Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ipinaaalam sa Atin ng Diyos ang Tungkol sa Kaniyang mga Layunin

Ipinaaalam sa Atin ng Diyos ang Tungkol sa Kaniyang mga Layunin

Bahagi 4

Ipinaaalam sa Atin ng Diyos ang Tungkol sa Kaniyang mga Layunin

1, 2. Papaano natin nalalaman na ang Diyos ay nagbibigay ng mga sagot sa mga taimtim na humihingi nito?

 ANG mapagmahal na Diyos ay tunay na nagsisiwalat ng kaniyang mga layunin sa mga taimtim na humahanap sa kaniya. Siya’y nagbibigay sa nag-uusisang mga tao ng mga sagot sa mga tanong tungkol halimbawa sa kung bakit niya pinapayagan ang paghihirap.

2 Sinasabi ng Bibliya: “Kung hahanapin mo [ang Diyos], kaniyang hahayaang masumpungan mo siya.” “May isang Diyos sa langit na Tagapagsiwalat ng mga lihim.” “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay kung ang kaniyang lihim ay hindi pa niya naihahayag sa kaniyang mga lingkod na propeta.”​—1 Cronica 28:​9; Daniel 2:​28; Amos 3:7.

Nasaan ang mga Sagot?

3. Saan natin makikita kung bakit pinapayagan ng Diyos ang paghihirap?

3 Ang mga sagot sa mga tanong na gaya ng kung bakit pinapayagan ng Diyos ang paghihirap at kung ano ang kaniyang gagawin tungkol dito ay masusumpungan sa kasulatan na kaniyang kinasihan ukol sa ating kapakinabangan. Ang kasulatang iyan ay ang kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”​—2 Timoteo 3:​16, 17.

4, 5. Ano ang mga dahilan at ang Bibliya ay isang pambihirang aklat?

4 Ang Bibliya ay tunay na isang pambihirang aklat. Taglay nito ang pinakawastong kasulatan ng kasaysayan ng tao at nag-uulat din ito ng tungkol sa panahon bago lalangin ang mga tao. Ito ay kaalinsabay rin ng panahon, sapagkat ang mga hulang naririto ay may kinalaman sa mga pangyayari sa panahon natin at sa malapit na hinaharap.

5 Wala nang ibang aklat ang may gayong mga kredensiyal para sa makasaysayang kawastuan. Halimbawa, iilan lamang na mga manuskrito ng sinaunang klasikal na mga manunulat ang umiiral. Subalit maraming manuskrito, ang ilan ay bahagi at ang ilan ay buo, na umiiral tungkol sa Bibliya: mga 6,000 ng Kasulatang Hebreo (ang 39 na aklat ng “Matandang Tipan”) at mga 13,000 ng Kasulatang Griego Kristiyano (ang 27 aklat ng “Bagong Tipan”).

6. Bakit natin matitiyak na ang Bibliya sa ngayon ay talagang kapareho rin nang iyon ay kinasihan ng Diyos?

6 Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, na kumasi sa Bibliya, ang namagitan upang ang kadalisayan ng tekstong ito ay maingatan sa mga kopyang iyon ng manuskrito. Kaya ang ating mga Bibliya sa ngayon ay talagang kapareho rin ng orihinal na kinasihang mga kasulatan. Ang isa pang tumutulong sa atin na maintindihan ito ay dahil sa ang ibang mga manuskritong kopya ng Kasulatang Griego Kristiyano ay hindi lalampas sa isandaang taon ang pagitan buhat sa pagkasulat ng orihinal na kasulatan. Ang umiiral pang iilang manuskritong kopya ng sinaunang mga manunulat ng sanlibutan ay bihirang magpetsa ng kahit na maraming siglo ang pagitan buhat sa pagkasulat ng orihinal na mga manunulat.

Kaloob ng Diyos

7. Gaano kalawak ang pamamahagi ng Bibliya?

7 Ang Bibliya ang pinakamalawak na ipinamahaging aklat sa kasaysayan. Mga tatlong bilyong kopya ang nalimbag na. Walang ibang aklat ang naipamahaging malapit man lamang sa bilang na iyan. At ang Bibliya o ang mga bahagi nito ay naisalin na sa mahigit na sa mga 2,000 wika. Kaya, tinataya na 98 porsiyento ng populasyon ng ating planeta ay makapagbabasa ng Bibliya.

8-10. Ano ang ilang dahilan kung bakit ang Bibliya ay karapat-dapat na suriin natin?

8 Tiyak na ang isang aklat na nag-aangkin na galing sa Diyos at may taglay ng lahat na panlabas at panloob na mga ebidensiya ng pagiging totoo ay karapat-dapat na suriin natin. a Ipinaliliwanag nito ang layunin ng buhay, ang kahulugan ng mga kalagayan sa daigdig, at ang inilalaan ng kinabukasan. Walang ibang aklat ang makagagawa niyan.

9 Oo, ang Bibliya ay pakikipagtalastasan ng Diyos sa sangkatauhan. Siya ang gumabay sa pagsulat nito sa pamamagitan ng kaniyang aktibong puwersa, o espiritu, ginamit ang mga 40 katao sa pagsulat. Sa gayon ang Diyos ay nakikipag-usap sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya. Si apostol Pablo ay sumulat: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na narinig ninyo sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito, gaya ng salita ng Diyos.”​—1 Tesalonica 2:13.

10 Si Abraham Lincoln, ang ika-16 na pangulo ng Estados Unidos ay bumanggit na ang Bibliya “ang pinakamagaling na kaloob na ibinigay ng Diyos sa tao . . . Sapagkat kung wala ito ay hindi natin makikita ang kaibahan ng tama sa mali.” Kung gayon, ano ba ang sinasabi sa atin nitong magaling na regalong ito tungkol sa kung papaano nagsimula ang paghihirap, bakit ito pinayagan ng Diyos, at ano ba ang kaniyang gagawin tungkol dito?

[Talababa]

a Para sa higit pang detalyadong impormasyon tungkol sa pagiging totoo ng Bibliya, tingnan ang aklat na Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao?, lathala noong 1989 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 10]

Ang Bibliya, na kinasihan ng Diyos, ay ang kaniyang pakikipagtalastasan sa sangkatauhan