Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binubuo Na Ngayon ang Saligan ng Bagong Sanlibutan

Binubuo Na Ngayon ang Saligan ng Bagong Sanlibutan

Bahagi 11

Binubuo Na Ngayon ang Saligan ng Bagong Sanlibutan

1, 2. Bilang katuparan ng hula sa Bibliya, ano ang nangyayari sa harap ng mismong mga mata natin?

 ANG isa pa ring kahanga-hanga ay yaong bagay na ang saligan ng bagong sanlibutan ng Diyos ay binubuo na ngayon, samantalang patuloy na nabubulok ang matandang sanlibutan ni Satanas. Sa harap mismo ng ating mga mata, tinitipon ng Diyos ang mga tao buhat sa lahat ng bansa at binubuo sila bilang saligan ng isang bagong lipunan sa lupa na hindi na magtatagal ay ihahalili sa kasalukuyang nagkabaha-bahaging sanlibutan. Sa Bibliya, sa 2 Pedro 3:13, ang bagong lipunang ito ay tinatawag na “isang bagong lupa.”

2 Sinasabi rin ng hula sa Bibliya: “Sa huling bahagi ng mga araw [ang panahon na kinabubuhayan natin ngayon] . . . , maraming bayan ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova [ang tunay na pagsamba sa kaniya], . . . at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ ”​—Isaias 2:2-3.

3. (a) Sa gitna nino natutupad ang hula ni Isaias? (b) Papaano nagkukomento tungkol dito ang huling aklat ng Bibliya?

3 Ang hulang iyan ay natutupad na ngayon sa gitna ng mga taong napasasakop sa ‘mga daan ng Diyos at lumalakad sa kaniyang mga landas.’ Ang huling aklat ng Bibliya ay tumutukoy sa maibigin-sa-kapayapaang pandaigdig na lipunang ito ng mga tao bilang “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika,” isang tunay na pambuong-daigdig na kapatiran na naglilingkod sa Diyos nang may pagkakaisa. At sinasabi rin ng Bibliya: “Ang mga ito ang nagsilabas buhat sa malaking kapighatian.” Na ang ibig sabihin, sila’y makaliligtas sa katapusan ng masamang sistemang ito ng mga bagay.​—Apocalipsis 7:​9, 14; Mateo 24:3.

Isang Tunay na Kapatirang Pandaigdig

4, 5. Bakit posible ang pandaigdig na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova?

4 Milyun-milyong Saksi ni Jehova ang taimtim na nagsisikap mamuhay na kasuwato ng mga tagubilin at mga daan ng Diyos. Ang kanilang pag-asang buhay na walang-hanggan ay matatag na nakapirme sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa kanilang pamumuhay araw-araw na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos, kanilang ipinakikita sa kaniya ang kanilang pagpapasakop sa kaniyang pamamaraan ng pamamahala kapuwa sa ngayon at sa bagong sanlibutan. Saanman, anuman ang kanilang pinagmulang bansa o lahi, ang kanilang sinusunod ay pare-parehong pamantayan​—yaong inilagay ng Diyos sa kaniyang Salita. Kaya naman sila ay isang tunay na kapatirang pandaigdig, isang bagong sanlibutang lipunan na gawa ng Diyos.​—Isaias 54:​13; Mateo 22:​37, 38; Juan 15:9, 14.

5 Hindi inaangkin ng mga Saksi ni Jehova ang kapurihan ukol sa kanilang pagiging isang pambihirang kapatirang pandaigdig. Batid nila na ito ay bunga ng makapangyarihang espiritu ng Diyos na nagpapakilos sa mga tao na sumusunod sa kaniyang mga kautusan. (Gawa 5:​29, 32; Galacia 5:​22, 23) Ito ay gawa ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Jesus, “ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.” (Lucas 18:27) Samakatuwid ang Diyos na gumawa sa nananatiling sansinukob ay siya ring gumawang posible sa nananatiling lipunang pambagong sanlibutan.

6. Bakit ang kapatiran ng mga Saksi ni Jehova ay masasabing isang modernong himala?

6 Sa gayon, ang paraan ng pamamahala ni Jehova sa bagong sanlibutan ay nakikita na sa kaniyang itinatatag na saligan para sa bagong sanlibutan na ngayon ay binubuo na. At ang kaniyang ginagawa sa kaniyang mga Saksi, sa isang diwa, ay isang modernong himala. Bakit? Sapagkat kaniyang naitatag ang mga Saksi ni Jehova bilang isang tunay na kapatirang pandaigdig, na hindi masisira ng tagapagbaha-bahaging mga kapakanang pambansa, panlahi, o panrelihiyon. Bagaman ang mga Saksi ay umabot ang bilang sa milyun-milyon at naninirahan sa mahigit na 200 bansa, sila’y nabubuklod sa pagkakaisa na hindi masisira. Ang pandaigdig na kapatirang ito, na pambihira sa buong kasaysayan, ay tunay na isang modernong himala​—na gawa ng Diyos.​—Isaias 43:​10, 11, 21; Gawa 10:​34, 35; Galacia 3:28.

Ang Pagkakakilanlan sa Bayan ng Diyos

7. Papaano binanggit ni Jesus ang pagkakakilanlan sa kaniyang tunay na mga tagasunod?

7 Papaano ba matitiyak kung sino ang bayan na ginagamit ng Diyos bilang saligan para sa kaniyang bagong sanlibutan? Bueno, sino ba ang tumutupad sa mga salita ni Jesus sa Juan 13:​34, 35? Sinabi niya: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; gaya ng pag-ibig ko sa inyo, na kayo’y mangag-ibigan din. Dito makikilala ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala sa mga salita ni Jesus at ginagawa ito. Gaya ng tagubilin ng Salita ng Diyos, sila’y “may matinding pag-ibig sa isa’t isa.” (1 Pedro 4:8) Sila’y “nagbibihis [sa kanilang sarili] ng pag-ibig, sapagkat ito’y isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Samakatuwid ang pag-ibig pangkapatid ang “kola” na nagdidikit sa kanila upang magkasama-​sama sa buong daigdig.

8. Sa 1 Juan 3:​10-12, papaano binanggit ang isa pang pagkakakilanlan sa bayan ng Diyos?

8 Gayundin, ang 1 Juan 3:​10-12 ay nagsasabi: “Dito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Sapagkat ito ang pasabing inyong narinig buhat ng pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa’t isa; hindi gaya ni Cain, na nagmula sa balakyot at pinatay niya ang kaniyang kapatid.” Samakatuwid, ang bayan ng Diyos ay isang di-marahas, pambuong-mundong kapatiran.

Isa Pang Pagkakakilanlan

9, 10. (a) Sa pamamagitan ng anong gawain makikilala ang mga lingkod ng Diyos sa mga huling araw? (b) Papaano tinupad ng mga Saksi ni Jehova ang Mateo 24:14?

9 May isa pang paraan ng pagkakakilanlan sa mga lingkod ng Diyos. Sa kaniyang hula tungkol sa katapusan ng sanlibutan, binanggit ni Jesus ang maraming bagay na magsisilbing palatandaan ng yugtong ito ng panahon bilang mga huling araw. (Tingnan ang Bahagi 9.) Ang isang mahalagang bahagi ng hulang ito ay binabanggit sa kaniyang mga salita sa Mateo 24:​14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa at kung magkagayon ay darating ang wakas.”

10 Atin bang nakikita na natutupad ang hulang iyan? Oo. Sapagkat mula nang ang mga huling araw ay magsimula noong 1914, ipinangangaral na ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong sanlibutan ayon sa paraan na iniutos ni Jesus, samakatuwid nga, sa mga tahanan ng mga tao. (Mateo 10:​7, 12; Gawa 20:20) Milyun-milyong mga Saksi ang dumadalaw sa mga tao sa lahat ng bansa upang makipag-usap sa kanila tungkol sa bagong sanlibutan. Ito ay umakay tungo sa pagtanggap mo ng brosyur na ito, yamang sa gawain ng mga Saksi ni Jehova ay kasali ang paglilimbag at pamamahagi ng bilyun-bilyong piraso ng literatura tungkol sa Kaharian ng Diyos. May nakikilala ka bang iba pa na nangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos sa bahay-bahay sa buong sanlibutan? Ang Marcos 13:​10 ay nagpapakita na ang pangangaral at pagtuturong ito ay kailangan na maisagawa “muna,” bago dumating ang wakas.

Pagsagot sa Pangalawang Dakilang Isyu

11. Ano pa ang nagagawa ng mga Saksi ni Jehova sa pagpapasakop sa pamamahala ng Diyos?

11 Sa pagpapasakop sa mga kautusan at mga simulain ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay nakagagawa ng isa pang bagay. Kanilang ipinakikita na si Satanas ay isang sinungaling nang kaniyang sabihin na ang mga tao ay hindi makapagtatapat sa Diyos sa ilalim ng pagsubok, sa gayo’y sinasagot ang pangalawang dakilang isyu, tungkol sa katapatan ng tao. (Job 2:​1-5) Bilang isang lipunan ng milyun-milyong mga tao buhat sa lahat ng bansa, ang mga Saksi ay nagpapakita, bilang isang kalipunan, ng katapatan sa pamamahala ng Diyos. Bagaman sila’y di-sakdal na mga tao, kanilang itinataguyod ang panig ng Diyos sa isyu ng pansansinukob na soberanya, sa kabila ng maka-Satanas na panggigipit.

12. Sa kanilang pananampalataya, sino ang tinutularan ng mga Saksi?

12 Sa ngayon, ang milyun-milyong mga Saksi ni Jehovang ito ay nagpapatotoo rin na gaya ng mahabang hanay ng mga ibang saksi noong nakalipas na nagpakita ng katapatan sa Diyos. Ang ilan sa kanila ay sina Abel, Noe, Job, Abraham, Sara, Isaac, Jacob, Deborah, Ruth, David, at Daniel, bilang pagbanggit ng ilan lamang. (Hebreo, kabanata 11) Gaya ng pagkatukoy ng Bibliya, sila’y isang ‘napakakapal na ulap ng tapat na mga saksi.’ (Hebreo 12:1) Ito at ang iba pa kasali ang mga alagad ni Jesus ay nanatili sa kanilang katapatan sa Diyos. At si Jesus mismo ang pinakadakilang halimbawa ng pananatili sa katapatan.

13. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol kay Satanas na napatunayang totoo?

13 Pinatutunayan nito na ang sinabi ni Jesus tungkol kay Satanas sa mga pinunong relihiyoso ay totoo: “Datapuwat ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong nagsabi sa inyo ng katotohanan na narinig ko sa Diyos. . . . Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa noong una, at hindi nanatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ng sa ganang kaniya, sapagkat siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”​—Juan 8:​40, 44.

Ano ba ang Pasiya Mo?

14. Ano ang nangyayari sa saligan ng bagong sanlibutan ngayon?

14 Ang saligan ng bagong sanlibutan na binubuo na ngayon ng Diyos sa pandaigdig na lipunan ng mga Saksi ni Jehova ay patuloy na tumitibay. Sa taun-taon daan-daang libong mga tao ang gumagamit ng kanilang malayang kalooban, batay sa tumpak na kaalaman, upang tanggapin ang pamamahala ng Diyos. Sila’y nagiging bahagi ng lipunan ng bagong sanlibutan, nagtataguyod ng panig ng Diyos sa isyu ng pansansinukob na soberanya, at nagpapatunay na sinungaling si Satanas.

15. Anong gawaing pagbubukud-bukod ang isinasagawa ni Jesus sa ating kaarawan?

15 Sa pagpili sa pamamahala ng Diyos, sila’y karapat-dapat na malagay sa “kanan” ni Kristo samantalang kaniyang ibinubukod ang “mga tupa” sa “mga kambing.” Sa kaniyang hula tungkol sa mga huling araw, sinabi ni Jesus: “Titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao ay pagbubukdin-bukdin gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing. At ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.” Ang mga tupa ay mga taong mapagpakumbaba na nakikisama at sumusuporta sa mga kapatid ni Kristo, napasasakop sa pamamahala ng Diyos. Ang mga kambing ay mga taong matitigas ang ulo na tumatanggi sa mga kapatid ni Kristo at walang ginagawang anuman upang suportahan ang pamamahala ng Diyos. Ano ang resulta? Sinabi ni Jesus: “Ang mga ito [mga kambing] ay magtutungo sa walang-hanggang kamatayan, ngunit ang mga matuwid [mga tupa] ay sa walang-hanggang buhay.”​—Mateo 25:​31-46.

16. Ano ang kailangang gawin mo kung ibig mong mabuhay sa Paraisong darating?

16 Tunay, mahal tayo ng Diyos! Hindi na magtatagal at siya’y maglalaan ng isang nakalulugod na makalupang paraiso. Ibig mo bang mabuhay sa Paraisong iyan? Kung gayon, ipakita ang iyong pagpapahalaga sa mga paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol sa kaniya at pagkilos ayon sa iyong natutuhan. “Hanapin ninyo, ninyong mga tao, si Jehova samantalang siya’y masusumpungan. Magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit. Lisanin ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong liko ang kaniyang mga pag-iisip; at manumbalik siya kay Jehova, na mahahabag sa kaniya.”​—Isaias 55:6, 7.

17. Bakit walang panahon na dapat sayangin sa pagpapasiya kung sino ang paglilingkuran mo?

17 Walang panahong dapat sayangin. Ang katapusan ng matandang sistemang ito ay pagkalapit-lapit na. Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama . . . Isa pa, ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:15-17.

18. Anong pagkilos ang aakay sa iyo upang umasa nang may pagtitiwala sa pagtatamasa ng buhay sa kahanga-hangang bagong sanlibutan ng Diyos?

18 Ang bayan ng Diyos ay sinasanay na ngayon para sa buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutan. Sila’y natututo ng espirituwal at iba pang mga kasanayan na kailangan upang makagawa ng isang paraiso. Hinihimok ka namin na piliin ang Diyos bilang Tagapamahala at tangkilikin ang nagliligtas-buhay na gawaing ipinasasagawa niya sa buong lupa ngayon. Pag-aralan ang Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova, upang makilala ang Diyos na talagang nagmamahal sa iyo at kaniyang wawakasan ang kahirapan. Sa ganitong paraan ikaw man ay maaaring maging bahagi ng saligan ng bagong sanlibutan. Kung magkagayon ay may pagtitiwalang maaasahan mo ang pagtatamo ng lingap ng Diyos at ang pagtatamasa ng buhay na walang-hanggan sa kahanga-hangang bagong sanlibutang iyan.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 31]

Ang mga Saksi ni Jehova ay may tunay na kapatirang pandaigdig

[Larawan sa pahina 32]

Ang saligan ng bagong sanlibutan ng Diyos ay binubuo na ngayon