos, baka isumpa pa nga siya. (Job 1:9-11; 2:4, 5) Nagdudulot tayo ng kagalakan sa puso ni Jehova kapag, dahil sa ating katapatan sa kaniya sa harap ng mga kahirapan, ipinakikita natin na hindi iyon nangyayari sa atin.
14. Kung aasa tayo kay Jehova kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok, anong mga kapakinabangan ang maaaring mapapasaatin?
14 Kung aasa tayo kay Jehova kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok, mapauunlad natin ang mahahalagang katangian. Halimbawa, bilang resulta ng mga bagay na dinanas ni Jesus, siya ay ‘natuto ng pagkamasunurin’ sa paraang hindi pa niya kailanman nalalaman noon. Tayo man ay maaaring matuto mula sa mga pagsubok sa atin anupat mapauunlad natin ang mahabang pagtitiis, pagbabata, at isang pinasidhing pagpapahalaga sa matuwid na mga daan ni Jehova.—Hebreo 5:8, 9; 12:11; Santiago 1:2-4.
15. Habang matiyaga nating binabata ang kahirapan, paano maaaring makinabang ang iba?
15 Oobserbahan ng iba ang ating ginagawa. Dahil sa dinaranas natin bunga ng ating pag-ibig sa katuwiran, sa kalaunan ay maaaring makilala ng ilan sa kanila kung sino ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon. At sa pamamagitan ng pakikiisa sa atin sa pagsamba, maaari silang mapabilang sa mga tatanggap ng mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. (Mateo 25:34-36, 40, 46) Nais ni Jehova at ng kaniyang Anak na magkaroon ng gayong pagkakataon ang mga tao.
16. Paanong ang ating pangmalas sa personal na paghihirap ay may kaugnayan sa pakikipagkaisa?
16 Tunay ngang kapuri-puri kapag minamalas natin maging ang mahihirap na situwasyon bilang mga pagkakataon upang ipakita ang ating debosyon kay Jehova at magkaroon ng bahagi sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban! Ang paggawa natin ng gayon ay maaaring magpatunay na talagang sumusulong tayo sa pakikipagkaisa sa Diyos at kay Kristo. Si Jesus ay nanalangin kay Jehova alang-alang sa lahat ng tunay na mga Kristiyano, na nagsasabi: “Humihiling ako, hindi lamang may kinalaman sa mga ito [ang kaniyang pinakamalapít na mga alagad], kundi may kinalaman din sa mga nananampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita; upang silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin.”—Juan 17:20, 21.
17. Anong pagtitiwala ang maaari nating taglayin kung tayo ay matapat kay Jehova?
17 Kung tayo ay matapat kay Jehova, gagantimpalaan niya tayo nang sagana. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Corinto 15:58) Sinasabi rin nito: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) Ang Santiago 5:11 ay nagsasabi: “Narito! Ipinahahayag nating maligaya yaong mga nakapagbata. Narinig ninyo ang tungkol sa pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” Ano ang naging resulta para kay Job? “Kung tungkol kay Jehova, pinagpala niya ang huling wakas ni Job nang higit pa kaysa sa kaniyang pasimula.” (Job 42:10-16) Oo, si Jehova ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) At kaylaking gantimpala ang inaasahan natin—buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa!
18. Ano ang mangyayari sa dakong huli sa anumang masasaklap na alaala natin?
18 Aalisin ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pinsalang naidulot sa pamilya ng tao sa loob ng nakalipas na libu-libong taon. Lubhang mahihigitan ng kagalakan sa panahong iyon ang anumang pagdurusa na nararanasan natin ngayon. Hindi tayo babagabagin ng anumang pangit na mga alaala ng nakaraang pagdurusa. Ang nakapagpapatibay na mga kaisipan at mga gawain na lilipos sa araw-araw na pamumuhay ng mga tao sa bagong sanlibutan ay unti-unting papawi sa masasaklap na alaala. Ipinahahayag ni Jehova: “Lumalalang ako ng mga bagong langit [isang bagong makalangit na Kaharian na mamamahala sa sangkatauhan] at ng isang bagong lupa [isang matuwid na lipunan ng tao]; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon. Ngunit magbunyi kayo at magalak magpakailanman sa aking nilalalang.” Oo, sa bagong sanlibutan ni Jehova, masasabi ng mga matuwid: “Ang buong lupa ay sumapit sa kapahingahan, naging panatag. Ang mga tao ay nagsaya na may mga hiyaw ng kagalakan.”—Isaias 14:7; 65:17, 18.
Talakayin Bilang Repaso
• Habang pinahihintulutan ang kasamaan, paano angkop na ipinakita ni Jehova ang malaking paggalang sa kaniyang sariling pangalan?
• Paanong ang pagpaparaya ng Diyos sa “mga sisidlan ng poot” ay nagpangyari na makaabot hanggang sa atin ang kaniyang awa?
• Ano ang dapat na sikapin nating makita sa mga situwasyon na nagsasangkot ng personal na pagdurusa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 67]
“Pinagpala [ni Jehova] ang huling wakas ni Job nang higit pa kaysa sa kaniyang pasimula”