Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 7

Ang Tunay na Pag-asa Para sa Iyong Namatay na mga Mahal sa Buhay

Ang Tunay na Pag-asa Para sa Iyong Namatay na mga Mahal sa Buhay
  • Paano natin nalaman na talagang magkakaroon ng pagkabuhay-muli?

  • Ano ang nadarama ni Jehova sa pagbuhay-muli sa mga patay?

  • Sinu-sino ang bubuhaying muli?

1-3. Anong kaaway ang humahabol sa ating lahat, at bakit magdudulot sa atin ng kaginhawahan ang pagsasaalang-alang sa itinuturo ng Bibliya?

GUNIGUNIHING tumatakas ka mula sa isang mabagsik na kaaway. Mas malakas siya at mas mabilis kaysa sa iyo. Alam mong siya’y walang-awa dahil nakita mo nang pinatay niya ang ilan sa iyong mga kaibigan. Gaanuman katindi ang pagsisikap mong matakasan siya, papalapít siya nang papalapít sa iyo. Waring wala nang pag-asa. Subalit biglang-bigla, dumating ang isang tagapagligtas. Di-hamak na mas malakas siya kaysa sa iyong kaaway, at nangako siyang tutulungan ka niya. Kaylaking pasasalamat mo!

2 Sa diwa, talagang hinahabol ka ng gayong kaaway. Lahat tayo ay hinahabol nito. Gaya ng natutuhan natin sa naunang kabanata, tinatawag ng Bibliya ang kamatayan na isang kaaway. Hindi ito matatakasan ni malalabanan man ng sinuman sa atin. Nakita na ng karamihan sa atin na inagaw ng kaaway na ito ang buhay ng mga taong minamahal natin. Ngunit di-hamak na mas makapangyarihan si Jehova kaysa sa kamatayan. Siya ang maibiging Tagapagligtas at naipakita na niyang kaya niyang talunin ang kaaway na ito. At nangangako siyang lubusan niyang lilipulin ang kaaway na ito, ang kamatayan. Itinuturo ng Bibliya: “Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.” (1 Corinto 15:26) Magandang balita iyan!

3 Isaalang-alang natin sandali kung paano tayo naaapektuhan kapag sumasalakay ang kaaway na kamatayan. Tutulong ito sa atin na maunawaan ang isang bagay na makapagpapaligaya sa atin. Alam mo, nangako kasi si Jehova na ang mga patay ay muling mabubuhay. (Isaias 26:19) Iyan ang pag-asa na pagkabuhay-muli.

KAPAG NAMATAY ANG ISANG MAHAL SA BUHAY

4. (a) Bakit may matututuhan tayo hinggil sa damdamin ni Jehova mula sa reaksiyon ni Jesus sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay? (b) Nagkaroon si Jesus ng anong natatanging pakikipagkaibigan?

4 Namatayan ka na ba ng mahal sa buhay? Ang kirot, pighati, at pagkadama ng pagiging walang kalaban-laban ay waring hindi kayang batahin. Sa gayong mga panahon, kailangan nating bumaling sa Salita ng Diyos para sa kaaliwan. (2 Corinto 1:3, 4) Tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan kung ano ang nadarama ni Jehova at ni Jesus hinggil sa kamatayan. Ganap na masasalamin kay Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama, at batid niya kung gaano kasakit ang mamatayan ng mahal sa buhay. (Juan 14:9) Kapag nasa Jerusalem siya noon, madalas dalawin ni Jesus si Lazaro at ang mga ate nito, sina Maria at Marta, na nakatira sa karatig-bayan na Betania. Naging matalik silang magkakaibigan. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Iniibig . . . ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro.” (Juan 11:5) Ngunit namatay si Lazaro, gaya ng nalaman natin sa naunang kabanata.

5, 6. (a) Paano tumugon si Jesus nang makasama niya ang nagdadalamhating pamilya at mga kaibigan ni Lazaro? (b) Bakit nakapagpapatibay-loob sa atin ang pagdadalamhati ni Jesus?

5 Ano ang nadama ni Jesus nang mamatay ang kaniyang kaibigan? Sinasabi ng ulat na pinuntahan ni Jesus ang mga kamag-anak at kaibigan ni Lazaro na nagdadalamhati dahil sa kanilang kawalan. Pagkakita sa kanila, lubhang naantig si Jesus. Siya ay “dumaing sa espiritu at nabagabag.” Pagkatapos, sinabi ng ulat, “si Jesus ay lumuha.” (Juan 11:33, 35) Ang pagdadalamhati ba ni Jesus ay nangangahulugang nawalan na siya ng pag-asa? Hindi. Sa katunayan, alam ni Jesus na isang kamangha-manghang bagay ang malapit nang maganap. (Juan 11:3, 4) Gayunpaman, nadama niya ang kirot at lumbay na dulot ng kamatayan.

6 Sa isang paraan, ang pagdadalamhati ni Jesus ay nakapagpapatibay-loob sa atin. Itinuturo nito sa atin na kinapopootan ni Jesus at ng kaniyang Ama, si Jehova, ang kamatayan. Pero kayang labanan at daigin ng Diyos na Jehova ang kaaway na iyan! Tingnan natin kung anong kapangyarihan ang ipinagkaloob ng Diyos kay Jesus.

“LAZARO, LUMABAS KA!”

7, 8. Bakit waring wala nang pag-asa ang kalagayan ni Lazaro sa mga taong nagmamasid, ngunit ano ang ginawa ni Jesus?

7 Inilibing si Lazaro sa isang yungib, o kuweba, at hiniling ni Jesus na alisin ang bato na nakatakip sa pasukan nito. Tumutol si Marta dahil malamang na nagsisimula nang mabulok ang katawan ni Lazaro yamang apat na araw na ang nakalilipas. (Juan 11:39) Mula sa pangmalas ng tao, tila wala nang pag-asa.

Ang pagkabuhay-muli ni Lazaro ay nagdulot ng malaking kagalakan.​—Juan 11:38-44

8 Iginulong ang bato, at sumigaw si Jesus: “Lazaro, lumabas ka!” Ano ang nangyari? “Ang taong namatay ay lumabas.” (Juan 11:43, 44) Maguguniguni mo ba ang kagalakan ng mga taong naroroon? Si Lazaro man ay kanilang kapatid, kamag-anak, kaibigan, o kapitbahay, alam nilang patay na siya. Gayunman, heto siya​—ang mismong taong minamahal nila​—nakatayong muli kasama nila. Marahil ay napakahirap paniwalaan ito. Walang alinlangan na marami ang buong-kagalakang yumakap kay Lazaro. Kaylaking tagumpay laban sa kamatayan!

Binuhay-muli ni Elias ang anak ng isang balo.​—1 Hari 17:17-24

9, 10. (a) Paano isiniwalat ni Jesus ang Bukal ng kaniyang kapangyarihang bumuhay-muli kay Lazaro? (b) Ano ang ilan sa mga kapakinabangan ng pagbabasa sa mga ulat ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli?

9 Hindi inangkin ni Jesus na ginawa niya ang kagila-gilalas na himalang ito sa sarili lamang niyang kapangyarihan. Sa kaniyang panalangin bago tawagin si Lazaro, niliwanag niya na si Jehova ang Bukal ng kaniyang kapangyarihang bumuhay-muli. (Juan 11:41, 42) Hindi ito ang tanging pagkakataon na ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan sa ganitong paraan. Ang pagkabuhay-muli ni Lazaro ay isa lamang sa siyam na himala ng pagkabuhay-muli na nakaulat sa Salita ng Diyos. * Kasiya-siyang basahin at pag-aralan ang mga ulat na ito. Itinuturo sa atin ng mga ito na ang Diyos ay hindi nagtatangi, yamang kasama sa mga binuhay-muli ang mga bata at matanda, lalaki at babae, Israelita at di-Israelita. At kaylaking kagalakan ang inilalarawan sa mga talatang ito! Halimbawa, nang ibangon ni Jesus ang isang batang babae mula sa mga patay, ang kaniyang mga magulang ay “halos mawala . . .  sa kanilang sarili sa napakasidhing kagalakan.” (Marcos 5:42) Oo, binigyan sila ni Jehova ng dahilan para matamasa ang kagalakang hinding-hindi nila malilimutan.

Binuhay-muli ni apostol Pedro ang Kristiyanong babaing si Dorcas.—Gawa 9:36-42

10 Siyempre pa, namatay rin nang maglaon ang mga binuhay-muli ni Jesus. Nangangahulugan ba ito na walang saysay ang pagbuhay-muli sa kanila? Hinding-hindi. Pinatutunayan ng mga ulat na ito ng Bibliya ang mahalagang mga katotohanan at binibigyan tayo nito ng pag-asa.

MATUTO MULA SA MGA ULAT NG PAGKABUHAY-MULI

11. Paano nakatutulong ang ulat hinggil sa pagkabuhay-muli ni Lazaro upang patunayan ang katotohanang nakaulat sa Eclesiastes 9:5?

11 Itinuturo ng Bibliya na ang mga patay ay “walang anumang kabatiran.” Hindi sila buháy at wala na silang malay saanmang dako. Pinatutunayan ito ng ulat tungkol kay Lazaro. Nang mabuhay siyang muli, pinanabik ba ni Lazaro ang mga tao ng mga paglalarawan niya sa langit? O tinakot ba niya sila ng kakila-kilabot na mga kuwento tungkol sa nag-aapoy na impiyerno? Hindi. Ang Bibliya ay hindi naglalaman ng gayong mga pananalita mula kay Lazaro. Sa loob ng apat na araw na siya’y patay, ‘wala siyang anumang kabatiran.’ (Eclesiastes 9:5) Si Lazaro ay natulog lamang sa kamatayan.​—Juan 11:11.

12. Bakit tayo makatitiyak na talagang nangyari ang pagkabuhay-muli ni Lazaro?

12 Itinuturo rin sa atin ng ulat hinggil kay Lazaro na totoo ang pagkabuhay-muli at hindi gawa-gawa lamang. Ibinangon ni Jesus si Lazaro sa harap ng isang pulutong ng mga saksi. Hindi itinanggi maging ng relihiyosong mga lider, na napopoot kay Jesus, ang himalang ito. Sa halip, sinabi nila: “Ano ang ating gagawin, sapagkat ang taong ito [si Jesus] ay gumagawa ng maraming tanda?” (Juan 11:47) Maraming tao ang nagtungo roon upang makita ang binuhay-muling si Lazaro. Bilang resulta, mas marami pa ang nanampalataya kay Jesus. Nakita nila kay Lazaro ang buháy na patotoo na si Jesus ay isinugo ng Diyos. Napakatibay ng patotoong ito anupat ang ilan sa mga Judiong relihiyosong lider na matigas ang puso ay nagplanong patayin kapuwa si Jesus at si Lazaro.​—Juan 11:53; 12:9-11.

13. Ano ang saligan natin upang maniwala na talagang kayang buhaying muli ni Jehova ang mga patay?

13 Pagiging di-makatotohanan ba na tanggapin ang pagkabuhay-muli bilang isang tunay na pangyayari? Hindi, sapagkat itinuro ni Jesus na balang-araw, ang “lahat ng nasa mga alaalang libingan” ay bubuhaying muli. (Juan 5:28) Si Jehova ang Maylalang ng lahat ng buhay. Mahirap bang paniwalaan na kaya niyang lalanging muli ang buhay? Siyempre pa, malaki ang papel na ginagampanan ng memorya ni Jehova. Matatandaan kaya niya ang namatay nating mga mahal sa buhay? Di-mabilang na trilyun-trilyong bituin ang makikita sa uniberso, gayunma’y binigyan ng Diyos ng pangalan ang bawat isa! (Isaias 40:26) Kung gayon, kayang tandaan ng Diyos na Jehova ang bawat detalye hinggil sa ating namatay na mga mahal sa buhay, at handa siyang buhayin silang muli.

14, 15. Gaya ng inilalarawan ng sinabi ni Job, ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa pagbuhay-muli sa mga patay?

14 Gayunman, ano naman kaya ang nadarama ni Jehova hinggil sa pagbuhay-muli sa mga patay? Itinuturo ng Bibliya na nasasabik siyang buhaying muli ang mga patay. Nagtanong ang tapat na lalaking si Job: “Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?” Tinutukoy ni Job ang paghihintay sa libingan hanggang sa dumating ang panahon para alalahanin siya ng Diyos. Sinabi niya kay Jehova: “Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.”​—Job 14:13-15.

15 Isip-isipin na lamang! Minimithi talaga ni Jehova na buhaying muli ang mga patay. Hindi ba nakaaantig-damdaming malaman na ganiyan ang nadarama ni Jehova? Pero kumusta naman ang pagkabuhay-muli sa hinaharap? Sinu-sino ba ang bubuhaying muli, at saan?

“LAHAT NG NASA MGA ALAALANG LIBINGAN”

16. Bubuhaying muli ang mga patay upang mabuhay sa anong mga kalagayan?

16 Maraming itinuturo sa atin ang mga ulat ng Bibliya sa pagkabuhay-muli tungkol sa magaganap na pagkabuhay-muli sa hinaharap. Muling nakapiling ng mga taong binuhay-muli rito mismo sa lupa ang kanilang mga mahal sa buhay. Ganiyan din ang mangyayari sa pagkabuhay-muli sa hinaharap​—subalit magiging mas mainam pa. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 3, layunin ng Diyos na maging isang paraiso ang buong lupa. Kaya ang mga patay ay hindi bubuhaying-muli sa isang daigdig na lipos ng digmaan, krimen, at sakit. Magkakaroon sila ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupang ito sa mapayapa at maligayang kalagayan.

17. Gaano karami ang bubuhaying muli?

17 Sinu-sino ang bubuhaying muli? Sinabi ni Jesus na “lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig [ni Jesus] at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Gayundin, sinasabi ng Apocalipsis 20:13: “Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila.” Ang “Hades” ay tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Tingnan ang Apendise, sa artikulong “Ano ba ang Sheol at Hades?”) Mawawalan ng laman ang pangkalahatang libingang ito. Lahat ng bilyun-bilyong patay na namamahinga roon ay mabubuhay-muli. Ganito ang sabi ni apostol Pablo: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ano ang kahulugan nito?

Sa Paraiso, babangon ang mga patay at muling makakapiling ng kanilang mga mahal sa buhay

18. Sinu-sino ang kabilang sa “mga matuwid” na bubuhaying muli, at paano ka maaaring personal na maapektuhan ng pag-asang ito?

18 Kabilang sa “mga matuwid” ang marami sa mga tao na nababasa natin sa Bibliya na nabuhay bago pumarito sa lupa si Jesus. Baka maisip mo sina Noe, Abraham, Sara, Moises, Ruth, Esther, at maraming iba pa. Ang ilan sa mga lalaki at babaing ito na may pananampalataya sa Diyos ay tinatalakay sa ika-11 kabanata ng Mga Hebreo. Ngunit kabilang din sa “mga matuwid” ang mga lingkod ni Jehova na namatay sa ating panahon. Dahil sa pag-asa na pagkabuhay-muli, maaari tayong mapalaya mula sa anumang takot na mamatay.​—Hebreo 2:15.

19. Sino ang “mga di-matuwid,” at anong pagkakataon ang may-kabaitang ibinibigay ni Jehova sa kanila?

19 Kumusta naman ang lahat ng mga taong hindi naglingkod o sumunod kay Jehova dahil hindi naman nila siya nakilala? Ang bilyun-bilyong ito na “mga di-matuwid” ay hindi malilimutan. Sila rin ay bubuhaying muli at bibigyan ng panahon para matuto tungkol sa tunay na Diyos at maglingkod sa kaniya. Sa loob ng sanlibong taon, bubuhaying muli ang mga patay at bibigyan ng pagkakataong makasama ng tapat na mga tao sa lupa sa paglilingkod kay Jehova. Magiging isang kapana-panabik na panahon ito. Ang yugtong ito ang tinatawag sa Bibliya na Araw ng Paghuhukom. *

20. Ano ang Gehenna, at sino ang nagtutungo roon?

20 Nangangahulugan ba ito na bubuhaying muli ang bawat taong nabuhay noon? Hindi. Sinasabi ng Bibliya na ang ilan sa mga namatay ay nasa “Gehenna.” (Lucas 12:5) Nakuha ang pangalang Gehenna mula sa isang tapunan ng basura na matatagpuan sa labas ng sinaunang Jerusalem. Doon sinusunog ang mga bangkay at mga basura. Ang mga bangkay na itinatapon doon ay itinuturing ng mga Judio na hindi karapat-dapat sa paglilibing o sa pagkabuhay-muli. Kaya ang Gehenna ay isang angkop na simbolo ng walang-hanggang pagkapuksa. Bagaman magkakaroon ng papel si Jesus sa paghuhukom sa mga buháy at sa mga patay, si Jehova ang pangwakas na Hukom. (Gawa 10:42) Hinding-hindi niya bubuhaying muli yaong mga hinatulan na niya bilang napakasama at ayaw magbago.

ANG MAKALANGIT NA PAGKABUHAY-MULI

21, 22. (a) Ano ang isa pang uri ng pagkabuhay-muli? (b) Sino ang kauna-unahang pinagkalooban ng pagkabuhay-muli tungo sa espiritung buhay?

21 Tinutukoy rin ng Bibliya ang isa pang uri ng pagkabuhay-muli, isa na tungo sa buhay bilang espiritung nilalang sa langit. Iisang halimbawa lamang ng ganitong uri ng pagkabuhay-muli ang nakaulat sa Bibliya, yaong kay Jesu-Kristo.

22 Pagkamatay ni Jesus bilang tao, hindi pinahintulutan ni Jehova na manatili ang Kaniyang tapat na Anak sa libingan. (Awit 16:10; Gawa 13:34, 35) Binuhay-muli ng Diyos si Jesus, ngunit hindi bilang tao. Ipinaliwanag ni apostol Pedro na si Kristo ay “pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.” (1 Pedro 3:18) Talagang isang pambihirang himala ito. Muling nabuhay si Jesus bilang isang makapangyarihang espiritung persona! (1 Corinto 15:3-6) Si Jesus ang kauna-unahang pinagkalooban ng ganitong maluwalhating uri ng pagkabuhay-muli. (Juan 3:13) Ngunit hindi siya ang huli.

23, 24. Sinu-sino ang bumubuo sa “munting kawan” ni Jesus, at ilan sila?

23 Sa pagkaalam na malapit na siyang bumalik sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga tagasunod na ‘maghahanda siya ng dako’ sa langit para sa kanila. (Juan 14:2) Tinukoy ni Jesus yaong mga magtutungo sa langit bilang kaniyang “munting kawan.” (Lucas 12:32) Ilan ang mapapabilang sa maituturing na maliit na grupong ito ng tapat na mga Kristiyano? Ayon sa Apocalipsis 14:1, ganito ang sabi ni apostol Juan: “Nakita ko, at, narito! ang Kordero [si Jesu-Kristo] na nakatayo sa Bundok Sion, at ang kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo.”

24 Ang 144,000 Kristiyanong ito, kabilang na ang tapat na mga apostol ni Jesus, ay bubuhaying muli tungo sa langit. Kailan magaganap ang kanilang pagkabuhay-muli? Isinulat ni apostol Pablo na ito ay magaganap sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. (1 Corinto 15:23) Gaya ng matututuhan mo sa Kabanata 9, nabubuhay na tayo ngayon sa panahong iyan. Kaya ang iilang nalalabi pa ng 144,000 na mamamatay sa ating panahon ay kaagad-agad na bubuhaying muli tungo sa langit. (1 Corinto 15:51-55) Gayunman, ang karamihan sa sangkatauhan ay may pag-asang buhaying muli sa hinaharap sa Paraisong lupa.

25. Ano ang isasaalang-alang sa susunod na kabanata?

25 Oo, talagang tatalunin ni Jehova ang ating kaaway na kamatayan, at maglalaho na ito magpakailanman! (Isaias 25:8) Gayunman, maaaring maisip mo, ‘Ano ang gagawin sa langit ng mga bubuhaying muli roon?’ Magiging bahagi sila ng isang kamangha-manghang pamahalaan ng Kaharian sa langit. Mas marami pa tayong malalaman tungkol sa pamahalaang iyan sa susunod na kabanata.

^ par. 19 Para sa higit na impormasyon tungkol sa Araw ng Paghuhukom at sa saligan ng paghuhukom, pakisuyong tingnan ang Apendise, sa artikulong “Araw ng Paghuhukom—Ano Ito?